Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

First Dream

Note:

Guys, this book is already published under PSICOM Publishing Inc. Ibinalik ko po ito dito sa Wattpad para mabasa niyo but I hope na suportahan niyo rin po yung published book. :)



First Dream

"Wow Angelique, nice European trip photos ah? Nakakainggit ka talaga!" sabi sa akin ni Amanda habang bino-browse ang photos na nasa DSLR camera ko.

"Oo nga. Ang saya naman ng naging summer vacation mo. At sa Europe pa talaga! Ang dami mo pang napuntahan. Sana kami rin," sabi naman ni Lilian—isa sa mga kaklase ko—habang bakas sa mukha niya ang inggit.

"Ano ba, parang 'yan lang," sagot ko sa kanila pero hindi ko magawang itago ang pagmamalaki sa boses ko.

Syempre, Europe 'yun! Hindi basta-basta nakakapunta ro'n dahil kailangan mong maglabas ng malaking halaga para makapagbakasyon doon.

Buti na lang kaya ko kahit hindi ako maglabas ng malaking salapi.

Napatingin ako sa pinto ng classroom namin and as expected, nakatayo ro'n si Owen habang titig na titig sa akin. Nagtama ang tingin naming dalawa. Napangiti siya sa akin at hindi ko maiwasang ngumiti rin sa kanya.

Ang gwapo niya talaga. Ang ganda ng ngiti niya at mas lalo pa itong gumaganda sa tuwing lilitaw sa kanyang kaliwang pisngi ang dimple niya. Isama mo pa 'yung mamula-mula niyang pisngi at sobrang puting kutis.

Para siyang babae dahil sa kinis ng balat niya at ang linis pa niyang tingnan. Parang ang bango-bango niya palagi.

Bumibilis talaga ang tibok ng puso ko sa tuwing nakatitig siya sa akin.

At alam ko, ganoon din siya—at least dito sa mundong 'to.

Umalis siya sa kinatatayuan niya at naglakad papunta sa akin without breaking our eye contact. Alam kong tinitingnan na kami ng mga taong nakapaligid sa amin.

Lahat sila kinikilig at naiinggit.

Oo, aware ako ro'n dahil ayun ang gusto kong maramdaman nila. Ayun ang gusto kong maging reaksyon nila.

Nang makalapit na sa pwesto ko si Owen, ipinatong niya ang dalawa niyang kamay sa desk ko at saka niya ako tinitigan sa mata.

"Angelique..."

"Yes?"

"Will you—"

...

...

...

"ANGELIQUE! ABA'Y BANGON NA! MALE-LATE KA NA!"

Bigla akong napadilat at nakita ko ang nanay ko na nakapameywang na sa harapan ko.

"Bumangon ka na diyan! Anong oras na oh!"

Napaupo ako at kinusot-kusot ko ang mata ko.

Si nanay talaga, istorbo. Ang ganda na ng panaginip ko eh. Ang ganda na nang sunod na mangyayari! Pero wala, naudlot. Si nanay kasi eh.

Mamayang gabi na nga lang ulit.

Bumangon na ako at nag-ayos ng sarili. Tiningnan ko ang itsura ko sa salamin.

Naninilaw na ang uniporme ko at 'yung skirt ko, ang iksi na. 'Yung sapatos ko, pa-sira na rin. At 'yung backpack na nakasabit sa balikat ko, bulok na bulok na ang itsura.

Napailing na lang ako sa itsura ko at saka lumabas ng kwarto.

"Anak, mag-almusal ka muna," sabi ni nanay.

Lumapit ako sa lamesa at tiningnan ko ang pagkain namin. Dalawang pirasong pandesal na lang at isang lata ng paubos nang liver spread.

"Pasensya na at dalawa na lang ang natira ah? 'Yung kuya mo kasi, apat na pandesal ang kinuha. Eh hinati ko nga na tig-tatatlo tayo eh."

"Okay lang po," sabi ko kay nanay at kinuha ko 'yung dalawang pandesal.

Sinabayan ko si Nanay sa pagkain. Tulala lang ako, habang siya naman ay busy sa pagbabasa ng dyaryo.

"Nay, may extra money ka ba?"

"Bakit?" tanong niya nang hindi man lang ako tinitingnan.

"Ah kasi 'yung sapatos ko, pa-sira na. Gusto ko po sanang bumili ng bago."

Dahan-dahang ibinaba ni Nanay hawak niyang dyaryo at tiningnan ako.

"Eh, anak, pagtyagaan mo na 'yang sapatos mo. Ilang buwan na lang naman at ga-graduate ka na ng high school. Nagtitipid kasi ako ngayon at nag-iipon para may pang tuition ka sa college."

Tumango ako at nginitian si Nanay. "Ah, ganun po ba? Sige, okay lang po."

"Pasensya na ah?" sabi niya habang mukhang nagi-guilty.

Para tuloy biglang kumirot ang puso ko. "Okay lang po 'yun, 'nay! Favorite ko rin 'tong sapatos na 'to eh!" masigla kong sabi sa kanya.

Nginitian ako ni Nanay at nagpatuloy na kami sa pagkain.

Ganito ang buhay ko sa reyalidad. Mahirap lang kami at sa isang public school ako nag-aaral. Pag walang pasok, nasa palengke ako at tinutulungan si Nanay sa pagtitinda ng gulay.

Hindi ako prinsesa. Hindi rin ako maganda. At mas lalong hindi ko afford ang mag-European tour.

Pero sa panaginip ko, kaya kong ibahin ang lahat.

Sa mundong ito, may iba't-ibang paraan ang mga tao para makatakas sa reality nila.

'Yung iba, nagbabasa ng libro, 'yung iba through music at 'yung iba naman, sa paglalaro ng video games humahanap ng pansamantalang pagtakas sa reyalidad. Meron ding nagsusulat ng mga stories, nagdo-drawing at nagko-compose ng kanta.

Pero ako? Ang paraan ko ay ang managinip.

You see, may kakaiba akong kakayahan—ang kakayahang ma-manipulate ang sarili kong panaginip.

Hindi ito daydreaming. Tulog talaga ako pero nagagawa kong i-manipulate ang panaginip ko. Nagagawa kong kontrolin ang mga pangyayari. Kung ano ang nasa imagination ko, ayun ang mangyayari sa panaginip ko.

Katulad na lang kagabi, isa akong mayaman at popular na estudyante sa isang elite na school. Kinaiinggitan ako ng lahat dahil sa aking beauty and brains. At patay na patay rin sa akin ang campus heartthrob na si Owen.

Lahat 'yun ay dahil sa manipulation ko. Lahat nang 'yun ay nagmula sa fantasies ko.

Twelve years old ako nang madiskubre ko ang ganitong kakayahan ko. Nung una, nakakatakot lalo na pagkagising ko dahil tandang-tanda ko ang lahat ng nangyari sa panaginip ko. At habang nasa loob ako ng mundong 'yon, aware ako na hindi totoo ang mga nangyayari dahil panaginip lang 'yun.

Nung panahon na 'yun, hindi ko pa sinusubukan na i-manipulate ang mga pangyayari. Ilang beses na rin akong muntik-muntikan nang bangungutin pag nakakatakot ang panaginip ko. Pero kada sinasabi ko na gusto ko nang magising, nagigising ako. Ilang beses kong sinubukan ang ganoong scenario kaya naman one time, sinubukan kong i-manipulate ang mga mangyayari sa panaginip ko.

Sa panaginip kong iyon, may humahabol sa akin, isang matandang babae na puno ng dugo ang katawan at mukha. Maging ang kanyang kaliwang mata ay tanggal na rin. Kahit alam kong hindi totoo ang nangyayari, mas pinili kong tumakbo nang tumakbo dahil na rin sa sobrang takot na nararamdaman ko.

Bigla kong inisip na gusto ko siyang mawala na parang bula. Nang lumingon ako, tuluyan na nga siyang naglaho. Ilang beses ko pang sinubukan 'yon. 'Yung isang beses pa, napanaginipan kong nasa isang garden daw ako. Inisip ko na gusto kong makakita ng isang paru-parong color rainbow. Sa isang iglap, may biglang lumitaw nga na ganoong paru-paro. 'Yung sumunod naman, inisip ko na gusto kong makapunta sa Paris. Next thing I know, nasa harap na ako ng Eiffel Tower

Paunti-unti kong kino-kontrol ang mga pangyayari hanggang sa ako na ang gumagawa ng sarili kong panaginip. Ako na ang nagke-create ng sarili kong scenario hanggang sa hindi na lang basta panaginip ang pinapasok ko kundi ang mga fantasies ko na rin.

Napag-alaman kong lucid dreaming ang tawag doon. Isang rare na skill 'yon at konti lang kaming binigyan ng ganong kakayahan.

Pero syempre, walang nakakaalam ng tungkol doon. Baka kasi kapag ikinuwento ko, isipin pa nilang may problema ako sa pag-iisip.

Habang papasok ako sa school, nakita ko si Owen—'yung real life Owen at hindi 'yung nasa panaginip ko.

Doon siya nag-aaral sa exlusive school for boys na katabi lang halos ng public school na pinapasukan ko. In reality, hindi ako nag e-exist sa mundo niya dahil langit at lupa ang agwat naming dalawa. Kaya minsan, ayoko nang magising dahil ayoko nang harapin ang mapait na reyalidad. Parang ang mas gusto kong namnamin na lang ang sarap ng pananaginip.

Nakita ko siyang nakikipagtawanan sa mga kaibigan niya. Dumaan ako sa gilid niya pero hindi siya lumingon sa akin.

Sino nga naman ba ako para mapansin niya? Sa panaginip ko lang naman nabibigyan ng chance ang sarili ko na mapansin niya eh.

Nung gabing iyon, maaga akong natulog para mahaba-haba ang maging panaginip ko. Syempre, itinuloy ko ang scene kung saan naudlot 'yung paglapit niya sa akin.

Palapit na nang palapit si Owen at nung nasa harapan ko na siya, bahagya siyang yumukod palapit sa akin.

"Hi Angelique, are you free this weekend?"

"Hmm, bakit?"

"Wala lang. Gusto sana kitang yayain lumabas kung okay lang sa'yo?"

Tumango ako. "Sure. Wala naman akong gagawin."

Mas lumawak ang ngiti ni Owen. "Good! Sa Saturday ah? It's a date!"

Napangiti ako. Mag de-date kaming dalawa! Saan kaya maganda? Ano kayang scenario? Ano kayang gagawin namin sa date namin? Hahayaan ko na bang halikan niya ako? Kahit sa panaginip man lang, gusto kong siya ang maging first kiss ko!

"Anong date 'yan?!"

Bigla akong napalingon sa nagsalita. Two chairs away from me, may isang lalaking nakangiti nang nakakaloko sa amin. Napakunot bigla ang noo ko.

Hindi ko kilala 'yung lalaki. Hindi ako familiar sa kanya. At talagang nakakagulat 'yun kasi panaginip ko 'to at lahat ng tao na nandito sa panaginip ko ay familiar sa'kin dahil nanggaling silang lahat sa imagination ko.

At itong lalaking 'to? Hindi ko talaga siya kilala. Isa pa, ramdam kong hindi siya nanggaling sa panaginip ko dahil hindi siya naka-school uniform katulad ng ibang mga estudyanteng gawa mula sa imagination ko. Nakasuot siya ng black leather jacket, white shirt at maong pants.

Tumayo 'yung lalaki at lumapit sa amin ni Owen.

"Babe, sabi mo sa akin tayo ang magde-date. Bakit pumayag ka na makipagdate sa kanya?" tanong niya sa akin.

"What?!" hindi makapaniwalang tanong ko.

Anak ng—! Sino ba 'tong nilalang na 'to at ba't niya ginugulo ang fantasies ko?!

Napalingon ako kay Owen. Wala siyang reaksyon. Ni hindi siya nagseselos. Natural, paano siya magseselos? Hindi ko naman iniisip na magselos siya. Kailangan ko pa talagang isipin na magselos siya.

Panaginip lang kasi 'to at kontrolado ko ang lahat. Uh-oh.

"Sino ka ba?!" nanggagalaiti kong tanong sa stranger na nasa harapan ko.

"Si Caleb 'to! Ikaw talaga!" at kinurot niya ako sa pisngi. MASAKIT AH! Kahit nananaginip lang ako, naramdaman ko 'yung sakit! Bakit ganon?!

Tinitigan ko nang maigi 'yung lalaki—si Caleb—at nag-concentrate ako.

Mawawala ka na parang bula. Mawawala ka. Disappear! Chupi! Lumayas ka sa panaginip ko! Alis! Ngumiti si Caleb habang iiling-iling.

"Hindi eepekto sa akin 'yan, Angelique."

"H-huh?"

Nagulat ako nang bigla na lang nawala ang mga taong nasa loob ng classroom kasama na si Owen. What the hell? Binabangungot ba ako? Ba't hindi ko ma-control ang panaginip ko?!

Napalunok ako at nakaramdam ng takot. What if nawawala na 'yung kakayahan kong manipulahin ang panaginip ko?! Hindi pwede!!!

"S-sino ka?" tanong ko ulit sa lalaki. Hindi niya ako sinagot at tiningnan niya lang ang paligid ng classroom.

"Hmmm, so this is your dream. Mukhang masaya rito ah?" manghang-mangha niyang sabi. "Okay then, nakapagdesisyon na ako!"

"H-ha? Ano?"

Ngumisi siya sa akin. "Dito muna ako tatambay sa panaginip mo. Ayos lang naman siguro sa'yo, 'di ba?"

"Ano?! Ano 'yang sinasabi mo?!"

"Don't worry, gagawin kong mas exciting ang panaginip na 'to," kinindatan niya ako at bigla siyang naglaho sa harapan ko. Kasabay ng paglaho niya ay ang biglaan kong paggising.

Hingal na hingal ako.

Ang bilis ng tibok ng puso ko.

Sino 'yung lalaking 'yun?

No. Scratch that.

ANO ang lalaking 'yun?!

At paano niya napasok ang panaginip ko?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: