magsisimula ako sa dulo
magsisimula ako sa dulo
oo, sa dulo, sa wakas
sa katapusan ng lahat
magsisimula ako
magsisimula akong ipaalala sa’yo
yung mga araw na pinilit mong tumayo
kahit ilang beses kang natumba
kung paanong itinuloy mo ang iyong pag-usad
kahit tawanan ka man ng iba
ipapaalala ko sa’yo
kung paanong hindi ka natinag sa kanilang panghuhusga
ipapaalala ko sa’yo
kung paanong mas hinangaan kita
sa sandaling mapapagod ka
magsisimula akong iduyan ka
sa mga matatamis nating alaala
iku-kwento ko sa’yo nang paulit-ulit
ang sandali ng una nating pagkikita
nakapustura ka sa iyang piyesta
at parte ka ng banda
iniabot ko sa’yo ang kapirasong papel
na naglalaman ng hiling kong piyesa
natatandaan mo pa ba
‘yung una mong inalay sa’kin na kanta?
nahihiya ka pa nga’t medyo aligaga
pero tinugtog mo pa rin
ang paborito kong awitin
at mula noon hindi na maalis ‘yang tingin mo sa’kin
nakakakilig lang isipin
kung paano tayo nagsimula
sa iyong paghinto
magsisimula ako
magsisimula akong baybayin
ang bawat espasyo na binigyan mo ng marka
mga maliliit na bagay na binigyan mo ng halaga
kung paanong nabubuhayan ang paligid
sa iyong mga tawa
at kung gaano kaganda ang ‘yong mga mata
sa tuwing sasabihin mo na
‘wag mawalan ng pag-asa
mahal, handa akong maging unan
kapag nagsimula nang bumigat
ang iyong isipan
kaya kong maging kumot
na gagapos
sa tuwing ika’y nanlalamig
hindi ako mang-aawit
pero ipaghehele kita
hanggang sa ika’y humimbing
sasamahan ka sa mga gabing madilim
hinding-hindi ako mawawala
sa iyong piling, mahal
magsisimula ako sa dulo
sa wakas, sa dulo
kapag nalulumpo
aakayin kita
hanggang sa muli kang makatayo
sa iyong pagkabigo
sasamahan kita
hanggang sa gumaan ang iyong puso
sa tuwing mapapagod ka na
balikat ko ang iyong magiging pahinga
kapag hindi mo na kaya
umiyak ka lang
at papahiran ko ang ‘yong mga luha
aalalayan kita
kapag sukong-suko ka na
hinding-hindi ako mapapagod mahalin ka
sa lungkot at saya
sa pighati at ginahawa
sasamahan kita
sabay tayo sa dulo
sa wakas
sa katapusan ng lahat
sabay nating muling simulan
ang pagharap
ng bago nating bukas
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro