Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 19: Tunay na Pagkatao ng Mysterious Caller

Kabanata 19: Tunay na Pagkatao ng Mysterious Caller

MASAYANG bumati si Agustus sa camera. Kasama niyang naglalakad-lakad ang reporter sa gitna ng mga man-made attractions sa paligid na isa rin sa ipinagmamalaki ng naturang campus.

"You know, this place is very special for me. Noong bata pa lang kasi ako, dito ko talaga pangarap na makapasok. Pero dahil hindi pa kami ganoon kayaman that time, hindi namin afford ang tuition sa school na ito. Kaya napilitan na lang akong mag-enroll sa mumurahing college noon sa amin sa Mindanao. Sayang nga lang at kung kailan matanda na ako, saka pa ako nakapasok dito," kuwento niya sa reporter nang maitanong nito ang tungkol sa friendship nila ng anak ng may-ari ng unibersidad na ito.

"So, Mr. Agustus, bakit pala nandito kayo ngayon sa New Southern University? Hindi ba't kayo na po ang Mayor ng Magnum City? Buti at napasyal po kayo rito?" masayang tanong sa kanya ng reporter.

"Well, ang totoo n'yan naimbitahan lang ako ni Mr. Perez dito. You know, Mr. Perez and I were friends for a long time. Siya mismo ang nakiusap sa akin na gusto raw niya akong maging part ng medical missions nila rito. That's why I'm here! Kahit naman Mayor ako ng Magnum City, asahan n'yong mararamdaman n'yo pa rin ang serbisyo ko sa iba't ibang panig ng bansa. I love serving not only my hometown, but also my whole country!" sagot niya na animo'y nangangampanya na sa pagkapangulo.

"That's great to hear, Sir! Balita ko nga rin po, kayo rin ang big sponsor ng event na ito."

Napalakas ang tawa niya. "Aba'y siyempre naman! Gustong-gusto ko rin kasi talagang makatulong sa mga future doctors natin dito. Itong NSU ang talagang nagbibigay sa bansa natin ng pinakamagagaling na duktor sa kasaysayan. Kaya kahit hindi ako nanggaling dito, I am very proud of them!"

Sa di kalayuan, lihim na nakamasid si Kael sa matandang kinasusuklaman niya. Natigilan lang siya nang biglang marinig ang boses ni Stephany na tumawag sa kanya.

Agad siyang napalingon dito. "Uy, Steph! Saan ka galing?"

"Kakapasok ko lang. May subject ako ngayon kay Ma'am Bustos. How about you? Akala ko mamayang hapon pa ang class mo?"

"Ah, m-may inasikaso lang kasi ako sa registrar kanina. Pero pauwi na rin ako!"

"Ah, okay! But, may gagawin ka ba ngayon? Puwede bang hintayin mo na lang ako matapos? Gusto sana kita yayaing lumabas, eh."

Biglang nawala ang titig niya rito. "Ah, s-saan naman tayo pupunta?"

"May pupuntahan kasi ako sa Saint Luiz. Magpapasama lang ako. Okay lang ba?"

"Ah, s-sige ba. Okay lang."

Halos maglulundag sa tuwa ang babae. "Thank you, Kael!"

Nagulat pa siya nang bigla itong humawak sa kamay niya. Wala na tuloy siyang nagawa kundi sumunod dito. Napansin din niya ang pagtingin ng ilang mga estudyante sa kanila. Hindi niya alam kung bakit tila may kakaiba sa titig ng mga ito habang pinagmamasdan silang dalawa.

"Ah, Steph, m-may itatanong sana ako," mayamaya'y asik niya.

Huminto sa paglalakad ang babae. "What is it, Kael?"

"Meron ka bang pulbo d'yan?"

Nangunot ang noo ng babae. "Pulbo? As in baby powder?"

"Oo!"

"Ah, meron. Bakit?"

"P-puwede bang makahiram?"

"Huh? Bakit, saan mo gagamitin? Why do you need powder, Kael? Ang guwapo mo na, oh! Saka mas bagay sa 'yo 'yang moreno mong skin! Mas hot ka d'yan, promise!"

Napakamot na lang siya ng ulo. "Ah, k-kase may paggagamitan lang sana ako. P-pero..."

"Okay, sure!" Dinukot agad ng babae sa bag ang baby powder nito saka mabilis na ibinigay sa kanya. "O, paano, aakyat na ako. Kita kits na lang mamaya!"

"Ah, s-sige. Salamat, ah?" Saka niya itinago sa kanyang bag ang hiniram na pulbos.

"Wait, ano nga pala ang Facebook mo?"

"Facebook? W-wala akong Facebook, eh."

Bahagyang nagulat ang babae. "Huh? Why naman? 'Di ba nakapag-aral ka naman sa Canada? For sure may alam ka na rin sa mga social media."

"Oo naman. Alam ko na rin iyon. Kaso hindi naman ako mahilig sa ganoon, eh. Puro aral, trabaho at workout lang inaatupag ko kahit sa Canada."

Biglang umasim sa tuwa ang mukha ng babae. "Aww, that's so good to hear!"

Nagtaka siya. "A-ano?"

"Ah, what I mean is... 'yung number mo na lang kung wala ka pang Facebook!"

"Ah, s-sige. Eto..." Dinukot niya ang cellphone sa bulsa at pinakita rito ang number niyang naka-save sa contacts.

Tuwang-tuwa naman ang babae nang mai-save na iyon sa phonebook nito. "Thank you, Kael! Gusto mo igawa kita ng Facebook mamaya? Alam mo sa guwapo mong 'yan, malaki ang potential mong sumikat kapag may mga social media ka!"

Napakamot uli siya ng ulo at natawa. "Ah, h-hindi kasi ako mahilig talaga sa ganyan, eh. Pasensiya na."

"No! Kailangan mo rin kasi iyon dahil kapag nagtagal, siguradong gagawa rin ng GC 'yung mga prof n'yo para doon ilalagay 'yung mga announcements or something."

"GC?"

"Yes. Group Chat! Kakailanganin mo rin iyon dito lalo na kapag nagpagawa na ng ganoon ang mga prof mo."

"Ah, s-sige. Mamaya na lang siguro. Aalis na rin ako, eh."

"Okay, thank you again! Ingat, Kael!" Hinaplos pa ng babae ang braso niya bago ito umakyat sa room nito.

Paglingon niya sa gawing kaliwa, nakakita naman siya ng dalawang lalaki na malalim ang pagkakatitig sa kanya. May kaunting ngiti pa sa labi ng mga ito, na para bang lihim siyang tinatawanan.

Matapos siyang titigan ng mga ito, lumipat naman ang mga mata nila kay Stephany na kasalukuyang umaakyat sa hagdan. Pagkatapos ay umalis din agad ang dalawa na parang walang nangyari.

Nagtaka tuloy siya kung para saan ang mga titig na iyon.

HINDI na alam ni Kael kung saan siya nakarating. Lihim kasi siyang sumunod sa biyahe ng kanyang campus papunta sa isang lugar kung saan gaganapin ang medical mission ng mga ito. Kasama roon ang mga medical students nila, ang may-ari ng campus na si Mr. Perez Jr., pati na rin ang big sponsor ng programa na si Agustus.

Pagkatapos magsalita ng matanda sa harap, hinintay lang niya itong bumaba sa munting entablado saka siya nagtungo sa isang puwesto na sakop ng paningin nito.

Habang nililibot ni Agustus ang paningin sa magagandang tanawin sa paligid, umagaw sa pansin niya ang isang lalaking nakaputing damit at puting-puti rin ang mukha. Unti-unting gumuhit ang pagkasindak sa kanyang anyo nang makilala kung sino iyon.

"M-Makisig?"

Biglang itinaas ng lalaki ang kabilang kamay nito. Nagbukas-sarado ang palad nito. At sa muli nitong pagbuka, nakita niya kung paano magliyab ang hinlalatong daliri nito. Di kalaunan ay isinara ng lalaki ang lahat ng mga daliri maliban sa hinlalato nitong nagliliyab. Hanggang sa maging hugis middle finger iyon na sinadyang ipatama sa kanya.

Halos lumuwa ang dalawang mata ni Agustus sa gulat. Napatayo siya ng hindi oras para lapitan ang misteryosong lalaki. Ngunit sa dami ng mga nagsiksikang tao sa programa ay agad itong nawala sa paningin niya. At nang makalapit siya sa lugar na kinatatayuan nito kanina, hindi na nga niya ito nakita. Naglaho na lang na parang bula.

Nangilabot nang husto si Agustus. Napayakap siya sa sarili saka muling inilibot ang paningin sa paligid.

AGAD lumabas ng venue si Kael. Doon na siya dumaan sa exit na nasa likuran. Saka siya muling sumakay ng UV Express pabalik ng campus nila. Agad din niyang tinanggal sa hinlalatong daliri ang artificial finger na isinuot niya kanina. Isang uri ng protection iyon sa mga daliri na kahit silaban ng apoy ay hindi masusunog.

Dahil hindi na siya makapaghintay na sindakin si Agustus, ito ang naisip niyang gimik kagabi para paglaruan ang matanda. Umpisa pa lang ito ng pagpaparamdam niya. Nais niyang iparamdam sa matanda na hindi ito tatantanan ng nakaraan na pilit nitong ibinabaon.

"HEY, Dad! How are you?" bati ni Dominick saka kumaway sa camera. Kausap ni Agustus ang anak sa laptop.

"Ito, nagpapahinga. Successful ang medical mission namin kanina. And as expected, nakuha ko na naman ang simpatya ng mga tao. Ang daming pumuri sa akin dahil kahit Mayor daw ako ng Magnum City, hindi ko pa rin daw kinakalimutang tumulong sa iba pang mga lugar. Kita mo 'yon? Mas dumadami na ang mga papuri ko ngayon kaysa sa presidente natin!"

Natawa naman ang anak sa sinabi niya. "Hay nako, Dad. Bakit ba kasi kinakalaban mo ang kasikatan ng president natin? I thought you were friends?"

"Friends? I don't think so! Nakakaamoy na ako sa Benjamin na 'yan, eh. Feeling ko may gagawin iyang hindi ko magugustuhan. Kaya hindi ko na siya kino-consider as friend! Paano ba naman, ayaw niyang pigilan ang pagpasok ng ICC dito! Mukhang nagpapasikat siya ngayon sa mga opposition na dating kumakalaban sa pamilya niya. Basta! Hindi ko na gusto ang nangyayari sa friendship namin ngayon kaya ayoko nang umasa na may maganda pa siyang maidudulot sa akin!"

"Well, kung sakaling traydurin ka nga ni President Benjamin, what will you do to that?"

"I still have someone on my back na nasa Malacanang. At least sa kanya, sigurado akong malaki ang maitutulong niya sa akin! And one more thing, mas loyal siya sa akin!"

"Then who's that fucker?"

"Sino pa ba? Our beloved VP Daniella Corpuz! She's a Valentino Loyalist, remember? Mas matagal pa siyang naging loyalista ko kaysa kay President Benjamin. Kung may isang tao man na nakasisigurado akong hindi ako tatraydurin, siya na iyon!"

"Well, good for you! At least hindi ka nawawalan ng kakampi."

"Pero, Son, I have something to tell you pala!"

"What is it, Dad?"

Inilapit niya ang mukha sa camera ng laptop. "Hindi ko alam pero...p-parang nakita ko si Makisig kanina!"

Nag-iba ang timpla ng mukha ni Dominick. "Huh? M-Makisig? W-what do you mean?"

"Parang nakita ko siya kanina sa medical mission namin! I swear kamukhang-kamukha nga niya 'yong nakita ko!"

"Dad, that's impossible. Patay na si Makisig. Pinatay ko na siya at lahat ng katribo niya. Remember?"

"Yes, I know! Pero sigurado talaga ako sa nakita ko, eh! Alam kong siya talaga 'yon!"

"E, baka naman kamukha lang niya?"

"Hindi, eh. Sa tingin ko, minumulto na niya ako!"

"What?!" Dismayado ang buong anyo ni Dominick.

"Noong makita ko kasi siya, sobrang puti ng mukha niya, eh. Tapos nakaputi rin siya ng damit! I swear, multo niya ang nakita ko kanina! Hindi ako puwedeng magkamali!"

"Dad, siguradong hindi siya iyon. Hindi naman siya maputi, eh! Walang maputi sa mga Katawi!"

"Alam ko! Kaya nga multo ang sinabi ko 'di ba? Nagmumulto na siya sa akin, Dom!"

"Dad, please! Ghosts aren't real! We're too wealthy and powerful to believe in such things! Masyado ka lang sigurong stress kaya kung anu-ano ang nakikita mo."

Napalunok ng laway si Agustus. "S-siguro nga. Hindi kasi ako nauubusan ng trabaho sa opisina, eh."

"Kaya nga dapat magpahinga ka rin! Huwag ka masyado masipag! Bigyan mo rin ng time ang sarili mo."

"Naku, hindi ko pa 'yan kaya sa ngayon. Bukas na bukas nga, babalik na kami sa Magnum City. Tambak pa nga 'yung mga trabahong naiwan ko roon, eh. Hindi ko lang talaga kayang tumanggi kay Mr. Perez kaya napaluwas ako rito nang hindi oras."

"Please make time for yourself. Huwag puro trabaho lang!"

"Alright! Thank you, Son! Ikaw rin. Magpahinga ka rin minsan. Kumusta na nga pala ang laban mo d'yan?"

"Well, katatapos lang ng laban ko kanina sa UFC. Guess what? I'm the winner!"

"Aba'y dapat lang! You are the greatest of all time. No one is stronger than you!"

"Nag-offer nga sila sa akin ng title shot para labanan 'yung current champion nila. Pero tinanggihan ko. Masyado na kasing basic para sa akin ang UFC. Too much health protocols! Hindi ko mapapahirapan ang mga kalaban ko sa ganoong set up! That's why I decided na mag-stick na lang sa mga annihilation tournament. Hindi na ako sanay sa mga basic na labanan lang. I want all my opponents dead!"

"It's up to you! Basta mag-ingat ka na lang sa ginagawa mo, ah. Huwag mo masyadong sasagarin ang katawan mo sa mga death match na 'yan at baka maaga kang malumpo. Tutupad ka pa sa pangako mo sa akin na pagdating mo sa mid-50s, politics naman ang susunod mong papasukin."

"Don't worry about my body! Hinding-hindi ako malulumpo hangga't nasa kamay ko ito." Saka nito inilabas ang Devil Drug. "With the help of this thing, I am indestructible, Dad! No one in this lifetime will be able to defeat me! At lalong walang makakapagpalumpo sa akin. Sa ngalan ng Devil Drug! Amen!" Sabay halakhak ng binata.

GABI na nakauwi si Kael. Hindi niya akalaing ganoon kalayo ang pinuntahan nila ni Stephany. Kung alam lang niya, hindi na lang sana siya pumayag na sumama. Pero nakakahiya namang tanggihan ang babae lalo't ang bait nito sa kanya.

Sinarado na niya ang pinto at mga bintana. Saka niya binuksan ang kanyang aparador. Inusog niya sa magkabilang gilid ang mga nakasampay na damit. Bumungad ang likod ng aparador na kung titingnan sa una ay wala namang kahina-hinala. Ngunit nang itulak niya iyon, bigla itong nagbukas hanggang sa lumantad ang isa pang silid na nakakubli sa likod ng aparador na iyon.

Pinasok niya ang nakatagong silid na pinangalanan niyang Forbidden Room. Tanging mga kandila lang ang nagbibigay ng liwanag doon. Ang buong paligid naman ay nababalutan ng mga nakadikit na litrato nina Dominick, Agustus, Kapitan Berdugo, at iba pang mga kilalang tao na kapanalig ng lalaki.

May mga lamesa at aparador din sa magkabilang gilid na naglalaman ng mga dokumento at mga bagay na magpapatunay sa lahat ng itinatagong baho ng mga Valentino. Sa madaling salita, iyon mismo ang mga ebidensya na kanyang nakalap at inipon sa loob ng dalawang taon. Tanging siya, si Mayor Lena, at isang taong mapagkakatiwalaan lang niya ang nakakaalam sa Forbidden Room na iyon.

Sa bandang dulo naman ay may altar kung saan naka-display ang mga lapidang may pangalan ng mag-amang Valentino, ang dalawang mastermind sa pagsunog sa kanilang baryo. Marami na siyang alam sa mga baho ng dalawang ito. At lahat ng iyon ay dito nakatago sa forbidden room.

Kapag dumating ang araw na kanyang hinihintay, lahat ng mga bahong nakatago rito ay ilalabas niya na parang virus, na puwedeng makapatay kina Dominick. Hindi literal na pagpatay. Kundi pagpatay sa lahat ng kanilang mga pangarap at karera!

Sinindihan niya ang isang kandila na malapit sa lapida ni Agustus. "The Revenge Tour is coming to town! Ang grand opening mo, gagawin kong grand closing! Tingnan natin ang mangyayari sa 'yo kapag gumuho sa harapan mo ang Valentino Land, Agustus! Gaya ng pinangako ko, mundo n'yo naman ang wawasakin ko!" aniya saka muling inilabas ang malademonyo niyang ngiti.

NALIPAT sa umaga ang schedule ng isang subject ni Kael sa araw na iyon kaya napilitan siyang pumasok nang maaga. Kasama uli niya si Stephany at ang grupo nina Medwin habang naghihintay sa prof nila. Masaya silang nagkukulitan nang tumunog ang cellphone niya.

Akala niya, si Senator Lena lang ang tumatawag. Ngunit isa na naman itong unknown number. Alam na niya kung sino ito kaya saglit siyang nagpaalam sa mga kasama at sinagot ang tawag sa labas ng classroom.

"Hello?"

"Natatandaan mo pa ba ako, Makisig?"

"Oo. Ikaw 'yung taong ayaw magpakilala sa akin. Tama ako 'di ba?"

Tumawa ang nasa kabilang linya. "Mabuti naman kung ganoon."

"Ano na naman ang ibabalita mo sa akin ngayon?"

"Wala naman. May gusto lang sana akong sabihin sa iyo."

"Alam mo, kapag hindi ka pa nagpakilala, hindi ko na sasagutin ang mga tawag mo kahit kailan. Wala akong pakialam kahit nais mo pang tumulong. Ayokong makipagsabwatan sa taong hindi kayang ipakita ang kanyang mukha."

"Masyado ka namang mainipin. Kaya nga ako tumawag sa 'yo para magpakilala, eh. Huwag kang mag-alala. Makikilala mo na ako. Bukas ng alas nuebe, magkita tayo sa Randolf Gym. Malapit lang iyon sa inyo, hindi ba?"

"Hindi ako puwede bukas. May pasok ako sa oras na iyan."

"Kung ganoon, sa Sabado na lang siguro. Iyon na lang uli ang araw na puwede ako."

"Paano naman ako nakakasiguro na hindi ito patibong ng mga kalaban?"

"Sa tagal ko nang tumatawag sa 'yo, ni minsan ba may nangyaring masama sa 'yo? Nilaglag ba kita? Kung gusto mong madagdagan ang mga kakampi mo, kakailanganin mo ako. Hindi biro ang mga taong babanggain mo. Kung inaakala mong sina Dominick at Agustus lang ang makakalaban mo, nagkakamali ka. Kung gusto mo silang pantayan o lampasan, kailangan mo rin ng maraming koneksyon."

"Sige na. Sa Sabado. Siguraduhin mong magpapakita ka talaga."

"Sige. Alas-nuebe. Aasahan kita. Makisig."

Sa pagkakataong iyon ay siya na ang nagbaba ng tawag. Napabuntong-hininga siya bago binalikan ang mga kasama.

PAGKATAPOS nilang magkasundo sa detalye, kusa na nitong pinatay ang tawag. Tinanggal na ni Damulag ang kanyang voice changing device at inilapag sa mesa. Saka siya humarap sa kasamang lalaki na nakaupo sa madilim na bahagi ng silid.

"Nasabi ko na sa kanya ang oras at araw ng pagkikita n'yo. Sigurado ka bang handa ka nang gawin ito?" tanong ni Damulag dito.

Sa pagkakataong iyon, tumayo ang misteryosong lalaki at lumapit sa kanya. Pagtama ng liwanag ng lampshade sa mukha nito, tumambad ang seryosong kaanyuan ni Andres Po Jr.

"Buo na ang desisyon ko. Magpapakilala na ako sa kanya. This is the perfect time to do it."

Si Damulag naman ang lumapit sa sofa at naupo. "Kailangan pa ba kitang samahan, Master?"

"Hindi na muna siguro, anak. Sapat na ang tulong na ginawa mo sa akin. Maraming salamat, Damulag. This time, ako na ang haharap at kakausap sa kanya, gamit ang sarili kong boses."

Napabuntong-hininga muli si Damulag saka isinandal ang ulo sa sofa. "Hay, buti naman! Nakakapagod magpanggap sa telepono, ah!"

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro