Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

LCIF 15: Outreach






Alas onse ng umaga, sa mansyon ng mga Ricaforte, masaganang nanananghalian ang pamilyang Samonte kasama si Martin. Makikita ang tuwa at lubos na kagalakan sa mga taong matagal nang hindi nagkita-kita maliban kay Martin at Bebeng na mukhang nagkakahiyaan pa.

Nangingiti si Majz dahil sa pagkakailangan ni Martin at ng tiyahin. Nakikita naman niya ang malalagkit na sulyap ng isa habang hindi nakatingin ang isa.

Papakatitigan ni Sir Martin ang T'yang Bebeng niya pagkatapos ay iiwas naman kaagad ang lalaki kapag napapalingon ang T'yang niya. Tapos ang T'yang Bebeng naman niya ay pasimpleng hahawiin ang buhok patungo sa likod ng tenga nito na parang teenager sabay pahapyaw na lilingon kay Martin tapos babawiin din kaagad.

"Ang lantong ng T'yang Bebeng, nakakadiri." Nakangiwing bulong ni Makai. Umaarte pa itong animo'y naduduwal.

Nasa maliit na family room sila sa pagitan ng kumidor at ng mismong sala kung saan tumatanggap ng bisita ang mga Ricaforte.

"Huy, Macaria umayos ka ha! Baka mamaya riyan marinig ka ng T'yang, malapnos yang balat mo sa singit sa kurot niyan." Pabulong na saway ni Manuel sa matabil na pinsan.

"Grabe ka Kuya sa Macaria. Mas nakakasuka pa yan kesa diyan sa nakikita nating pabebehan ng dalawang gurang."  Sabay na nagtawanan ang tatlo. Lihim silang tinapunan ni Sepring ng matalim na tingin. Nag-peace sign si Makai sa tiyuhin. Narinig nga sila nito.

"Ayan, narinig yata tayo ng Tatay." Sabi ni Majz na may kasamang paghagikhik.

"Eto naman kasing si T'yang, nagpapabebe pa. Parang akala mo ay uulit ang kalendaryo para makasama uli ang edad niya." Hindi napigil ni Makai ang bahagyang paglakas ng tawa nito dahil sa sinabi ni Manuel.

"Kayong tatlo diyan? Gusto n'yo rin bang mag-asawa at tawa kayo ng tayo." Pagtataray ng T'yang Doray nila. Mas lalo tuloy silang natawa.

"T'yang, hindi naman po dahil sa kami ay tumatawa, mag-aasawa na. Ito naman kasing kwento ko kay Maria Jaise at Maria Kaila ay nakakatawa " Pagrarason ni Manuel. Siya lang ang may kayang barahin ang pagsusungit ng T'yang Doray nila.

Umismid na lamang si Doray dahil alam naman nito na kapag nagkita ang tatlong pamangkin ay puro kalokohan ang alam. Naninibago lamang ito dahil ngayon lang muling nabuo ang tatlong makukulit na Samonte.

Tumalikod na lang si Makai para hindi na makita ang pabebehan ng dalawang pinaglaruan ng tadhana. Napapailing na lang ito.

"Ang hirap siguro niyang mawalay ka sa iyong minamahal tapos hindi mo pa alam kung magkikita pa ba kayo o hindi na." Nagkatinginan si Makai at Majz sa tinuran ni Manuel. Hindi yun nakaalpas sa kanyang paningin. " Oh, bakit? Kwento na." Tanong nito sabay utos.

"Wag mong sasabihin sa mga T'yong at T'yang muna ha, Kuya Manuel." Nag-aatubiling sabi ni Makai.

"So, meron palang kwento? Aba'y ilang buwan pa lang kayong magkasama May ganap na kaagad." Saad nito na kay Majz nakatingin.

"Oh, bakit sa akin ka nakatingin?" Tanong ni Majz na natatawa.

"Eh kanino ba akong titingin?" Tanong nitong nakataas ang kilay.

"Kuya Manuel, ibaba mo muna yang kilay mo kung gusto mo ng kwento." Hirit ni Majz. "Makinig muna kasi, wag assuming." Dugtong pa niya.

"Bilis na kasi, dami pang pasakalye eh." Saad ni Manuel. Hindi sinasadyang napalingon sila sa umpukan ng mga nakakatanda. Wala na ang T'yang Bebeng nila at si Sir Martin ganun din ang iba.

Nagkatinginan sila ngunit mas piniling manatili sa sala dahil gusto nilang magkwentuhan.

"Itong si Makai ay may kasintahan na pala." Panimula ni Majz.

"May pumatol sa iyo, Macaria?" Napangiwi na naman si Makai sa pangalang ginamit ng Kuya Manuel niya sa kanya.

"Ay wow, Kuya. Makapintas akala mo naman siya ay may girlfriend." Pang-iinis ni Makai sa pinsan. Kumunot naman ang mukha nito.

"Ay naku! Wag mo nang ipapaalala pa sa akin at baka puntahan ko ang bahay ng babaeng yun at tanggalan ng isang haligi ang tahanan nila." Aburido nitong sagot. Napataas ng kilay si Majz.

"Ano na naman ba Kuya ang nangyari? Nakialam na naman ba yung kapatid?" Napatuwid ng upo si Majz. Matagal na siyang nagtitimpi sa nakababatang kapatid ng kasintahan ng Kuya niya. Konti na lang talaga at bubunutin na niya isa-isa ang peke nitong pilikmata.

"Teka, siya pa rin ba yung girlfriend mo? Yung may kapatid na parang sinampal ng paleta ng iba't ibang kulay ni Michaelangelo?" Tanong ni Makai. Napunta tuloy ang topic ng usapan kay Manuel imbis na nagkukwento sila Majz ng tungkol kay Makai at sa nawawalang boyfriend nito na si Logan Scott.

"Oo." Maikling sagot ni Manuel. Nagsalubong ang kilay ni Majz at Makai.

"Eh gaga pala siya eh, hanggang ngayon ba ay nagpapakipot pa rin siya sa iyo." Walang preno ng salita ni Makai.

"Hindi na yun nagpapakipot. Wala ng makipot doon at nakuha na ni Kuya. Nanggugulo lang si Beatriz dahil may gusto din yun sa Kuya. Ilang beses na niyang sinubok na akitin itong si Kuya Manuel doon sa bagsakan ng isda na nahuhulog lamang sa pagkapahiya niya, pero ayun, hindi pa rin pala tumitigil." Kwento ni Majz. Mataman lang na nakikinig si Makai.

"Noong nakaraang buwan, inaya kong mamasyal sa Malolos si Korina. Nalaman ni Beatriz kaya nagpilit na sumama. Ang nangyari, hindi na kami tumuloy ni Korina." Patuloy ni Manuel. Halata sa hilatsa ng mukha nito ang di mawaring galit.

"Bakit naman hindi kayo natuloy?" Tanong ni Makai. Nangalumbaba ito paharap sa kay Manuel.

"Kasi gumawa ng eksena itong si Beatriz at kung ano-ano pinagsasabi, kaya kinabukasan, wala na naman sa bagsakan si Korina dahil sa mga pinagsasabi ni Beatriz. Apat na biyernes nang hindi nakakapunta si Korina sa bagsakan. Ang sabi ni Atong, pinagbabawalan daw ni Mang Tomas si Korina na lumabas ng bahay at si Beatriz palagi ang pinapupunta sa bagsakan para magtrabaho sa araw ni Korina." Pagsusumbong ni Manuel sa kapatid at pinsan.

"Eh kung hindi naman pala baliw yang clown na yan eh." Napataas ang boses ni Makai. "Eh bakit hindi mo isuspinde si Mang Tomas? Ano ba ang pinagsasabi ng walang magawa sa buhay na yun sa Tatay nilang walang tino sa sarili?" Tuloy-tuloy na litanya ni Makai.

Humugot muna ng malalim na paghinga si Manuel bago magsalita ngunit naunahan ito ng isang boses.

"Na kesyo magho-hotel lang daw ang dalawang yan doon sa Malolos dahil hindi nila magawa ang maglabas ng init ng katawan dito sa San Nicolas dahil bantay sarado si Korina ni Beatriz at Tomas." Mabilis silang napalingon sa nagsalita sa likuran nila.

"Aling Lagring!" Sabay na sambit ni Majz at Makai.

"Aling Lagring, nandiyan po pala kayo." Si Manuel. Tumayo ito para mag-amen sa matanda. Isa ito sa katiwala ng hacienda Ricaforte.

"Nanay Lagring nga eh." Nakangiti nitong sumesenyas ng kaawaan ka ng Diyos sa binata. "Pagpasensiyahan n'yo na lang si Beatriz, mahal lang talaga nun ang kapatid niya." Malumanay sa turan ng ginang, ngunit makikita mo na may kakaibang lungkot sa mga mata nito.

"Sigurado po ba kayong pagmamahal yun?" Walang preno ng tanong ni Makai.

"Mabuti naman at nakauwi ka na uli dito sa San Nicolas, Makai." Bati ng ginang sa kanya na hindi pinansin ang tanong niya. Tumango at ngumiti na lang si Makai.

"Aling Lagring, hindi ho pagmamahal ang tawag sa ginagawa ni Beatriz. Inggit po yun. Wag po kayong magagalit sa akin, ano ho. Noon pa mang mga highschool pa kami, inaamoy na po niyang bunso n'yo ang Kuya Manuel namin. Kaya lang ho, itong si Kuya Manuel ay kay Ate Korina lang ang mga mata palagi." Wala talagang pabalat ang mga salita ni Makai. Walang bakod.

"Grabe ka naman, Makai. Inaamoy talaga?" Saway naman ni Majz sa pinsan.

"Totoo naman ah. Yun ang ipinagkakalat niya sa mga kaibigan niya. Naamoy na niya daw si Kuya, kaya kung sakaling maging sila ni Ate Korina, tira-tira na lang daw niya ang Kuya." Himig nagsusumbong sa sabi ni Makai. Naiiling na lamang si Aling Lagring.

"Alam ko naman yun, kaya lang wala naman ako magawa. Kung ako lang ang masusunod, matagal nang nakasal yang si Korina dito kay Manuel. Gusto ko itong si Manuel para sa anak ko, kaya lang si Tomas ang away dahil palaging napangungunahan ni Beatriz." Kita ang lungkot sa mga mata ng ginang. Bahagyang nagulat si Majz sa biglang pagpihit ng tono ng pananalita ni Aling Lagring tungkol sa dalawang anak at nais nito para sa anak.

"Aling ---" Naputol ang sasabihin ni Manuel.

"Nanay Lagring nga eh." Sansala nito kay Manuel.

"Nay Lagring, kung itanan ko kaya si Korina at sa Manila na pakasalan? Tapos iuuwi ko na lang siya dito pagkatapos naming ikasal." Parang himig humihingi ng permiso na parang himig nagsasabi ng plano si Manuel.

"Kung gusto mo talaga siyang pakasalan hindi kita hahadlangan, Manuel, pero isipin mo ang reputasyon ni Korina." Sabat ng Tatay nila Majz. Napabuntong hinga si Manuel.

"Tay, naiisip ko lang naman po yun, pero hindi ibig sabihin ay gagawin ko. Ayoko namang mapahiya si Korina ko, mahal na mahal ko kaya yun." Pag-amin ni Manuel. Nangiti si Laging sa narinig.

"Naku! Ito kasing si Tomas ay hindi ko maintindihan. Hindi ko rin alam kung ano ang mga sinasabi ni Beatriz kaya napapagalitan si Korina." Nanggigigil na turan ng ginang.

"T'yong, Aling Lagring, makasabat lang po. Ano po ba ang hanapbuhay ni Mang Tomas?" Tanong ni Makai. Nagkatinginan ang apat dahil hindi nila malaman ang koneksyon ng tanong nito.

"Si Tomas ang katiwala ko sa palayan." Sagot ni Sepring.

"Eh si Beatriz?" Muling tanong ni Makai.

"Siya ang quality controller sa gulayan." Sagot naman ni Sepring.

"Si Korina po? Ano ang trabaho niya?" Tanong ni Makai.

"Sa opisina bagsakan. Accounting." Sagot ni Sepring. " Bakit mo ba natanong?" Dugtong ni Sepring.

"Wala lang po. Nag-iisip lang ako ng paraan. Kung bakit naman kasi yang isang yan ay gigil na gigil sa Ate niya." Napahawak si Makai sa baba niya.

"Kuya, di ba Lunes hanggang Huwebes ka sa gulayan?" Tanong ni Majz. Tumango naman si Manuel bilang pagsagot. "Tapos Biernes ka sa fishport?" Muli niyang tanong, at tumango rin uli si Manuel bilang sagot.

"Ano ba ang inisip n'yo?" Tanong ni Aling Lagring.

"Tay, bakit hindi ilipat si Beatriz sa fishport sa araw na nasa gulayan si Kuya at doon n'yo ilipat si Korina. Tapos kapag hindi pumayag si Mang Tomas, suspendihin n'yo kunyari. Para naman magkaroon ng time si Kuya Manuel at Korina. Tapis kornerin na lang natin si Mang Tomas na payagang makasal ang Kuya Manuel at Korina." Napapailing si Manuel sa taba ng utak ni Makai.

"Macaria, hindi pwedeng gamitin ni Tatay ang trabaho ni Mang Tomas na panakot para pumayag na ikasal sa akin ang anak niya. Bawal yun. Department of Labor and Employment ang makakalaban ni Tatay." Sagot ni Manuel. Laglag ang balikat ni Makai at Majz.

"Eh, ano ang magandang pwedeng gawin at atat na itong si Kuya na mapakasalan si Ate Korina." Padaskol na isinandal ni Majz ang likod sa sandalan ng sofa, himig napipikon. Tahimik lang si Aling Lagring na parang nag-iisip.

"Eh di itanan mo, nang sa ganun ay wala nang magawa si Tomas." Sagot ng bagong dating na boses.

"Martin. Ganun din ba ang gagawin mo kay Bebeng?" Tanong ni Sepring.

"Yun naman talaga ang gusto kong gawin noon pa man dahil ayaw ng Tatang n'yo sa akin. Kaya lang dahil sa pagkakasakit ni Papa, napag-urungan kami ni Benita ng panahon kaya hanggang sa nakamatayan na lang ni Mang Manolo ay hindi ko man lang naipaglaban sa kanya si Bebeng." Pahayag ni Martin.

Nanlaki ang mga mata ni Majz at Makai nang makita ang pagkakaakbay ni Martin sa balikat ni T'yang Bebeng at sumandal pa ang ulo nito sa balikat ng lalaki. Nagkatinginan silang dalawa at pinigil na wag mapatili sa kilig.

"Aling Lagring, papayag ba kayong itanan nitong pamangkin ko ang panganay n'yo?" Tanong ni Doray na nakasunod din pala sa dalawang magkaakbay.

"Kung si Manuel ang aalok sa anak ko? Payag na payag ako, kesa naman doon sa anak ni Mayor na si Valentin. Gustong patusin nun ang lahat ng kabataang nakapalda dito sa bayan natin, pati yata poste eh." Halata ang pagkairita sa mga mata ng matanda. Nangiti si Majz.

"Yun ba ang gusto ni Tomas para sa panganay mo?" Nakakunot ang noong tanong ni Sepring. Tumango si Lagring. Nagkatinginan si Doray at Majz.

"Eh nanligaw din yun dito kay Maria Jaise noon, nabasted nga lang." Sabat ni Doray.

"At kung nandito rin si Maria Kaila nang mga panahon yun ay baka pati ito ay naligawan din nun." Singit ni Bebeng.

"Di ba naging usapan din dito sa atin na may nakakita daw na magkasama itong si Valentin at Beatriz sa isang bar sa kabilang bayan?" Walang ring preno ang bibig ni Doray kapag naumpisahan nang magsalita. Hindi man lang inisip na kasama nila ang ina ng dalaga.

"Rhodora!" Sansala ni Sepring. "Yang bunganga mo. Mahiya ka nga kay Lagring." Nagtaas lang ito ng kilay at tumalikod.

"Hayaan mo na, Sepring." Saad ni Lagring. Naiiling na lang ito. "Nakarating na sa akin yan. Pero syempre, magaling talagang humabi ng kwento itong anak ni Tomas." Dugtong nito. Walang may nakapansin sa huli nitong sinabi. Panandalian silang natahimik.

"Kelan mo iaalok yan sa anak ko, Manuel?" Nagulat silang bahagya sa tanong ni Aling Lagring kahit pa na yung topic ng kanilang buong pag-uusap.

Tahimik lang si Manuel, nag-iisip. Mataman lang itong pinakatitigan ng mga magulang at kapatid.

"Kung naguguluhan ka dahil sa bilis ng mga pangyayari ay ayos lang. Pag-usapan n'yo ni Korina mamaya dahil siya ang magsusundo sa akin dito." Makikita ang lungkot sa mga mata ni Aling Lagring.

Maging ito man ay hindi na sang-ayon sa ginagawa ng asawa sa anak ngunit hindi naman makontra ang asawang naniniwala kay Beatriz lamang.

"Kuya, uuwi kami sa Lunes ng umaga. Kung gusto mo umalis kami ng Linggo ng gabi at isasama na namin kayong dalawa." Pahayag ni Majz. May lambing ito at puno ng pang-unawa at pagmamahal.

"Nandiyan ang van, baka gusto n'yong ako na ang maghatid sa inyo?" Pagpipresenta ni Martin.

"Pakasalan mo muna ang kapatid ko bago ka makasama sa bahay niya sa Maynila." Madiin na tugon ni Sepring na matiim na nakatitig kay Martin.

"Matutupad, Kuya Sepring. Pinaalam ko na kay Judge Umali. Tutungo tayo bukas sa bahay niya sa ibayo pagkatapos mag-almusal." Pahayag nito sabay halik sa sentido ni Bebeng. Kinilig si Majz at Makai kaya napatili na sila nang tuluyan.

Humiwalay na sa kanila si Aling Lagring at Manuel. Napili nilang mag-usap ng masinsinan na malayo sa pamilya ng binata. Hindi yun nakaalpas sa pansin ni Majz. Nangingiti siya. Sa wakas ay mas magiging masaya na ang Kuya niya.

"Sir Martin, nandiyan po si Mayor at si Atong, may kasama po silang taga-Maynila." Anunsyo ng isang katiwala ng mansyon.

"Paki patuloy na lang po sila, Aling Iska." Malumanay na utos ni Martin sa katiwala. "Tara, puntahan natin sa sala kung sino itong kasama ni Mayor Manalang." Aya ni Martin sa kanila.

Nagulat at natulos si Majz sa kinatatayuan niya ng makita ang isa sa mga lalaking dumating. Lance?! Sigaw ng isip niya.

"Kuya Sepring, pasensiya na kung dito ko sila dinala." Paghingi ni Atong ng paumanhin. "Nagtungo sila bahay, gusto daw po nila kayong makausap." Dugtong pa nito.

Maagap ngunit may pag-iingat na lumapit si Manuel kay Majz sabay akbay. Nakita ni Majz ang pagguhit ng sakit sa mga mata ni Lance. Anong meron? Bakit siya nandito? Paano niyang nalaman? Tanong na tanging sa isip niya lang nabigkas.

"Ayos lang, Atong. Sige na. Iwan mo na sila dito, kumain ka na muna bago ka bumalik sa bahay." Utos niya sa kaniyang katiwala. Si Renato o Atong kung tawagin, ang palaging kasa-kasama ni Sepring kapag busy sila o kapag wala si Manuel.

"Salamat Kuya." Mabilis nitong sagot at tumalima na. Sinamahan ito ni Iska papuntang kusina.

"Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo?" Tanong ni Sepring habang inilahad ni Martin ang kamay sa mga bagong dating at sabay mwestra na rin ng mga upuan.

"Maupo muna kayo." Saad nito. "Lagring, pahingi nga ng maiinom ng mga bisita." Utos nito sa katiwala.

Umipod si Makai, Majz at Manuel sa kabilang bahagi malapit sa ama para bigyan ng daan ang mga panauhin.

"Mr. Samonte, kung naalala n'yo noong may lima o anim na taon nang nakakaraan, nagkaroon po ng pa-contest sa eskwelahan na sinalihan nitong dalawa ninyong dalaga na kapwa naman nanalo bilang grand prize kaya napakaganda naman po ng technology learning center ng ating highschool." Mahabang pasakalye ng nagbibidang Mayor nila, si Eduardo Manalang, anak ng dating Mayor na kapatid ng cassanova ng San Nicolas na si Valentin Manalang.

"Hindi namin nakakalimutan yun Eduardo." Matipid at seryosong sagot ni Sepring. "Hindi pa mayor ang tatay mo noon kaya maraming project na nagagawa sa bayang ito." Maanghang na dugtong ni Sepring na bahagyang nagpatahimik kay Mayor Manalang.

"Nandito po ang nag-sponsor ng event na yun." Nilingon nito ang apat na lalaking kasama. "Sila po si Mr. Aaron Scott ng Scottsdale Empire, David Villasis ng sikat na Paperkutz, Inc., Ang kanilang apo na si---" hindi natuloy nito ang sasabihin dahil nagsalita si Majz.

"Lance Muriel Scott." Wala sa loob niyang nasambit ang pangalan nito. Pabulong lang yun ngunit sapat na para marinig ng lahat na naroroon. Napalingon ang lahat sa kanya.

"Natatandaan mo siya, hija?" Tanong ng mestisong lalaki na ipinakilala bilang Mr. Scott. Hindi makasagot si Majz. Nakatitig lang siya sa binata. Ano ang ginagawa niya dito? Tanong niya sa sarili.

"Ah hindi po, pero kilala namin siya ni Majz dahil model po namin si Lance sa pinagtatrabahuan namin na ad agency." Si Makai na ang sumagot. Napalingon siya na pinsan na magkasalubong ang kilay. Nariringgan niya ito na parang kinikilig.

"Hindi siya ang model natin kundi yung kapatid niya, si Logan, yung boyfriend mo." Hindi man nakasigaw na sabi ni Majz, pero parang bombang sumabog sa pandinig ng lahat ang anunsyo niyang yun.

"Boyfriend?" Sabay-sabay na bulalas ni Sepring, Bebeng, Manuel, Aaron, David at Doray. Napapikit si Majz. Napayuko naman si Makai.

"I'm sorry, Kai." Sambit ni Majz sa mababang boses. Yun pa sana ang ikukwento nito kanina sa pinsan bago pa ipaalam sa mga tiyahin at tiyuhin.

"You mean, Logan have a girlfriend and this beautiful girl here is The One?" Nakatitig ang mga mata ng dalawang nakatatandang lalaki sa dalaga. Pulang-pula naman ito.

"I'm really sorry, Kai." Pag-ulit niya. Halos ayaw pang lumabas ng boses ni Majz mula sa lalamunan niya. Alam niya na hindi dapat sa kanya manggagaling yun.

"Yun ba ang gusto mong ikwento kanina sa akin, Maria Kaila?" Tanong ni Manuel. Tumango si Makai. Hihirit pa sana si Doray ngunit pinigil ni Sepring at Bebeng.

"Sasabihin ko naman po talaga sa inyo, kaya lang kung sakali naman pong hingiin ninyong dalhin ko siya dito para ipakilala sa inyo ay hindi ko naman po magagawa." Halos naluluha na sabi ni Makai. Ayaw na ayaw pa naman nito ang nakaharap sa spotlight.

"Bakit hindi mo magagawa?" Tanong ni Sepring.

"Dahil nawawala si Logan." Si Bebeng na ang sumagot. "Ngayon alam ko na kung bakit ganun na lang ang reaksyon mo nang magkaalamang hindi si Logan ang kaharap natin kundi si Muriel." Mataman lang nakikinig ang mga apuhan ni Lance at ang Tatay ni Majz.

"Paano mong nalaman ang lahat ng ito. T'yang." Tanong ni Manuel. Nagkatinginan si Bebeng at Lance ganun na rin si Makai at Majz.

"Sinundan po ako ni Lance pauwi after ng TVC shoot namin para kausapin ako ng tungkol kay Logan." Pag-a-alibi ni Makai. Hindi nito alam kung alam ba ng T'yong Sepring nila na may boarder ang tiyahin.

"So, magkakatrabaho kayong tatlo?" Tanong ng Mayor. Tumango naman silang tatlo. Napayuko si Lance. Di kinakaya ang titig ng Doray sa kanya, habang nakangiti lang si Bebeng sa kanya.

"Ano po ang sadya n'yo dito sa amin?" Tanong ni Doray.

"Ano po ang kailangan n'yo sa kapatid at pinsan ko?" Tanong ni Manuel. Napansin ni Majz ang marahas na pag-angat ng tingin ni Lance at ang kakaibang kislap nito sa mata. Tumikhim si David bago nagsalita.

"Gusto lang naming makipag-ugnayan sana sa inyo, Mr. Samonte. Kung hindi ho ninyo natatandaan, nandito po kami sa bayan n'yo noon tuwing summer. Nagdadala po kami ng mga doctors, nurses, dentists at mga nutritionists." Panimula ni David. Tahimik lang nakikinig ang lahat.

"Naisip namin ni Balae na matagal na ring hindi namin nabibisita ang San Nicolas kaya kung mamarapatin po ninyo na makagawa uli kami dito ng outreach program para naman mabalikan namin ang mga bagay na nagbigay sa amin ng maraming aral." Dugtong ni Aaron.

"Ano po ang ibig n'yong sabihin?" Tanong ni Sepring.

"Ang hindi ho ninyo alam, nung mga panahong napupunta kami dito tuwing summer, sumasama po aming mga apo, itong si Lance, Logan at Leland. Marami silang natutunan dito. Dahil po sa outreach na yun kaya nag-doctor si Lance, naging sundalo si Leland at itong si Lance naman ay pinatuunan ng pansin ang management side para maayos na mapatakbo ang Scottsdale foundation." Paliwanag ni Aaron.

"Ano naman po ang kinalaman namin tungkol diyan. Hindi naman po sa pagmamataas, pero hindi naman po kami ang mayor. Dapat po siya po ang kausapin n'yo." Turo niya sa kanina pa nakasimangot na mayor. Sasagot na sana ang mayor ngunit hindi na hinayaan ni David na magsalita ito.

"Alam po namin yun pero hiling po namin sana na masamahan kami nitong mga anak n'yo sa panahong gagawin na namin yun. Wag po kayong mag-alala Mayor Manalang, hindi po namin kakalimutan ang opisina ninyo pero sa amin po lahat manggaling ang gamot, ang tauhan, ang mga gagamiting lamesa at upuan pati na rin ho ang tent. Maging ang mga magiging volunteer ay sa amin na rin manggaling." Anunsyo ni Aaron.

"May malaking event planning business ang anak kong si Brielle at sigurado akong kompleto ng lahat ng aming kakailanganin. Ang amin lang pong hiling ay kung pwede sa inyo kami makituloy." Dire-diretsong saad ni David. Mabilis na nilingon ni Lance ang Lolo Pops niya.

"Lolo Pops..." Sambit niya na walang naidugtong.

"Kelan n'yo naman po balak na gawin yun?" Tanong ni Martin. "Kung okay lang sa inyo, bukas naman po itong mansyon namin para sa inyo kung matutuluyan lang ang kakailanganin ninyo. Ako nga po pala si Martin Ricaforte." Pakilala ni Martin ng hindi kumibo si Sepring. Alam nitong nag-iisip ng sasabihin ang future bayaw niya.

"Are you related to Nicandro Ricaforte?" Tanong ni David. Tumango si Martin.

"Yes, he was my father." Maikli nitong sagot.

"Matalik na kaibigan ni Papa ang Papa mo." Simple nitong sagot. Ngumiti lang si Martin.

"Uhm... Mr. Scott. Pwede naman po kayo doon sa bahay namin. Maluwag po doon at paniguradong matutuwa ang Daddy na sa bahay kayo manunuluyan." Pag-aalok ni Mayor Edward. Umiling lang na may kasamang ngiti si Aaron.

"We are sorry to decline your invitation, Mayor. It is our foundation's tradition to stay closer to the people we help and live a simple life like them while we are on our medical missions. To accomplish that we make it a point na mamumuhay din kaming katulad nila, payak na pamumuhay." Si Lance na ang sumagot. Sa wakas nakapaglabas na rin siya ng boses niya. Nakaramdam ng paghanga si Majz sa tinuran ng binata.

Nagtagisan sila ng titig ng mayor. Sa edad na 24, ni minsan ay hindi siya natakot na humarap kahit na kaninong negosyante at politiko, kay Majz lang siya tupi. Pagdating lang kay Majz nawawala ang tapang niya, dinadaga siya hanggang umabot sa inatake siya. Si Majz lang ang nakakapagpabahag ng buntot niya at nakapagpabaliw ng sistema niya... pero hindi na ngayon.

"I would like to formally invite you, Jaise and McNight to join us during our outreach. I will ask Tita Ella to have all our schedules work around that time." Humugot ng malalim na paghinga si Majz bago pa sana sasagot ngunit hindi na niya natuloy dahil sa biglang pagsasalita ni Manuel.

"Nanliligaw ka ba sa kapatid ko?"





--------------
End of LCIF 15: Outreach

Thank you for reading.the chapter. Please leave your thoughts, comments or just to say Hi, tap the 🌟 to vote, and let's share the story and give good vibes. CTTO Media used.

💖 ~ Ms J ~ 💖
08.02.19

Lights! Camera! I've Fallin...
©All Rights Reserved
March 15, 2016

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro