Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Part 12

Nang minsa'y kasabay ko si JV sa panonood ng telebisyon sa araw ng kaniyang day off ay may lumabas na flash report. Tungkol iyon sa taong biktima ng EJK na ayon sa mga kamag-anak nito ay na-frame up lamang. Tinaniman diumano ng droga ang bulsa nito para mapalabas na durugista ang biktima.

Hindi ko alam pero sa puntong iyon ay nagpakawala ako ng malakas na hagulgol na maging ako ay hindi ko maunawaan kung bakit. Bakit bigla na lang akong umiyak?

Agad akong dinaluhan ni JV upang yakapin ako. Ang init ng kaniyang mga bisig ay nakatulong kahit papaano para mapakalma ang nagwawala kong kalooban.

"Sige, iiyak mo lang, Liway. I'm here." Hinigpitan pa niya ang pagyakap sa akin na sinabayan niya ng pagmasahe sa aking bumbunan.

"THE flash report may have triggered something which caused Liway's breakdown," ani Ms. Charlene, ang psychotherapist na nag-aalaga sa akin.

"Yan din ang tingin ko." Tumingin sa gawi ko si JV. Nakahiga ako sa isang pang-isahang kama at nagtutulog-tulugan.

"Siguro, may kakilala siya o probably kapamilya na biktima ng war on drugs which triggered her trauma. Kapag nalaman natin kung ano iyon, it may help her remember who she is and where she came from."

May sumundot sa puso ko sa pagkakataong iyon. Muling bumalik sa aking balintataw ang balita pati ang blurred na imahe ng taong nakahandusay sa kalsada. Tama nga siguro si Ms. Charlene. Mukhang may kinalaman nga iyon sa aking nakaraan.

MATAPOS ang araw na iyon ay nag-leave nang ilang araw si JV sa trabaho. Gusto raw niya akong aliwin at dalhin sa ibang lugar. Hindi pa raw namin iyon nagagawa lalo pa at madalas siyang kailanganin sa ospital.

Marami kaming pinuntahan. Hindi ko na nga matandaan ang pangalan ng lugar pero sa Metro Manila lang iyon.

Sa paglalakbay ng kotse ni JV sa kahabaan ng EDSA ay nakatanaw lang ako sa labas. Maraming tao at building na nagtatayugan. Para bang nagmula na ako roon pero hindi ako sigurado.

Mayamaya pa ay may isang gusali na nagpabilis ng tibok ng puso ko. Nang makita ko iyon ay hindi mapagkit ang mga mata ko.

"Why?" tanong ni JV nang mapansin ang pag-iba ng kilos ko.

"Tigil."

Gumawa ng ingay ang pagsagitsit ng gulong ng kotse nang ipreno ni JV ang sasakyan niya. Mabuti na lang at wala na kami sa EDSA kaya nagawa niya iyon.

"Do you want to go to that building?" tanong niya.

Napasandal ako sa upuan at napahigpit ang hawak ko sa seatbelt. "H-Hindi. Huwag na."

Tiningnan ko si JV gamit ang gilid ng aking mga mata. Nakita ko siyang kinukuhanan ng larawan ang naturang gusali.

Tumango-tango siya. "I understand." Pagkatapos noon ay pinaandar na niya ang sasakyan.

UNTI-UNTI nang nagsusulputan ang kaguluhan at mga tanong sa utak ko. Tanong na pakiramdam ko'y nakatatakot alamin ang kasagutan. Tanong na para bang gusto ko na lang manatiling tanong habambuhay.

Sino ba talaga ako?

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro