Living by Ear
Walang hanggang hatinggabi ang tanging nakikita ko.
"Sir Gabriel hindi pa rin namin alam ang dahilan sa biglaang pagkabulag niyo, pero may gagawin tayong mga test kaya balik na lang po kayo rito bukas. Sa ngayon inumin niyo po ang gamot na ito," kalmadong ani ng doktor.
Hinawakan ng doktor ang kamay ko at naramdaman ko na lamang na may nilagay siyang bilog at magaspang na bagay sa aking palad. Narinig ko rin ang paglapag niya ng isang baso ng tubig sa mesa.
Nakakapanibago lamang na parang trinatrato akong bata bagamat may edad na ako.
Nilunok ko ang gamot sa aking palad at bumungad ang mapait na lasa nito sa aking dila. Sunod ko namang naramdaman ay ang malamig na tubig na dumaosdos sa aking lalamunan.
"Sige, bukas ulit. Salamat Doc," mahigpit kong hinawakan ang baston ko at lumabas. Minsan na akong gumamit ng baston, iyon ay noong napilayan ako sa paa ngunit iba na ngayon.
Malugod na yumakap sa akin ang malamig na hangin. Tuwing ganito, alam kong malapit nang umulan.
Pinakiramdaman ko sa aking baston ang bawat paga ng kalsadang dinadaanan ko. Tatlong buwan na simula nang nabulag ako. Sa tatlong buwan na iyon, wala akong kasama at wala pa rin akong kasama kahit hindi ako bulag.
Matapos mawala ang aking paningin, napagpasyahan kong tanggapin ito at sulitin ang buhay na binigay sa akin. Hindi ito naging madali sa una, lalo na sa palimbagang pinagtatrabahuan ko. Ang pag-aral ng braille ay lalong hindi madali.
Ang mga tao sa palimbagan ay labis na nakikiramay at pinapalabas na wala na akong magagawa sa buhay ko. Naaamoy ko ang peke at sapilitang pakikiramay. Napakabaho.
Malakas ang samyo noong mga unang linggo, subalit unti-unting nawawala habang nagiging abala ang karamihan sa pagsusulat.
Ang lahat ng aking pandama ay tila pinahusay ng higit pa. Ang amoy ng kasinungalingan at takot ay naging pamilyar sa akin at napatunayang mahalaga ang mga pandamang ito sa hinaharap na mga gawain.
Naging tunog ang wika ko at musika ay naging mahalagang kagalakan sa aking buhay. Simula nang mabulag ako, nakikita ko ang musika sa aking isip at nararamdaman ko sa buong katawan ko.
Ang halimuyak ng mga tao, bulaklak at pagkain ay napakahalaga sa aking araw-araw na karanasan. At higit sa lahat ay ang aking salagimsim.
Sa pamamagitan ng mga pandamda na ito, nagagawa kong maatim ang mga bagay sa aking buhay na sabi nila ay hindi ko raw magagawa at huwag ko nang subukan pa dahil sa aking kapansanan.
Oo, kilala ko ang buhay bilang makulay at puno ng liwanag, ngunit ngayon alam ko ang iba pang antas ng pamamaraan ng pamumuhay.
Ang mga tunog, amoy, panlasa, salagimsim at pisikal na pakikipag-ugnayan ay mas lumawak sa aking mga abilidad at kakayahan.
10% ng gamot
"Nasaan ang paa ko?"
Natigil ako sa aking paglakad nang makarinig ng matinis na tinig hudyat ng pagsakit ng aking ulo. Sobrang tinis na tumatagingting ito sa aking utak.
Marahil ay isa lang iyan sa mga nadadaanan kong mga tao. Pinagpatuloy ko ang paglakad at paghawak ng mga bagay sa aking gilid. Parehas pa rin ang antas ng ingay ng mga tao kaya alam kong hindi pa ako nakakaalis gaano sa lugar.
"Pinutol mo ang paa ko?!" ulit pa ng aking narinig. Hindi na nag-iisa ang tinig kundi maraming nagsambit ng mga salitang iyon. Masyadong matinis sa aking pandinig.
Sinubukan kong pakiramdaman ang baston sa aking gilid upang mapansin ang naputulan ng paa, subalit may taong natapilok kaya binawi ko agad.
Hindi na ako humingi ng tawad dahil naramdaman kong naglakad na papalayo ang natapilok ko. Araw-araw ganito, may mga natatamaan akong mga tao sa aking baston ngunit hindi ko na nagagawang humingi ng tawad sapagka't umaalis na sila agad.
Akin nang ipagpapalagay na ang ilan ay naaawa dahil sa itim na salamin na suot ko at sa baston na hawak ko.
20% ng gamot
Nilagpasan ko na lamang sila at binilisan ang paglakad. Mas lalo ko pang naramdaman ang papalapit na ulan.
"Bakit mo siya pinatay?" Reklamo ng isang tinig. Masasabi kong iba ito sa matinis na tinig na narinig ko kanina.
Ang tinig ay hindi ko inaasahan. Ito ay mababa, na may isang kaaya-aya na bakas ng garalgal at kalungkutan. Pinapahiwatig niyon na higit na makapangyarihan ang tinig kaysa sa malambot na katawan nito.
Wala naman akong pinatay. Higit sa lahat, wala akong naramdamang sagi mula sa aking baston. Inamoy ko ang aking paligid, nasa tapat ako ng isang panaderya. Baka hindi ako ang pinagsasabihan niyon.
Humakbang ako ulit at nararamdaman ko na rin na kumunti ang mga tao sa dinadaanan ko ngayon.
"Pinatay mo siya, itigil mo 'yan!" Sigaw pa ng tinig.
Kung ako man iyon, yumuko na lamang ako sa kung sinoman ang nagsabi bago ako naglakad.
30% ng gamot
Ilang minuto ang nakalipas, naaamoy ko ang samyo ng bukid kasama na roon ang mga palay, baka at kambing.
Sa samyo pa lamang na naamoy ko, alam kong bagong tanim pa lang ang mga palay na nadadaanan ko. Nararamdaman kong nasisinagan iyon ng papalubog ng araw dahil maging sa aking balat ay natatamaan ng sinag.
"Sinong nagpatay sa kapatid ko?!" Ibang tinig naman ito. Mas malalim ang boses at malakas ang sigaw. Nakikita ko sa aking isip na patungo sa akin ang mga alon ng tinig.
Hindi ko pinansin ang pinanggalingan niyon. Marahil ay may tao lang sa likod ko na kausap niya.
"Ikaw ba ang nagpatay sa kapatid ko?" tanong ng tinig. Ako ba? Bakit kanina pa ako nakaririnig ng mga ganitong uri ng mga salita?
Baka pinagtitripan na naman ako ng mga bata sa lansangan. Hindi ko na sila pinansin at binilisan pa ang paglakad ko.
Naririnig ko ang mabilis na pag palo ng aking baston sa kalsada kasabay ng pagkalampag ng nito sa metal na riles. Kaparehas ng tunog ang mga yabag na tumatakbo.
40% ng gamot
"Nasaan ang ulo ko?!" hinanaing ng isa pang tinig na halos mabiyak na ang boses sa kahihiyaw.
Anong nangyayari? Bakit ganito ang mga naririnig ko? Parehas pa rin naman ang amoy sa kanina. Samyong bukid pa rin. Baka may nagpapatayan dito.
"Bakit mo pinugot ang ulo ko?"
Sandali akong natigil at naging alerto sa paligid, "Ako ba?" tanong ko sa tinig subalit wala nang sumagot.
Sa labis na pag-iisip, ang aking mga binti ay nangatal at ang aking utak ay naggugunita ng mga bagay na hindi nakatutulong sa akin.
Nanginginig ang aking mga kamay na kumapa sa mga riles ng kalsada. Mas binilsan ko ang paglakad hanggang sa tumatakbo at tumatalon na ako. May mga pagkakataong natatapilok ako at minsa'y nasusugatan sa bakal ng riles subalit hindi iyon alintana sa mga naririnig ko.
50% ng gamot
Ang hapdi ng mga hawi sa aking palad ay kumikirot sa paraang dito lang nalalagay ang aking atensyon. Naiisip ko kung paano hinati ng matulis na metal ng riles ang aking palad.
Sa aking pagtakbo, nag-iba ang amoy. Naririnig ko ang pag-agos ng tubig sa ilalim ng tulay na kinaroroonan ko. Naamoy ko rin ang pinaghalo-halong maruming tubig galing sa mga dumi ng palengke at kalsada.
"Anong nangyari sa bahay ko?" Umyak ng isa pang tinig.
Wala naman akong naamoy na mga sunog ng bahay kundi ang baho ng pinagtagpi-tagping kanal na naging ilog.
"Bakit mo dinumihan ang bahay ko? Ako ba'y imbakan ng mga basura?"
Agad pumipi ang aking ilong at kumunot ang aking noo. Kaya ba may mga naaamoy akong mabaho na basura dahil sa bahay nitong tinig?
"Ako ba kausap mo?" duro ko sa sarili ko. Hindi ako nagtatapon ng basura rito subalit sinisiguro ko muna na ako ang kausap niya. Ganoon pa rin ang nangyari tulad ng kanina, walang sumagot sa akin.
Tinakpan ko ang aking ilong at pinagpatuloy ang paglakad. Kung sino man iyon, kahabagan sana siya.
60% ng gamot
Biglang nakadama ako ng pagpatak ng tubig sa aking balat. Umihip din ng malakas ang hangin pasampal sa aking mukha.
Kailangan ko nang makauwi agad.
"Nay nagugutom ako. Pagkain ba ito? Plastik daw tawag dito sabi nila."
Siguro nga'y kasama ng tinig na ito ang bahay na naging imbakan ng basura. Nais ko man siyang bigyan ng tinapay subalit wala akong dala. Naisin ko man bumalik sa panaderya, maririnig ko ulit ang mga patayan sa bukid at pag-aakusa ng mga bata sa kalsada.
Nakarinig ako ng pagdura, pag-ubo at pagsuka.
"Anak, bakit mo kinain 'yan?" Hagulgol ng isa pang tinig na sa batid kong ina ng kumain ng plastik.
Sa hindi malamang dahilan, nagugunita ko ang mga pangyayari sa basurang bahay na ito. Patuloy ko pa ring tinatakpan ang ilong ko habang naglalakad. Mabuti na lamang nawala ang mga naririnig kong patayan.
70% ng gamot
Mas lalo pang lumakas ang hangin at naamoy ko ang iba't ibang samyo ng usok, basura, pawis at kanal. May plastik pa na yumakap sa aking paa.
Mas lalo lumakas ng higit pa ang mga kalamnan ko dahil sa bugso na dala ng hangin. Nilipad ang aking sombrero ngunit patuloy pa rin. Kakaiba ang araw na ito. Kung anu-ano naririnig ko at sumama ang panahon.
"Hindi ako makahinga, tulong!" Paghingi ng saklolo ng impit na tinig subalit ang tinig na iyon ay mala-musika sa aking tainga.
Sa sobrang lakas ng hangin, bakit hindi siya makahinga? Hindi ko maisip ang nangyayari sa pinanggalingan ng tinig.
"Nasasakal ako. Ang hirap huminga. Tulungan niyo ako."
Napalingon ako sa taas kung saan nanggagaling ang boses, "Paanong tulong? Hindi kita nakikita."
Napapapikit ako sa bugso ng hanging pumapasok sa aking mga mata at ilong. Ilang segundo na akong nakatayo, wala nang nagsalita.
"Luh, sino kausap mo? Baliw ka?" Siniko ako ng isang lalaki at naramdaman kong tinignan ako mula ulo hanggang paa.
"May humihingi ng tulong. Hindi raw makahinga."
Sa halip na matinong tugon, humagalpak sa tawa ang binata, "Lasing ka na ata. Tayong dalawa lang nandito oh."
Narinig ko muli ang tinig, "Tulong!"
Tinaas ko ang aking kamay sa binata, "Ayun, narinig mo ba? Tulong daw."
Tinapil ako ng binata sa likod ng dalawang beses, "Lasing ka na nga. Una na ako mukhang uulan na, good luck sa kausap mo."
Agad akong nabalot ng kaba. Nararamdaman ko ang tibok ng aking puso sa tiyan, kamay, utak, dibdib, at sa lahat ng parte ng aking katawan.
Mabilis na umiikot sa aking utak ang mga saloobin at gunita ko tungkol sa mga nangyayari. Gusto kong tigilan ang utak ko sa pag-iisip upang makahinga ako ngunit imposible iyong mangyari.
Ang aking paghinga ay nagiging mga singhap. Aatakihin na siguro ako sa puso, lalo pa't may edad na ako.
80% ng gamot
Mabilis kong kinuha ang aking phone na keypad at tinawagan ang doktor. Nanginginig na kinalikot ko ang mga paga sa telepono.
"Doc! May nangyayari sakin. Anong gamot ang pina-inom mo sakin?" Mangiyak-ngiyak kong sambit subalit wala akong narinig sa kabilang linya, "Doc? May mga naririnig ako na hindi ko naririnig noon."
Namatay ang telepono at sumikdu-sikdo ito na parang sinasabing naubusan na ng baterya ang phone.
Hindi maganda ang kutob ko ngayon. Medyo nahihilo na ako at papikit-pikit. Hindi ko alam kung dahil sa hangin at ambon iyon o dahil sa gamot.
"Pinutol mo ang paa ko?!"
"Pinatay mo siya, itigil mo 'yan!"
"Ikaw ba ang nagpatay sa kapatid ko?"
"Bakit mo pinugot ang ulo ko?"
"Bakit mo dinumihan ang bahay ko? Ako ba'y imbakan ng mga basura?"
"Nay nagugutom ako. Pagkain ba ito? Plastik daw tawag dito sabi nila."
"Hindi ako makahinga, tulong!"
Sabay-sabay na nagsalita ang mga tinig na naririnig ko kanina. Pumapasok iyon sa aking tainga patungo sa aking utak na parang mga alon ng mga hiyaw.
Marahan akong kumapit sa aking baston habang unti-unting lumuhod sa lupa. Naririnig ko pa rin ang mga tinig at paulit-ulit iyon na umiigting sa utak ko. Sumisikip na ang aking puso at nanginginig ang aking labi.
90% ng gamot
Tatayo na sana ako nang maramdamang yumanig ang kalsada paroo't parito, pataas at pababa. Habang yumayanig, nakakarinig ako ng pagtumba ng mga gusali.
Kasabay ng pagyanig ay ang malakas na bagbuhos ng ulan at pagbugso ng malalakas na hangin mula sa iba't ibang direksyon. Naririnig kong nililipad pataas ang mga bubong at nababasag ang mga salamin. Naririnig ko rin ang paglipad ng ilang mga sangay ng mga puno.
Mas malakas pa sa kulog ang aking mga naririnig. Kasabay pa niyon ay ang paulit-ulit na mga tinig na aking naririnig.
Sunod kong narinig ay ang mga sigawan ng mga tao at pagtakbo nila sa kalsada. Hindi ko na namalayang, nabitak ang kalsadang kinauupuan ko. Habang yumayanig, nahihila ako patungo sa malaking butas ng bitak.
Napadapa na lamang ako sa lupa at ang aking mga kamay ay pilit na naghahanap ng kapitan subalit wala dahil pawang patag itong kalsada. Mas lalo akong nahihila pababa hanggang sa higupin ako ng lupa.
Nadaganan ako ng mga mabibigat na bato at konkreto galing sa mga gusali. Naiipit ako sa dalawang nagiigtingang mga bato. Ang aking katawan ay yumayanig na rin.
Nais kong umiyak subalit walang luhang lumabas dahil mas nangibabaw ang takot ko. Nais ko nang tumigil ang tibok ng puso ko subalit patuloy pa rin ito sa pagtibok.
Naririnig ko pa rin ang pagsisigaw ng lupa at madalas na ako ay natitisod at mas naiipit na parang ang lupa ay muling lumundag. Hindi na ako makatayo at nadaganan ang aking paa ng malaking bato.
Ang mga taong nasa ibang lugar ay nasisiyahan na wala sila rito. Batid kong naiinis sila dahil inoobliga silang tulungan kami.
Ang iba'y patay na siguro. Ang iba'y buhay. Kung ako lamang ang nag-iisang nabuhay sa pagyanig, ito ay isang parusa. Nais ko nang mamatay sa edad kong ito. Umabot na ako ng saisenta, sapat na iyon.
Sa sobrang lakas ng pagyanig, ang kanal na dinaanan ko kanina ay lumundag papunta rito sa lupa. Naiipit pa rin ako sa ilalim at ang kanal ay bumubuhos sa aking mukha. Naamoy ko ang pinaghalong lupa, bato, lupa at kanal.
Narinig ko muli ang mga tinig subalit nadagdagan iyon ng dalawa pang tinig.
"Nagpaparamdam na siya."
"Nagagalit na siya."
Gusto kong tanungin kung sino at bakit ko naririnig ang mga iyon subalit wala na akong lakas.
100% ng gamot
Umaakyat mula sa aking paa patungo sa aking utak ang gamot. Kakaiba na ang naramdaman ko. Nalalasahan ko muli ang mapait na lasa nito kaakibat ng lasa ng kanal.
Nakakasuka ngunit kung bubuksan ko ang bibig ko, malulunok ko ang kanal.
Ilang sandali, biglang lumiwanag ang paligid at tanging puting ilaw lamang ang nakikita ko. Nanlaki ang mga mata ko nang maramdamang lumulutang na ako sa ere.
Paano nangyayari ito?
"Gabriel," tawag sa akin ng matamis na tinig. Puti pa rin ang aking nakikita. Hindi na ba ako bulag?
Bigla kong naramdamang may humaplos sa dalawa kong mga mata at bumungad sa akin ang mga kulay na matagal ko nang inaasam.
"Gabriel, wala ka bang napapansin sa iyong mga kapaligiran?"
Nabaling ang tingin ko sa nagsalita. Maganda siya at napupuno ng mga bulaklak at mga halaman ang kaniyang katawan. Hindi ko alam kung ano ba dapat ang reaksyon ko ngayo'y nakakakita na ako. Nilibot ko ang aking paningin, tila naninibago sa bawat kulay na nakikita ko.
Ang mundong kinatatayuan ko ngayo, kasama ang isang dyosa ay lubos na nakakagulat. Abot-tanaw at nakakakita ko ang berde at asul na kalikasan. Namamangha ako sa mga nakikita ng mata ko, ang pagsayaw ng mga dahon, ang pag-awit ng mga ibon, ang paggiling ng mga isda, ang pagngiti ng mga bundok at ang pagkaway ng mga puno.
Nandito rin lahat ng iba't ibang uri ng hayop. Masayang nagtatampisaw sa tubig at sinag ng araw.
Nilibot ko pa ang aking paningin. Ako lamang ang tao rito. Hindi ko alam kung tao rin ang kumakausap sa akin ngunit ipagpalagay ko nang dyosa dahil pinagaling niya ang aking mga mata.
Kinumpas niya ang kaniyang kamay at nag-iba ang tanawin.
"Masdan mo ang iyong kapaligiran," sambit ng mala-anghel na boses.
Napalitan ng tanawin ng mga gusali, usok, bahay, industriya at mga pagawaan. Sa mga anyong-tubig naman ay napupuno ng mga iba't ibang uri ng basura. Sa kabilang panig nakikita ko kung paano magtapon ng mga basura ang mga tao sa kalsada at kung paano iyon napupunta sa dagat.
"Bakit mo dinumihan ang bahay ko? Ako ba'y imbakan ng mga basura?"
"Nay nagugutom ako. Pagkain ba ito? Plastik daw tawag dito sabi nila."
Sambit ng dalawang isda. Isang kahibangan na naririnig ko sila. Nakakarinig ako ng mga hayop at halaman.
Nabaling ang tingin ko sa baboy, baka at manok na kinakatay ng limang tao at binabalot sa isang lalagyan upang ibenta.
"Pinatay mo siya, itigil mo 'yan!"
"Ikaw ba ang nagpatay sa kapatid ko?"
Sa mga bundok naman, naririnig ko ang pagtumba ng mga puno. Unti-unting nakakalbo ang mga bundok, hanggang sa kayumanggi na lamang ang kulay nito.
"Pinutol mo ang paa ko?!"
"Bakit mo pinugot ang ulo ko?"
Sa himpapawid, nakikita ko ang mga ibon na sabay-sabay na nahulog dahil sa usok na nanggagaling sa mga gusali at sa mga nagbabaril sa kanila.
"Hindi ako makahinga, tulong!"
Humakbang siya papalapit sa akin ang dyosa at tinitigan ako ng deretso. Gayon pa rin ang mga tanawin. Mausok at puno ng gusali at masasakim na tao.
"Mahal ko rin ang Siyang naglikha ng lahat. Siya rin ang naglikha sa akin. Bagaman hindi lang ikaw ang anak ng kaniyang Espirito, ika'y anak ko rin. Mayroon kang isang Ama sa langit at isang Inang sa lupa. Bakit hindi mo rin ako mahal? Bakit mo sinasamba ang konkreto? Bakit hinahayaan mo akong mamatay? Bakit mo hinahayaang magdusa ang karamihan sa iyong sariling uri?"
Kinumpas niya ang kaniyang kamay at nagkaroon ng pagsabog ng bulkan sa 'di kalayuan. Sinunog niyon ang ilang mga kabahayan at tao.
Wala akong masabi sa kaniyang mga hinanaing. Nanatiling tikom ang aking bibig at nakatingin sa luhaan niyang mata. Ang mga halaman na nakapalibot sa kaniyang katawan ay unti-unting nanunuyo't nangingitim.
"Pinapatay mo ako nang mas mabilis kaysa sa pagagalingin Niya ako. Nilapastangan mo ako sa lahat ng paraan na maaari mong gawin, sa pamamagitan ng karagatan, kalangitan at lupa. Ang hinahabol mo lamang ay kayamanan na hindi Namin binigay ng Ama. Ang ginto ay isang makintab na dilaw na metal at pera lamang. Hindi ko maintindihan. Ano iyon? Sulit ba ang pagpatay sa akin. Sulit bang mamatay ang iyong Inang kalikasan?"
Bigla na lamang nagkaroon ng pagguho ng lupa sa mga bundok na siyang naglilibing ng buhay sa mga tao.
"Saan pupunta ang mga tao? Saan ka pupunta? Pangarap mo ba ang ibang mga mundo sa mga bituin at planeta? Pinangarap mo ba ang planetang may lawa ng lason na napapaligiran ng teknolohiya? Ang paggawa nito ay ang pagpapakamatay sa Espirito ko. Mahal mo ako, at mahal kita. Ang pag-abuso ay hindi pag-ibig bagama't gayon, inaabuso mo ako sa iyong pagnanasa sa materyal na kayamanan na hindi mo naman kailangan."
Nabaling ang tingin ko sa sa malakas na pagyanig ng lupa na sinabayan ng tsunami May mga taong nagsisigawan at tumatakbo dahil sa pagguho ng lupa, pagyanig ng lupa, tsunami at pagsabog ng bulkan.
"Ako ang pinakamahusay na nagawa Niya, dapat mong mas pahusayin ang pag-alaga sa akin ngunit mayroon kang pagkabaliw sa kultura niyo na siyang pumapaslang sa akin. Ikaw at ang iba ko pang mga anak ng lupa ay nangangailangan ng malinis na tubig, malusog na mga lupa at masasarap na mga pananim."
Kasabay ng mga kalamidad ay bumagyo at nagkaroon pa ng ipo-ipo. Sobrang kapinsa-pinsala ang aking nakikita na nagsasabay lahat ng kalamidad.
"Ang iyong mga kapwa ay aking mga anak ko din, kailangan din nila ng mga tirahan. Hindi ka kailanman dapat na maging sakim na ganito. Ang buhay ay sagrado, ang mga hayop at halaman ay sagrado, kahit ikaw na pumapatay sa akin ay sagrado."
Pumatak ang luha ni Inang kalikasan. Masakit sa dibdib na makita siyang ganito at nagdurusa, "Ngayong naririnig mo na lahat, bibigyan kita ng isa pang buhay ngunit may hihilingin lamang ako. Ibabalik ko ang iyong paningin, alagaan mo lamang ako."
Bumuhos ang aking mga luha at nanumpa sa kaniya.
"Sa mga hayop, sa mga halaman, sa lahat ng aking mga ka-uri, sa mga mapapalad na nakibahagi sa ang aming planeta, ibibigay naming mga tao sa inyo ang aming mga puso palagi. Ipinangako namin na linisin ang iyong mga tirahan at muling pagalingin kung ano ang nasira o nilason namin, sapagkat sa mga pagkilos na ito ay nilason namin ang aming sarili at ang aming sariling mga puso."
Huminga ako ng malalim at ngumiti kay Inang kalikasan.
"Sa malawak na uniberso na ito ay walang mas maayos na planeta para sa anumang uri kaysa sa aming likas na tahanan. Bubuksan namin ang aming mga mata dahil kami ang nararapat na tagapag-alaga ng Inang kalikasan. Ako si Gabriel, nanunumpa ng taos puso!"
***********************************
#LivingbyEar
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro