Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

22 Yabang

Laila's POV

"Tight ang schedule ko this coming week. Subukan kong maisingit na makapunta tayo sa tita ni James as soon as I get her number from him pagpunta niya sa lawfirm."




Napahinga ako nang malalim.

Apat na araw na ang lumipas nung 'this coming week' na sinabi ni Atty. Marquez.

Kunsabagay, sabi niya ay susubukan lang. Malamnag ay abala pa rin ito dahil sa mga meeting na inilipat sa ibang araw. Paano ba naman ay ay lampas tanghali na ng Martes kami nakauwi. Pagkahatid sa akin sa bahay ay agad ding umalis ang abogado. Hindi ako sigurado kung papasok pa ba o hindi sa law firm. Hindi ko alam kung bakit kami nanatili pa sa dagat ng Puerto Galera hanggang mag-umaga gayung pwede na kaming umuwi nang gabing yun na makita namin ni Justin at Rebecca.

Pero isa ang sigurado ako.

Nawala ang masayang atmospera sa bakasyong yun.





"Nahulog kami sa jet ski habang nagpo-propose sa akin si Raphael."

Sa sobrang kimkim na galit na ginatungan pa ng pang-iinsulto ni Rebecca ay ang naisipan kong sabihin. At naunawaan ako ang pigil na pagkagulat sa brasong nakaalalay sa akin.

Wala sa lugar ang pekeng rebelasyon na yun.

"W-what?!" mahina man ay umabot sa pandinig ko ang mga salitang yun galling sa bibig ni Justin.

"Really?!" ang hindi naniniwalang sambot ng asawa niya. "Proposal without a ring? Well, what would I expect? If you'd go cheap, you don't need one."

"I'm not sure if marrying Navarro affected your listening skills, Rebecca," salo ni Atty. Marquez. "She just said we fell off the jet ski while I was proposing."

Lumakas ang loob ko sa pagsagip sa akin ng abogado kahit alam naming pareho ang totoo, "Mas ka-cheap-an at kadesperadahan ang mang-agaw nang hindi sa iyo! At ano ang itatawag sa nagpaagaw?"

Humigpit naman ang kapit ni Atty. Marquez sa akin.

"Well, well... still bitter, aren't we?"

"Rebecca, that's enough!"

"Laila, stop it!"

Sabay pang pag-awat nang dalawang abogado.

"Bakit ako?Nananahimik tayong dalawa. Siya ang nagpasimula," naghihinanakit kong lingon kay Atty. Marquez.

Pero hindi niya ako sinagot. Sa halip ay, "You better learn how to control your wife, Navaroo. Lalong tumitibay lang ang hinala ko kung bakit kayo nakasal."

"And that is...?" hamon ni Justin.

Narinig ko lang ang maikli at painsultong tawa ni Atty. Marquez tapos ay, "Let's go, heart."

Di na ako kumibo nang igiya na niya ako patalikod.

Galit ito.

Nasa tono ng boses, at pati sa tipo ng kapit sa akin.

"Asshole," pahabol ni Justin.

At napatunayan kong galit nga ang kasama ko dahil pumihit ito pabalik.

Natakot ako dahil narinig ko ang pagkaalerto ng mga kasama naming apat ngayon.

Kung may bodyguards kami, siguradong mayroon din sina Justin!

"Heart!"

Ginaya ko na ang pagtawag sa aking yun ni Atty. Marquez sabay kapit nang mahigpit sa bewang at harap na tshirt niya.

"Huwag na, please!" pakiusap ko. "Huwag na sanang masira pa ang araw natin. Di ba, pa-birthday mo sa akin ang araw na ito?"

Naaninag ko na napatitig sa akin ang lalaki tapos ay tumingin sa direksyon ng mag-asawa at sa akin uli.

Sinapo ko ng palad ang pisngi niya at tumingkayad.

Banayad ko siyang dinampian ng halik sa labi, "Raphael, please? Balik na tayo sa yate. O kaya uwi na tayo, ha?"

Naramdaman ko ang pagngiti niya sa palad ko.

"Alright, heart. Ikaw ang masusunod."

Hindi ko na inaasahan na bababa muli ang labi niya sa akin at marubrob akong hinalikan.

Halik na nakalimutan ko na may ibang taong nanonood kung hindi pa may tumikhim.

Palagay ko nga ay si Justin yun.

At tila walang pakialam si Atty. Marquez na sinabing, "Yeah, we should go and not be bothered by... pests. Then let's start working on 'Project Baby' since Dad and Grandpa are already asking, what do you think?"

Napasinghap ako, at tumawa na talaga ang abogado.

"Of course, I won't do that to you. I'm not some other guys here. Come, I'll just carry you."

Iniangat ko ang braso paikot sa balikat at leeg niya bilang pagsang-ayon.

"Yuck!" parinig ni Rebcca nang lampasan namin sila.

"Inggit lang yan. Huwag mong pansinin," parinig ni Atty. Marquez pabalik.

Hindi na ako nagsalita. Basta isiniksik ko na lang ang mukha ko sa leeg niya.





"Elsa...?"

"Oh, bakit?"

Nasa tindahan ito. Kaaalis pa lang nang huling bumili.

"Uhm... uuwi kaya mamaya si Attorney?"

"Wala namang sinabi. Bakit di mo tawagan para alamin?"

"Eh... nahihiya ako."

"Wow ha!"

"Hmp!"

Inis na tinalikuran ko ang babae at bumalik sa bahay. Sinundan niya ako.

"Gusto mo bang ako ang magtanong? Pwede naman," nanunuksong sabi.

"Tinatanong pa ba yun?" sikmat ko sa kanya.

Tinawanan lang ako.

"Sige, balitaan kita mamaya. Ite-text ko na lang. Office hours. Malamang, busy pa yun. Dalawang araw ba namang absent last week eh."

Umakyat na uli ako para sa assignment ko sa PNSB. Siyempre, habang tumatagal, inaangat ang level ng itinuturo.

Patigil-tigil ako.

Kasi mas natutukso akong pag-aralan ang cellphone na bigay ni Atty. Marquez na may Seeing AI app. Baka tumawag kasi.

Hinihintay mo talaga? Tukso ng utak ko.

Hindi ah! Toyo yun kapag di nasasagot agad ang tawag. Mapaghinala.

Kasalanan mo rin naman eh.

Ah ewan!

Nagkonsentra ako sa pag-aaral ng braille. Kaso ilang minuto lang, ang mga daliri kong nagbabasa sa bawat tuldok ng pahina ng braille book ay napunta sa IPnone na bigay ni Atty. Marquez.





Maingat niya akong iniupo sa nakagawian naming puwesto sa upper deck.

"Attorney, akyatan na namin kayo ng pagkain?" tanong ng crew.

"Sige. And hurry up. I'm starving."

Agad na tumalima ang inutusan.

"M-mamaya na lang ako," mahina kong sabi.

"No, you're having dinner now with us," matatag niyang balik sa akin."Unless, Rebecca was right."

"Ha?"

"That you're still bitter over her husband."

Napahiya ako sa sinabi niya. Kasama pa namin ang isang bodyguard sa upperdeck.

"Kayo lang ang nag-a-assume nang ganun!" maigitng kong sagot.

"Seriously, Laila? Weren't you listening to yourself back there? Mang-aagaw at nagpaagaw, ha?!"

"Matagal ko nang gustong sabihin sa kanilang dalawa yun! Kanina lang ako nagkaroon ng pagkakataon!"

"Then what does that make me, then? Your fucking rebound, ha? The fact you told them about that... that proposal whatever!"

Nawalan ako ng kibo.

Tumikhim ang bodyguard, "Ralph, 'baba muna ako."

Natahimik ang abogado.

Narinig ko ang mga hakbang papaalis.

Katahimikan ang sumunod.

Damang-dama ko ang hiya at guilt lalo at humakbang si Atty. Marquez palayo sa akin. Naaninag ko na gumawi niysa paborito niyang pwestuhan kapag nangingisda. Tapos ay tila pagod na itiniukod doon ang dalawang braso. Nakatanaw sa dagat. Umiling. Dalawa o tatlong beses yata.

Wala kaming imikan hanggang sa umakyat na ang mga crew at bodyguards niya para sa hapunan namin.





Dinampot ko ang Iphone.

T-in-ap ko ang screen. Narinig ko ang AI voice prompts sa bawat icon na nata-tap ko hanggang...

Phonebook.

Saglit akong nag-isip bago ko uli yun t-in-ap.

Say the name of the person you want to call in your phonebook.

Huminga ako nang malalim bago, "Yabang."

Kasunod noon ang tunog nang digital dialing.

Oo, yun ang entry ng pangalan ni Atty. Marquez sa phonebook ko. Hindi naman niya alam. Dahil ako ang mag-isang inaral ang basic sa paggamit nitong bigay niyang cellphone. Hindi nangyari ang sinabi niyang tuturuan niya akong gamitin ito. Or at least yung i-guide niya ako, at sabay naming alamin ang iba pang features nito na hindi ko pa nadidiskubre.

Nakahiyaan ko na kasi dahil nga sa nangyari. Nakalimutan ko na rin ang tungkol sa regalo niyang cellphone pagkahatid niya sa akin at agad umalis. Naalala ko na lang kinabukasan nung nagliligpit ako mag-aaral na ako ng braille. Iniwan ito ni Atty. Marquez sa drawer ng study desk ko.

Ilang ring bago, "Hello, Ma-"

Agad kong pinutol ang tawag.

Babae ang sumagot.

May hindi maipaliwanag na pagtutol sa dibdib ko. Kasunod ay inis... at pag-iinit ng mata.

Ewan ko.

Bigla akong nalito. Natakot sa naramdaman ko.

Ano ba itong nangyayari sa akin?

Napaigtad ako nang tumunog ang cellphone.

Text message yun. Hindi ko pa alam kung paano gamitin ang AI Seeing app para sa text message.

Dali-dali kong pinatay ang cellphone. Baka tumawag ang kasamang babae ni Atty. Marquez. Hindi ko alam ang isasagot lalo at magpakilalang girlfriend tapos ay tanungin kung sino ako.

Shucks!

Baka kaya kasama nito ang abogado ay kumalat na ang kasinungalingan ko na proposal. Yun siguro ang dahilan nang hindi pagpunta uli ng abogado rito, at kahit kay Elsa, bihira kumontak. Madalas ay nagte-text lang sa kanya ang bantay ko para ipaalam kung paalis na kami papunta sa PNSB o kung nakauwi na. Ganun din ang nangyari nang magyaya akong mamasyal sa babae. Sa dalawang pagkakataong yun, basta hihintayin lang namin ni Elsa ang isa pang bodyguard tapos ay lalakad na kami. Ganun lang.

Napaisiip ako. Maari nga. At nakakahiya na talaga.

At higit sa lahat, magiging katawa-tawa ako kay Justin, lalo na sa bruha niyang asawa!

Napasapo ako sa ulo, sabunot ang buhok.

Laila, ano'ng kagagahan ba kasi ang ginawa mo?!

Nawala na ako sa mood mag-aral. Nilamon ako nang kung anu-anong negatibong isipin.

Puro kahihiyan at paninisi sa sarili hanggang manakit ang ulo ko.

"Elsa...?"

"Oh, bakit tumawag ka pa sa cellphone?" gulat nitong sabi.

"Masakit ang ulo ko. Itutulog ko na muna."

"Ah, okay. Teka, akyatan kita ng tubig. May Advil ka pa naman diyan, di ba?"

"Uhm... hindi na. Ano, tirhan mo na lang ako ng pagkain. Kapag hindi pa ako gising hanggang hapunan, mauna ka na," matamlay kong sa sagot.

"Lai, ayos ka lang ba?"

"M-masakit lang talaga ulo ko. Ano, medyo ano... medyo nahihirapan ako sa braille ngayon. Alam mo na, tapos na basic."

"Kasi naman ikaw, masyado mong minamadali."

"Uhm, sige na. May bibili yata," paalam ko.

Pero hindi naman ako agad sa kabila ng sakit ng ulo. Pabiling-biling ako sa pagkakahiga. Ayaw akong lubayan ng mga eksenang nangyari sa Puerto Galera, sa palagay ko ay maaring epekto nun pagkatapos at sa maaring kahihinatnan pa sa mga susunod na araw.

Tumodo na ang sakit ng ulo ko kakaisip.

Nagbabanta na sa paglubog ang araw nang tuluyan akong makatulog. Kaya lang ay dala ko hanggang sa panaginip ang lahat.

Ang ibig kong sabihin sa lahat mula sa araw na iwan ako ni Justin sa altar. Lamang ay kakaiba. Magkakahalo. Magulo.





Napakunot-noo ako dahil tila nawala ang init na dala ng katawan ni Justin sa tabi ko.

Pasimple kong inunat ang kanang kamay sa gilid ko para kapain siya.

"Jus...?"

Hindi siya nagsalita.

Ewan ko, bigla akong kinabahan. At natakot.

Dahil kasabay nang pagkawala nang ingay ng mga bisita namin ay ang marahang tunog ng takong ng sapatos.

Nagkaroon ng bulungan.

"J-jus...?" tawag ko uli sa kanya.

Napangiti ako nang hulihin niya ang kamay ko at gagapin yun. Ngiti na dagli ring nawala dahil...

"Justin..." isang tinig ng babae ang tumawag sa kanya.

Kasunod kong naramdaman ang labi ng kasintahan ko sa likod ng palad ko sabay sabi, "I'm... I'm very sorry, Lai. Sana mapatawad mo ako."

"H-ha?! T-teka..."

Tila naalimpungatan ako sa nagaganap sa paligid. Alam ko ito.

Naglakas loob akong humakbang kahit wala sa akin ang walking stick ko. Kumapa sa paligid. Naghahanap ako nang mahahawakan para makalayo.

Ayoko nang maramdaman uli ang sakit at kahihiyan.

"L-laila..." si Gina, ang maid of honor ko na hinawakan ako sa braso. "Saan ka pupunta?"

"L-lalayo ako-"

"You old son of a bitch!"

Napalingon ako sa aisle ng simbahan dahil sa narinig.

Bakit ang umalingawngaw ay ang pagmumura ni Rebecca imbes na ang kay Tatay? Ang pagkakaalala ko ay galit nitong hinabol si Justin.

"Gina, ano'ng nangyari?"

"Nakapatay si Mang Ben?"

"Ha?!"

"Kaibigan ng napangasawa ni Justin."

Nangatal ang baba ko.

Ayoko! Ayokong balikan ang mga pangyayari! Ang sunud-sunod na sakit at hinanakit!

Binitawan ko ang bridal bouquet upang maging Malaya ang mga kamay kong itinakip sa mga tenga.

"Tama na! Tama na!" hiyaw ko.

Pero nilamon yun nang kaguluhan at ingay sa paligid.

"Iha, patatagin mo ang kalooban mo," sabi nang isang pamilyar na tinig ng babae.

Kapitbahay namin sa pagkakaalala ko.

Mas mabigat na palad ang humawak sa balikat ko.

"Mas mabuting mag-guilty plea na lang ang tatay mo, Ms. Centeno," anang abogado sa PAO. "Para bumaba ang sintensya niya. Mahabang proseso at tatagal ang kaso kapag inilaban ninyo. Mauubos ang pera ninyo. Ano'ng mangyayari sa iyo ganyang bulag ka?"

Alam ko namang panaginip lang ito pero damang-dama ko ang bigat tulad noong mga panahong nararanasan ko ito.

Nagsimula akong mataranta., lalo pa at tumahimik sa paligid at maamoy ko ang pamilyar na pabango ni Justin,

"Lai... I-I can't. I'm sorry."

"B-bakit, Justin?" lumuluha akong tingala sa kanya mula sa pagkakaupo sa marmol na sahig sa tapat ng altar ng San Agustin Church.

"Alam ko ang kaso kaso ni... ng tatay mo."

"P-paano?"

"I... I'm Barcelons' lawyer."

Napahagulgol na ako sa mga palad ko.

"Huwag na huwag kang lalapit sa hayup na yan para sa akin!" hiyaw ni Tatay. "Kahit mamatay na ako sa kulungan, hindi ako papayag, Laila!"

"Gina... Gina!" hinagilap ko ang kaibigan ko sa pagkapa sa paligid. "Tulungan mo ako! Aalis ako! Ayoko dito!"

Pero si Justin din ang kumapit sa mga palad ko.

"Lai... mahal... Let me explain."

"Bakit ngayon pa, Justin?" gigil kong balik sa sinabi niya.

"Matagal ko nang gustong makausap ka. Naiipit lang ako sa sitwasyon. Mahal na mahal kita, Lai."

Pailing-iling akong binawi ang kamay sa kanya.

"What a pathetic blind woman trying my snatch my husband from me," singit ni Rebecca.

Wala bang tutulong sa akin? Piping hinaing ko sa sarili.

Idinilat ko nang husto ang mga mata. Ang naaninag ko lang ay ang mga tao, tapos ay isang babae at lalaki sa tapat ko. Si Rebecca at Justin.

Tapos ay isang pamilyar na pabango ang umabot sa pang-amoy ko.

"Attorney...? Attorney Marquez!" tawag ko na kumakapa sa paligid.

Wala. Wala siya.

Ang naririnig ko lang ay ang pagkakagulo ng mga bisita sa dapat ay kasal ko, ang galit na pagmumura ni Tatay kay Justin at pagtatawa ni Rebecca habang hinihiklas ang belong suot ko.

"Rebecca, let her go! You got my neck wrapped around your fingers! What else do you want?!" galit na boses ni Justin.

"Aray! Bitawan mo 'ko!" hinawakan ko ang belo ko at hinawi si Rebecca.

Sa hangin lang tumama ang mga braso ko. Pero damang-dama ko na naroroon lang ang babae pati ang pananakit niya sa akin.

"You ambitious blind slut pretending to be engaged to Ra-"

"RAPHAEL!" hiyaw ko sa pagitan ng pag-iyak na umaabot ang kamay sa kawalan.

At may isang kamay ang sumalo sa mga palad ko.

"Laila... hey!" ang pamilyar na boses.

"Tulungan mo 'ko! Tulungan mo 'ko!" paos kong pag-iyak.

"Of course, of course. Calm down."

Saka ko naramdaman ang isang palad niyang humahaplos sa pisngi ko, at ang isa ay pumisil sa palad ko.

Siya pala yun. Kanya pala ang kamay na sumalo sa akin. Di ko napigilan ang yumakap sa kanya.

"B-bakit ngayon ka lang?" sumisigok kong sumbat. "Kanina pa... kanina pa nila ako pinagtutulungan lahat!"

"You're just dreaming. I'm here, Lai. Walang aapi sa iyo," kalmado niyang sabi na tinatapik-tapk ako sa likod.

"Si Rebecca.... Si Justin..." tuloy kong sumbong habang umiiyak. "Pinagtatawanan nila ako."

"Shhh... I'll take care of them. Go back to sleep."

"Andyan lang sila. Sinasaktan ako ni Re-"

"Don't worry. I'll be in your dreams, too. I'll stay here beside you," bulong niya na hinahaplos ako sa buhok.

Naging tahimik ang lahat. Wala akong ibang naririnig kundi ang,

I'll stay here beside you.

I'll stay here beside you.





Nagising ako dahil may naghihilik sa tapat ng tenga ko.

Bakit siya naririto?

Ibig kong sabihin, ano'ng oras siya dumating at bakit hindi siya doon matulog sa nakalaang silid niya?

Iniangat ko ang kamay niya sa bewang ko para bumangon.

Agad siyang nagising din.

"Hey, ayos ka na?"

"H-ha?" napalingon ako sa kanya mula sa pagkakaupo ko.

"You were talking in your sleep."

"Oh...!"

Shocks! Ano'ng mga sinabi ko?

"Masakit pa ba ang ulo mo?" tanong niya na naupo na rin sa kama.

"S-sino'ng-"

"Si Elsa."

"Tinawagan ka niya?"

"No, I called you back but you did not pick-up. Sabi ng assistant ko tumawag ka while I was cross examining a witness. Hindi ka naman nag-iwan ng message. Kaya si Elsa ang kinontak ko."

"Ah... ganun ba?" mahina kong sabi.

Napahiya kasi ako sa maling iniisip kanina.

"Where to?"

"Uhm... bababa lang ako."

"Hindi ka pa raw kumakain ng hapunan."

"Ano, masakit nga kasi ang ulo ko."

"Lalong sasakit yan kung magpapalipas ka ng gutom."

Di ako kumibo. Nang akma akong tatayo na,

"Lai...?"

"Oh?"

"Were they contacting you?"

"Sino?"

"The Navarro couple."

Natigilan ako saglit, "H-hindi. Bakit mo naitanong?"

"You were talking about them in your sleep."

Nanlaki ang mga mata ko. Shocks talaga!

"Uhm... ano'ng oras na ba?" pag-iiba ko.

"Wait... ahm, past one in the morning."

Kaya pala nagugutom na ako. At saktong tumunog na nga ang sikmura ko.

"Tsk, sinasabi ko na eh. Come, let's eat," yaya niya.

"Hindi ka pa kumain?"

"Light dinner lang. Halika na."

Nang pahawakin niya ako sa braso niya, na-realize ko na nakasuot pa siya ng pang-opisinang long sleeved polo.

"Ano'ng oras ka dumating?" tanong ko.

"Around ten."

"Bakit hindi ka muna nagbihis?"

"Mas importanteng makatulog ka nang maayos kesa ang pagpapalit ko ng damit."

Di na uli ako nagtanong.

Parang alam ko na kung bakit. Hindi na yata parte ng panaginip ko ang pagdating niya kanina.

Nakakahiya!

"Kakain kayo?" tanong ni Elsa na mukhang naistorbo sa pagtulog.

Mas malapit sa sala ang hagdan namin kaysa sa kusina. Sa isang foldable mattress natutulog ang babae sa likod ng sofa.

"Kami na ang bahala," sagot ni Atty. Marquez. "Magpahinga ka na."

"Iwan n'yo na lang pinagkainan n'yo. Ako na ang maghuhugas paggising mamaya," bilin ni Elsa.

Ang abogado na ang nag-init ng ulam at kanin sa microwave.

"A-ttorney..." medyo alanganin kong tawag sa kanya sa kalagitnaan ng pagkain namin.

Mula noong manggaling kami sa Puerto Galera at makasagutan sina Rebecca, naiilang na ako kung paano siya tatawagin.

"Oh?"

"Dinalaw ko si Tatay nung Lunes pagkagaling ko sa PNSB, pero hindi ako hinarap. Sinabi nung jail guard na umuwi na ako."

Hindi siya nagkomento kaya,

"K-kung pwede sana, isama mo ako sa pagdalaw sa mo sa kanya sa sususod na punta mo dun. Huli ko siyang nakita nung birthday ko pa."

"Sure."

Napagawi ang tingin ko sa direksyon niya. Ang bilis kasing pumayag. Mula nga kasi nang maospital ako dala ng impeksyon galing sa araw-araw na pagdalaw ko noon sa city jail, mahigpit ito. Ganun din si Tatay.

"T-talaga? Kailan?"

"Mamaya, gusto mo?"

"Hindi ba makakaabala sa schedule mo?"

"No. Kaya matulog ka kaagad pagkatapos nating kumain, okay?"

Nakangiti akong tumango.

Di na rin ako nagkomento nang sa silid niya pumasok ang abogado matapos mag-goodnight sa akin.

Dala marahil ng excitement, hindi agad ako makatulog. Kaya kinuha ko ang Iphone at nagsimulang diskubrehin ang iba pang features ng AI Seeing App.

Napatigil ako sa ginagawa nang may kumatok kasunod ang pagbukas ng pinto.

Nakalimutan kong i-lock.

"I knew it," sabi niya agad.

Guilty na nilapag ko sa kama ang cellphone.

"Ano, nagpapaantok lang," depensa ko.

Lumapit siya at naupo rin sa kama ko. Naaninagan ko na kinuha niya ang Iphone.

"Sorry, hindi ko agad naituro sa iyo ang paggamit nito," sabi niya.

"Okay lang. Alam ko namang busy ka. Kaya inaaral ko paunti-unti."

"I have time now. Turuan kita."

Binigyan ko siya ng espasyo.

"I think marunong ka nang maglagay ng phone number dito."

"Uhm, si Elsa ang nagdikta sa akin nung numbers ninyo pati ni Mr. Agoncillo."

Narinig ko ang mahina niyang tawa habang nagpipindot sa phone.

"Bakit?" tanong ko.

"Talagang 'Yabang' ang pangalan ko dito ha?"

Nag-init ang mukha ko sa natuklasan niya. Pero pinanindigan ko na.

"Mayabang ka naman talaga," medyo pasuplada kong sagot.

Tumawa lang uli siya. Tapos ay pumuwesto nang pasandal sa headboard ng kama ko. Inakbayan ako kaya medyo sa kanya na ako nakasandal naman.

Wala pa yatang isang oras, sabay kaming naghikab.

"Paano nga pala bukas?" untag ko sa kanya. "Ano'ng oras tayo pupunta kay Tatay?"

"Morning. Paano ang pasok mo?"

"Absent. Uhm, punta na lang ako sa PNSB after kay Tatay. Kukunin ko yung wroksheets sa lesson pati sa homework, kung meron."

"Okay. Tulog na tayo."

Ayun at pumuwesto na sa kama ko nang walang sabi-sabi.

"Attorney...?" kalabit ko sa kanya.

"Tss," parang medyo inis niyang reaksyon. "Bakit?"

"Dito ka talaga matutulog?"

"Baka mag-cellphone ka lang pag-alis ko. Kailangan mong matulog. Isa pa, baka umiyak-iyak ka na naman sa pagtulog mo."

Napanguso na lang ako at nahiga.

Nakakahiya lang na paggising, ako pa ang nakayakap sa kanya habang siya prenteng nakahiga at medyo naghihilik pa.

At gaya kaninang madaling-araw, sa unang paggalaw ko pa lang para bumangon ay dumilat na siya.

"Lai, maaga pa. Tulog pa tayo," pareklamo niyang sabi. "I want to rest some more. Naka-alarm ako."

Kaya balik uli sa paghiga.

Alas nueve na tuloy kami nakaalis. Naiwan si Elsa sa bahay tutal ay may tatlong bodyguards naman kaming kasama. At mas gusto ko rin yun para may bantay sa bahay at tindahan.

At dahil rush hour, naipit kami sa traffic.

"Attorney..." may kahinaan kong tawag dahil ipinagmamaneho kami nang isang niyang bodyguard.

"Hmm..?

"Pasensiya na."

"For...?"

"Hindi ka nakapasok sa law firm ngayon."

"Walang meeting or gagawin ngayon na kailangan ay partikular akong naroon. That's the purpose of having appointees, subordinates and employees."

Saglit akong tumahimik. Nag-iipon ng lakas ng loob.

"Uhm... tsaka sa ano..."

"What else?"

"Yung sinabi ko sa... sa Puerto Galera kaharap.... sila."

Nagbuntung-hininga siya, "It's alright. May point ka naman. Kung isa yun sa paraan para kahit papaano, lumuwag ang nagpapabigat sa dibdib mo."

"H-hindi lang yun. Ano, pati yung sa ano, sa jet ski."

Di siya kumibo.

"S-sorry talaga. Kung ... kung kumalat yung balita, pakisabi na lang sa akin. Para ano, para mabawi ko na ano, hindi talaga yun totoo."

"Tss."

Lalo akong nawalan na nang masasabi sa reaksyon niya. Dismayado talaga siya sa nangyari.

Narinig ko na ang pag-abante ng mga sasakyan sa unahan namin nang magsalita muli si Atty. Marquez.

"Lai, huwag mo na-"

"Ralph, yuko!"

Nabigla ako sa malakas na babala ng driver-bodyguard namin. Kasunod noon ang pagtakip ng abogado ng katawan niya sa akin sabay iniluklok sa makitid na sahig ng kotse niya.

Napatili ako sa magkakasunod na putok ng baril. Hindi na ako sigurado kung sa side ko lang ba kasi parang yung sa iba't-ibang parte nanggaling.

At napatili muli dahil sa kalabog at pag-uga ng sasakyan namin.

Saglit na katahimikan tapos ay mga busina. Mahina man ay dinig pa rin ang pagkakagulo ng mga tao sa paligid ng kotse.

"Ayos lang kayo?" tanong uli ng driver-bodyguard.

Doon ko napagtanto na itinakip din nito ang katawan sa amin bilang proteksyon.

"Lai, are you hurt?" sa halip na sagutin ay baling naman sa akin ni Atty. Marquez.

"H-hindi," nangangatal ang baba kong sabi.

May kumatok sa bintana sa side ng driver. Isa sa mga bodyguards. Pareho ang tanong nito sa aming nasa loob at saglit silang nag-usap pati ang abogado.

"Sa vest lang ako tinamaan," imporma nung Gil yata ang pangalan sa pagkakaalala ko.

Narinig ko ang mahinang pagdaing nito.

"Have that checked. I'm sure you'll get bruises. Possible for other injuries," si Atty. Marquez.

"Asan si Pong?"

"Ayan, pabalik na. Sinubukan niyang habulin yung isa sa riding in tandem sa pagliko."

"Huwag muna kayong lalabas," bilin sa amin nung Trex, ang driver. "Tatawag ako sa agency."

"Itatabi ko lang yung mga motor natin. Gil, Relax ka muna diyan," abiso nung Pong paglapit sa sasakyan. "May mga enforcer nang paparating."

Ilang minuto pa ay may mga pulis na rin.

"Mabuti bullet proof ang sasakyan n'yo, sir," ang sabi nang isa mga mga nag-imbestigang police officer.

"No reporters, please," pakisuyo ng abogado sa mga pulis at enforcer. "Kung pwedeng bilisan ang proseso dito sa scene. Sa presinto na kami magbibigay ng statement. My car is still running and I have bodyguards aside from the escort police you have."

Pinalabas lang ako ng kotse ni Atty. Marquez nang nasa presinto na kami para mag-file ng statement.

Maraming tanong sa isip ko sa kabila nang hindi matatawarang takot sa naramdaman. Hindi naman ako makapagtanong sa mga kasama ko dahil halatang ayaw nilang iparinig sa akin ang pinag-uusapan.

Naiintindihan ko naman. Malamang ay iniiwasan nilang lalo akong matakot o mag-alala. At marahil ay walang kinalaman sa akin ang pananambang.

Malaki ang posibilidad na ang abogado ang target.

Kilala ito sa larangan ng propesyon kaya siguradong maraming nakabanggang malalaking tao.

At tama nga ang hinala ko.

"It's better you do not know much,"sabi niya sa akin nang magtangka akong alamin. "I think, those bullets are for me. Wala pang lead kung sino yung mga namaril. Magkahiwalay ang daan nung dalawang motor sa pagtakas. And our safety is the priority of the bodyguards, not chasing those fuckers."

Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon.

"We should get you to the hospital."

"B-bakit? Wala naman akong sugat o ano."

"We'll have you checked by a psychiatrist."

"Ano? Walang ako sira sa ulo!" biglang tumaas ang boses ko.

"Not that, heart. Only a precaution for mental trauma. Just last night, you were crying in your sleep. Then, this."

Alam ko, kabutihan ko ang inaalala niya, pero ayoko pa rin. Iba ang nosyon sa akin nang pagpapakonsulta sa psychiatrist.

"A-ayos lang talaga ako. Mas... mas gusto kong makita si Tatay."

Oo, sa puso ko, yun ang kailangan at mas makakatulong sa akin ngayon. Ang makita at makapiling si Tatay kahit sandali lang.

Ibang sasakyan na ang gamit naming pag-alis sa presinto. Sa pagkakarinig ko, padala raw ng agency ni Mr. Agoncillo. Temporary hanggang matapos ang SOCO sa imbestigasyon, at mapaayos ang sasakyan ni Atty. Marquez. SUV at bullet proof rin. Sakay ang tatlong bodyguards.

"Ralph, dalawa ang ipapalit kay Gil," ang sabi. "Yung isa, ihahatid siya sa agency clinic para ma-check-up. Bilin ni Rob."

"I know. We talked on the phone."

Sa tantiya ko ay mga alas-kuwatro na kami nakarating sa Pasay City Jail.

Nakisuyo si Atty. Marquez sa isang bodyguard naming na bumili ng makakain para sa amin at kay Tatay. Bagaman narinig ko yun, hindi ako makaramdam ng gutom kahit umaga pa kami huling kumain.

Wala naman akong planong sabihin kay Tatay ang nangyari pero umabot pala doon ang balita. Hindi na ako nabigla sapag-aalala niya dahil pagdating pa lang ay kinamusta ng mga pulis doon ang lagay ni Atty. Marquez.

"Tanghali nung mabalita sa telebisyon at mapanood nung mga pulis. Eh isinutsot sa akin sa selda," sabi ni Tatay. "Hindi lang nabanggit na kasama itong si Laila."

Ang una kong plano ay magkuwentuhan kaming mag-ama pero dahil sa nangyari, wala akong maisip na ibang mapag-usapan. Silang dalawa ni Atty. Marquez ang nagdiskusyon tungkol sa takbo ng kaso laban sa mga Barcelon, ang estado nang pagkalap ng mga ebidensiya at witness para sa depensa ni Tatay, at ang schedule nang susunod na hearing.

Wala akong masyadong mawawaan. Sapat na ang marinig ko ang tinig ng ama ko.

Hanggang kusa akong tumayo sa inut-inot na lumipat sa tabi niya.

"Anak..."

Yumakap ako kay Tatay at umiyak.

"'Tay... Tatay..." hikbi ko sa leeg niya. "Uwi ka na."

"Tahan na, Laila. Gustung-gusto ko nang umuwi sa bahay natin... kaya lang..." mahina niyang sabi himas ako sa likod.

Dumapo ang hinampo sa puso ko nang bumaklas agad siya sa bisig ko, at nagalit dahil agad akong kinuha ng abogado paalis sa yakap ni Tatay.

"Sandali lang!" mahina man ay may kaigtingan kong pagtutol.

"Laila, hindi puwede," sabi niya.

"Tatay ko siya. Bakit hindi pwede?!"

"Anak... hinaan mo'ng boses mo. Pakiusap. Baka palabasin ka kaagad ng jail guard."

"Kasi eh," maktol ko sabay singhot.

"Laila, maupo ka dyan sa tabi ni Ralph, at makinig ka," mahinahong sabi ni Tatay.

Tapos ay nagbuntung-hininga siya. Pati nga rin si Atty. Marquez pagkaupo ko. Parang nagpapakiramdaman sila.

"Kayo na ho ang magsabi, Mang Ben."

"Nang ano?" tanong ko.

Huminga uli si Tatay nang malalim, "Sinabi ko na sa iyo noon pang magkasakit sa kapupunta mo rito araw-araw, na mabilis ang hawaan dito ng sakit."

"Bihira na nga ako pumunta, 'Tay. Marami na ang isang beses isang linggo."

"Laila, may TB ako."

Napatanga ako sa narinig.

"Paano'ng-"

"Hawaan nga."

"May medication po ba kayo?"

"Don't worry, Rob and I are taking care of it," salo ni Atty. Marquez. "Kung aasa tayo sa admin dito, hindi masusunod ang schedule ng gamot at check-up."

Kaya pala kaninang pagyakap ko kay Tatay ay naramdaman ko ang buto sa balikat niya.

"K-kailan pa?"

"Mga ilang linggo na, anak."

"Bakit di n'yo sinabi sa akin nung huli kong bisita."

"Birthday mo, sisirain ko ba?"

Binalingan ko ang abogado, "Ikaw, bakit di mo binabanggit sa akin?"

"Ako ang nagbilin, anak. Ayaw kitang mag-isip pa."

Nagkukukot ang kalooban ko. Hindi na ako nagkomento pa.

"Raphael?'

"Po?"

"Hindi ba malalagay sa delikado si Laila kung may nagbabanta sa buhay mo?"

"May bodyguards ho ako at naka-bullet proof ang mga sasakyan ng pamilya namin eversince, Mang Ben."

"Hindi yun ang ibig kong sabihin. May mga panahong umuuwi ka sa bahay namin, hindi ba?"

Hindi ko malaman kung matutuwa ba ako o ano sa tinutungo ng salita ni Tatay. Ang padistansyahin ang lalaki sa akin.

"Oho. Kailangan ko siyang i-check every now and then since ako ang legal guardian niya."

Tumikhim si Tatay sa sagot ng lalaki.

"Paano kung biglang paulanan ng bala ang bahay namin kapag nalaman ng mga yun na umuuwi ka rin doon?"

"May sariling bodyguard si Laila, Mang Ben. Kahit padagdagan ko. Madaling kausap si Rob."

"Hindi yun ang punto ko, Ralph. Alam mong hindi looban ang bahay namin. Kalye ang harap namin at gitnang bloke ang pwesto namin. May mga kalye sa magkabila. Tagusan. Ibig sabihin, maraming pwedeng daanan ang sasakyan. Lalo at motorsiklo."

Saglit na nag-isip si Atty. Marquez.

"Ano ho ba ang gusto ninyo?" may tila di pagsang-ayon sa tinig nito nang magsalita muli.

"Ang masigurong ligtas ang anak ko," diretsong sagot ni Tatay. "Kahit huwag na ako, basta hindi masasaktan si Laila ko. Kung kailangang kausapin ko si Mr. Agoncillo na palitan ka, gagawin ko."

"Hindi ho ako papayag. Malaking insulto sa akin ang plano ninyo."

Naumpisahan ko na namang masuya sa lalaking ito. Kung makasagot kay Tatay ah!

"Huwag ka na lang munang pumunta sa bahay. Kahit bawiin mo ang upa mo sa ilang buwan, Ralph. Sana maintindihan mo, iho. Nag-iisa ko yang anak. Kung hindi dahil sa kanya, hindi rin ako lalapit kay Mr. Agoncillo. Kahit mabulok ako dito at mamatay."

"Walang mangyayari sa sinasabi ninyo. Ako pa rin ang abogado ninyo. At Iuuwi ko na lang si Laila sa mansion. Nasa exclusive subdivision yun. Hindi basta makakapasok ang kung sino. Dad employs private guards on rotation shift to check our property. Malayo rin ang gate namin sa mismong bahay since malaki ang bakuran. Siguro naman, Mang Ben, mapapanatag na ang loob ninyo."

Aba't-ang yabang talaga nito!

==============================

Don't forget to comment and vote!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: #b6lhu