Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 11: Burado sa Mapa

Kabanata 11: Burado sa Mapa

PAGKALABAS nila sa Baryo Kukatawi, agad tinawagan ni Maskara ang ama. "Bukas na kami makakauwi d'yan, Dad. Maglalasing kami ngayon sa Valentinos."

"Wow, huh? Mukhang nagtagumpay yata kayo at nasa mood ka manlibre ng alak?" natatawa namang sagot ng ama sa kabilang linya.

"Siyempre naman! Ako pa? Every victory comes with celebration! Hinihintay na nga kami nina Nasser doon. So, good night, Dad!"

"Okay, Son! Good job again! O, sige. I have my own business here too. See you tomorrow!" At ibinaba na nito ang tawag.

Binalik ni Maskara ang cellphone sa bulsa at nilingon ang isang tauhan. "Kervie, balikan mo nga 'yung katawan ni Makisig doon. Bigla kasi akong may naisip, eh. Kung sakaling patay na siya, hayaan mo na. Pero kung buhay pa, alisin mo na siya roon sa puno. Dalhin mo sa bodega natin. I think I have another plan for him na siguradong ikatutuwa ni Dad. Bakit kasi ngayon ko lang naisip ito!"

Iba ang naging reaksyon ng tauhan sa kanya. "Boss Dom, p-puwede bang huwag ko muna sundin ang inuutos mo?" nanginginig nitong tugon.

Nanlisik agad ang mata niya. "Bakit naman?"

Napapikit ang lalaki sabay turo sa isang direksyon. Ganoon na lamang ang gulat niya nang makita si Makisig na nakasakay sa isang dambuhalang leon at hinahabol ngayon ang sasakyan nila!

Napasigaw sa pagkabigla ang iba pang mga tauhan. "Paano pa nakabangon 'yan?"

Naalarma silang lahat. Lalo na nang makita ang matinding galit sa anyo ng lalaki. Sobrang talim ng mga titig nito habang nanginginig sa poot ang mga labi. Sumigaw pa ito ng isang salita na lalong nagpabilis sa takbo ng leon na lumikha rin ng mabangis na ungol!

Kinuha ng lalaki ang isang malaking tipak ng bato sa dala-dala nito at ibinato sa kinaroroonan nila. Tumama ito sa ulo ng isang tauhan. Nahulog ito sa truck at gumulong sa lupa!

Muli pang nagbato ang lalaki. Tumama naman iyon sa isa pang tauhan at mabilis ding nahulog sa truck. Sunod-sunod ang naging pagbato nito hanggang sa isa-isang magkalaglagan ang ibang mga tauhan sa lakas ng impact.

Kumulo ang dugo ni Maskara. Napilitan siyang dukutin ang baril sa bulsa ng katabi at mabilis na pinaputok sa direksyon ni Makisig.

Tumama iyon sa kanang braso ng lalaki. Napadilat ito at nabitawan ang hawak na mga bato. Sa pangalawang putok ng baril, sa kanang dibdib naman iyon tumama. At sa pangatlong putok, sa bandang tiyan naman ito tinamaan.

Tumirik ang mga mata nito hanggang sa unti-unting mahulog sa sinasakyang leon. Agad namang huminto si Matias nang mapagtantong may nangyaring hindi maganda sa amo nito. Doon pa lang tuluyang nakalayo sina Maskara sa lalaki na ngayon ay mas matindi na ang paghihingalo.

SA NAGDIDILIM na diwa ni Makisig, pilit niyang iniangat nang bahagya ang ulo. Naaninag pa niya ang alagang leon na tila niyuyugyog ang katawan niya at sinusubukan siyang gisingin. Napaluha siya habang humahawak sa mga paa nito.

"M-Matias... M-Matias! T-tulungan mo ako..." Kahit hirap na hirap na ay pinilit pa rin niyang ibangon nang bahagya ang katawan at kumapit sa katawan ng alaga. Sinenyasan niya ito ng mga huni at hand sign na silang dalawa lang ang nakakaintindi.

Pagkatapos niyon ay makikitang tumatakbo na ang leon patungo sa isang direksyon habang nakasampa ang naghihingalong si Makisig sa ibabaw ng katawan nito.

ILANG oras ang nagdaan, wala pa ring natatanggap na update ang kampo nina Mayor Lena mula kina Rojek. Napagod na siya sa katutunganga kaya tumayo siya at nagpalakad-lakad na naman sa harap ng opisina. "Dis oras na ng gabi! Wala pa rin!"

Pati mga kasama niya ay wala na ring maitugon.

"That's it! I'm going there now!"

"Wait, Ma'am!" pigil ni Shirlie sa kanya.

"Bakit, Shirlie?"

"I just receive a news, Ma'am. Nasusunog daw po ngayon ang Baryo Kukatawi!"

Halos lumuwa ang mga mata ni Lena sa pagkagulat. "What! Eh, 'di dapat na talaga tayong pumunta roon! Kailangan nating magpadala ng bumbero! Nasa panganib na ang buhay ng mga katutubo! We have to do something! Walang mangyayari dito kung patuloy tayong maghihintay kina Rojek. Baka pati sila napahamak na! Tara na, guys!"

"Pero, Ma'am, delikado po talaga dahil sa tingin namin, mga terorista po ang gumawa nito. Hindi ito ang unang beses na pinasok ng terorista ang Magnum City 'di ba? Seven years ago, sinira na rin ito ng mga terrorist. At posibleng sila rin ngayon ang nagbalik dito para manggulo! Wala po tayong magagawa kung tama nga ang hinala namin. Ang mas nakatataas na government na po ang kailangang umaksyon dito, Ma'am. Baka pati tayo masabugan lang doon!" sabi naman ni Marvin.

"So, ano? Tutunganga na lang tayo rito? Paano naman ang mga kababayan natin? Ang mga katutubo? Mas kailangan nila tayo ngayon! Kaya puwede ba? Huwag na kayong maduwag sa mga teroristang 'yan! Kung walang gustong sumama sa inyo, ako na ang pupunta!"

Tarantang napatayo sina Shirlie at Marvin sa kinauupuan para samahan ang kanilang Mayora. Ngunit bago pa man sila makalabas, nakarinig na sila ng sunod-sunod na katok sa pinto. Ang katok ay kakaiba. Parang may kung anong dambuhalang nagwawala. Parang hindi iyon galing sa tao.

"Ano kaya 'yon?" kinakabahang tanong ni Shirlie.

"Ako na ang magbubukas." Agad lumapit si Marvin sa pinto.

Pagkabukas ng lalaki roon, pare-pareho silang nagulat nang masilayan ang nakahandusay na katawan ni Makisig sa harap ng pinto! Habang ang alaga naman nitong leon ay mahinang umuungol sa isang tabi na tila nagdadalamhati.

Pati si Mayor Lena ay napasigaw nang makita ang kalagayan ni Makisig. Balot na balot ito sa sariling dugo at hindi na rin halos makilala sa dami ng mga pinsalang tinamo!

"ASAN na ba sila? Paubos na 'tong pangalawang bote natin," tanong ni Andres Po Jr. Kay Nasser habang magkaharap sila sa isang table sa bandang dulo. Mahigit dalawang oras na silang naghihintay sa loob ng Valentinos Bar sa Magnum City.

Pansamantala itong nakasara sa mga customers ngayong gabi para bigyang-daan ang private victory party ni Maskara na magtatagal hanggang madaling araw.

"Malapit na raw sila. Naka-pickup truck daw sila ngayon!" masigla namang sagot ni Nasser habang binabasa ang bagong text sa kanya ni Maskara. "Grabe! Hindi pa rin ako makapaniwalang panalo tayo! Ang sarap lang sa feeling na makita ang pagbagsak ng hinayupak na Tarzan na 'yon! Lalo na 'yong reaction ng mga ka-tribe niya? Ugh, so satisfying! Oh my, ang sarap tawanan!" dagdag pa nito saka napapukpok sa mesa gawa ng labis na pagtawa.

Hindi pa rin makataan ng kasiyahan sa mukha ni Andres. "I really wanted to be happy for him, but..."

Naglaho agad ang ngiti ni Nasser. "Bakit naman? Parang ikaw lang yata ang hindi masaya, ah? Pansin ko nga rin kanina, hindi ka man lang pumalakpak habang hawak na ni Maskara ang belt!"

"Paano naman ako magiging masaya? Sino ba naman ang magiging masaya sa ganoon? I would be more satisfied kung lumaban sana siya ng patas, gamit ang sarili naming techniques bilang mga Jiujitsu master, without any strength enhancement or what. Pero wala. I can do nothing about it. Desisyon nila iyon ng papa niya. Sino ba naman ako para mangialam? Isang hamak na coach lang ako na binabayaran para turuan ang kanyang anak."

Ramdam ni Nasser ang pagtatampo ng matanda. Tinapik niya ito sa balikat at muling tinagayan. "Huwag mo nang isipin 'yon, Master! Ang mahalaga, panalo tayo! Iyon naman ang plano 'di ba? Ang mapataob ang leader ng tribo para makuha ni boss ang lupa nila. Hindi naman mahalaga kung nandaya tayo, eh. Dahil hindi naman ang career ng Makisig na 'yon ang main target natin gaya ng sabi ni boss 'di ba?"

"Madali lang sabihin sa 'yo 'yan dahil hindi ka naman isang coach, na inilaan ang buong oras at panahon sa mga estudyante niya para maging malakas, at hindi para mandaya lang!"

Napakunot na lang ng noo si Nasser. "Pero, ano ba kasi ang ginamit ni Boss Dom na injection? Steroids ba 'yon? In fairness, ang lakas ng epekto, ah! Bigla na lang siyang natutong sumuntok? Nang wala man lang practice?"

"Hindi iyon steroid, Nasser. It's far from any kinds of steroids. Isang uri ng gamot iyon na nagbibigay ng pambihirang lakas."

"Wow! Tell me more about that, Master!"

"Sa pagkakaalam ko, Devil Drug ang tawag nila sa ganoong uri ng liquid na itinuturok sa katawan. Kapag gumamit ka no'n, tinatanggal nito ang lahat ng limitasyon sa katawan at ina-unlock ang fully capacity ng iyong energy at physical abilities."

"Huh? Full capacity ng energy natin? E, 'di ba, always namang nasa full capacity ang energy ng mga tao? Kaya nga tayo humihinga at nakakakilos?"

"You're wrong!" madiing sagot ni Andres. "Normally, we humans can only use thirty percent of our physical abilities in our lifetime. Nililimitahan ito ng utak natin para hindi mag-breakdown ang ating katawan at mauwi sa over-extertion na lubhang nakasasama sa kalusugan. And you know what's more than that? Ito lang din ang kaisa-isang gamot na hindi nade-detect sa kahit anong drug test. Kaya malaya ang sinuman na gumamit ng Devil Drug."

"Wow! Ganoon pala 'yon? Kaya pala ganoon na lang niya kadaling tinalo si Makisig without prior experience in striking! Grabe, huh? Parang gusto ko na ring bumili n'yan. Para naman lumakas din ako!" natatawa pang biro ni Nasser.

"Ang problema, hindi ito nabibili kahit saan. Mga powerful na tao at organisasyon lang ang mayroon nito. Kaya kung nagkaroon ng ganito sina Agustus, siguradong may mas malaki pa silang koneksyon na hindi natin nalalaman. Hindi ko masasabing ang Black Eagle ito dahil kilala ko na ang Black Eagle. Kahit isa sila sa pinakamakapangyarihang terrorist group, wala pa rin sila sa kalingkingan ng mga top underground organizations na sinasabi ko."

"Oh, so ibig sabihin, meron pang hindi sinasabi si boss tungkol sa atin? Pero bakit naman? Mga tapat na tauhan niya tayo 'di ba? Mas matagal niya tayong nakasama kaysa sa Black Eagle na 'yan! Kung meron man siyang dapat pagkatiwalaan sa iba pa niyang mga sikreto, walang iba kundi tayong dalawa 'yon!"

Marami pa sanang sasabihin si Andres pero biglang nagbukas ang entrance door ng bar. Nagsidatingan na sina Maskara at ang mga natirang tauhan. Agad niyang inubos ang natitirang laman ng kanyang baso saka binitbit ang bag at tumayo na sa puwesto.

LABINLIMANG minuto ang nagdaan bago nakarating sina Maskara. Pagkapasok pa lang niya sa entrance ay nasalubong na niya si Andres Po Jr. na tila palabas na at bitbit ang bag nito.

"Hey, Coach! Where are you going? Magsisimula pa lang tayo!"

"Tapos na ako," matipid na sagot ng matandang lalaki.

"What do you mean? We're just about to start the party now. Andito na ako!"

"Next time na lang ako sasali sa party n'yo. I have something more important to do."

"More important than my victory party?"

"It is important and personal, Dominick. See you tomorrow. And... congratulations!" pagkasabi ay nilagpasan na sila ng matanda.

Parang may kung anong wirdong bagay sa boses nito.

Bigla namang tumawag si Nasser sa kanya. "Woah! Maligayang pagbati sa bagong kampeon! Tara na dito, Boss Dom! Let the party begin!"

Napangiti si Maskara. Dahil sila-sila lang din naman ang naroroon, hinubad na muna niya ang kanyang maskara at nagbalik muli sa pagiging si Dominick.

"Alright! Let's parteeeey!" masigla niyang sigaw saka ipinaligo sa ulo ang laman ng bote. Nagbasaan din ng alak ang mga tauhan sa paligid habang nagwawala na parang mga hurumentado.

MAKAILANG beses kumurap si Makisig bago niya tuluyang naibuka ang mga mata. Doon niya napagtanto na nasa isang magarbong silid siya. Puti at itim ang mga kulay na nangibabaw sa kanya dahil sa kulay ng mga pader at mga kurtina sa paligid.

Napaungol siya. Agad namang lumapit ang isang tao na madali rin niyang nakilala. "M-Mayor?"

Ngumiti si Lena sa kanya. "I'm glad that you're finally awake, Kael!" Umupo ito sa tabi niya. "How are you? Kumusta na ang pakiramdam mo?"

Muli niyang nilingon ang paligid. "N-nasaan po ako?"

"Andito ka ngayon sa bahay ko."

Doon lang din niya napansin ang mga aparatong nakakonekta sa katawan niya. "M-Mayor, ano po ito?"

"Don't force youself too much, Kael. Magpahinga ka muna. Saka na tayo mag-usap kapag naibalik mo na ang lakas mo."

Bigla niyang naalala ang lahat. Napagalaw tuloy siya nang biglaan dahil para muling sumakit ang katawan. Napaungol siya.

"Hijo, huwag mo munang puwersahin ang sarili mo," pagpapakalma sa kanya ni Mayora.

"Mayor- a-anong araw na po ngayon?" bigla niyang naitanong. Pakiramdam kasi niya'y ang tagal niyang walang malay.

"It's been a month already, Kael. Isang buwan na ang lumipas mula nang matagpuan kitang duguan sa harap ng tanggapan ko."

Napamulagat siya sa narinig. "I-Isang buwan?" Kahit masakit pa ang katawan ay napabalikwas siya. Napaungol nga lang uli sa sakit.

Inalalayan siya ng babae na makasandal sa headboard ng kama niya. "Sabi ko naman sa 'yo huwag ka masyado magkikikilos. Hindi ka pa magaling."

"Pero Mayor, ibig n'yo bang sabihin, isang buwan na akong walang malay rito?"

Napatango ang babae. "P-parang gnaoon na nga. Mula nang makita ka namin sa harap ng office ko, isinugod agad kita sa ospital. Ilang linggo kang ginamot doon. Nag-agaw buhay ka pa nga, eh. Buti na lang naisalba ka pa ng mga duktor. Masyado raw matindi ang mga injury na tumama sa 'yo. Bukod pa 'yung mga tama ng baril mo. Nang medyo bumuti na ang lagay mo, doon pa lang kita dinala rito sa bahay ko. I'm glad you survived, Kael! Nagulat nga rin sila dahil bigla kang naka-recover, eh. Sabi pa nga nila, kung sa ibang tao lang daw nangyari 'yan, baka hindi na sila nagising pa."

"Pero, Mayor! 'Yong pamilya ko po! Ang mga Katawari ko po! A-ano na'ng nangyari sa kanila kung isang buwan pala akong walang malay?"

"Hinahanap pa rin namin sila hanggang ngayon. Hindi kami tumitigil sa paghahanap."

"Kailangan ko po silang hanapin!"

"Please, stay here for a while. Hindi ka pa puwedeng lumabas sa ganyang kalagayan. Saka alam mo ba, napag-alaman namin na mga terorista pala 'yong umatake sa lugar n'yo. Hindi lang sila basta terorista. Sila ang top terrorist sa Asia na matagal nang kalaban ng bansa. Napakulong namin 'yung iba sa mga tao nila pero as usual, mahirap pa ring hulihin ang nasa taas nila. Kaya nga dinala kita rito, eh. For your own safety na rin. May private doctor ka naman dito kaya wala kang dapat ipag-alala sa paggaling mo."

"Pero hindi naman po ako puwedeng tumunganga lang dito. Ako ang bagong pinuno ng tribo namin. Responsibilidad ko po silang lahat! Kung meron mang dapat makahanap sila, ako po iyon!"

"I know, I know! Kaya lang, hindi ka pa puwedeng kumilos sa ganyang kalagayan. Hindi ka pa nga makalakad, eh. Lalo ka lang mahihirapan. Mas mabuti pa, magpagaling ka na lang muna rito. Kapag okay ka na, hindi na kita pipigilang hanapin sila."

Muling nangilid ang mga luha ni Makisig. "Mayor, isang buwan na po pala silang nawawala! Hindi ako mapapanatag hangga't hindi ko nalalaman ang kalagayan nila. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, hindi ko na lang sana tinanggap 'yong hamon n'ung pinuno n'ung terorista."

Nagulat si Lena sa narinig. "Ano? Hamon? Anong hamon?"

"Noong sinugod po nila kami, hinamon ako ng pinuno nila sa isang laban. Kapag daw nanalo ako, hindi na nila kami guguluhin. Pero kapag natalo ako, kukunin daw nila 'yong buong lupain namin at kailangan daw naming maglayas. Tinanggap ko 'yong hamon dahil akala ko maipapanalo ko 'yong laban. Pero hindi ko inaasahang matatalo po ako, dahil mas malakas pala sa 'kin 'yong pinuno nila."

Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya napigilan ang pagpatak ng mga luha. Awtomatiko siyang niyakap ni Lena at humagod sa likod niya.

"It's okay, Kael. Hindi mo kasalanan iyon. Walang may gusto ng nangyari. Don't worry dahil patuloy kaming nakikipag-cooperate sa mga authority para mahanap ang mga katribo mo."

Patuloy lang sa pag-iyak si Makisig. "Mayor, hangga't maaari sana, huwag na tayong humingi ng tulong sa mga pulis hangga't hindi natin alam ang nangyayare. Mas mabuti kung tayo po muna ang maghanap."

Tumango agad ang babae. "Don't worry, alam kong hindi na rin mapagkakatiwalaan ang mga kapulisan dito. Nangyari na ito before. Hindi ito ang unang beses na umatake rito sa bansa ang terrorist na iyon. Pero huwag kang mag-alala. Ang mga kakilala kong awtoridad mismo ang hinihingian ko ng tulong ngayon. May mga kakilala ring sundalo ang tatay ko na handang bumack-up sa atin in case na mangailangan tayo ng puwersa. Kaya huwag ka na masyadong mag-isip pa at magpahinga na muna. Once na maka-fully recover ka na, tayong dalawa mismo ang maghahanap sa mga Kukatawi. Okay lang ba 'yon?

Napayuko na lang ang lalaki at sumandal sa kanya. "Salamat po, Mayor!"

TATLONG linggo ang nagdaan bago tuluyang nabawi ni Makisig ang kanyang lakas. May kaunti pa rin siyang nararamdaman at may mga bakas pa rin ng sugat sa kanyang katawan, pero nakakalakad na siya nang tuwid at pinauwi na rin ang private doctor na gumagamot sa kanya.

Kasalukuyan siyang nagpapahangin sa hardin sa likod ng bahay habang naghihintay sa pagdating ni Mayora. May usapan kasi sila na pupunta sa Baryo Kukatawi para masilip ang kalagayan ng lugar.

Sampung minuto ang nagdaan bago ito nakabalik. May dala-dala pa itong mga paper bag na iniabot sa kanya.

"Pakisukat na lang mamaya ito, ha? Binilhan ka namin ni Shirlie ng mga damit. Hindi ko kasi sure kung anong size mo kaya Double XL na lang ang mga kinuha ko. Baka kasi walang magkasya sa 'yo sa damit ng mga tauhan ko dahil puro small and medium lang sila, eh," natatawang sabi nito.

Ginantihan naman niya ng ngiti ang babae. "Maraming salamat po, Mayor. Nag-abala pa po kayo," aniya saka isa-isang sinilip ang mga damit.

"Alam kong hindi kayo nagsusuot ng ganitong mga damit, pero sana pagtiyagaan mo muna. Pinalabhan ko pa kasi 'yong bahag na lagi mong suot dahil punong-puno ng dugo, eh. Don't worry, kapag naman nalabhan at natuyo na 'yon, ibibigay ko sa 'yo agad!"

Alam na rin kasi ng babae ang tungkol sa kanilang tradisyon pagdating sa kanilang mga kasuotan. Na kahit saan sila magpunta, hindi nila ito dapat palitan ng anumang makabagong kasuotan bilang pag-preserve sa pride at identity nilang mga Katawi.

"Ayos lang po, Mayor. Maiintindihan naman ni bathala na kailangan ko ring ibahin ang pananamit ko minsan lalo na kapag nasa ibang lugar ako. Sa baryo lang naman namin sinusunod 'yong patakaran na iyon, eh. Pag pumupunta kami sa malalayo, nasa amin na ang pasya kung nais naming magpalit ng damit pansamantala."

Napangiti ang babae. "Mabuti naman kung ganoon. Sige, magbihis ka na at hihintayin na lang kita sa labas. Tapos pupunta na tayo sa inyo!"

"Sige po!" ganado niyang tugon at sumabay na rin dito.

LALONG nanlumo si Makisig nang makita ang mas lumalang kalagayan ng kanilang baryo. Wala na siyang makitang mga kabahayan doon kahit isa. Lahat ay naging abo na. Ang mga nasira namang gusali ay nagkalat sa paligid at malabo na ring maibalik sa dati.

Ang mas ikinadurog ng puso niya ay ang mga punong nabuwal, naputol, at ngayo'y hindi na niya alam kung saan dinala ng mga hudas. Literal na kinalbo ang buong baryo nila. Walang itinira kahit isa.

At kahit wala nang sunog, may mga usok pa ring nakakalat sa paligid.

Parang nabagsakan ng langit si Makisig. Bumigay ang mga tuhod niya at nanghina ang buo niyang katawan. Muling rumagasa ang kanyang mga luha na lalo pang nagbaga.

Napasigaw siya. Isang malakas na sigaw. Sumigaw nang sumigaw hanggang sa mabulabog ang mga ibon sa paligid. Nagkuyom ang mga kamao niya at napayuko sa lupa.

"Mga hayop kayooooo! Mga hayop kayong lahaaaaat!"

Halos mahalikan na niya ang lupa sa labis na pagyuko roon habang patuloy sa pagkuyom ang kanyang mga kamao. "Wala na ang mga katribo ko. Wala na ang pamilya ko. Wala na silang lahat. Nawala na!"

Sinubukan siyang pakalmahin ng babae pero hindi niya naramdaman sa pagkakataong iyon ang banayad nitong mga haplos. Wala siyang ibang naramdaman kundi matinding poot.

"Wala akong kuwenta..." bulong niya sa sarili na di kalaunan ay naging sigaw. "Wala akong kuwentaaaaa!"

Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Lena sa mga balikat niya. "K-Kael!"

"Wala po akong kuwenta, Mayor! Nabigo ako sa tungkulin ko na pangalagaan ang mga katribo ko. Dahil sa mga maling desisyon ko, nalagay ko silang lahat sa kapahamakan! Ito na nga ba 'yong sinasabi ko noon na wala pa ako sa tamang edad para tanggapin ang ganitong posisyon. Masyado pa akong hilaw para pamunuan ang buong angkan namin. Naipahamak ko silang lahat! Wala akong silbi! Wala akong kuwentang pinuno!"

Umalingawngaw sa paligid ang matinding hagulgol ni Makisig. Patuloy lang siyang niyayakap at pinapakalma ni Mayora habang wala siyang humpay sa pagsigaw at pagsuntok sa lupa.

"Dapat ako na lang ang namatay doon pa lang sa laban! Ako na lang sana ang nawala at hindi silaaaaa!"

Napilitan nang tapikin ni Lena ang mga braso niya. "Please, Kael! Huwag mong sabihin 'yan! Huwag mong sisihin ang sarili mo!" Pati ito ay napaluha na rin habang nakayakap sa kanya.

"Bakit hindi, Mayor? Buong buhay ko ginugol ko sa pagpapalakas para protektahan sila. Lahat ng masasamang dayuhan dito kinalaban ko para lang mailigtas sa kapahamakan ang lahat, lalo na ang mga kababaihan sa amin. Pero ngayong may ganitong pangyayari, hindi ko man lang sila naipaglaban. Ano pa'ng silbi ng lahat ng ensayo ko? Kung hindi ko rin sila naipagtanggol sa ganito katinding sitwasyon? Wala talaga akong kuwentaaaaa!"

"Kael, tama na! Huwag mong ganyanin ang sarili mo! Walang may gusto ng nangyare! Hindi mo kasalanan ang lahat! Huwag kang mag-alala, hindi tayo titigil hangga't hindi natin nahahanap ang pamilya mo at napapanagot ang gumawa nito sa inyo! Pangako ko 'yan sa 'yo!"

Doon pa lang siya tumigil sa pagwawala. Sa pagkakataong iyon ay sinamahan na siya ni Mayora sa pag-upo sa lupa habang hinahagod-hagod pa rin nito ang likod niya.

Tumutulo pa rin ang kanyang mga luha pero hindi na siya sumisigaw. Ilang saglit lang, muling nagkuyom ang kanyang mga kamao at nanginig sa galit ang mga labi. "Maskara... Kung sino ka man... Hindi pa tayo tapos... Sa susunod na magtagpo tayong muli, ako naman ang wawasak sa mundo mo! Humanda ka!"

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro