Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

NINE

Pinakiramdaman ko ang paligid habang nakahiga sa kama. Sa kisame ang paningin ngunit wala roon ang aking pansin kung 'di sa nahihimigang presensya ni mama.

Hindi ko siya nadatnan kagabi nang makauwi ako. Hindi ko talaga alam kung saan siya nagpupupunta. Noong unang beses ko siyang tinanong ay singhal ang nakuha kong sagot. Ilang beses pa iyong nangyari hanggang sumuko na ako sa pagtatanong.

Hindi ko pa rin mapigilang isipin na hindi ko siya masalba sa bisyo niya. I was young when she started, at nang mamulat ako sa masamang naidulot ng ginagawa niya ay huli na bago ko siya mahila palabas sa sitwasyon. The drugs got the best of her.

If I can't save myself from my inner turmoil, how can I even save other people? How can I rescue someone if I couldn't even do it to myself? 

So I gave up. I remained to be in the safe zone. Iyong walang hasel. I'm neither in the highest of high nor in the lowest low. Nasa gitna lang ako. In my safe place I call my comfort zone.A cold comfort. Iyong nakasanayan ko na.

Bumangon na ako at dumiretso sa banyo upang maligo. Nagbihis ako pagkatapos saka naglagay ng make up. Tinignan ko muna ang suot kong maluwang na muscle shirt. Kita halos buong baywang ko sa sobrang laki ng butas sa sleeve kaya pinailaliman ko nang itim na spaghetti strap. Hanggang binti ko ang shirt kaya nag-leggings ako na kulay itim.

Inayos ko ang itim kong choker bago ako namili ng lipstick. Dark red ang pinili ko dahil bagay sa puti kong muscle shirt.

Ayokong abusuhin ang panay na pagbibigay sa 'kin ni Tori ng mga mamahaling make-up pero siya naman kasi ang namimilit. Noong una ay sinauli ko sa kanya, kinabukasan ay hindi niya ako pinansin.

Kaya sa huli ay tinatanggap ko ang mga pinamimigay niya.

Sinuot ko na ang aking boots pagkatapos gawin ang mga ritwal ko. Kinuha ko ang rugby sa ilalim ng cabinet dahil nalagas na naman ang suwelas ng isang boot.

Sa aking pagbaba ay nadatnan ko si mama na mahimbing ang tulog sa sofa. Tinatakpan ng magulo at tuyo niyang buhok ang kanyang mukha.

Walang kalat sa mesa. Meaning, hindi siya gumamit kagabi. Gumaan ang loob ko sa naisip. Sana nga.

"Ma..." bahagya kong niyugyog ang kanyang balikat. Amoy ko ang alak sa kanyang hininga dahil naka-awang ang kanyang bibig at humihilik.

Nasasaktan ako sa tuwing nakikita siyang ganito. Kaya minsan hindi ako umuuwi.

Pilit kong sinisiksik sa isip ko ang huling alaala ko sa kanya kung saan wala pa siyang bakas ng droga. 'Yong makikita ang pagkakahawig naming dalawa...

"Ma, lipat na kayo sa kwarto..." mahinahon kong sabi.

Naputol ang hilik niya sabay napaigtad sa ginawa ko. Unti-unti siyang dumilat kasabay ang paghawi niya sa mga hibla ng buhok na tumatakip sa kanyang mukha. Tinitigan niya ako sa likod ng naniningkit niyang mga mata.

Nang naging malinaw na ako sa kanyang paningin ay inalis niya ang kamay kong hawak ang kanyang balikat.

Dalawang beses akong humakbang paatras at pinanood ang kanyang pagbangon. Kinusot niya ang mga mata at sinuklay sa mga kamay ang kanyang buhok.

Saglit siyang tumunganga sa mesa. Nakatukod ang mga kamay sa kanyng gilid. Nang nilingon niya ako, walang emosyon na bumalot sa kanya sa pagpasida sa 'kin.  Nagbalik tingin siya sa mesa.

"Saan ang mga gamit ko?" tama ang paghila niya sa mga salita. Isa rin 'yan sa mga nagbago sa kanya.

"Po?"

" 'Yong mga gamit ko nasaan?" mas malakas ang boses niyang tanong. Tinuro niya ang mesa.

Iyong droga ang tinutukoy niya, mga alak at sigarilyo.

Sa totoo lang hindi ko alam kung paano nangyaring nalinis ang mesa. Siguro nakalimutan niyang naglilinis siya. May mga bilang na araw naman kasing nasa wasto siyang katinuan.

"Hindi ko po alam..."

Hinanda ko ang aking sarili nang tapunan niya ako ng masamang tingin. Para bang nawala na sa memorya niya na anak niya ako.

"Kinuha mo?" duda niyang tanong. Malamig ang boses niya at punong-puno ng talim.

Marahas akong umiling. "Hindi po. Wala naman akong nadatnan diyan kanina. Ikaw lang na tulog."

Totoong hindi ko talaga alam. At masaya akong hindi ko alam, dahil kung alam ko kung saan ang mga gamit niya, magi-guilty ako kapag nagsisinungaling ako sa kanya.

Umatras ako nang marahas siyang tumayo at animo'y tigre na susugurin ako. Hindi dahil sa maging pagkain niya kung 'di ako'y isang kalaban sa kanyang paningin.

"Saan mo nilagay? Gumaganiti ka dahil kinuha ko pera mo, ganon?" singhal niya saka hinila ang aking buhok. Sobrang higpit na parang  tinatanggalan ako ng anit.

"Ma, nasasaktan ako..." Napangiwi ako at pumikit.

Kinaladkad niya ako hanggang sa kusina hila ang aking buhok. Napadaing ako sa sakit, halos hindi ko siya mahabol sa malalaki niyang mga hakbang.

"Ibigay mo sa 'kin ang gamit ko!"  Tinapon niya ako sa mesa. Tumama ang aking baywang roon. Bago pa ako makatayo ng maayos ay muli niyang hinila ang aking buhok at ilang beses na tinama ang ulo ko sa mesa.

Pikit at iyak ang tangi kong nagawa. Hindi ko siya malabanan. Ina ko pa rin siya. Siya pa rin ang nagluwal sa 'kin.  Ayaw ko man sa buhay na kinagisnan ko pero utang ko pa rin sa kanya ang buhay ko. Utang ko pa rin sa kanya kung bakit nandito ako ngayon. Hindi ko siya kayang saktan.

"Wala sa 'kin, ma! Hindi ko alam!"

"Sinungaling!" Sinampal niya ako.

Pinatayo niya ako ng maayos upang muling sampalin sa magkabilang pisngi. Namamanhid na ito sa makailang beses na paglagapak ng kanyang mga palad. Nanginginig na ang aking kalamnan pati na ang mga binti ko sa pagtitiis sa sakit na pinararanas niya sa 'kin.

Mahigpit niyang kinulong sa isang kamay ang aking pisngi. Marahas niyang hinarap ang humihikbi kong mukha sa kanya. Sa lumuluha kong mga mata, galit at poot ang nakikita ko mula sa kanya. Walang luha. Ni mangilid man lang ay wala. 

Ma, ako 'to. Anak mo...anak mo pa rin ako huwag mo akong saktan ng ganito. Hindi kita kakalabanin, ma...

"Dati ka pang namumuro, a! Kaya tayo iniwan ng papa mo! Sana pinalaglag na lang kita kung ito lang pala ang idudulot mo sa 'kin!"

Siko ang ginamit niya sa pagtama sa pisngi ko. Bumagsak muli ako sa mesa at doon kinuyumos ang aking mukha na parang gigil na gigil siyang patayin ako.

Sige ma, saktan mo pa ako. Kung 'yan ang makapagpasaya sa 'yo. Kasi ako, hindi ko na alam kung paano ka maibabalik sa dati. If being happy is what seems normal, then go ma. Sampal pa!

Isang beses niya pa akong hinampas bago siya tumigil. Halos bumaon ang buong mukha ko sa mesa at agad naramdaman ang sakit.

Pilit ko pa rin siyang sinisilip. Nagtungo siya sa ref at kumuha ng pitchel ng tubig. Tinanggal niya ang takip nito saka tinungga ang laman ng pitchel.

Pinapanood ko lang siya habang nanatiling nakadikit ang pinsgi ko sa mesa. Humihingal sa pagod. Panay ang aking singhot. Pumasok na sa bibig ko ang hibla ng aking buhok na dumidikit na rin sa 'king mukha dahil sa pawis.

Humahapdi ang aking mga mata na walang tigil sa pagpapatakas ng luha. Imbes na lipstick ay dugo na ang aking nalalasahan.

"Ba't hindi mo ginawa?" hinga ko. "Ba't hindi mo ako pinalaglag, ma...?" Bumagsak ang panibagong luha na dumagdag sa pamamasa ng aking pisngi.

Bagsak ng baso sa mesa ang naisagot niya sa tanong na patuloy akong ginagambala. Bakit nga ba? Bakit hindi niya ginawa?

"Minahal niyo ba ako kahit minsan? Kahit kaunti lang, Ma...? Kahit saglit...?" Hindi ko na natuloy ang pagsabi sa huli dahil sa pagtakas ng aking hikbi.

Sumisikip ang dibdib ko sa sariling tanong. Dahil alam ko sa sarili ko ang kasagutan. Umaasa lang ako na sana magbago ang sagot niya. Na sana nagsinungaling lang siya dati nang sinabi niyang hindi iyon minsan dumaan sa isip niya. Na minsan hindi niya iyon naramdaman tungo sa 'kin.

Minsan na rin akong naniwala na minahal niya ako. Sa mga masasayang araw namin kasama si papa na malabo ang imahe niya sa aking alaala. Naniniwala akong minahal niya ako, o paniniwala ko lang ba iyon?

Nabubulag lang nga ba ako sa kasiyahan ko kaya hindi ko makita o maramdaman kung alin ang totoo? Dahil natatakpan ng inosente kong pag-iisip?

Tinaliman niya lang ako ng tingin, hindi ko alam pero may nakita akong dumaan na pagsisisi sa mga mata niya. Ngunit saglit lang din iyon. Umasa ako sa sandaling iyon.

Sa kanyang pagtalikod ay naramdaman ko ang aking pagkasira kasabay ang malakas kong hagulhol. Nilahad ko ang aking mga braso, pilit may inaabot kahit alam kong wala akong pagkakapitan. Dinadama ko ang init ng aking hininga at mga mata sa bawat sakit na nilalabas ko sa 'king luha at paghinga.

Ngunit kahit anong iyak ang gawin ko, hindi nito mababago ang buhay ko. Hindi nito mababago ang nararamdaman ni mama sa 'kin. Hindi niya ako mamahalin kahit ubusin ko lahat ng luha ko. Kahit ubusin ko ang buong ako.

Lumaki akong naniniwala na walang magulang na hindi mahal ang mga anak nila. Kahit isa man lang sa mga magulang. Minahal ba ako ni papa? Bakit hindi niya kami binalikan? Ano nga bang ginawa ko para iwan niya kami? Kasalanan ko ba talaga?

Mahigpit na mga kamao ang nagawa ko at ilang beses na pinagsusuntok ang mesa, kaakibat ang paglakas ng aking hagulhol. Para bang dito ko sinisisi lahat, dito ko nilalabas ang galit ko.  Gigil na gigil ako sa ginagawa na pati sarili ko'y gusto kong saktan!

Sa aking pagyuko, kita ko ang maitim na tubig galing sa aking eyeliner at mantsa ng dugo galing sa aking bibig.

Dinikit ko ang aking noo sa mesa at patuloy na umiiyak. Bawat pakawala ng hagulhol ay naglalaman ng sakit at mga tanong kung bakit. Bakit ako pa ang nandito?

Hindi nga lang sa pagmamahal o pag-ibig umiikot ang mundo, pero lahat tayo kailangan ng pagmamahal. Ako, kailangan ko ang pagmamahal ng isang magulang. Ngayon, hindi ko masisi kung bakit nagpapatiwakal ang iba na hindi mahal ng mga mahal nila.

Because If you don't love or has not felt being loved, it seems that you're not living at all. You only breath, move, fake happiness, but you don't live. You feel empty. I feel empty.

Ito nga siguro ang dahilan kung bakit hinding-hindi ako nakukuntento.

Isang haplos sa nanginginig kong balikat ang nagpa-akyat ng isang daang hakbang ng pag-asa na makita ko ang pagsisisi at pagmamahal sa mga mata ni mama.

Ngunit ang nangingilid na luha ni Jaxon ang tumagpo sa aking paningin. May kaakibat ring gulat sa ekspresyon niya.

Dahan-dahan kong itinayo ang sarili, nasalo niya ako nang muntik na akong matumba sa panghihina ng aking tuhod at pananakit ng aking baywang. Ngiwi ko itong sinapo.

Hindi ako makatingin sa kanya. Pinalis ko ang basa kong pisngi. Nagmantsa ng itim ang likod ng aking kamay gawa ng nabasa ko ring make up. Ramdam ko pa rin ang pamamanhid ng mga kamay at pisngi ko. 

Tumanaw ako sa labas ng kusina, kinakabahan na madatnan kami ni mama. Kinuha ko ang kamay ni Jaxon at hinila siya palabas bago pa kami maabutan.

Sa aming paglabas ay nakita ko ang nakaparada niyang kotse 'di kalayuan sa harap ng bahay. Doon ko siya dinala.

Umupo ako sa isa sa mga malalaking bato, kaharap lang namin ang headlights ng kotse niya. Tinuwid ko ang aking mga binti at yumuko, hindi pa rin siya matignan.

"Nakita mo..." Halos hindi ko maigalaw ang aking bibig sa sobrang panghihina at pagod. Nananamlay ako.

Hindi siya sumagot. Tiningala ko siya at nakita ang pagdungaw niya sa 'kin. Doon pa lang siya umiling.

"Narinig..." sabi ko.

Tumango siya. Bahagya niyang kinagat ang ibabang labi habang naiiyak niyang sinusuri ang mukha ko, parang kinakabisado ang bawat sugat at mga pasa roon.

Seriously, bakit siya naluluha? He doesn't know me. Bakit siya nagre-react ng ganyan? If that's pity, then I don't need it. He better go and leave me alone.

Nag-iwas na ako at binalinagn ang harap ng kotse niya. Natuon ang paningin ko sa sticker ng UK flag sa baba nito.

"Anong ginagawa mo rito?" namamalat ang aking boses.

Pakiramdam ko sa isang segundo lang ay babagsak na ako sa lupa.

Umupo siya sa tabi ko.  Natatakpan man ng aking sipon, pilit pa ring lumulusob ang kanyang bango sa 'king ilong.

"Dito ako dinala ng kotse ko..."

Parang nararamdaman niya ang nararamdaman ko sa panghihina ng kanyang tono.

Dumaan ang katahimikan sa' min. Mga singhot ko lang ang nag-iingay at tahimik na dumadaing ang aking mga mata at pisngi sa hapdi.

Hindi ko alam pero kahit papaano'y bahagyang gumaan ang aking loob sa presensiya ni Jaxon kahit nakakapagtaka pa rin ang pagpunta niya rito. Naawa yata sa 'kin ang Panginoon at pinadalhan ako ng karamay.

Inaantok na ako sa labis na kapaguran. Sa pag-iyak at pag-iisip. Kung 'di lang ako kinalabit ni Jaxon sa braso baka nakatulog na ako.

Nilingon ko siya, ganon pa rin ang pinta ng mukha niya. Gumala ulit ang kanyang paningin sa iba't ibang parte ng mukha ko, pati na sa katawan ko, naghahanap yata ng mga karagdagang pasa.

Nag-vibrate ang aking cellphone sa bag na nasa aking kandungan. Bago ko pa mabuksan ay kinuha na ito ni Jaxon at siya ang kumuha sa phone ko sa loob. Binasa niya ang screen.

"Tori," aniya saka inabot ang cellphone sa 'kin. 

Hindi ko na siya kinuwestiyon sa ginawa niya. Tinanggap ko ang phone at sinagot ang tawag.

"Toreng?"

Animo'y nasa tenga ko ang bibig niya sa ginawa niyang pagbuga ng hangin sa kabilang linya.

"Where are you na, Dabeng?" natataranta niyang tanong.

"Hindi ako papasok." Tumikhim ako upang alisin ang anumang makapal na bumabara sa 'king lalamunan.

Tinignan ko si Jax, mukha pa rin siyang nagpipigil ng luha habang tinititigan ang pisngi ko at sugat sa aking labi.

"Aabsent din kami ni Nolan, we'll go there. Saan ka ba? There's something in your voice, Vin...I know you."

"Hindi, huwag kayong umabsent. Tinamad lang ako. Kopya nalang ako ng notes." Siniglahan ko ang aking boses.

"Oh...kay." Nagdududa pa rin siya. "Mabuti na rin sigurong wala ka para hindi na maiinggit sa'yo si Julissa. Kawawa na siya masyado dahil araw-araw siyang problemado sa 'yo."

Mahina akong tumawa, namaos pa ako. "Oo nga eh. Pagpapahingahin ko muna ang inggit niya sa 'kin ngayong araw."

"Hayan mo bukas, may ibibigay ako sa 'yong manicure na sure akong babagay ,sa 'yo. Hindi kasi agad sinabi ni momita na may dala pala siya, akala ko lipstick lang."

Ngumiti ako, umaasang maaapektuhan nito ang aking boses ngunit mahina pa rin ang labas nito.

" 'Kay..." pikit-mata kong sabi.

"Bye! Start na kami ng class."

Pagkababa ko ng tawag ay kinuha ulit ni Jaxon ang phone at siya ang nagsilid nito sa bag. Maingat ang bawat kilos niya, pati pag-zipper sa bag ko ay mabagal at mahina, para bang takot siyang masira niya ito.

"Naiwan ni Gwyneth ang CHN bag niya sa kotse. May mga gamit doon para malinis ang sugat mo."

Bago pa ako makapagsalita ay tumayo na siya. Binuksan niya ang pinto sa likod ng kotse at may kinuha. Sinara niya ang pinto, at sa kanyang pagbalik ay may dala na siyang maitim na bagay. May handle at hugis square. May logo pa ng university namin sa harap nito.

"Bakit ka ba nandito, Jaxon? Wala ka bang pasok? Nagka-cutting ka ba?" atake kong tanong sa kanya bago siya makaupo muli sa tabi ko.

Tumakas ang amoy medisina pagbukas niya ng bag. Marami itong laman. May mga thermometer pa at suction bulb. Sobra pa yata sa first aid kit ang magagawa ng bag na iyan.

"May pasok ako sa station mamayang hapon," aniya habang nilalabas ang mga gagamitin sa paggamot.

"Bakit ka nga nandito?"

Patuloy siya sa paghalughog sa bag, naghahanap pa ng ibang gamot. May betadine naman, okay na iyan. Ano pa bang hinahanap niya? Gagamitan niya ba ako ng thermometer? Or suction bulb? Para saan? Sa sipon ko?

"Hindi lahat ng bagay kailangan may dahilan. Kung meron man, huli na bago natin nalalaman. Sa oras na malaman ko ang sagot, Vinnie...ikaw ang unang makakaalam..."

Hindi na ako namilit. Iniipon ko ang aking mga tanong at pagtataka. Sa muli naming pagkikita, doon ko nalang muli siya kukumprontahin, dahil ngayon, masyado akong mahina upang makipag-argumento.

And for the first time, someone has seen my vulnerability. Walang nakakaalam nito kahit sina Tori. This side of mine is a mood killer, so I didn't bother sharing it.

Naglabas siya ng isang pirasong wet wipes galing sa pink nitong wrapper. May scent pa. Sinimulan na niya akong pahiran nito, maingat pa rin at sobrang gaan ng kamay niya.

Nang ilalapat na niya ito sa mata ko ay iniwas ko ang aking mukha.

"Huwag mong tanggalin make-up ko," medyo naiinis kong sabi.

Tahimik niya akong sinunod. Mga nagkalat na luha na may tinta ng mascara  at eyeliner lang ang nilinis niya. Nagawa kong silipin ang maitim na mantsa sa wipes. Sinunod niya ang pag-lalagay ng betadine sa aking pisngi.

"May sugat ba ako diyan?" tanong ko. Akala ko pasa lang kaya 'di na siguro kailangang lagyan ng betadine.

" 'Di mo feel?"

Umiling ako.

Diniin niya ang kamay niya doon kaya napadaing ako sa sakit.

"Aray!"

Ngumisi siya na nauwi sa bahagyang tawa. Sa akin siya nakatingin habang dinadagdagan niya ng betadine ang bulak.

Bumagsak ang kanyang ngiti nang dumapo ang paningin niya sa labi ko. May pag-aalinlangan sa kanyang mga mata. Napakagat siya sa kanyang ibabang labi, he seems indecisive.

"H-how about your lipstick? Pwede ko bang tanggalin?" inosente niyang tanong.

"Hindi rin," walang emosyon kong sabi.

"Why?" halata ang labis niyang  kanyang kalituhan. Sa sobrang salubong ng kilay niya ay tila ba dinagdagan ito ng kaitiman.

"Basta..."

"Lalagyan ko ng betadine." May banta sa boses niya, nilapit ang bulak sa labi ko.

" E 'di lagyan mo."

Nag-iwas na ako ng tingin sa kanya nang lumapat ang bulak sa aking labi. Ilang maiingat na dampi ang ginawa niya. Metikuloso, walang pagmamadali, isang bagay na ngayon ko lang naranasan. Ang pag-aaruga galing sa ibang tao.

Ramdam ko ang muling pamumuo ng aking luha sa naisip. Hindi ko napigilan at pumatak ito't naglandas sa aking pisngi. Kahit matigas ang aking ekspresyon,  nanlalambot naman ang puso ko. Hindi pa rin ako pinakawalan ng kahinaan.

Ganito pala ang pakiramdam. Na may nag-aalaga sa 'yo. Kahit panandalian lang, nagpapasalamat akong pinaranas ito sa 'kin. Kung mamamatay man ako bukas, may ngiti sa labi akong hihiga sa kabaong ko dahil naranasan ko ang maalagaan.

Tumigil si Jaxon sa ginagawa, napansin ang pagluha ko. Hindi ko na ito maiiwasan dahil nandito na, nakita na niya ako sa sitwasyong nililihim ko sa kalahatan.

"Vinnie..."

Nakaisang punas siya sa luha ko bago ako sumuko at muling napahagulhol. Agad akong inakbayan ni Jaxon at itinago ang mukha ko sa kanyang dibdib. Mahigpit akong kumapit sa kanyang shirt, na para bang doon nakasalalay ang buhay ko sa pagkakahulog ko sa kawalan.

Inuugoy niya ako, hinahagod ang aking likod pero hindi pinapatahan sa pag-iyak. He encouraged me to cry even more.

Maybe this has something to do that there's someone out there to comfort you. I've been comforted by my friends, but not in this situation. Maybe this has something to do with someone who has seen me at my weakest.

"Take my friendship, Vin. And I promise, I will always be here for you. Mananatili ako hindi lang sa tabi mo, kung 'di sa buhay mo, Davina. Sa buong buhay mo..."

Lumala ang iyak ko sa sinabi niya. Humigpit ang kanyang yakap.

Maybe this has something to do with my weakness, dahil sa pinakamahina nating estado, doon tayo kadalasang hindi nakakapagdesisiyon ng maayos. Doon tayo hindi na makuhang mag-isip sa maaaring kahahantungan ng isang desisiyon.

Because I nodded. I concurred. I accepted Jaxon's friendship.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro