Chapter 02
"Ang aga mo atang umuwi ngayon, Shine," puna sa kaniya ng Project Manager matapos nitong makitang inaayos na niya ang mga gamit.
"A-attend po kasi ako ng reunion mamaya," pagdadahilan niya rito. "Nagpaalam po ako sainyo no'ng nakaraan."
"Gano'n ba? Sige. See you on Monday," tanging nasabi nito.
Binigyan niya lang ito ng isang tipid na ngiti saka lumabas na ng opisina.
"Bye, ma'am," rinig niyang sabi ng mga trabahador na dinaanan niya.
Bahagya lang niyang tinanguan ang mga ito bilang sagot.
Pagkatapos niyang makakuha ng lisensya bilang arkitekto, nag-apply siya sa isang malaking kumpanya na ngayon ay pinagta-trabahuan na niya. Maayos naman ang pakikitungo sa kaniya ng lahat ng mga tao roon pero hindi niya maiwasang maging mailap sa mga ito.
Napag-desisyunan ni Sunny na maglakad papuntang centro tutal malapit lang naman ito sa site nila. Makakatipid pa siya sa pamasahe.
Inabot niya mula sa dalang bag ang mp3 player at sinaksak ang earphones niya roon saka sinuot. Iisang kanta lang naman ang laman ng player at 'yon ang paulit-ulit niyang pinapatugtog.
Sampung taon niya ring pagmamay-ari ito at ito lamang ang tanging nakakapag-pakalma sa kaniya tuwing inaatake siya ng anxiety.
Nagpakawala siya ng isang malalim na buntung-hininga saka inangat ang tingin. Napansin niyang nasa gitna siya ng tulay.
Hawak pa rin ang puting mp3 player, nilapitan niya ang railings ng tulay. Pinagmasdan niya ang kulay kahel na langit tanda ng papalubog na araw.
Biglang sumagi sa isip niya ang isang kasabihang nabasa niya.
"Every sunset is an opportunity to reset," bulong niya sa sarili habang malamlam ang mga matang tinititigan ang repleksyon ng langit sa malawak na ilog.
Kung pwede lang i-reset ang buhay, gusto niyang bumalik sa mga panahong masaya pa siya.
Sunshine ang pangalan niya pero ang dilim ng buhay niya. Natipon ng matagal ang mga saloobin niya kaya sobrang bigat ng mararamdaman niya. Dahil din dito kaya napapagod na rin siya.
Pero wala siyang karapatang mag-reklamo. Tumatak sa isip niya na mas malala ang pinagdadaanan ng ibang tao at kapag bumigay siya, sasabihin ng mga tao na nag-iinarte lang siya.
Humigpit ang pagkakahawak niya sa mp3 player nang tumulo ang luha sa mata niya. Marahan niya itong pinahid saka tumingala para pigilan pa ang sunud-sunod na pagtulo no'n. Ilang beses rin siyang huminga ng malalim para pakalmahin ang sarili.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata at nang pagdilat niya, sinorpresa siya ng mga talutot ng dandelion na lumilipad kasabay ng hangin.
Nilingon niya ang lugar kung saan nanggagaling ang mga bulaklak hanggang sa nasilayan niya sa may 'di kalayuan ang isang flower shop.
Hindi niya alam kung bakit may parang magnet na humihila sa kaniya papunta roon. Namalayan niya na lang na nasa harap na siya nito at nakatingala sa signage nito sa labas.
Bighari Flower Shop
Dumako ang tingin niya sa mga bulaklak na naka display sa labas ng shop pero wala roon ang nakita niya kaninang iniihip ng hangin.
"Welcome!"
Napabaling sa kanan si Sunny nang may magsalita sa tabi niya.
It was a beautiful young woman holding a bouquet of flowers.
Kakaiba ang ganda nito na para bang hindi nabibilang sa mundong ito.
Bilugan ang mukha nito, malamlam ang kulay kahel na mga mata, hindi katangusang ilong, at napakakintab ng mahabang kulot na buhok nito. Bumagay rito ang suot na kulay puting floral dress na nagpamalas ang katangkaran nito.
Gano'n ba kalalim ang iniisip niya at hindi niya napansin ang presensya ng babae?
"Pasok ka," aya nito sa kaniya.
Hindi na niya nagawang tumanggi nang iginiya siya nito papasok. Ang mabangong halimuyak ng nga bulaklak ang sumalubong sa kaniya sa loob. Iba't ibang uri ang mga 'yon at lahat ay magaganda.
"Feel free to choose," sabi pa ng babae nang hindi nakatingin sa kaniya.
Inilibot niya ang paningin sa loob ng shop habang pumipili ng bibilhin. Nakakahiya naman kung pumasok siya roon tapos lalabas siyang walang dala. Siguro ay bibigyan niya na lang si Coffee na siguradong ikatutuwa no'n.
"'Yang pink rose po ang kukunin ko," aniya sa babae na agad naman nitong kinuha.
"Ito lang ba ang kukunin mo?" sabi nito habang inaayos ang pinili niya.
Tumango siya. "Sa kaibigan ko naman po ibibigay 'yan kaya okay na po 'yan."
"Hindi mo ba pipilian ang sarili mo?" suhestiyon pa nito na ikinatigil niya.
Ilang segundo siyang napaisip.
Wala naman siyang balak bumili no'ng una pero wala naman sigurong masama kung bibigyan niya ang sarili ng bulaklak, hindi ba?
"May dandelion po ba kayo rito?" tanong niya sa babae na tapos nang ayusin ang bouquet ng pink roses.
Hinarap siya nito na may ngiti sa mga labi. "Kakaiba ata ang hinahanap mo. Ang iba kasi kung hindi rose ay sunflower ang gusto."
Napakamot siya sa ulo. "'Yon kasi ang dahilan kung bakit ako napadpad rito. Nakita ko kanina 'yong mga lumilipad na petals."
Mas lalong lumawak ang ngiti ng kaharap na ikinakunot ng noo niya. "Oo naman, meron ako ritong dandelion. Sandali."
Tahimik niya lang na pinagmasdan ang babae habang hinahanap nito ang dandelion sa kumpol ng mga bulaklak sa gilid.
"Alam mo bang may iba't ibang klase ng dandelion?" saad nito sa kaniya na ikinataas ng dalawa niyang kilay. "Ang nakita mo kanina ay ang uri ng damo. May paniniwala nga na kapag hinipan mo raw ang dandelion puff, dadalhin ng hangin ang hiling mo at magkakatotoo raw ito."
"Naniniwala ka po ba ro'n?" balik tanong niya rito.
"Wala namang mawawala sa'yo kung maniniwala ka," sagot nito.
Muli siyang hinarap nito pero ngayon ay may hawak na itong isang mahabang tangkay ng kulay dilaw na bulaklak. Tinungo nito ang counter pagkatapos ay gumupit ng pulang ribbon saka itinali ito sa tangkay.
Samantalang siya ay napatitig sa malaking salamin na nasa tabi ng counter. Napagmasdan niya mula roon ang repleksyon niya.
Lungkot.
'Yon ang nakaguhit sa mga mata niya. Hindi niya alam kung kailan ba nawala ang mga kislap roon.
Nagising siya mula sa malalim na pag-iisip nang ilahad ng babae ang dilaw na bulaklak. Naguguluhang tiningnan niya ito dahil hindi naman 'yon ang hinihingi niya.
"Nagkakamali po ata kayo, miss," sabi niya rito na hindi pa rin iniiwas ang tingin sa bulaklak.
Mas lalo pang inilapit sa kaniya ng babae ang hawak na bulaklak kaya wala na siyang nagawa kung hindi tanggapin ito.
"Dandelion rin iyan. Ibang uri nga lang. Katulad nga ng sinabi ko kanina, ang nakita mo ay isang uri ng damo at napakadali nitong tangayin ng hangin," pagpapaliwanag nito. "Hindi ba't mas maganda kung tatagal ang isang magandang bulaklak?"
Pinakatitigan niya ang hawak. May point ang sinabi nito. Sayang naman kung isang ihip lang ng hangin ay mawawala na ito agad.
"It symbolizes resilience and passage of time."
Binalingan niya muli ang babae dahil sa sinabi nito.
"It is usually used as a metaphor for life's fleeting nature. Kaya tinutulak nito ang mga tao na i-appreciate ang ganda ng bawat sandali. At katulad ng isang dandelion na kayang mabuhay kahit sa maliit na awang ng konkreto, kakayanin mo ring malampasan ang kahit na anong hirap na dadalhin sa'yo ng buhay," pagpapatuloy nito habang taimtim na nakatitig sa kaniya at may ngiti sa labi.
Hindi alam ni Sunny kung ano ang sasabihin. Kahit na ngayon lang sila nagkita ng babae, hindi niya maiwasang isipin na baka anghel ito.
Sa oras na lubog na lubog na siya at hindi na alam ang gagawin, bigla na lang sumulpot ang shop nito na para bang pinadala ng langit.
At ngayon, lahat ng sinasabi nito sa kaniya ay nakapagpapagaan ng damdamin niya.
She can't help but smile. It was the first time she felt at peace after so long.
"Regalo ko na 'yan sa'yo," sabi pa nito na ikinabigla niya.
"H-hindi," tanggi niya. "Babayaran ko rin 'to. Isabay mo na po do'n sa pink roses."
"I insist. Isipin mo na lang na freebie 'yan. Tutal ikaw naman ang pinili ng bulaklak na 'yan," makabuluhang turan nito.
Hindi naitago ni Sunny ang pagkalito. "Ano pong ibig ni'yong sabihin?"
The lady shrugged her shoulders. "You see, kakaiba ang mga bulaklak ko. Sila ang pumipili sa mga tao kapag nagustuhan nila ito."
Hindi nito napigilang tumawa nang malakas nang mas lalong nangunot ang noo niya sa mga pinagsasabi nito. Sino ba namang hindi mawi-weirduhan sa mga lumalabas sa bibig nito?
Napabuga na lang siya ng hangin habang umiiling. Mas mabuti pang huwag niya nang pahabain pa ang pag-uusap nilang dalawa dahil baka kung saan pa umabot ito at magbago pa ang pagtingin niya sa magandang babae.
"Kung gano'n, salamat po," pagsuko niya saka binayaran ang mga bulaklak at kinuha na iyon pagkaraan ay tumalikod na.
"Mas mainam na ibalik mo ang bagay na matagal ng nasa sa'yo bago tuluyang malanta ang bulaklak," misteryosong sabi nito na muli niyang ikinalingon sa babae.
Magtatanong uli sana siya nang marinig nila ang pagtunog ng chime bells sa may pintuan hudyat na may pumasok roon.
"O siya, sige na at may isang tao na namang napili," pagpapaalis sa kaniya nito.
Wala na siyang nagawa nang makalapit sa kanila ang bagong dating. Pinasalamatan na niya na lang uli ang babae saka nagsimula nang maglakad palabas ng shop.
Sakto namang tumunog ang cellphone niya nang makalabas siya sa shop. Mabilis niya itong sinagot nang makita kung sino ang tumatawag.
"Sunny, nasa'n ka na?" bungad sa kaniya ni Coffee sa kabilang linya.
Oo nga pala, ang reunion!
"Papunta na," sagot niya rito saka iwinagayway ang kamay para pumara ng masasakyan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro