Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 6

"Sa susunod, huwag mong patulan ang mga babaeng 'yon, Mika. Naiintindihan mo 'ko?"

Kaharap ni Angel ang kapatid na si Mika. Hinawakan niya ang balikat ng kapatid. Hindi niya talaga inaasahan ang ginawa nito kanina, nagawa nitong sumagot sa mga chismosang feeling magaganda. Pero kahit gano'n, palihim siyang nagpapasalamat sa ginawa ng kapatid. Dahil dito ay nagawa niyang makaalis sa mga chismosa.

"Pero, Ate—"

"Walang pero-pero. Makinig ka sa Ate mo. Kapag sinabi kong hindi puwede, hindi talaga puwede." Tumayo na siya mula sa pagkakaluhod para magpantay sila ng kapatid niya at pumasok na siya sa kusina para tingnan kung may makakain pa ba sila. "At isa pa, Mika, hindi sila dapat pag-aksayahan ng panahon kaya hayaan mo sila."

"Pero ikaw naman ang inaaway nila," mahina nitong sagot sa kaniya, sakto lang na narinig niya. "Ayokong nakikitang may umaaway sa'yo, Ate. At totoo naman ang sinabi ko kanina na maganda ka. Kasi nga diba? Kung totoong mas maganda sila sa'yo, edi sana sila ang niligawan ni Kuya Bucho. Pero bakit ikaw ang niligawan? Ibig sabihin lang na mas maganda ka kumpara sa kanila."

"Ikaw talagang bata ka, anong alam mo sa ligaw-ligaw ha?" aniya para pagtakpan ang ngiti. Iba na talaga mag-isip ang kapatid niya.

"Totoo naman ang sinasabi ni Mika, Ate. Mga chararat kaya sila." Si Michelle naman ang nagsalita kaya hindi na lang muna niya tinuloy ang pagbukas sa kaldero.

Lumabas siya sa maliit nilang kusina at tiningnan ang dalawa. Minsan lang magsalita si Michelle pero sapol. Nagtataka niyang tiningnan si Michelle.

"Saan niyo naman nakuha ang salitang chararat, aber?"

"Kay Ate Daisy," sabay na sagot ng dalawa.

Sabi ko na nga ba, wala talagang maituturong matino ang babaeng 'yon sa mga kapatid ko.

"Pero, Ate, ang hindi ko lang po talaga maintindihan ay kung bakit sila gano'n sa'yo. Bakit galit sila na ikaw ang gusto ni Kuya Bucho?" tanong sa kaniya ni Mika at umupo sa sira-sira na nilang sofa. Tumabi naman dito si Michelle na bitbit na naman ang papel nito at lapis.

"Duh?" Umikot pa ang mata ni Michelle nang harapin ang kambal. "Inggit ang tawag do'n sabi ni Ate Daisy. Inggit sila kasi may gusto sila kay Kuya Bucho pero si Ate ang gusto ni Kuya. Gano'n 'yon."

"Hoy! Hoy! Kayong dalawa ha? Hindi dapat kayo sumasali sa usapang matatanda—"

"Huwag kang maingay, Ate. Seryosong bagay 'to—" Agad niyang tinampal nang mahina ang noo ni Mika na gusto pang patahimikin siya. "Dios mio, ako pa talaga ang patatahimikin mo."

Pero sa loob-loob niya, sang-ayon siya sa sinabi ni Michelle. Totoo namang inggit lang talaga ang mga chismosa dahil sa kaniya may gusto si Bucho. Mula nang umamin sa kaniya si Bucho at pinaalam talaga nito sa buong isla na may balak itong pakasalan siya ay nagsimulang gumulo ang buhay niya. Maraming galit sa kaniya.

Paladesisyon si Bucho. Kapag gusto nito, gusto talaga nito. At hindi ito pumapayag na hindi nito nakukuha ang gusto nito. Mayaman kasi ang binata kaya ganoon na lang umasta. Sa buong isla, ang pamilya ni Bucho ang pinakamayaman. Nang dumating sila sa islang 'to, twenty years old siya no'n ay ang pamilya na ni Bucho ang namamahala sa isla. Daig pa ang hari at reyna kung umasta.

At batas sa isla nila ang kung anumang sabihin ng pamilya ni Bucho. Kaya no'ng sinabi nitong gusto siya nitong pakasalan, wala siyang nagawa upang baguhin ang bagay na iyon.

"Pero may bagay talaga na hindi ko maintindihan," mahinang bulong ni Michelle habang may ginuguhit sa papel.

"Ano naman 'yon?" tanong ni Mika sa kambal.

Nagpasiya na lang siyang bumalik na sa kusina. Mukhang tapos na ang topic nila kay Bucho. Bigla na lang kasing nagbago ang atmosphere at bumalik na sa pagguhit si Michelle.

"Bakit gustong-gusto nila si Kuya Bucho? Hindi naman guwapo ang lalaking 'yon."

***

Dala ang dalawang lata ng sardinas at isang kilong bigas ay nilakad ni Angel ang daan papunta sa bahay ni Daisy. Katatapos lang niyang maglaba at itong nabitbit niyang bigas at sardinas ay siyang bayad ng nagpalabada sa kaniya.

Huminga siya nang malalim. Kung hindi sana nawala ang mga magulang niya, hindi siguro siya nagpapalabada ngayon. Ramdam pa niya ang hapdi sa may bandang pulsuhan niya dahil nagkasugat siya habang naglalaba. Hindi na lang niya pinansin ang sakit dahil mas importante sa kaniya na may makain sila ng mga kapatid niya mamayang gabi.

Excited na siyang ikuwento sa kaibigan kung paano sinagot ni Mika ang mga chismosa kanina. Ang galing pala ni Daisy magturo dahil kuhang-kuha ng mga kapatid niya kung gaano kamaldita ang kaibigan niya. Hindi niya alam kung dapat ba niyang pasalamatan ang kaibigan o dapat siyang matakot dahil baka ang kapatid naman niya ang isusunod ng mga chismosa.

Hindi na siya nag-abalang kumatok sa pinto nang makarating siya sa bahay ng kaibigan niya. Dumiretso na siya sa pagpasok nang mabuksan niya ang pinto at agad namang sumalubong sa mga mata niya ang wala pa ring malay na binata na nakahiga sa sahig.

Inilapag niya sa maliit na upuan ang mga dala niya at lumapit sa payapang natutulog na lalaki. Nagkaroon na naman siya ng pagkakataon na pagmasdan ang guwapong mukha ng lalaki. Kay tagal na rin no'ng huling nakakita siya ng kasing guwapo nito, panahong nasa lungsod pa siya.

Tinitigan niya ang mukha nito. Mula sa makakapal nitong kilay, sa matang nakapikit, sa ilong na sobrang tangos, at sa labi nitong nagkakulay na.

Dahan-dahan niyang nilapit ang daliri niya sa labi ng binata. Mabuti naman at bumalik na ang kulay nito hindi gaya no'ng nakita nila ito sa dagat. Medyo mapula ang labi nito no'ng una niya itong nakita pero hindi niya inakalang may mas ipupula pa pala. Dinama niya ang lambot ng labi ng binata at sinundan niya ng haplos ang hugis ng labi nito.

Ang guwapo mo talaga, bulong niya sa isip.

Tumingin siya sa paligid para tingnan kung nandito ba sa loob sina Tatang Kanor at Daisy pero hindi niya nakita ang dalawa. Nasa'n na naman kaya ang kaibigan niya at iniwan pa talaga itong pasiyente nila.

Muli niyang tiningnan ang lalaki. Ngunit may nag-uudyok talaga sa kaniyang hawakan na naman ang labi nito. Dahan-dahan na gumalaw ang kamay niya upang pagbigyan ang sarili niya. Hinaplos niya ang pisngi ng binata, medyo magaling na ang mga sugat nito sa mukha at kahit may mga sugat ito, hindi man lang nakabawas sa kaguwapohan ng binata.

Ang suwerte siguro ng girlfriend mo, bulong niya sa sarili pero agad naman siyang umiling.

Taga saan ka kaya, 'no? Bakit ka kaya napadpad dito sa isla namin? Ano kayang nangyari sa'yo sa dagat at bakit ang dami mong sugat?

Marami siyang tanong na gustong itanong dito. Pero kahit pa siguro magising man ang binata, wala naman siyang lakas ng loob na tanungin ito.

May asawa ka na kaya? Or girlfriend? Pero sabagay, sa guwapo mong 'yan, imposible namang wala.

Ang ilong naman nito ang kaniyang sinunod na hinaplos. Sobrang tangos talaga ng ilong ng binata, parang kalahi nito ang mga bida ng Korean drama na pinapanood niya noon. Sobrang addict na addict pa naman siya sa Korean drama dati.

Kung mag-aasawa man siya, gusto niya kasing tangos ng ilong nito ang ilong ng mapapangasawa niya. Para naman malahian ng matangos na ilong ang magiging anak niya.

Napatawa na lang siya sa naiisip niya. Kung ano-ano na lang talaga ang pumapasok sa utak niya.

Pumikit siya at muling hinaplos ang labi ng binata. Sobrang lambot ng labi nito. Siguro ang sarap nitong humalik.

Ano kayang lasa ng labi niya?

"Ano kaya kung halikan ko siya?" mahina niyang bulong sa sarili at nagdilat. "Hindi naman niya siguro mapapansin kung halikan ko siya diba? Wala pa naman siyang malay, eh."

Muli niyang tiningnan ang paligid. Baka may nakatingin na pala sa kaniya at nakita kung anong ginagawa niya sa lalaking walang malay.

"Dios mio marimar, Angel. Hindi ito gawain ng babaeng nasa matinong pag-iisip pa," pangaral niya sa sarili at akmang tatayo na sana pero pinipigilan talaga siya ng kaliwang bahagi ng utak niya.

Minsan na nga lang mangyari 'to, palalampasin mo pa ba? Baka bukas magising na 'yan, hindi mo na mahahalikan.

"Pero pakialam ko ba?" sagot ng matino niyang utak. "Pero, I guess tama ka. Minsan lang naman 'to at baka hindi na maulit. Dapat 'yong first kiss ko, poging lalaki ang makakuha—" Agad siyang natigilan. Nahahawa na yata siya sa kabaliwan ni Daisy.

Hindi na siya nagpatigil. Dahan-dahan siyang lumapit sa lalaki at pumikit para halikan ito. Walang kaartehang nilapit niya ang labi sa labi ng binata at nang magtagpo ang mga labi nila ay saka siya nagdilat.

Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig nang magtagpo ang mga paningin nila ng binata. Titig na titig sa kaniya ang maiitim nitong mga mata at wala siyang mabasang kahit ano doon.

"Sino ka?" halos pabulong na tanong nito sa kaniya.

"Angel," pautal-utal niyang sagot at nagmamadaling tumayo. "Teka, tatawagin ko lang si Tatang. Sasabihin ko sa kaniyang nagising ka na."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro