LCIF 11
⚠️ UNEDITED ⚠️
🤍🤍🤍🤍🤍🤍
Lights! Camera... I've Fallen!
"Paano Na Lang?"
🤍🤍🤍🤍🤍🤍
"ANONG ginagawa mo dito, Maria Jaise? Akala ko ba gagabihin ka ng uwi?" Tanong ni T'yang Bebeng pagpasok na pagpasok niya sa bahay. "Hindi ako pumunta sa talipapa dahil sabi mo ay gagabihin ka ng uwi." Dugtong pa niya.
"Maaga kasing natapos ang mga gagawin ko para sa araw na ito at dinamay ko na ang para bukas." Sagot niya sa tiyahin. Nagtaka siya kung bakit siya tinitigan ng tiyahin. "Bakit po, T'yang?" Dugtong niyang tanong.
"Wala naman. Nagtataka lang ako at napaaga ka yata ng uwi ngayon, eh huwebes pa lang." Saad naman nito. "Samantalang si Maria Kaila na nagsasabing maagang uuwi ay wala pa." Naiiling nitong dugtong.
"Plano ko kasing umuwi ng San Nicolas sa paglabas ko sa trabaho bukas kaya aasikasuhin ko sana ang mga iuuwi ko kanila Tatay at Kuya Manuel." Pahayag niya. Tumango-tango naman si T'yang Bebeng.
"Alam mo, matagal na rin akong hindi nakakauwi sa atin." Saad nito na nagpahinto sa paghakbang ni Majz. "Pwede ba akong sumama sa pag-uwi mo sa atin?" Dugtong nito. Nakangiti ito at umaasang pumayag siya.
"Ay naku, T'yang. Nagpapaalam ka sa akin?" Tanong niya. Tumango naman ito na puno ng pag-aalangan.
"Hindi ba pwede?" Nagbago ang aura ng tiyahin. Naalarma naman si Majz.
"T'yang, hindi na kailangan pang ipagpaalam yun. Pwedeng-pwede at paniguradong ikatutuwa nila Tatay na makita ka." Mabilis niyang saad. Ayaw niyang magtampo ang tiyahin. "Ikaw pa ba, Tyang? Eh ang lakas mo kaya sa akin." Dugtong pa niya na lalapit na sana sa tiyahin nang may magsalita sa pintuan.
"Ang daya n'yo, kayo lang ang nagkalabing-labing ng T'yang. Itsa-pwera na ba ako?" Nakangising nitong tanong. Naghihimig-tampo ito.
"Maria Kaila, mabuti at nakauwi ka na." Puna ng tiyahin at umupo sa sofa.
"Mabuti na lang T'yang at naging maaga ako dahil kung hindi, magmumulto akong mag-isa dito." Nakataas ang kilay nitong sambit. Natawa sa Majz.
"Akala ko kasi ayaw n'yo ni T'yang na umuwi ng San Nicolas dahil matagal na kayong hindi nauwi sa atin. Kung gusto n'yong sumabay, eh di magpaalam tayo kay Ate Ella na wag pumasok bukas dahil puro edit na lang naman sila Kuya Ray. Pinauwi na nga ako dahil napakaagang natapos nung ginawa ko at nadamay pa yung iba para bukas." Kwento niya. Medyo magaan na ang usapan nila.
"Uwi tayo ngayon, at least makakarating tayo sa bahay ng medyo maaga pa, tapos sa linggo ng gabi na tayo bumalik dito." Mahabang pahayag ni Majz. Binunot ni Makai ang kanyang cell phone.
"I'm on it." Masayang sambit ni Makai. Nagtawanan silang tatlo.
Tinawagan ni Makai si Ella para magpaalam na hindi sila papasok bukas. Mabilis naman daw itong pumayag. Sinabihan silang pwede silang bumalik kahit sa martes na para sa final meeting kasama ang may-ari ng clothing company na si Mr. Mundoñedo.
Napagpasyahan nilang sa labas na lang maghapunan para hindi na magluto pa ang pamilya. Tinawagan na rin ni Majz ang kapatid para ipaalam na uuwi sila at wag nang mag-abalang paglutuan pa sila. Katatapos pa lang naman ng pananghalian nang makauwi ang magpinsan at nagpasyang na mag-empake na lang sila para makaalis ng mas maaga.
Natuwa ang tatay ni Majz na uuwi silang tatlo. Naiyak pa nga ito dahil sa wakas ay makikita na nila si Makai at magkakasama na silang nakatira sa iisang bubong, hindi na nag-iisa ang kapatid na si Bebeng sa bahay nito.
Nagkanya-kanya na sila ng pasok sa kani-kanilang mga silid para ihanda ang kanilang bagahe. Nang matapos at tumawag na ng taxi si Makai at naghihintay na nga ngayon ito sa labas ng bahay.
Tinulungan naman ni Majz si T'yang Bebeng na bunutin ang mga dapat bunutin na mga appliances sa mga saksakan maliban sa fridge. Ini-lock na rin nila ang mga bintana sa buong kabahayan at nag-iwan ng isang ilaw sa sala at ang dalawang ilaw sa porch.
"Sandali lang. Mag-iiwan ako ng sulat para kay Muriel dahil baka mapadpad dito ang batang yun wala siyang aabutan." Turan ni T'yang Bebeng sa kanila pagkababa na pagkababa nito mula sa second floor ng bahay. Nagkatinginan na lang silang magpinsan, tumango at nanahimik na lang.
"T'yang, paki bilisan na lang dahil paparating na po yung lyft." Saad ni Makai. Nagplano rin kasi silang dumaan ng palengke para makabili ng mga prutas na dadalhin sa San Nicolas.
"Siya, ilabas n'yo na itong bagahe ko. Doon n'yo na lang ako hintayin sa labas at baka lampasan tayo ng lyft na yan." Utos nito sa kanila. Mabilis namang pinagtag-isahan nila ni Makai ang maliliit na bagahe ng kanilang tiyahin.
Nakita nilang dumampot pa ng lapis at papel ang T'yang nila bago sila tuluyang lumabas ng pinto. Isinalansan nilang dalawa ang mga ito sa harap na gate malapit sa bakal na upuan na nakabaon sa simento.
"Majz, bakit bigla mo namang naisipang umuwi?" Tanong ni Makai sa kanya. Ramdam niya ang pananantiya ng pinsan sa kanya.
"Wala lang." Sagot niya. "Bigla ko lang na-miss ang mga Tatay at Kuya." Dugtong niya sabay lapag ng kanyang back pack sa gilid ng gate kasama ng iba.
"Alam mo, parang bigla ko rin na-miss si T'yang Doray at T'yong Sepring ng sobra." Madamdaming saad ni Makai sabay upo.
"Makai, magtataka ako kung hindi mo man lang na-miss ng kahit na konti ang T'yang Doray pagkatapos ka niyang alagaan na parang tunay na anak simula nang mawala ang T'yang Anita." May halong panumnumbat na saad ni Majz. Huli na para mapigilan ang sarili. Gusto tuloy niyang kutusan ang sarili dahil doon.
"Alam ko. Pakiramdam ko ang sama kong anak. Hindi ko man lang pinahalagahan ang pagmamahal ng T'yang Doray sa akin." May lungkot at himig pagsisisi na pag-amin ni Makai.
Alam naman ni Majz na nagsisisi ito na umalis na lang basta kahit pa nagpaalam pa ito ay hindi naman na nagpakita pa.
"Kai, ano ba talaga ang nangyari sa iyo bakit bigla ka na lang umalis nung pagka-graduate natin ng college? Alam mo ba nagpa-blotter ang Tatay sa apat na presinto na malapit sa San Nicolas pati na rin sa atin?" Umupo si Majz sa tabi niya sabay akbay.
Humugot muna ng malalim na hininga si Makai at tumingin sa bahay ni T'yang Bebeng bago nagsalita.
"Ang totoo niyan, Majz, umalis ako ng San Nicolas hindi para makaiwas na tsismis ng mga kapitbahay natin. Wala naman akong pakialam sa kanila kasi nga ipinaliwanag ni T'yang Doray sa akin ang totoo kung bakit hindi kasama ni Nanay si Tatay sa pag-uwi nito sa San Nicolas noon kahit na dapat ay ilang buwan lang daw dapat si Nanay na titigil sa atin. Dapat susunduin daw siya ni Tatay na hindi nangyari." Mahabang panimula ni Makai. Mataman namang nakikinig si Majz sa pinsan. "Umalis ako dahil gusto kong hanapin si Tatay." Mabilis na napalingon si Majz sa pinsan.
"Anong ibig mong sabihin?" Inayos niya ang upo at nagharap sila sa bangko. "Nakita mo ba ang hinahanap mo?" Dugtong niyang tanong. Umiling ito.
"Noong una, base doon sa maliit na address book ni Nanay na iniwan niya kay T'yang Doray. Akala ko, pagluwask ko dito noon ay makikita ko kaagad siya. Nagkamali ako." Panimula nito. "Isang linggo pagkatapos ng graduation natin, nagpaaalam ako kay T'yang Doray na maghahanap ako ng trabaho. Pumayag naman siya kaagad kaya lang pinagbawalan ako ni T'yang na puntahan ang address na nakalagay doon dahil daw baka masaktan lang ako." Dugtong nito.
"Nakinig ka naman ba?" Tanong niya, umiling ito na may halong pagbuntong-hinga. "Anong nangyari? Wag mong sabihin na humarap ka doon at pinagtulakan ka paalis?" May galit sa boses na tanong ni Majz.
"Sana nga ganun na lang, Majz, para isang bagsak ng sakit na lang. Pero hindi ganun ang nangyari." Humugot uli ito ng malalim na paghinga. "Pinuntahan ko yung address na nakasulat sa maliit na librong yun, nakita ko ang bahay, nakausap ang nakatira doon." Salaysay nito.
"Tapos..." Excited na tanong ni Majz. Mapait na ngumiti si Makai.
"Sabi ng kasambahay na nakausap ko, matagal na raw umalis ang nakatira doon at pumunta ng ibang bansa. Ipinagkatiwala na lang sa kanila ang bahay dahil at doon na raw maninirahan for good." Parang pagod na napasandal si Makai sa sandalan ng bakal na bench. Hinaplos niya ang braso ng pinsan na para bang mawawala ang lungkot nito.
"Una, si Nanay ang umalis at iniwan niya ako kanila T'yang. Alam ko na kung si Nanay ang masusunod ay hindi niya ako iiwan, pero si Tatay? Pinili niyang iwan kami ni Nanay, tapos ngayon naman si Lavs. Akala ko kami na kasi sinagot ko na siya tapos few months bigla na lang siyang hindi napagkita pang muli." Humikbi ito ng bahagya. "Majz, hindi ba ako kamahal-mahal? Bakit ba iniiwan na lang ako ng mga taong nagsasabi na mahal nila ako, pero nasaan na sila? Uuwi lang daw siya sa kanila dahil birthday daw ng Ate niya, tapos hindi na bumalik. Paano na kami?" Nakaramdam naman ng awa si Majz para sa pinsan.
"Kai naman eh, kami nila Tatay, kaming mga Samonte, mahal ka namin. Hinding-hindi ka namin ipagpapalit at hinding-hindi ka namin iiwan kahit na ikaw pa ang mang-iwan sa amin. Makai, mahal ka namin ng buong-buo at wala kaming hihingiing kapalit." Napaiyak na rin Majz sa sinabi niya. Napahagulgol si Makai.
Ang bigat pala ng dinadala ng pinsan niya, hindi niya alam. Akala niya porke't ngumingiti-ngiti ito at nakikipaglokohan sa kanila ay ayos lang ito. Akala niya dahil lang sa trabaho kaya ito nagtataray kay Lance at sa iba pa, yun pala ay mas matimbang pa ang dahilan. Kaya pala ganun ang reaksyon nito sa pagpapanggap ni Lance bilang Logan.
"Kai, bakit hindi mo sinabi kay Lance na girlfriend ka ni Sir Logan kagabi?" Tanong niya. Napaisip siya. Kaya ba ganun na lang ang reaksyon ng pinsan sa pagkawala ng binata?
"Kasi..." Hindi na natuloy ang sasabihin ni Makai dahil lumabas na si T'yang Bebeng.
"Andiyan na ba ang taxi?" Bahagya pa silang nagulat dahil sa biglang paglabas ni T'yang Bebeng. Mabilis nilang pinahid ang kanilang mga luha para hindi makita ng tiyahin at para hindi na rin ito mag-alala sa pagda-drama nilang dalawa.
"Wala pa nga po T'yang eh. Nakakainip na kaya." Mabilis na sagot ni Majz nang hindi man lang nilingon ang tiyahin. Mabilis na sinuot ni Makai ang shades para hindi makita ng tiyahin ang pamumula ng mga mata niya.
"Tawagan n'yo na uli yang sasakyan natin." Utos ng tiyahin nila. 'Kinandado ko na ang bahay." Dugtong ng tiyahin. Tumayo si Makai at kinuha ang cellphone sa bulsa ng kanyang backpack.
"Nag-text na po yung driver. Malapit na daw po siya, mga two minutes na lang daw po." Tamang-tama na natapos ni Makai ang sasabihin ay may pumaradang kotse sa tapat nila.
Tiningnan ni Makai at Majz ang rideshare info na natanggap nila pareho nung i-book ni Makai ang sasakyan nila, nandun ang plate number ng kotse, picture ng driver na may kasama pang kopya ng lisensiya nito.
"Ma'am, pasensiya na po kung na-late ako. Naligaw po kasi ako." Paumanhin ng driver.
"Okay lang po, Manong. Hindi naman namin napansin." Nakangiting sagot ni Majz. Ngumiti din ang driver.
"Ako na po ang magbubuhat niyang bagahe n'yo, Nay." Alok ng driver. Magpoprotesta pa sana si Makai, inilingan siya ng tiyahin kaya tumahimik na rin siya.
Binuhat ng driver ang mga bags nila at inilagay sa trunk ng kotse. Matapos ilagay ng driver ang mga gamit nila ay inalalayan nito si T'yang Bebeng na uupo sa harapan. Natuwa ang magpinsan sa pagiging magalang at mapag-alalay ng driver.
Nang makaupo na ang tiyahin ay pumasok na rin si Makai sa likuran. Nilapitan ni Majz ang gate at pinihit niya ang tarangkahan para ikandado mula sa loob bago isinra ito at sumakay na rin sa naghihintay na sasakyan sa tabi ni Makai sa likod.
"Ma'am, paki suot po ng seat belt." Narinig niyang sabi nito. Tumalima naman sila at isinuot na ang mga seat belt. Panandalian naman silang natahimik at umusad na rin ang sasakyan.
Hindi naman kalayuan ang terminal ng bus patungong San Nicolas, pwede ngang isang sakay na lang, kaya lang ay ayaw nilang dalawa ni Makai na maglakad pa ang T'yang nila ng medyo malayo. May mga dala-dala pa naman silang bags kaya alam nilang medyo mahihirapan ang tiyahin.
"Nay, ang gaganda naman po ng anak n'yo." Narinig niyang papuri ung driver.
"Salamat, hijo." Maikling sagot nit T'yang Bebeng.
"Kambal ba po silang dalawa?" Tanong nito. Nilingon silang dalawa ni T'yang Bebeng at pinakatitigan ng maigi.
"Magkamukha ba talaga silang dalawa?" Tanong nito sa driver. Tumingin ang driver sa rearview mirror nito at malapad na ngumiti.
"Opo. Magkamukhang-magkamukha po." Sagot nito. "Ang swerte n'yo naman po." Napalingon si T'yang Bebeng nang bumuntonghininga ang lalaki.
"Ayos ka lang ba, hijo?" Tanong nito sa lalaki. Mataman lang na nakikinig si Majz at Makai sa likuran.
"Mahirap siguro ang mag-alaga ng kambal." Mukhang wala sa loob na sambit nito, waring hindi tanong.
"Hindi naman mahirap basta may kasama kang mag-aalaga at magpapalaki sa kanila." Matapat na tugon nito sa driver.
"Meron naman po." Saad nito.
"Kuya, may kambal po ba kayo?" Tanong Majz mula sa likuran.
"Ah, meron po, ipinagbubuntis pa lang po ni Misis. Ang sabi po ng duktor na tumitingin sa kanya, kambal daw ang magiging panganay namin." Ngumiti ito na parang nangangarap.
"Kaya mo yan, amang. Manalig ka lang sa Diyos." Saad ni T'yang Bebeng sa driver. Tumahimik na ito matapos tumango.
Naging tahimik na ang biyahe nila hanggang makarating sila sa terminal ng bus na patungo sa probinsiya nila. Nagbayad sila gamit ang app. Tinulungan sila ng driver na ibaba ang mga gamit nila at umalis na rin ito na nagpapasalamat matapos bayaran ni Makai at binigyan naman ng T'yang Bebeng ng konting pasobra.
"Makai, paki tingnan ang gamit, bibili lang ako ng ticket natin." Paalam ni Majz.
"Majz, aircon ba ang kukunin mo?" Tanong ni Makai. Tumango siya.
"Para hindi masikip at hindi na rin mahirapan si T'yang." Sagot niya at tumalikod na.
Ilang sandali din siyang naghintay sa pila bago siya nakakuha ng ticket para sa kanilang tatlo. Mabuti na lang at nakahanda na rin ang bus na sasakyan nila pauwi.
"Majz, may numero ka ba ni Muriel?" Napatingin siya sa tiyahin niya. Nagtataka kung bakit nito tinatanong kung may numero siya ng binata.
"Bakit po, T'yang?" Tanong ni Makai na sa kanya nakatingin.
"Kasi kanina pa ito nagte-text sa akin. Hinahanap ka." Napatda siya sa tinuran ng tiyahin. Nakatitig lang sa kanya si Makai na may sinusupil na ngiti.
"Ako na po ang magte-text sa kanya T'yang. Baka gusto lang malaman kung may call time siya." Salo ni Makai. Napatiim ng bagang si Majz. Bakit niya ako tatawagan? Ano ang drama nun?
"Siya sige, bilisan mo nang kausapin yan, Maria Kaila. Baka nga nag-aalala yun sa trabaho niya." Pasalamat na lang talaga si Majz dahil madaling kausap ang tiyahin at hindi ito mapangduda.
Tumayo si Makai at lumayo para makausap si Lance. Naiwan si Majz at T'yang Bebeng sa waiting area, mabuti na lang walang gaanong pasahero kaya hindi mainit.
Alam niyang nakatitig sa kanya ang pinsan kaya nag-iwas siya ng tingin dito. Ayaw niyang makita nito ang gustong sabihin ng mga mata niya. Hindi niya alam kung bakit, pero naiinis siya. Dios Mio, Maria Jaise, maghunos-dili ka nga sa inaarte mo! Tahimik na bulyaw sa sarili.
Lumayo si Makai para matawagan nga si Lance. Maingat niyang pinukol ng isang malungkot na tingin ang pinsan bago tuluyang binaling ang pansin sa mga gamit nila. Ilang sandali pa ay narinig na ni Majz na inanunsyo ang numero ng bus nila. Tumayo siya para tawagin si Makai. Mabilis na sumikdo ang puso niya nang marinig ang boses ni Lance sa kabilang linya. Naka-speakerphone pala ito.
"Will you call me when you get there?" Malambing ang boses nitong sabi.
"I will. Thanks, Lance." Mabilis na sagot ni Makai. Himig masaya ito "Bye." Dugtong pa nito.
"Bye." Sagot ng kabilang linya. "Will you please take care." Yun na yata ang pinaka malambing na boses ng lalaki na narinig sa tanang buhay niya. Kahit sa Kuya Manuel niya na ubod ng lambing sa kanya ay hindi niya narinig yun.
Naghintay siya ng ilang sandali para pakalmahin ang sarili bago kunin ang pansin ng pinsan na nakatutok pa rin sa cellphone nito na parang nandun pa rin ang kausap. May konting kirot siyang naramdaman.
Madiin niyang ipinikit ang mata at humugot ng malalim na paghinga bago malumanay na ibinuga ang hangin.
"Kai, tara na. Paalis na ang bus." Saad niya. Nilingon siya ng nakangiting pinsan... ngiting in love, ngiting nakakaloko.
"Ikaw, insan huh, meron kang hindi sinasabi sa akin." Tumaas baba pa ang kilay nito habang nagsasalita.
"Makai, tigilan mo ako sa mga kalokohan mo, hindi nakakatuwa. Tara na at naghihintay na si T'yang Bebeng." Saway niya dito at nagpatiuna na siya. Sumunod naman si Makai sa kanya na ngingiti-ngiti.
"T'yang, ayos lang po ba kayo?" Tanong ni Majz sa tiyahin para hindi na magsalita pa ang ngingiti-ngiti niyang pinsan. Minsan naiisip niya na siguro nababaliw na nga ito dahil sa pabago-bago ang mood. Talo pa ang naglilihi, talo pa ang bipolar.
"Makai, dito ka na sa tabi ko. Majz doon ka na sa may bandang bintana at ako naman sa gitna." Pahayag ni T'yang Bebeng.
Laking pasalamat ni Majz sa loob-loob niya dahil sa instruction ng tiyahin. At least matatahimik siya kahit sandali at maire-relax niya ang isip at puso kahit sandali. Bakit pati puso? Di ka naman kasali. Nagulat si Majz sa itinakbo ng isip niya.
"Maria Kaila, natawagan mo na ba si Muriel?" Biglang tanong ng tiyahin na nagpalingon sa kanya dito. Nagtagpo ang mga mata nila Makai. Nakita niya ang di mapigil na tuwa sa mga mata nito.
"Opo, T'yang." Malapad na ngiting sagot ni Makai. Humapdi ang puso niya sa nakitang saya ng pinsan. Kumunot ang noo niya.
Paano na si Sir Logan?
--------------
End of LCIF 11: Paano Na Lang?
Thank you for reading the chapter. Please leave your thoughts, comments or just to say Hi, tap the 🌟 to vote, and let's share the story and give good vibes. CTTO Media used.
💖 ~ Ms J ~ 💖
Lights! Camera... I've Fallen!
©All Rights Reserved
March 15, 2016
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro