Chapter 10
Isa-isang nilipat ni Sunny ang mga dalang libro mula sa kaniyang bag papunta sa locker niya. Sa totoo lang ay nakalimutan na niyang nagka-locker pala siya noon kung hindi lang siya pina-alalahanan ni Coffee.
Napansin kasi nitong sobrang bigat ng bag niya na dinagdagan pa ng ilang tupperware ng baon niya.
Kaya andito siya ngayon, maagang pumasok at dineretso ang locker area. Balak niyang dalhin lang muna ang pang-umaga nyang mga libro at notebook.
As she was finishing up, she froze when she saw the mp3 player inside her bag. Simula kasi noong nakabalik siya ng 2013, palagi niya na itong dala.
Maingat niya itong kinuha at pinagmasdan.
Magmula nang mapag-desisyunan niyang manatili sa taong iyon, hindi pa siya nagkakaroon ng pagkakataon para mapalapit kay Joshua. Palagi kasi siyang inuunahan ng kaba at hiya.
Alam niyang gano'n na gano'n ang nangyari kaya nawalan siya ng chance para mapalapit sa lalaki.
Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga saka inilapag ang mp3 player sa locker at isinara ang pinto niyon.
Napapitlag siya sa gulat nang pagkasara niya no'n, katabi na niya ang lalaking iniisip.
"Ba't parang nakakita ka ng multo?" natatawang tanong ni Joshua.
Tumukhim siya at inayos ang sarili.
Ito na ang chance na hinihingi mo, girl.
"Akala ko kasi ako lang ang tao rito," aniya.
Isinara nito ang pinto ng locker at hinarap siya. "Ano ba ang iniisip mo at hindi mo 'ko napansin?"
Ikaw.
Napailing siya. "Wala."
"Mr. Gimenez!"
Parehas silang napalingon nang marinig ang boses ni Mr. España sa likuran ni Joshua.
"Pakidala naman ng mga notebooks ninyo sa classroom. Nandoon sa ibabaw ng mesa ko sa office," utos ni Mr. España saka naglakad palampas sa kanila.
Sinundan na lamang nila ng tingin ang guro.
"First subject niyo ba ngayon si Mr. España?" tanong ni Sunny kay Joshua.
Tumango ito bilang sagot.
"Pinapalabas pa rin ba niya ang mga walang libro?"
"Oo," sabi nito saka kinuha ang bag nito na nakapaibabaw sa mataas na locker at binuksan iyon. "Pero bumili na ako ng libro," dagdag ni Joshua nang ipakita sa kaniya ng hawak na aklat.
Tumango-tango si Sunny. "May mga wala pa bang libro sa inyo?"
Kumunot ang noo nito at nag-isip. "Meron ata. May iilan na wala pang libro. Bakit?"
"Wala naman," mabilis niyang sagot rito.
"Ah okay, sige. Kunin ko na ang mga pinapakuha ni sir sa office," paalam ni Joshua sa kaniya saka isinukbit ang bag sa balikat nito.
Matamis niyang nginitian ang binata at mahinang kumaway. "Sige."
Nang makaliko si Joshua sa hallway, napahawak sa dibdib si Sunny at ilang ulit na bumuga ng hangin para pakalmahin ang sarili. Ito na yata ang pinakamatagal na pag-uusap nila ni Joshua nang sila lang at pilit niyang tinatago ang kilig na nararamdaman.
Makaraan ang ilang minuto, muling binuksan ni Sunny ang locker niya at kinuha ang libro sa Filipino saka isinilid iyon sa bag.
Marahan niya ring tinulak ang mp3 player papunta sa sulok ng locker.
Hindi naman siguro nakita 'to ni Joshua kanina. Pangungumbinsi niya sa sarili.
Kung tama nga ang hinala niya at ang mp3 player ang makapagpapabalik sa kaniya sa future, kailangang itago niya ito mula kay Joshua. Hindi pa niya kayang bumalik sa reyalidad.
Matapos isara ang locker, iyon naman ang muling pagdating ni Joshua. Dala nito ang napakaraming notebook at natatakpan nito ang mukha ng lalaki.
"Tulungan na kita," alok niya kay Joshua nang makalapit ito sa kinatatayuan niya.
Sumilip ito mula sa likuran ng mataas na pinagpatong na notebooks at ngumiti. "Salamat."
Kinuha niya ang ilang notebooks sa pinakataas at sinabayan na rin ng lakad si Joshua.
Medyo may kalayuan ang classrooms ng mga fourth year sa office. Napahiwalay ang year nila sa ibang years dahil kulang sila ng classroom kaya napasama sila sa building ng mga college.
Bukod pa roon, nasa 3rd floor sila kaya naman kahit ang mga teachers ay napapagod rin itong akyatin.
"Dalawang beses mo na akong tinutulungan pero hindi ko pa rin natutupad 'yong pangako ko sa'yong libre," basag ni Joshua sa katahimikan.
Mahina siyang natawa. "Ayos lang. Sisingilin na lang kita 'pag nagutom na 'ko," biro niya.
Maka-ilang beses siyang nagnakaw ng sulyap sa lalaki at tinatago ang kilig. Baka mapaghalataan siya at magmukha siyang baliw.
Mga ilang segundo rin silang natahimik nang magsalita uli ang katabi. "Close ba kayo ni Kairos?"
Nagsalubong ang dalawang kilay niya at nagtatanong ang mga matang tiningnan ito.
"Napansin ko kasing madalas kayong magka-usap."
"Ah 'yon ba?" aniya. "Medyo."
Alam ni Sunny na napakalabo ng sagot niya. Hindi niya naman kasi alam ng level ng closeness nila ni Kairos. Baka nga naiinis na 'yon sa pangungulit niya, eh. Hindi lang 'yon nagsasabi.
Tumango-tango si Joshua. "Buti naman."
Kumunot ang noo niya sa sagot nito. "Ano?"
"Buti naman kako at may kaibigan na si Kairos," sagot nito na ikinalito niya. "Alam mo kasi, kahit na magkaklase kami ng ilang taon, ni minsan hindi ko nakitang malapit si Kairos sa kahit kanino. Ni hindi nga iyon nagsasalita kung hindi naman kinakausap."
Akala ni Sunny ay siya lang ang nakapansin sa ugali ni Kairos. Parehas pala sila ni Joshua.
"Tanda ko pa no'ng third year kami, sinubukan kong kaibiganin siya pero nag-away lang kami," natatawang kwento ni Joshua na ikinagulat niya.
Si Joshua makikipag-away? At higit pa ro'n, si Kairos ang kaaway niya?
Parang sinabi na rin nitong nagsabunutan ang dalawang kalbo.
Mukhang napansin naman ni Joshua ang pagkalukot ng mukha niya kaya pinagpatuloy nito ang kwento.
"Dati, madalas niyang tinatakpan ang mukha niya. Kung hindi gamit ang panyo, nagsusuot siya ng face mask. Akala ko pa no'n may sakit siya 'yon pala mailap lang siya sa tao. Pero ako naman itong si makulit, araw-araw ko siyang binubulabog. At mukhang napasobra nga ako isang araw."
"Nagalit siya sa pangungulit mo?" tanong ko.
"Hindi," mabilis nitong sagot. "Nagalit siya kasi sinubukan kong alisin ang suot niyang face mask. Nakita tuloy ng lahat ang tinatago niya sa mukha niya."
"Ano 'yon?"
"May mga pasa siya sa mukha at meron rin siyang sugat sa may baba."
Lumaki ang mga mata niya sa gulat. "Nakipag-away siya?"
"'Yon ang akala namin. Kaya natakot kami sa kaniya. 'Yon rin ang pinaka-unang beses na sumigaw siya. 'Lubayan niyo ko!'" sabi ni Joshua na pilit ginagaya ang boses ni Kairos sa huli. "Kaya simula no'n, nilubayan ko na talaga siya. At pati na rin ng mga kaklase namin."
"Nag-sorry ka na ba sa kaniya?"
"Mukhang galit pa rin sa'kin si Kairos, eh," pagdadahilan nito.
"Pa'no kung naghihintayan lang pala kayong dalawa?" aniya rito na ikinatigil ni Joshua. "Hindi pa naman huli ang lahat para humingi ka ng tawad. Ikaw ang nasa mali kaya dapat ikaw ang magpakumbaba."
Tumigil sa paglalakad si Sunny nang mapansin na huminto si Joshua. Nilingon niya ito at nakita itong tumatawa.
"Bakit?" tanong niya rito.
"Para kang matanda magsalita. Pero tama ka," sabi nito saka nagpatuloy na sa paglalakad.
"Sinabihan mo ba akong matanda? Nakaka-offend ka ah," biro ni Sunny sa seryosong boses.
Binalingan siya ni Joshua. "Hindi 'yon ang intensyon ko. Sorry."
Napalitan ng ngiti ang pagsimangot niya. "O di'ba, ang dali lang magsabi ng sorry?"
Hindi nila namalayan na nakarating na pala sila sa 3rd floor kung hindi nila narinig ang ingay ng mga kaklase nila. Diniretso na nilang pareho ang classroom nina Joshua para ihatid ang mga notebooks na dala nila.
Naunang maglakad si Joshua at nakasunod naman sa kaniya si Sunny pagkapasok nila ng classroom ng 4-Sapphire. Inilapag nila ang mga notebooks saka nag-anunsyo si Joshua.
"Kunin niyo na ang mga notebooks ni'yo rito!" sigaw nito para marinig ng buong klase.
Nag-unahan naman itong kumuha ng mga notebooks kaya napaatras siya.
Kusang hinanap ng mga mata niya si Kairos sa room hanggang sa tumigil ito sa pinakasulok ng kwarto. Nagtama ang kanilang mga tingin at sinensyasan niya ito na lumabas.
Kahit na nagtataka ay sumunod na lang ito at nauna ng lumabas ng classroom. Doon ito dumaan sa kabilang pinto kung saan walang mga tao. Dalawa kasi ang pinto kada room at 'yong isa ay ang mismong kinatatayuan niya.
"Joshua," mahinang tawag niya sa lalaki na ikinalingon nito. "Una na 'ko."
Lumapit naman ito sa kaniya. "Sige. Bawi na lang ako sa'yo sa susunod."
"Okay," sabi pa niya rito saka lumabas na ng room.
Nakita niya si Kairos na nakasandal sa railings sa may hallway at nakatitig rin sa kinaroroonan niya. Mukhang kanina pa siya nito tinitingnan.
Kaagad niya itong nilapitan at binati. "Hello!"
Napa-nguso siya nang hindi siya binati nito pabalik.
"Alam mo bang nakaka-hurt ka?" nagmamakatol niyang sabi rito na ikinaayos nito ng tindig. "Ayaw mo bang binabati kita?"
"Hindi sa gano'n," mabilis na saad nito.
Pero katulad ng ginawa ni Kairos sa kaniya, hindi niya rin ito sinagot.
Her gaze went to his chin. May maliit na peklat roon. Ito siguro ang tinutukoy ni Joshua kanina.
Mukhang nataranta naman si Kairos nang hindi siya umimik kaya muli itong nagsalita.
"Hi," mahinang bati nito habang hinahawakan ang tenga.
Hindi napigilang mapangiti ni Sunny dahil sa ikinilos ng kaharap.
"Nga pala!" biglang sabi niya nang maalala ang sinadya niya sa lalaki.
Binuksan niya ang bag pagkatapos ay kinuha mula roon ang libro saka binigay kay Kairos.
"Baka mapag-initan ka na naman ni sir," sabi niya bago pa ito magtanong.
"S-salamat," nauutal na ani nito.
"Balik mo na lang sa'kin mamayang –," bumagal ang pagsasalita ni Sunny nang matanaw ang dalawang lalaking umaakyat ng bakod. "– lunch."
Napalingon si Kairos nang mapansin ang kinilos niya. Nasa kalagitnaan nang pagtawid ng bakod ang dalawa nang makita rin sila ng mga ito. Nagpalitan silang lahat ng titig, 'di alam ang gagawin.
Dahil sa malayo ang building nila sa office ng mga teachers, hindi nakapagtataka na may ilang estudyante ang nagka-cutting. Wala rin naman kasing gwardya doon lalo na at nasa may likuran na silang parte ng eskwelahan.
Magsisimula pa lang ang araw, magka-cutting na sila?
Nalukot ang mukha ni Sunny nang pakyuhan sila ng isang lalaki.
"Mga batang ito," inis na sabi niya sa sarili.
Binalingan naman siya ni Kairos. "'Wag mo silang gagayahin, ah."
Tumaas ang sulok ng labi nito dahil sa sinabi niya saka tumango.
"May dimples ka pala?" pansin ni Sunny nang makita ang dalawang dimples sa magkabilang gilid ng labi ni Kairos.
Mabilis na binawi nito ang ngiti saka marahang hinaplos ang tenga. Mahinang natawa na lang si Sunny sa ikinilos nito.
"Sus, 'wag ka nang mahiya!" aniya saka pabirong hinampas ang balikat ng kaharap. "Mas bagay sa'yo ang nakangiti," itinuro niya ang gilid ng labi nito. "Lumalabas ang dimples mo. Mas lalo kang guma-gwapo."
Matapos sabihin iyon ay kinawayan at nagpaalam na siya kay Kairos. Magsisimula na rin kasi ang klase nila.
Naiwan na lamang doon si Kairos na halos mapunit na ang labi dahil sa sinabi niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro