Chapter 1
Kanina pa wala sa sarili si Angel habang kaharap ang mga gamit na dadalhin ng kaniyang Kuya. Hindi niya alam kung anong dapat niyang unahin. Kung magsasaing ba siya o aayusin ang mga gamit ng kaniyang Kuya. Pero ang pag-aayos ang nagwagi dahil wala naman silang bigas para masunod ang una niyang plano.
Idiniin niya ang mga labi habang pinipilit ang sariling hindi umiyak. Ganito na lang palagi ang nararamdaman niya kapag hindi na niya alam kung saan siya kukuha ng pera para may maipakain sa mga kapatid niya. Bakit ba kasi naging ganito? Bakit ba kasi ang hirap? Bakit ba kasi ganito ang pamilyang mayroon siya? Bakit ang unfair naman yata ng mundo?
"Ate?"
Natigilan siya sa pag-e-emote nang marinig niya ang boses ng kambal. Mabilis niyang pinahiran ang luhang hindi niya namalayang tumulo na pala. Agad niyang inilagay sa bag ang huling dalawang t-shirt na dadalhin ng kaniyang Kuya bago niya nilingon ang kambal.
"Ate, si Manang Cora nanghihingi na sa bayad—"
"Bayad saan?" Hindi na niya pinatapos ang sasabihin ng kapatid niyang si Mika, ang pinakabunso nila. Ito rin ang pinakamadaldal kumpara sa kakambal nitong si Michelle na kung hindi mo kakausapin, hindi ka rin papansinin. Para bang may sarili itong mundo.
Nakita pa niyang lumunok pa si Mika bago siya sinagot. "Bayad daw po sa sardinas na inutang natin noong nakaraan."
Isa pa 'yan sa pinoproblema nila, baon sila sa utang na hindi niya alam kung paano nila mababayaran. Wala naman siyang trabaho at wala rin siyang natapos—
Kahit pa siguro may natapos siya, wala naman siyang makukuhang trabaho kung nakakulong sila sa islang 'to.
"Uy, Angel, tapos mo na bang ayusin ang mga gamit ko?" Boses iyon ng panganay nila na tapos nang magbihis at handa na para umalis. "Aba'y gabi na, baka dumating na rito sila Mang Kardeng."
"Kuya Gelo! Kuya Gelo! 'Wag mong kalimutan na hanapan kami ng sirena ha?" Hirit pa ng kambal at niyakap ang Kuya nila. "Sabi kasi ni Teacher Sara magaganda raw ang sirena eh."
"Nako! Naniwala naman kayo sa teacher niyo. Hindi totoo na may kalahating tao at kalahating isda. Halos nalibot ko na ang bukng karagatan, wala akong nakitang ganiyan. 'Yang teacher niyo talaga kung ano-ano na lang ang itinuturo sa inyo eh," anito sa kambal at tiningnan siya. "Ayos na ba ang mga gamit ko?"
Tumango siya at ibinigay na ang malaking bag. "Sobrang dami naman ng dadalhin mo, Kuya. Kailan ba kayo babalik?"
Siya palagi ang naghahanda sa mga gamit ng Kuya niya kapag sasama ito sa mga kalalakihan ng isla nila na mangisda. At ngayon lang siya naghanda ng napakaraming damit para sa Kuya niya, ayon na rin sa utos nito sa kaniya.
"Baka sa susunod na buwan pa. Medyo malayo ang byahe namin, Gel." Inilagay na nito sa balikat ang bag nang marinig nila ang boses ni Mang Kardeng na tinatawag na ang Kuya niya. "Oh, siya. Narito na si Manong, maiwan ko muna kayo. Ikaw na muna ang bahala rito at sa kambal. Mag-ingat kayo at alam mo na rin kung saan nakatago iyong lalagyan ko ng barya, kapag may bibilhin ka, makisabay ka na lang sa mga kapitbahay natin na pupunta sa bayan."
Tanging pagtango na lang ang nasagot niya sa kaniyang Kuya.
Ganito palagi ang eksena nila kapag aalis ang Kuya niya at sila na lang ang maiiwan sa munti nilang bahay. Mula nang mawala ang mga magulang nila ay sila na ng Kuya niya ang tumayong ina at ama ng kapatid nilang kambal. Wala naman silang choice kun'di ang ipagpatuloy ang buhay kahit hindi nila alam kung buhay pa ba o patay na ang mga magulang nila.
Wala silang nakalap na impormasyon tungkol sa pagkawala ng Mama at Papa niya. Pero mula nang magpaalam ang dalawa na may bibilhin lang daw sa bayan ay hindi na nakabalik ang mga magulang niya. Ang tanging bulong-bulungan na lang na baka raw na disgrasya ang mga ito sa laot.
At mula no'n, nabaon na sila sa utang. At hanggang ngayon, hindi niya alam kung kailan matatapos ang mga problema niya.
"Ate?"
Naputol ang pagmuni-muni niya nang tawagin siya ni Mika. Nakaupo na ang dalawa sa mesa at handa na yatang maghapunan. Inilawan pa ni Mika ang gasera na halos wala ng lamang gas.
"Anong ulam natin ngayon, ate?"
Ulam? Tanong niya sa sarili. Ni kanin nga ay wala sila, ulam pa kaya?
Kinagat na lang niya ang pang-ibabang labi at lumapit sa kambal. Hanggang kailan ba sila ganito? Kung hindi kaya nawala ang mga magulang niya, ano kayang estado ng buhay nila ngayon?
"Pupunta muna ako kina Manang Cora ha? Naubusan kasi tayo ng gas, baka mawalan tayo ng ilaw mamaya," pagsisinungaling niya. Maghahanap na lang siya ng paraan para may maipakain siya sa mga kapatid niya.
"Ate? Naniningil na po si Manang Cora, ang haba na raw kasi ng listahan ng utang natin sa tindahan niya."
*****
Habang naglalakad sa madilim at maliit nilang kalsada at sinisipa ni Angel ang bawat bato na natatapakan niya. Ito ang pinakaayaw niya kapag wala ang Kuya niya, hindi niya alam kung saan siya uutang.
Uutang tapos hindi niya rin alam kung paano niya babayaran.
Hay, buhay! Naibulong niya kasabay ng pagtingala niya sa kalangitan. Sumalubong naman sa kaniya ang maitim na langit na may kasamang mga nagkikislapang bituin.
'Ma, 'Pa. Kung totoo mang wala na talaga kayo, nandiyan na ba kayo sa langit? Tulungan niyo naman kami, oh. Sa totoo lang po, hindi ko na kaya. Hindi ko na alam kung anong dapat kong gawin. Four years na rin mula nang mawala kayo pero hindi pa rin kami nakakabangon. Parang habang tumatagal, nababaon kami sa lupa. Ang hirap tumayo na wala na kayo.
Apat na taon na mula nang mawala ang mga magulang niya pero parang kahapon lang nangyari ang lahat. Parang kahapon lang na pabalik-balik sa dalampasigan ang kambal para hintayin ang pagbabalik ng mga magulang nila. Iyon din ang dahilan kung bakit parang ayaw makipag-usap ng kapatid niyang si Michelle. Sobrang malapit kasi ito sa mga magulang niya at halatang hindi pa nito tanggap ang pagkawala ng Mama at Papa nila.
Kahit siya, hindi niya kayang tanggapin. Matagal na rin ang apat na taon pero nahihirapan pa rin siya. Hindi pa niya kayang tanggapin na wala na talaga ang mga magulang niya. Gusto lang niyang isipin na panaginip lang ang lahat at kapag nagising na siya, makikita niyang nakangiti ang Mama at Papa niya.
Nagpatuloy siya sa paglalakad nang may biglang tumabi at sumabay sa kaniya. Amoy pa lang nitong nanununtok sa ilong, alam na niya kung sino. Kahit pa siguro bulag siya at tanging pang-amoy lang ang mayroon siya, makikilala pa rin niya ito. Ang lalaking umaasang makukuha nito ang kaniyang "oo".
"Bucho, ikaw pala." Gusto na niya talagang takpan ang ilong niya pero natatakot siya na baka ma-offend ito sa kaniya. "Hindi mo pa pala ginagamit ang pabangong binigay ko sa'yo?" tanong niya.
Naalala niya tuloy ang pabango na binigay niya rito. Inutang pa niya talaga iyon sa kaibigan niya. Hindi niya kasi talaga kaya ang pabango na ginagamit nito tapos palagi pa itong buntot nang buntot sa kaniya.
"Nasasayangan kasi akong gamitin 'yon, Angel. Bigay mo 'yon eh." Inamoy pa nito ang damit. "At isa pa, okay naman itong pabango ko."
Akala mo okay, pero hindi talaga okay. Duh!
"Pero 'wag kang mag-alala, kapag kasama kita, 'yon ang gagamitin ko. Sadyang hindi ko lang inaasahan na makikita kita ngayong gabi." Tumigil ito sa paglalakad at hinawakan ang kamay niya. "Ang ganda mo talaga, Angel. Isa ka talagang anghel. Hulog ka ng langit sa akin."
Hindi niya talaga alam kung bakit pa niya pinapansin 'to eh. Sa totoo lang, ayaw na ayaw niya pero ang utos ng mga magulang niya ay dapat kausapin niya ito. Na hanggang ngayon ay iyon ang ginagawa niya. Kasi kung hindi, lagot siya sa mga magulang ng binata.
Batas kasi sa isla nila ang lahat ng sasabihin ng pamilya nito.
"Ah, eh, Bucho—" Pagpipigil niya sa sarili habang dahan-dahan na hinihila ang mga kamay niyang hawak pa rin nito. "Hindi ka ba sasama sa laot? Akala ko kasi kasama ka."
Akala ko talaga. Akala ko makakapahinga ako sa kabaliwan mo.
"Kasama ako—"
"Hay, salamat!" Bulong niya sa sarili.
"May sinabi ka ba?" Tanong nito sa kaniya na parang narinig pa yata ang binulong niya.
"Ang sabi ko, mag-iingat ka." Sinamahan pa niya ng matamis na ngiti.
"Aba, siyempre. Magpapakasal pa tayo, eh."
In your dreams!
"Siyanga pala, nakaalis na ba ang Kuya mo?" tanong nito na tinanguan lang niya. "Sige, aalis na 'ko. Pupunta na 'ko sa pantalan."
"Ingat ka."
Mabilis itong tumakbo palayo sa kaniya pero agad din naman itong tumigil at muli siyang nilingon.
"May nakalimutan pala ako."
"Ano 'yon, Bucho?"
"Ang halikan ka," sabi nito at mabilis siyang ninakawan ng halik sa pisngi.
Lord, bakit naman gano'n? Bakit mo hinayaang halikan ako ng baliw na 'yon!
Isa na namang malaking bangungot ang naharap niya ngayong gabi.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro