Chapter 13
"May assignment ka na ba sa Filipino?" tanong ni Coffee habang naglalakad sila papunta sa locker area.
Lunch time na at pagkatapos nito ay ang Filipino subject nila.
"Meron," aniya saka tumigil sa harap ng locker niya. "Bakit? Kokopya ka?"
Nagningning ang mga mata nito. "P'wede ba?"
"Hindi," mabilis niyang sagot na ikinanguso nito.
"Sige na. Please..." sabi pa nito habang magkadikit ang mga palad na para bang nagmamakaawa sa kaniya. "Babaguhin ko na lang ang ibang words."
Napailing na lang siya. Wala talaga siyang laban sa pagpapa-cute ng kaibigan.
Pagkatapos buksan ang locker, binigay niya rito ang notebook niya sa Filipino. Napatalon ito sa tuwa saka tinungo na rin ang sariling locker.
Ipinagpalit na ni Sunny ang dalang mga notebook at libro pagkatapos ay kiuha na rin ang paper bag na may lamang baon.
"Puro na lang sakit ng ulo ang binibigay mo sa'kin, Sean. Kailan ka ba titigil?"
Nagkatinginan sila ni Coffee nang marinig ang isang babae. Hindi malakas ang boses nito pero halata ang pangigigil sa tono nito.
"Ba't hindi ka gumaya ro'n sa kapatid mo? Mabait na, achiever pa. Hindi katulad mo."
Tinanguan niya si Coffee para bilisan na nito ang ginagawa. Kahit na hindi nila sinasadya na marinig ang pag-uusap, wala pa rin sila sa lugar para tapusin ito.
"Ito'ng sinasabi ko sa'yo. Kapag hindi ka pa tumino ngayong school year, itatapon talaga kita ro'n sa tatay mo."
Mabilis nilang binaling ang tingin sa loob ng locker nang biglang sumulpot sa may hallway ang isang babae. Hindi naman ito katandaan pero alam niyang magulang ito ng isang estudyante.
Pagkaraan nito sa kaniya, isinara na niya ang locker saka tiningnan uli si Coffee na hindi pa rin tapos sa pag-aayos ng bag.
Bumaling ang titig niya sa lalaking kaliliko lang sa may hallway.
Si Sean iyon at sa tingin niya ay magulang nito ang kausap kanina. Nakita sila nito pero agad itong umiwas ng tingin kapagkuwan ay tumalikod para siguro bumalik.
"Sean!" tawag niya rito na ikinabigla ni Coffee.
Kahit siya ay nagulat rin sa nagawa. Hindi niya alam kung bakit niya tinawag ito. Pero nakita niya kasi ang malungkot na itsura nito. Para itong iiyak sa sama ng loob.
Lumingon ito at walang emosyong tinitigan siya.
"Pinatawag ba kayo ng mga teachers?" tanong niya pa rito.
"Gusto ni'yo bang sabihin namin sa mga teachers ang nakita namin? Na hindi naman talaga ninyo binu-bully si Kent?" dugtong ni Coffee sa sinabi niya.
Tapos na pala ito sa pag-aayos at tumabi na sa kaniya. Bale nasa dulo ng hallway si Sean at sila naman ay nasa kaliwa nakatalikod sa lockers.
Gumuhit ang pagtataka sa mukha nito. "Naniniwala kayo sa'min?"
Sasagot na sana siya nang marinig nila ang papalapit na hakbang ng ilang tao.
"Ano pang ginagawa mo rito, hijo?"
Nakilala ni Sunny ang mahinang boses na iyon. Napangiti siya nang makita na ang lola iyon ni Elias. Nagningning rin ang mga mata nito nang magtama ang mga mata nila.
Masaya niya itong nilapitan saka nagmano. Sumunod naman si Coffee sa ginawa niya.
"Kaibigan ko rin po, 'la. Si Coffee," pakilala niya sa dalawa.
"Ang ganda rin ng kaibigan mo, ano?"
Namula ang mukha ni Coffee dahil sa sinabi nito.
"Bakit kayo naririto?" tanong pa nito.
"Lunch na po kasi," aniya kapagkuwan ay itinaas ang tingin kina Elias at Sean na magkatabi na. "Kinukuha lang ho namin 'yong mga baon namin sa locker."
"Gano'n ba? Tamang-tama lang pala." Iniabot nito sa kaniya ang hawak na plastic bag. "Uutusan ko pa lamang itong apo ko na hanapin kayo ng kaibigan mo para ibigay 'to."
Buong galak niya itong tinanggap. "Ano ho 'to, 'la?"
"Ulam. Pagsaluhan ni'yo na."
Namilog ang mata niya sa pagkabigla. "Salamat po. Hindi na ho sana kayo nag-abala."
"Ano ka ba? Maliit na bagay lang 'yan," turan nito habang marahang hinahaplos ang braso niya. "O siya, mauna na ko't kailangan pang magbantay ng tindahan. Mahirap nang iwan ng matagal ang matanda ro'n na makakalimutin," natatawang sabi nito.
Binalingan nito ang dalawa na tahimik lang at nakayuko.
"Magpakabait na kayong dalawa," bilin pa nito sa mga lalaki.
Nagpaalam na ito sa kanila para umalis. Inalalayan naman ito ni Elias at hinatid samantalang silang tatlo ay naiwan sa hallway.
"Tara, lunch?" alok niya kay Sean na ikinabaling nito sa kaniya. "'Wag ka nang tumanggi. Kita mong galing 'to sa lola ni Elias."
Pansin niya ang nagtatakang titig ni Coffee sa kaniya pero hindi niya na ito pinansin. Umangkla na lang siya sa braso nito saka naglakad na pabalik sa open field kung nasaan si Kairos.
Wala nang nagawa si Sean kung hindi sumunod na lang din sa kanila.
Nadatnan nila ro'n si Kairos na nailapag na ang telang uupuan nila. Nagsalubong ang dalawang kilay nito nang mapansin ang lalaki sa kanilang likuran.
"Anong nangyari?" bulong sa kaniya ni Kairos matapos makaupo sa tabi nito.
Si Coffee na ang nag-alok kay Sean na pumuwesto samantalang tinuon niya ang pansin kay Kairos na naguguluhan pa rin.
Bahagya siyang lumapit rito para bumulong rin at napayuko naman ito ng konti para magkapantay ang lebel nila.
"Nakita namin sila sa may hallway. Galing ata sa guidance office." Tinuro niya ang plastic ng pagkain na binubuksan ni Coffee. "Binigay ni Lola Goyang. Nakakahiya naman kung hindi natin i-share sa kanila."
Umangat ang tingin ni Kairos at binaling iyon kay Sean. Nailipat iyon nang dumating na rin si Elias.
Hindi nito hinintay ang pag-alok nila at umupo na ito sa tabi ni Sean.
People don't change overnight.
Napabuga na lang siya ng hangin saka kumuha ng isang paper plate. Galing din 'yon sa dala ng lola ni Elias.
"Help yourselves," sabi niya sa mga ito.
Kahit na naiilang pa rin, kumuha na rin si Sean at nagsimulang kumain. Gano'n rin ang iba pa nilang kasama.
"Sean, mama mo ba 'yong kanina?" basag ni Coffee sa katahimikan na bumabalot sa kanila.
Tinapik niya ito sa hita at pinandilatan ng mata. Nagtataka naman siya nitong tiningnan.
Hindi nito naiintindihan ang pinahiwatig niya.
"Oo," sagot ni Sean na parang wala lang. "Hindi halata, no?"
"Pasensya na. Hindi namin sinasadyang marinig 'yong pag-uusap ni'yo kanina," maingat niyang sabi.
Umiling ito. "Ayos lang. Palagi niya naman 'yon sinasabi kahit na may mga kaharap kami, kilala man namin o hindi."
Mas lalo silang natahimik sa sinabi nito. Badya ang lungkot sa boses ni Sean na ikinailang nila. Samantalang si Elias na katabi nito ay patango-tango lang. Hindi naman nila malaman kung paano ba papagaanin ang nararamdaman nito.
"Hindi kasi ako katulad ng kapatid ko. Siya, matalino, mabait, gwapo, gusto ng lahat ng tao. Samantalang ako..." Mapakla itong tumawa habang tinutusok-tusok ang pagkain. "Kapag araw-araw mo na 'yong naririnig sa magulang mo, nawawalan na rin ng epekto. Kaya ayos lang ako. Hindi naman masakit."
Kahit na nakikita nila ang pagtawa nito, hindi naman naitago ng mga mata nito ang sakit na nararamdaman.
"Hindi sa nawawalan ng epekto 'yon." Bumaling ang pansin nila kay Kairos nang magsalita ito. "Namanhid lang ang puso mo. Nawalan ka lang ng gana na labanan ang masasakit na salitang natatanggap mo kaya hinahayaan mo na lang."
Lumamlam ang mga mata ni Sunny dahil sa mga sinabi ni Kairos. Para bang naiintindihan nito si Sean at pamilyar rito ang pinagdadaanan ng lalaki.
May nangyari rin ba kay Kairos?
Sumandok si Sunny nang ulam saka inilagay iyon sa plato ni Kairos. Sinunod niyang nilagyan si Sean pagkatapos ay si Elias.
Umawang ang labi ng dalawang lalaking kaharap samantalang nasanay na sa kaniya si Kairos.
"Iba-iba ang mga tao. Hindi lahat matutuwa sa'yo," aniya kapagkuwan ay nilagyan na rin ng ulam ang plato ni Coffee. "At hindi rin natin maiiwasan na mayroong mas higit sa'tin sa ibang bagay. Pero ibig sabihin rin no'n na may mga abilities ka na wala sila."
She used to do that to herself – comparing what she've become to others. Sa tuwing makikita niya ang mga kakilala na successful na sa buhay, hindi niya maiwasang magkumpara. Hindi niya rin maiwasang isipin kung ano ang kulang sa kaniya at hindi siya naksabay sa mga ito.
However, she learned that every person has their time. Siguro ay hindi pa para sa kaniya kaya hindi pa ito nabibigay.
But that does not mean that she will stop and just wait. That's not how life works.
"Kung palagi mong ikukumpara ang sarili mo sa ibang tao, mawawalan ka ng oras para makilala ng husto ang sarili mo. Hindi mo malalaman kung ano talaga ang gusto mo pati na rin ang kakayahan mo. You just need to focus on being the best version of yourself and everything will fall into place."
Mas lalong namilog ang mga mata nito sa kaniya. Mukhang nagbitaw na naman siya ng mga salitang malalim.
Talagang ku-k'westiyunin na siya ni Coffee sa inaasal niya lalo na at hindi naman siya ganito noon.
"Kahapon ko pa gustong itanong sa'yo 'to," putol ni Elias nang mahimasmasan ito. "Ilang taon ka na ba? Kung makapagsalita ka parang ang dami mo nang napagdaanan sa buhay."
Nagkibit-balikat na lang siya at binigyan ang mga ito ng makabuluhang ngiti.
Hindi niya naman p'wedeng sabihin sa mga ito ang totoo niyang edad dahil baka pagkamalan pa siya ng mga itong baliw.
Buti na lang at hindi na ito muling nagtanong.
Tahimik nilang natapos ang buong lunch time hanggang sa naputol iyon ng paghiyaw ni Coffee.
"'Yong assignment sa Filipino!" tili nito.
Nagtawanan na lamang sila dahil sa pagkataranta nito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro