Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter Three

“Wow! Liempo! Inihaw na tilapya!” tuwang-tuwang sabi ni Alina nang mabungaran ang mesa. “May atsara pa!”

“Magkakamay ako!” sabi ni Chito.

“Ay ako rin!” si Vina. Pumila na silang lahat sa lababo para maghugas ng kamay.

“Eugene, you want to wash your hands too?” tanong ni Ninang Sally. 

“Okay.”

Nang umupo na sila at nagsimula nang kumain, napansin ni Alina na kumukunot ang noo ni Eugene habang pinapanood ang iba na nagkakamay. Hindi pa rin ito naglalagay ng pagkain sa sariling plato.

“It's okay, you can use your hands like this,” sabi ni Rose sa kanya, pero mukhang atubili pa rin siya. Naisip tuloy ni Alina, baka hindi ito marunong magkamay.

“Maybe you'd like a spoon and fork?” tanong niya. “Or chopsticks?”

“You have chopsticks?”

“Teka lang.” Hinagilap ni Alina sa kuwarto niya ang mga disposable chopsticks na kasama sa mga kubyertos na naipon niya mula sa mga takeout na fast food. Lahat kasi ng mga yun, nakabalot pa rin sa tissue at plastic, kaya malinis pa rin at naghihinayang siyang itapon.

Nagliwanag ang mukha ni Eugene nang ibigay niya ang chopsticks. Saka pa lang ito kumuha ng pagkain.

“I hope the food is okay with you, Eugene,” sabi tuloy ni Ninang Sally.

“Oh, this is good,” ang sagot. “It's like samgyupsal!”

“What's samgyupsal?” tanong ni Vina.

Habang kumakain sila, napakuwento tuloy si Eugene tungkol sa mga pagkaing Koreano. Inilarawan nito ang kimchi at bibimbap (“Ay, parang tapsilog?” sabi ni Ninang Sally), ddukbokki at soondae (“Kahawig din ba yun ng isaw at fishball?” tanong ni Vina), at nagkuwento tungkol sa samgyupsal na karneng sa mesa na mismo iniihaw at minsan binabalot sa lettuce bago kainin.

“Siguro ang sarap nun,” sabi ni Vina. “Nung nanonood ako ng Janggyum dati lagi akong natatakam. Saka yung-- anong drama nga ba yun-- Gourmet ata.”

“Hus, matakaw ka lang,” si Chito.

“I wish we could taste all of those,” sabi ni Alina kay Eugene. “Maybe someday. But since you're here right now, why not grab the chance to taste Pinoy food?” Sabay lagay ng atsara sa pinggan ng bisita.

“Lin, para ka lang ambassador,” natatawang sabi ni Lex.

“O, eh anong masama dun, di ba dapat ipagmalaki ang sariling atin?” ang sagot. “'Gene, the fish really tastes better with the sauce. And the tomatoes.”

* * *

After lunch, inantok ang iba kaya pumasok na sa kani-kanilang mga kuwarto. Naiwang nanonood ng TV si Eugene. Inilabas na rin ni Alina ang laptop niya mula sa kuwarto at sinetup sa mesita sa sala. Maya-maya'y kausap na niya si Leny sa Skype. Doon na niya nalaman ang gusto nitong hinging pabor sa kanya.

“Sige na, Liiiin, samahan mo na ako sa Biyernes ng gabi please! Sige na...” pagmamakaawa ni Leny.

“Hay naku, Len. Alam mo namang wala akong kahilig-hilig sa mga ganyang bagay. Saka malamang sobrang dami ng tao doon bukas at gitgitan. Si Kaye na lang ang isama mo.” 

“Hindi raw siya pwede eh. May family dinner daw sila. Ikaw na lang ang pag-asa ko. Si Ate kasi dapat ang kasama ko bukas kaso ayun, tinrangkaso nang dahil sa ulan. Sayang naman tong ticket, ang mahal kaya nito. Sige na... sama ka na... ililibre kita ng dinner... Sasama na iyan, uy, sasama na...”

“Sige na nga! Kung hindi lang kita kaibigan...”

“Sure! Yeeey! Salamat best friend! Sa wakas, makikita at madidinig ko na sa personal ang aking pinakamamahal na cuSKYE!”

“Cusky? Anong klaseng pangalan ng banda yan?”

“Hindi Cusky! cuSKYE! Naman eh!”

“Parehas lang ang basa ko, ano bang pinagkaiba?”

“Yung pangalan ng banda, cuSKYE! Pronounced as See You Sky! Pinaiksi sa Call Us SKYE!”

“Bakit hindi na lang simpleng Sky ang pangalan, eh pareho lang din naman ang ibig sabihin nun, tatawagin mo silang langit!”

“Hay naku Alina! Yung SKYE kasi ang ibig sabihin, Strong, Kool, Young and Elegant! Yun yung nicknames nung apat na miyembro na banda-- si Lee Young-min ang Strong kasi siya ang band leader. Si Kang Jae-soo, yung drummer, yung Kool kasi lagi siyang pa-cool. Yung nasa bass guitar na si Choi Sung-jae ang Young kasi siya yung pinakabata, tapos si Song Woo-jin yung Elegant kasi siya yung pinakagwapo saka maporma!”

“Ganun ba? Ay teka. Yun ata yung nakita kong concert na nakaadvertise sa TV kanina... yun ba yun?”

“Oo yun yon! Haaay! Dalawang taon na rin akong fan nila, sa wakas makikita ko na rin sila!”

“What are you doing?” tanong ni Eugene mula sa likuran niya. Nakikiusyoso pala ito.

“Talking with my friend. Hey, you know what? She's a big fan of Korean bands! Especially that band advertised on TV-- the one with the concert on Saturday, cuSKYE!”

Napatingin bigla sa kanya si Eugene.

“cuSKYE?”

“Am I saying it right?” tanong din ni Alina.

Tumango si Eugene.

“I really am not interested in K-pop but, you know--- the things we do for our friends. Oh, well.”

Naupo na rin ulit si Eugene sa tabi niya.

“What is it that you don't like about K-pop?” tanong nito.

“Nothing really. But I don't understand the lyrics anyway. And most of them are dance tunes right?”

“Well, of course they are in Korean. But some of the bands also sing in English and Japanese.”

Ang guwapo talaga niya lalo na pag ngumiti, sa isip ni Alina. Pamatay ang dimples! Pero siyempre pagkatapos nito uuwi na rin siya sa Korea, malamang pag nagtagal, hindi na rin niya kami maaalala. Oh, well. Ganun talaga ang life. Ang importante, matulungan ko siyang makabalik sa hotel ng ligtas. Kasama na yun sa sinasabi nila noon sa school na “magiliw na pagtanggap sa panauhin.”

Ibinaling ulit niya sa Skype ang atensyon. Daldal ng daldal pa rin si Leny. Nagpost pa ito ng links sa mga articles, YouTube videos at mga larawan ng banda. Napapailing na lang siya. Hindi na niya binuksan ang mga link. Bagamat mahigit dalawang taon na niya itong best friend, sumasakit talaga ang ulo niya kapag nagsimulang magkuwento ang kaibigan tungkol sa pinakabago nitong kinaaadikang Korean boy band.

“Boy band?” reklamo ni Leny nung minsang nagkamali siyang tawaging ganoon ang banda. “Excuse me, hindi po sila basta lang boy band. Totoong rock band sila, nagcocompose at tumutugtog ng sariling kanta! Nagkataon lang na puro sila bata at guwapo!”

“Ah. Parang Beatles nung kapanahunan nila, ganun?”

“Ano ka ba Alina! Panahon pa ata ng lolo ko yang Beatles eh!”

“At least hanggang ngayon buhay pa rin yung musika nila, pinapakinggan pa rin!”

“Ganun? Basta! Napakinggan mo na ba ang mga kanta ng cuSKYE? Bukod sa ang guguwapo nila, ang gaganda pa ng mga boses, lalo na sina Young-min at Woo-jin! Magaganda din yung mga kanta, eto, sampolan mo.” Inialok pa ni Leny ang iPod.

“Wag na... sasakit lang ang ulo ko at hindi ko rin naman maiintindihan yung lyrics!”

“Bibigyan kita ng translation!”

“Teka, may gagawin pa pala akong assignment, mamaya na lang ulit, babay!”

Lagi nang ganoon ang kinahahantungan kapag napapag-usapan nila yung bandang yun. Marami namang ibang bagay na napagkakasunduan nila ni Leny. K-pop lang talaga ang hindi siya maka-relate!

Magsasign-out na nga lang siya, nagpahabol pa ng message si Leny.

“Basta, sa Sabado ha? Pag-usapan natin ulit pag nagkita tayo sa school.”

Wala na siyang maisasagot dun kundi “K!”

Nakatulog na si Eugene sa sofa, kaya't dahan-dahan na lang niyang iniligpit ang laptop at ipinasok sa kuwarto para hindi na ito maistorbo.

* * * 

In-announce na sa TV nang hapon na iyon na may klase na sa susunod na araw. Ineexpect na rin na tuluyan nang bumaba ang baha pagdating ng madaling-araw.

“It means you can go back to the hotel tomorrow, Eugene!” sabi ni Alina.

“Awwww,” si Vina. “Aalis na siya?”

“Hindi naman siya pwedeng pumirmi na lang dito, no. Siyempre kailangan din niyang umuwi sa kanila,” si Alina.

“We'll miss you, 'Gene,” si Rose. “I hope you won't forget us.”

“Of course not,” sagot naman.

“I don't have classes tomorrow morning, so I can bring you to the hotel,” sabi ni Alina.

“But it's too much, you can just call a taxi for me!”

“No, no, it's okay. I'd feel better if I knew you got there safely.”

“Sayang at maaga yung mga pasok namin,” sabay labi ni Vina. “Kundi sasama na rin kami sa paghatid.”

“Eh di hindi na tayo nagkasya sa taxi nun,” sagot ni Alina.

“Mag-party na lang tayo bago siya umalis!” sabi ni Chito. “Bibili kami ni Lex ng isang kahon ng litro sa tindahan.”

Sina Vina, Rose at Jona naman, nagvolunteer na sagutin ang barbecue at tinapay. Kaya nag-offer na rin na magluto ng sopas at pansit si Ninang Sally. Napilitan tuloy sagutin ni Alina ang dessert. Ice cream na lang daw.

“What's happening?” tanong ni Eugene nang makitang nagsipagtakbuhan sa kani-kanilang kuwarto ang lahat upang gumayak para lumabas.

“We're going to have a party!” sabi sa kanya ni Alina.

“A party? For what?”

“A party for you before you go!” Bitbit na rin ni Alina ang sariling wallet. “Why don't you go with me? We're going to look for ice cream.”

Naglakad sila hanggang sa convenience store sa kabilang kanto para bumili ng dalawang gallon ng ice cream na magkaibang flavor. May libre pang sandosenang apa.

Pagkabalik nila, nagluluto na ng sopas si Ninang Sally habang si Ninong Rick naman ang naghihiwa ng sangkap para sa pansit. Tumulong na  rin sila sa pagluluto. Pagkatapos, inilabas nila ang pagkain sa maluwang na balkonahe, na sa wakas ay natuyo na rin, at doon na sila kumain at nagkuwentuhan. Natuwa sina Ninang Sally at Ninong Rick nang magpasalamat si Eugene sa magiliw na pagtanggap nila dito, laluna nang bigkasin pa nito ang mga salitang “Salamat po.”

 Nang matapos na silang kumain at maghugas ng pinggan, inantok na ang matatanda, pero wala pa ring ganang matulog ang mga estudyante, kaya't naglabas ng gitara at song hits si Chito para magkantahan sila. Noong una'y puro slow rock ang tinutugtog nito, ngunit noong bandang huli, mga ballad at love song na rin.

“Hay, sumasakit na ang lalamunan ko,” sa wakas nasabi nito. “Meron pa tayong softdrink? Lex, ikaw na muna ang tumugtog.”

“Could I?” tanong ni Eugene. Napatingin tuloy silang lahat sa kanya.

“You know how to play the guitar?” tanong ni Chito.

“A little,” ang sagot. Pero nang hawakan nito ang gitara at nagsimulang tumugtog ng kanta sa sarili nitong wika, halatang hindi lang kakaunti ang nalalaman nito sa pagtipa ng instrumento. At maganda pala ang boses!

“Wow, 'Gene, you sound like a real singer!” pumapalakpak na comment ni Vina. “And you play like a pro!”

“Dude you're awesome!” hangang-hangang bigkas ni Chito.

“Well?” tanong ni Eugene kay Alina. Tinaasan niya ito ng kilay, pero halatang naghihintay ito ng sagot. Kaya inamin niya na oo, hindi man niya naintindihan ang lyrics ng kanta, maganda ang melody nito at madaling sabayan. Lumuwang lalo ang ngiti ni Eugene sa narinig.

“One more?” ungot nina Vina at Rose nang akmang ibabalik na ni Eugene ang gitara kay Chito. Kaya tumugtog ito ng isa pang kanta. Rock ballad. English ang lyrics, pero ngayon lang nila narinig. Tungkol ito sa isang taong nagtatanong kung kailan niya malilimutan ang minamahal na iniwan siya, laluna't naaalala niya ito tuwing umuulan.

“I like that song!” bulalas ni Chito. “Where can I get a copy of the chords and the lyrics?”

“Baka online, meron,” si Alina. “What's the title of the song?” tanong niya kay Young.

“When It Rains. It's by... cuSKYE.”

“Oh, really?” Napangiti siya. “It's good!”

“Well, I hope that's one reason for you to like K-pop,” ang sagot.

Napatawa si Alina.

“Maybe,” sabi niya.

Mamaya-maya, naisipan na rin nilang pumasok sa loob at lumalalim na ang gabi. Nagtanong si Eugene kay Alina kung pwedeng makahingi ng papel at makahiram ng ballpen. Hiniram din nito ang gitara kaya naisip ni Alina na baka gusto nitong bigyan si Chito ng kopya ng kanta. Matapos niyang ipagkabit ito ng moskitero, iniwan na ni Alina si Eugene na marahang tumitipa at nagsusulat.

* * *

Nang sumunod na umaga, binigyan nga ni Eugene ng kopya ng kanta si Chito nang isauli niya ang gitara. Laking tuwa naman ng huli at paulit-ulit na nagpasalamat. 

Nakabihis na si Alina ng karaniwang suot niya sa school na t-shirt, maong at sneakers, at nagbabasa ng assignment sa dining room habang hinihintay na makagayak si Eugene. Alas-tres pa naman ng hapon ang klase niya, pero naisip niyang mas mabuti nang maagang makaalis at malayo pa ang lalakbayin nila.

Pumasok ulit siya sa kuwarto para kumonsulta sa dictionary. Paglabas niya ulit, nakabihis na rin ang hinihintay niya, at tinitingnan ang binder niyang nakabukas sa mesa.

“Hey!” sita niya dito.

“I was just looking,” ang sagot.

“You're ready to go?” tanong niya sabay pulot ng mga post-it, ballpen, highlighter, papel, notebook at binder na nakakalat sa mesa, at isinuksok ang mga ito sa bag, sabay check kung nandoon ang wallet niya.

Nagpaalam na sila kina Ninang Sally at Ninong Rick at lumabas. Pagdating nila sa kanto, marami nang dumadaang jeep, bus at taxi kaya mabilis silang nakasakay.

“It's too bad you had to get caught in the flood immediately after you arrived here,” sabi ni Alina. “If you want, I can point out some of the landmarks on the way.”

“Okay.”

Kaya itinuro niya ang City Hall, National Museum at Luneta, at ang mga pader ng Intramuros. Ang Baywalk, CCP, PICC at Film Center. Medyo mabagal ang usad ng trapiko, pero patapos na ang rush hour kaya hindi sila tumitigil ng matagal.

Maraming tao sa labas nang dumating sila sa hotel. May media. May mga babaeng may bitbit na placard. 

“Ano ba ito, may rally ba?” tanong ng taxi driver.

Nakatingin si Eugene sa mga may bitbit na placard.  Pagkatapos, pasimpleng itinaas nito ang hood ng jacket. Biglang nagtilian ang mga nag-aabang, sabay takbo upang salubungin ang isang paparating na van. Nag-chant pa ang mga ito.

“cuSKYE! cuSKYE!”

“Well, I guess you should go in,” sabi ni Alina. “And I should go.” 

“Alina...”

“What?”

“Can I ask for your e-mail address? I can't ask for your phone number since you don't have a phone.”

“Sure.” Isinulat niya sa isang post-it at ibinigay ito kay Eugene.

“Thanks. For everything.”

“It was nothing. Well, I have to go. You take care now. Bye!”

Sumulyap siya sa van habang papaalis. Hindi rin niya makita kung sino ang mga bumababa sa sasakyan dahil napapaligiran ng napakaraming tao. Siguro kung nandito si Leny, kasama rin siya sa mga nagtitiling yun, sa isip niya. Hindi na niya nakita si Eugene paglingon niya. Siguro pumasok na nga ito sa loob ng hotel.

Sumakay na nga siya sa taxi papunta ng pinakamalapit na LRT station. Nagtatalo ang isip niya kung sasabihin ba kay Leny na alam niya kung saang hotel tumutuloy ang bandang gusto nito. Tapos naisip niya, ipapaliwanag na naman niya kung paano siya nakarating ng hotel. Huwag na nga! Pupunta rin naman sila sa concert!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro