VII.
Katahimikan ang pumagitna sa amin ni Shirley nang makasakay kami sa kulay abong kotse ni Mang Natoy.
Habang nagda-drive ay lumalarawan sa isip ko ang huling imahe ng lalaki.
Isinakripisyo niya ang sarili niyang buhay para makatakas kami. Hindi namin dapat sayangin iyon.
"Ilang tao pa kaya ang magsasakripisyo tulad ni Mang Natoy bago matapos ang lahat ng ito?" out of nowhere ay naitanong ni Shirley. Kita sa repleksiyon niya sa bintana ng kotse ang kalungkutan niya.
Umiling-iling ako. "I honestly don't know, Shirley."
Umayos siya ng upo, nilaro-laro ang car bling na nakasabit sa rearview mirror. "If by chance may kailangang magsakripisyo sa ating dalawa, siguro magvo-volunteer na lang ako."
Napasulyap ako sa kaniya.
Muli siyang nagpatuloy. "Your music saved my life. Sa mga panahong down na down ako at feeling ko wala akong karamay, makikinig lang ako ng mga kanta ninyo then mayamaya rin ay nagiging okay na ako."
Itinigil niya ang paglalaro ng car bling. Ikiniling na niya ang katawan paharap sa akin. "This time, I can sacrifice my own life just to save yours."
I smirked. "You're silly." I looked at her. "We can save each other's lives without losing one."
"Hmp. Eto naman, ikaw na nga ang ililigtas diyan." She crossed her arms. "Akala ko pa naman kikiligin ka."
"Ililigtas? I doubt it." I laughed a little. "Todo takbo ka nga kanina palayo sa zombie noong una kitang makita, eh." I covered my mouth with the back of my hand trying to suppress my laughter.
"Nakakainis. Ang KJ mo talaga, Mark." She pouted and turned her back against me.
Kinagat ko na lang ang pang-ibabang labi ko para hindi ako tuluyang matawa.
***
Matapos ang isa't kalahating oras ay nakarating na rin kami sa bungad ng bayan ng Aguilar, Pangasinan. Ito ang bayan nina Shirley.
"Saan dito ang bahay n'yo?" Nagpalinga-linga ako sa kanan at kaliwa para magmatyag sa paligid.
"Dire-diretso lang tapos 'pag nakalampas na tayo sa humps, may makikita tayong tindahan doon. Liliko tayo pakaliwa then kaunting diretso. 'Yung ikalimang bahay, amin 'yun."
Isang tango lang ang itinugon ko kasunod ng paglunok ng laway.
Nakakakaba ang panganib na dulot ng tahimik na paligid. Hindi mo alam kung may mga mata bang nakamasid sa iyo o kung mayroon bang nakaabang.
Narating na namin ang bahay nina Shirley. Ipinarke muna namin ang sasakyan sa tapat at pagkatapos noon ay maingat kaming bumaba sa kotse.
Kita ko ang labis na pagtataka sa mukha niya. Lumapit siya sa tarangkahan ng kanilang bahay.
"Bakit kaya bukas ang gate? Hindi naman ito iniiwan ni tatay. Minsan nga ay naka-double lock pa."
Umusbong ang kaba sa aking dibdib. Masama ang kutob ko.
Dahan-dahan naming nilapitan ang pinto ng dalawang palapag nilang bahay.
"Bakit andilim? Lagi namang binubuksan nina nanay ang ilaw sa kusina," saad ni Shirley sa pinakamahinang boses.
Lumangitngit ang pinto nang pihitin niya ang seradura. Kinapa-kapa niya ang switch ng ilaw at nang nagawa niya iyon ay kumalat ang liwanag sa buong sala ng bahay nila.
"Nanay? Tatay?" Buong ingat kaming lumakad sa sementado nilang sahig.
"Raaaaaawr!"
Isang bulto ang lumitaw mula sa likod ng refrigerator. Isang matandang lalaki iyon na naging zombie.
Hindi na nakahuma pa si Shirley dahil sa pagkabigla. Napahiga siya sa sahig nang dambahan siya ng lalaki.
Umalingawngaw ang pagtili niya sa buong bahay.
Wala na akong sinayang na sandali. Inihanda ko ang metal rod na hawak ko.
"Bitiwan mo siya!"
Napatingin si Shirley sa dako ko. Napintahan ng labis na takot ang kaniyang mukha. "M-Mark, huwag!"
Nagtatalo ang pagnanais kong saksakin ang zombie at ang pagbigyan ang pakiusap ni Shirley.
Lalo kong hinigpitan ang paghawak sa metal rod.
Mas lalong naging mabalasik ang zombie na sumusubok kagatin si Shirley. Ngayo'y natawid na nito ang distansiya patungo sa leeg ng dalaga para kagatin ang parteng iyon.
Naging maagap ang pagkilos ko. Bago pa makagat ng zombie si Shirley ay sinibat ko na ito sapul sa puso. Dinig ko pa ang pagpunit ng talim ng metal rod sa balat at laman ng zombie. Sinundan agad iyon ng pagdanak ng sariwang dugo.
"Hindi!" Umalingawngaw sa bahay ang panaghoy ni Shirley.
Nais ko sana siyang daluhan pero hindi ko na nagawa. Muli ay may isa pang zombie na sumugod sa amin. Isang matandang babaeng nakasuot ng pantulog.
"Grhaaaaaahhhhaargh!"
Hinugot ko ang metal rod mula sa una kong sinaksak. Walang pag-aalinlangang itinarak ko 'yun sa babaeng zombie na tangkang dadaluhong sa akin.
Isinentro ko 'yun sa kanang dibdib para sigurado ang kamatayan nito.
Nanlaki ang itim nitong mga mata na sinabayan ng pagbulwak ng maraming dugo mula sa bibig. Nagpakawala pa ito ng mahinang paghihingalo bago tuluyang mawalan ng paghinga.
Bumagsak ang zombie sa sahig habang nakahawak sa may bandang puso.
"H-Hindi. N-Nanay Ehrica... Tatay Daren Jan!"
Ang sigaw na iyon ni Shirley ay tumaginting sa aking mga tainga. Kung gayon—
Lumuwag ang pagkakahawak ko sa metal rod. Nagdulot ng pagkangilo ang tunog na nilikha no'n nang lumagapak iyon sa sahig.
Wala akong magawa kundi ang panoorin ang pananangis ni Shirley. Pagtangis na umaalingawngaw sa buong kabahayan.
Sa pagkakataong iyon ay naghahagilap ako ng tamang salita na sasabihin sa kaniya...
...lalo pa at ako ang dahilan ng pagkawala ng kaniyang mga magulang.
"S-Shirley..."
Natigil siya sa paghagulgol. Kita ko ang pagtaas at baba ng kaniyang dibdib.
Maingat niyang inihiga sa sahig ang bangkay ng kaniyang ina. Tumayo siya sa pagkakalugmok at hinarap ako.
"Pinatay mo sila! Pinatay mo ang mga magulang ko!"
Sunod-sunod na suntok sa dibdib ang natanggap ko mula sa kaniya.
"Sige, Shirley. Suntukin mo ako. Kung iyan ang makatutulong para kumalma ka, gawin mo."
Hindi ko ininda ang sakit na dulot ng pagsuntok niya. Wala pa 'yun kung ikukumpara sa sakit na nararamdaman niya ngayon.
"Napakasama mo! Inidolo pa naman kita pero ikaw pala ang papatay sa mga magulang ko! Napakahayop mo!"
Bahagyang kumirot ang puso ko dahil sa nakikita kong pagdadalamhati sa mga mata niya.
Kinuha niya ang metal rod na naibagsak ko kanina. Gamit ang mga kamay na nabahiran ng dugo ng kaniyang ina ay pilit niyang inaabot iyon sa akin.
"Mabuti pang patayin mo na rin ako, Mark!" Tuloy-tuloy pa rin ang pagbalong ng luha sa kaniyang mga mata. "Mas mabuti pang mamatay ako kaysa araw-araw mabuhay sa pagkamuhi sa iyo!"
Imbes na kuhanin ang metal rod ay ipinatong ko ang mga kamay ko sa magkabila niyang mga balikat. "I'm sorry, Shirley. Kailangan kong gawin 'yun para iligtas ka. Sana maintindihan m—"
"Sige nga. Sabihin mo sa akin kung paano ko maiintindihan na pinatay mo ang mga magulang ko? Ha?" Magkahalong paghingal at pag-iyak ang pinakakawalan ni Shirley.
"Zombie na sila. Hindi mo na sila mga magulang. Naiintindihan mo ba?" Tiningnan ko ang sarili kong repleksiyon sa mga mata niya. "May magulang bang gustong kainin ang sarili nilang dugo at laman? Meron ba, Shirley?"
Muli niya akong binigyan ng suntok sa dibdib. This time e mas mahihina na iyon kumpara kanina. "Wala kang alam. Wala kang alam." Muli siyang pumalahaw ng pag-iyak. Lalong nadagdagan ang pighati sa kaniyang mukha.
Sa puntong iyon ay hinawakan ko ang dalawa niyang palapulsuhan. Medyo hinigpitan ko iyon. Tinitigan ko siya nang matiim sa mga mata.
"Alam ko, Shirley. Alam ko!"
Napatigil siya sa pag-iyak dahil sa bahagyang pagtaas ng boses ko. Hindi ko na kasi mapigil ang tinitimpi kong emosyon.
Nagsisimula nang uminit ang gilid ng mga mata ko. Bumiwelo muna ako bago ako nagsalita.
"I've been there in your situation, Shirley. Na mas gugustuhin ko na lang sanang mamatay na lang din ako pero mas pinili kong mabuhay. 'Yung mga magulang mo, sa tingin mo ba kung buhay pa sila, gugustuhin nilang mamatay ka? Hindi 'di ba? Live for your parents. Survive for them."
Nagpakawala ako ng isang malalim na paghinga.
Bumitiw ako sa pagkakahawak kay Shirley. Paulit-ulit kong nilamukos ang mukha ko para pigilin ang nakaamba kong pagluha. Kung may salamin lang akong kaharap e siguro'y namumula na ang hitsura ko.
Muli ko siyang tiningnan. Nagpakawala muna ako ng buntong-hininga.
"Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin habang pinanonood sina Nicky, Kian, at Shane na unti-unting nagiging zombie? Masakit, Shirley. Parang dinudurog ang puso ko. 'Yong gusto mo silang iligtas pero hindi mo alam kung paano." Nabalot ng hinanakit ang puso ko.
"A-Ano?"
Tumungo ako sa may bintana. Tinanaw ko ang labas na noo'y nababalot ng karimlan.
Hinugot ko ang lahat ng lakas ng loob ko para isalaysay ang nangyari sa Araneta kanina.
----
[Updated: 04/18/2021]
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro