Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 5

Kabanata 5.

Napatingin ako sa suot kong lumang damit. Ang mwebles at klase ng tela ay marupok na, at halatang konting hila lang nito ay masisira na. Idagdag mo pa'ng hindi ko maintindihan kung anong klaseng damit ito, sapagkat para lang itong pinagtagpi-tagping tela, at ginawang damit. Wala pa akong sapin sa paa, at magulo ang buhok ko. Kung hindi lang malinis ang katawan ko, malamang ay taong grasa na ang tawag sa'kin.

Sinuklay ko ang buhok ko gamit ang kamay ko habang palabas ng pintuan ng kubong 'to. Ito lang ang lugar na napuntahan kong walang suklay. Kung paano ako nakarating sa lugar na ito, ay hindi ko rin alam. Nagising na lang ako sa tabi ng ilog, at dinala lang ako ng isang bata sa lugar na 'to.

Kahit ang sulat nila ay iba. Hango ito sa Anglo Saxon Rune, na isang Old English alphabet. Talagang makaluma ang mga bagay-bagay sa lugar na ito. Iba'ng-iba sa modernong mundong kinabibilangan ko. Mabuti na lamang ay napag-aralan ko 'yon dati kaya kahit papaano nakakapagbasa ako.

Paglabas ko, napuno ng putik ang mga paa ko. Sumalubong sa akin ang mausok na paligid, humalinghing din sa ilong ko ang nakakasulasok na amoy na hindi ko alam kung saan nagmula. Hinakbang ko ang mga paa ko, at hindi na inalintana pa ang putik na bumabalot sa mga paa ko. Maingay ang paligid, at karamihan sa kanila ay nagtatangis. Isa itong lugar kung saan lahat ng tao ay mahihirap. Napaisip naman ako saglit, mga tao nga ba sila?

Nang makarating ako sa ilog kung saan ako natagpuan, agad kong hinugasan ang mga paa kong napakarumi. Alam kong sinasabing sagrado ang ilog na ito, pero wala namang nakakakita sa'kin. Tiningnan ko ang repleksyon ko sa tubig, mabuti na rin at napadpad ako sa lugar na ito. Natakasan ko ang buhay ko, at napapaligiran ako ng mga taong hindi ko kilala. Mga taong walang pakialam sa akin, at mga taong hindi ako huhusgahan sa kung sino man ako.

Matapos kong hugasan ang mga paa ko, inahon ko ito at tinapak sa damuhan. Natanaw ko mula sa malayo ang nagsisindihang mga lampara ng ilaw. Takip-silim na, at nag-iingay na naman ang isang partikular na lugar. Ang lugar na 'yon ay maituturing kong isang bayan, kung saan marami sa kanila ang nagtitinda, maraming namimili, at marami ring gulong nagaganap.

Hindi ko nagawang makapamasyal doon sapagkat binalaan kami ni Martina na 'wag mapagawi sa lugar na 'yon. Sinabi niyang kadalasang may nagaganap na gulo roon, at palaging mga alipin ang pinupunturya ng mga kawal ng bayan.

Hindi ko namalayan na kusang naglakad ang paa ko patungong lugar na iyon. Hindi man maputik ang daan, maalikabok naman itong tunay. Pagdating ko sa sirang tarangkahan, bumungad sa akin ang nagkakagulong mga tao. Tama nga si Martina, madalas ay nagkakaroon ng gulo rito. Halata naman sa sirang pambungad na tarangkahan.

Napansin ko ang mga grupo ng mga lalaking may kakaibang kasuotan, para itong mga kawal na puno ng armored metal case sa katawan. Bukod doon, may mga matutulis na patalim din itong dala-dala. Siguro sila ang kawal ng bayan. Sana'y ganito ang mga pulis sa mundo na kinabibilangan ko.

Nangunot ang noo ko nang makita kong may hawak-hawak na batang babae ang isa sa mga kawal. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa mwebles ng damit ng bata, at halos mabuwal na ito sa kakaalog niya. Pamilyar sa'kin ang pigura ng bata kaya naisipan kong lumapit upang malaman kung sino ito.

Maraming kawal ang pakalat-kalat sa paligid, kaya naman walang kahit sino sa mga taong naroroon ang nagtatangkang makisali upang ipagtanggol ang bata. Napadako naman ang paningin ko sa isang binatang lalaki na nasa isang tabi. Nakatingin ito sa batang babae, at balisa ang mukha niya. Animo'y parang may gusto siyang gawin pero may pumipigil sa kaniya.

"Ikaw ba ang nagnakaw ng pilak ng tinderong 'yan?" Maawtoridad na tanong ng isa sa mga kawal. Hindi sumagot ang bata, ngunit ilang beses itong umiling na puno ng takot at pagkagimbal sa paratang na pinapataw sa kaniya.

"Isa kang tampalasan!" Tinulak nito ang bata. Natumba ito, at napaharap sa gawi ko. Napasinghap ako nang makilala ko ang batang 'yon.

"Sapphira..."

"Damputin ang bata, at ikulong ng tatlong araw sa kulungan. Walang tubig at walang pagkain, hangga't hindi niya inaamin ang kasalanang ginawa niya." Bahagyang napataas ang kilay ko sa utos nito.

Naglakas loob akong lumapit sa batang walang kaawa-awang nakasalampak sa maalikabok na sahig. Puno ng luha ang mga mata nito na naghalo-halo na sa madungis niyang mukha. Napansin ko rin ang pagsinghap ng mga tao at kawal dahil sa ginawa ko. Marahil iniisip nilang napakalakas ng loob kong tulungan ang bata kahit na madamay pa ako.

"A-ate Lucy..." Utal nitong pagtawag sa pangalan ko. Tinulungan ko siyang makatayo habang pinapagpag ang tela ng damit niya. Kahit anong pag-pag ko rito ay hindi matanggal-tanggal ang duming tila ba naging disenyo na ng kasuotan niya.

"A-ate Lucy, umalis na ho k-kayo. Baka madamay po kayo..." Ginawaran ko siya ng isang ngiti bago harapin ang mga kawal na nakangising nakatingin sa akin.

"Ikaw ba ay kasabwat ng hampas-lupang batang 'yan? Kung gayon ay maaaring ikaw ang nag-utos sa kaniya. Hindi ba?" Hinawakan ko ang kamay ni Sapphira, at pinisil ito upang mapatigil siya sa pag-iyak.

"Shut up," Nakita ko ang pagkagulat sa mga mukha nila nang magsalita ako. Nagkatinginan pa ang mga ito na para ba'ng may narinig silang kakaiba.

"Nakakamanghang maalam ka magsalita ng lengguahe ng mga maharlika." Komento ng isa sa mga kawal. Lengguage ng mga maharlika?

"Ngunit ipinagbabawal sa mga aliping gaya mo ang pag-aaral ng lengguaheng 'yon." Dag-dag nito. Napasinghal ako sa kaloob-looban ko, pati ba naman dito ay ipinagkakait ang edukasyon sa mga mahihirap?

"Ano ang iyong patunay na ninakaw ng batang ito ang pilak na sinasabi niyo?" Natawa ang mga ito dahil sa naging usal ko. Napadako na naman ang tingin ko doon sa lalaking kanina pa balisa ang mukha. Sa tingin ko ay may alam siya sa nangyayari.

"Narinig ko ang sinabi niyang magnanakaw siya ng pilak sa panahong gugutumin siya, at ngayon ay nawalan ng tatlong pilak ang matandang 'yan. Kaya wala ng iba pa'ng magnanakaw n'on bukod sa kaniya." Napatango ako sa sinabi niya. Tiningnan ko siya ng seryoso bago ibuka ang bibig ko upang magsalita.

"Papatayin kita," Limang segundong katahimikan ang bumalot sa paligid dahil sa sinabi ko.

"'Pag sinabi kong papatayin kita, at mamatay ka nga, kahit hindi ako ang may gawa, masasabi mo ba na ako ang pumaslang sa'yo?" Mukhang sinampal ito sa mga salitang binitawan ko.

"Kung ikukulong niyo ang batang ito, kung panghahawakan niyo ang batang paslit na walang kasalanan, Ano ang mangyayari sa totoong nagkasala?" Tila ba nagulumihan ang mga ito sa naging tanong ko. Ang mga tao naman sa paligid ay halos hindi na huminga sa nasasaksihan.

"Makakatakas, hindi ba?" Dag-dag ko. Hinarap ko ang matandang sinasabi nilang nanakawan ng tatlong pilak.

"Ilang minuto na ang nakalipas simula nang malaman mong nawawala ang pilak mo?" Natahimik ito. Pinag-aralan ko ng mabuti ang reaksyon sa mukha niya. Naningkit ang mga mata ko nang magsimulang maglumikot ang mga mata niya na para ba'ng naghahanap ng maisasagot niya.

"Tapatin mo nga ako, Nawala ba talaga ang pilak mo, o baka naman sinadya mong iwala?" Napakurap ito. Umiling ang matanda at tinuro ako.

"S-sinungaling!" Hinigit ni Sapphira ang dulo ng damit ko kaya napayuko ako upang tingnan siya. Ang dungis ng mukha niya, ngunit kapansin-pansin ang mga mata niting nakikiusap na tigilan ko na kung ano ang ginagawa ko.

"Nahihibang ka na ba? Bakit naman ako magsisinungaling na nawawala ang pilak ko?" Napangisi ako sa sinabi niya.

"Kung gahaman ka sa pilak, malamang gagawin mo ang bagay na 'yon." Nagsimulang magbulungan ang kapwa niya tindera at tindero sa isang tabi. Naririnig ko ang mga bulungan nilang sinasabi na gahaman nga sa pilak ang matandang 'to.

"Kung magkukunyari kang nawala ang tatlong pilak mo, alam mong may rerispondeng kawal. Hahanapin nila ang nagkasala, at kung mahanap nila, sasabihin mong ibalik ang nawawala mong tatlong pilak. Sa gano'ng sitwasyon, madadagdagan ang pilak mo. Hindi ba?" Nakita ko ang pagkurap ng mga mata niya, kasabay nito ay ang sunod-sunod niyang paglunok dahil sa sinabi ko.

"Hindi ba mga kawal?" Hindi nakasagot ang mga ito, bagkus ay iniwas na lamang nila ang kanilang paningin sa ibang direksyon.

"Sabihin na natin na tama ka, ngunit nasaan ang iyong patunay? Ang aliping gaya mo ay walang karapatan upang humingi ng hustisya sa kahit ano ma'ng bagay." Napalingon ako sa nagsalita. Napahigpit ang pagkapit ni Sapphira sa kamay ko nang marinig ang boses na 'yon.

"Komandante!" Sabay-sabay na nagsiyukuan ang mga kawal. Kahit ang mga nakikinood ay nagsiyukuan din upang magbigay galang. Kahit si Sapphira ay nanginginig na niyuko ang ulo niya.

"Kung mabibigyan mo ako ng matibay na katunayan na hindi ang paslit na yan ang nagnakaw, papakawalan ko siya. Ngunit kung hindi mo ako mabigyan ng sapat na katunayan, gugulong ang leeg mo sa maalikabok na sahig na 'to." Napalunok ako. Masyadong seryoso at maawtoridad ang boses niya. Hindi na ako magtataka kung bakit ganito siya galangin ng mga tao rito.

Nagsimulang naglumikot ang mga daliri ko habang nag-iisip ako ng gagawin. Kailangan mo mag-isip Lucy, tumatakbo ang oras. Tinukod ko ang kaliwang tuhod ko sa sahig upang makapantay ang tangkad ni Sapphira. Hinawakan ko siya sa balikat, at nginitian.

"Magtiwala ka kay ate ha?" Tumango ito kaya napangisi ako.

Tumayo ako at hinarap ang lalaking tinawag nilang komandante. Sa lugar kung saan nagtitinda ang matanda, malabong may pagtataguan siya ng pilak. Malaki ang posibilidad na nakatago lang ito saan ma'ng bahagi ng kasuotan niya.

"Kinakailangan magtanggal ng saplot ang dalawa." Mahinahon kong suhestyon. Napasinghap ang mga tao sa paligid, ngunit kapansin-pansin ang pamumutla ng matanda dahil sa sinabi ko.

"Kaya mo ba'ng magtanggal ng saplot sa harap ng maraming tao, alipin?" Tanong ng isang kawal. Tumango ako ng walang pag-aalinlangan.

"Mapatunayan ko lang na wala akong sala, gagawin ko lahat. Hindi ba, tanda?" Nagsimulang magtanggal ng damit si Sapphira. Nang i-abot ko ang damit niya sa mga kawal, agad nilang sinuri kung may pilak ba roon o wala.

"Walang pilak Komandante." Pagkokompirma nito. Ngayon ay nakatingin na kaming lahat sa matanda. Hinihintay naming lahat na magtanggal siya ng saplot sa katawan.

Pagkatapos ng ilang sandali, akmang tatanggalin na niya ito, nang bigla siyang tumakbo palabas. Napangisi ako sa isip ko, sinasabi ko na nga ba. Bago pa man siya mahabol ng mga kawal, may lalaking humablot sa matanda at pinadapa ito sa maalikabok na sahig. Siya yung lalaking kanina pa balisa sa isang tabi.

"Nagkakaliwanagan na ba tayo rito Komandante?" Imbis na sagutin ako, tinalikuran niya lang ako na para ba'ng walang nangyari. Dinampot nila ang matanda at kinaladkad ito palabas ng sirang tarangkahan.

Yumuko ako, at binihisan si Sapphira habang pinupunasan ang mga luha niyang natuyo na. Mas lalong naging madungis ang mukha niya. Mabuti't hindi siya nag-aamoy malansa kahit ang dungis-dungis niya. Nakakita ako ng pares ng paa sa tapat ko kaya inangat ko kaagad ang tingin ko.

"Ang tapang mo," sabi nito. Tumayo ako at tinitigan siya ng mabuti. Matapang?

"Kung hindi ako dumating, malamang ay nakulong na si Sapphira. Bakit hindi mo sinabi na may alam ka?" Kinagat nito ang ibabang bahagi ng labi niya.

"Paano mo nalaman?" Pinagkrus ko ang braso ko habang tinitingnan siya ng mata sa mata.

"Sinasabi ng mata mo." Matapos ko iyong sabihin, hinawakan ko ang kamay ni Sapphira at naglakad na palabas ng tarangkahan.

Tahimik lang kami ni Sapphira habang tinatahak ang madilim na gubat pabalik sa maputik na kinatitirikan ng bahay nila. Walang kahit na anong ilaw ang nagbibigay liwanag sa daan namin bukod sa maliwanag na buwan.

"Ate Lucy," Napalinga ako nang tawagin ako ni Sapphira.

"Bakit?"

"Ang tapang niyo po." Natawa ako. Buong buhay ko, ngayon lang ako naging matapang. Naging duwag na ako, at alam ko kung ano ang pakiramdam ng pagiging duwag. Walang-wala ka'ng mararating sa buhay, at puro sakit lang ang dadanasin mo mula sa matatapang na tao.

"Hindi masama ang lumaban Sapphira, lalo na kung alam mo'ng tama ka." Hindi ito sumagot sa sinabi ko. Tumigil siya sa paglakakad kaya napatigil din ako.

"May problema ba?" Umiling siya. May kinuha siyang isang lumang papel mula sa bulsa niya, at binigay ito sa akin. Lukot-lukot na ito at marumi pa.

"Lum...Lumi...Lumin...Ano ba 'to?" Inangat ko ang papel upang maaninag ang nakasulat dito. Hindi na kasi malinaw ang mga letrang nakaimprinta dahil mukhang nabasa ito.

"Luminous Academy?" Taka kong basa rito. Binalingan ko ng tingin si Sapphira.

"Gusto mo ba'ng mag-aral dito?" Agad siyang umiling.

"Nababagay ka sa paaralang 'yan Ate Lucy." Nakangiti niyang wika.

"Hindi ba't pinagbabawal ang edukasyon sa mga alipin?" Tumango siya, ngunit may bakas pa rin ng ngiti ang mga labi niya.

"Tama po kayo. Ngunit sa susunod na mga araw, may paligsahang gaganapin. Dalawa sa maswerteng alipin ang makakapasok sa loob ng Academia kung saka-sakaling manalo man sila sa paligsahang gaganapin." Napataas ang kilay ko. Sa dinami-rami ng mga alipin, dalawa lang ang hahayaan nilang makapasok sa paaralang 'yon para makapag-aral?

"Nababagay po kayo roon Ate Lucy. May kakaiba sa'yo. Isa ka nga'ng alipin ngunit may kakaiba ka'ng angking talino, at bukod doon, hindi mo alam kung anong abilidad ang meron ka. Matutuklasan mo 'yon kung makapasok ka sa Academia." Napanga-nga ako sa mga katagang lumabas mula sa bibig ni Sapphira. Nakakasigurado ba kayong pitong taong gulang lang 'to?

"Luminous Academy..." Bulong ko sa kawalan. Wala naman sigurong mawawala kung susubukan ko hindi ba? May rason naman siguro kung bakit, at paano ako napadpad sa lugar na ito.

"Sasali ako." Determinado kong sagot.

Nahuli ko ang pagngiti ni Sapphira dahil sa sinabi ko. Napa-iling na lang ako, mukhang magsisimula na ang kwento ng panibago kong buhay. Sana maganda ang kahahantungan nito, sana hindi ako magsisi sa huli.

"Ate Lucy, 'wag po sana kayong magalit kay Kuya Mekhi." Nangunot ang noo ko. Kuya Mekhi? Sino yun?

Nahalata niya ata'ng pagtataka sa mukha ko kaya tumigil siya sa paglalakad. Lumingon siya't tinuro ang bayan na pinanggalingan namin kanina.

"Siya yung lalaking nagsabi sa'yo na matapang ka. Siya si Kuya Mekhi. Kagaya ko, isa rin siyang Alipin." Napatango na lang ako. Mekhi, parang pambabae ang pangalan niya.

"Tulad mo'y sasali rin siya sa paligsahan upang makapasok sa loob ng Academia." Napakamot ako ng noo. Sasali ako sa isang paligsahan pero hindi ko naman alam kung ano'ng klaseng paligsahan 'yon. Mabuti sana kung quiz bee, o 'di kaya'y paunahan sa pagmemorya ng mga bagay-bagay. Panigurado'y mananalo ako.

"Bakit nga pala ayaw mo'ng sumali?" Nagkibitbalikat na lang ito habang tumatalon-talon.

"Hindi ko pa po kontrolado ang abilidad na meron ako. Kadalasan ay nawawalan ako ng malay kapag ginagamit ko ito. Kaya hindi rin po ako mananalo kung saka-sakali man." Luminga ako upang sumulyap sa kaniya. Ang batang 'to, ano'ng abilidad ang ibig niyang sabihin?

"Ano'ng klaseng abilidad ba 'yon Sapphira?" Tinaas niya ang kaliwang kamay niya habang nakangiti ng malawak.

"Kaya kong magpalago ng mga halaman, at kaya ko rin silang palagasin kung gusto ko." Napanga-nga ako sa sinabi niya. Pwera biro? Kaya niya talagang gawin 'yon?

"Ikaw Ate? Ano'ng abilidad meron ka?" Napakamot ako ng batok. Ano nga ba? Meron ba ako no'n? Isa lang akong matalinong tao. Ni hindi ko nga kaya ang ginagawa niyang pagpapalalago ng halaman.

"Hindi ko maalala Bhe." Napansin ko ang pangungonot ng noo niya.

"Bhe? Ano po yung bhe? Sapphira po ang pangalan ko Ate. Nakalimutan niyo na po ba?" Nasapo ko na lang ang mukha ko. Oo nga pala, nakalimutan kong hindi niya pala alam yun. Magsasayang lang din ako ng oras kakapaliwanag sa kaniya.

"Wag mo na lang pansinin 'yon. Tara, uwi na tayo." Habang naglalakad ay bigla akong napahawak sa leeg ko. Kinapa ko ang kwintas ko, at kinabahan ako nang mapansing hindi ko ito suot.

"Ate?" Inangat ko ang tingin ko kay Sapphira. Nagtataka ito kung bakit hindi ako mapakali habang hawak-hawak ang leeg ko.

"N-nawawala ang kwintas ko!" Nagsimula kong kagatin ang mga kuko ko. Nasaan na yun? Hindi ko iyon pwedeng maiwala! Yun na lang ang tanging bagay na bigay sa akin ng yumao kong ina. Yun lang ang bagay na meron ako.

"Nung niligtas mo ba ako sa ilog, wala ka ba'ng nakitang kwintas?" Umiling ito.

"Sa totoo lang po'y hindi ako ang nagligtas sa inyo. Nakita lang po kita sa tabi kong walang malay." Nangunot ang noo ko. Nakakasigurado akong may umahon sa'kin sa tubig. Kung hindi siya 'yon, sino?

"Pero wala ka talagang nakitang kwintas?" Umiling naman ito sa pangalawang pagkakataon.

Tinanaw ko ang ilog mula sa malayo. Nakakasigurado akong nahablot ko 'yon bago pa man ako tuluyang lumubog sa tubig. Kung nakarating ako rito, baka nasa tabi-tabi lang yun ng ilog. Kailangan kong mahanap 'yon.

"Sapphira, mauna ka na lang. Magpapahangin lang si Ate." Tumango lang ito saka pumasok sa kubo. Pumanhik naman ako papuntang ilog.

Luminga-linga ako sa paligid. Gabi na, at walang kahit anong ilaw liban na lamang sa liwanag na inilalabas ng buwan. Ilang beses ng sinabi sa'kin ni Martina at Sapphira na sagrado ang ilog na to, at ipinagbabawal ang pagligo dito nino man. Ngunit tulad ng ginawa ko kanina, sisiguraduhin ko rin namang walang makakakita sa'kin.

Saglit kong tinampisaw ang paa ko sa tubig, hindi ito gaano kalamig at hindi rin gaano kainit. Luminga-linga ako sa huling pagkakataon bago tuluyang ilubog ang katawan ko sa ilog. Sa paglapag ng paa ko'y hanggang leeg ko na ang tubig. Ang lalim naman pala. Lumangoy ako papuntang kalagitnaan ng ilog. Namangha ako kung gaano ito kalinaw. Nakikita ko pa ang mga bato-bato sa baba dahil sa linaw nito.

Napatingala ako sa kulay asul na buwan, inawang ko ang bibig ko upang makakuha ng sapat na hangin. Tinikom ko rin agad ito't kaagad na sumisid pababa. Minulat ko ang mata ko habang hinahanap ko ito. Alam kong imposible na mahanap ko ito, lalo na't baka inanod na yun ng agos ng tubig, pero wala rin namang mawawala kung susubukan kong hanapin.

Hinawi ko ang buhok ko nang magsimula nitong takpan ang paningin ko. Nakarating ako sa parte ng ilog kung saan maraming nagtutumpukang mga bato. Napa-iling na lang ako, mabuti't hindi ako rito bumagsak. Pag nagkataon ay bugbog sa pasa ang katawan ko dahil dito. Aalis na sana ako sa parteng 'yon nang biglang mahagip ng paningin ko ang isang kumikinang na bagay.

Sinisid ko pa ito pababa hanggang sa marating ko ang mga batong 'yon. Nasa pinakababang parte ito kaya hindi ko masyado makita kung ang sing-sing ko ba 'yon o hindi. Magkadikit-dikit kasi ang mga bato't may maliit na butas lamang ang naroroon sa pagitan nila upang makita ko ng malinaw ang bagay na 'yon. Pinatong ko ang kaliwang kamay ko sa bato, at ginawang pang-abot ang kanang kamay ko. Hindi ko ito maabot kaya inis kong tinanggal ko ang kamay ko sa butas na yun.

Inangat ko ang sarili ko't pinasok ang kaliwang paa ko doon sa maliit na butas sa pagitan ng mga bato. Kung hindi ito maabot ng kamay ko, siguro nama'y abot ito ng paa ko. Habang hinahanap ito ng paa ko, napalunok ako nang maramdaman kong unti-unti ng nauubos ang hininga ko. Kailangan ko ng umahon upang makalanghap ng hangin. Lalangoy na sana ako paahon, ngunit hindi ko na magawang i-alis ang kaliwang paa ko.

Yumuko ako't sinubukang i-alis ito, ngunit kahit anong anggulo o pwesto ang gawin ko upang matanggal ito, hindi ko talaga siya maalis. Tinukod ko ang kanang paa ko sa bato't buong pwersa itong tinadyak upang makawala ang kaliwang paa ko, pero hindi ko talaga ito magawa.

Bahagya kong inangat ang ulo ko, nakikita ko pa rin ang buwan mula rito. Akalain mo nga namang mukhang mamamatay na naman ako dahil sa lunod. Kinuyom ko ang kamay ko, pinipilit kong likumin ang natitirang hangin sa katawan ko para makahinga pa ako kahit papaano. Tingin ko'y magtatagal pa ako rito ng isang minuto.

Nagulat na lang ako nang may humawak sa kaliwang paa ko. Nang iyuko ko ang ulo ko, may nakita akong isang lalaki. Wala siyang damit pang-itaas kaya kitang-kita ko kung gaano ka kisig ang pangangatawan niya. Sinubukan niyang alisin ang paa ko ngunit gaya ko ay hindi niya rin ito magawang i-alis. Hindi siya umangat ng tingin kaya hindi ko makita ang mukha niya.

Nakagat ko na lang ang labi ko nang bigla siyang lumangoy palayo sa'kin. Lumangoy ito paahon, at ni hindi niya man lang ako nagawang lingunin. Gano'n na lang yun? Susukuan niya na lang ako? Hindi man lang niya gagawin lahat ng makakaya niya upang tulungan ako rito? Tsk.

Pinikit ko na lang ang mga mata ko. Mamamatay na ata ako. Hindi na ako magugulat kung sa paggising ko bumalik na ako sa mundong kinabibilangan ko. Siguro ay kailangan ko lang mamatay rito upang makabalik ako sa totoong pinanggalingan ko. Hindi ko na maintindihan kung ano ang say-say ng buhay ko.

Naimulat ko na lang ang mga mata ko nang may maramdaman akong malambot na bagay na dumampi sa labi ko. Nang tuluyan kong maimulat ang mga mata ko, bumungad sa'kin ang kulay abong pares ng mata. Nakatingin ito sa akin, at para ba'ng sinusuri niya ang buong pagkatao ko.

Naramdaman ko na lang na may nilalabas siyang hangin sa bibig ko. Hinawakan niya ang leeg ko't diniin niya lalo ang labi niya sa labi ko upang bigyan pa ako ng sapat na hangin. Tuluyang nanlaki ang mga mata ko dahil sa ginawa niya. Halos sambitin ko lahat ng murang alam ko nang rumehistro sa utak ko kung ano'ng nawala sa'kin.

Fuck. I just lost my first kiss!

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro