Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 4

KABANATA  4

By: @inkandashes



Nanatiling nakatayo si Celes mula sa pintuan ng kuwarto habang pinanonood ang kanyang Kuya Brent na abala sa panggagamot sa estrangherong lalaki. Nanatiling walang malay ito at nakahiga sa kutson sa kuwarto ng kanyang kapatid. Naisipan na rin niyang lumapit. Marahan niyang hinawakan ang kapatid sa balikat para maagaw ang atensiyon nito.

"Kumusta na ang lagay niya?" Bumaling ang tingin ni Celes sa lalaking namamahinga sa higaan sa harapan niya. Hindi niya alam ang lagay nito pero base sa nakikita niya, namumutla ito. May ilang galos at bilang ng malalalim na sugat bukod pa sa tama ng bala sa hita.

Bumalik ang tingin ni Celes kay Brent na tumango at nagbigay ng tipid na ngiti. "Maayos na. May mga ilang galos lang siya sa katawan at wala na rin ang bala sa hita niya. Babalik na rin sa normal ang kulay niya kapag sapat na ang pahinga na makukuha niya."

Alam ni Celes na magaling na doktor ang kanyang kuya at may tiwala siya rito, kaya hindi na siya nagdagdag ng maraming tanong. Hindi na rin umimik ang kanyang kapatid dahil kumilos ito para kunin ang itim na bag mula sa sahig na pagmamay-ari ng lalaking walang malay, saka ito binuksan.

Nakamasid si Celes sa kapatid habang hinahalungkat ng huli ang loob ng bag na tila may hinahanap. Bandang huli, nakita niya na may nakuha itong isang ID. Dumako tuloy ang tingin niya sa lalaking nananatiling walang malay. Kahit namumutla at may galos, masasabing maputi ito at may itsura. Itim ang kulay ng buhok nito at medyo malaki ang pangangatawan. Pamilyar ito sa kanya kaya bumaling ulit ang tingin niya sa ID.

"JLM Network," basa ni Celes sa kanyang isip na dahilan para umawang ang kanyang bibig. Hindi lingid sa kaalaman niyang isa iyong sikat na TV station. At nang bumaba ang tingin niya sa pangalan na nakasulat sa ibaba ng maliit na litrato, naintindihan na niya kung bakit pamilyar ito.

"Francisco Capriso," muli niyang basa sa isipan. Pangalan iyon ng isang sikat na journalist na napapanood niya sa TV.

Ibinalik ni Brent ang ID sa loob ng bag saka ito tumayo at nilingon ang kapatid. "Hintayin na lang natin siyang magising para malaman natin kung ano'ng nangyari."

Alam ni Celes na 'yon lang ang makabubuting gawin kaya tumango siya at nagprisinta na siya na lang muna ang magbabantay sa lalaking namamahinga para makatulong siya kung sakaling magising ito at may kakailanganin.

Magdamag na hindi nagkamalay ang lalaki sa pamamahay ni Celes. Hanggang kinabukasan, hindi ito dumilat. Wala pa ring pasok sa eskuwelahan kaya nanatili siya sa kuwarto kung nasaan ang lalaki. Lumabas lang siya para gumawa ng maiinom noong umagang 'yon.

Nagtimpla siya ng kape at binitbit ang tasa pabalik sa kuwarto. Nang makabalik siya ng silid, nakita niyang gising na ang lalaki. Nakaupo ito sa papag, bahagyang nakayuko, at pinagpapawisan. Hindi pa rin nawawala ang pamumutla ng balat nito at hindi pa sapat ang isang araw para maghilom ang ilang sugat. Pero bukod doon, mukhang mabuti na ang lagay nito.

Umangat ang mukha ng lalaki at tumingin sa direksiyon kung nasaan siya. Kaya lumakad siya palapit sa higaan nito at ibinaba ang tasa ng kape na hawak niya sa maliit na lamesa sa gilid.

"Kumusta na'ng pakiramdam mo?" bungad ni Celes. Pero imbes na sumagot ang lalaki, nagtangka itong tumayo. Kaya agad siyang lumapit nang mawalan ng balanse ang lalaki at saka niya ito inalalayan para makaupo sa papag. Umayos siya ng tayo pagkatapos. "May tama ng bala ang hita mo. Hindi mo pa kayang tumayo nang walang alalay."

Dumako ang tingin ng lalaki sa hita nito. Sinimulan na rin ni Celes ang pagpapaliwanag sa lahat ng nangyari. Kung paano nila natagpuan ito, na may ilan itong sugat bukod pa sa tama sa hita na kailangan ng lunas. Malayo ang pinakamalapit na ospital at walang sasakyan kaya agad na nagsagawa ang kuya niya ng operasyon doon mismo sa tahanan.

"Dito ka muna. Tatawagin ko lang ang kapatid ko para mabanggit na gising ka na."

Hindi na hinintay ni Celes kung ano man ang itutugon ng lalaki sa sinabi niya. Tumalikod na siya. Lumakad palabas ng kuwarto at hinanap ang kanyang kuya.

Sakto namang lumabas din si Brent mula sa kabilang kuwarto ng kapatid na pansamantalang tinutulugan nito. Iba na ang suot nito at basa ang buhok.

"Gising na siya," ani Celes.

Tumango si Brent. Mabilis na sumunod sa kapatid pabalik sa kinaroroonan ng lalaki. "Kumusta na ang—"

"Kailangan ko nang umalis," malayong tugon ng lalaki.

Napabuntong-hininga si Brent. Siguro ay dahil bilang isang doktor, sanay na siya sa pakikisalamuha sa iilang makukulit na pasyente.

"Hindi lang maliliit na galos ang nakuha mo. May tama ka ng bala sa hita na imposible para makapaglakad ka nang maayos at walang alalay." Kumilos si Brent para umupo sa upuan na katabi ng papag. Itinuntong niya ang magkabilaang siko sa mga tuhod saka tiningnan ang lalaking kausap.

"Hindi mo naiintindihan..." Bakas ang pagdadalawang-isip sa tono ng pananalita ng lalaki.

Tumingin din si Brent saglit kay Celes saka ulit itinuon ang atensiyon sa lalaki.

Walang nagawa ang lalaki. "Kailangan ko ang video na nagpapatunay na hinaluan ng napakamura at delikadong kemikal ang Urea fertilizers na ginagamit ng mga magsasaka."

Tumango si Brent sa narinig pero nakita ni Celes na natigilan ito saglit na tila may napagtanto.

"Urea fertilizers?" 'di tuloy napigilang ulit ni Celes. Nag-uunahan sa utak niya ang mga pira-pirasong impormasyon. Maraming katanungan na gustong sumambulat. Pero mukhang iisa sila ng iniisip ng kuya niya.

Tumaas-baba ang ulo ng lalaki. "Paraan ito upang madagdagan ang volume ng fertilizers. Upang lumiit ang gastos at makakuha ng malaking parte ang ilang politiko sa milyun-milyong budget na nilaan ng gobyerno para sa agrikultura. Gagamitin nila ito sa nalalapit na eleksiyon."

Umawang ang bibig ni Celes. Magsasalita pa sana siya upang maniguro kung totoo ba ang sinasabi ng lalaki, pero hindi niya itinuloy dahil malimit naman na nasasangkot ang mga politiko sa ilang isyu. Pero kahit gano'n, hindi pa rin niya maiwasang magulat na pati fertilizer ay sadyang hinaluan ng delikadong kemikal para lang sa pera.

"Ang sinasabi mong fertilizers..." Bakas sa boses ni Brent ang pag-aalangan. Pero marahas itong umiling bago tumingin nang deretso sa lalaki. "Ano pa'ng alam mo tungkol dito?"

"Hindi ako puwedeng magtiwala kahit kanino. Kahit sa inyo. Mahalaga ang impormasyong nalalaman ko... Pero tinulungan n'yo ako, kaya..." Napabuga ng hangin ang kausap bago alanganing umamin. "Nakaimbak ang mga fertilizers sa isang malaking bodega sa liblib na gubat sa isang baranggay 'di kalayuan dito. Bantay-sarado ito ng ilang armadong lalaki."

"Armado?" Kumunot ang noo ni Brent at nailing. "Nabanggit mo na may halo na ito—isang delikadong kemikal. Ang mga fertilizers na 'yon, puwede bang maging dahilan ng pagkalason—" Hindi na itinuloy ni Brent ang sasabihin nang tumango ang lalaki.

Nanatili si Celes sa pakikinig dahil kusa na ring kumokonekta sa utak niya ang mga pangyayari at mga impormasyong nagsisilabasan.

"Isa nang toxic waste ang mga fertilizers na ginagamit ng mga magsasaka dahil hinaluan nila ang mga ito ng delikado at bagong sintetikong kemikal mula sa black market," dagdag ng lalaki. "Hindi lang 'yon. Apektado at kontaminado na pati tubig sa paligid. Tumatagas kasi ang malaking volume nitong fertilizer mula sa bodega deretso sa kalapit na ilog... Kaya kailangang mabigyan agad ng warning ang mga tao."

Naiintindihan na lahat ni Celes. "At ang unang lugar na tatamaan ng toxic waste ay ang Esperanza...."

Tumaas-baba muli ang ulo ng lalaki.

Nakaramdam si Celes ng tuwa dahil sa wakas ay may sagot na sa mga nangyayari, pero agad din iyong nawala nang mapagtanto niyang hindi pa ito nasosolusyunan.

"Sa kasamaang-palad," ani Celes, "mahigit isang linggo nang maraming naisugod sa ospital na tagarito sa Esperanza.

Lumaki ang mga mata ng lalaki.

"Mahigit isang linggo nang tinamaan ng lason itong baranggay na 'to," dagdag ni Brent.

Walang maisip na isagot doon ang lalaki. Huli na ba ang lahat?

"Ang sinasabi mong video..." muling wika ni Brent. "May ebidensiya ba roon na magpapatunay na may kinalaman ang ilang politiko sa kemikal na idinagdag sa fertilizer?"

"Nasa video lahat... May nakuhanan akong footages na magdadawit sa kanila at mga kasabwat sa Agricultural Department, iba pang ahensiya, at contractors."

Naalala ni Celes ang nangyari kahapon. Kung paano nila natagpuan ang lalaki. Pero hindi na niya maalala kung may dala ba itong camera, maliban sa itim na bag kung saan nila nakuha ang ID na pagkakakilanlan nito.

"Nasaan ang video?" tanong ni Celes.

Wala siyang natanggap na tugon, pero base sa pagbago ng pinta ng mukha ng lalaki, alam na ni Celes ang sagot: wala ang video.

Naiintindihan na rin niya kung bakit gano'n ang itsura nito nang matagpuan. Kung bakit marami itong sugat maliban pa sa tama ng baril. May koneksiyon iyon sa pagkawala ng video.

Posibleng nawala ang video malapit sa sinasabing bodega o sa ibang lugar.

Ngunit kailangan nilang hanapin 'yon. 'Yon ang naiisip niyang mabisang solusyon sa lahat ng problema sa Esperanza.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro