Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

LCIF 26: Kamusta Na, Kuya?











Naupo sila ngayon sa sala ng bahay ni Bebeng. Nasa isang sopang mahaba si Majz, Lance at Makai, habang nasa loveseat naman si Manuel at Korina. Nasa isahang sofa si Bebeng at nakaupo sa armrest nito si Martin at nasa kabilang isahang sofa naman si Sepring.

"Manuel, ano ang plano mo? Hindi ka pwedeng magtagal dito nang hindi kayo ikinakasal ni Korina. Ayokong pag-usapan siya ng mga tsismosa sa San Nicolas. Babae siya, mapapahiya siya." Mahabang litanya ni Sepring.

"Tay, alam n'yo naman na noon ko pang gusto pakasalan si Korina. Hindi lang tayo makapamanhikan sa kanila dahil ayaw ni Mang Tomas." Sagot ni Manuel. May dinukot si Korina mula sa leeg. Isa itong kwintas na singsing ang pendant. Hinubad nito ang kwintas, kinuha ang singsing at isinuot iyon.

"Ito po ang engagement ring binigay sa akin ni Noel noong nagpropose siya sa akin sa bagsakan. Ito pong singsing na ito ang naging dahilan ng galit ni Beatriz sa akin. Itinago ko po ito noong minsan nahuli ko siyang hinuhubad niya ito sa kamay ko. mabuti na lang at nagising ako. Simula po noon kung ano-ano na ang sinasabi niya sa Tatay laban kay Noel at sa akin." Salaysay ni Korina.

"Engaged na pala kayo. Kelan pa?" Tanong ng Tatay nila.

"May mga isang taon at kalahati na po." Sagot ni Manuel. Napasapo si Bebeng sa bibig nito.

"Ang ibig mong sabihin matagal na kayong engaged, eh di dapat matagal na rin pala tayong nakapamanhikan sa kanya." Sambit ni Bebeng. Makikitaan ito ng kilig. Nakangiti si Martin sa asawa.

"Kaya po siguro nagagalit si Mang Tomas." Puna ni Makai.

"Malayo yan sa nakikita kong rason ni Mang Tomas." Saad ni Majz. Napakinit- also Kat si Makai at tumango-tango.

"Matagal na pong gustong mamanhikan ni Manuel sa amin. At sa tuwing magpapaalam siya sa Tatay ay pinalalayas siya ni Beatriz." Paliwanag ng dalaga.

"Anong ibig mong sabihin, Ate Korina?" Tanong ni Makai. "Ano naman ang pakialam ni Beatriz sa gusto ng Kuya." Nakasimangot nitong saad.

"Siya daw kasi ang nakatatanda sa akin kaya dapat siya daw muna ang mauunang mag-asawa bago ako." Sagot naman ni Korina. Napatango-tango si Makai.

"Sabagay." Simple nitong sabi.

"Mabait naman ang Tatay. Gusto nga niya si Noel para sa akin noong una dahil parang katulad ito ni tatay Sepring. Masinop, masipag at makapamilya. Kaya lang simula nung makita ni Beatriz ang pagiging mas malapit namin ni Noel, at hanggang sa malaman nga niyang engaged na kami ay hindi na niya ako tinantanan. Palagi na niya akong ginugulo at binu-bully. Hindi ko lang siya mapatulan dahil nakatatanda nga siya sa akin at naaawa ako sa kanya. Mahal ko ang Tatay at Nanay, ayoko silang nagtatalo dahil sa akin." Tumango-tango ang mga nakatatanda habang nakakunot naman ang noo ng tatlo.

"Bakit ba ganun kasi yang babaeng yan?" Nanggigigil na saad ni Makai.

"Si Beatriz kasi, anak ni Tomas yan sa isang babae na nagmula sa pa sa ibang probinsiya. Nakilala namin ito ni Tomas sa beerhouse sa Bocaue noong birthday ni Romano. Galing kami nang Meycauayan para sa pagbabagsakan ng isda doon. Kinabukasan birthday niya na dapat sana ay sa San Nicolas namin gagawin, kaya lang may kakausapin pa kaming tao ni Romano sa Bocaue para sa dagdag bagsakan kaya nagtigil kami ng isa pang araw doon, nung gabing naghahanap kami ng makakainan napunta kami sa isang maliit na kainan. Hindi naman namin akalain na beerhouse pala iyon pagsapit na ng alas otso ng gabi at may nag-aalay pala ng aliw doon. Matapos kaming kumain ay umuwi na kami sa motel na tinutuluyan namin sa McArthur Highway para matulog na. Ang hindi namin alam ni Romano ay bumalik pala itong si Tomas doon." Mahabang salaysay ni Sepring.

"Tapos po?" Excited na tanong Makai.

"Oo nga, Tay. Ano po ang nangyari tapos nun?" Segunda ni Majz.

"Bakit po bumalik si Mang Tomas doon? Di ba may asawa na siya?" Tanong naman ni Lance. Kita sa mata nito ang disgusto sa magiging resulta ng kwento.

"Bumalik siya doon at dinala niya sa kanyang kwarto yung dalagitang nakilala niya. Kinaumagahan, nakilala namin si Belinda. Ang paliwanag niya sa amin ay naawa daw siya dito dahil napakabata pa nito para masadlak sa ganoong uri ng hanapbuhay. Totoo naman. Desisiete anyos lang ito." Humugot ng malalim na paghinga si Sepring bago nagtuloy ng kwento.

"Ang hindi namin alam, dahil nga sa nakainom na rin itong si Tomas nung dinala ang babae sa kwarto niya, may nangyari pala sa kanilang dalawa nung gabing yun mismo. Naiwan yung babae dahil umuwi na kami ng San Nicolas. Nung maglaon ay napapansin na lang namin ni Romano na palagi na lang siyang umaalis lingguhan. Hindi namin alam kung saan siya pumupunta. Ganun ang palaging nangyayari nang halos mag-iisang taon. Hanggang sa inabot ng dalawang linggong hindi na nauwi si Tomas. Buntis pa lang si Lagring noon sa iyo, Korina." Salaysay niya na kay Korina nakatingin. Matamanamang nakikinig lamang ito sa kanya.

"Balewala na sana yun dahil hindi ko naman na problema yun, pero nag-alala kami ni Soling nung makita naming sumakay ng bus na mag-isa si Lagring papuntang Maynila, kaya nagpaalam ako sa Nanay n'yo na susundan ko si Lagring. Tamang-tama naman na napadaan si Romano noon sakay ng owner jeep niya kaya sinamahan niya ako." Patuloy na kwento ni Sepring.

"Sinundan namin ang bus na sinasakyan ni Lagring hanggang sa bumaba ito sa bayan ng Bocaue. Pumara kami sa malayo ni Romano, nagmasid lang kami kung saan pupunta si Lagring. Sumakay siya ng tricycle at nagpahatid sa isang maliit na kubo sa pinakadulo ng Bambang, malapit sa ilog. Pumara kami ni Romano sa isang malaking puno para hindi masyadong kita ang sasakyan dahil mangilan-ngilan lang naman ang mga kabahayan doon noon. Nakita naming lumabas si Tomas sa kubo na naka-short lang at walang suot ng tshirt, may karga itong sanggol na parang bagong panganak pa lang. Nagulat kami ni Romano nang makita siya namin pero mas nagulat siya nang makita niya ang Nanay mo na nakatayo sa harapan niya." Tumulo na ang luha ni Korina. Nakaalalay lang naman si Manuel.

"Ano po ang ginawa ni Aling Lagring?" Malumanay na tanong ni Majz. Humugot muli ng malalim na paghinga si Sepring bago nagtuloy ng kwento.

"Wala. Walang ginawa si Lagring kaya nga mas lalo kaming natakot ni Romano sa pinagtataguan namin." Sabi ni Sepring.

"Bakit naman, Tay?" Tanong ni Manuel.

"Dahil kinuha ni Lagring yung bata sa kamay ni Tomas, sinampal niya si Tomas at sinabihang wag nang uuwi sa San Nicolas kahit kelan. Doon na daw ito tumira sa kabit niya dahil sila naman ang bagay na parehong ahas. Hindi kami umalis ni Romano ngunit hindi pa rin kami nagpapakita. Lumabas yung babaeng galit na galit, nagulat kami dahil si Belinda ang nakita namin. Minumura nito si Lagring, kung ano-anong pangalan ang itinawag niya sa Nanay mo. Asal palengkera si Belinda pero si Lagring, pinagtawanan lang sila." Tuloy na kwento nito.

"Grabe naman pala kabaliw itong si Lagring. Kung ako yun, tatalupan ko ng buhay ang hitad na yun. Bakit sa may asawa pa siya nagpakamot gayong karaming binata naman pwedeng mag-alis ng kati niya. Ito namang si Tomas kasarap ipakagat sa hantik!" Nanggigigil na saad ni Bebeng. Napangiti naman si Lance at Martin dahil sa nakikitang iritasyon sa mukha ng ginang.

"Hindi mo rin naman masisisi si Lagring na piliing maging kalmado kesa maging bayolente. Buntis siya kay Korina noon at yun ang importante sa kanya." Saad naman ni Sepring. Totoo naman kasi. Bakit ka nga ba makikibagbagan kung pwede namang hindi, di ba?

"Anong ginawa ni Lagring sa sanggol?" Tanong ni Martin.

"Tinalikuran sila ni Lagring na dala yung bata. Hindi naman malapitan ni Tomas si Lagring para kunin ang sanggol dahil natatakot siya na kung ano ang gawin nito sa bata. Iba ang galit na nakita namin kay Lagring noon. Tahimik lang ito, malumanay magsalita pero nakakatakot ang mga mata nito. Susugod sana si Beatriz na may dalang putol na kahoy para saktan si Lagring, tsaka kami lumabas ni Romano sa pinagtataguan namin. Mas lalong nagulat at natulos si Tomas sa pagkakakita sa amin. Nagwala lalo si Belinda nung pinigil ito ni Romano. Nagsisigaw na ibalik daw ang anak niya. Narinig pa namin na hindi daw pwedeng mawala ang bata sa kanya, dahil hindi na daw niya mapanghahawakan pa si Tomas. Huminto si Lagring at ipinasa sa akin ang sanggol. Binalikan niya si Belinda at dinampot ang kahoy. Hinataw niya si Belinda ng isang beses lang at nawalan ito ng malay, tsaka niya sinabihan na magsama na daw yung dalawa pero yung bata ay kanya." Patuloy ni Sepring.

"Nagulat kami ni Romano sa ginawa niya. Lumabas yung matandang lalaki na kapit-bahay nito at nakita nitong nakahandusay si Belinda sa lupa. Lalapitan na sana ni Tomas si Belinda pero pinagbantaan siya ni Lagring. Sabi nito, kung hahawakan mo ang babaeng yan, hinding-hindi ka na makakaapak sa San Nicolas kahit kailan at parehong hindi mo na makikita ang mga anak mo. Tumayo si Tomas, pumasok sa loob ng bahay. Paglabas nito ilang saglit lang ay naka-tshirt na ito at bitbit ang maliit na bag. Kinausap nito ang matanda sa kapitbahay. Tumango naman ang matandang lalaki, tinawag ang asawa nito at anak na dalaga para tulungan si Belinda. Tumalikod na si Lagring at nauna nang maglakad. Sumunod na kami, hawak ko pa rin yun bata. Muntik akong masiraan ng bait sa nasaksihan ko. Hindi ko akalain na magagawa ni Tomas yun." Patuloy niya. Naiiling siya sa sariling kwento.

"Ganun lang? Balik na sila sa dati?" Tanong ni Makai.

"Kasal si Tomas kay Lagring. Kahit saang anggulo n'yo tingnan mag-asawa yun. Desisyon ni Lagring na kunin ang bata sa ina hindi dahil gusto niyang masolo si Tomas, ayaw niya lang na lumaki ang bata na walang kikilalaning ama o di naman kaya ay lumaking malalaman na anak pala sa ibang babae at may pamilya pala ang tatay niya. Yun lang dahilan ang dahilan ni Lagring." Pahayag ni Sepring.

"Kaya pala sinisira niya ang pagsasama ni Ate Korina at Kuya Manuel dahil nasa dugo niya pala ang paninira ng buhay ng may buhay." Galit na sabi ni Makai. "Nakakahiyang mapabilang sa ganyang klase ng lahi ni Eba." Dugtong pa niya.

"Ang bait pala ni Aling Lagring. Isipin n'yo yun, Mang Tomas cheated on her, on purpose, but she maintained her dignity as a wife. Pero bakit ganun ang pakikitungo ni Mang Tomas kay Korina?" Tanong ni Lance. "Di ba dapat magpakumbaba siya dahil Aling Lagring took him back and took care of his child from that woman? And is his child from Aling Lagring." Dugtong pa nito. Napangiti Sepring.

"Ganun nga dapat, eh hindi ko nga alam diyan kay Tomas eh. Bakit ganyan yan umasta ngayon. Talo pa ang mgayvosantong walang nagawang mali sa buhay." Napahugot ng malalim na paghinga si Sepring at maragsa itong ibinuga. "Kaya ikaw, Manuel, wag na wag kang gagawa ng ikasasama ng loob nitong si Korina. Hindi basta-bastang babae yang magiging biyenan mo kaya umayos ka." Dugtong nito. Kinabig ni Manuel si Korina at hinalikan sa gilid ng ulo kaya niya napansin na umiiyak na pala ito ng tahimik.

"Okay ka lang, Teh?" Nag-aalalang tanong ni Majz. Tumayo si Lance para pumunta ng kusina. Hinabol na lang niya ito ng tingin.

"Alam ko po hindi anak ni Nanay si Beatriz, pero alam ko naman pong magkapatid kami. Hindi ko na inalam ang totoong kwento dahil ang sabi ni Nanay ay kwento lang naman daw yun. Nakasanayan ko na rin ang ganun hanggang sa may dumating na babae sa bahay at hinahanap ang Tatay, Kauumpisa pa lang namin mag-college noon." Saad nito.

"Anong ibig mong sabihin Korina?" Tanong ni Sepring.

"Nasa mansyon po ng mga Ricaforte ang Nanay, ang Tatay naman kasama po ninyong pumunta sa Plaridel. Hindi po pumasok si Beatriz dahil nga may lagnat. Umuwi po ako para samahan si Beatriz sa pagkain nung maabutan ko pong may mamahaling sasakyan sa labas at may nag-uusap sa loob ng bahay. Naghintay po ako sa labas ng bahay para makinig na rin ng pinag-uusapan. Nagpakilala po yung babae na siya daw po si Belinda Ortiz. Nakita ko po yung babae, maganda at sopistikada, mukhang mayaman. Siya daw ang tunay na Nanay ni Beatriz. Nung una ay hindi pa naniniwala si Beatriz, pinaaalis niya yung babae. Paulit-ulit na sinasabi ni Beatriz na si Nanay ang Nanay niya. Tumawa lang po yung babae at tinawag siyang hangal. Ipinatatanong nung Belinda kay Beatriz ang buong kwento sa Nanay at Tatay para malaman daw nito ang totoo, tapos ay umalis na yung babae. Ni hindi nga niya ako napansin na nasa gilid lang pinto." Salaysay ni Korina habang umaagos ang luha nito.

"Simula po noon, nag-iba na ang samahan sa bahay. Naging bugnutin na si Tatay. Naging mataray na sa akin si Beatriz. Tapos may mga gabing naririnig kong impit na umiiyak si Nanay. Minsan pa nga po ay nagmamakaawa kay Tatay na tama na. Hindi ko ho alam kung bakit nagmamakaawa ang Nanay. Tapos sa umaga po, nananamlay ang Nanay at antok na antok, kaya kadalasan po itong hindi nakakapunta sa mansyon. Minsan po doon na lang matutulog si Nanay sa mansyon at magpapasama na lang sa akin. Unti-unti, naging mainitin na ang ulo ng Tatay sa akin. Hanggang sa pinagbawalan na niya akong makipagkita kay Noel. Kung hindi lang po dahil sa trabaho at sa mga utos ni T'yang Doray ay baka ikinulong ako ng Tatay sa bahay." Patuloy na salaysay ni Korina.

"Kuya Sepring, hindi kaya..." Hindi na itinuloy ni Bebeng ang sasabihin. Napaantanda pareho ang magkapatid.

"Mahabaging Diyos, wag naman sana." Usal ni Sepring.

"Gaano ba karami ang alam ni Romano sa nangyari noon?" Tanong si Bebeng. Mataman lamang na nakikinig ang iba sa kanila.

"Lahat. Lahat-lahat alam ni Romano. Ako at si Romano ang naging sandalan ni Lagring noon kaya nga selos na selos itong si Doray at galit na galit naman ang Tatay sa kanya dahil iniisip nilang may lihim na pagtitinginan itong si Romano kay Lagring. Hindi lang magawa ang gusto nilang gawin dahil nga sa may asawa ito at si Doray ang niligawan para hindi mahalata ng bayan" Wala sa loob na naisiwalat ni Sepring ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay sukdulan ang galit ni Doray sa nag-iisang taong minahal nito.

"Tay, ang ibig n'yong sabihin si Nanay ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay binata pa rin at hanggang tingin na lang mula sa malayo si Ninong Roman kay T'yang Doray?" Tanong ni Korina. Tumango naman si Sepring.

"Majz, naiisip mo ba ang naiisip ko?" Baling ni Makai kay Majz. Pilya siyang ngumiti sa pinsan.

"Oo, Kai. Buong-buo sa isip ko." Sagot naman niya sa nakangisi ding pinsan.

"Huy, kayong dalawa. Mamaya na yan. Maghanda kayo ng hahapunanin natin at baka tayo ay makatulog ng tirik ang mata." Saway ni Sepring sa anak at pamangkin na makukulit.

"Kuya, kung okay lang sa inyo, mag-order na lang tayo ng lutong ulam, tapos magsaing na lang." Mungkahi ni Martin. Tumango naman ang tatlong dalaga dahil ayaw nilang magluto.

"Bahala kayo, basta sabay-sabay tayong kakain. Tatawagan ko muna si Doray at Romano. Ipapaalam kong nakarating tayo dito matiwasay at nagkita-kita na tayo." Mabilis na napabaling si Majz at Makai kasama na rin si Korina, Manuel at Lance.

"Tay, ano ang sasabihin mo sa T'yang?" Sabay na tanong ni Makai at Majz. Natawa si Lance.

"Ano ang sasabihin n'yo sa Ninong?" Tanong din ni Korina na halos kasabay ni Makai ar Majz. Nawala na ang lungkot sa mata nito.

"You two really have the same wavelength. Akala ko kaming triplets lang ang merong ganyan." Natatawang saad ni Lance. Malapad na ngiti lang isinagot ng dawlang dalaga.

"Yan pa lang ang nakikita mo, Lance. Mas marami pang kalokohang alam yang dalawang yan." Turan ni Manuel na may kasamang pang-iinis sa kapatid at pinsan. Aangal na sana ang dalawa nang sawatahin sila ni Sepring.

"Tama na ya, Manuel. Samahan n'yo ni Lance si Martin bumili ng lutong ulam." Utos ni Sepring sa dalawang binata. Tumalima naman ang dalawa ng walang salitang namutawi sa mga bibig nito.

Sumapit na ang dapit hapon. Maghahanda na sana sila ng hapunan nang may mag-doorbell sa gate sa labas. Nagkatinginan pa ang kabataan na nasa sala lahat at nanonood ng TV. Nasa kwarto naman ang mga nakatatanda.

"Kuya, doon muna kayo ni Ate Korina sa kusina." Utos ni Majz.

"Kung si Mang Tomas yan may daanan doon sa likod. May gate na maliit doon, pumaikot kayo sa gilid pader sa kaliwa, sakayan na ng mga tricycle ang sasalubong sa inyo." Sabi ni Makai.

"Ako na ang magbubukas ng gate." Sabi ni Lance. Tatayo na sana siya nang bumugad si Martin mula kabilang bahagi ng bahay. Galing ito sa kwarto nilang mag-asawa.

"Sino yun?" Tanong nito. Nagkibit-balikat lang sila dahil hindi naman talaga nila alam kung sino ang nag-doorbell. Pagkasabi nun ay naulit na muli ang pagtunog ng doorbell. "Ako na ang magbubukas." Sabi niya sa mga ito. Tumango na lamang sila. Lumabas ng bahay si Martin, naghahanda si Manuel at Korina na pumasok sa kusina nang lumabas ng kwarto si Sepring.

"Anong meron?" Tanong nito. Salitang tinitigan ang mga kabataan.

"May nag-doorbell po. Nilabas na po ng T'yong Martin para bistahan kung sino." Sagot ni Majz, sabay upo. Maya-maya lang ay bumalik na si Martin na may kasamang lalaki. Nakasimangot ito na mukhang iritado sa bisitang lalaki na nakasunod dito.

"Sino yan, Martin?" Tanong ni Sepring sa bayaw.

"Nathaniel daw. Hinahanap si Bebeng." Nakanguso nitong sagot. Mabilis napaangat ng tingin si Sepring.

"Nathaniel?" Gulat niyong sambit.

"Kamusta ka na, Kuya Sepring?"





---------------
End of CFTF2: 26: Kamusts Na, Kuya

Thank you for reading the chapter. Please leave your thoughts, comments or just say "Hi" and tap ⭐️ to vote, and please share the story to friend and let us all give good vibes.

No part of this story/book may be reproduced, copied, screenshotted, or recorded in any form, whether it is written or electronically, without the author's written permission. CTTO for all media used.

💖~Ms J~💖
08.24.19

Can't Fight This Feeling
©️2016 All Rights Reserved
May 3, 2016

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro