Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Part 16

Napuno ng kaba ang aking dibdib. Napunta kami sa payapang lugar na may malaking gate at napakalawak na hardin. Tahimik ang paligid at tanging mga huni ng hayop lamang ang maririnig.

"Nandito ba si Girlie?" tanong ko.

Tanging tango ang itinugon ng mga kapatid ko.

Kasabay ko sa paglalakad si JV pati si Ms. Charlene na hanggang ngayon ay kasama ko pa rin. Mahigpit na hinawakan ni JV ang aking kamay habang binabagtas namin ang daan patungo kay Girlie.

"Magandang umaga po. Bibisitahin po sana namin si Sor Maria Brigida."

Isang babae ang kinausap ni Ate Pats. Mongha daw ito base na rin sa suot.

Noon ko nalaman na pumasok sa kumbento ang aking kapatid at namumuhay ngayon dala-dala ang pangalang Sor Maria Brigida. Napaiyak ito at lalong napayapa nang magkita kami.

HINAYAAN kami ng mga kasama ko na mapag-isa kami ni Girlie, na ngayo'y si Sor Maria Brigida na.

"Dininig Niya ang dalangin ko," panimula niya.

"Niya? Sinong Niya?"

Bumaling sa isang direksiyon si Girlie at napangiti. "Ang Panginoon."

Lumakas ang kabog ng puso ko.

"Noong una, nagtataka rin ako. Para akong lagalag na hindi ko alam kung anong direksiyon ang patutunguhan ko, hanggang sa natagpuan ko ang sarili ko na papunta na lamang sa Panginoon. At heto, natagpuan ko ang kapanatagan sa gabay Niya."

May mainit na bumalot sa aking puso sa pagkakataong iyon. May isang imahe na unti-unting namuo sa utak ko...

Si Lola Mona. Unti-unting dumaloy sa aking isip sa mga panahong nakasama ko siya, at kung ano ang naging bahagi niya sa buhay ko.

Noon din ipinaalala sa akin ang pagtatampo ko sa Panginoon. Kinapa-kapa ko ang sarili ko. Wala na. Wala nang hinanakit roon.

"May dahilan ang lahat ng nangyayari sa isang tao, Liway. At kung ano ang dahilan na iyon? Malalaman lang natin sa tamang panahon basta huwag lang tayong maiinip na hintayin kung kailan darating iyon."

Siguro, hinayaan ng Panginoon na umalis ako para magkaroon ng realisasyon ang mga kapatid ko. Na kung hindi ko ginawa iyon ay mananatili pa rin silang nakaasa sa akin hanggang ngayon.

Siguro, hinayaan ng Panginoon na maligaw ako para mahanap ko ang sarili ko. Na hinayaan niyang makalimutan ko muna panandalian ang isang bahagi ng pagkatao ko para mapagtuunan ko ng pansin ang sarili ko.

Napatingin ako sa krusipiho sa 'di kalayuan. Sa pagkakataong iyon ay bumulwak ang magkahalong pasasalamat at pagsisisi sa aking kalooban. Pasasalamat dahil sa wakas ay natagpuan ko na ang dulo ng aking paglalakbay, at pagsisisi sa mga panahong pinagdudahan ko ang presensiya Niya. Siya na hindi ko man nakikita pero kailanma'y hindi ako iniwanan. Siya na kasa-kasama ko sa aking paglalakbay sa mga panahong wala pa akong kasiguruhan sa aking patutunguhan.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro