LCIF 14: Wagas Magmahal
"KUYA! Mabuti naman at nakarating na kayo. Kanina pa aliligaga itong si Doray at hindi mapakali. Hindi nga yan nakatulog kagabi sa kaaatungal." Natatawang bati at bungad ni Bebeng sa nakatatandang kapatid.
"Bakit naman umiiyak?" Tanong nitong nakakunot ang noo at nagtataka. "Dapat nga magsaya siya dahil nakauwi na ering anak-anakan niyya." Dugtong pa nito.
"Magandang umaga po, T'yang Bebeng, T'yang Doray." Maagap na bati ni Majz sa mga tiyahin at mabilis na nag-amen. Ganun din ang ginawa ni Manuel.
"Kaawaan kayo ng Diyos." Humihikbing usal ni Doray matapos nilang amenan na magkuya. Gustong matawa ni Majz ngunit pinipigil niya ang sarili dahil ayaw niyang mapagalitan ng tiyahin.
"Hoy, Bebeng! Tinatanong kita kung bakit umiyak yang si Doray kagabi 'ikamo?!" Pabulyaw na pag-ulit ni Sepring sa tanong nito.
Hindi pa rin matigil sa pagtawa ang kapatid, habang ang nakakababata naman ay namumugto at namumula pa rin ang mga matang nagbabadya na naman yatang umiyak.
"Pinagtatawanan ako, akala mo siya'y hindi rin umiyak. Hindi ako makapagtulog kagabi dahil hindi pa ako dalawin antok sa katotohanan na nakauwi na ang anak ko. Nakakatawa ba yon?" Naiinis man ang mukha ni Doray sa pabubuska ng kapatid ay mariringgan mo naman ng pagkagiliw ang tinig nito.
"Benita, ano ba ang nakakatawa doon kung ganun nga?" Tanong ni Sepring.
"Wala naman, Kuya. Natatawa lang ako dahil ang tanda na niya pero kung makaatungal sa pag-uwi ni Makai ay parang bata naubusan ng kendi." Natatawa pa ring saad ni Bebeng. "Hindi nakatulog nang maayos itong si Maria Kaila kagabi dahil napakaligalig naman nitong si Rhodora." Dugtong pa niyang lalong nagpasimangot sa kapatid.
"Naku, T'yang Bebeng, tigilan n'yo na ang pagtawa, baka kabagan pa kayo niyan eh." Sabat naman ni Manuel na natatawa na rin pero pinipigil ang sarili dahil naiiyak na naman ang T'yang Doray niya.
Niyapos ni Makai si Doray, ganun din ang ginawa ni Majz. Napangiti si Sepring dahil kahit kulang sila ay parang kompleto na rin dahil nakita na niyang muli ang pamangkin, ang tanging alaalang naiwan ng mahal na bunso nilang si Aning.
"Ay hala si T'yang Bebeng oh, kung makatawa, eh para yatang gusto nang mag-asawa." Mabilis na napalis ang tawa sa mga labi ni Bebeng sa tinuran ni Majz. Nakaani iyun ng matalim na tingin mula sa tiyahin. Mag-peace sign siya dito.
"HUY, Maria Jaise, tigilan mo ako! Wag kang makasali-sali sa asaran naming magkapatid at baka hindi kita matantiya." Natawa si Majz sa pagpipilit ni Bebeng na maggalit-galitan.
"Ay naku rin, T'yang. Hindi ako naniniwala diyan sa galit n'yo dahil yang mata n'yo ay sobrang masaya at nanlalaki pa yang butas ng ilong n'yo." Patuloy na panunukso ni Majz kay Bebeng. Susugod na sana ng kurot si Bebeng ngunit mabilis na naiharang ni Majz si Manuel sa harapan niya na tumatawa din.
"Alam n'yo, tama itong si Majz eh, napansin ko rin na sobrang saya ng mata ni T'yang ngayon. Kanina pa pala yan?" Sabat ni Makai. Naasiwa si Bebeng dahil kahit na ang mga kapatid niya ay nakatitig na rin sa kanya.
Pinamumulahan ito ng pisngi na ngayon lamang napansin o nakita n Majz. May kakaiba dito. Mas lalo yatang lumutang ang ganda ng tiyahin. Sabagay, 50 pa lang naman ito, bata pa kung tutuusin.
"Uy, Bebeng. Ano ang nakita mo sa palengke kanina?" Tanong ni Doray. Matanda man ang isa sa kanila ay hindi nagtatawagan ang magkakapatid na babae ng Ate, tanging si Sepring lang ang tinatawag nilang Kuya. 54 si Sepring, 49 si Bebeng, 48 si Doray at kung nabubuhay lang si Aning ay 47 na ito ngayon.
Napalunok ng laway si Bebeng. Hindi niya naisip na may pang-aasar palang hawak si Doray laban sa kanya. Nilingon niya tuloy ang dalawang bagong dating na pamangkin para paningkitan ng mata. Hindi naman siguro maaalala ni Doray ang balang yun kung hindi dahil sa dalawang makukulit na anak ng Kuya Sepring nila. Kundangan naman kasi at hindi siya nag-iisip bago pinagtawanan ang hindi maubusan ng luha na kapatid.
"Ano ba ang pwedeng makita sa palengke na kaaya-aya at aakalain ninyong nagpasaya sa akin?" Mataray niyang tanong kay Doray na nakataas ang kilay.
Naiiling na nagkatinginan sila Makai, Majz at Manuel. Supil ang mga tawang kanina pa gustong ilabas.
"Tama na yan." Malambing na saway ni Sepring sa dalawang kapatid. "Tayo nang mag-agahan at ako ay nagugutom na. Tayo na sa hapag-kainan. Wag papaghantayin ang biyaya dahil baka ito ay nagtampo at umalis." Dugtong pa ni Sepring. Nagkatinginan sila Doray at Bebeng. Sabay na bumunghalit ng tawa. Nangunot ang noo ni Sepring.
"Tang? Ikaw ba yan?" Kunwari'y nanginginig ang boses na tanong ni Doray. Alam ni Majz na nag-iinarte lang tiyahin.
"Tang, ipagsisindi ka naman namin ng kandila sa pagdalaw namin inyo ni Inang bukas, wag mo lang gamitin ang katawang lupa ni Kuya para kami ay iyong multuhin." Pigil ang tawang saad ni Bebeng. Nakakuyom ang parehong mga kamao nila ni Doray sa pagpipigil na wag matawa.
"Mga hudyo!" Singhal ni Sepring sa dalawang kapatid na nasisiraan na ng bait.
Hindi na talaga nakayanan ng dalawa at umihit na ng tawa habang ang tatlong nakababata ay napapailing na lang at napapakamot ng kani-kanilang mga ulo na may mga ngiti din naman sa mga labi.
Natutuwa si Majz dahil parang naibalik na rin ang saya ng pamilya nila kahit kulang sila ng dalawa, wala ang Nanay niya at ang T'yang Aning nila.
Sumunod na lang silang tatlong nakababata sa tatlong nakatatanda na hindi pa rin matigil sa pagtawa ang dalawang babae.
Natawag na nga silang pareho na hudyo ay tawa pa rin sila ng tawa. Naiiling na nangingiti na lamang silang tatlong dahil sa masayang tunog ng tawa ng dalawang tiyahin.
"Tawa ng tawa, gusto mo na bang mag-asawa, Bebeng?" Biglang tanong ni Sepring habang umupo sa kabisera ng lamesa. "Pwede mo namang gawin. Wala na ang Tatang para hadlangan kayo." Makahulugang sambit ni Sepring. Agad namang nabura ang tuwa sa mukha ni Bebeng sa narinig, ganun din si Doray. Lihim na nangiti si Sepring.
Nakita ni Majz ang pagkislap ng mata ng Tatay niya. May kulit din palang tinatago ang Tatay, naisip niya, ngunit mas minabuting wag na lamang magsalita.
"Kuya, sino naman ang papatol sa kulubot na balat nitong si Benita? Maliban sa makunat na, wala pang katas at ang masama pa, wala na rin yang asim." Nang-aasar na turan ni Doray. Mabilis na tinapunan ni Bebeng ng matalim na tingin ang kapatid bago nagsalita.
"Gumaganti, Rhodora? O baka gusto mong puntahan ko si Romano sa kabilang bayan na hanggang ngayon ay naninikluhod pa rin sa iyo." Natahimik si Doray sa panunupla sa kapatid. Sinamantala yun ni Majz para magsalita.
"Kuya Manuel, magpasalamat na muna tayo." Susog niya sa nakatatandang kapatid. Tumango naman ito.
Pinagsalikop ni Manuel ang mga kamay at yumukod. Ganun na rin ang ginawa ng lahat.
"Maraming salamat Panginoon, sa biyayang nakalatag sa aming harapan. Basbasan N'yo po ito upang maging kasangkapan para palakasin ang aming pisikal na pangangatawan nang sagayun ay magawa namin ang aming mga gawain sa araw-araw. Salamat Panginoon sa mga kamay na nagtulong para sa paghanda ng pagkain na ito, nawa po ay maging malakas pa po sila ng marami pang taon. Amen." Pagtatapos ni Manuel. Ngumiti ang mga tiyahin sa nag-iisang pamangking lalaki.
"Amen!" Sabay-sabay na sagot naman ng lahat.
Panandaliang natahimik ang bawat isa dahil naging abala na sila pagkuha ng pagkain. Ilang sandali pa ay nag-uumpisa na silang kumain. Mamaya lang ay nagsalita si Sepring.
"Dumaan pala sa bagsakan noong isang araw si Martin at kinakamusta ka." Sambit ni Sepring. Napaubo naman si Bebeng dahil sa pagkabigla. Maagap na inabutan ni Manuel ito ng isang basong tubig.
"Magdahan-dahan sa pagsubo, Bebeng. Hindi ka mauubusan ng pagkain." Sita ni Doray sa kapatid. Naiinis man siya dahil pinagmumukha siyang matakaw nito ay binalewala na lang niya muna, babalikan na lang ito mamaya. Mas interesado siya sa sasabihin ng nakatatandang kapatid.
"Benita, matanong ko lang. Kayo ba ni Martin ay wala nang pag-asang magkabalikan? Biyudo na siya, matagal na." Hindi alam ni Majz kung nagbibiro lang ang Tatay niya o totoo talaga ang sinasabi nito. Sa kwento ng T'yang niya, ang Tatay niya ang ayaw kay Sir Martin.
"Kuya, kung ako ay mag-aasawa, dapat ay noon ko pa ginawa." Matamlay nitong sagot.
"Bebeng, alam na ng Kuya ang kwento n'yo ni Martin." Mabilis na napalingon si Bebeng sa matabil na kapatid.
"Dahil ikinuwento mo, ganun ba?" Tanong niya dito. Hindi naman himig nanunumbat pero syempre may himig na kung ano din na makapagsasabing hindi siya sang-ayon na nalaman ng Kuya nila ang tungkol sa kanila ni Martin, baka mamaya kung ano naikwento niya sa kapatid, mas lalo pang magalit.
"Wag si Rhodora ang pag-isipan mo ng ganyan, Benita. Si Martin mismo ang nagkwento sa akin nung nagpunta siya doon sa bagsakan." Panimula ng Tatay niya dahil nahihimigan niyang may kasunod pa ang sasabihin nito. "Kayo pala ay magtatatanan sana nung ikaw ay unang lumuwas ng Maynila. Hindi lamang natuloy dahil hatinggabi pa lang ay iniluwas na nila ang ama niya sa Maynila para dalhin sa ospital." Nag-angat ng tingin si Bebeng sa tinuran ng Kuya nito. Hindi yang ang kwento ni Lagring sa kanya.
"Bumalik si Martin dito sa atin pagkatapos ng isang linggo. Hinanap ka raw niya. Ipinagtanong-tanong sa kapitbahay natin. Hindi siya makadiretso dito sa bahay sanhi ng hinarang daw siya ng Tatang ng itak." Dugtong naman ni Doray.
Napatigil sa pagsubo si Bebeng, nag-iisip, nalilito. Hinahanap niya sa kanyang isipan kung may napagsabihan ba siya kung saan siya sa Maynila tutuloy noon para kahit papaano ay may pangbato siyang rason kay Martin, ngunit wala. Dahil ang totoo ay wala siyang sinabihan kahit ang pamilya niya.
Isang buwan siya sa Maynila bago niya ipinaalam sa mga magulang ang kanyang kinalalagyan at paaralang kanyang tinuturuan.
Mataman lamang na nakikinig ang tatlong kabataan sa palitan ng usapan ng mga nakatatanda. Mabuting wag nang sumali sa usapan ng mga ito at matamang makinig na lang.
Ganun naman sa karamihan ng probinsya. Kapag nag-uusap-usap ang mga matatanda kahit may nakaharap pang mga bata ay hindi dapat ito sumasagot o sumasali sa usapan, o di naman kaya ay dapat itong umalis sa umpukan ng mga nag-uusap na mga nakatatanda.
"Hindi ko alam na ginawa pala ng Tatang yun. Ang alam ko lang ay umalis na ito bago ka pa umalis ng San Nicolas. Naisip ko pa noon na baka may usapan kayong magkikita sa Maynila kaya nung umalis ka ay lihim kang pinasundan sa akin ng Tatang." Nag-angat ng tingin si Bebeng sa sinabi ng Kuya niya.
"Sumunod ka?" Tanong niya.
"Ayoko nga sana pero ako ang kinagalitan ng Tatang. Nagalit din ang Inang sa Tatang dahil doon, bahagyang nagkatampuhan ang dalawa. Pero wala naman akong nagawa kaya lihim na akong sumunod sa iyo. Umuwi lang ako nung masiguro kong mag-isa ka lang sa iyong tinitirhan." Naiiling na salaysay ni Sepring.
"Alam mo kung saan ako nakatira? Alam n'yo ang bahay na tinutuluyan ko pero hindi n'yo sinabi kay Martin?" May bahid ng hinampo sa boses ni Bebeng.
"Oo, alam ko kung saan ka nakatira, pero hindi ko alam na bumalik dito sa atin si Martin at hinahanap ka. Walang binanggit sa akin ang mga Tatang. Pagbalik ko dito galing ng Maynila ay dumiretso ako sa kabilang ibayo dahil kasalukuyang sinusuyo ko si Soledad. Ako ay naninilbihan sa mga magulang niya noon." Matapat na sagot ni Sepring.
"Totoo ang sinasabi ni Kuya, Bebeng. Maging ako ay hindi ko rin alam na nagbalik pala dito sa atin si Martin para sa iyo. Katulad ng Kuya, wala ring nasabi ang Tatang. Tikom din ang mga bibig ng mga kapitbahay siguro dahil sa takot sa Tatang" Inilapag ni Bebeng ng tahimik ang kanyang kutsara.
Hindi ugali ng magkapatid na ito ang hindi tapusin ang usapan bago magsalita ang isa. Hindi rin sila naniniwala sa walk-out. Tinatapos nila ang usapan, maging mahinahon man yun o hindi.
"Nagkita kami ni Lagring matapos ang dalawang buwang pagkawala ko dito sa atin. Wala din siyang nabanggit sa akin maliban sa ipinagkasundo ito sa iba ng kanyang ama." Puno ng hinanakit at pagkalito na sabi ni Bebeng.
"Marahil ay wala ring alam si Lagring na nagpabalik-balik dito si Martin." Salo ni Sepring. Patuloy pa rin sa tahimik na pakikinig ang tatlo at patuloy pa rin sa pagkain ang mga ito.
"Sabi ni Martin, bumalik lang siya dito sa atin para kunin ka at isama sa Maynila pumayag man ang Tatang o hindi. Ang plano niya ay itatakas ka na lang, dadalhin sa America at doon na pakakasalan. Kaya nung hindi ka niya naabutan dito sa atin ay umalis na rin siya kaagad na bigo at nagbakasakali daw na makita ka niya sa Maynila." Pagtuloy ni Doray.
"Inabot pa ng halos mag-iisang taon bago ikinasal si Martin sa anak ng kaibigan ng Papa niya na taga-Makati. Napilitan na lamang siyang pakasalan ito dahil tinakbuhan ito ng nobyo at buntis na nga ng mga panahong iyon. Ilang buwan ang lumipas ay namatay din ang Don." Kwento ni Sepring. Salitan ang magkapatid na Sepring at Doray sa pagkwento ng mga naganap noon.
"Matapos ikasal ang dalawa ay tumulak na sila patungong America at doon na isinilang ang anak nitong lalaki na inakala nating anak niya. Hindi rin naging maayos ang pagsasama nilang mag-asawa dahil pareho silang may mahal na iba. Nagiging maayos lang sila para sa bata na napamahal na kay Martin kaya nagtuloy siya sa paninirahan ng America hanggang sa tuluyan silang nagkahiwalay na mag-asawa. Hindi rin nagtagal ay namatay naman sa aksidente ang asawa niya. Kinse anyos na ang anak nito noon na kinupkop niya dahil siya lang naman ang kinikilalang ama nito." Salaysay ni Doray.
"Binalak niyang umuwi ng Pilipinas noon ngunit nag-aaral pa ang bata at walang mapag-iwanan. Ayaw niyang iuwi dito ang bata dahil nagbabantang kukunin ng tunay nitong ama ang bata at yun ang hindi kaya ni Martin. Gusto niyang umuwi dito para sa iyo, Bebeng, ngunit ang tadhana talaga ay napakalupit para sa inyo." Kwento ni Sepring. Kita ang yabag sa mga mata ng kapatid. Bahagyang ngumiti si Bebeng.
"Talagang hadlang sa inyo ang tadhana, hindi lang si Tatang. Magkakampi sila." Naiiling na sambit ni Doray.
"Siguro ngang ayaw pa kayo ng tadhana noon, kasi ilang buwan lang pagkatapos nun ay dumating ang mama niya doon na may karamdaman at kailangang mapatingnan sa dalubhasa. Hindi rin nahanapan ng lunas kaya namatay din ito kalaunan." Sambit ni Sepring. Tahimik lamang na nakikinig si Bebeng.
Ganyan silang magkakapatid. Tinatapos ang usapan o isyu bago mag-react.
"Bebeng, naalala mo noong ilang taon ang nakaraan na sinabi namin ni Aning sa iyo na nandito si Martin ngunit hindi mo kami pinansin at umuwi ka kaagad ng Maynila?" Tumango si Bebeng. "Nagpunta dito si Martin, hinahanap ka. Hindi kami makapagbigay ng impormasyon sa kanya dahil hindi namin alam ang gusto mo ipasabi kaya naging tikom ang mga bibig namin. Tsaka, alam mo naman ang sitwasyon ni Anita noon di ba?" Tumango uli si Bebeng sa sinabi ni Doray.
"Hindi lang ilang beses na nagpabalik-balik dito sa San Nicolas si Martin para sa iyo, Bebeng, maraming beses din. Siguro halos taon-taon ay humahanap siya ng dahilan na makauwi dito. Siya ang nagpumilit na kunin ko ang mga lupaing maiilit na ng bangko. Pera niya ang ginagamit na paunang bayad para maaprubahan ako ng bangko at yun ang hinuhulugan ko." Salaysay ni Sepring. "Bebeng, hindi nagmaliw ang damdamin ni Martin sa iyo. Mahal ka pa rin niya." Seryosong pahayag ni Sepring.
"Bebeng, ang swerte mo kay Martin. Hindi talaga nagmaliw ang pagmamahal niya sa iyo. Kung sakali bang magkita kayong muli, may pag-asa pa ba siya? Wala na ang Tatang, bibigyan mo na ba siya ng pagkakataon?" Malamyos na tanong ni Doray. Ipinatong nito ang palad sa makataob na palad ni Bebeng sa ibabaw ng lamesa at pinisil ito.
Napansin ni Majz ang pagyugyog ng balikat ng tiyahin. Alam niyang umiiyak na ito kaya mabilis ngunit maingat siyang tumayo para kuhanan ito ng tissue. Maingat niyang iniabot yun sa tiyahin at tahimik na muling umupo sa tabi ni Makai at Manuel.
Tahimik lang silang anim sa harap ng hapag kainan habang ang hikbi lamang ni Bebeng naririnig nila.
"Benita?" Nagulat silang lahat sa boses ng bagong dating.
"M-martin?" Nanginginig at nauutal na sambit ni Bebeng. " P-paano kang nakapasok?" Wala sa loob na tanong ni Bebeng.
"Magandang umaga. Ipagpaumanhin n'yo at nangahas na akong pumanhik. Kanina pa ako nanawag sa baba pero walang sumasagot kaya pumasok na ako nakabukas ang pinto, baka 'ika ko may nangyaring hindi maganda sa inyo." Paliwanag nang bagong dating na tinawag na Martin ni Bebeng. Napansin ni Majz ang pagkakatitig nito sa T'yang Bebeng niya na puno ng pagmamahal. Lihim siyang nangingiti.
"Maria Jaise, ipaglagay mo ng plato si Martin diyan sa bakanting upuan sa tabi ni Bebeng." Mahinahon na utos ni Sepring.
"Opo, Tay." Maliksing sagot ni Majz.
Tumayo siya at pinaghandaan niya ng pinggan si Martin habang tinutulungan naman ni Manuel na ayusin ang uupuan nito.
"Umupo ka na, Martin. Sumabay ka na sa amin na mag-agahan." Imbita ni Doray.
Tahimik lamang si Bebeng na nakamasid kay Martin. Namumula ang mga matang nakatuon sa lalaki. Makikita ang pagpipigil sa pagitan ng dalawa.
"Sir Martin, eto na po ang plato n'yo." Sumandal si Martin para mabigyan ng espasyo si Majz na mailagay ang pinggan sa harap nito.
Marahang niyang inilapag ang pagkakainan sa harap nito pati na ang kutsara, tinidor at baso. Ngumiti si Martin kayMajz, gumanti din siya ng ngiti.
Wow, ang swerte ni T'yang at ang gwapo pala ni Sir Martin, bagay silang dalawa. Takbo ng isip niya habang salitang pinagmamasdam ang lalaki at ang tiyahin.
"Tito Martin na lang ang itawag mo sa akin. Nakakaasiwa ang Sir." Saad nito na mas lalong nagpangiti sa kanya.
Simpleng sinulyapan ni Majz ang tiyahin na tulala pa rin. Sumilay ang ngiti sa labi niya sa nakikitang pagkorte ng puso sa mga mata nito. My dear Aunt is freaking in love! Pagdiriwang ng makulit niyang isip.
"Ituloy na natin itong pagkain at lumalamig na ang kape ko." Turan ng tatay ni Majz
"Tay, kami na po nila Kuya ang magluluto ng pananghalian mamaya para makapag-usap po kayo ng maayos." Alok ni Majz.
"Kuya Sepring." Kuya pa rin ang tawag ni Martin dito. "Kung papayag sana kayo, gusto ko kayong imbitahan sa bahay na mananghalian." Dugtong nito.
Nagkatinginan ang magkakapatid na sa Samonte maliban kay Bebeng na ngayon ay nakayuko na. Parang nagkaintindihan naman ang dalawa.
"Hala, sige. Tapusin na natin ito nang makapag-usap tayo ng maayos." Mabilis sa utos ni Sepring sa lahat. "Wala munang gagala sa inyong tatlo. Bukas na kayo maglibot pagkatapos magsimba at magsindi ng kandila sa puntod nila Tatang." Dugtong pa ng ama. Tumango silang tatlo at nagtuloy nang kakain.
"Pwede ba akong sumama, Kuya. Para makapagpaalam na rin ako sa mga magulang n'yo ng maayos." Pakiusap ni Martin. Tumango naman si Sepring. Kaya labis ang ngiti ni Martin.
Ano mang hirap ng dinanas natin sa mga bagay-bagay sa ating buhay, ang panatag na pag-uusap ay hindi mahirap na makakamit basta pagbibigyan lamang natin ang bawat isa.
Masayang kumakain ang buong pamilya Samonte kasama si Martin Ricaforte. Hindi man masyadong kumikibo si Bebeng ay nakikitaan ito ng saya sa mga mata.
Sino ang mag-aakala na sa loob ng mahabang panahon ay ito ngayong muli ang lalaki at nakikisalo sa kanilang kumain.
Natutuwa si Majz dahil meron nang magiging wakas ang love story ng tiyahin. Naisip niya tuloy ang sarili, Sana meron pang isang katulad ni Martin Ricaforte para sa akin at kay Makai na wagas magmahal. Piping hiling ng isip ni Majz.
--------------
End of LCIF 14: Wagas Magmahal
Thank you for reading.the chapter. Please leave your thoughts, comments or just to say Hi, tap the 🌟 to vote, and let's share the story and give good vibes. CTTO Media used.
💖 ~ Ms J ~ 💖
08.01.19
Lights! Camera! I've Fallin...
©All Rights Reserved
March 15, 2016
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro