Chapter 11
"Ngayon ko lang napansin, ang pogi pala ni Kairos," boses iyon ni Eunice.
"Oo nga. Pang-ebook ang awrahan." Parang si July iyon.
Nakarinig ng pag-usog ng upuan si Sunny kapagkuwan ay nagsalita si Leslie. "Ang Kairos ba na tinutukoy niyo ay 'yong nasa kabilang section?"
"Oo, bes. Nakasabay ko kanina sa may gate. Akala ko nga transferee, eh," sagot ni Eunice.
"Taray ng glow up!"
Hindi na alam ni Sunny kung sino 'yon dahil pinatinis nito ang boses na para bang nagpapa-cute.
Nakasubsob ang mukha niya sa armchair habang pinapakinggan ang boses ng mga kaklaseng nag-uusap. Pa'nong hindi niya maririnig ang mga 'yon kung napakalapit ng mga pwesto nito sa kaniya. Lumawak pa ang radar ng tenga niya nang mabanggit ng mga ito si Kairos.
Maingay ang classroom nila dahil wala pa si Ma'am Masaca. Mukhang may pinagkakaabalahan pa ito sa office kaya late itong pumasok.
Ang mga lalaki ay naglalaro ng kung ano sa unahan samantalang ang mga babae naman ay nakikipag-chismisan sa likod. Si Coffee naman na katabi niya ay abala sa pagbabasa ng ebook at iilang ulit na rin siyang nahampas nito dahil siguro sa kilig.
Napadiin ang pagpikit ni Sunny nang tumili ang mga babaeng kaklase niya.
Ang ingay naman nila.
Kung pupwede lang ay pupunta siya sa harap at magsusulat ng noisy, matahimik lang ang mga kaklase niya.
"Sunny," tawag ni Coffee na ikinaangat niya ng ulo. "Punta tayong canteen. Nagugutom ako."
"Sige," mabilis na sagot niya pagkatapos ay umayos ng upo at inunat pa ang dalawang kamay.
Mukhang hindi naman na papasok si Ma'am Masaca kaya okay lang na bumaba sila para kumain.
Nasa third floor kasi ang classroom nila at nasa ground floor naman ang canteen.
Matapos kunin ni Sunny ang wallet sa bag niya, umangkla sa braso niya si Coffee saka naglakad na sila pababa ng building.
"Narinig mo ba ang pinagchichismisan nila Eunice kanina?" bulong ni Coffee sa kaniya.
"Alin?" tanong niya. "'Yong tungkol kay Kairos?"
"Parang 'yong nabasa ko lang sa ebook. 'Yong panget na babae, nakakilala ng poging lalaki tapos binigyan siya ng make over kaya naging popular siya sa school nila," sabi nito na may kasabay pang paghampas sa balikat niya.
Tinaliman niya ito ng tingin. "Hulaan ko ang ending, nagkatuluyan silang dalawa."
"Ang spoiler mo. 'Di ko pa nga tapos basahin eh," nakangusong saad ni Coffee.
"Kaya nga hula, eh. Pare-parehas ba kayo ng binabasang ebook?" aniya saka lumiko sa hagdanan.
Halos lahat kasi ng mga kaklase nilang babae ay nagbabasa ng ebook. Hindi niya lang alam kung ano ang mga title no'n. Ang iba ay nagda-download sa mga cellphone nilang de keypad at ang iba nama'y talagang nagpi-print pa sa papel. Nakita niya nga minsan na naghihiraman ang mga ito 'pag tapos na.
Naalala niya pa noon na isa rin siya sa mga na-adik roon. Pero hindi niya ka-close ang mga nagpi-print kaya nanghihiram na lang siya kay Coffee ng cellphone dahil may ebook reader ito.
"Malay k-."
Naputol ang sasabihin sana ni Coffee nang may marinig sila sa ibaba ng hagdanan. Sa pagkakatanda niya, may maliit na kwarto sa ilalim no'n na kadalasang ginagawang tambayan ng mga estudyante.
Sinundan nila ang mga boses at napadpad nga sila sa dulo ng hagdan. Nadatnan nila roon ang tatlong lalaking estudyante.
Kilala niya ang mga mukha nito. Notorious kasi ang dalawa roon sa pagiging basagulero sa batch nila samantalang ang isa na nakaupo sa sahig ay naging kaklase nila noong 3rd year.
"Ano sa tingin ni'yo ang ginagawa ni'yo?" buong tapang na sabi ni Coffee.
Natuon sa kanila ang pansin ng tatlo. Biglang sumagi sa isip ni Sunny ang mga nangyari noon.
"Tingnan mo sila, oh," turo ni John sa dalawang lalaking nakatayo sa hallway.
Mukhang hindi na naman sila pinapasok ng teacher sa classroom dahil siguro sa late na naman ang dalawa. Tanaw na tanaw kasi nila ang mga ito mula sa malaking bintana ng classroom nila.
"'Di ba dapat expelled na sila? Bakit nandito pa rin sila?" tanong ni Sunny.
"Ang sabi raw kasi hindi naman talaga nila binu-bully si Kent. Sila pa nga raw ang nagligtas sa kaniya no'ng susuntukin siya ni Ian," sagot ni Blue habang sumisipsip ng juice.
Bumulong si Coffee. "Akala ko ba sila ang tinuro ni Kent?"
"Oo nga. Pinatawag pa nga ang mga magulang at lola nila dahil do'n," pagsang-ayon ni Eunice.
"Ewan ko kung anong nangyari," kibit-balikat na sabi ni John. "Tanungin ni'yo na lang kaya si Kent."
Naaalala niyang inamin nga ni Kent na tinulungan lang siya ng mga ito. Mali ang naisumbong nito dahil tinakot raw ito ng grupo nila Ian. Pero nang makita ni Kent na mae-expell ang dalawa sa kasalanang hindi naman nila ginawa, sinabi nito ang totoo sa mga teachers.
"Umalis ka na lang, Kape," sabi ng lalaking naka-itim na matalim ang titig sa kaibigan niya. "Kung ayaw mong madamay."
Kung hindi siya nagkakamali, Elias ang pangalan nito. At ito ang pinakasiga sa dalawa.
Pinameywangan ito ni Coffee. "Sa tingin mo, pagkatapos ng nakita ko, hahayaan ko na lang kayo? Hindi ako ang tipong nagbubulag-bulagan para lang makaiwas sa problema."
"Kung ano man 'yang iniisip mo, nagkakamali ka," saad ng lalaking nakasandal sa may pader na sa tingin niya ay Sean ang pangalan.
"Anong mali sa nakikita ko?" mabilis na sagot ni Coffee rito. "Binu-bully ni'yo si Kent 'di ba? Lagot kayo sa mga teachers kapag nalaman nila 'to."
Tumalim ang tingin ni Elias. "Anak ng!"
"Sandali," pigil niya sa mga ito. Pinagpalit-palit niya ang tingin sa tatlong lalaking naroon. "Kahit sino naman sigurong makakakita ng ginagawa ni'yo, iba ang iisipin."
Umayos ng tayo si Sean. "At ano namang alam mo?"
Naramdaman niya ang paghawak ni Coffee sa braso niya. "Sunny."
Huminga siya ng malalim. "Kung gusto ni'yong maging bad boy ang image ni'yo, fine. Gawin ni'yo. Pero nakakahiya ba talagang tumulong sa iba?"
Gumuhit ang pagkabigla sa mga mukha ng mga ito dahil sa tinuran niya.
Binalingan niya si Kent na nakaupo pa rin sa sahig. "Payo ko lang sa'yo, kung gusto mong matigil ang pananakit sa'yo nila Ian, isumbong mo na sa mga teachers. Siguradong tutulungan ka nila."
Nagsasabi siya ng totoo. Noon kasing nalaman ng mga teachers nila kung sino talaga ang bully, gumawa agad ito ng aksyon kaya naman hindi na nasundan pa ang mga pananakit ng mga ito.
"Walang magbabago kung hahayaan mo na lang sila na ganyanin ka porket mas mahina ka sa kanila," dugtong niya pa. "Tsaka ano ba naman 'yong ikaw na rin ang maglinis ng pangalan ng dalawang 'to bilang pasasalamat sa pagtatanggol nila sa'yo."
"Sunny," tawag ni Coffee sa kaniya. "Ano bang sinasabi mo?"
Ilang sandali niyang pinakatitigan ang dalawang lalaki na hindi pa rin makaiimik saka binalingan si Coffee.
"Wala," aniya. "Tara na sa canteen. Nagugutom na ako."
Hindi na niya hinintay na sumagot si Coffee. Hinila na niya ito palayo roon saka tinungo ang canteen.
Tama na siguro ang sermon niya sa mga iyon para maliwanagan ang mga ito.
*****
"M-may dumi ba sa mukha ko?" naiilang na tanong ni Kairos kay Sunny.
Matagal niya kasing tinitigan ang mukha nito. Hindi maalis sa isip niya ang pinag-usapan ng mga kaklase tungkol sa binata.
Ngayon na mas maaliwalas na ang mukha nito, lumitaw na ang kaguwapuhan na tinatago ni Kairos. Hindi na siya magtataka kung magiging crush ng bayan ang lalaki.
"Wala," sabi niya rito matapos ang ilang minuto. "Ang gwapo mo kasi."
Hindi napansin ni Sunny ang pamumula ng mukha ni Kairos dahil inayos na niya ang mga kakainin nila. Napakamot na lang sa tenga ang kausap na siyang pagdating naman ni Coffee.
"Bakit ganyan ang itsura mo?" puna ni Sunny kay Coffee nang lumapit ito sa kanila ni Kairos.
Nandoon na naman sila sa paborito nilang pwesto tuwing lunch. Nauna na sila ni Kairos dahil sabi ni Coffee ay may kukunin pa raw ito sa locker.
Okay naman ito kanina pero ngayon na bumalik ito, nakabusangot na ang kaibigan at halos umuusok na ang ilong sa galit.
Napasalampak ito sa telang inilapag nila. "'Yon kasing Elias na 'yon, sinisi pa ako dahil na-guidance sila."
Tumaas ang isang kilay niya. "Bakit naman sila na-guidance?"
"May nagsumbong daw kasi na binu-bully nila si Kent kaya ayon, pinatatawag ang mga magulang nila," sagot nito pagkatapos ay isa-isa ng inilapag ang baon nito.
Nangyari pa rin ang nangyari noon.
Kahit na pinagsabihan na niya ang mga ito, hindi pa rin pala nakaiwas ang mga ito. Akala niya ay mababago na niya ang mangyayari sa mga lalaki pero iba pa rin ang naging desisyon ng mga ito sa huli.
"Hindi naman sila nambu-bully, eh."
Binalingan nilang dalawa si Kairos nang magsalita ito.
"Oo, basagulero sina Elias at Sean pero hindi ko sila nakitang nambu-bully ng mas mahina sa kanila," dugtong pa nito nang mapansin ang nagtatakang tingin nila. "Lalo na kay Kent."
"Pareho kayo ng sinasabi ni Sunny," ani Coffee nang nakatitig sa kaniya. "'Di ba iba rin ang tingin mo do'n sa dalawa?"
Siya naman ang binalingan ni Kairos. "Kilala mo sina Elias at Sean?"
"Personally, hindi," sagot niya sabay bukas ng isang tupperware. "Pero alam kong hindi sila masamang tao."
"Pa'no mo naman nalaman?" kontra pa ni Coffee.
Nagkibit-balikat lang siya pagkatapos ay nagsalin ng ulam sa hawak niyang tupperware na may kanin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro