Kabanata 10: Sino ang Nagwagi?
Kabanata 10: Sino ang Nagwagi?
BAGO pa dumapo kay Maskara ang siko ni Makisig, mabilis itong gumulong palayo at may inilabas sa bulsa. Sa sumunod na eksena, makikita ang pagtagas ng dugo sa tagiliran ni Makisig matapos bumaon sa kanya ang patalim na isinaksak ng lalaki!
Maging ang referee, pati ang mga katutubo ay nagulat. Pero dahil annihilation tournament iyon at hindi ipinagbabawal ang paggamit ng maruruming technique, hindi pinahinto ang laban.
"A-ano'ng ginagawa mo... B-bakit nandaya...ka!" nanginginig ang mga labi na anas niya kay Maskara habang nakaluhod at hawak-hawak ang nagdurugong tagiliran.
Bigla namang humalakhak ang lalaki. "Nakakalimutan mo yata, terrorist fighter ako! Kaya sakop din ng istilo namin ang paggamit ng mga armas gaya nito, Makisig! At huwag mo isiping pandaraya ito. Nasa loob tayo ng death match na walang mga batas na sinusunod! Kaya hindi ka na dapat nagtataka sa ganitong mga bagay!"
Napaigik si Makisig habang pilit hinahabol ang hininga. "H-h-hayop ka! W-wala kang isang... s-salita!"
Bago pa man siya maka-recover, sinakal na siya ng lalaki at ginamit ang patalim para lumikha ng maliit na hiwa sa kanyang pisngi. Lalo siyang napasigaw habang nagpupumiglas. Hindi nagtagal ay nakawala siya sa pagkakabihag nito matapos sikmuraan ang lalaki sa kanyang tuhod.
Nagsusumigaw ito at iwinasiwas ang hawak na patalim. Mabilis siyang umilag at nagpalipat-lipat ng direksyon. Nang makahanap ng tiyempo ay sinipa niya ang kabilang kamay nito dahilan para mabitawan ng lalaki ang patalim.
Agad niyang itinaas ang siko at pinadapo sa dibdib nito. Saka niya iyon muling iniangat patungo sa ilalim ng mukha nito at nagsagawa ng uppercut elbow strike. Sunod-sunod ang ginawa niyang pag-atake rito gamit ang kanyang mga siko na mabilis niyang sinundan ng spinning back kick at roundhouse kick.
Napaatras lang ang lalaki pero hindi napuruhan. Ito naman ang nagpalipad ng mga kamao sa kanya na patuloy niyang sinalo gamit ang kanyang mga siko. Isang surprise attack mula sa kanyang tuhod ang iginawad niya sa sikmura nito. Napaigik at napaatras muli ang lalaki.
Ngunit bago pa dumapo rito ang kanyang kamao, mabilis nitong nahawakan ang gilid niyon at ikinulong sa mga bisig nito. Muli siyang nagsisigaw matapos baluktutin ng lalaki ang kanyang kamay. Halos patiran siya ng hininga.
Nagpakawala ito ng malakas na sipa sa kanyang dibdib sabay lipad ng kamao nito patungo sa kabila niyang pisngi. Siya naman ang napaatras at nasagi sa lubid ng ring ang saksak niya sa tagiliran. Muli siyang napaungol sa sakit.
Biglang humagupit ang mga kamao ni Maskara nang hindi niya inaasahan. Bawat suntok na lumalapag ay palakas nang palakas. Hindi na siya pinakawalan ng lalaki. Tinadtad nito nang suntok at sipa ang kanyang mukha. Nagsimula na ring magtalsikan sa ere ang kanyang dugo habang patuloy siya nitong pinapalamon ng mga Lethwei techniques.
At bago pa siya makagawa ng aksyon, mabilis nitong ikinulong sa mga bisig ang upper body part niya. Itinaas nito ang ulo at muli siyang nginisian sa huling pagkakataon. Napamulagat na lamang si Makisig. Hindi na niya maigalaw ang ulo at katawan sa tindi ng mga pinsalang tinamo. Dagdag pa ang labis na pananakit ng kanyang tagiliran na patuloy sa pagdurugo.
Makalipas ang ilang sandali, buong lakas na inihampas ni Maskara ang ulo nito sa kanyang mukha! Lumikha iyon ng matinding ingay na nagpasigaw sa mga audience! Unti-unting nilukuban ng dilim ang kanyang paningin. Kasunod niyon ang dahan-dahang pagbagsak ng kanyang katawan. At habang bumabagsak siya, tila nag-i-slow motion ang lahat sa paligid niya.
Ang mga sigawan.
Ang mga iyakan.
Ang mga tawanan.
At ang halakhak ni Maskara.
Lahat ng iyon, unti-unting bumabagal, lumalalim at humihina habang bumabagsak ang katawan niya.
Sa nanlalabo niyang diwa, pinilit niyang pakawalan sa isip ang mga salitang kanina pa niya gustong sabihin. "A-Ampo Sinag... Ampo K-Khandifa... Bagwis, Adan, Diego... L-Luntian... At sa lahat ng...mga mahal kong Katawari... P-p-patawad..."
Sa pagkakataong iyon, tuluyang nagdilim ang kanyang paningin at ganap na bumagsak sa sahig. Lahat ng mga katutubo ay nagulat, kinabahan, napapikit at napadasal.
Nagsimula na rin siyang bilangan ng referee. Ngunit pagkatapos ng ten-second count nito, hindi pa rin siya gumalaw o nagbigay ng kahit anong tugon.
Basag ang tinig na nagsalita ang referee. "W-we have...a new champion tonight!"
Doon naglulundag sa tuwa ang mga tauhang nasa panig ni Maskara. Habang ang mga katutubo ay nanlumo, nagdilim ang mukha, napayuko at nagsipaghagulgol.
"OUR new MFC Heavyweight Champion tonight is The Growling Tiger, Maskara!" sigaw ng referee saka isinakbit sa kanyang balikat ang championship belt.
Abot-langit ang tuwa ni Maskara. Inutusan pa niya ang mga tauhan na sumigaw para sa kanya. Nagwala naman ang mga ito at itinaas pa ang ilan sa kanilang mga armas, habang ang mga Katawi naman ay patuloy sa pag-iyak.
"Good god almighty! I cannot believe this! For the first time in MFC history, Makisig has been defeated!" pasigaw na wika ng referee habang pilit pinipigilan ang pag-iyak dahil labag sa loob nito ang pagbasa sa script na iyon. "His reign as the MFC Champion ends at exactly 2,373 days tonight! Our new champion once again is Maskara, The Growling Tiger of Combat Sports! And the winning move, Headbutt!"
Hindi na pinansin ni Maskara ang mga sumunod na sinabi ng referee. Bagkus ay itinaas niya ang championship belt na hinawakan ni Makisig sa loob ng mahigit anim na taon. Sa halip na magdiwang kasama iyon, bigla niya itong pinunit na parang papel at hinati sa dalawa. Saka niya iyon ibinato sa walang malay na lalaki.
Gulat na gulat ang referee at napilitan nang tumakbo palabas.
"Ayan ang nababagay sa 'yo!" Nilapitan pa niya ang katawan ng lalaki saka hinaplos-haplos ang duguan nitong mukha. "Noong una, gustong-gusto kong makapasok dito para tuluyan ka. Pero ngayon, may iba na akong balak gawin sa 'yo kaya maghanda ka. Paggising na paggising mo d'yan, doon pa lang magsisimula ang pinakamatinding kalbaryo mo!"
Sa kanyang pagtayo ay binuhat niya ang lalaki. Pagkatapos ay binato ito sa mga katutubo na parang basura. Humahagulgol na niyakap ito ng mga Katawi at ipinangpunas pa ang kanilang mga damit sa duguan nitong katawan.
Si Luntian ang may pinakamalakas na pag-iyak. Hindi na nito napigilang idikit sa ulo ni Makisig ang kanyang noo habang pumapatak ang mga luha sa mukha nito.
Habang si Ampo Sinag naman ay matindi rin ang pagtangis pero hindi magawang lumapit sa lalaki. Labis siyang nahihiya at nakukunsensiya. Ni hindi niya kayang iharap ang sarili sa lalaki dahil alam niyang siya ang dahilan kung bakit ito nagkaganito ngayon.
Ilang saglit lang, nahinto ang kanilang pagluluksa nang biglang lumapit si Maskara. Nagsimula na ring pumalibot sa kanila ang mga armadong tauhan sa paligid.
"Paano 'yan? Talo ang kampeon n'yo. Kaya ang kasunduan ay kasunduan! Sumunod kayo ngayon sa mga tao ko kung ayaw n'yong masaktan!"
Parang mga hayop na kinaladkad palabas ang mga katutubo. Si Makisig naman ay naiwan sa loob, na di kalaunan ay binuhat ng mga staff at isinakay sa stretcher para dalhin sa sarili nilang clinic facility.
Gulat na gulat ang duktor nang makita ang kalagayan ni Makisig. Ngunit mas nagulat ito sa isang panauhin na pumasok.
"IT'S been midnight already! Wala pa bang update kina Rojek?" nag-aalala nang tanong ni Lena Robedino sa mga kasama.
Mahigit tatlong oras na silang naghihintay ng tawag sa mga tauhang inutusan niya na magpunta sa Kukatawi pero wala pa ring paramdam ang mga ito hanggang ngayon.
"Sorry, Ma'am, kahit kami naghihintay rin po, eh!" malungkot ang tinig na tugon sa kanya ni Shirlie.
"Sabi ko naman kasi, eh. Dapat tayo na mismo ang nagpunta roon. Lalong walang mangyayari kung maghihintayan pa tayo rito!" dismayadong sabi niya at naupo muli sa harap ng mesa.
"Mayora, mabuti na pong hindi tayo sumama. Mukhang nasa delikado ngayon ang lagay ng Kukatawi. Mahirap kung lahat tayo pupunta roon, baka kung ano pa ang mangyari sa atin. Mas mabuti nang sina Rojek ang nandoon ngayon. At least walang nakakakilala sa kanila, hindi sila mapag-iinitan kung sakali."
"Pero ano na kaya ang nangyari sa kanila ngayon? It's more than three hours already! Baka kung napaano na rin sila roon!"
"Sige po, Ma'am, magpapadagdag pa ako ng ekstrang tauhan para sumunod sa kanila roon."
"Please do, Marvin. Thanks!" Muli siyang tumayo at nagpalakad-lakad na naman. Kanina pa talaga siya hindi mapakali. "I can't take it anymore! Hindi talaga ako matatahimik hangga't hindi ko nalalaman ang nangyayari!"
Nakatanggap sila ng balita kanina na may mga dumayo raw sa Baryo Kukatawi at ayaw palabasin ang mga katutubo roon. Bihira lang siya makaramdam ng kutob pero oras na mangyari iyon, alam niyang hindi talaga maganda ang ipinaparating nito.
Hindi na siya nakatiis. Napilitan na siyang tumawag sa hotline ng pulis. "Hello, Sir? Yes, this is Mayor Lena! Can I have a request, Sir? Puwede po ba kayong pumunta ngayon sa Kukatawi? I think something is happening there. We need help and backup!"
Sumagot naman agad ang nasa kabilang linya. "Bakit po, Madam Mayora? Ano po ang naging problema?"
Sinabi niya rito ang lahat ng nasagap nilang balita. Mabilis namang sumagot ang pulis. "Alright, Ma'am. Magpapadala agad kami ng tao roon, ngayon din."
"Thank you, thank you!" Hindi pa rin siya napanatag doon. Parang gusto na talaga niyang lumabas at personal na puntahan mismo ang baryo ng mga katutubong napamahal na sa kanya.
Pagkatapos ng tawag, ibinaba na iyon ng pulis saka ito may tinawagan sa panibagong linya. Si Agustus Valentino ang sumagot. "Hello, this is Agustus, speaking!"
"Don Agustus, tumawag po ang Mayora namin ngayon. Si Mayor Lena."
"Oh, really? Buhay pa pala siya? Akala ko ba naman namumulubi na lang siya ngayon dahil sa ginawa ng pamilya ko sa kanya!" sarkastiko nitong sagot, tumutukoy sa isang masaklap na nakaraan.
"Mukhang nakakahalata na rin sila sa nangyayari ngayon sa Kukatawi. Nanghihingi po sila ng tulong at backup sa amin."
"Oh, never mind them! Umoo ka lang nang umoo pero huwag mong gagawin! Just give them false hopes! Make an alibi or something, and don't let them interfere! Understood?"
"Masusunod po, Don Agustus!" magalang na sagot ng pulis.
NANG magkamalay si Makisig, natagpuan niya ang sarili sa loob ng maliwanag na kuwarto habang balot na balot ng makakapal na benda ang ilang bahagi ng katawan. Dinig pa niya sa bandang gilid ang tunog ng monitor na nakakonekta sa kanyang mga balat.
Nang maalala ang lahat ng nangyari, sinubukan agad niyang tumayo ngunit bigla siyang namilipit sa sakit, lalo na sa bandang tagiliran. Napalingon sa kanya ang duktor na nasa tabi niya.
"Kael, huwag ka munang tumayo. Hindi pa mabuti ang lagay mo."
Dahan-dahan siyang lumingon dito. "P-Pero, Doc, k-kailangan ako ng mga k-katribo ko..." Pinilit muli niyang tumayo sa ikalawang pagkakataon pero lalo lang nanakit ang buong katawan niya. Halos hindi rin niya maigalaw ang kanyang ulo.
Napilitan siyang alalayan ni Doctor James para maisandal sa kinahihigaan niya. Doon ay medyo naging komportable siyang magsalita kahit papaano.
"Hijo, hindi ka pa puwedeng umalis sa lagay mong 'yan. Kung gusto mong makalabas agad, magpagaling at magpahinga ka muna."
"Pero, Doc, a-anong nangyari sa mga kasama ko?"
"Hindi ko alam. Hindi ko nakita ang nangyari. Basta dinala ka na lang dito at sobrang lala ng lagay mo. Nagulat nga ako dahil for the first time, ikaw pa ang nandito ngayon sa clinic ko, at hindi ang mga taong pinatumba mo."
Unti-unting nagkuyom ang mga kamao niya. "Doc, k-kailangan ko talagang makita ang mga Katawari ko. B-baka nasa panganib sila!"
"Ano ba'ng sinasabi mo, hijo? Saka ano ba kasi ang nangyari sa laban n'yo n'ung Maskara kanina?"
"D-Doc..." Ilang beses siyang napalunok ng laway. "N-natalo ako sa kanya." Ibig niyang maiyak pagkasabi roon.
Napayuko naman ang duktor at gumuhit ang panlulumo sa mukha. "I see." Saka ito bumuntong-hininga. "Sabi nga nila, hindi sa lahat ng panahon ay panalo ka. But I still believe in you. Alam kong makakabawi ka pa. Kaya sana, huwag mo masyadong damdamin ang pagkatalo. This is not the end of your journey."
"H-Hindi, Doc. Hindi naman po iyon ang iniisip ko. 'Yong mga katribo ko. S-Sina Ampa. Sina Luntian. Sina Bagwis! K-kailangan ko silang makita, Doc! Kailangan ko nang makalabas dito!"
Agad siyang pinigilan ni Doctor James nang magtangka muli siyang bumangon. "I told you not to force yourself, Kael. Hindi ka pa magaling. Dito ka muna habang ginagamot pa kita. I promise you, kapag na-treat ko na lahat ng injury mo, bukas na bukas din papayagan na kitang lumabas."
"Hindi puwede, Doc! Kailangan ko talaga silang makita!" Nagsimula nang tumaas ang boses niya.
"Bakit hindi na lang sila ang papuntahin mo rito? Gusto mo bang kausapin ko ang management para ipatawag ang mga kamag-anak mo?"
"Hindi, Doc! Nasa panganib sila ngayon! Hindi n'yo 'ko naiintindihan! Kailangan ko silang mailigtas!"
"Paano mo naman gagawin 'yon? Tingnan mo nga ang sarili mo. Ni hindi ka nga makabangon dahil sa pamimilipit ng mga injury mo. Baka lalo pang lumala 'yan!"
"Doc, mas nanganganib po ngayon ang buhay ng mga katribo ko kaysa sa akin. Kaya hayaan n'yo na sana akong makita sila, pakiusap lang!" Nagsimula na ring mangilid ang mga luha niya.
"Sorry, hijo, I cannot do that. Hindi ko hahayaang lumabas na lang ang pasyente ko nang hindi ko pa nagagamot! Sana makinig ka rin sa akin. Hindi ka pa talaga puwedeng lumabas sa ganyang kalagayan. Kahit ngayong gabi lang, ibigay mo na sa sarili mo. Magpahinga ka muna. Bukas na bukas, puwedeng-puwede ka nang umalis dito kahit wala pa ako. Basta kahit ngayong buong gabi lang, ipahinga mo na muna ito, Kael!"
"Pasensya na, Doc!" Kahit hirap na hirap ay pinilit ni Makisig na ibangon ang katawan. Pinilit siyang awatin ng duktor pero itinulak lang niya ito sa mga siko niya. Muntik pang matumba ang duktor. Saka niya pinagtatanggal ang mga nakadugtong sa kanyang katawan.
Nang magtangka siyang tumayo sa pagkakabangon ay bumagsak agad siya sa malamig na sahig na lalong nagpasigaw sa kanya. Namilipit siya sa sakit. Sinubukan pa uli siyang awatin ng duktor pero paulit-ulit niya itong itinaboy.
"Kael, please stop this! Lalo mo lang nilalagay sa alanganin ang sarili mo!"
Labas lang sa kabilang tainga niya ang lahat ng sinasabi nito. Kahit namimilipit na sa sakit ay pinilit niyang gumapang hanggang sa marating ang pinto. Sinubukan niyang humawak sa seradura para tumayo ngunit inawat na naman siya ng duktor.
Mahigpit itong humawak sa kanya saka siya tinulungang makatayo. Aalalayan sana siya nito pabalik sa kama pero nagpumilit siyang lumabas. Pinuwersa niya ang katawan para itulak ito palayo saka siya naglakad nang walang alalay.
Natilapon naman si Doctor James at napaupo sa gilid ng kama. Hindi ito makapaniwalang matutulak ito nang ganoon kalakas sa kabila ng kanyang kalagayan.
Sinundan pa rin siya ng duktor hanggang sa labas. "Kael, please! Makinig ka naman sana sa akin!"
"K-kailangan kong makita ang pamilya ko, Doc! Wala nang ibang mas mahalaga sa akin kundi ang mga Katawari ko!" Paika-ikang naglakad si Makisig habang nakayuko at humahawak sa mga pader.
Halos hindi maipinta ang kanyang mukha sa labis na pananakit ng buong katawan. Pero tiniis pa rin niya ang lahat mapuntahan lang ang mga katribo.
GANOON na lamang ang panlulumo ni Makisig nang makita ang baryo nila. Marami sa mga kabahayan at mga puno ang nilalamon na ng apoy. Nagsisipanakbuhan sa paligid ang mga ligaw na hayop na tila nagambala sa kanilang mga lungga. Marami na rin sa mga gusali ang binuwal at patuloy pang winawasak ng mga pampasabog sa paligid.
Nag-apoy ang dibdib niya. Parang bulkan na sumabog ang kanyang utak at nagpakawala ng marahas na sigaw. Saglit niyang nakalimutan ang lahat ng nararamdamang sakit. Napalitan iyon ng matinding emosyon na mas mainit pa sa apoy na bumabalot sa paligid.
"Nandito ka pala, Makisig!" Inagaw ng boses na iyon ang atensyon niya.
Nagliyab sa galit ang kanyang mga mata nang masilayan si Maskara kasama ang ibang mga tauhan nito. Bumaba sila sa sinasakyang pickup truck at nilapitan siya.
"Hindi ko inaasahang makikita ka rito. Akala ko ba naman nasa morgue ka na!"
"Ano'ng ginawa mo, Maskara! Saan mo dinala ang pamilya ko!"
"Ah, sila ba? Siyempre, gaya ng napagkasunduan, wala na sila rito ngayon. Nasa bagong tahanan na nila!"
Sa galit ay hinatak niya ang kuwelyo ng uniporme nito. "Hayop ka! Ano'ng ginawa mo sa mga katribo ko!"
Agad namang nag-angat ng baril ang mga tauhan nito. Inawat lang iyon ng lalaki saka inilapit ang mukha sa kanya.
"Nakakalimutan mo yata, Makisig, natalo ka sa laban nating dalawa. Kaya bilang kapalit, amin na itong buong lupain n'yo!"
Hindi siya nakapagpigil at pinunit ang kuwelyo nito. Muling nag-angat ng armas ang mga tauhan sa kanya pero inawat uli iyon ng lalaki.
"Huwag kang mag-alala, pare. Wala naman akong ginawa sa kanila, eh. Buhay pa naman silang lahat! In fact, hindi naman namin sila pinalayas. Kami pa mismo ang nagbigay ng bagong tahanan sa kanila. Dapat nga magpasalamat ka pa! Kahit talo ka, hindi ko pinatay ang mga katribo mo. Binigyan ko pa sila ng bagong tahanan at trabaho! Ayaw mo ba 'yon?"
"Hayop kang animal ka! Gago ka! Huwag mo sabihing dinala mo sila sa kung saang balwarte n'yo para gawing mga alipin! Iyon ba ang sinasabi mong bago nilang tahanan at trabaho?!"
Napahalakhak ang lalaki saka tumapik sa kaliwang braso niya. "Matalino ka rin, ano? Nahulaan mo ang ibig kong sabihin do'n?"
Pinunit pa ni Makisig ang buong uniporme nito hanggang sa lumantad ang masukadong katawan ng lalaki na tadtad ng tattoo. "Isinusumpa kita, Maskara! Isinusumpa kita! Hindi ko palalampasin itong ginawa mo! Hinahamon kita ngayon din! Maglaban uli tayo!"
Humagalpak muli ng tawa ang lalaki kasama ang mga tauhan nito. "Ang lakas naman ng loob mong maghamon muli! Hindi ka pa ba nadala sa pagkatalo mo kanina? Tingnan mo nga 'yang hitsura mo. Makakalaban ka pa ba sa lagay mong 'yan? Baka isang pitik ko lang sa 'yo, knockout ka na ulit!"
Itinuwid ni Makisig ang mga braso at itinaas ang dibdib bilang pagpapakita ng katapangan. "Hindi na 'ko natatakot mamatay! Kahit ano pa ang mangyari sa 'kin! Mailigtas ko lang ang mga katribo ko at maibalik sila sa aming tahanan, handa na akong mamatay kahit anong oras! Kaya oo, hinahamon uli kita! Gusto kong bawiin ang pamilya ko!"
Tumawa lang uli ang lalaki. Pero sa huli ay pinaatras din nito ang mga tauhan. "Wala ka na rin namang pag-asang manalo kaya sige, pagbibigyan na kita!"
Hindi nagtagal, naglaban nga uli sila sa gitna ng daan. Unang nagpalipad ng kamao si Maskara pero mabilis iyong sinabayan ni Makisig gamit ang kanyang kamao. Nagulat pa ang lalaki dahil hindi nito inaasahang makakasuntok pa siya nang ganoon kalakas. Ito pa ngayon ang napaatras at muntik nang matumba.
Sinamantala niya ang pagkakataon. Tinadtad niya ito ng mabibilis na suntok, saka nagsagawa ng axe kick kung saan pinalipad niya ang paa na parang palakol at inihampas sa ulo nito. Napaluhod ang lalaki sa lupa at napaluwa ng dugo.
Sinubukan pa nitong pumalag pero naharangan agad niya ito sa kanyang siko. Saka siya mabilis na umikot dito at pinalipad sa pakurbang direksyon ang kabila niyang siko. Sapul ang kaliwang bahagi ng mukha nito. Nagdugo pati ang tainga nito!
Nagsimula na ring uminit ang dugo ni Maskara. Mabilis nitong sinunggaban ang mga hita niya at sinubukang magsagawa ng double leg takedown. Pero agad siyang pumalag gamit ang kanyang siko at paulit-ulit na hinataw ang ulo nito hanggang sa mahilo ang lalaki at masubsob sa lupa ang mukha.
"Ano! Ano'ng nangyari sa 'yo! Ako ang napuruhan mo pero bakit nauna ka pang bumagsak sa 'kin ngayon! 'Asan na ang lakas mo kanina? Ilabas mo!"
Ang mga tauhan naman nito ang biglang pumalibot sa kanya. Nagsenyasan ang mga ito na ibaba ang kanilang mga armas para labanan siya nang kamay sa kamay.
"Hoy! Kami ang harapin mo! Tingnan natin kung may laban ka sa aming walo! Hindi kami gagamit ng baril, ah? Gusto ka lang naming pahirapan!" maangas na wika ng isa.
Itinaas niya ang mga kamao at nagsagawa ng orthodox stance. Isa sa mga ito ang lumapit sa kanya at sinubukang magpakawala ng sunod-sunod na suntok. Inilipat-lipat niya sa magkakaibang direksyon ang kanyang ulo para iwasan ito. Saka siya nagbuga ng isang cross punch sa mukha nito na nagpataob agad dito.
Sumugod naman ang isa at ipinamalas ang husay nito sa pagsipa. Sinalo niya sa mga siko ang lahat ng iyon, pagkatapos ay siya naman ang nagpakawala ng napakataas na front kick sa mukha nito. Umangat ang ulo ng lalaki kasabay ang pagkatumba nito.
Napilitan nang sumugod nang sabay-sabay sa kanya ang natitirang anim. Sinalo muli niya sa mga siko ang bawat atakeng pinakawalan ng mga ito. Nagawa pa siyang itulak ng isa sa likod at napasandal siya sa harap ng truck. Pero mabilis siyang nakabawi nang lumundag siya gamit ang pagsampa ng isang paa sa truck at pumaikot sa ere saka nagpakawala ng sipa sa tatlong malapit sa kanya.
Pagkatumba ng mga ito, magkasabay na sumugod ang natitirang tatlo. Muli siyang nagpakawala ng matataas na sipa saka isa-isang pinatama sa ulo ng mga ito. Sunod-sunod ang pagbagsak ng mga tauhan.
Ngunit sa bandang likuran niya ay may dalawa pang nakatayo at nagsagawa ng surprise attack sa kanya. Natilapon siya patayo matapos sipain ang sumasakit niyang likod. Doon siya pinagtulungang bugbugin ng mga ito.
Pero hindi nagtagal, unti-unti siyang nakabawi hanggang sa mabihag niya sa mga hita ang ulo ng isang lalaki. Tinadtad niya ito ng suntok hanggang sa magdilim ang paningin nito. Sumipa muli siya sa natitirang lalaki at nang makatayo, ikinulong niya ito sa mga bisig at inundayan ng tuhod sa sikmura.
Habang abala siya sa mga tauhan, palihim na inilabas ni Maskara ang natitirang injection sa bulsa nito at itinurok iyon sa gilid ng leeg. Ilang sandali lang ay unti-unti nitong naramdaman ang muling pagdaloy ng kakaibang init sa katawan.
Pagkatapos patumbahin ni Makisig ang mga tauhan, muli niyang narinig ang boses ni Maskara na isinigaw ang pangalan niya.
"Hindi pa tayo tapos, Makisig!"
"Tapusin na natin ito!"
Tumakbo ang lalaki sa kanya at itinaas ang kaliwang kamao nito. Sinubukan niyang harangin iyon sa kanyang siko ngunit nagulat siya nang bigla itong magpalit ng kamay at ang kabila ang pinatama sa kanya. Taob agad siya! Muli niyang naramdaman sa kamao nito ang kakaibang lakas na tinataglay nito noong unang laban nila. Sing lakas iyon ng sampung kamao!
"Gusto mong matapos na ito? Sige, ako na ang tatapos! Sa 'yo!" Hinila nito ang kanyang buhok at iniluhod ang katawan niya. Pagkatapos ay hinataw siya nito gamit ang dalawa nitong tuhod na lalo pang nagpaputok sa mukha niya.
Nang makabangon muli ang mga tauhan, naabutan ng mga ito ang panghihina niya habang nakaluhod sa harap ng lalaki. Humawak ito sa magkabila niyang balikat at muling nag-angat ng ulo habang humahalakhak. Ilang sandali pa, buong lakas nitong inihampas ang ulo sa mukha niya na tuluyang nagpadilim sa kanyang paningin.
Hindi na kinaya ng katawan niya ang patung-patong na pinsala. Hindi na rin niya nakita kung paano siya pinagtawanan ni Maskara kasama ang mga tauhan nito.
Nakaisip ng kapilyuhan, binuhat ni Maskara ang kanyang katawan at ibinitim nang patiwarik sa isang puno. Saka nito sinilaban ang buong paligid ng punong iyon habang siya'y nakalambitin doon. Unti-unti namang lumaki ang apoy at ilang sandali na lang ay maaari nang gumapang sa buhok niya!
"Paano 'yan, pare? Talo ka na naman. Pangalawang beses mo na 'yan! So, gaya ng kasunduan, akin na uli ang mga katribo mo, ah? Hindi mo na sila puwedeng bawiin. You lost two times already! So, goodluck to you! Sana magustuhan ng mga ligaw na hayop dito ang katawan mo oras na ma-lechon ka mamaya! Rest in fucking hell, Makisig!"
Tinalikuran na siya ng lalaki at hindi na nag-abala pang gumamit ng kahit anong armas para tapusin siya. Dahil naniniwala ito na ang pagkasunog nang buhay habang nakalambitin sa punong iyon ang pinakamasaklap na kamatayang maaari niyang danasin.
"Alright, boys! I feel like celebrating tonight. Isasama ko na kayong lahat sa aking Valentinos! Come on!" sabi niya, tinutukoy ang luxury bar na pag-aari niya.
Nagsigawan ang mga ito at iniwan siya roon habang patuloy na lumalaki ang apoy sa kanyang paligid!
SAMANTALA, live namang ibinabalita sa TV ang nasusunog na Baryo Kukatawi. Hindi lang mga nawasak na kabahayan ang nagkalat sa paligid. Pati na rin ang mga natupok na mga hayop sa gubat!
Ayon sa reporter, isang terrorist attack ang nangyari sa naturang baryo. Kasalukuyan pa umanong inaalam kung sinong grupo ng terorista ang gumawa nito.
Tawang-tawa naman si Agustus habang pinapanood iyon. Matalim din ang pagkakangiti ni Kapitan Berdugo na nasa kanyang likuran.
"I cannot believe this! Look at that, Captain! Do you think pang-blockbuster movie na ang mga kaganapan ngayon sa lugar na 'yan?" humahalakhak pa nitong sabi.
"It's more than just a movie, Mr. Agustus. It's like the end of the world already! Pagkagunaw ng mundo ng mga Katawi." Nakitawa na rin ang Kapitan.
"Good job, Son! Thank you for making me happy with this chaos!" sabi ni Agustus sa sarili. Nakiusap siya sa anak kahapon na kapag natalo nito si Makisig, tapusin na rin nito ang buhay ng lalaki para mawalan na rin ng tagapagtanggol ang baryo.
At iyon nga ang ginawa ng kanyang anak. Kahit ang gusto lang nito noong una ay ipahiya si Makisig sa sarili nitong balwarte gaya ng ginawa nito kay Andrei Marquez.
HABANG patuloy na nag-aalala si Doctor James sa isang tabi, bigla namang tumunog ang cellphone niya. Tumatawag ang panauhing dumalaw kanina sa clinic.
"Ah, si Kael po? Naku! Lumabas po siya, eh! I'm really sorry. I tried my best pero hindi ko talaga siya napigilan! Malamang nagpunta 'yun ngayon sa baryo nila!"
"Okay. Thank you, Doctor James," sagot ng mahiwagang lalaki.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro