Chapter 1
8 months later...
"Kaliméra!" (Good morning!)
"Kaliméra, Kath!" (Good morning, Kath!)
"Good morning po, tita!"
"Good morning, Kath!"
Nakangiting bumaba si Kathryn sa hagdan at tumungo sa kitchen kung saan naghahanda si Tita Rose ng almusal nila. Nasa may sala naman si Tito Chino, ang esposo ni Tita Rose, na nagbabasa ng dyaryo.
"Wow. Ang sarap ng breakfast natin ngayon, ah," aniya kay Tita Rose habang tinitingnan ang niluluto nito.
"You always say that everyday. Hindi ko na alam kung nagbibiro ka lang or binobola mo lang ako," natatawang sagot ni Tita Rose sa kanya.
"Aba, totoo naman ang sinasabi ni Kath, mahal," sabad naman ng esposo nito na si Tito Chino.
"Di ba, Tito? Talagang masarap naman ang pagkain natin araw-araw?"
"Yes, I agree," nakangiti pang sang-ayon nito.
"Pinagtutulungan na naman ninyo ako, ha. Bahala kayong dalawa," napapangiting iling nalang ni Tita Rose habang ipinagpatuloy ang pagluluto nito. "Siya, siya. Maghanda ka na Kath dahil baka ma-late ka sa trabaho mo."
"Naí, Tita," sagot niya dito at umalis na sa kitchen para tumungo sa kwarto niya doon.
"At tsaka, umuwi ka nang maaga mamaya ha. Kailangan ko kasi ng tulong sa taverna. May gámos (wedding) kasi mamaya," narinig pa niyang pahabol na tugon nito.
"Naí, naí." (Yes, yes.)
Nang nakapasok na siya sa kwarto ay tinungo agad niya ang banyo para maligo. Nang natapos na siyang maligo ay nagbihis na siya para sa trabaho. Wala namang uniporme ang pinagtratrabahuan niya dahil sa isang souvenir shop lang naman siya nagtratrabaho sa may agorá (market).
Nakaharap na siya sa salamin at nagsusuklay sa maikli niyang buhok. Napatingin siya sa sariling repleksiyon. Marami na ang nagbago sa kanyang pisikal na anyo. Pinaikli niya ang noo'y mataas niyang buhok. She also dyed it blonde na kasalungat sa noo'y itim niyang buhok. Sigurado siyang kapag may nakakakita sa kanya ngayon ay hindi talaga siya makikilalang siya si Kassandra Benitez na sikat na artista sa Pilipinas.
"Kath?"
Narinig niyang may kumatok sa pintuan ng kwarto niya.
"Busy ka pa ba diyan?" Nakita niyang sumulpot ang ulo ng Tita Rose niya sa pintuan.
Napangiti siya. "Hindi na po, Tita. Bakit po? May kailangan kayo?"
Pumasok ito sa kwarto niya at umupo sa kama niya. "Tumawag kasi si Reina. Kinakamusta ka lang. Kakausapin ka nga eh, kaso parang busy na siya. Kung may panahon ka, tawagan mo nalang siya, ha."
"Opo, Tita," nakangiting sagot niya dito.
"Ang batang iyon talaga, oo. Ang sabi niya'y dadalawin niya kami ng papa niya dito sa Santorini. Eh, magwa-walong buwan ka na dito ay hindi pa rin siya nakakapunta."
Napangiti nalang siya sa sentimento nito. "Baka busy lang po iyon, Tita. Simula kasi nang mawala ako, mas kumayod na kasi iyon."
"Salamat pala sa iyo anak, ha. Kung hindi dahil sa iyo, hindi namin mapapagamot si Tito Chino mo," sabi nito.
"Naku, walang anuman iyon, Tita. Para nang kapatid ang turing ko kay Reina. At tsaka, mas malaki ang utang ko sa kanya. Mas natulungan niya ako sa maraming bagay. Katulad nalang po ng pagpunta ko rito."
"Sus, ano ka ba? Wala iyon." Tumayo ito mula sa kinauupuan at lumapit sa kanya. "Parte ka ng pamilya namin, Kath. Tandaan mo iyan parati."
Napangiti siya. Nagagalak siya at may mga tao pa talaga sa mundo ang may pagmamalasakit at pagmamahal para sa kanya.
"O, siya. Bumaba ka na pagkatapos mong maghanda para makakain ka na rin ng agahan," huling bilin nito bago lumabas ng kwarto niya.
Kinuha agad niya ang mga gamit niya at lumabas ng kwarto. Mabilis lang siyang nag-agahan dahil kailangan na niyang umalis. Mago-open na kasi ang souvenir shop ng ilang minuto at kailangan pa niyang mag-bike papunta roon.
Walong buwan na rin ang lumipas simula nang umalis siya ng Pilipinas at pumunta sa Santorini, Greece. Si Reina ang nag-suggest sa kanyang pumunta na muna doon sa Greece para mag-hiatus mula sa showbiz. Hindi naman siya tumutol kasi sa palagay niya ay iyon ang kailangan niya. Kaya palihim na sinet-up nila ang pagpunta niya doon. Walang nakakaalam ngayon sa Pilipinas kung nasaan siya, maliban kay Reina. At wala rin namang ni isa sa Santorini ang nakakaalam sa tunay na pagkatao niya na iniwan na niya sa Pilipinas, maliban kina Tita Rose at Tito Chino na mga magulang ni Reina.
"Kaliméra, panemorfi! Pós eísai símera?" bungad ng may-ari ng shop na pinagtratrabahuan niya. (Good morning, beautiful! How are you today?)
"Kaliméra! Eímai kalá efcharistó," sagot niya dito. (Good morning! I'm fine thank you.)
"Your Greek is getting good," ngiting puna ng may-edad na na may-ari ng shop.
"All thanks to you," sagot niya dito at pumuwesto sa counter.
Naghanda na rin siya para sa pagbubukas ng shop. Wala naman siyang masyadong trabaho roon. Taga-bukas ng shop, tagalinis at taga-assist ng mga namimili lang ang gawain niya doon. Si Alesandro na siyang may-ari ng shop ang nagku-closing ng shop, dahil sa gabi, sa taverna naman na pagmamay-ari ni Tita Rose siya nagtatrabaho.
Kahit na maliit lang ang kinikita niyang sahod ay kontento na siya roon. Simple lang ang pamumuhay niya sa Greece at mas masaya siyang ganoon. Ayaw na niyang balikan pa ang magulong buhay niya sa Pilipinas. Mas gusto na niya ang tahimik na buhay niya ngayon. Pero minsan, nami-miss pa rin niya ang iniwan niyang buhay. Nami-miss niya ang mga kaibigan niyang iniwan sa Pilipinas. Marami pa rin namang mga Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Greece. May mga kaibigan na rin siya doon pero nag-iingat pa rin siya dahil baka may makaalam sa tunay na pagkatao niya.
"Kath!"
Napangiti siya nang makita si Athena, isa sa mga naging kaibigan niya doon. "Hi, Athena!"
"Wow. Effortless ang ganda, o," pambobola pa nito at pumuwesto sa harapan niya sa counter.
"Hindi naman masyado," natatawang sagot niya dito. "At bakit ka nandito, ha? Mamaya pa ang pasok mo, ah?"
"Hindi ako papasok ngayon. Nagpaalam na ako kay Papa," sagot nito. "Si Mama na ang tutulong sa kanyang mag-closing ng shop."
Anak kasi si Athena ng may-ari ng shop na pinagtratrabahuan niya ngayon. Si Alesandro, na papa ni Athena, ay isang Greek-Filipino, habang si Alicia, na mama ni Athena, ay pure Filipino. Nagkita ang mga magulang ni Athena sa Greece nang nagpunta ang mama nito sa lugar dahil sa paghahanap ng trabaho.
"Ah, bakit naman?"
"Di ba nga, kasal ni Ceasar ngayon." Si Ceasar ay pinsan naman nito.
Napatango naman siya dito. Yes, she remembers. Kasal pala ni Ceasar ang pinaghandaan ni Tita Rose para mamayang gabi sa taverna.
"Pupunta ka?" Tanong ni Athena.
Tumango siya. "Tutulungan ko muna si Tita Rose sa paghahanda."
Ngumiti naman ito. "Okay. At least may kasama ako doon. Nahihiya kasi ako sa mga kabarkada ni Ceasar, eh. Lalo na kay Drew."
Napakunot naman ang noo niya nang maalala ang binata. Lahat na siguro ng mga magagandang katangian ay naka'y Drew na. Isa lang talaga ang kapintasan nito.
"Nahihiya ka kay Drew? Bakit? Eh, ang sungit kaya noon."
"Ha? Anong masungit? Eh, ang bait-bait nga niya. Kaya nga ako nahihiya sa kanya," tutol nito.
"Mabait? Eh, hindi nga ako pinapansin noon," reklamo niya.
"Parang sa iyo lang naman siya masungit."
"Aba, ewan. Wala akong pakialam sa kanya."
Sumilay sa labi ni Athena ang pilyang ngiti. "Wala ba? Akala ko ba noon, type mo siya?"
"Hindi, ah! Gawa-gawa ka ng istorya."
"Huy, totoo iyon. Ni-record ko nga nang pinag-usapan natin iyon, eh," natatawang kantiyaw sa kanya nito.
She just shook her head at her friend's playfulness habang tatawa lang ito. "Bahala ka diyan, Athena."
Lumabas siya ng counter para ayusin ang nakahilerang mga souvenir sa may likurang bahagi ng shop. Naririnig pa niya ang masayang tawa ni Athena na nasa counter pa rin.
"Hi, Drew."
"Tease me all you want, Athena. I tell you, that guy hates me," malakas na sabi niya dito.
"I hate you?"
Nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang pamilyar na tinig na iyon.
"Who said I hate you?"
Napalingon siya kay Drew na nakatayo sa may counter at nakatingin sa kanya. Habang si Athena naman ay pilit na tinatago ang tawa.
"Ah... eh... Hindi - Ang ibig kong sabihin -"
"I don't hate you," as-a-matter-of-fact na sabi nito. "I just don't like you."
Napamaang lang siya sa sinabi nito. Wala siyang mahagilap na sagot dito.
"Sige, Athena. See you later," paalam ni Drew kay Athena.
Uminit naman agad ang bumbunan niya. Ni hindi nga ito nagpaalam sa kanya na aalis na ito. Ano ba talaga ang problema nito? Bakit ba ayaw nito sa kanya?
"Ano ba ang problema ng lalaking iyon? Bakit ba galit siya sa akin? Does he really hate me that much?"
"He doesn't hate you nga," natatawa paring humarap si Athena sa kanya. "Ayaw lang nga niya sa iyo."
"Bakit? May kapintasan ba ako, Athena? Sabihin mo sa akin ang totoo? Pangit ba ako?"
"Naku, heto na naman tayo."
Dinampot niya ang salamin na nasa counter at sinipat ang sariling repleksiyon. "Maganda naman ako, ah. Ako kaya ang pinakamaganda sa Pilipinas. Ano ba ang ayaw niya sa akin?"
"Oo na. Ikaw na ang pinakamaganda. Nagyabang pa, eh. Buong Pilipinas daw."
Tiningnan niya ito nang masama. "Huy, totoo iyon. Laman nga lagi ng newspaper kung gaano ako kaganda, noh."
"Newspaper? Bakit? Artista ka?"
Napasinghap siya nang ma-realize ang sinabi kay Athena. Hindi nga pala nito alam na isa siyang artista sa Pilipinas.
"O? Bakit?" nagtatakang tanong ni Athena sa kanya.
Napatingin siya sa nagtatakang mukha nito. "Ha? Ah... Wala, wala. May... may pimple lang kasi ako sa mukha."
Ibinaba na niya ang salamin at bumalik sa ginagawa niyang paglilinis.
"Sus, akala ko pa naman totoo nga iyong sinabi ko. O, siya, siya... aalis na ako at marami pa akong gagawin sa bahay. Nagpapatulong kasi si Mama para sa kasal. Kitakits nalang mamaya," paalam ni Athena sa kanya.
Umalis na ito sa shop at naiwan siyang hindi makapaniwala sa sarili.
Muntikan na iyon, isip-isip niya.
Minsan din naman kasi, nakakalimutan niyang wala nga palang nakakaalam sa tunay na pagkatao niya. Pero walang dapat makaalam kung sino talaga siya. Walang pwedeng makaalam na nandoon lang pala siya sa Greece at nagtatago.
Napabuntong-hininga siya. Ang hirap pala ng pinasukan niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro