Love, Coffee (Oneshot)
Love, Coffee
Written by DARKANTAGONIST
@All rights reserved. 2021
***
SANA naging baso na lang ako para lagi niyang mahawakan at madampian ng kanyang labi.
Sana naging damit niya na lang ako para lagi ko siyang kasama saan man siya magpunta.
Sana naging briefcase na lang niya ako para bitbit niya ako sa tuwing umaalis siya...
Mula sa likod ng salamin na dingding ay pinagmasdan ko ang bawat galaw niya sa loob ng coffee shop. Yung swabe niyang galawan sa tuwing pumipila at nagbabayad siya para sa kape. Yung paraan ng pag upo niya at paghigop niya ng kape. Talagang nakamamangha.
Gumalaw ako sa aking pwesto at dinama ang ihip ng hangin. Hindi ko mapigilang mapapikit ng mata. Ang sabi nila pangit ang hangin sa siyudad pero bakit gustung gusto ko rito? Di ko mapigilang mapasayaw sa hangin.
Muli ay nagmulat ako ng mata. Nanigas ako sa aking kinatatayuan nang makitang nakatingin siya sa akin! Ang lalaking gusto ko ay napansin na ako!
Coffee God, nininiyerbyos ako sa tindi ng titig niya. Ganon pa man, kahit medyo nahihiya ay sinalubong ko pa rin ang tingin niya. Ngayon ko lang nalaman na kayumanggi pala talaga ang kulay ng mata niya. Akala ko kasi ay itim. Siguro dahil sa salamin na dingding ng coffee shop kaya ko naisip 'yon.
Pero...naku magkakasundo kami nito. Paborito ko kasing kulay ay kayumanggi. Grabe, gusto kong sumayaw nang sumayaw sa kilig!
Yung paraan ng titig niya, nakatutunaw. Inayos ko ang pagtayo ko at sinikap na huwag masyadong magpadala sa hangin.
Bakit kasi nasa labas ako? Hindi pa pwedeng nasa loob na lang ako para maranasan ko kahit papaano ang tinutukoy ng kaibigan kong si Rose na aircon? Nang sa ganon ay makita niya ang tunay kong gandahan. At hindi niya nakikitang parang kaunti na lang ay hahanginin na ako. Yun ang iniisip ng iba ngunit para sa mga katulad ko, mas matibay kami kaysa sa inaakala nila. Siyempre wala akong pakiaalm sa iniisip ng ibang tao, ang inaalala ko lang ay ang opinyon niya.
Ngumiti ako at kakawayan ko na sana siya nang lumihis ang tingin niya. Wala na sakin ang paningin niya...
Naramdaman kong nanlanta ang aking katawan. Para akong nawalan ng bitamina sa katawan. Pakiramdam koy hindi siya nagandahan sakin. Sinundan ko na lang ang tingin niya at nakita kong nasa partikular na gusali siya nakatingin.
Naalala kong ang gusaling iyon ang lagi niyang pinapasukan sa tuwing umaga pagkatapos niyang magkape rito sa coffee shop.
Tumamlay lalo ang buo kong katawan. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko nang muli akong tumingin sa kanya. Ngayon ko lang napansin na parang may kakaiba sa kanya ngayon. Kanina pa siya nakatingin sa malayo. At ang lungkot-lungkot din ng kan'yang kayumangging mga mata. Yung telang nakasabit sa kanyang leeg ay hindi maayos ang pagkakatali. Magulo rin ang buhok niya.
Love,
Magandang araw! Kamusta? Alam kong hindi ko dapat ito itanong sayo pero gusto kong malaman kung ano ang pinagdadaanan mo ngayon. Kung ako naman ang tatanungin mo, okay lang ako pero hindi ang puso ko.
Love, alam mo bang nahihirapan ang kalooban ko habang pinagmamasdan kita ngayon? Ang makita kang malungkot, parang binibiyak ang puso ko. Hindi ko kayang makita ka sa gan'yang kalagayan. Hindi kaya ng sistema ko.
Kung p'wede lang, gusto kitang lapitan at yakapin, at sasabihin na magiging okay lang ang lahat. Gusto kong tanungin kung ano ang problema mo, nang sa ganon ay matulungan kita. Gusto rin kitang alagaan dahil ayaw kong makita kang may itim sa ilalim ng mga mata mo. Lahat ng yun ay gustung-gusto kong gawin, kaso hindi p'wede.
Hindi ako bitter ha, pero sana'y naging tao na lang ako, para kahit papaano'y maibsan ang kalungkutang naramdaman mo ngayon.
Love, Coffee
Yun ang mga salitang gusto kong malaman niya kaso alam kong hinding-hindi ko 'yon masasabi kahit kailan man.
Nakita ko siyang tumayo at lumabas ng coffee shop. Nang dumaan siya sa hanay namin, nanlaki ang mga mata ko nang makitang may pasa siya sa ibaba ng taenga niya!
Hindi ako mapakali. Lalapitan ko na sana siya para tanungin kung okay lang ba siya pero hindi ako makahakbang. Napatingin ako sa katawan ko. Nakalimutan kong hindi pala ako makaalis sa aking p'westo. Isa pa, wala rin akong kakayahang maglakad. Mapait akong napangiti sa katotohanang isa lang pala akong halamang kape.
Nagsigalawan ang aking mga sanga at dahon sa sobrang pag aalala. Sinundan ko siya ng tingin. Coffee God! Ano ba talagang nangyari sa kan'ya?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro