Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 4

Sumunod si Angel sa mga tao na pumunta sa bahay ni Tatang Kanor. Gusto rin ng mga taga-isla na makiusyoso tungkol sa lalaking nadayo sa isla nila. Mula nang mapunta siya sa islang 'to ay ngayon lang nangyari na may nadagsa sa kanilang isla sa ganoong paraan.

May nadadayo naman sa isla nila minsan-minsan pero sa ibang paraan naman. May iba na sapilitang pinapasok ang isla nila at may iba pa na may mga dalang baril na para bang may hinahanap sa isla nila.

Siguro mga taong naghahanap ng treasure. Hindi naman siguro maikakaila na may mga treasure dito sa isla nila kaya siguro napagdidiskitahan ng mga taong gustong yumaman agad.

Patuloy lang siya sa paglalakad at hindi na nakipagsabayan pa sa mga tao. Pinili na lang niyang magpahuli kaysa sa makipagsiksikan. Sapat na sigurong natingnan niya sa malapitan ang lalaki at nahawakan pa niya ang balat.

Wala sa sariling napangiti siya. Sino kaya ang lalaking 'yon? Bakit kaya marami siyang pasa?

"Siguro nga," bulong ng nasa gilid niya habang nakikipag-usap sa kasama nito. Bulong na dinig na dinig naman niya. "Baka nasira ang bangka no'n kaya nadala ng alon papunta rito sa atin."

"Kawawang bata—"

"Hindi na 'yon bata, Inay," singit naman ng dalagita sa kaniyang Nanay. "Binata na 'yon. Ang guwapo-guwapo nga no'n—"

Pero hindi natapos ng dalagita ang sasabihin nito dapat nang bigla na lang itong hinampas ng Nanay nito sa braso. Mabilis itong napalabi at nagreklamo.

"Hoy! Ikaw bata ka! Tigil-tigilan mo iyang kalandian mo!"

Marami pa siyang narinig na usap-usapan tungkol sa lalaki habang naglalakad siya. Kung ano-anong theory ang narinig niya at may iba-ibang dahilan ang bawat tao sa isla. Pero kung siya ang tatanungin, baka nga nasira ang sasakyan nito habang nasa gitna ng laot.

Ano naman kaya ang ginagawa niya sa laot? Tanong niya sa sarili. Kung pagbabasehan kasi ang balat nito, halatang anak mayaman. Kay puti-puti ng balat ng binata at ang lambot pa. Imposible naman kung nangingisda ito sa laot.

Napailing na lang siya. Pakialam ba niya kung anong ginagawa ng binata sa laot? Kahit pa nag-tumbling ito sa gitna ng dagat ay wala siyang pakialam. Hindi na niya problema iyon.

"Hoy!" Natigil ang pag-iisip niya nang biglang lumitaw si Daisy sa gilid niya. "Kanina pa kita hinahanap, bigla ka na lang nawala—"

"Ikaw ang biglang nawala! Iniwan mo na lang ako, basta ka na lang tumakbo. Galing, 'no? Parang wala kang kasama kanina, eh."

"Sus! Arte mo pa, balita ko ikaw daw ang naglakas-loob na humawak do'n sa lalaki." Tinutukso pa siya nito at tinutusok-tusok ang tagiliran niya. "Ano? Pogi ba?"

Inikot niya ang mga mata. "Tumigil ka nga! Kalandian mo talaga, Daisy. Naghihingalo na nga 'yong tao, kung ano-ano pa ang pumapasok sa kukute mo."

"Tinatanong lang kaya kita. Bakit ba ganiyan ka?" Bigla na lang itong tumawa at muli na namang tinusok ang tagiliran niya. "Sabihin mo na kasi ang totoo. Pogi ba siya?"

Hindi na niya sinagot ang kaibigan. Binilisan na lang niya ang mga hakbang niya para makarating siya agad sa bahay ng kaibigan niya.

****

Nang makarating si Angel sa bahay ng kaibigan niyang si Daisy ay saka naman nagsialisan ang mga taong nakapalibot sa bahay. Natigilan siya at pinagmasdan ang mga tao. Ano kayang nangyari doon sa lalaki?

"Makaligtas kaya 'yon?" tanong ng isang ginang sa kasama nito. "Ang dami palang pasa no'n sa katawan, mukhang delikado yata ang kalagayan no'n, eh."

Tinitigan niya ang dalawang ginang na nagbibigay ng opinyon tungkol sa lalaki. Alam niyang may mga pasa ang binata sa mukha at braso pero mas marami pa pala ang pasa nito sa katawan.

"Kawawa naman. Pero sana makaya pa ni Kanor na gamutin ang batang 'yon," sagot naman ng isang ginang.

Wala siyang sinayang na oras. Mas binilisan niya ang lakad niya at sumilip sa bintana. Nakita niya si Tatang na nakatalikod sa binatang nakahiga sa papag na yari sa kawayan. Nakita niya ang mga pasa nito sa tiyan, ito pala ang tinutukoy ng dalawang ginang kanina.

Habang tinitigan ang binata ay humawak siya sa bintana na yari din sa kawayan.

Ano kaya talaga ang nangyari sa kaniya? Pero kung ano man ang totoong nangyari sa kaniya sa laot, dapat na maagapan agad.

"Bakit nasa labas ka lang?" tanong ni Daisy sa kaniya nang makalapit ito. "Ayaw mo bang pumasok? Sayang, oh. May abs si Kuya—"

"Baliw!" Mabilis niyang pinutol ang litanya ni Daisy. Baka kung ano na naman ang masabi nito at marinig sila ni Tatang. Palagi na lang talaga siyang nadadamay sa kabaliwan ng kaibigan.

"Pumasok na kasi tayo. Kulang lang ang pasilip-silip, eh." Bigla na lang siya nitong hinila papasok sa bahay nito.

Natigilan si Tatang Kanor sa ginagawa at napangiti nang makita sila. Binitawan nito ang maliit na kahoy na ginamit nito at ngumiti sa kanila.

"Akala ko kung sino na namang nakikiusyoso eh," wika ni Tatang Kanor at tumawa pa. "Mabuti naman at narito na kayong dalawa. Kayo muna ang maiwan dito at ako'y pupunta muna sa gubat, maghahanap ako ng mga gamot para sa sugat ng binatang 'to." Tumingin ito sa binata saka tinuro ang nasa tabi na labakara at maliit na palanggana. "Linisin niyo muna siya pati ang mga sugat niya."

Wala sa sariling napatango siya at pinagmasdan na lang ang matanda na kinuha ang tungkod at lumabas na ng bahay.

"Tatang, si Angel na raw po ang maglilinis sa lalaki sabi niya," sigaw ni Daisy kaya mabilis niyang tinakpan ang bibig ng kaibigan.

"Nababaliw ka na ba talaga?" Nanlilisik ang mga mata niya habang nakatakip pa rin ang palad niya sa bibig ng kaibigan. Tiningnan niya agad ang paligid kung nasa malapit pa ba si Tatang Kanor pero mabuti na lang at nasa malayo na pala ang matanda.

Agad namang bumalot sa buong bahay ang tawa ng kaibigan niya. Tuwang-tuwa pa talaga ito sa ginawa samantalang siya ay hindi. Ewan ba kung kaibigan ba niya talaga ang babae na 'to.

"Gulat ka do'n, 'no? Ito naman oh, magkaibigan kaya tayo kaya sa hirap at ginhawa, magkasama tayong dalawa."

Napairap na lang siya at kinuha na ang labakara. Mukhang ang hirap kasing paniwalaan ang sinabi ng kaibigan niya.

Nanginginig pa ang kamay niya habang hawak ang labakara at nililinis ang mukha ng binata. Mas lalo itong pumogi sa paningin niya. Kitang-kita niya ang mahahabang pilik-mata nito na hindi niya napansin kanina at ang matangos nitong ilong. Mukhang tama yata ang hinala niya na mayaman ang lalaking 'to. Ang kinis talaga ng balat.

Hindi niya rin pinalampas ang labi ng binata na hindi halatang galing sa laot. Pula pa rin ang labi nito na parang wala talagang bisyo. Nagdalawang-isip na tuloy siya kung taga lungsod ba ito o hindi.

"Ang pogi niya, 'no?"

Pilit niyang pinakalma ang sarili. Sana hindi nahalata ni Daisy ang ginawa niyang pagtitig sa binata habang nililinis niya ang mukha ng binata. Bakit ba kasi nakalimutan niyang kasama niya pala ang kaibigan niya na halos lahat ng kilos niya ay binabantayan talaga nito. Kaya wala talaga siyang kawala kapag may ginagawa siyang kabaliwan.

Hindi niya ito sinagot, sa halip ay nagpatuloy na lang siya sa ginagawa niya.

"Angel," tawag na naman nito sa kaniya.

"Ano?"

Patuloy pa rin siya sa pagpahid ng labakara. Sinunod niyang pinunasan ay ang leeg ng binata.

"Ano kayang pangalan niya, 'no?"

"Malalaman natin ang pangalan niya kung tutulungan natin siya. Pero kung tutunganga ka lang, baka maputulan pa ng hininga 'to."

Pero tanging pagtawa lang ang nakuha niyang sagot sa kaibigan. Kaya wala siyang nagawa kun'di ang paikutin ang mga mata at pinagpatuloy na lang ang ginagawa niya.

"Tingin mo kaya taga saan siya?" tanong na naman ni Daisy nang kinuha na nito ang isang maliit na palanggana. "Mukhang mayaman, 'no? Parang prince na lumabas galing sa libro."

"Ayan ka na naman sa mga fairytales mo, Daisy. Mabuti pa bilisan na natin 'to nang makauwi na 'ko—"

"Dios ko!" sigaw nito na nakapagpatigil sa kaniya. "Hindi kaya siya ang prince ni Teacher Sara? Baka hinahanap niya si Teacher—"

"Nababaliw ka na talaga," aniya at hindi napigilang matawa. Talagang nakuha pa nitong itagpi ang nagawa nitong kuwento kanina sa nangyayari ngayon. Kung siguro lang uso na sa lugar na 'to ang mga writing platform, baka nagsulat na ng story ang kaibigan niya.

"Alam mo, mabuti pa. Tapusin na natin 'to. Baka dumating na ang Lolo mo tapos hindi pa natin natapos itong pinapagawa niya, lagot tayo 'don," aniya at hindi na pinatulan ang kabaliwan ng kaibigan niya.

Tumigil na rin ito sa pagtawa at pinunasan na ang bandang tiyan ng binata kaya pinagpatuloy na rin niyang punasan ang braso nito. Pero hindi rin nagtagal ay may ginawa na naman itong kabaliwan. Kinalabit siya nito at tinuro ang abs ng lalaki.

"Totoo kayang puwedeng kainin ang abs?" inosente nitong tanong sa kaniya.

"Kainin? Saan mo naman narinig 'yan?"

"Nabasa ko lang sa librong ibinigay mo kanina. Ang sabi pa nga do'n, pwede raw dilaan 'to. Subukan kaya natin."

Dios ko, Lord. Patawarin niyo po si Daisy.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro