Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 3

"Talaga? Sinabi niya 'yon sa'yo?"

Napatango na lang si Angel sa tanong ni Daisy sa kaniya. Kahit siya, hindi niya kayang maniwala na sinabi ni Teacher Sara iyon sa kaniya. Ilang beses na rin naman niyang tinanong sa sarili niya kung gusto niya bang umalis sa isla.

Natural, oo. Gustong-gusto niya. Gustong-gusto niyang bumalik sa lugar na nakagisnan niya. Sa lugar kung saan siya masaya, sa lugar na walang halong takot at pangamba. Sa lugar na malaya siya.

"Eh, bakit niya raw ba gusto na ikaw ang magturo sa mga bata?" muling tanong sa kaniya ni Daisy nang makaupo sila sa malaking bato na nakaharap sa dagat. "Matalino ka naman, Gel. Saksi naman ako sa bagay na 'yon, eh, gaya nga ng sinabi mo nakapag-aral ka naman. Pero hindi ba nakakapagtaka na bigla-bigla na lang na gusto niyang ikaw ang pumalit sa kaniya?"

'Yon din ang iniisip niya kanina habang kausap niya si Teacher Sara. Na baka may kinatatakutan ito sa isla nila or baka may sarili itong problema. Wala naman siyang naiisip na dahilan para matakot ito sa lugar nila. Ang tahimik nga ng lugar nila.

Nagkibit-balikat na lang siya at sa dagat na lang itinuon ang atensiyon. Kung may problema man ang guro na 'yon, sana makaya nitong harapin kung ano man iyon.

"Hindi kaya—"

Agad siyang tumingin kay Daisy na kasalukuyang nasa baba ang mga daliri at kunwaring nag-iisip. Ano na naman kayang iniisip ng babae 'to? Over pa naman itong mag-imagine ng kung ano-ano.

"Ano na naman 'yang naiisip mo?"

"Hindi kaya nawawalang prinsesa si Teacher Sara tapos nahanap na siya ng mga magulang niya kaya pinapatigil na siyang magturo dito sa atin?" Nanlaki pa ang mga matang sabi nito sa kaniya at ngumiti pa pagkatapos na para bang may nasabi talagang matino. "Tingin mo, Gel?"

Bakit ba siya nakikipag-usap sa babaing 'to? Nasapo na lang niya ang sariling noo at napailing. Kahit kailan talaga, puro imahinasiyon na lang ang umiiral sa kaibigan niya. Sana pala hindi na lang niya pinakita ang mga librong dala niya kay Daisy, sana nasa matinong pag-iisip pa ang kaibigan niya.

"Alam mo," aniya at huminga pa nang malalim, "mas mabuti sigurong itigil mo na ang pagbabasa ng mga stories. Kung ano-ano na lang ang naiisip mo eh."

Malakas na tumawa ang kaibigan niya at kinuha na sa bag ang nilagyan nito ng kamote at binigyan siya.

"Ito naman, masiyado ka kasing seryoso. Pero hindi naman imposible ang sinabi ko, eh. Sa ganda ni Teacher Sara, hindi malayong maging prinsesa 'yon. Ang puti-puti kaya ng balat niya. Parang balat ni Rapunzel diba? Sana kumain na lang din ako ng mansanas, baka makita ko na ang prince ko—"

"Baliw, hindi si Rapunzel ang kumain ng mansanas. Si Snow White 'yon."

Agad namang tumawa si Daisy. "Nakalimutan ko lang naman. Si Rapunzel pala 'yong natulog lang may prince na."

Dios ko po, aniya sa isip at kinain na lang ang kamote na binigay ng kaibigan niya.

Mula nang dumating siya sa isla, si Daisy ang naging kaibigan niya. Panay ngiti lang ito at parang walang problema. Ito ang nakatulong sa kaniyang tanggapin ang lahat. Tanggapin na nasa isla na talaga siya.

"Angel," tawag sa kaniya ni Daisy nang hindi niya ito sinabayan sa kabaliwan nito. "Okay ka lang? Kanina pa kita tinatanong eh, hindi mo ako sinasagot."

Napakamot na lang siya. "Ano nga ulit 'yon?"

"Wala." Nag-pout pa ito na ikinatawa niya. "Ganiyan ka naman talaga lagi, eh. 'Di ka nakikinig sa 'kin."

Ginulo na lang niya ang buhok ng kaibigan at tumingin ulit sa dagat na may kalmadong alon. Ito ang gusto niya sa isla, ang dagat. Ito rin ang ipinagkait sa kaniya sa city, malayo kasi sila sa dagat at halos sa isang taon, isang beses lang siya nakakakita ng dagat. Pero dito sa isla, kapitbahay lang niya.

Kapag stress siya at hindi na niya alam kung anong dapat gawin, sa dalampasigan siya tumatambay. Ibinubulong niya sa alon ang lahat at para namang nakikinig sa kaniya ang alon at sinasabayan siya sa pag-iyak.

"Ikaw, Daisy, wala ka bang planong umalis dito?" tanong niya sa kaibigan na patuloy pa rin sa pagkain.

"Anong ibig mong sabihin? Umalis?"

"Ibig kong sabihin, ang umalis sa isla at pumunta sa lungsod. Ang magpakalayo-layo." Tumingin siya sa kaibigan na parang wala namang planong seryosohin ang tanong niya.

"Alam mo," anito pero patuloy pa rin sa pagnguya. "Kung kaya ko lang, bakit hindi?" At muli na naman itong kumagat sa hawak na kamote. "Pero ayokong iwanan si Lolo. Akala mo ba hindi ko gustong maranasan ang mga nababasa ko sa libro? Gusto ko rin kayang makita ang mga nakita mo sa lungsod dati. Kaya lang, hindi lang talaga puwede, eh. Hindi kayang iwanan ni Lolo ang isla, nandito raw kasi ang mga alaala nila ni Lola."

Nagpakawala siya ng malalim na hininga. Sabagay, kahit siya naman siguro ang nasa kalagayan ni Daisy, hindi niya rin kayang iwanan ang Lolo niya para lang sa sarili niyang kagustuhan.

"Ano nga palang meron sa lungsod na wala rito sa isla, Gel? Hindi ko alam kung natanong ko na ba 'to sa'yo o hindi, eh."

Ngumiti siya nang biglang dumaloy sa isip niya ang mga bagay na meron doon sa lugar kung saan siya lumaki. Maraming wala rito sa isla na meron ang lungsod. Malayong-malayo talaga ang isla nila kung ikukumpara sa lugar na kinalakihan niya. Noong bagong dating pa nga lang sila rito, hirap na hirap siyang mag-adjust. Hindi niya alam kung paano mabuhay sa isang lugar na walang kuryente.

Hindi niya alam kung paano mabuhay sa isang lugar na walang internet, walang cellphone, walang computer, walang kung ano-anong gadgets na nakasanayan na niya. Kung hindi pa siya nagdala ng libro no'n, hindi niya alam kung kakayanin ba niya.

"Marami," sagot niya kay Daisy. "Pero isa lang ang masasabi ko. May sibilisasyon doon, dito wala."

"Sibilisasyon?"

Tumango siya. "Kapag nakatira ka sa lungsod, hindi mo na iisipin pang bumalik dito."

"Gano'n ba talaga kaganda ang city? Gusto ko na tuloy pumunta do'n—"

Agad niyang hinarap si Daisy at hinawakan ang kamay nito. "Kapag nakaipon tayo ng limpak-limpak na pera, pumunta tayo sa lungsod ha? Aalis tayo rito—"

Pero bigla siyang hinampas ng kaibigan at tinawanan lang siya. "Baliw, kailan naman tayo magkakaroon ng limpak-limpak na pera, aber? Kahit pa siguro kumayod tayo nang kumayod, hindi tayo magkakaroon ng gano'ng pera. Utang mo nga kay Manang Cora hindi mo pa nababayaran, eh." Mas lalo pang lumakas ang tawa nito na ikinainis niya. Ipaalala ba naman ang utang niya.

"Masama bang mangarap?"

"Hindi naman, pero dapat 'wag naman 'yong pangarap na to the highest level at baka 'di talaga natin maabot 'yan. Kahit pa siguro pumuti na ang lahat ng buhok natin sa katawan, hindi pa mangyayari 'yon eh."

Muli na naman itong tumawa pero hindi siya nakisabay. Napaikot na lang niya ang mga mata at napaismid. Kahit anong mangyari, aalis talaga siya sa lugar na 'to. Hindi siya papayag na hanggang dito na lang talaga siya. Gusto niyang bumalik sa lugar na may kuryente at mas lalong gusto niyang makatapos ng pag-aaral.

Pero biglang natigil ang pag-iisip niya sa mga pangarap niya nang biglang nagkagulo sa hindi kalayuan ng tinatambayan nila. Nagsilapitan ang mga tao doon sa lugar kung saan nakapila ang mga bangkang-de-motor na pag-aari ng medyo may kaya sa kanilang lugar. May bangkang-de-motor din naman sila noon, pero nang mawala ang mga magulang niya ay wala silang nagawa kun'di ibenta iyon sa Kapitan nila. Ayaw niya talagang pumayag no'n pero ayaw din naman niyang mamatay sa gutom ang mga kapatid niya.

"Anong nangyayari?" takang tanong sa kaniya ni Daisy na para bang may alam siya sa nangyayari. "Bakit nagkakagulo sila?"

Hindi siya nag-abalang sumagot. Tumayo siya at pinagpagan ang binti.

"Tara, tingnan natin," aya niya sa kaibigan na parang ayaw pang tumayo para maki-chismis.

"May patay!" sigaw ng isang babae na tumatakbo papunta sa kabahayan. "May patay! Tulong mga kapitbahay! May patay!"

"Patay?" sabay nilang wika.

Mabilis na tumayo ang kaibigan niya at nauna nang tumakbo. Siya itong nag-ayang tumingin sila roon pero siya pa itong naiwan. Tumakbo na lang din siya at naiwan ang bag na dala ng kaibigan niya kanina. Mas importante yatang maki-chismis kaysa sa mga pagkain na dinala ni Daisy.

Nang makarating siya ay agad siyang nakiusyoso. Nakisiksik siya sa maraming tao para makita kung may patay ba talaga. Nang nasa gitna na siya ay doon niya nakita ang isang lalaki na punit-punit na ang suot na t-shirt at may pasa pa sa mukha at braso.

"Buhay pa ba 'yan?" tanong ng katabi niya.

Mabilis siyang lumapit sa lalaki at pinulsuhan ito sa may bandang lalamunan.

"Buhay pa siya," aniya. "Tawagin niyo si Tatang Kanor para magamot siya agad." Tukoy niya sa Lolo ni Daisy, ang albularyo nila sa isla.

Dumako ang paningin niya sa mukha ng lalaki. Kahit may pasa, halata pa rin ang kaguwapohan nito.

Sino kaya ang lalaking 'yon?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro