Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

PROLOGUE

"Eh, 'Ma? Kaya ko namang pagsabayin ang pag-aaral at pagtra-trabaho. Maluwag naman ang schedule ko this semester. 'Yung sahod ko, puwedeng iyon na lang ang pambayad ko sa mga expenses ko rito. Hindi ko na kailangang umalis dito sa dorm."

Tumigil ako sa paglalakad nang makarating ako sa bus stop. Itinabi ko sa right side ang malaking maleta na dahilan nang pagkakangalay ng kanang kamay ko. Dahan-dahan ko itong inunat upang mawala ang sakit at pangangalay. Kanina ko pa ito akay-akay. Ang kaliwang kamay ko naman ang nakahawak sa phone ko na nakatutok ngayon sa aking tainga.

Medyo nahihirapan ako dahil bitbit ko rin ang travelling bag ko na sakto lang ang laki para sa mga pants at ilang blouses ko na hindi kumasya sa maleta na dala ko.

Kung bakit naman kasi hindi available si Jervy? 

Napabuntong hininga ako. 

Well, ano pa bang ikagugulat ko roon? Wala namang bago. Kailan ba niya ako maisisingit sa oras niya kapag basketball o gala ng barkada na ang usapan?

Wala pa akong natatanaw na bus kaya patuloy pa rin ako sa pakikipag-usap kay Mama. Nagbabakasaling baka puwede pang magbago ang desisyon nila. Willing naman akong bumalik sa dorm na dala-dala ang malaking maleta na ito.

"Asheng, napag-usapan na namin ito ng Papa mo. Hindi mo na mababago pa ang desisyon namin. Sa condo ka na ng kumare ko titira," madiing sambit ni Mama.

Napabusangot naman ako. "Grabe, 'Ma, ha? Ang paladesisyon niyo naman ni Papa! Like hello? Ako kaya itong palilipatin niyo at patitirahin roon."

"Huwag ka nang makulit. Tawagan mo na lang ako kapag nasa condo ka na ng Tita Jasmine mo." Hudyat na iyon ni Mama na alam na niyang kukulitin ko na siya kaya ang sunod nito, tatapusin na niya ang usapan namin. "Sige na, sige na. May mga gagawin pa ako."

'Di ba?

"Saglit lang, 'Ma!" Halos sumigaw na ako para lang pigilan si Mama sa pagpatay ng tawag pero hindi rin lang umepekto. Kung tatanungin ako kung kanino ako nagmana ng attitude, sa Nanay ko lang naman. Binabaan na ako ng telepono. Alam ko namang narinig niya iyon ngunit sinadya pa rin niya akong babaan para hindi na makapangulit sa kanila.

May sampung minuto na rin akong naghihintay ng bus. Parami na rin nang parami ang mga taong nagsisidatingan dahil malapit nang mag-lunch break. Halos karamihan ay mga estudiyante na mula sa iba't-ibang University. Malamang ay half day lang ang schedule nila kaya nagsisiuwian na sila ngayon. Ito iyong mga tipo ng mga estudyante na huwaran, mas pinipiling umuwi agad kaysa gumala. Hays, nakikita ko ang sarili ko sa kanila.

Nagsitayuan na ang mga katabi ko, indikasyon na may bus nang paparating. Hinila ko na ang maleta ko para pumila. Maraming tao ang sasakay kaya ito na naman ako, makikipagsiksikan para lang may maupuan.

Ilang saglit lang ay huminto na ang bus sa tapat namin. Hinintay lang namin na makababa ang ibang pasahero at saka naman nagsimula nang sumakay ang mga nasa harapan ko.

Nasa dulo ako ng pila dahil sa letseng maleta na ito! Hindi ako makasingit ngayon dahil sa pagkalaki-laki ng bitbit ko. Nahihiya nga ako dahil mukha akong napalayas o 'di kaya makikipagtanan dahil sa dami ng dala-dala kong bag! Hindi nga ako makapaniwala na ganito na karami ang gamit ko. Kaka-order ko ito online, eh!

May mga nakakasalubong kaming pasahero na galing sa bus na iyon kaya hindi maiwasan na may makabungguan.

Hindi ko na alintana pa ang mga taong sumasagi sa balikat ko. Busy ako sa pagtanaw sa konduktor, magpapatulong ako sa maleta na dala ko. Inabangan kong tumingin sa direksiyon ko si Kuya para makawayan ko. Akmang tatawagin ko na sana ang konduktor nang makaramdam ako ng sakit dahil tumama ang ulo ko sa matigas na bagay. Nang tingnan ko iyon, dibdib pala ito ng isang tao.

Sa bandang chest niya ang bumungad sa akin dahil may katangkaran din ito. Hindi ko man makita ang pagmumukha nito, nakumpirme kong isa itong lalaki dahil sa suot nitong longsleeve polo na kulay black.

Kainis naman, oh! Kung kailan naman nagmamadali ako saka naman ako may makakabungguan! Hindi na ako nag-abala na tingnan pa ang kaniyang mukha dahil mas inuna kong kinuha ang brown envelope na nahulog. Dalawa ang brown envelope na nahulog, malamang ang isa ay pag-aari nitong nakabangga ko. Dinampot ko na lamang ang envelope na malapit sa akin. Hindi ko na chineck kung akin ba talaga ito.

Isa pa, nagmamadali rin iyong taong nakabangga sa akin. Pagkakuha niya sa envelope niya ay umalis na rin ito.

Hindi man lang nag-sorry!

Mag-sorry pa rin dapat siya kahit pa ako itong shunga na hindi tumitingin sa dinaraanan.

Umakyat na ako sa bus nang maayos na ni Manong konduktor ang maleta ko. Mabuti na lamang at may bakanteng upuan pa kaya walang dahilan para mag-standing ako.

Ilang minuto rin ang biyahe.

Hindi ako sa condo dumiretso. Bumaba ako sa harap ng coffee shop.

Kung paladesisyon ang mga magulang ko, edi ako rin! Kanino pa ba ako magmamana, 'di ba?

Iniwan ko kay Kuya guard ang maleta at travelling bag ko at tanging ang tote bag and brown envelope lang ang dinala ko sa loob.

Napangiti ako nang madatnan ko roon ang manager ng shop.

"Good Morning, Ma'am. Ako po iyong nag-email sa inyo kagabi. Ito na rin po pala iyong resume ko."

Iniabot ko sa kaniya ang brown envelope.

Tanging pagngiti lang ang sinukli niya sa akin. Ngunit ang ngiti na iyon ay napalitan agad ng pagkunot ng noo nang buksan at makita niya kung ano ang nasa loob ng envelope na binigay ko.

Teka? Hindi ba niya nagustuhan ang mga informations na nakalagay sa resume ko?

"Iha, cafe server ang hinahanap namin dito. Hindi ang mag-re-renovate ng shop or magpapatayo ng bagong branch na may new design."

"P-Po?" Nagtataka kong tanong.

Tama naman, eh. Cafe Server ang in-a-apply-an ko ngayon.

Ibinalik niya sa akin ang brown envelope. "Saka ka na magpasa ulit kapag seryoso ka na sa buhay. May dapat pa akong puntahan kaya mauuna na ako."

Iniwan ako nitong nagtataka.

Saka ko lang na-gets ang sinabi ng manager nang makita ko kung ano ang nakalagay sa envelope na ito.  Ilang papers din ang naroon.

Napa-facepalm ako nang wala sa oras!

Wala na akong nagawa kung 'di dumiretso na lamang sa condo ni Tita Jasmine.

Binuksan ko ang pinto at napaawang ako ng bibig nang makita kung gaano kaganda ang loob ng condo na ito. Pagkasara ko ng pinto, ang siya namang pag-iwan ko sa maleta ko sa isang sulok. Pumasok ako sa loob para mas makita ang kabuuang ganda ng condo.

"Wow! Dito na ako titira?"

Kung ganoon, sabihan ko sila Mama na huwag na nila akong asahan na uuwi pa ako sa bahay. I'm strong independent woman na. Kaya ko naman na sigurong mamuhay nang mag-isa lalo pa't ganito kaganda ang tirahan ko.

Pinasadahan ko ng tingin ang mga nakalagay na display sa cabinet na pahaba na nasa likod ng mahabang sofa.

Ang sososyal ng mga kagamitan na narito. Bakas sa hitsura nito na amoy expensive!

Sunod ko namang tinungo ang dalawang kwarto na magkatapat. Nakasara ang pinto nu'ng left side kaya wala akong choice kung 'di sa right bedroom ako mamalagi. Baka kwarto iyon ni Tita kaya sinara na muna nila pansamantala.

Wala akong napuna sa kwarto. Malawak, malinis at ang bango!

Matapos kong ilagay ang gamit ko sa isang kwarto, tumambay naman ako sa kusina. Laking gulat ko nang makitang puno ang malaking refrigerator at mga cabinet na nasa taas.

Grabe! Nag-abala pa si Tita Jasmine na mag-grocery para sa akin.

Ano ba iyan, nakakahiya naman! Makakuha nga ng bottled softdrinks at chips. Mas masarap kapag dagdagan ko ng cookies! Grabe, nahihiya talaga ako sa lagay na ito.

Dala-dala ang naglalakihang chips at cookies, pumunta ako sa sala at doon iyon kinain lahat. Naupo ako roon sa sofa habang nanonood ng movie sa 43 inch flat screen television.

Ilang chips na rin ang nabuksan ko. Hindi ko alintana ang kalat na nakapatong sa glass center table. Minsanan ko na lang na ililigpit mamaya.

Komportable akong naka-dekwatro ng upo at nakapatong ang unan sa legs ko habang kumakain.

Nasa kalagitnaan ako ng panonood nang may marinig akong pagpihit ng doorknob.

"May pumasok?"

Lumingon ako upang makita kung sino ang taong pumasok.

Baka si Tita?

Nanlaki ang mata ko nang makita ang isang lalaki.

Maputi. Makinis. Matangkad. Chinito. Gwapo.

Amoy baby powder pa!

"Ang gwapo namang akyat-bahay gang member nito," bulong ko sa aking sarili.

Pero hindi sapat ang kagwapuhan niya para mawala ako sa ulirat.

"S-Sino ka? Anong ginagawa mo rito? Magnanakaw ka ba, ha?"

Nakita ko kung paano kumunot ang noo nito.

Napansin kong hindi siya makatingin nang diretso sa akin. Saka ko lang napagtanto na nakasuot lang pala ako ng manipis na sando at walang suot na bra!

Shems! Ang bobita ko!

Agad kong kinuha ang unan na nasa tabi ko at ginamit iyon para matakpan ang hinaharap ko. Binato ko sa lamesa ang chips na kinakain ko saka nagmadaling tumayo.

"Diyan ka lang! Huwag kang gagawa nang masama. Mumultuhin talaga kita kapag tinuloy mo iyang binabalak mo, sinasabi ko sa 'yo!" May banta ng pananakot ang tono ko kahit ako talaga itong natatakot ngayon.

"Seriously? Are you really going to accuse me of being a bad person?" Nakatingin na siya sa akin ngayon habang iritado ang kaniyang mukha.

Spokening dollar na ang akyat-bahay gang member ngayon? Ay, sosyal, ha!

Hindi ako nagpahalata na natatakot ako. Naka-chin up pa rin ako habang nakikipaglabanan ng titigan sa kaniya.

"Kung hindi ka masamang tao, eh, s-sino ka? Paano ka nakapasok dito?"

"I should be the one to ask you that. Who are you? What the hell are you doing here in my condo?"

Pakiramdam ko ay nalaglag ang panga ko sa sahig.

"Y-Your condo?"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro