Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

10 Unethical

"Bakit hindi naman po ako ang unang ninyong kinausap tungkol sa bahay?" may hinanakit kong sabi kay Tatay.

Agad ko siyang pinuntahan kinabukasan. Wala akong masabing maipapanalo ko sa pakikipag-argumento kay Atty. Marquez kagabi. Ipinangalandakan na naman nito na binigyan siya ng otorisasyon ni Tatay ang pagdedesisyon na may kinalaman sa akin bilang legal guardian ko. Dahil sa nangyari, natabunan na naman ang resolba kong kalimutan ang disgusto ko sa abogado.

Bagkus, nadagdagan yun nang pagkainis. Dati-rati ay kaming mag-ama ang sabay na gumagawa ng mga plano at nag-uusap para masolusyunan ang mga problemang pampamilya namin. Pero ngayon, tila inagawan na ako ng puwesto ng lalaking yun. Tinalo pa niya sina Gina at Justine sa pakikialam sa buhay naming mag-ama! Ano'ng klase siyang abogado?

"Nabanggit ko kasi sa kanya ang gusto mong mangyari, Lai. Hindi ako makapagdesisyon kung ano ang dapat dahil naririto ako sa loob ... at malaki ang posibilidad na matatagalan pa. Kaya pumayag ako sa suhestiyon n'ya."

"Kaya ko naman po, 'Tay. Wala ka na bang tiwala sa akin?"

"Hindi sa ganun. Mas alam niya at ni Mr. Agoncillo para mapangalagaan ang kaligtasan mo, anak," malumanay man ay tila may laman ang sinabi ni Tatay.

"K-kaligtasan? Ano po'ng ibig ninyong sabihin?"

Di agad nakasagot si Tatay. Tapos ay tumikhim si Jon na katabi ko lang. Kaya,

"Jon, ano'ng meron?"

"Wala, Lai," salo ni Tatay. "Ang akin lang, ano, ganyan nga kasi. Hindi ka nakakakita."

"Kaya ko ang sarili ko!"

"Laila!"

Natahimik ako sa pag-igting ng tinig ni Tatay. Nangilid ang luha.

Hindi ko maalala kung kailan niya ako huling pinagtaasan ng boses, pero dahil kay Atty. Marquez...

"A-anak..."

Binawi ko ang kamay kong hinawakan niya.

"Laila," nagkaroon muli nang tingas sa muli niyang pagsasalita. "Hindi kasama sa pagiging ama ko sa iyo ang pagkakakulong ko ngayon. Sa edad mo ngayon, alam kong dapat kang nagdedesisyon na para sa sarili mo. Pero iba ang sitwasyon. Bulag ka, at naririto ako sa loob. Aminin nating pareho na hindi mo kakayanin ngayon ang mag-isa. Wala kang trabaho. Ang tindahan, hindi mo mamamantini dahil sa kalagayan mo. Alam mong hindi ako mapagsamantalang tao pero ganun ang ginagawa ko ngayon sa utang na loob na tinatanaw sa akin ni Mr. Agoncillo."

"Sa kanya, 'Tay. Hindi kay Atty. Marquez!"

"Walang pagkakaiba. Si Ralph ... si Atty. Marquez ang inatasan naming mag-aalaga sa iyo ngayon!"

"Ayoko sa kanya! Uuwi na lang ako sa Siargao, 'Tay."

Tumikhim si Jon. "Lai... sila ni Rob ang pinakamabuting mag-aalaga sa—"

"Walang humihingi ng opinyon mo, Jon. Siyempre, kakampihan mo ang nagpapasuweldo sa iyo."

"Laila! Kailan ka pa naging bastos?!"

Naitikom ko ang bibig. Bigla akong nakadama nang pagsisisi sa pambabara kay Jon.

"Ma'am... sir..." yung isa sa mga jailguards. "Maba-ban ang dalaw kapag ganyang gumagawa kayo ng eksena."

Lalo akong napahiya... at di ko maiwasang isisi na naman kay Atty. Marquez.

Kung hindi dahil sa panghihimasok niya nang sobra-sobra...

"Hindi ka maaring umuwi sa Siargao, Laila. Matanda na ang Lolo at Lola mo. At hindi ako kampante na titira ka sa Tiya Elena mo dahil sa kanya nakapoder ang mga anak ng mga pinsan mo. Marami na siyang alagain."

"Hindi ako kailangang alagaan, 'Tay!" may hinanakit kong sagot.

"Huwag kang sinungaling sa sarili mo, anak. Oo, sanay kang kumilos sa loob ng bahay pero hanggang doon lang. Dahil doon lang umikot ang buhay mo mula nang mangyari ang aksidente. Sa lampas apat na taon mula nang mabulag ka, pinagsisisihan ko ngayon na hindi kita pinag-aral nang pormal para sa isang kagaya mo ang kapansanan. Umasa ako kay ..." huminga si Tatay nang malalim, bakas ang itinatagong emosyon sa matagal na panahon. "U-umasa ako na aalagaan ka niya at tutulungang muli kang makakakita dahil... dahil siya ang may kagagawan niyan sa iyo. P-pero ano ba ang nangyari, ha? At ano pa ang ginagawa niya sa atin ngayon, ha? Masisisi mo ba ako na lalong mag-alala sa iyo ngayon? Ganyang tila pinepersonal niya pati nang asawa niya ngayon gayung sila naman ang may atraso sa iyo?"

Di ako nakakibo.

Ngayon lang naglabas ng saloobin sa akin si Tatay tungkol sa nangyari noon sa amin ni Justine konektado sa ngayon. Sinasabi niya na galit siya pero hindi niya nililitanya ang ganito. Pareho naming hindi pinag-uusapan si Justine mula nang magkahiwalay kami. Ramdam na ramdam ko ngayon ang bigat ng kalooban niya, na karugtong nang sa akin.

"A-anak... pakiusap..."

Inabot ni Tata yang kamay ko at pinisil. Napahikbi ako.

"P-para na lang sa ikatatahimik ng isip ko. Huwag matigas ang ulo. Yan at ang emosyunal na epekto ni Justine sa iyo ang dahilan kaya hindi ko magawang magtiwala sa mga desisyon mo ngayon. D-dahil alam ko... nariyan pa rin siya sa puso mo, anak."

Lalo akong naiyak nang tahimik sa narinig.

Tumatanggi ang isang parte ng isip at puso ko sa sinabi ni Tatay. Hindi ako sigurado kung sa dahilang wala siyang tiwala sa akin dahil sa estado ng pisikal at emosyunal kong kalagayan, o sa sinabi niya tungkol sa kasalukuyang damdamin ko kay Justine.

May mali kasi. Hindi ko lang alam kung ano ang mas mali sa dalawa.

"Laila... anak..."

"P-po...?" mahina kong sagot sa pagitan ng paghikbi.

"Alam ko na iniisip mong umuwi sa kabila, pero... alam mo namang matagal na tayong walang komunikasyon sa kanila mula nang mamatay ang nanay mo. At galit sila na hindi ko pumayag na iuwi si Merly at dito sa Maynila ipinalibing. B-baka apihin ka nila dun kung hindi ka makakatulong sa bukid."

May katamtamang laki na lupa ang mga magulang ni Nanay na taniman ng mga gulay at may niyugan, na naiwan sa dalawang kapatid. Doon sila kumukuha nang ikinabubuhay. Walang amor ang mga ito sa buhay siyudad, gaya nang hindi maganda ang tingin nila sa mga taga-Maynila. Kaya nga tutol daw noon ang lolo at lola ko nang magdesisyon si Nanay na sumunod kay Tatay rito noong magnobyo pa lang sila. Saglit lamang na natuwa ang mga ito dahil sa probinsya sila nagpakasal. Doon kasi sila lumaki pareho pero magkaibang bayan lang.

Otomatikong nahigpit ang kapit ko sa palad ni Tatay. Kumpirmasyon na sumagi nay un sa isip ko.

"Anak... Laila... ipangako mo sa akin."

"A-ang alin po, 'Tay?"

"Pinalaki kita sa layaw na kaya ko dahil mabuti kang anak. Para sa akin na lang, Laila. Si Ralph..."

Napakunot ang noo ko nang marinig na ganun na niya tawagin si Atty. Marquez.

"... sundin mo siya, gaya nang pagsunod mo sa akin."

"A-anong pong—"

"Matatagalan ako rito."

"'Tay..."

"Tanggapin natin, anak. Kilala ang Marquez Law Firm, pero ganun din ang Santiago. Masuwerte lang tayo na nakuha natin ang isa para magtanggol sa akin, kung hindi, mabubulok talaga ako rito. Pero ganun man, malaki ang tiwala ko kay Ralph sa maraming aspeto. Lamang, hindi ganun kadali ang kaso na isinampa sa akin. Ganyang wala pa akong matatag na ebidensya o testigo."

Naiyak muli ako. Ang isang katotohanan na pilit kong sinasalungat sa isip. Heto at si Tatay na mismo ang nagsabi sa akin.

"Laila, ipangako mo. Para sa sigurado akong ligtas at nasa ayos ka. Hindi ka aalis sa tabi ni Ralph."

"'Tay naman!"

"Para sa akin, anak. Ako na ang nakikusap. Huwag mo nang dagdagan ang mg isipin ko. Hindi lingid sa iyo na madali lang ang makakuha ng sakit dito. Paano pa sa isang katulad kong may edad na at may nakaambang diabetes?"

Umiling-iling akong nakayuko.

"Laila!"

"O-opo."

"Ipangako mo!"

"Opo!"

Narinig ko ang malalim na pagbuntung-hininga ni Tatay.

"Salamat, anak."

Kahit labag sa kalooban ko, naroon ang bahagyang saya sa akin. Kasi bakas sa tinig ni Tatay na nabawasan ang bigat ng kalooban niya sa sagot ko. Malaking bagay nay un sa akin ngayon.

"Ralph..."

Napaangat ako ng tingin sabay napalingon dahil kasunod niyon ay ang pagtikhim ni Jon at nang pangalang tinawag ni Tatay.

Kasunod ay ang pamilyar na tunog at tempo ng mga yabag. At ayun nga. Naamoy ko na ang pabango niya na kanina ay hindi umaabot sa pang-amoy ko dahil sa mga tao rito na halatang karamihan ay mga pawisan o nabilad sa araw. Kabaligtaran ni...

"Kanina pa ba siya rito?" mahinang tanong ko kay Jon.

Pero ang sumagot ay, "I just arrived a few minutes back, but heard enough."

Napatiim-bagang ako. Ni hindi ko siya nilingon nang maupo sa katabing upuan.

"So...which do you choose: I rent your house or I'm the one to decide where you will live?"

Ayokong iwan ang bahay namin sa totoo lang, pero ayaw ko rin namang makasama ang isang ito sa iisang bubong.

Heto na naman at naiipit ako sa dalawang nag-uuntugang bato.

"Laila...?" untag ni Tatay. "Kung hindi ka makapagdesisyon, eh ako na ang—"

"Paano ang gamit sa kuwarto ninyo, 'Tay?" bigla kong nasabi.

Natakot ako sa maaring lumabas pa sa bibig ni Tatay. Ganyang masyado siyang kampante at pabor kay Atty. Marquez.

"What was your plan about it when you thought of renting out your house?" singit ng katabi ko. "Including your furnitures and all?"

"Uhm...ano..." di ko malaman ang sasabihin.

Hindi ko kasi yun masyadong napag-isipan. Basta ang gusto ko lang that time ay makaalis sa pagiging control freak ng abogado. Sigurado kasi ako na iniimpluwensiyahan niya si Tatay.

"See what I mean?" tila may pasaring na sabi. "You have no polished plans."

"Gusto ko kasing makalayo agad sa iyo!" bulalas ko.

"Laila!" saway ni Tatay. "Nag-usap na tayo at nangako ka!"

"Ma'am," lumapit muli ang jail guard. "Second warning na po. Nakakakuha na kayo ng atensyon dito sa visiting area. Mapipilitan akong paalisin kayo kahit di pa tapos ang visiting hours n'yo."

Humingi ng dispensa si Atty. Marquez. Gayun din si Tatay at Jon. Ako, nanatiling walang-kibo. Nagrerebelde ang kalooban ko.

Muling nagsalita si Tatay nang dumistansya ang jail guard.

"Kung yan ang pasya mo, Laila, yung mga pwedeng ibenta sa nangangalakal dun, ipakilo mo na. Ipalinis mo at dun ilagay angmga gamit ko para may mapupuwestuhan itong si Ralph."

"Pero, 'Tay –"

"Ako na po ang bahala, Mang Ben," sansala ni Atty. Marquez."

"Sigurado ka ba, Ralph?"

"Opo."

Pigil na pigil ko ang pangigigil papauwi. Wala akong kibo sa backseat ng kotse ng abogado habang kaswal silang nag-uusap ni Jon sa harap.

Wala naman akong pagpipilian nang ibilin ni Tatay na sumabay na kami ni Jon sa kanya. Gaya nang wala na rin akong ibang magawa nang kinabukasan ay may dumating na dalawang babae at dalawang lalaki na mag-aayos raw sa bahay.

Buong araw akong nagkulong sa silid habang pilit na mag-aral ng braille. Hindi ako pumasok sa PNSB kahit nang mga sumunod na araw, dala nang paghihimagsik sa mga nangyayari, at pagtatampo kay Tatay.

Para akong isang kuting na iniwan sa isang kakilala dahil magbabakasyon ang may-ari sa akin.

Isa yung pagpapakita na hindi ako natutuwa na naririto ang abogado. Sigurado namang makakarating yun kay Tatay. Sumbungero 'yang kaibigan ni Mr. Agoncillo!

At talagang sinusulit niya ang pagrenta sa amin. Akala mo ay siya ang may-ari ng bahay namin!


"Ano na naman itong dumating sa bahay, Attorney?"

Galit kong kontra habang ipinapasok ang bagong ref sa kusina at dining table. Kausap ko siya sa gamit ang cellphone ni Jon.

Kaninang umaga dumating ang gas range with oven at yung microwave. Pati karamihan sa mga gamit namin sa sala!

"Sinabi ko naman sa iyo nung nakaraan na maglalagay ako ng mga gamit ko, di ba?" paliwanag niya.

"Maglalagay, oo. Pero hindi yung pinalitan mo na yata ang lahat dito! Ang kuwarto ko lang yata ang hindi mo pinakialaman."

"Your father signed a contract that I'll be renting the whole house, except your room, and the store, like what you wanted. Then sharing yung toilet and bath since your house only has one."

"Rerenta ka, hindi mo papalitan ang—"

"Wait a second, sweetheart," natatawang putol sa akin. "From what I have gathered from your father, gamit mo at piling gamit lang ang planong dalhin kung pauupahan ang bahay ninyo dahil kuwarto lang ang lilipatan mo. Your father and my assumption was you'd rent out the house either fully furnished, or you'd sell the big furniture and the others for your pocket money."

"Fully furnished ang plano ko. Bakit mo inalis ang mga gamit namin, ha?"

"Your appliances and furniture are outdated, sweetheart. And just replaced them with newer ones."

"Eh papaano ko yun maibebenta? Saan mo dinala?"

"I gave them away."

"Ano?!"

"Sa foundation ng asawa at nanay ng kaibigan ko. You know Freidrich Schulz, right? Don't worry, I paid your father for that. He knows. The money's deposited in his bank account. Nasa iyo raw ang ATM card nun at passbook."

Nakuyom ko ang mga palad.

"You should be thankful, Laila. I won't take those back kapag umuwi na si Mang Ben."

"Hidi yun ang punto. Para na akong nakatira sa ibang bahay!"

"Kaya nga hindi ko ginalaw ang kuwarto mo, para kahit papaano –"

"Aba't ... may balak ka pa, ha?!"

"Would love to, sweetheart. Thing is, mas gusto ko nga na lumipat ka na lang."

"Ano? Ang kapal mo! Dito ako lumaki."

"I know. The house has sentimental value. Your mom, dad, your childhood."

"Alam mo naman pala," mapakla kong simat.

"Well, the reason I want you out of here is because you like lingering more not of those memories but of Atty. Navarro. Not healthy for your well-being."

Muntik kong ibato ang cellphone sa sobrang galit. Mabuti at naalala ko na kay Jon yun.


Asar na isinara ko ang libro ng braille. Hindi ako makakonsentra sa pagse-self-study. Maliban sa hanggang ngayon ay umiikot pa rin sa isip ko ang sinabing yun ni Atty. Marquez, ay sige ang naririnig kong pagpupukpok at paglalagare sa likod namin.

Pina-repair nung sira-ulong abogado ang bodega dun. Ang sabi ni Jon, para maayos na mailagay ang mga gamit ni Tatay doon. Tsaka pinapaayos ang bakod sa likod. Pinataasan na hindi maakyat nang kung sino dahil luma at abandonadong bahay ang naroon.

Paalis na si Jon para sa bago niyang mission assignment ay hindi pa rin tapos ang pagre-repair sa bahay namin. Hindi na ako muling kumontra. Nawawalang-saysay naman ang boses ko ngayon sa sarili naming bahay.

"Lai..."

Napalingon ako sa pinto ng kuwarto ko.

Boses ni Gina.

"Pasok ka," sagot ko.

Narinig ko ang pagbukas nun tapos ay ang pag lundo ang kama.

"Musta na?" ang sabi pagkaupo sa tabi ko.

"Eto," matamlay kong sagot.

"Pasenysa na. Matagal akong di nakadalaw," hingi niya nang paumanhin. "Alam mo naman na may problema kami ngayon sa bahay."

"Wala yun. Naiintindihan ko naman. Saka, siyempre, unahin mo ang pamilya mo," sagot ko na pinisil siya nang marahan sa hita. "'Musta na si Nanay?"

Naoperahan ang ina nito para alisin ang dalawang obaryo, dala ng stage one cancer. Magkakatulong ang magkakapatid sa pagbabantay sa ina at pagsagot sa gastusin. Kaya si Gina, palaging napapa-OT sa trabaho kahit pa may trabaho rin ang asawa niya.

Kaya biglang sumagi sa isip ko, "Kaya pa ba, Gina?"

"Huh?"

"Ahm, baka kinakapos ka."

"Uhm... ano... h-hindi naman, Lai."

Nagsisinungaling ito. Sa tagal naming magkaibigan, kilala na namin kung may problema o wala.

"Yung totoo, Gina?"

"Nangungumusta lang ako," may kasamang mahinang tawa yun pero halatang pagod. "Gusto kong malaman ang lagay mo at ni Tatay. Mukhang maayos ka naman. Nagdalawang-isip nga ako kanina sa gate ninyo. Akala ko lumipat na kayo."

Nagtaka ako.

"Bakit naman?"

"Iba na ang kulay ng pintura ng harap 'yo. Tsaka may ilalagay na mataas na bagong gate. Sabi nung gumagawa, pinapatuyo lang yung semento napagkakabitan. Bigla nga kasing umulan nang malakas kanina."

"Ha?!"

"H-hindi mo alam?"

Marahan akong umiling.

"Lai, ano ba'ng nangyayari dito?"

Huminga ko nang malalim. Ayoko sanang magsabi pa sa kanya dahil may sariling problema ang kaibigan ko ngayon. Tingin ko nga ay naghhanap ito ngayon nang makakausap para saglit na maipahinga ang utak sa isyu nila sa bahay.

Pero dahil kilala ko nga si Gina, hindi ako tatantanan nito hangga't di ako nagkukuwento kaya, ayun.

"Ah, kaya pala. Wala naman palang problema eh. Parang yung reality show na home make over," natatawa pa.

Napakamot na lang ako sa ulo. Inaasahan ko nang yun ang sasabihin niya.

"Walang kasamang dagdag na titira sa home maker over show, Gina," nasusuya kong sagot. "At wala siyang binanggit sa akin tungkol diyan sa pagpipintura at bagong gate."

"Malamang, ganun din ang dahilan ni Attorney. Inaayon niya sa gusto niyang kulay ang pintura. Tsaka para mas ligtas kasi mataas yung ikinakabit na bagong gate eh."

Naihilamos ko ang isang palad sa mukha ko.

"Basta huwag niyang idadagdag sa mga utang ko sa kanya. Wala akong sinabing palitan yang sa harap namin."

"Di naman siguro, Lai. Andaming niyang pera. Tingin ko, gusto lang talaga niyang maging kumportable at safe siya dito."

"Kung bakit kasi dito pa siya. Siguradong malaki ang bahay nila. At tiyak ring hindi lang iisa ang property niya."

"Baka matatagalan siya rito kaya ganun," parang wala sa loob na sabi ni Gina. "Mukhang may usapan yata sila ni Tatay Ben na bantayan ka."

Nakakapanlumo man, totoo ang sinabi ng kaibigan ko. Ang tanong lang ay kung gaano katagal.

"May kasama naman ako na padala ni Mr. Agoncillo."

"Baka may ibang isyu, Lai. Alam mo na, bigatin yung nagdemanda sa tatay mo."

Napaisip ako dun. Naalala ko ang mga pag-uusap naming mag-ama. May binanggit siya tungkol sa kaligtasan ko pero isang beses lang. Natural lang yun dahil sa kundisyon ko at wala siya sa tabi ko.

"Si Jon nga pala, nasaan?"

"Nung isang araw pa siya napalitan," tapos ay sinabi ko ang dahilan.

"Ah, kaya pala babae na yung tao sa tindahan n'yo na nagpapasok sa akin. Akala ko, pumayag ka na dun sa katulong na offer ni Mr. Agoncillo."

Nalungkot ako lalo. Nami-miss ko kasi si Jon. Para kasing mas kuya ang dating niya sa akin. Yung kuya na medyo nag-i-spoil ng kapatid. Yung kapalit niyang si Elsa, medyo pormal. May pagka-istrikto at pagka-transaksyonal makipag-usap. Tsaka halos ayaw akong pagalawin sa loob ng bahay. Nakakainis, sa totoo lang. Kasi lalo akong nawawalan ng pagkakataon na kabisaduhin ang loob ng bahay dahil nag-iba na nga ang mga gamit pati ang ayos.

Iba na. Para akong nasa ibang lugar.

Ewan ko lang. To be fair kay Elsa, baka nananantiya pa sa akin. Pangalawang araw niya pa lang kasi. Isa pa, di ako halos lumalabas ng silid. Nagmumukmok nga kasi ako. May isang linggo na nga akong di pumapasok sa PNSB.

"Buti pinapasok ka agad ni Elsa?" tanong ko.

"Kilala ako eh. Baka binilinan na ni Jon."

Napatango na lang ako. Ilang minuto pa kaming nagkuwentuhan, hanggang maisip kong yayain siyang lumabas. Pareho naming kailangang magkaibigan ang kahit maikling break. Ang makasagap ng hangin. Nagsara ng tindahan si Elsa. Dangan at kasama namin siya, kay Gina ako kumapit nung nasa labas na kami pero,

"Laila," tawag ng babae sa atensyon ko.

"Bakit?"

"Mas mainam siguro na hindi ka kumapit kay Gina."

"Ha?"

"Mas makakatulong sa iyo na masanay na maglakad mag-isa. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may aalalay sa iyo."

Napakunut-noo ako. Ang inconsistent naman nitong lady bodyguard ko kahit pa may punto siya dun.

"Hindi mo nga ako pinapakilos halos sa loob ng bahay tapos ganyang ang sinasabi mo ngayon?" di ko maiwasang magsuplada.

"Kapag wala na ang mga kalat na pako at tools na nakakalat, at kapag tapos na ang pag-aayos sa inyo, hindi kita pipigilang maglalalakad sa loob ng bahay ninyo."

Napahiya ako.

Pero ang nagpaasim sa pakiramdam ko sa babae ay nang matapos kaming magmeryendang magkaibigan ay nagpasama ako na mag-withdraw ng pera. Ipinilit ko kay Gina ang limang libo na hiramin niya muna at bayaran na lang kapag okay nakaluwag na siya. Saka ko lang pinakawalan ang kaibigan ko para umuwi na sa kanila.

Nang makarating na kami sa bahay,

"Bakit nagpunta ang kaibigan mo rito?"

"Dumalaw lang. Bakit?"

"Ano yung perang pinahiram mo sa kanya?"

Nairita akong bigla.

"Ano'ng pakialam mo? Pera ko naman yun."

"Kasama sa trabaho ko ang alamin ang nangyayari sa iyo. Ang mga taong lumalapit sa iyo."

"Pinapasok mo nga siya nang walang pasabi sa akin, tapos magtatanong ka nang ganyan?"

"Dahil nasa profile folder mo na siya ang matalik mong kaibigan."

"Kaya dapat, hindi mo kinukwestyon kung bakit ko siya tinutulungan. Kasi nga best friend ko, di ba?"

"Alam mo, Laila, kahit ang pinakamalapit na tao sa iyo, kaya kang traydurin. Dapat ay alam mo yan."

"Ibig bang sabihin, wala akong dapat pagkatiwalaan? Kahit ikaw? Eh bakit ka naririto?"

"Kasi trabaho ko ito. Ang bantayan ka. No offense, Laila. Wala akong ibang gustong ipakahulugan."

"Pinag-iisipan mo nang masama ang kaibigan ko. Dalawa na lang sila ni Tatay na meron ako. At hindi ko gusto ang laman nang sinabi mo na parang nagpaparinig ka sa nakaraan ko."

Natapos ang araw na yun na nagdesisyong ayoko kay Elsa. Kahit pa na humingi siya ng paumanhin sa akin nung naghahapunan kami.

Sakto naman na dumating si Atty. Marquez bago ako magkulong muli sa silid.

Inungkat ko sa kanya ang tungkol sa pagbabago sa harap namin.

Tama nga ang sinabi ni Gina.

"I want to go home to a house that will at least suit to my liking."

"Ano'ng karapatan mong baguhin yan na walang abiso?" maanghang kong sikmat.

"Who says I didn't?"

Naningkit ang mata ko,"So, kay Tatay?"

"You got it!"

"Hindi basta papayag si Tatay!"

Sigurado ako dun. Hindi siya mapagsamantala. Yun ngang humingi ng tulong kay Mr. Agoncillo ay huli na niya napagdesisyunan dahil hindi siya ang tipo na humihingi ng kapalit sa naitulong niya. Nakikita kasi ni Tatay na nahihirapan ako, at wala akong ibang matakbuhan.

"Well, he did, obviously. I told him what I said to you before."

"Alin?"

"I really want you out of this house because the latter memories it holds are not healthy for you anymore. And if I have to demolish the house and build a new one on your lot, I would."

Nanggigil ako lalo.

"And about the gate, that is for additional protection. Ang daling pasukin nang dati ninyong gate."

"At sino naman ang papasok dito nang walang paalam? Ang tagal na naming nakatira rito, Attorney."

"We can never tell, Laila," kalmado niyang paliwanag.

Saglit akong natigilan sa sinabi niya. Parang may laman yun.

"Anyway, I've talked to Gina."

"Huh?"

"Don't worry much about her problems. I'll help her."

"A-ano'ng... Paano mo—"

"Elsa reported it to me."

Tinikom ko ang bibig. Kaya pala!

Pakiramdam ko ngayon, hindi lang si Tatay ang nakakulong. Parang isang preso na rin ang pakiramdam ko!

"Please, don't think anything bad about what I did, Laila."

"Papaano'ng hindi. Attorney? Hindi lang ang relasyon ko sa ama ko ang pinakikialaman mo. Pati sa bestfriend ko!"

"I'm just trying to be cautious, sweetheart."

"Huwag mo akong matawag-tawag na sweetheart!"

Mahina lang itong tumawa. "Don't worry, Laila. I'm just like that when I talk to women or children. Especially if they can't understand something I'm trying to point out. Nothing malicious about it."

"Wala akong iniisip na malisya. Lalo pa at galing sa iyo. Ang kapal mo ha? Basta tigilan mo! Naiirita ako."

"Why, was that Navarro's other endearment to you?"

"Ano'ng pake mo?"

"Nothing. I'm just wondering. I heard him talk to you on the phone before more than once. Sweetheart wasn't his endearment call to you."

"Tumahimik ka na! At huwag ka makialam sa relasyon namin ni Gina."

Tumawa lang uli. "No can do, sweetheart. Aw!"

Binato ko siya ng walking stick ko. Pikun na pikon akong tumayo at pakapa-kapa ang mga kamay pabalik sa kuwarto, pero...

"Aray!"

May matigas na tumama sa hinliliit ko sa paa kaya otomatikong napauklo ako para hawakan yun at...

"Ahhww!"

Sa noo naman ako napahawak. Di ko alam kung ano ang mas masakit ngayon.

"Oh shit!"

Kasunod ang mga yabag.

"Lai..." tawag niya na hinawakan ako sa balikat. "Let me see you."

"Huwag mo akong hawakan. Kasalanan mo ito! Pakialamero ka sa buhay at bahay namin!" piksi ko sabay tabig sa kamay niya.

"God damn it! Huwag matigas ang ulo mo! Patingin!"

Natigagal ako sa pagbulyaw niya sa akin. Napagtataasan ako ng boses ni Tatay, at ni Justine noon kapag may pagtatalo kami. Pero ang literal na pagbulyaw... hindi!

Nangilid ang luha ko at di na nakakilos nang mabilis akong buhatin at iupo muli sa sofa.

"Tsk," napapalatak pa. "Elsa!"

Saglit lang, heto na ang tinawag niya na isa pang kinaiinisan ko. Pero nagulat muli ako dahil,

"Bakit hindi inayos ang pagkakatabi sa center table bago ka nagpunta sa tindahan?!"

"Babalik pa bukas yung gumagawa, Ralph," katwiran ng babae. "Bakit? Ano'ng nangyari?"

"Look, her toe nail's cracked and bleeding. And she got a bump on her head!" galit na sabi ng lalaki. "Ibinilin ko sa iyo si Laila!"

"Eh, lagi naman siya sa kuwarto. At hindi ko siya halos pakilusin dito habang di pa tapos ang—"

"Eh ano ito? Hindi mo ba nakikita ang itsura niya?!"

"Ikaw ang kasama niya bago ako bumalik sa tindahan, Ralph. Kaya akala ko ikaw ang titingin—"

"Ako ngayon ang sinisisis mo, Elsa?! Ikaw ng bodyguard ni Laila! Damn it!"

Bigla akong naawa sa babae kasi kanina pa sigaw nang sigaw si Atty. Marquez.

"T-teka lang," awat ko na kahit masakit pa rin ang hinliliit ko sa paa, at medyo nahihilo ako sa malakas na pagkakauntog. "Ano, pakuha na lang nung medicine kit sa cabinet sa kuwarto ko."

"Ako na!" inis na sabi uli ng abogado. "Huwag ka nang tatayo, Laila."

"Uhm, kukuha ako ng yelo," sabi naman ni Elsa.

Naunang makabalik si Elsa sa akin. Di ko napigilang,

"Uhm, p-pasensya na," mahina kong sabi. "Di ko alam na ano, papagalitan ka ni Attorney nang ganun."

Mahina itong natawa, "Wala yun. Maraming mas malala pa na di hamak dyan."

"Kahit na. Babae ka pa rin," depensa ko para sa kanya habang inilalapat niya ang ice pack sa noo ko. "Ako na."

"Sa trabaho ko, hindi uso ang babae. Ilang lalaki na nga ang nabugbog at napatay ko."

Napasinghap ako sa narinig. Tapos tinawanan lang ako nito nang mahina.

"Kalimutan mo na ang sinabi ko," binitawan niya ang ice pack nung hawak ko na. "Huwag mo masyadong idiin. Medyo malaki yung bukol mo. Puntahan ko lang si Ralph sa kuwarto mo. Baka hindi makita yung kit."

Pag-alis ni Elsa, saka ko naramdaman uli ang kirot ng hinliliit ko sa paa. Pati ang lagkit ng dugo nun na tumulo na sa ilalim ng daliri at tsinelas ko. Yumuko ako para himasin sana ang paa ko kaya lang ay napaigtad ako.

"Don't touch it! Baka ma-infect!"

Tapos ay ang mabibilis na yabag papalapit. Naaninag ko na nga ang bulto ni Atty. Marquez papalapit pati si Elsa na nakasunod lang.

"Why did you leave her? Kung maglakad na naman yan?" singhal ng lalaki.

"Bakit ba sigaw ka nang sigaw?" naiinis ko na ring sabi para ipagtanggol si Elsa.

"Para ka kasing bata. Sinabihan ka na pala na may mga kalat dito."

"Binubwisit mo kasi ako!"

"I was only stating facts. Not my problem if you can't chew it up."

"Aba't—"

"Zip it now, Laila. Let me see your foot."

"T-teka—"

Nagulat ako nang maaninag na nag-squat siya sa harapan ko.

"Stay seated."

Nanigas ang binti ko nang maramdaman ang mainit niyang palad sa paa ko at iangat yun.

"Relax your leg, Laila. I won't see anything. Naka-walking shorts ka naman."

Napasimangot ako, "Ako na lang."

"No, hindi mo kita. Umangat ang kuko mo at nagdudugo pa."

"S-si Elsa na lang."

"I said I'll do it. Keep quiet!"

Nakagat ko na lang ang labi ko. Di ko inaasahan na sa laki ng mga palad niya, magaan niyang nalinisan ang sugat ko. At gumapang ang kilabot sa akin nang hipan niya ang nasugatan paa ko nang minsang mapadaing ko, at minsang mapapiksi nang dalawang beses makaramdam ng sakit.

"There. Just be careful next time." sa wakas ay sabi niya. "Elsa, clean up the cotton and gauze. Then clear the living room."

"Okay," walang reklamong sagot ng babae.

"Ano'ng oras dadating yung tao ng MonKho na mag-aayos dito bukas?"

"Bago mag-alas siete. Sabi ko agahan nila para maikabit na yung gate. Bakit?"

"Kakausapin ko. Papaunahin kong tapusin yung master's bedroom."

"B-bakit?" di ko maiwasang itanong.

"Para dito na ako didiretso galing sa pag-aasikaso sa inauguration papers ng MonKhar sa isang araw."

"Ha?"

"What's with the 'ha', Laila? I'm renting the house, right? Natural dito ako matutulog kapag gusto ko."

"Magsasara na nga muna ako ng tindahan," sabi ni Elsa. "Ah, Ralph?"

"Yes?"

"Yung sasakyan mo, ilalabas ko na ba sa garahe?"

"Why?"

"Aayusin ko yung gate. Hindi pa nga naka-welding yun. Baka mabagsakan mamaya paglabas mo."

"Mamaya ka na magsara ng gate, pagkaalis ko na."

"Tulungan mo na lang siya mamaya," sabi ko.

Huminga nang malalim ang lalaki, "Alright."

Saka lumabas si Elsa.

Ngayon ko naiintindihan kung bakit ganito ang babae sa akin. Mukhang mahigpit ang mga bilin ni Atty. Marquez sa kanya. Kumpara kay Jon na nadadaan ko sa minsang pagta-trantrums at lambing, hindi yun umuubra kay Elsa. Mas lamang ang loyalty nito sa abogado.

Napasunod ako ng tingin kay Atty. Marquez dahil akala ko ay may dadamputin ito nang maaninag ko ang pagyuko, yun pala...

"Ay! Ano ba?!" Napapiglas ako.

"Stop moving. I'll carry you to your room."

"Kaya kong maglakad."

"Tsk! Huwag kang malikot. Baka mabitawan kita."

"Ibaba mo na ako!" pilit ko.

Ewan ko ba kahit na hindi ito ang unang pagkakataon na binuhat ako ng lalaking ito. Biglang kong binura ang nasa isip dahil sa kahihiyang inabot ko kay Atty. Marquez nang gabing magkasakit ako at dalhin niya sa ospital.

Ah basta! Ilang na ilang ako na magkadikit kami simula pa kaninang linisan niya ang sugat ko lalo na tila naalala ko pa a ng init ng hininga niya para hipan ang paa ko dahil sa sakit.

Hindi ko kayang ipaliwanag ang pagkabog ng dibdib ko ngayon.

"Stop it, Laila. May itatanong rin ako sa iyo. But in private. Pabalik na si Elsa. Isa!"

Napatigil ako sa pagbilang niyang yun bilang pagbabanta gayung wala naman siyang sinabing magiging konsekwensya kung hindi ako pakikinig.

Tumunog ang cellphone nito.

"Kumapit ka sa leeg ko. I just need to answer this call."

"Ibaba mo na lang ako."

"Dalawa, Laila!"

Ang bilis ng kamay at braso ko na pumalibot balikat at leeg niya. Sunod kong naramdaman ay ang pang-upo ko sa isang hita niya gayong nakatayo pa rin siya. Mukhang ipinatong ang isang paa sa sofa para tuntungan bago dinukot ang cellphone sa bulsa niya.

"Yes...?"

Saglit itong nakinig tapos ay natensyon ang katawan, humigpit pa nga ang kapit bewang ko.

Diyos ko, yung hininga niya na bahagyang bumubuga sa panga ko! Gumapang na naman ang hindi maipaliwanag na kilabot sa akin.

"Hayaan mo lang. Inform Elsa."

Tapos ay ibinulsa na niya ang cp.

"S-sino yun?"

"Security detail ko sa labas."

"May bodyguard ka rin?

"Of course. My profession requires it. I have three."

"Ha?"

"They just follow me around from a distance. But sometimes, they drive for me. Depende."

Kaya pala di ko napapansin.

"Let's go."

Tumuwid na siya ng tayo at tuluyan akong binuhat pero nakakadalawang hakbang pa lang siya, narinig kong bumukas uli ang maindoor namin.

"Laila, may bisita ka," si Elsa.

Magkahalong pagtataka at hiya ang nararamdaman ko.

Pagtataka dahil wala akong maiisip na bibisita sa akin dahil galing na si Gina rito, at heto nga si Atty. Marquez... hindi naman bisita ito, kundi bwisita. At ang dahilang karga niya ako ngayon na makikita nang kung sino kaya nakakahiyang—

"Lai...?"

Huminto yata ang mundo nang marinig ko ang boses na yun.

Bago pa ako maka-react, ang mabigat na boses ni Atty. Marquez ang sumunod.

"What are you doing here at this hour, Atty. Navarro? This is professionally unethical!"

====================

Don't forget to comment and vote!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: #b6lhu