Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

FIVE

Nagsalubong ang kilay ko nang madatnan ang mga kaklase kong nakalublob ang mga mukha sa makapal nilang libro. Wala man lang nag-atubiling mag-angat ng tingin upang alamin kung sino ang pumasok sa classroom. Takang taka akong umupo sa'king  armchair.

"Anong meron?" tanong ko sa kaklase kong nakaupo sa kaliwa.

"Nagpa-surprise quiz si Ms.Alevaro sa kabilang section kaya lahat sila bumagsak. Since under din tayo sa kanya, marahil may quiz din tayo." aniya. Mas napatuon ako sa kanyang pulang pulang lipstick sa labi.

"Edi surprise." sarkastiko kong ani saka kinuha ang libro sa bag. Dinungaw ko ang pahina ng librong binasa niya saka binuklat.

Hindi ko muna sinimulan ang pagbasa. Nag-aadjust pa ako sa antok ko at sa katahimikan naming lahat. Usually sa ganitong oras ay nagkukuwentuhan kami at natutulog. Ang iba'y nanghihiram ng mga gamit sa ibang section katulad nalang ng libro kapag may inspection.

Ngayon ay walang niisa ang natulog. Nakatuon lahat sa binabasa at ang ibang walang dala ay nakikibasa sa mga may libro. Nakita ko si Kelly na sa unang pagkakataon ay nagseryoso.

Panay ang aking hikab at punas sa mata kong namamasa. Di nagtagal ay may naririnig na akong napapalatak at umuungol sa pagreklamo dahil wala silang naintindihan sa binabasa nila. Mas maganda talagang unahin ang discussion.

Tumunog at gumalaw ang silya sa'king kanan kasunod ang pag-upo ng kung sino man. "Anong meron?"

Malumanay ang boses niyang matipuno, na para bang nagpapakita ito ng magandang intensyon. Iba ito sa iritadong tono niya noong na-late siya sa quiz.

"Surprize quiz daw." tamad kong sabi, di nag-angat ng tingin. Ngunit hindi ko na maituon ang pansin ko sa libro dahil hinihila na naman ako ng kanyang pabangong wari isa siyang scented paper na nag-anyong tao o di kaya'y hinulma siya gamit ang pabango dahil sa bawat galaw niya'y kumakalat ang kanyang kabanguhan.

Nagpunas siya ng pawis sa mukha gamit ang puting panyo habang may hinahalughog sa kanyang itim na bag. Pumalatak siya nang hindi makita ang hinahanap kaya dismayado siyang sumandal sa upuan at sinabit ang bag sa likod ng upuan.

Pinuwersa ko ang sariling ibalik ang pansin sa pangungusap tungkol sa Endocrine disorders.

Malapit ko nang matapos ang huling pangungusap bago ko mailipat sa sunod na pahina nang marinig ko siyang may binubulong bulong. Sa pagkabanggit niya ng isang term na nabasa ko na kanina, doon ko napagtantong binubulong niya ang kanyang binabasa.

Bahagya ko siyang nilingon. Seryoso ang kanyang mukha na nakatingin sa'king libro. Gumagalaw ang kanyang mga mata pakanan at pakaliwa pati na rin ang kanyang bibig. He's reading on my book?

Mukhang na-realize niyang tinitigan ko na siya kaya siya huminto. Lumambot ang kanyang ekspresyon saka nag-iwas ng tingin.

"Sorry."

SAW-RY. That's how he said it. SAW-RY.

"Okay lang." mahina kong sabi. Bahagya kong nilapit ang libro sa kanya dahil mukha siyang nahirapan makisalo kanina. Di na ako nagtaka na wala siyang dala. Parang wala ngang laman ang bag niya kahapon. 

"Thanks." hinawakan niya ang kabilang dulo ng libro upang hindi mahulog. Inusog niya ang kanyang upuan papalapit kaya nagdikit ang aming balikat at braso. Halos hindi ako makagalaw.

Nilingon ko sina Kelly, Lian at Noemi, at pati na rin ang ibang mga may gutso sa katabi ko. Seryoso silang lahat na nakayuko sa kanilang mga mesa.

Ako ang tagalipat ng pahina dahil palagi akong nahuhuli sa pagbabasa. Hindi ko maintindihan kung bakit nahihirapan akong huminga. Kinabahan ako sa pag-aakalang aatakihin na naman ako ng hika. Siguro ay hindi lang ako sanay na may ibang lalakeng nakakalapit sa'kin ng ganito maliban kina Riley, kuya at papa.

Bumubulong pa rin siya, gusto ko siyang sitahin pero maganda din namang pakinggan ang kanyang boses. Nakakaantok nga lang kaya nagdududa ako kung makakapasa ba ako mamaya.

Pagkadating ni Ms. Alevaro, doon din natapos ang aming pagbabasa. Tumikhim siya bago umayos ng upo. Ang iba'y may pahabol pang five minutes pero sadyang strikta ang instructor namin.

Hinihintay ko ang mga kaibigan ko sa labas ng room pagkatapos ng quiz. Sabay sina Lian at Noemi na dumiretso sa cr, huling lumabas si Kelly na ngumangawang naglalakad papunta sa'kin. Tinawanan ko siya. Naguguluhan ang ibang estudyanteng nakapansin sa kanya.

"Feel ko bagsak ako! Ayokong bumagsak!" sinubsob niya ang kanyang mukha sa'king balikat kasabay ang pagpapadyak sa paa.

"Halos bagsak na nga ako last sem. Kapag ito pumalpak ewan ko nalang! Ayokong makatanggap ng letter ang parents ko." patuloy niyang iyak.

"Sana may plus one sa effort." pahabol niya na siyang nagpatawa sa'kin.

"Hindi naman tayo nag-solve ng math equation, paano nagkaroon ng effort?" pabiro ko siyang hinampas sa likod.

Tumuwid siya ng tayo."Effort for thinking, tsaka sa pagsagot. Ang mahal kaya ng ballpen ko. Seventy five pesos."

Nagtawanan kami na siyang naabutan nina Lian at Noemi. Masiglang dinaldal ni Kelly ang nangyari kanina, tahimik lamang akong nakikinig.

"Mga ka group ko sa research mag meet tayo sa canteen!"

Nilingon namin si Camilla na siyang leader namin sa research na matiyagang inaayos ang mga papel at sinilid sa kanyang plastic envelope. Sunod namang may inanunsiyo ang leader nina Kelly at Noemi.

"Text kayo mamaya kung tapos na kayo." Tawag ni Kelly bago sinundan ang kanilang leader paakyat sa hagdan. Kami nama'y nagpunta sa canteen.

Nasa iisang table ang karamihan sa aming kasamahan. Walang masyadong tao sa canteen dahil malayo pa ang lunch. Pumuwesto kami ni Lian sa kabilang table malapit sa grupo. Di nagtagal dumating ang aming leader.

Tinalakay niya ang mga kulang sa aming thesis. Marami pa kaming dapat i-research lalong lalo na sa libro kaya mas maraming oras ang igugugol namin sa library.

"Excuse me, group one kayo?" singit ng isang matangkad at mestizong lalake na nakita ko kahapon kasama ni Azriel. Palangiti ito at mukhang palakaibigan. Una mong mapapansin sa kanya maliban sa pagiging mestizo ay ang naka-spike niyang buhok sa harapan.

Hindi nakasagot si Camila. Tanging pag-nga nga ang ginawa niya kaya iba ang sumagot. Lumapad ang ngiti ng lalake.

May tinignan siya sa malayo saka tinaas ang kanyang kanang kamay upang sumenyas. "Dito AJ!" tawag niya.

Nabaling lahat ng atensyon sa taong lumapit. Sinundan namin siya ng tingin hanggang naupo siya sa harap ko at ang kaibigan niya'y sa kanyang tabi. Hindi napawi ang ngiti nito, di tulad ng kaharap kong seryoso. Parang hndi nga rin niya alam na kaharap niya ako dahil kaagad niyang kinuha ang kanyang black binder notebook.

Namulat kami sa sandaling pagkatulala sa pagtikhim ng aming leader.

"Kayong dalawa, i-aasign ko kayo kasama nila." turo niya sa'min ni Lian. Nanatiling nakayuko si Azriel samantalang ngiting ngiti ang kanyang katabi. Hindi ko alam kung weird siya o sadyang palangiti lang talaga.

"Ang gwapo niya in fairness." bulong sa'kin ni Lian.

"Sino?" pagtataka ko

"Yung katabi ni AJ."

Sinulyapan ko ang lalakeng matamang nakikinig kay Camila. Sang-ayon ako kay Lian. Ang linis ng mukha niya, at lalakeng lalake ang features nito.

"Type mo?" pang-aasar ko.

Inikutan niya ako ng mata. "Oo naman."

Tahimik kaming naghagikhikan. Huminto lang kami nang napatingin sa'min ang aming leader. Tumatango tango ako, nagpanggap na naintindihan ko ang sinasabi niya.

"Hi Lian." ngumiti ang lalakeng katabi ni Azriel. Nang-aasar kong tinignan ang kaibigan ko na takang taka at namumula ang mukha.

"Paano mo nalaman?"

"Binasa ko nameplate mo." nilahad niya ang kanyang kamay. "Terrell nga pala."

Rinig ko ang bahagyang pagtawa ni Azriel na abala pa rin sa kanyang binabasa sa binder habang umiiling.

"Oo nga, nabasa ko rin ang nameplate mo." tugon ni Lian sabay tanggap ng kamay ni Terrell.

Peke akong umubo. Palihim akong siniko ni Lian sa tagiliran. Kinuha ko ang manipis kong research book upang may pagkaabalahan ako. May isang oras pa kami bago ang susunod na klase.

"Carlo!"

Nag-angat ako ng tingin at hinanap ang tinawag ni Lian. Kakagaling palang ng isang kaklase namin sa pagpila sa canteen na ngayo'y may dala nang soda can at junk food. Nagsalubong ang naka eyebrow pencil niyang kilay saka nilapitan si Lian upang pabirong supalpalin.

"Ilang beses na kitang pinagsabihan na ako si Carla! hindi bagay sa pagkababae ko ang pangalang Ca---" napansin niya ang dalawang nakaupo sa harap namin. "Ay, may bago pala kayong member." may dinukot siya sa kanyang shoulder bag.

Napailing ako nang naglabas siya ng pink lipgloss at walang pag-aalinlangang nilagyan ang kanyang labi. Ramdam ko ang panay niyang tulak kay Lian na parang kinukulit o may pinapagawa siya rito. Naghahagikhikan na silang dalawa.

"Azriel, may ipapakilala pala ako sa'yo." ani ni Lian na nakumibinse na rin ni Carlo.

Tinignan ko si Carlo na di mapakali habang nananalamin sa kanyang compact mirror. Panay ang hawi niya sa tumatakas niyang bangs.

Kaswal na nag-angat ng paningin si Azriel. "Hm?"

"Fan mo." pang-aasar ni Terrell na naaliw sa pangyayari.

"Eto nga pala si Car—"

"Carla." mabilis na dumaan ang mahaba niyang braso sa pagitan namin ni Lian upang iabot sa kaharap ko. "Ewan ko kung bakit Carlo Jeremiah ang nilagay ng nanay ko sa birth certificate pero Carla talaga ang name ko."

Isang beses na nagtaas baba ang kilay ni Azriel sabay "Hi."

Sandali lang ang pakikipagkamay niya kay Carlo dahil agad niyang ibinalik ang tingin sa kanyang binder notebook.

Ano bang meron sa binabasa niya't mas nagiging mundo na niya ito? Is he studying? Wala na rin naman kaming quiz mamaya. If he is then, I'm giving him credit for being studious.

Nadala ako sa kinikilig na pagtulak ni Carl kay Lian. "Uy girl, hi palang ang sinabi niya pero ang epekto sa'kin ay parang may nabuo na sa sinapupunan ko. Dapat panagutan niya 'to!" ano mang gawin niyang paghina ng boses, kahit sa kabilang table ay rinig na rinig ito kaya nahantong ang grupo sa pagtawa at pang-aasar.

Dinilaan ni Azriel ang kanyang ibabang labi saka kinagat upang pigilan ang ngiti habang umiiling. Kahit nagpipigil palang ng ngiti ay klarong klaro ang dimples sa gilid ng kanyang labi at pisngi. Tamad niyang binuklat ang isang pahina ng kanyang binder notebook habang gumagalaw ang kanyang binti sa ilalim ng mesa.

Kinabahan ako nang napatigil siya. Kumunot ang kanyang noo, saka dahan dahang inangat ang ulo upang magtagpo ang aming tingin. Agad na akong umiwas bago pa yun mangyari at nagpanggap na seryoso ako sa  binabasa kahit wala akong maintindihan. Nagmaang maangan ako, padabog na sinara ang libro, pilit tinatago ang kaba. Nahantong ang tingin ko sa worksheet na sinasagutan ni Lian.

"Turuan mo ako niyan Lian. Nalilito pa rin ako diyan hanggang ngayon." sinuri kong mabuti ang bawat items ng worksheet.

"Maling tao ang hinihingan mo ng tulong Amber. Wala pa nga akong sagot eh, hiniram ko lang 'to sa kabilang section." aniya, pinaglalaruan ang ballpen.

"Ano yan Lian?" dumungaw si Terrell sa worksheet. Napangiti ulit ako at hindi na sila inistorbo pa nang magsimula na siyang magpaliwanag kay Lian. Nakisali sa kanila si Carlo.

Sinilid ko nalang ulit ang libro ko sa bag at kinuha ang worksheet na ipapasa mamayang hapon. Kumuha ako ng ballpen saka tamad na sinulat ang aking pangalan at section sa itaas ng papel. Tinitigan ko lang ito pagkatapos. Ilang beses na akong nag-scratch dahil palagay ko'y mali ang sagot.

"I can teach you."

Nalipat ang tingin ko sa'king kaharap. Nakatitig siya sa'kin. Napaayos ako ng upo at tinuro ang aking sarili, nagtataka.

"Ako ba kausap mo?"

Tumaas ang isang gilid ng kanyang labi. "May iba pa ba?"

"Ahm.." napatulala ako. Ito ang pangalawang beses na nagkausap kami, pero ewan ko kung pag-uusap ba yung una. Sinungitan lang naman niya ako. Ngayon parang....ang bait niya. Hindi bagay sa kanyang mukha.

"Saan ka nahirapan?" humilig siya sa mesa. Kinagat niya ang dulo ng kanyang ballpen habang naghihintay ng sagot galing sa'kin.

Pakiramdam ko nasa akin ang lahat ng mga mata. Nanahimik na rin sina Lian at nahinto ang kaingayan ni Carl.

"K-kung paano malalaman na metabolic o respiratory acidosis at alkalosis." naginginig ang boses ko, di ako makatingin sa mga mata niyang naghahangad ng tingin sa'kin. Ewan ko kung bakit ako naiilang simula nung nakisalo siya sa'kin ng libro. Hindi naman ganito dati. Sana sungitan nalang niya ako ulit.

Nakita ko ang pagsiko ni Terrell sa kanya at tinuro ako gamit ang pagnguso.

Nagkibit balikat si Azriel. "Wala. I'm just returning the favor dahil tinulungan niya ako."

"Saan?" lahat ng nakapalibot sa'kin ay sabay na nagtanong. Natutukso akong takpan ang aking mukha.

"Pinahiram niya ako ng book. I was able to review before the quiz."

Muli akong tumingin sa kanya. Gumagawa siya ng ingay sa panay na pagtama ng kanyang ballpen sa mesa.

Ang hindi ko inasahan ay ang paggawad niya sa'kin ng ngiti na siyang nagpalitaw pa lalo ng kanyang dimples sa kanang pisngi at gilid ng kaliwang labi. Nahigit ko ang aking hininga.

He smiled. He smiled at me?!

"So...kailan kita tuturuan? Is after lunch okay bago mag first period?"

Wala akong dahilan upang humindi. At bahagya na rin akong nawala sa'king katinuan.

"Trust him Amber, he's a smart ass." rinig kong sabi ni Terrell. My stare remained at Azriel who stared back expectantly.

Parang buong mundo ang naghihintay sa sagot ko. What's the big deal? Why do they have to hear me? Ang pakiramdam ko tuloy ay sa sagot ko nakasalalay ang mga buhay nila na nagpatahimik at nagpahintay sa kanila ng ganito.

Nilunok ko ang malaking bumabara sa'king lalamunan. God! This guy must be something! Ngayon sigurado na ako kung bakit marami ang nahuhumaling sa kanya. I don't want to get affected but I am! I guess he affects every human creature with female hormones.

"Okay." parang hangin lang ang lumabas sa bibig ko. "After lunch."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro