Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 17: Muling Pagbangon ni Agustus

Kabanata 17: Muling Pagbangon ni Agustus

DINAGSA ng mga tao ang unang araw ng kampanya ni Agustus sa Magnum City. Napuno niya ang buong Plaza nang gabing iyon. At ayon pa sa kanyang team, nasa mahigit sampung libo raw ang kanilang estimated crowd. Wala pang nakagawa ng ganoon sa lahat ng mga tumakbong Mayor doon.

"Something big is coming in this town! Magugulat kayo. Ang dating Magnum City na dinadaanan lang ng mga turistang nagpupunta sa mga tourist spots sa mga karatig na lugar, ay magiging tourist destination na rin ngayon! I will change the landscape of this city. Ibang klaseng pagbabago ang aking itatatag sa lugar na ito. Isang bagay na hindi pa nagawa ng kahit na sino noon! Ladies and gentlemen, I would like to present the new Magnum City!"

Itinuro ni Agustus ang mga palad sa napakalaking screen na nasa kanyang likuran. Ipinalabas doon ang pinagawa niyang presentation para sa Valentino Land. Ipinaliwanag sa presentation na iyon kung ano nga ba ang mayroon dito at kung ano ang magiging hitsura nito kapag naitayo na.

Labis na namangha ang mga tao sa kanilang napanood. Lubha kasing napakalaki ng Valentino Land. Ito ang nagsisilbing Filipino version ng Disney World. Sa sobrang laki nito, halos sasakupin nito ang buong kalupaan ng Magnum City.

Hindi napigilang pumalakpak ng lahat. Pare-pareho silang binalot ng labis na pagkasabik dahil sa napakalaking proyekto na siguradong babago at mag-aangat sa kanilang lugar. Hindi biro ang nais gawin ng administrasyong ito. Matagal na rin itong pinapangarap ng mga taga-Magnum City.

Kung dati kasi, dinadaanan lang sila ng mga turista dahil ang mga tourist destinations ay nasa mga karatig na lugar pa nila. Pero ngayon, sa wakas ay magkakaroon na rin sila ng sariling tourist destionations, at higit na malaki ito kumpara sa mga kapitbahay nila.

"Mga kababayan! Sana'y napasaya ko kayo sa napanood n'yo!" pasigaw na bati ni Agustus nang magtapos ang presentation. Isang magarbong sigawan at palakpakan naman ang kanyang natanggap na lalo niyang ikinatuwa.

"Pero bago ang lahat, nais ko lang ipahatid ang aking pagdadalamhati sa nangyari sa mga kapatid nating Katawi. Hindi biro ang nangyari sa kanila, lalo na sa kanilang tahanan. Oras na ako ang maupo sa puwesto, hindi ko hahayaang nakatiwangwang lang ang nawasak nilang tahanan. Muli ko itong bubuuin at bibigyan ng panibagong mukha sa pamamagitan ng Valentino Land. The first part of this project will be built on the land of Baryo Kukatawi. Habang ang remaining parts naman ay unti-unti nating ipapatayo sa iba pang lugar ng Magnum City hanggang sa masakop na nito ang buong bayan! Hindi ba't napakaganda niyon? Hindi lang tayo magkakaroon ng sarili nating tourist destinations. Because this whole city will be the tourist destination itself! Bukod sa gaganda ang ating bayan, mas marami rin ang mabibigyan ng trabaho at negosyo! Mas magiging triple pa ang ating pag-unlad! Kaya sana, samahan n'yo ako sa napakalaking misyon na ito. Tayong lahat, sama-sama nating bubuhatin ang Magnum City at ipagmamalaki hindi lang dito sa Pilipinas, kundi pati na rin sa labas ng bansa! Tayo ang magiging sentro ng kagandahan sa bansang ito!"

Mas lalong nagkagulo sa tuwa ang mga tao. Doon pa lang, ramdam na ni Agustus na nakuha na niya ang posisyon. Nakuha na niya ang puso ng taong bayan. Wala nang makapipigil pa sa lahat ng plano niya.

Sa Valentino Land magsisimula ang lahat. Ito ang proyektong hindi lang magbubuhat sa kanilang bayan, kundi ang magdadala rin sa kanya sa pinakamalaking posisyon sa bansa pagdating ng itinakdang panahon.

Mas lalong natuwa si Agustus nang kusang isigaw ng mga tao ang kanyang pangalan. Pinaakyat na rin niya sina Dominick at Nasser sa stage para makisabay sa kanyang kasiyahan.

Si Agustus ay parang bumalik sa pagkabata matapos sabayan sa pagsayaw ang mga hip-hop dancers nito. Si Nasser naman ay may sariling step. Habang si Dominick ay pumapalakpak na lang sa likod at pilit iniiwasan ng tingin ang dalawa.

"This is so awkward. I don't want to be part of this," reklamo ni Dominick sa ama habang nakangiti para hindi mahalata ng mga tao na ayaw nito ang ginagawa.

"Manahimik na lang d'yan at sumayaw! Minsan lang 'to pagbigyan mo na!" asik naman sa kanya ni Agustus habang patuloy sa pagsayaw.

"Hopefully hindi natin ito kailangang ulitin tuwing may kampanya ka!"

"Will you just shut up!" Saglit na sumulyap ang matanda sa anak. "Teka, asan na ba si Coach Andres mo?"

"Well, he is not here. May business daw siyang aasikasuhin."

"Business? Sa ganitong oras? Saan ba kasi nagpupupunta 'yang matandang 'yan? Nakakahalata na ako d'yan, ah! Lagi na lang wala sa mahahalagang araw ng buhay ko!"

"Same with me, Dad. Hindi na rin siya gaanong sumasama sa mga laban ko ngayon. Lagi na rin siyang absent sa mga training sessions namin. Si Pareng Damulag na lang lagi kong nakakasama."

"Makita ko lang 'yang matandang 'yan at malilintikan talaga sa akin!" sabi pa ni Agustus habang nakangiti at sumasayaw pa rin!

Nagpatuloy ang kasiyahan. Walang nakapigil sa muling pag-usbong ng pangalan ni Agustus. Dito magsisimula ang muli niyang pagbangon.

"DAD, I have good news for you!" bati ni Dominick sa kanyang ama pagkapasok niya sa loob ng bathroom.

May yosi pa sa bibig ang matanda habang nagbabanlaw sa maligamgam na tubig ng bathtub na punong-puno ng bula at bulaklak.

"What is it, Son?"

"I just sold the MFC Belt. Hulaan mo kung magkano?"

"Well, magkano naman?"

"One hundred fifty million!"

Napamulagat si Agustus sa narinig. "Wow! Really? Hindi ko alam na ganoon pala kataas ang value ng belt na 'yan!"

"Oh, yeah! Thanks to Makisig's name. Since he is the former holder of this belt, nakatulong ang pangalan niya para mapataas ko ang value ng belt na ito. Siyempre, gaya ng promise ko sa 'yo, I will be donating this money to the Valentino Land Project!"

"Oh, wow! Thank you, Son! Sobra mo naman akong pinasaya ngayong araw na ito. Sulit lahat ng pagod natin sa kampanya kagabi."

"I'm happy for you. I also enjoyed the night. Looks like everything is going according to our plan now. Hopefully, masimulan na ang pag-build sa Valentino Land. I can't wait to see it!"

"Son, mahaba-habang panahon ang hihintayin natin d'yan. That's why this campaign is very crucial for us. Dito nakasalalay kung hanggang ilang termino ang makukuha natin."

"I know you can do it! Ikaw pa? E, mas lalo ka pa ngang lumakas sa mga tao ngayon. Gamitin mo iyon para makuha ang tiwala nila hanggang sa matapos ang Valentino Land. Once we succeed, it will be easier for you to become the next president of this fucking country!"

"Yeah! I like that! Ito nga talaga ang gusto kong mangyari. Gusto ko, maging prestigious na ang pangalan ko ngayon pa lang kahit hindi pa ako presidente. Isang malaking sampal ito sa lahat ng mga humihila sa akin pababa. How will they feel if the Magnum City Mayor like me becomes more powerful than the President of the Philippines?"

"Oh yeah! Isang malaking sampal nga lahat sa kanila iyon, Dad. I can't wait for that to happen!"

Sabay pang nagtawanan ang mag-ama.

NAGULAT si Luntian sa laki ng bahay ng amo niya. Halos malula siya sa dami ng makukulay na kagamitan sa paligid na mas mahal pa yata sa buhay niya.

"Well, this is my home!" sabi sa kanya ni Sasha, ang babaeng kumupkop sa kanya kanina. "Apat lang kaming nakatira dito. Ako, 'yung anak ko, saka dalawang katulong."

"Sobrang laki naman po ng bahay n'yo. Sigurado po ba kayo na dito n'yo ako patitirahin? Puwede naman po ako kahit sa maliliit na paupahan lang. 'Yung sasahurin ko po rito ang ipangbabayad ko na lang sa renta."

Natawa ang babae sa sinabi niya. "Ano ka ba! You don't have to do that. Since isa ka na rin sa magiging maid ko rito, you are free to live here! Parang pamilya na rin ang turin ko sa mga katulong ko rito kaya malaya ka ring gawin ang lahat ng gusto mo. You can watch TV, you can use the swimming pool, you can eat everything you like in the fridge, at bibigyan ko rin kayo ng credit card. Para kung may gusto kayong bilhin, hindi n'yo na kailangang ibawas pa sa mga sahod n'yo."

Parang gustong maiyak ni Luntian. "Ma'am, maraming salamat po talaga. Hinding-hindi ko po sasayangin ang tulong na ibinigay n'yo sa akin. Magtatrabaho po ako nang mabuti rito."

Ngumiti naman ang babae. "Halika! Let's go to the dining. I'm sure gutom na gutom ka na."

Pagkapunta naman nila sa silid-kainan, mas lalong nagulat si Luntian sa magagarbo nitong disenyo, lalo na ang babasaging lamesa na sa sobrang linis ay puwede nang maging salamin. Nahiya tuloy siyang umupo roon.

"Ma'am, siguro mas mabuti po kung maliligo muna ako. Ang baho ko pa po, eh. Baka madumihan lang po itong silid-kainan n'yo."

Natawa muli ang babae. "No, it's okay! Hindi pa naman din nakakalinis sina Aling Lucing. Kaya okay lang 'yan. Sige na. Halika na! Samahan mo ako." Pagkuwa'y sabay silang naupo roon habang ang isang katulong ay ipinaghahanda sila ng pagkain.

"Ma'am, nasaan po pala ang anak n'yo?"

"Ah, nasa school pala siya ngayon, mag-e-enroll para sa second sem. Pero mayamaya babalik na rin 'yon!" Ito na mismo ang sumandok ng pagkain niya.

"Salamat po, Ma'am!"

"Ano pala ang nangyari sa 'yo? Saan ka ba nanggaling?"

Doon naalala ni Luntian ang lahat. Kung paano sila pinahirapan ng mga terorista, kung paano siya nakatakas, at kung paano siya nakapunta rito. Kung saan-saang mga truck at sasakyan siya sumabit para lang makalayo sa mga terorista. Hanggang sa dito na nga siya napadpad sa Maynila.

"Mahabang kuwento po, Ma'am. Hindi pa po ako handang pag-usapan."

Pinagmasdan siya nang mariin ni Sasha. "Are you a Katawi? Isa ka bang Katawi?"

Nagulat siya. "P-paano n'yo po nalaman?"

"Ganyan kasi ang pananamit nila, eh. Saka napanood ko rin pala sa balita ang nangyari sa inyo. Sinunog daw pala ng mga terrorist ang lugar n'yo? Kaya kayo nagkawatak-watak? Tapos 'yung mga kasamahan n'yo pala, sinunog din nang buhay?"

Napamulagat siya sa narinig. "Huh? A-ano pong sinunog nang buhay?"

Kinuha ni Sasha sa bag ang cellphone at ipinanood sa kanya ang balita tungkol dito. Mabilis rumagasa ang kanyang mga luha matapos mapanood ang aktuwal na footage ng ilan sa mga sunog na bangkay ng mga katutubo.

"Kahapon lang binalita 'yan. Nakakalungkot nga, eh. Mukhang ang laki ng galit ng mga terrorist sa inyo at ganyan ang ginawa nila. Mabuti nga nakatakas ka, eh! I'm sure mabigat ito sa loob mo. But don't worry. I'm here to help."

Hindi niya napigilang humagulgol sa napanood. Agad sumagi sa kanyang isip si Ampa Khandifa. Hindi man lang niya ito naisama sa kanyang pagtakas dahil nauna na itong inatake at binawian ng buhay sa loob bago pa man mangyari ang karumal-dumal na pagpaslang sa mga katutubo.

Higit sa lahat, hindi niya matanggap ang nangyari sa kanyang mga Katawari. Naganap na nga ang kinatatakutan nila, ang muling pagkalagas ng kanilang lahi. Ngayon ay hindi na niya alam kung paano pa siya magsisimula. Ni hindi na nga niya alam kung may nakaligtas pa ba sa kanila, o kung mayroon man, ilan naman kaya? Ilan na lang kaya silang mga Katawi dito sa mundo?

Pati si Makisig, ano na rin kaya ang nangyari dito? Buhay pa rin ba ito o kasama na rin sa mga nasawi?

Parang dinurog ang puso ni Luntian. Napilitan nang hagurin ng babae ang kanyang likod para lang pakalmahin siya sa labis na pagtangis.

PAGKALABAS na pagkalabas nina Mayor Lena sa opisina, umagaw agad sa kanilang pansin ang paparating na sasakyan. Nagulat siya nang makita kung sino ang bumaba roon. Si Agustus at ang mga tauhan nito!

Tumawa naman ang lalaki saka pumalakpak nang makita siya. Naging alerto ang mga tauhan niya. Habang siya naman ay hindi natakot na lumapit sa lalaki.

"Mr. Agustus! What are you doing here?"

"Wala naman, Mayora! Bumibista lang ako!"

"Bumibisita? Para saan?"

"Siyempre, hindi magtatagal, ako na ang susunod na uupo d'yan sa office mo. Kaya naman ngayon pa lang binibisita ko na."

"Are you really sure na mananalo ka?"

Muling natawa ang lalaki. "Bakit naman hindi? Nakita mo ba kung gaano karami ang pumunta kagabi sa campaign ko? Sa sobrang dami parang puwede na nga akong magpresidente, eh!"

"Well, Mr. Agustus, didiretsuhin na kita. Ano ba talaga ang pinaplano mo at nagbalik ka rito? Nakakalimutan mo na ba ang mga kaso mo?"

"Anong kaso? May napatunayan ba sa mga iyon? Alam mo, Mayora, nakakamatay ang maniwala sa mga fake news!"

Nagtaas ng kabilang kilay si Mayor Lena. "For all I know, baka nga may kinalaman ka pa sa nangyari sa Baryo Kukatawi, eh. Aminin mo. Ikaw ang nasa likod ng Katawi Massacre 'di ba? Ikaw ang humahawak sa Black Eagle, tama ako 'di ba?"

Halos maluha sa labis na pagtawa ang lalaki. "Grabe ka naman gumawa ng fake news, Madam! Saan mo naman nakuha 'yan? Nananahimik lang ako rito tapos bigla mo akong pagbibintangan?"

"Well, matagal na kitang kilala, Agustus. Kada mauupo ka sa puwesto, lagi na lang may eskandalong nangyayari. Laging may mga issues na pumuputok. At hindi lang mga tao ang naaapektuhan, ah? Pati na rin ang bansa. Gawain mo na 'yan kahit noong nasa Senado pa lang tayo!"

"Well, well, well, ang sabi mo kada mauupo ako sa puwesto. E, hindi pa naman ako nakaupo ngayon, eh? Kaya wala talaga akong kinalaman d'yan! Saka puwede ba? Mag-move on ka na! Kung ang mga tao nga naka-move on na, bakit hindi mo rin subukan? Hindi nakakamatay mag-move on, Madam!"

"Kung ang taumbayan nagawa mong utuin, ibahin mo ako, Agustus. Alam kong may kinalaman ka rito. Ikaw ang mastermind sa Katawi Massacre, 'no?"

"Grabe ka naman! Para sa kaalaman mo, kaya ko doon gustong ipatayo ang first part ng Valentino Land ay para maipaayos muli ang baryo na winasak ng mga terorista! I just want to clean and reconstruct it! Hindi biro ang ginawa ng mga terrorist na 'yon! Kaya nga nandito ako para bigyan ng bagong anyo ang lupang iyon para mapakinabangan ng mas marami. Hindi mo alam kung gaano karaming trabaho ang magagawa ng project na iyon kaya puwede ba, Mayora? Mind your own business na lang. Tutal bilang na lang din ang araw mo sa pag-upo d'yan sa opisina, mabuti pang mag-isip ka na lang ng susunod na gagawin mo sa buhay mo, hindi 'yung pinakikialaman mo pa ang buhay ng iba!"

"Actually, you're right, Agustus! Nakaisip na nga ako ng susunod kong gagawin, eh. I will be running for Senator again!"

Muling humalakhak ang lalaki. "Oh? good luck for you, then! Walang masyadong malalakas na kandidato ngayon kaya mukhang malaki ang chance mong makapasok. Pasalamat ka at hindi tayo pareho ng posisyong tinatakbuhan. Dahil kung nagkataon, baka hanggang laylayan ka lang."

Tumawa na rin si Lena. "Ang suwerte ko nga talaga dahil makakahawak na naman ako ng mas mataas na posisyon! Alam mo na siguro ang mangyayari, hindi ba? Don't you remember? Ako ang dahilan kaya napilitan kang magtago sa ibang bansa dahil nabisto ko ang tunay na baho mo. Kaya kapag naupo muli ako sa Senado, hindi malabong mangyari ulit iyon. Anong baho mo naman kaya ang susunod kong malalaman? Kung anuman iyon, I'm sure you won't like it."

"Do what you want, Madam! I'm not afraid anymore! Kahit humingi ka pa ng tulong sa presidente nating bangag, wala kayong magagawa at wala kayong mahahanap sa akin!"

"Tingnan lang natin, Mister Agustus. Ipanalangin mo lang na wala akong mahahanap na kahit anong anumalya sa Valentino Land na 'yan. Dahil kung hindi, masisira talaga ang mga pangarap mo. Mag-ingat ka, Agustus!"

Sa pagkakataong iyon, inilapit ng lalaki ang mukha nito sa kanya. "Ikaw rin, Mayora. Mag-iingat ka...sa lahat ng mga gagawin mo, at sa lahat ng mga pupuntahan mo..." mabagal at mariing sabi nito.

Matapos nilang magkatinginan ay nilagpasan na lang niya ang lalaki na parang walang nangyari.

TWO YEARS LATER

Isang magarbong homecoming party ang nagaganap sa loob ng function hall. Lahat ay nakasuot ng eleganteng mga attire. Sa labas ng naturang hotel, isang Ferrari 488 Spider 2018 ang huminto.

Kasalukuyan namang nag-aabang sa harap niyon sina Lena Robedino. Nasa likuran nito sina Shirlie at Marvin na larawan din ng pagkasabik.

Pagkabukas ng sasakyan, unang bumungad sa kanila ang pagbaba ng mga paa na may makintab na sapatos at black leather pants. Nang ganap na makalabas ang lalaki, tumambad naman sa kanila ang suot nitong red shining coat na punong-puno ng palamuti.

Lumingon ito sa ginintuang wrist watch saka humarap sa kanila. Laking tuwa nina Mayor Lena nang muling masilayan ang bagong si Makisig.

"Welcome back, Kael! You look so elegant tonight!" bati ni Lena sa lalaki.

Ngumiti si Kael. "Huli na ba ako sa party, Senator?"

"No! Sakto lang ang dating mo, anak. Come on! Everyone is waiting for you."

Sabay-sabay na silang naglakad papasok sa loob. Habang umaakyat ang elevator, nilingon ni Kael ang Senadora. "Dala n'yo po ba 'yung mga pinagawa ko?"

"Ah, oo! Pero ngayon ko na ba ibibigay? Ayaw mo bang mag-celebrate muna tayo sa homecoming mo?"

"Gusto ko na po silang makita, Senator. Kahit saglit lang."

"Alright, sure!"

Agad iyong dinukot ni Shirlie sa bag nito saka inabot kay Lena. Masaya naman iyong ipinasa ng babae sa kanya.

Isa-isang sinilip ni Kael ang mga laman ng folder na iyon. Nakalagay lahat doon ang mga anumalyang nasa likod ng Valentino Land na kasalukuyang itinatayo sa Magnum City.

"Ano na po ang balita ngayon dito?" tanong ni Kael sa Senadora.

"Ang huling balita ko, next month na raw ang grand opening ng katatapos na building nila sa mismong baryo ninyo."

"Sa loob lang ng dalawang taon? Ganito na agad kalaki ang natapos nila?"

"Yes. Surprisingly, mabilis magtrabaho sina Agustus. Desidido talaga siyang talunin ang Disney World kaya naghakot na ng pinakamagagaling na engineers at trabahador para sa Valentino Land. Kaya kita mo naman. Sa loob lang ng maikling panahon, ganyan na agad kalaki ang nabuo nila."

"Kumusta naman po ang mga tao roon?"

"As expected, nalason na silang lahat ni Agustus. Parang diyos na ang tingin nila sa lalaking iyan. Nakalimutan na nilang lahat ang nangyari sa baryo n'yo. Masyado silang bilib na bilib ngayon sa Valentino Land na lumilikha ng ingay sa social media. Lagi iyang trending dahil sa matinding promotions ng kampo ni Agustus, pati na rin ng mga panatiko niya."

Natawa si Kael sa bahaging iyon. "Tuluyan na nga niyang ibinaon sa limot ang kasaysayan naming mga Katawi. Pati ang sagrado naming tahanan, pinatayuan na niya ng basura niya."

"Balita ko nga, mag-iimbita raw sila ng bigating mga singers at banda sa grand opening. Maraming magpe-perform!"

"Talaga po?" Gumuhit ang matalim na ngiti sa kanyang mga labi. "Gusto ko ring mag-concert dito, Senator. At ang ipapangalan ko...The Revenge Tour!"

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro