5
Hindi pa nawawala sa isip ko ang sagot na iyon ni Jervy na dahilan ng pagsalo ko ng mga masasamang tingin na ibinabato ng mga estudyante sa akin ngayon.
Naglalakad na ako ngayon palabas ng gate pero hindi pa rin ako tinatantanan ng mga mata nilang tila pinapatay na ako sa kanilang paningin.
Lagi naman nilang nakikitang magkasama kami ni Jervy pero ang tanging alam lang nila ay magkaibigan lamang kami. Isa siguro 'yon sa dahilan kung bakit nagulat sila ngayon. Marahil ay iniisip nilang isa lamang palabas 'yong pagkakaibigan namin... na lowkey lang kami. Pero duh? Hindi ako papayag na maging lowkey lang, ano!
Nakarating na ako sa labas ng gate. Nakahinga ako nang maluwag dahil pakiramdam ko eh nakawala na ako sa paningin ng mga estudyanteng 'yon!
Gumilid na muna ako at dinampot ang cellphone sa dala kong tote bag.
Tatawagan ko na si Jervy.
Imbes na sa loob ng Univ ko siya i-contact, mas pinili kong makalabas ng gate bago siya tawagan. Baka mas lalong ma-trigger ang mga marites at baka kami na naman ang laman ng Univ Confession Page bukas.
"A-Asheng?" Hingal na wika niya sa kabilang linya.
Nagtaka ako dahil sa patanong niyang banggit sa pangalan ko. Huwag niyang sabihing nakalimutan niya na naman?
"Nasaan ka na?"
"Ha?" Hindi ko man siya nakikita ngayon, alam kong nakakunot ang noo nito.
So, tama ako. Nakalimutan nga niya.
Hindi ako umimik. Hinayaan ko na siya ang makaalala.
"Oh, gagi! Oo nga pala!" Napabuntong-hininga ito. Hindi pa niya itinutulog ang sasabihin niya pero naisip ko na ang posible niyang sabihin. "Asheng, sorry. Nasa practice kasi kami ngayon. Hindi ako na-inform kanina kaya ngayon ko lang din nalaman. Sorry talaga."
I knew it.
"Sige," tanging wika ko.
Ibababa ko na sana ang tawag nang may hinabol ito."Wait, send mo sa akin 'yong exact address ng coffee shop para masundo kita mamaya."
"Hindi na," sagot ko sa malamig na tono.
Napansin niya iyon kaya hindi ito agad nakapagsalita. "Promise, susunduin kita."
"Sinabi mo rin iyan kanina. Nag-promise ka rin na sasamahan mo ako pero ano ngayon? Kaya huwag na. Baka maghintay na naman ako mamaya sa wala." Hindi na ako nakapagtimpi.
"Asheng, I'm sorry."
Hindi na ako sumagot pa. Pinatay ko na ang tawag.
Dismayado akong nag-book ng Grab.
Ilang minuto ko lang hinintay si Manong Driver. Tumapat na sa harap ko ang kulay red na kotse na tugma ang placard sa nakalagay na description sa binook ko.
"Ma'am Ashira po?" tanong nito.
"Yes po."
Sa buong biyahe, nagpatugtog lang si Manong Driver. Mabuti na lang at hindi nataon na madaldal ang Driver na nasakyan ko. Wala pa naman ako sa mood makipag-usap.
Natuon lang ang buong atensyon ko sa labas ng bintana.
Halos mga estudyante ang naglalakad ngayon. Malamang ay dahil uwian na nila. May ilang grupo ng estudyante akong nakita, for sure, magbabarkada ang mga iyon. Ngunit mas nakuha ng atensyon ko ang dalawang tao na naglalakad habang magkahawak-kamay.
Napangiti ako na may halong lungkot.
I know that they're couple.
I'm happy for them because they're strong enough to admit their feelings towards each other and they end up together.
I wish I'll experience that, too.
But how?
Hindi naman pwedeng isa lang sa amin ang mag-confess at gumawa ng move para malagyan ng label, 'di ba?
Saka isa pa, aware si Jervy sa feelings ko sa kaniya. Imposibleng hindi siya marunong makaramdam. Kailangan ko pa ba siyang diretsuhin?
"Ma'am, nandito na po tayo."
Bumalik ako sa ulirat nang magsalita si Manong.
Nakita ko ngang nasa malapit na kami ng coffee shop. Lalakarin ko na lang ito nang ilang hakbang.
Kinuha ko 'yong wallet ko sa bag. Naglabas ako ng pera at inabot kay Manong. Akmang susuklian niya na ako nang pigilan ko siya.
"Okay na po, Manong."
"Hala, iha... thank you."
"Wala pong anuman," wika ko.
Kapag nag-bo-book talaga ako ng sasakyan, sinosobrahan ko ang bayad. Alam ko kasing pagod din sila sa pagmamaneho, idagdag mo pa ang sobrang traffic na kinakaharap nila araw-araw. Ano naman 'yong kaunting halaga lang para makatulong.
Bago ako lumabas ng kotse ay binilinan ako ni Manong.
"Iha, lagi kang mag-iingat. Balita ko ay maraming mandurukot at masasamang tao na nagkalat sa lugar na ito. Hindi advisable na uuwi kang mag-isa lalo na sa gabi."
Kinabahan ako sa sinaad nito ngunit wala akong choice. Hindi naman pwede magpahatid-sundo ako araw-araw. Isa pa, sino naman ang gagawa nu'n sa akin? Eh, lagi nga akong dinededma ni Jervy. Tsaka wala naman akong karapatan na mag-demand sa kaniya. Hindi naman niya ako girlfriend kaya wala siyang responsibilidad na ihatid at sunduin ako.
Tumango ako kay Manong at nagpasalamat sa binigay niyang payo.
Paglabas ko ng kotse, napansin kong magdidilim na. Pero marami pa rin namang tao ang nagkalat, karamihan ay estudyante. Hindi naman siguro ako mapapahamak dito, hindi naman siguro ako pag-i-interesahan dahil wala naman silang madudukot sa akin.
Kilala na ako ni Kuya Guard kaya naman pinagbuksan na niya ako agad. Itinuro nito ang locker room ng mga crew. Sinabi niyang naroon na ang uniform ko.
Dumiretso na ako sa sinabi niyang direksyon.
Nakita ko ang isang locker room na bukas. May laman iyong uniform at susi. May nakadikit din dito na sticky note.
"Welcome to La Cafe Del Rio, Ashira!"
I smiled.
Mukhang friendly at approachable ang mga makakasama ko rito. Hindi na ako makapaghintay na makilala sila at makipagkaibigan.
Pumasok na ako sa cubicle at nagpalit doon.
Pagkalabas ko sa cubicle ay may nadatnan akong isang babae na kapareho ko ng damit. Kasalukuyan niyang inaalis ang pagkakatali sa buhok niya.
"Ashira?" Nakangiti nitong tanong.
I nodded.
"Ay, ang ganda ng bago naming crew, ha! Feeling ko eh marami na namang tatambay rito dahil may susulyapan na sila," pagbibiro niya.
Napatawa naman ako.
"Ah, idadaan ba sa ganda dapat?"
Sabay kaming napatawa.
Hindi rin maipagkakaila ang gandang taglay niya. Simple lang siya pero malakas ang dating. 'Yong pagka-boyish style niya ang mas lalong nagpa-attract sa kaniya.
"Amari nga pala," pagpapakilala niya.
"Ashira... Pero tawagin mo na lang akong Asheng," ani ko. Mas komportable ako sa nickname ko.
Hindi na ako nag-po sa kaniya dahil mukha namang magkasing-edad lang kami.
"Ngayon pa lang, alam ko nang magkakasundo tayo lalo pa't sa Adamville University ka rin pala nag-aaral."
Nagulat ako. "Paano mo nalaman?"
Ngumuso siya sa hawak ko. Tiningnan ko naman ito.
Ah! Ang tinutukoy niya ay ang school uniform ko na ilalagay ko sa locker ko.
"Anong department?" tanong ko.
"CEA," sagot niya.
Oh, ka-department pala niya sila Jervy. Sa College of Engineering and Architecture din pala siya. Hindi kaya kilala niya si Jervy or naging kaklase niya noon?
Gusto ko sanang tanungin kaso nagmadali na siyang nagpaalam. Sayang lang dahil siya pala ang kapalitan ko, hindi ko siya makakasama sa schedule ko rito. Night shift daw ang class schedule niya kaya alas-singko ang out niya sa work. May isang oras siya para mag-prepare at mag-review.
Matapos kong i-bun ang buhok ko ay lumabas na rin ako.
Nadatnan ko sa counter ang isa pang crew na babae at isang lalaki.
"Hi!" Bati ko sa kanila.
"Hello!" They smiled.
Gaya ni Amira, approachable rin ang dalawang ito. Madali kong napalagayan ng loob dahil ang kwela nilang kausap. Hindi nila pinaparamdam na bagong salta lamang ako. Feeling ko nga eh matagal ko na silang kilala.
Ang dami ko agad nalaman tungkol sa kanila. Nag-aaral pala sila sa kabilang University, parehas na IT student. Halos magkaparehas lang kami ng schedule kaya sila ang kasama ko sa shift ko. Nalaman ko rin na puro working students ang crew sa coffee shop na ito. Priority raw ng owner nito ang mga gaya naming estudyante na pinagsasabay ang trabaho, kahit sa ganitong paraan daw ay makatulong ito sa amin. Napamangha naman ako. Maling-mali pala ang first impression ko sa owner, hindi naman pala siya masungit. Siguro ay inakala lang niya na nan-tri-trip lang ako noon dahil sa documents na dala ko. Sino ba namang matino ang magdadala ng sketches ng bahay sa job application as a crew?
"I-serve mo na nga ito, puro ka kwento, eh!" Natatawang utos ni Jamaica kay Ethan pagkalapag doon sa tinimpla niyang kape ng isang customer.
"Pagpasensiyahan mo na ang kadaldalan ng isang 'yon, hindi talaga 'yon mauubusan ng kwento. Maraming baon, eh."
Hindi ko napansin ang oras dahil sa kanilang dalawa. Sa limang oras na 'yon, marami na akong natutuhan. Itinuro nila sa akin ang tamang pagtimpla ng iba't-ibang klase ng kape na nasa menu at sinubukan ko na ring mag-serve sa mga customers.
Masasabi kong malakas ang shop dahil hindi ito nauubusan ng mga customers. Karamihan sa kanila ay mga nagtra-trabaho na, siguro ay night shift din sila. May ilan ding estudyante na mas piniling dito na lang mag-aral.
"Sigurado ka bang hindi ka na namin ihahatid sa bus stop?" pang-uulit ni Jamaica.
"De, okay lang. Sa kabilang kanto lang naman 'yon."
"Oh, sige. Una na kami, ha? Mag-iingat ka."
Pagkatapos sinuot ni Ethan at Jamaica ang helmet ay agad na ring pinaharurot ni Ethan ang dala nilang motor. Gusto nilang isabay ako pero tumanggi ako. Mapapalayo pa sila kapag hinatid nila ako. Tsaka isa pa, hindi kaya kami kasya sa iisang motor! Baka may madaanan pa kaming checkpoint, edi magka-penalty pa kami.
Naglakad na ako papuntang bus stop. Mas okay na roon na ako maghintay ng sasakyan kaysa rito sa madilim na parte. May mga poste ng street lights pero iilan lamang ang gumagana.
Hanggang sa pag-uwi ay dismayado pa rin ako. Hindi ko binigay kay Jervy ang address ng coffee shop pero umasa pa rin akong susunduin niya ako. Pero ano pa bang aasahan ko sa kaniya? Ilang beses na niya akong dinedma.
Napabuntong-hininga na lamang ako.
Nakakailang hakbang pa lang ako pero napahinto na ako. Hindi maganda ang pakiramdam ko. Tila may sumusunod sa akin. Lumingon ako at doon, nakita ko ang isang lalaki na nakasuot ng hoodie. Masama ang kutob ko sa kaniya.
Binilisan ko ang paglalakad. Halos hingalin na nga ako. Kaso wala rin akong napala sa paghakbang nang mabilis dahil maya't-maya lang ay naramdaman ko nang may tao na sa likod ko.
Hinablot nito ang kamay ko.
Akmang sisigaw na ako nang may bagay siyang itinapat sa tagiliran ko.
"Kahit sumigaw ka pa, wala ring makakarinig. Kaya kung ako sa 'yo, ibigay mo na lang ang bag mo kung ayaw mong ibaon ko ito sa tagiliran mo."
Hindi ko na napigilang makaramdam ng panginginig. Halos nanghina ang dalawa kong binti sa sobrang takot. Aware ako na balisong ang itinapat niya sa tagiliran ko.
"Please po, ibibigay ko ang gamit ko pero huwag niyo po akong sasaktan," pakiusap ko.
"Madali lang akong mainip kaya ibigay mo na kung gusto mo pang buhay na makauwi."
Dali-dali kong inilabas ang wallet ko. Tumutulo na ang luha ko pero walang hikbi na maririnig dahil sa takot na baka tuluyan niya ako once gumawa ako ng ingay.
"Madali ka palang kausap."
Pagkatapos niyang hablutin ang wallet ko, ibinalik niya sa bulsa niya ang balisong at saka niya ako itinulak. Napasalampak naman ako sa semento at nagtamo ng gasgas sa magkabilang siko.
Tumakbo na ang lalaki papalayo sa akin.
Hindi ako agad nakatayo. Hindi pa rin nawawala ang panginginig ng kamay at binti ko. Hindi ko alam kung dahil sa natamo kong sugat ang dahilan ng pag-iyak ko o 'yong takot na hanggang ngayon nararamdaman ko pa rin.
Hindi ko alam ang gagawin ko hanggang sa naramdaman kong may nag-vibrate sa bulsa ko.
Iyong cellphone ko!
Nanghihina pa rin ang tuhod ko ngunit pinilit ko pa ring tumayo.
Nakita kong 4% na lang ang battery nito. Kaya pala nag-vibrate dahil naka-receive ako ng notification na kailangan ko nang mag-charge.
Hindi ko na sinayang pa ang natitirang percent nito.
Agad kong dinial ang number niya.
Nanginginig kong itinapat ang cellphone ko sa tainga ko.
Nakailang ring din ito bago niya sinagot.
"J-Jervy!" Bakas sa boses ko ang panginginig at paghagulhol. "Puntahan mo ako ngayon, please. Kahit ngayon lang..."
Hindi ko na natuloy ang sasabihin dahil biglang nag-shutdown na. Tuloy-tuloy pa rin ang pagtulo ng luha ko.
Hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ako makapag-isip nang maayos. Nanatili akong nakatayo sa kinaroroonan ko. Hinihintay na dumating si Jervy.
Makalipas ang 15 minutes, may natanaw akong humaharurot na kotse. Malakas ang kutob kong siya na itong paparating. Hindi nga ako nagkamali dahil tumapat ito sa harap ko. Kahit pa iilan lamang ang street lights na narito ay nakaya pa rin niya akong makita.
Hindi ako makagalaw dahil sa panginginig kaya hinintay kong makalabas siya sa kotse.
Laking gulat ko nang makitang hindi si Jervy ang taong 'yon.
"I-Ikaw?"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro