Chapter One
Naiinis na si Alina sa ulan noong gabing iyon ng Martes. Dapat ay kanina pa siya nakauwi sa boarding house ng ninong niya sa Sta. Mesa, ngunit dahil sa halos kalahating araw nang walang tigil ang buhos ng ulan, tumataas na ang tubig sa mga lansangan. Nahirapan na nga siyang makahanap ng jeep pauwi kanina at bumabaha sa mga lugar na lagi niyang dinadaanan kaya ibang ruta ang nasakyan niya; imbes ngayon na double ride, magti-triple ride tuloy siya. Tapos ngayon, natatabunan na ng tubig sa kalye ang sapatos niya ay wala pang jeep na dumadaan sa kinaroroonan niya.
Nagpasya siyang maglakad ng kaunti hangga't makakita ng masakyan. Mabuti na lang at walang gaanong hangin kaya't hindi siya nakikipaglaban sa payong. Tapos, nagvibrate pa ang bulsa niya. Paulit-ulit. May tumatawag. Baka nag-aalala na ang ninang niya at hindi pa siya nakakauwi.
Tiyempong pagdukot naman niya ng cellphone sa bulsa, may taxi na biglang tumirik halos sa tapat lang niya. Nagkabanggaan tuloy sila ng pasahero nitong bumaba. Nabitawan pa niya ang cellphone.
Sabay sa pagsosorry ng taong nabangga niya, narinig niyang may tumatakbong lumampas sa kanila. At hindi niya narinig na bumagsak ang cellphone niya sa lupa.
“Hoy!” na lang ang naisigaw niya sa snatcher na nakakuha ng magandang tiyempo para makadale ng buwenas.
“Hey you!” sigaw din ng taong nabangga niya, sabay habol.
“Miss? Miss, okay ka lang?” tanong ng may-edad nang taxi driver, na bumaba din. “Dapat hindi na niya hinabol yung snatcher! Baka kung mapaano yun! Dayuhan pa naman yun!”
“Po? Dayuhan po yun?”
“Oo. Intsik ata o Hapon, hindi ako sigurado.” Napapailing ang taxi driver. “Tsk, sayang. Nagpapahatid sa Pasay, tumirik naman itong sasakyan ko. Ang malas ko lang.” Lulugo-lugong umalis ang matanda para maghanap ng mekaniko.
Maya-maya'y humahangos nang bumalik ang lalaking dayuhan.
“Mianhamnida. I'm so sorry. I was not able to catch him,” sabi kay Alina. Iba ang diin at bigkas niya sa mga salitang Ingles, pero naintindihan ni Alina ang sinasabi niya.
“It's all right! You shouldn't have gone after him, it was dangerous!”
“But it was my fault, I bumped into you!”
“Look, it was also my fault for not being more alert, okay? Argh.” Nagpatuloy sa paglalakad si Alina, na asar na asar sa sariling katangahan. Alam na alam niyang delikadong maglabas ng cellphone sa kalye, ginawa pa niya. Ayan tuloy.
“Hey you...!” narinig niyang tawag ulit ng lalaki. “Wait!” Siya naman ang hinabol nito ngayon.
“What?” tanong niya. Medyo asar na rin siya dito. Anong “hey you?”
“I need help. I don't know where I am!”
“Oh. Well, hindi ka naman siguro kidnapper or holdaper ano.”
“What...?”
“You're on Araneta Avenue, Quezon City.”
“You know Sofitel? In Pasay? How far away?”
“It's very far from here. But you can take another taxi, right?”
Nagpalinga-linga ang lalaki. Walang dumadaan na sasakyan, maliban sa malaking container truck na nagsaboy ng tubig-baha sa lahat ng nasa paligid. Napilitan tuloy si Alina na ibaba ang payong upang masangga ito.
“Teka muna... baha?” Nang mapatingin siya sa paanan, napansin niyang tila tumaas lalo ang tubig. Umapaw na ito sa bangketa.
“What?” tanong ulit ng lalaki.
“Look at the water!” sabi niya.
Nagmadali na siyang maglakad patungong Sta. Mesa. Sa unahan, may mga nakikita na rin siyang naglalakad sa baha.
“Hey, wait!” Hinabol siya ng lalaki. “What's happening?”
Habang naglalakad, sinubukan niyang ipaliwanag na laging bumabaha sa lugar na iyon kapag malakas ang ulan. Halatang bigla itong nanlumo sa narinig. Naawa na rin siya nang matitigan ito ng mabuti, dahil tumutulo na ang buhok nito at mukha na itong basang sisiw sapagkat jacket na may hood at bonnet lang ang tanging panangga nito sa ulan na lalo lang lumalakas. Kaya't isinukob na rin niya ito sa payong.
“You can go with me to another street. Maybe you can find a taxi there.”
“Thank you.”
Ang hirap maglakad sa baha, laluna kung kailangan mo ring indahin ang lamig ng umaagos na tubig at ang maginaw na hangin. Hindi na nila makita ang inaapakan nila. Nagdadasal na si Alina na sana'y walang bukas na manhole o malalim na lubak sa dadaanan nila, nang bigla din siyang matisod. Mabuti na lang at nahawakan siya sa braso ng kasabay.
“Are you okay?”
“Yes. Yes, okay.” Siguro dahil sa ginaw na nararamdaman niya kaya't nakakagulat ang init ng kamay nito bago siya binitawan.
Pakiramdam niya, ang tagal-tagal na nilang naglalakad. Ngunit nang lumingon siya, kakaunting distansiya pa lang ang nalakad nila. Tila lumalalim pa ang tubig-- ngayo'y abot na rin ito hanggang binti. Lumingon ulit siya. Mataas na rin ang tubig sa pinanggalingan nila.
Kumukunot na rin ang noo ng lalaking dayuhan nang sulyapan niya ito. In fairness, ang guwapo niya, sa isip-isip niya. Matangkad. Maganda ang pangangatawan. Matangos ang ilong, mataas ang cheekbones, mapupungay ang mata. At ang puti at kinis ng kutis! Kung hindi mo maririnig magsalita, aakalain mo ring Pilipinong may dugong Tsino o Hapon.
Nagulat siya nang hinawakan ulit siya nito sa braso.
“What?” tanong niya.
“The water is getting deeper.”
“I can see that.”
“You're still going ahead?”
“Look behind us. It's the same. There's no other place to go. It's okay as long as we don't need to swim.”
“You're not joking?”
“Do I look like I'm joking?”
Napangiwi tuloy ito at napabitiw ng salita sa sariling lenggwahe.
“Ano'ng sabi mo?” tanong ni Alina.
“Look, is there no other way to get out of here?”
Ikinumpas ni Alina ang kamay sa paligid. Puro saradong tindahan. Walang bahay. Wala silang masisilungan habang naghihintay na humupa ang baha.
“There is no place to stay. This way is to my home. Maybe when we get to the corner there will be less water.”
Nakasimangot pa rin ang lalaki.
“You can find your own way if you want,” dagdag ni Alina.
Hindi na ito umimik. Hinawakan na lang nito ang payong at nagsimulang maglakad ulit. Napilitang maghabol si Alina.
Napa- “hey you!” na rin tuloy siya sa asar. Bumuntung-hininga ang lalaki at hinintay siyang humabol. Pinandilatan niya ito. Bumulong-bulong ulit ito sa sarili.
“Bubulong-bulong ka pa diyan, tumigil ka kaya, eh hindi mo nga alam kung saan ka dadaan,” reklamo ni Alina.
Parang ang layo ng susunod na kanto. Ilang minuto lang ito kapag nakasakay sa jeep, pero ngayon, parang napakaraming hakbang na'y hindi pa rin sila umuusad. Anong oras na kaya?
Napakapa si Alina sa bulsa bago niya naalalang wala na nga pala siyang cellphone.
“Excuse me... uh... do you know what time it is?” tanong niya sa kasama.
Napatingin ito sa suot na relo.
“Nine o'clock.”
“Oh no. Siguradong sobrang nag-aalala na sina Ninang.”
Patuloy pa rin ang ulan. Hindi lumalakas, hindi humihina. Sige-sige lang. Tuloy-tuloy din sila sa paglalakad hangga't marating ang kanto ng isang mas maliit na kalye. May nasalubong silang mga galing sa direksiyon ng Sta. Mesa.
“Pwede pong magtanong, Manong? Gaano po ba kalalim ang tubig sa unahan?” tanong ni Alina sa isang may-edad nang lalaki.
“Naku, ineng. Huwag na kayong dumiretso diyan at ga-baywang na ang baha hanggang Aurora. Dinig ko'y mas malalim pa sa V. Mapa. Napilitan nga kaming bumalik.”
“Ganun po ba... Salamat po.”
“What did he say?” tanong ng kasama niya.
“The water is deeper there so they went back.” Lumiko na sa kanto si Alina para sundan ang grupong nauna sa kanila. “Let's follow them.”
Mas mababaw ang tubig sa kalyeng iyon. Mas madaling maglakad. Mas marami ding taong naglalakad. Pero walang dumadaang taxi o jeep.
Hindi pa rin humihiwalay sa kanya ang lalaking dayuhan. Bagama't hindi sila masyadong nag-uusap, paminsan-minsan ay sumusulyap ito sa kanya na tila nagtatanong.
Maya-maya ay nagtanong na nga ito.
“Where are we going...?”
“The place where I live is in this direction.” Hindi na kabisado ni Alina ang mga pasikot-sikot ng daan sa lugar na iyon, pero alam niyang may kalye doong lulusot papuntang Santol, na malapit na sa boarding house nila.
Sa sumunod na kanto may nakita silang traysikel. Nagtanong si Alina kung maghahatid ito hanggang sa kanila. Hindi sigurado ang driver dahil hindi nito alam kung umabot ang baha kina Alina, pero nag-alok itong maghahatid sa pinakamalapit sa bahay nila na pwede nitong paghatiran. Trenta pesos kada isa ang singil.
“Kuya, nga pala, may nakita po ba kayong dumadaang taxi? Ano na po ba ang balita sa baha?”
“Naku, Miss, huling dinig ko eh baha sa halos lahat ng lugar. Sa Quiapo at Sta. Cruz. Sa Paco at Sta. Ana. Sa Taft at Roxas Boulevard. Yung iba nga daw iniwanan na lang ang mga sasakyan sa daan at naglutangan na sa baha.”
“May balita po ba kayo sa Pasay? Sa Sofitel?”
“Wala Miss eh. O ano? Sasakay ba kayo?”
“Sige po.” Tinapik ni Alina ang braso ng kasama, at sumakay na sa traysikel.
“What?” tanong pa nito.
“Get in!” Nang hindi ito tumalima kaagad, hinatak na niya ito. Nauntog tuloy ang noo nito sa bubong ng traysikel.
“Ya!” reklamo nito.
“It's still raining, hurry up and close the umbrella!”
Sa wakas, nasa traysikel na rin sila at mabilis na binabaybay ang mga binabaha pa ring kalye.
“What is this?” tanong ng lalaki sa kanya.
“It's a tricycle. Just...” Napadaan sila sa hump--BLAG! “...hold tight,” pagtatapos ni Alina. “I'm sorry!”
Kinamot ng lalaki ang ulong nauntog na naman sa bubong ng traysikel.
“Does it hurt?” tanong ni Alina.
Pumikit lang ang lalaki na tila nagsasabing “obvious ba?” Pagkatapos, tumingin ito sa tubig na tumatalsik sa loob ng traysikel galing sa gulong, at nagtanong din.
“Why are we riding this thing, again?”
“Because I don't want to walk through the flood anymore! And it will get us there faster!”
Nag-iirapan ang dalawa nang biglang lumiko sa isang kanto ang traysikel. Silang dalawa tuloy ang nagkauntugan. At higit pa dun.
OH MY GOD! Sa isip ni Alina.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro