Kabanata 1: Ang Kampeon ng Kukatawi
Kabanata 1: Ang Kampeon ng Kukatawi
NAALOG ang mukha ng lalaki matapos humagupit dito ang uppercut punch na nagmula sa kanang kamao ni Omar Ali. Kasabay ng pag-angat ng ulo nito ang pagtalsikan ng dugo at ilang piraso ng ngipin nito sa ere.
Kahit naliligo na sa sariling dugo, hindi pa rin nagpakita ng kahinaan ang lalaki. Pinilit nitong ipalipad ang kaliwang kamao gamit ang kahuli-hulihan nitong lakas. Sa halip na ilagan, naisipan ni Omar na dakmain iyon at ikinulong sa kanyang bisig. Pagkuwa'y buong puwersa nito iyong binaluktot na nagpasigaw sa lalaki, saka niya ito binalibag sa kabilang direksyon.
Lumikha ng malakas na pagkabog ang pagbagsak nito sa sahig. Kasabay muli niyon ang pagtalsikan ng dugo sa sugatan nitong mga labi. Agad itong pinatungan ni Omar Ali at walang awang pinalamon ng kanyang mga kamao. Hindi niya ito tinigilan hangga't hindi napinturahan ng dugo ang buong mukha ng lalaki.
Tumayo siya at muling nagpakawala ng mala-demonyong ngiti. Saka niya pinakita sa mga tao kung paano niya binuhat at ipinatong ang lalaki sa magkabila niyang balikat. Nagtakip na agad ng paningin ang marami dahil alam na nila kung ano ang susunod na mangyayari.
Gagawin na naman niya ang kanyang finisher move na kung tawagin ay Rupture!
Matapos niyang ipatong sa balikat ang lalaki, buong lakas niyang binaluktot ang likod nito na lumikha ng malakas na paglagutok. Halos mapaigik ang mga tao sa buong venue. Tuwing mangyayari ang Rupture, marami ang napapapikit dahil hindi nila kayang makita ang nangyayari sa mga biktima.
At pagkatapos nga niyang balian ang kawawang lalaki, binalibag lang niya ito sa sahig na parang laruan. Saka niya ito tinapakan na parang manika at itinaas ang sariling mga kamay. Muli niyang inasar ang mga tao sa mala-demonyo niyang ngiti sabay kembot sa kanyang baywang.
Pagkatapos ng ten-second count ng commentator ay wala pa ring tugon mula sa lalaki. Doon na nito itinaas ang mikropono at isinigaw ang resulta ng laban.
"Here is your winner, The Eliminator from Sultan Kudarat, Omar Ali! And the winning move, Rupture!"
Sumigaw ng pagkalakas-lakas si Omar Ali. Boses lang niya ang maririnig sa buong venue. Palibhasa hindi siya gusto ng mga tao dahil sa kanyang cocky attitude kaya siya na lang ang sumisigaw para sa sarili niya.
"Limang tao na ang pinataob ng ating Eliminator! Sino pa kaya ang susunod?" dagdag pa ng announcer na lalong nagpalobo sa ulo niya.
Siya ang fighter mula sa Sultan Kudarat na dumadayo sa iba't ibang panig ng bansa para bahiran ng dugo ang lahat ng underground fighting tournament na pinapasok niya.
Pagkatapos magpatumba ng mahigit sandaang katao sa Luzon, Visayas at Mindanao, dito naman niya naisipang dumayo sa Magnum Fight Club na isa sa pinakadelikadong annihilation tournament sa bansa. Dito naghaharap ang pinakamatatapang na underground fighters at martial artist para ipakita kung sino sa kanila ang pinakamalakas.
Sa tournament na ito, isang patakaran lang ang sinusunod: Maaari lang matalo ang isang kalaban sa pamamagitan ng knockout, submission, at kamatayan. Hangga't hindi nakakamit ang kahit isa sa mga ito, magpapatuloy pa rin ang laban o di kaya'y magiging no contest ang resulta.
Nagsalubong ng kilay ang isa sa mga audience habang pinagmamasdan ang hindi mapantayang sigla ni Omar Ali sa loob ng cage. "Ang yabang talaga ng lalaking 'yan! Akala mo kung sino!"
Sumagot naman ang katabi nito. "Pero ang lakas din naman talaga niya, huh? Bakal yata ang katawan ng kumag na 'to, eh!"
"Hintayin lang niyang lumabas si Makisig. Doon magkakaalaman talaga!"
Matapos ang maikling selebrasyon ni Omar sa ikalima niyang panalo sa gabing iyon, pinabalik na siya ng commentator sa kanyang corner at nagsagawa ng panibagong anunsyo.
"And now, the moment we've been waiting for..."
Nagsimula nang magsigawan ang marami. Alam na kasi nila kung ano ang kasunod niyon.
"Gaya ng ating nakasanayan, we saved the best for last! Kaya maghanda na ang lahat dahil hindi natin alam kung gaano karaming dugo ang dadanak sa susunod na labang magaganap! And this will be the final fight of the night. Are you ready?"
Doon naghiyawan ang mga tao na animo'y biglang nabuhayan ng dugo. Bahagyang nagulat doon ang commentator kahit inaasahan na nitong mangyayari iyon.
Pati si Omar ay nagulat sa enerhiyang pinakawalan ng mga ito. Hindi tuloy niya maiwasan ang pagkulo ng dugo. Sa tindi ng mga ginawa niya, parang wala man siyang nakuhang suporta sa mga tao. Ang isa pa naman sa dahilan kaya siya dumayo rito ay para makuha ang atensyon ng marami. Ngunit tila hindi ganoon ang nangyari.
"And finally, the jungle warrior has arrived! Weighing at 237 pounds with a perfect record of 103 wins, prepare yourself for the undisputed MFC Heavyweight Champion, Kael Tarik, alyas Makisig!"
Mas lumakas pa ang sigawan matapos marinig ang pangalang iyon. Pati si Omar ay nabingi na sa labis na ingay. Pero sa isang iglap ay may patay na dahong nahulog sa harap niya. Nang pulutin niya ito, biglang umalingawngaw ang huni ng isang hindi matukoy na hayop.
Napalinga siya sa paligid; sinusubukang hanapin kung saan iyon nagmumula. Hanggang sa makakita siya ng isang anino sa taas na tila naglalambitin at nagpapalipat-lipat ng lugar. At mula sa isang entrance na nasa kaliwang direksyon, bumaba sa baging ang isang lalaki na bahag lamang ang suot.
Pagkalapag nito sa lupa, naglakad lang ito nang dahan-dahan habang patuloy sa pagsigaw ang mga tao. Pagkatapos ng ilang hakbang, bigla na lang itong nag-tumbling nang paulit-ulit hanggang sa makarating sa harap ng cage. Marahan itong umakyat sa loob at pumuwesto sa bakanteng corner.
Ikinabit nito ang mga kamay sa bibig at lumikha ng kakaibang huni na narinig niya kanina sa pagkahulog ng dahon.
Matangkad ito, kayumanggi ang balat, mahaba ang buhok at malaki ang katawan. Daig pa nito ang maskuladong mga Greek sculptures na may perpektong build ng katawan.
Mula ulo hanggang paa, nag-uumapaw ito sa kakisigan. Kaya siguro ito tinawag na Makisig dahil sadyang siksik sa bisig ang buong katawan.
Pero kahit gaano pa ito kakisig sa paningin ng iba, sarili lang ni Omar ang kinikilala niyang pinakamalakas at pinakamakisig sa lahat. Idol niya ang sarili niya. Para sa kanya, siya lang ang GOAT o Greatest of All Time.
Katunayan nga, hindi niya inaasahan na ganito ang hitsura ng magiging kalaban niya. Nasanay kasi siya na mas malalaking tao ang kanyang nakakaharap. Dito ay medyo nanibago siya dahil kahit matangkad ang lalaki, milya-milya pa rin ang kanyang tangkad at laki rito. Parang walis tingting nga lang ang tingin niya rito.
Di nagtagal ay inutusan na sila ng commentator na magharap sa gitna ng cage. Doon na rin nila isinagawa ang kanilang staredown na lalong nagpasiklab sa buong venue. Tulad ng ginawa niya kanina, tinapunan din niya ito ng mapang-asar na ngiti.
"Kakaiba ka, pare! Pero sana, hindi mo na lang ginalingan 'yung entrance mo kanina. Sayang, eh! Ako na ang makakalaban mo. Sayang lang 'yung magarbong entrance kung uuwi ka rin namang duguan! Gumagawa ka lang ng ikakapahiya mo sa mga tao!" Saka siya humalakhak at tinapik ang pisngi nito.
Tahimik lang na nakatitig ang lalaki. Wala itong emosyon. Pero nagliliyab pa rin ang katapangan sa kabila ng napakaamong mukha nito.
"Sana lang din binawas-bawasan mo 'yung yabang mo kanina dahil ako na ang makakalaban mo. Sa simula pa lang, ikaw na ang gumagawa ng sarili mong kahihiyan," sagot naman nito na lalong nagpasakit sa tiyan niya.
"Marunong ka ring sumagot, ah? Sana lang din marunong kang umilag dahil baka matulad ka sa mga nakalaban ko kanina. Kung hindi man umuwing basag ang mukha, uuwing nakakabaong!"
"Kung meron mang uuwi na basag ang mukha rito, hindi ako 'yun," sagot uli nito sa napakaamong tinig.
Natawa na naman siya. Bukod kasi sa kakaibang accent nito sa Tagalog, masyado ring mahinhin ang boses nito para sa ganoon kalaking katawan. Hindi bumabagay ang liit ng boses nito sa laki ng katawan.
"Alright, people! Mukhang nagkakainitan na ang dalawa. Kaya huwag na nating patagalin pa! Labanan ng dalawang kamay na bakal, kaninong kamao kaya ang mananaig? Ladies and gentlemen, this is Makisig of Baryo Kukatawi versus Omar Ali of Sultan Kudarat!"
Isang magarbong sigawan ang itinugon ng lahat bago binitawan ng commentator ang huli nitong linya.
"Ready, set... Fight!"
Mabilis na ikinuyom ni Omar ang dalawa niyang kamao. Saka sila bahagyang lumayo ng lalaki sa isa't isa at inilabas ang kanilang mga fighting stance.
Siya ay nakaangat ang isang kamao at naka-defense mode ang porma ng isa, habang ang kaliwang paa niya ay nakasulong at handang sumugod. Ang lalaki naman ay magkapantay ang pagkakaangat ng dalawang kamao sa direksyon ng mukha habang nakataas ang kaliwang tuhod.
Ilang sandali pa, sumugod na siya sa lalaki dala ang kanyang mga kamao. Tatapusin na niya ang laban sa pinakamabilis na paraan!
NANATILING kalmado si Kael Tarik sa kabila ng ugaling pinapakita ng kaharap. Sanay na siya sa ganitong atake ng mga kalaban. Wala nang kahit anong mga titig o salita ang makapagbibigay ng takot sa kanya. Wala ring ibang nasa isip niya kundi ang magdala ng karangalan para sa kanilang tribo.
Makisig ang tawag sa kanya ng lahat dahil bukod sa matipuno niyang pangangatawan ay pambihira din ang taglay niyang bangis sa pakikipaglaban. Siya ang laging dinadayo rito ng mga fighter na nagmula pa sa mas malalaking promotions. Puro mga bigatin ang halos lahat ng nakakalaban niya.
Kilala siya sa pagiging maamong tupa na may bakal na kamao. Marami na siyang napatay. Pero hindi siya literal na pumapatay ng tao. Katunayan nga, wala pa siyang napapatay na kalaban kahit isa. Kaya lang siya binansagang ganoon dahil halos lahat ng nakalaban niya ay namatay ang career matapos matikman ang kanyang kamao.
Ang iba, hindi na makalaban matapos magtamo ng matinding injury na di kalauna'y naging permanente. Ang iba'y napilitang magpalit ng propesyon matapos makaranas ng matinding pagkatalo sa kanya. Ang iba naman ay maagang nagretiro dahil nawalan na lang ng gana sa buhay. Ganoon katindi ang pinsalang iniiwan niya sa mga kalaban, kaya naman ganoon na lang din kasagrado ang tingin ng mga tagaroon sa kanya.
Mayroon siyang perfect record na 103 wins with no defeat at 2,348 days bilang MFC Heavyweight Champion. Katumbas iyon ng mahigit anim na taon bilang kampeon na hindi pa napapataob ng kahit na sino. Undefeated. Undisputed kung tawagin. Walang kumukuwestyon sa kanyang lakas at kakayahan.
"Ready, set... Fight!"
Itinuon na niya ang isip sa kalaban at hinigpitan ang pagkakakuyom sa mga kamao. Kitang-kita niya ang matinding pagkauhaw sa anyo ng kaharap. Uhaw na uhaw sa kanyang titulo at ginintuang sinturon.
Mabilis na sumugod si Omar Ali. Ngunit bago pa dumapo ang kamao nito, humagupit na ang kaliwang paa ni Makisig. Sa isang iglap lang, nasa sahig na ang lalaki habang naninigas ang kabilang mukha.
Nagtiim-bagang ang lalaki. Hindi nito matanggap ang mabilis na pagkatumba. Kaya naman sa muli nitong pagtayo, hindi na nito inawat ang sarili na pakawalan ang pinakamalalakas nitong atake.
Napasigaw ang mga tao sa sumunod na eksena. Halos sumabay ang pintig ng mga puso nila sa bilis ng paghagupit ng mga kamao nina Makisig at Omar Ali. Hindi na nila halos maproseso kung gaano kabilis ang pinakawalang suntok ng dalawa. Pati yata ang buong venue ay sumasabay na rin sa dagundong ng mga kamao.
Wala silang pinatawad na anumang bahagi sa katawan ng isa't isa. Nanatiling masigla si Makisig. Habang si Omar Ali ay unti-unti nang bumabagal at napapaatras. Bigla itong nagkamali ng galaw dahilan para lumusot sa buong mukha nito ang cross punch na pinakawalan ni Makisig.
Umikot ang ulo ng lalaki bago muling bumagsak sa ikalawang pagkakataon. Lumundag si Makisig at nagsagawa ng iba't ibang stance paatras sa kanyang puwesto at itinutok ang kamao sa direksyon ng lalaking nakahandusay.
Lalong kumulo ang dugo ni Omar. Hindi siya makapaniwala sa ipinakita ni Makisig. Nasaktan ang pagkatao niya roon. Siya kasi ang nakapagtala ng pinakamalakas na punching power sa modernong panahon. Kinatatakutan siya ng marami dahil sa kanyang kamao. Pero ngayon, kabaligtaran ang nangyayari. Siya na ang nasusunog sa sarili niyang apoy.
Bumangon si Omar at nag-iba ng stance. Sa pagkakataong iyon, hindi na mga kamao nito ang handang umatake, kasama na rin ang mga paa. Sa muli nitong pagsugod, iba na ang mga galaw na pinakakawalan nito.
Hindi na nahirapan si Makisig na sabayan ito. Alam niyang gumagamit naman ito ng Kickboxing para tapatan ang Muay Thai niya. Lalo siyang nabubuhayan ng dugo tuwing magtatagpo ang mga kamao at paa nila.
Matapos ang mabibigat na palitan ng atake, nakahanap siya ng tiyempo para muling ipadapo ang kamao sa mukha nito. Inilabas agad niya ang ilan sa mga powerful combo niya sa Muay Thai.
Nagbitaw siya ng dalawang straight punch kasabay ng isang cross punch sa kaliwang kamao, saka niya saglit na isinara ang mga iyon at nagpakawala ng isang uppercut punch. Agad niya iyong sinundan ng hook elbow o pag-atake ng siko sa pakurbang direksyon, sabay taas ng isa pang siko patungo sa mukha nito saka tinuhod ang lalaki sa sikmura!
Sa sobrang bilis ng pagkaka-execute niya sa mga moves na iyon, wala nang nagawa si Omar Ali para ipagtanggol ang sarili. Ito ngayon ang nagmukhang kawawa sa loob ng cage. Napaluhod na lang ito habang nakaawang ang bibig at nagdidilim ang paningin.
Batid ni Makisig na bukod sa Kickboxing, magaling din mag-Wrestling ang lalaking ito. Madali lang dito ang pumatay ng tao gamit ang ilan sa pinakadelikadong moves sa Wrestling, gaya na lamang ng Rupture na signature finisher nito.
Kaya naman hindi na niya hinayaang magamit nito iyon. Inubos na niya ang enerhiya ng lalaki bago pa nito mailabas ang iba pang alas nito sa kanya. Naging madali lang sa kanya na magawa iyon dahil sa ugali ng lalaki na unahin ang Boxing at Kickboxing bago ilabas iniingatan nitong baraha. Ito ang naobserba niya kanina at iyon din ang matagal na niyang naririnig tungkol kay Omar Ali.
Lagi nitong inuuna ang Boxing skills nito para ubusin ang lakas ng kalaban. Kapag sila'y nanghihina na, doon pa lang nito isasagawa ang mga Wrestling moves nito para tuldukan ang laban sa pinakamadugong paraan.
Kaya siguro ganoon na lang ang galit ng lalaki sa kanya kanina. Inunahan na niyang ubusin ang lakas nito bago pa nito maubos ang sa kanya. Pero hindi talaga sumuko si Omar Ali. Kahit nanginginig na sa pinsala ang buong katawan, pinilit pa rin nitong tumayo at nag-angat ng ulo.
Sumugod muli ito gamit ang dalawa nitong kamao. Ngunit bago pa iyon tumama sa kanya, biglang yumuko ang lalaki at gumulong patungo sa likuran niya. Humawak ito sa kanyang baywang at buong lakas siyang binuhat sa pabaligtad na direksyon. Isa itong technique sa Wrestling na kung tawagin ay German Suplex.
Hindi makapaniwala ang mga tao sa nasaksihan. Akala nila wala nang lakas si Omar Ali para lumaban. Pati si Makisig ay hindi inaasahan na gagawin iyon ng lalaki. Pero hindi pa rin niya hinayaang makaisa ang kalaban. Dahil bago pa tuluyang lumapat ang mukha niya sa sahig, nagawa na niyang mailapag ang mga kamay para mabawasan ang impact. Doon niya ginamit ang kanyang puwersa para makatayo muli at pinalipad ang kanyang siko sa mukha nito.
Napaluhod ang lalaki sa sahig. Pero hindi nagtagal, muli itong nakabangon at pilit nilabanan ang mga pinsalang tinamo. Nag-angat itong muli ng kamao sabay ngisi sa kanya. Pinapahiwatig na hindi ito magpapahuli sa kanya pagdating sa patibayan ng katawan.
Pero tinamad na siyang makipaglaro pa. Inabangan lang niyang makatayo muli ang lalaki at hinayaan itong sumugod sa kanya. Bago pa ito makalapit ay humagupit muli ang kanyang paa at parang palakol na pinatama sa ulo nito. Sa lakas ng impact ay napaluhod muli ang lalaki. Sa pagkakataong iyon, bahagya na lang nakabukas ang mga mata nito.
Mabilis na umakyat si Makisig sa kabilang bahagi ng cage. Saka siya tumalon na parang taong gubat at iniangat ang kanyang siko. Napapikit ang mga tao sa sumunod na nangyari. Humagupit na parang bulalakaw ang kanyang siko sa ulo ni Omar Ali! Iyon ang kanyang finisher na kung tawagin ay Jungle Punishment. Isa itong uri ng downward elbow strike kung saan lumulukso siya patungo sa kalaban saka ipapatama sa kanilang ulo ang kanyang siko.
Pagbagsak ng katawan ni Omar Ali, naiwang duling ang dalawa nitong mata habang nakaawang ang bibig gawa ng matinding pagka-knockout!
Nagsimula na itong bilangan ng commentator. Nang hindi pa rin ito nagbigay ng reaksyon pagkatapos ng ten-second count, tumunog na ang bell na hudyat ng pagtatapos ng laban.
Muling umugong ang malakas na sigawan. Saka siya nilapitan ng commentator at itinaas ang kaliwa niyang kamay. "Here is your winner, and still, the MFC Heavyweight Champion... Makisig! And the winning move, Jungle Punishment!"
Buong sigla niyang itinaas ang ginintuang championship belt na may malaking logo ng MFC sa harap. Nilasap niya ang nakabibinging palakpakan ng mga tao. Habang si Omar Ali naman ay mahimbing nang natutulog matapos makatikim ng Jungle Punishment!
"ANO ba 'yan! Natalo na lang nang ganoon si Omar? Hindi man lang niya nagawa 'yung Rupture sa Makisig na 'yan! Iyon ang gusto kong makita, eh! Putragis talaga! Pwe!" reklamo ni Nasser saka nilingon ang among si Agustus Valentino. Nasa gitna sila ng mga tao at tahimik na nanonood.
"Relax, Nasser, and don't worry about that. It's not a big deal! Besides, alam mo naman siguro kung ano ang pinunta natin dito, hindi ba?" sagot naman dito ni Agustus na tila hindi apektado sa pagkatalo ng manok nito.
"Pero, boss, ang laki ng ipinusta natin d'yan! Nasayang lang tuloy 'yung kalahating milyon ko! Pwe!" Sabay dura ni Nasser ng laway.
"How about you, Son? Ano'ng say mo sa naging laban nila?" Sabay baling ni Agustus sa anak nitong si Dominick Valentino.
"Alright, Dad! I can't wait to face that guy. Hindi na 'ko makapaghintay na makalaban siya!" asik naman ng lalaki habang nakahalukipkip ang mga kamay.
"Bakit kasi nandito pa tayo? Ano naman ang kinalaman ng death match na 'yan sa mga plano natin? Kailangan pa ba 'to, boss?" pag-iiba ni Nasser sa amo.
Tumatawang lumingon sa kanya si Agustus. "Impatient as ever, Nasser! Just stand, watch, and be amazed! Para namang hindi ka na nasanay sa akin. I hate being straight to the point. Gusto ko, lahat ay maging mala-pelikula sa paningin ko!"
Sabay na nagtawanan ang mag-ama roon.
Nakitawa na rin si Nasser kahit wala siyang alam sa usapan ng dalawa. Ang alam lang niya, isa si Agustus sa mga tatakbo sa pagka-Mayor dito sa nalalapit na eleksyon. Pero hindi niya alam kung bakit bigla itong nagka-interes na pumasok dito at panoorin si Makisig na wala namang kinalaman sa plano nila.
"Ano na naman kaya ang tumatakbo sa isip ni boss? At ano naman kaya ang magiging connect ng tournament na ito sa kandidatura niya? Hmmm..." Napaisip na rin siya habang pinagmamasdan ang kampeon na patuloy pa ring nagsasaya sa loob ng cage.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro