Part 10
PAGMULAT ko ng aking mga mata ay nasa isang lugar ako na hindi pamilyar. Nais ko sanang gumalaw ngunit kumirot ang isang bahagi ng aking ulo dahilan para mapaungol ako nang mahina.
Agad bumukas ang pinto na bahagya ko pang ikinagulat. Bumungad ang isang lalaking nakasuot ng kulay puti. Parang nakakita na ako ng ganoon pero hindi ko matandaan kung saan.
"Miss, gising ka na! A-Anong masakit?"
Gusto kong umiling pero masyadong masakit ang ulo ko para gawin iyon. Mayamaya ay nawalan na rin ako ng malay.
Sa aking paggising ay muli kong nakita ang lalaki. Natutulog siya sa tabi ng kama ko. Nakasuot na lang siya ng kaswal at hindi na nakasuot pa ng kulay puti.
Sinubukan kong igalaw ang ulo ko. Nagpapasalamat ako dahil kakaunti na lang ang kirot noon.
Iyon nga lang, kanang binti ko naman ang nananakit. Pagtingin ko roon, nakabalot iyon ng benda. Bahagya akong natakot. Hindi ko alam kung anong meron. Baka matindi ang tama noon.
Gumalaw ako nang kaunti dahilan para mapukaw ang atensiyon ng lalaking natutulog kanina sa tabi ko.
"G-Gising ka na."
Nagkaroon ako ng pagkakataong pagmasdan ang kaniyang mukha lalong-lalo na ang kaniyang panga na gumagalaw sa tuwing lumulunok siya. Ang ilong niya, mga labi, at may kakapalang kilay na kung pagsasama-samahin ay makabubuo ng isang napakaguwapong itsura.
Mailap kong iniwasan ang titig niya. May kung ano sa mga mata niya na nagpasilab ng mga pisngi ko. Humahanga ba ako sa lalaking ito?
Gusto kong ipilig ang ulo ko pero natatakot akong kumirot muli iyon kaya lumunok na lang ako nang sunod-sunod.
"Ayos ka lang ba, miss? Sandali, tatawagin ko si Nur—"
"H-Huwag na," pagpigil ko sa kaniya. "A-Ayos na ako."
Pumayapa ang mukha niya na kanina ay puno ng pag-aalala. Nakatitig lang ako roon, tila ba ay kinikilala siya.
"I’m Dr. John Vincent Sulayao."
Nahigit ko ang aking paghinga. Gusto kong sagutin iyon ngunit hindi ko alam kung paano. Wala akong alam sa sarili ko. Sino ba ako?
Liway. Mula sa kung saan ay parang may bumulong sa akin. Pamilyar ang pangalan na iyon ngunit hindi ko matandaan kung saan ko narinig.
"Liway," naging tugon ko sa doktor na nagpakilala sa akin.
Sumilay ang ngiti sa mukha nito na lalong nagpaigting sa taglay nitong kaguwapuhan. Para bang dahil sa ngiting iyon ay lalong napayapa ang aking kalooban.
Maraming tests ang ginawa sa akin. Animesia? Amisia? Ewan. Hindi ko alam kung ano ang terminong iyon. May kaugnayan daw iyon sa pagkalimot sa mga alaala na panandalian lamang.
Sabi ni JV, siya raw ang nakabangga sa akin sa daan at siya rin ang nagdala sa akin sa gusaling pagmamay-ari niya na tinatawag na ospital. Doktor daw siya. Parang iyon nga ang salitang hinahagilap ko habang tinitingnan ang puting damit na suot niya nang una ko siyang makita.
"Thank God, wala kang fracture sa katawan. Medyo nabugbog lang nang kaunti ang isang bahagi ng ulo mo at ang right leg mo dahil sa paggulong mo sa daan. Mabuti na lang talaga, eh, nakapreno ako dahil kung hindi, baka mas malaki ang pinsala sa iyo, Liway," paliwanag ni JV. Tanging pagtango lang ang naging tugon ko. Wala akong maunawaan sa sinasabi niya.
Muli siyang nagpatuloy. "Wala kang pagkakakilanlan. Ako na muna ang kukupkop sa iyo hangga't hindi pa bumabalik ang alaala mo. Tutal, responsibilidad ko naman iyon dahil ako ang nakabangga sa iyo. Huwag kang mag-alala, ikukuha kita ng private nurse na siyang mag-aalaga sa iyo habang naka-duty ako sa trabaho. Siya rin ang sasama sa cognitive behavioral therapy na maaaring makatulong para madaling bumalik ang memorya mo."
Wala naman akong pagtutol sa sinabi niya. Ang alam ko, may bahagi sa akin na nagsasabing mapagtitiwalaan ko naman siya kaya hinayaan ko ang sarili kong dumepende sa kaniya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro