01
"Alia, nasaan ka na?! Nagpe-present na kami ng designs!"
Kanina pa ako nasisigawan ni Bailey. "Papunta na, papunta na! Bye!" Pinatay ko kaagad ang tawag at nagmamadaling sinalpak ang mga sketchbooks ko sa loob ng bag ko.
Buti na lang at napakalapit lang ng apartment ko sa school. Humakbang-hakbang pa ako sa sahig para makalabas dahil ang daming nakakalat na damit at mga tela. Hindi ko na naayos. Lagi namang ganito ang lagay ng apartment ko kaya kahit kailan ay hindi ako tumanggap ng bisita! Nagkalat lahat ng ginagamit ko para sa pag-design at gawa ng mga damit.
Iyon lang naman ang kalat ko. Iyong mga damit lang. Malinis na ako sa lahat ng aspect! Wala lang talaga akong oras dahil palagi akong nagka-cram sa school. Ang dami ko rin kasing inaasikaso.
Mas marami kasi akong sinasayang na oras sa pagpili ng susuotin ko sa school. Showing up in a good outfit was always my priority. Pakiramdam ko lang mas gaganahan akong pumasok sa school kapag maganda ang suot ko. Doon na lang kasi ako kumukuha ng confidence.
Madapa-dapa na ako sa kakatakbo ko para lang makaabot sa klase. Pawis na pawis ako nang pumasok ng room namin, at saktong-sakto, tinawag ang surname ko.
"Ortega."
"Here, Ma'am! Here!"
Nagmamadali kong nilapag ang bag ko sa gilid at huminto na ako sa harapan kung saan ako magpe-present. Kinuha ko ang folder para bigyan si Ma'am ng copy ng design bago ko inayos ang presentation ko sa laptop.
Hingal na hingal pa ako habang nagpe-present ng design ko. Naitawid ko naman kaya binigyan ko si Ma'am ng malawak na ngiti pagkatapos.
"Next time, don't be late." Iyon lang ang sinabi niya kaya tuwang-tuwa na akong umupo sa tabi ni Bailey.
"Buti umabot ka, gaga ka! Bagsak ka sana sa presentation!" Hinampas pa ako ni Bailey sa braso. Ngumiti ako sa kaniya at natawa na lang.
Ito nga lang ang klase ko ngayong umaga tapos 'yong iba mamayang hapon na kaya ang dami kong vacant time. Ngayon lang dahil walang class sa iba kong subjects ngayong araw. Finals na kasi. Pagkatapos ng sem na 'to, 3rd year college na ako!
Naglakad na lang kami ni Bailey papuntang main campus. Isang malaking university kasi ang University of Flare Alva. Nakahiwalay ang Flare Alva Fashion Institute na nagfo-focus sa fashion designing courses. May sarili kaming place sa university. Ganoon din 'yong iba katulad ng Sports Institute, Culinary School, ganoon.
"Uy, si Cheyenne! Pst, Chae!" Kumaway-kaway si Bailey para makita kami ni Chae, childhood friend ko na mas matanda sa akin nang isang taon. Applied Physics ang kinuha niyang course. Hanga ako sa kaniya dahil hindi ko kayang humarap sa Math araw-araw.
"Your sweat," sabi niya kaagad sa akin.
"Ay, he-he!" Ngumiti ako at pinunasan ang pawis ko gamit ang sleeves ng suot ko. Napailing siya sa ginawa ko at naglakad na lang papuntang cafeteria. Sumunod naman kami sa kaniya.
Binilang ko pa kung magkano na lang ang natitirang pera ko bago ako kumuha ng pagkain. Mahirap na, baka kapusin. Hindi naman marami ang pera ko para gumastos-gastos palagi. Minsan, nagbabaon na lang ako ng pagkain para makapagtipid kaso nga hindi na ako nakapag-prepare kanina dahil late na ako.
"Gusto ko na rin ng sariling apartment!" reklamo ni Bailey. "Nakakainggit ka, Alia!"
"Bakit mo naman gusto? Ang gastos kaya..." sabi ko. Totoo naman.
Ako na lang ang bumubuhay sa sarili ko simula pagka-graduate ko ng high school. Hindi ko na kaya manatili sa bahay namin. Mahirap doon.
"Then your parents will just ask you to give them your salary from your part-time jobs." Halos mapairap si Chae roon.
Ngumiti ako nang alanganin sa kaniya.
"Okay lang 'yon, Chae... Binabalik ko lang naman ginastos nila sa akin noong bata ako," nahihiyang sabi ko.
Napailing siya lalo sa akin, disappointed tuwing napag-uusapan ang magulang ko at kung paano raw nila ako itrato. I just forced a smile and looked down on my food.
"Ano bang mga raket mo lately, Alia?" Iniba na ni Bailey ang topic.
"Hmm, kahapon, kinuha ako ng Tito ko para mag-design ng uniforms ng volleyball team!" masayang sabi ko. "Tapos nagtatrabaho rin ako sa Wings Club, taga-deliver ng orders! MWF 'yon, tapos Saturday at Sunday naman, nagtatrabaho ako sa convenience store diyan sa tabi ng school bilang cashier. Kapag Tuesday at Thursday, wala akong work kaya doon ako gumagawa ng mga school stuff."
"Alia..." Humawak si Bailey sa balikat ko. "Okay ka pa ba?" Biglang napuno ng concern ang mga mata niya.
"Sira, oo naman!" Tumawa ako. "Bakit naman hindi?! Sanay na kaya ako magtrabaho!"
Simula noong nag-eighteen ako noong SHS ay nagsimula na rin akong mag-part-time jobs para lang makaipon ng pera. Plinano ko na kasing umalis talaga sa bahay pagtungtong ng college.
"Tell her how many orgs you are active in," sabi ni Chae sabay inom ng sabaw.
"Ilan?" Tumingin sa akin si Bailey.
"Five!" Ngumiti ako. "Puro mga volunteer orgs 'yon. Ang saya kaya mag-volunteer! Nakakataba ng puso kapag may natutulungan ka, ganoon! Favorite ko 'yong animal rescue na organization."
"Alia..." Parang maiiyak na si Bailey. "Saan ka kumukuha ng energy?!"
Sanayan na lang naman 'yon, eh! Nakakapagod, oo, pero wala naman akong choice kung hindi kumayod!
"Baka naman nagpapa-busy ka lang para makalimutan siya, ha! Okay ka lang ba talaga?!"
"Bailey," Chae warned her. "Don't talk about that trash. We're eating."
Ngumiti ako sa kanya. "Ano ka ba! Ang tagal na naming hiwalay noon!" May na ngayon, oh! December pa lang ay hiwalay na kami!
Ayaw ko na ngang alalahanin ang lalaking 'yon. Masyado akong busy para isipin pa ang mga relationship problems na 'yan.
Pagkatapos ng lunch ay pumasok na rin kami ni Bailey sa dalawa pa naming klase. Noong uwian na, dumeretso ako sa may Flare Alva Sports Institute sa campus dahil naroon lahat ng sports-related programs, at doon din nagte-training lahat ng atheletes ng school. Napansin kong nagi-invest talaga sila sa sports competitions dahil pride na ng school ang mga trophy na nakukuha nila.
Kaya naman manghang-mangha ako nang makita 'yong mga facilities nila para sa sports training. Ang lalaki at ang gaganda! Mga kompleto lahat ng equipment at mga kailangan ng athletes.
Naglakad ako papunta sa may malaking covered court. Nakalagay roon ay 'Occupied. Training ongoing.' May volleyball logo rin sa may pinto kaya alam kong dito nagte-training ang volleyball team. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at sumilip muna para masigurado.
Nang makita ko ang Tito ko na coach ng volleyball team, tuloy-tuloy na akong pumunta sa may bench.
"Alia, nandito ka na pala! Upo ka muna," bungad niya sa akin.
Nilapag ko ang gamit ko roon at nilabas ang notebook, pati ang panukat. Magsusukat kasi ngayon at ipe-present ko rin kay Tito iyong na-sketch kong design kanina lang habang kumakain ng lunch.
Halos kumabog ang puso ko nang marinig ang lakas ng hampas ng bola sa sahig. Napahawak tuloy ako sa dibdib ko at tiningnan kung sino ang humampas ng bola.
Number 7.
May nag-set ulit ng bola papunta sa kaniya. Napaawang ang labi ko nang tumalon ulit siya at hinampas ang bola. He got nice posture. How could someone jump like that? Ang galing! Ang taas! Parang lumilipad!
"Alia!" Napatayo ako nang makita ang friend ko noong high school. Si Sean. Captain siya ng volleyball team dito. Yayakap sana siya sa akin kaso pawis siya kaya huminto rin siya kaagad.
Nang marinig ang pito ay lahat sila lumapit sa bench. I was overwhelmed by the number of men surrounding me. Natahimik tuloy ako at pinaglaruan na lang ang panukat sa kamay ko habang pinapaliwanag ni Tito na susukatan sila para sa bagong uniform.
For some reason, nagtama ang tingin namin ni number seven. Ngingitian ko na sana siya nang bigla niyang iniwas ang tingin niya at tumalikod. Umakbay naman sa kaniya ang isang teammate nila habang tumatawa at tinuturo ang mukha niya. Iyon 'yong setter niya kanina.
Parang siya ang pinakaseryoso rito. Kanina rin, habang naglalaro, ay wala siyang expression sa mukha niya.
Nakapila na lahat ng players kaya naging abala rin ako sa pagsusukat. Kapag tapos nang sukatan ay bumabalik na rin sila sa pagwa-warm up nila.
"Hello," bati sa akin noong setter, medyo natatawa. "Nakita na kita sa campus dati. Taga-Fashion Institute ka 'di ba?"
"Yes po," sagot ko dahil pakiramdam ko ang rude kapag sinabi ko lang na 'Oo.' Parang nagsusungit ako!
"Kasama mo 'ata 'yong partner mo noon."
Napakunot ang noo ko habang nagsusukat ng balikat niya.
"Huh? Single ako..." Sino ang nakita niya? Iyong ex ko ba? Wala na! Break na kami noon!
"Ah, ganoon ba?" Lumingon siya sa likuran niya kung saan nakakrus ang braso ni number seven at tahimik na naghihintay ng turn niya. "Single ka nga pala! Sorry, akala ko lang!" Nilakasan niya pa!
"Okay lang, ano ka ba..." Sobrang lakas niya mag-sorry. Okay lang naman 'yon! Hindi naman big deal sa akin!
Pagkatapos ko siyang sukatan ay umalis na siya sa pila at sumunod na ang number seven. Siya na ang last. Akala ko ay babalik na sa training iyong setter pero nanatili siyang nakatayo sa gilid para manood. Ano naman ang papanoorin niya?
"Uy, King, tingnan mo, turn na ni Seven, oh!" At nagtawag pa siya ng isa pang teammate. Pareho na silang nanonood ngayon habang sinusukatan ko 'yong player. Tumatawa pa silang dalawa. Ano kaya ang nakakatawa?
"Wow, liit naman ng waist. Huminga ka kasi, Seven," sabi noong King tapos nagtawanan na naman sila.
Seven ba talaga ang pangalan niya o dahil sa jersey number niya? Baka nga Seven talaga. Ang galing naman kung ganoon.
Nang tingnan ko ang mukha niya ay nakita kong nakaiwas siya ng tingin. Bahagya siyang kumamot sa bridge ng ilong niya gamit ang middle finger niya.
"Seven talaga ang name mo?" Hindi ko na napigilang magtanong habang naglilista ng sukat niya.
He cleared his throat before answering. "Yes."
"Ang galing naman." Ngumiti ako at tiningnan siya ulit. "Ang cute ng name mo."
Bahagyang nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ko at napaawang ang labi.
"Okay na." Binigyan ko siya ng thumbs up. Itatanong ko pa sana kung anong year niya na kaso bigla na lang siyang tumalikod sa akin at nagmamadaling bumalik sa court. Tumatawa siyang sinalubong noong dalawa niyang kaibigan.
Ka-kambal ni Chae iyong isa sa mga volleyball players. Iyong isa sa mga libero nila, number ten. Axel Yap. May isa pa silang libero for sub. May alam din ako sa volleyball dahil mahilig akong manood ng mga sports competition noong high school. Nakakatuwa kasi. Iba-iba ang galing ng mga players.
"Una na 'ko, Tito. May trabaho pa ako!" palaam ko. Nagmamadali kong kinuha ang mga gamit ko at tumakbo paalis.
Nilalakad ko lang iyong Wings Club para makatipid, pero nagmamadali ako ngayon kaya nag-tricycle na ako papunta roon. Pagkapasok ko pa lang, binati ko na 'yong owners at dumeretso sa staff room para magpalit ng damit at ilagay ang mga gamit ko sa locker room.
"Delivery!" sigaw ni Sir Jon. Kinuha ko kaagad ang helmet ko at ang mga ide-deliver. "Ingat, Alia!"
"Yes, Sir!" Sumaludo ako at ngumisi bago lumabas.
Inayos ko ang mga paper bag sa loob ng delivery box at sumakay na ng motor. Tinype ko ang address sa phone ko at sinundan ang directions. Hanggang ten P.M. pa 'tong trabaho ko. Buti na lang at wala akong class bukas dahil Saturday.
Nag-deliver ako sa tatlong bahay bago ako bumalik sa restaurant. May bago ulit batch na ide-deliver kaya umalis lang din ulit ako. Ganoon naman ang routine ko. Malakas din kasi 'tong Wings Club. Ang tagal na nila rito sa food business kaya proven and tested na ng karamihan na masarap talaga 'yong place.
"Wow, ang ganda ng bahay," bulong ko pagkahinto ko ng motor.
Bumaba ako at kinuha ang paper bag. Dito ako napunta sa village ng mga mayayaman! Alam ko na kaagad dahil bukod sa mga naglalakihang mga bahay, ang higpit din ng security roon sa may gate.
"Nasaan ang door bell?" nagtatakang tanong ko sa sarili ko. Pinindot ko na lang iyong nakita kong pindutan. Nagulat ako nang umilaw iyong camera sa harapan ko. "Wings Club delivery po!"
Halos mapatalon ako nang may marinig akong boses sa speaker.
"We didn't order," sabi noong lalaki.
"Huh?" Kinuha ko ang phone ko para i-double check. Tiningnan ko ang lot number sa may gilid ng gate. Ito nga 'yon! "Sorry, Sir, pa-check po ulit. May na-receive po kasi kaming delivery sa bahay na 'to."
"Kiel!" Nakalimutan yata niyang i-off ang speaker dahil narinig ko pa ang tawag niya. "Did you order chicken wings again?!"
At na-off na nga ang speaker. Nagkibit balikat ako at sumandal na lang saglit sa motor habang naghihintay. Tinanggal ko na rin ang helmet ko para makahinga ako nang maayos. Ang init, eh! Mayamaya, bumukas ang front door at may naglakad papuntang gate kaya umayos ako ng tayo.
"Oh!" Napaturo ako sa lalaki.
Number seven!
Nakita kong bahagyang nanlaki ang mga mata niya at naestatwa sa kinatatayuan. Lumapit ako at inabot ang paper bag sa kanya. Bigla siyang umiwas ng tingin at mabilis na kinuha ang paper bag.
"Sir! Bayad n'yo po!" sigaw ko dahil naglakad na kaagad siya paalis.
Agad siyang tumalikod at bumalik sa harapan ko habang kinukuha ang wallet sa bulsa. Nang ma-realize niyang wala ang wallet niya roon ay pumunta siya sa labas at pinindot ang door bell.
"Kiel, get my wallet," sabi niya.
Pinapanood ko lang ang bawat galaw niya habang siya naman ay hindi makatingin sa akin. Nakatalikod siya sa akin na parang iniiwasan ako. Napaisip tuloy ako kung magkakilala ba kami? May nagawa ba ako sa kanyang masama? Nabunggo ko ba siya sa campus once? Or natapakan ko ba ang paa niya?
"Kuya!" Nakita ko ang kapatid niyang tumatakbo at may dalang wallet. "Yes! Ang chicken wings ko!" Kinuha niya kaagad sa kamay ng Kuya niya ang paper bag at tumakbo sa loob.
"Here..." Inabutan niya ako ng five hundred pesos.
"Wait, sukli po!" Binigyan ko siya ng fifty pesos. Matagal niya 'yong tinitigan bago napagdesisyunang kuhanin. "Thank you po!"
Sumakay na ulit ako sa motor at papaandarin na sana nang bigla kong marinig ulit ang boses niya. Hindi pa pala siya pumapasok sa loob ng maganda nilang bahay.
"Yes po?" Hindi ko kasi narinig.
"Your helmet." Tinuro niya ang helmet na nakapatong doon sa delivery box.
"Hala! Oo nga! Muntik na 'yon! Sorry po! Pagod lang, sorry!" Kinuha ko ang helmet at sinuot 'yon. "Thank you po ulit! Bye!"
Nang matapos ang trabaho ko, umuwi lang din ako at naligo, tapos deretso na ako sa pagtapos ng requirements sa school. Hindi ko nga napansin na maliwanag na sa labas nang matapos ako. Umidlip lang ako saglit bago pumasok sa trabaho. May part-time job ako sa convenience store. Morning to evening ako roon, tapos may papalit sa akin mamayang gabi.
Bago ako pumasok, dumaan muna ako sa binibilhan ko ng mga tela para masimulan ko na iyong pinapagawang uniforms. Kailangan kasi nila iyon sa Nationals.
Nakakatuwa naman na uniform na design ko ang susuotin nila sa malaking laban na 'yon. Sana ay manalo sila! Nanalo sila last year kaya sana ay mag-back-to-back champion this year.
Doon ako sa convenience store sa tapat ng university nagtatrabaho dahil nga malapit lang 'yon sa apartment ko. Ang dami kong nararanasan sa mga trabaho ko. Kasama na roon 'yong iba't ibang klase ng customers. May mga masusungit, galit, at naninigaw pa nga. Mas malala 'yon kapag gabi dahil may mga lasing pa. Mabuti na lang at patapos na ang shift ko kapag gabi na.
"Good morning!" bati ko sa mga pumasok. "Uy! Aga n'yo, ah!" bati ko kay Sean. Mga volleyball players pala ang pumasok. May training sila kahit ang aga-aga pa.
"Kumusta? Parang hindi ka natulog, ah?" Pinisil niya ang pisngi ko.
"Umidlip naman ako. Hayaan mo na, finals na! Malapit na ang bakasyon. Oo nga pala, kailan ang laban n'yo? Good luck, ah!" Mahina kong sinuntok ang dibdib niya.
"Seven, pakyawin mo na 'tong paninda nila, oh," rinig kong sabi noong isa nilang player. Nagtawanan ang ilan sa kanila. Mukhang may inside joke sila.
Hindi sila pinansin ni Seven at naglapag na lang ng sports drink sa counter. Nakayuko lang siya habang kinukuha ang wallet niya.
"Ikaw ulit," sabi ko habang nakangiti.
Napatingin siya sa akin. Sa wakas! Nilawakan ko ang ngiti ko nang ibalik sa kanya ang sports drink pagkatapos kong ma-punch.
"Ang puso ko!" Napatingin ako sa ibang players nang lahat sila ay mapahawak sa dibdib nila at umaktong sumasasakit iyon. Nakita kong tumawa si Sean at kumaway sa akin bago lumabas.
Hindi nagsalita si Seven at nag-abot lang ng bayad niya. Parang wala siyang naririnig. Sanay na yata siya sa ingay ng mga teammates niya.
"Ito'y tumitibok... Tumitibok..." Kumanta pa ang isa.
"Can I add this?" Nilapag ni Seven ang isang pack ng candy at nilapag ang bayad. Hindi ko pa siya nasusuklian ay kinuha na niya ang pack at biglang binato roon sa kaibigan niyang kumakanta. Nagtakbuhan kaagad ang ibang players habang tumatawa.
"Aray ko, pota! Pangit mo ka-trip, idol!" reklamo noong nabato ng candy. "Pero salamat dito sa libre!" Pinulot niya ang pack at agad ding tumakbo palabas ng convenience store. Angeles, 04. Iyon ata ang pinaka-close niya sa team nila.
"Thanks..." Nakatitig si Seven sa name tag ko. "Alia."
Ngumiti ako sa kanya. "Come again po!" Kumaway pa ako kahit hindi na siya lumingon sa akin.
Mahaba pa ang trabaho ko, pero dahil sanay na ako, parang ang bilis lang lumipas ng oras. Abala ako sa pag-aayos ng mga shelves nang marinig kong may pumasok. Nagmamadali akong bumalik sa counter.
Nawala ang ngiti ko nang makita siya. Iyong ex ko! Si Grae! Ang hirap talaga kapag same campus!
"Alia..." Mukhang nagulat din siyang nandoon ako. Nilapag niya ang binili niya.
C... Condom.
For some reason, parang nainsulto ako. Naka-move on na ako sa kanya at wala akong time problemahin siya, pero parang napamukha sa akin na may bago na siya at ang saya-saya nila.
"Kumusta?" tanong niya. May gana pang magtanong!
"Okay naman." Ngumiti pa rin ako sa kanya. "Ikaw? Kumusta?"
"Oh, all good. I'm already courting Becca." Ah, iyong babaeng sabi niya ay friend niya lang daw. "Ikaw ba? Wala ka pa ring boyfriend? I told you... 'Yan ang problema kaya tayo naghiwalay, eh. I don't think you're capable of maintaining a relationship-"
"May boyfriend na ako," I said out of spite.
Alia, ano ba! Hindi ikaw 'to! Bakit ka nagsisinungaling?!
"Oh... Sino?" tanong niya pa. "Kilala ko ba?"
"Kapag nagkita tayo ulit, ipapakilala ko sa 'yo." I forced a smile. "Thank you, come again," sabi ko para umalis na siya.
Gabi na noong nakauwi ako, pero hindi roon natapos ang trabaho ko. Sinimulan ko nang gawin iyong uniforms ng volleyball team dahil may deadline 'yon at bayad ako roon! Sa wakas, makakabayad na ako ng rent ko ngayong buwan.
Muntik na akong makatulog. Buti na lang ay nag-ring ang phone ko. Tumatawag si Mama.
"Ma?" sagot ko kaagad, medyo inaantok pa ang boses.
"Anak, kumusta?" tanong niya sa kabilang linya.
Nag-inat ako at tumayo para magising. "Okay naman po. Bakit po?"
"Ah, mabuti naman kung ganoon... Ano kasi, baka naman may extra ka diyan, pambayad lang ng kuryente. Alam mo naman, medyo mahirap ang buhay namin ngayon ng Papa mo. Wala ako masyadong raket ngayon, eh."
Bakit ba tinatanong ko pa kung ano ang kailangan niya tuwing tumatawag siya? Alam ko naman palagi ang kasunod ng kumustahan.
Napatingin ako sa bills ko ngayong month na nakadikit sa ref. Hmm, kasya naman siguro. Sasahod naman na ulit ako. Aabot naman siguro 'yong bayad.
"Sige po," sabi ko na lang at binaba ang tawag. Napaupo ulit ako at napadukmo sa lamesa. "Hayaan mo na," bulong ko sa sarili ko at ngumiti na lang ulit. Tatapusin ko na muna 'tong trabaho ko!
Nakatulog ako sa pagod kaya nakalimutan ko nang ipadala iyong pera. Nagising tuloy ako noong umaga dahil sa tawag ulit ni Mama.
"Anak, nasaan na 'yong pera? Sabi mo magpapadala ka. Hindi ka na naman tumutupad sa usapan, eh. Nangako ka na, oh!"
"Ipapadala ko na po, Ma." Nakapikit pa ang mga mata ko. Ang aga-aga pa.
Parang dinaanan na naman ng malakas na hangin ang apartment ko at nagkalat pa rin ang mga tela sa sahig. Nilinis ko muna lahat 'yon bago ako naligo at pumasok sa trabaho. Kahit Sunday, hindi ko pahinga 'yon. Hindi ako pwedeng magpahinga. Ano ang kakainin ko at ipangbabayad ko kung magpapahinga ako, 'di ba? Mabuti na lang talaga at may scholarship ako sa school. Kung hindi, wala sana akong chance makapag-aral sa magandang university. Kahit iyon na lang.
Nagpadala ako ng pera kay Mama habang break time ko. Okay na 'yon para hindi na sila magalit sa akin.
Nang matapos akong kumain ay nag-ayos na lang ako ng mga shelves sa store. Wala pa namang customer, eh. May inaabot akong inumin sa may taas ng ref dahil napunta sa maling lalagyan, kaso nadulas ako at napahiga roon sa mga snacks. Nalaglag tuloy 'yong mga paninda. Ang sakit pa ng likod ko!
Sinubukan kong i-stretch ang likod ko. Ang sakit ng bagsak ko, ha! Pero pinulot ko pa rin isa-isa iyong mga snacks para ibalik sa shelf. Buti na lang at wala akong nadaganan!
Napaangat ang tingin ko nang may tumulong sa akin magbalik ng snacks. Siya ulit! Si Seven! May customer pala, hindi ko napansin!
"Thank you!" sabi ko nang makatayo ako nang maayos, nakahawak pa rin sa likod ko. "Sorry sa abala!"
Iyong inumin na wala sa ayos! Iyon nga pala ang gagawin ko tapos ang daming nangyari! Lumingon ako at nakitang nilagay na ni Seven 'yong bote sa tamang lalagyanan. Pati iyong iba ay inayos niya na rin habang pumipili siya ng inumin.
"Uy, trabaho ko 'yan, eh," sabi ko sa kanya.
"Sorry, it was bothering me," sagot niya at pumunta na sa counter.
For sure, madalas siya sa convenience store dati pero hindi ko siya napapansin. Bakit kaya? Hindi naman mahirap kalimutan iyong mukha niya. Napaisip na naman ako. Kaya ba iniiwasan niya ako kasi may nagawa akong masama sa kanya habang nagtatrabaho ako rito sa store?
"Hindi mo kasama 'yong teammates mo ngayon, ah." I tried to strike a conversation.
"Yes," maikling sagot niya.
Ayaw niya ba sa akin? May galit ba siya? Naiinis ba siya sa akin?
"Sorry..." mahinang sabi ko. "Ayaw mo palang kinakausap. Sorry talaga."
Mabilis kong inabot sa kanya ang sukli at iyong binili niya bago siya tinalikuran. Hiyang-hiya ako! Bakit ba sinubukan ko pa siyang kausapin?! Halata namang ayaw akong kausapin noong tao! Ang kulit ko kasi, eh!
Nang marinig kong lumabas na siya ay nilingon ko ulit siya. Nanatili siyang nakatayo sa labas, mukhang may iniisip. Pagkatapos, parang frustrated siyang napasapo sa noo niya bago naglakad paalis.
Pagkatapos ng shift ko ay umupo muna ako roon sa labas para kumain ng cup noodles. Nagulat ako nang umupo si Sean sa tabi ko. May dala rin siyang dinner at sinabayan niya akong kumain habang nagkekwentuhan kami.
"Uy, 'yong teammate mo, si Seven... How is he as a person?" curious na tanong ko sa kanya. "Wala, palagi ko kasi siyang nakikita."
"Si Seven... Best player 'yan ng team. Simula bata, nananalo na 'yan sa volleyball, eh. Parang ginawa na talaga niyang buhay 'yong volleyball. Kaya nga kapag training, dapat seryosohin talaga 'yong laro kasi lagot ka roon. Nakakatakot 'yon magalit! Kahit ako, napapagalitan noon, eh!"
"Pero outside court? Kumusta siya?"
"Okay naman. Hindi kami masyadong close. Mas close niya si Ira. Angeles zero four, tsaka si King, iyong isa pa naming libero."
"Kailangan buo talaga? Angeles zero four?" natatawang sabi ko.
"Kasi may kapatid siyang mas bata. Freshman. Angeles zero five naman. Eh, siyempre, pareho ng apelyido kaya nakakalito kung sino tinutukoy tuwing laro kaya nasanay na kaming may kasamang number 'yong apelyido nila. Teka, bakit mo natanong si Seven?"
"Wala. Iniisip ko kasi kung may nagawa akong masama sa kanya. Parang umiiwas siya sa akin kahit hindi naman kami magkakilala," pagsusumbong ko.
Natawa siya sa akin. "Ganoon lang talaga 'yon. Tsaka... Alam mo ba? Ledezma 'yon."
Napakunot ang noo ko. "Seryoso? Out of my league pala 'yan, eh!" pagbibiro ko.
Hindi rin ako nagtagal sa kwentuhan namin dahil marami pa akong kailangang gawin pag-uwi. Hindi na naman kumpleto ang tulog ko pero pumasok pa rin ako kinabukasan para sa finals namin sa isang subject. Buti naman at hindi ako late!
"Sana hindi ako bagsak..." Muntik ko nang i-untog ang ulo ko sa lamesa habang nasa cafeteria kami nina Bailey. "Ang daming tinanong ni Ma'am sa presentation kanina."
"Okay naman ang mga sagot ng group n'yo, ah! Papasa ka niyan, ano ka ba!" Tinapik-tapik niya ang balikat ko. "Keep your chin up, bestie! Literal na keep your chin up dahil ang daming gwapong paparating... Hala, gago, bestie, iyong naka-match ko!"
Nagtago kaagad si Bailey sa likod ko para hindi siya makita noong naka-match niya. Hindi 'to nagko-commit sa kahit sino. Fun-fun lang daw ang gusto niya sa life niya. Sana pwede rin akong mag-fun-fun.
"Omg, yes!" masayang sabi ko nang maka-receive ng text galing sa boss ko sa Wings Club. Sarado raw ang store today dahil may emergency. Ibig sabihin, wala akong trabaho mamaya! May kasunod pang text 'yon. Ang sabi niya ay babayaran pa rin niya ako para sa ngayong araw. Ang saya talaga!
Noong uwian ay nag-aya si Tito na sumabay na ako sa kanila ni Tita mag-dinner kaya binisita ko siya sa may covered court para hintayin. Binalita ko rin sa kanya ang progress ng uniforms. Busy ang mga players na nagte-training kaya hindi na nila ako napansin.
Umupo ako sa bleachers at nanood ng training nila. Nakahati sila sa dalawang team at naglalaban. Serve ni Seven kaya sa kanya ako nakatingin. Nang tumalon siya ay bigla akong tinawag ni Tito.
"Alia! Dito ka na maupo!"
"Huy, Seven!" Napalingon ulit ako nang magreklamo ang isang player dahil out iyong serve.
"Sorry." Tinaas ni Seven ang isang kamay niya at lumingon sa gawi ko saglit.
"Focus ka naman sa laro, baby! Huwag sa iba!" Nagtawanan sila sa sinabi ni Ira. Angeles zero four. Alam ko na.
"Seryosohin n'yo laro n'yo, hoy!" sabi ni Tito.
"Aw, shee... Seryosohin daw kasi, number seven!" sabi naman noong number 02. Baka iyon 'yong isa pa niyang tropa. Si King. "Huwag nang magpadala sa distraction!"
Noong biglang nag-spike si Seven ay natahimik silang lahat dahil dumaan lang 'yon sa gilid ni Ira. Wala man lang sa kanila ang naka-receive. Kahit ako, hindi nasundan ng mata ko iyong bola.
"Ayan, galit na. Ikaw kasi, Angeles!"
"Ako?" Dalawang player iyong nagsalita.
"Zero four!"
Tumawa si Ira. "Ako nga po pala si pito. I love math, science, burrito, at 'yong pamangkin mo, Tito."
"Akin na 'yong bola," sabi ni Seven. Pagkabato sa kanya ng bola ay nagtakbuhan na lang sila habang tumatawa.
Napagalitan tuloy sila ni Tito at pinabalik sa laro. Hindi ko makuha ang mga jokes nila! Makikitawa na lang ba ako o ano?!
Noong natapos ang laro ay nagkanya-kanya silang inom ng tubig at palit ng damit. Napaupo si Seven sa bench para tanggalin ang knee at elbow support niya. Nahulog pa ang towel mula sa balikat niya. Since nakatayo ako malapit sa kanya, pinulot ko na 'yon at inabot sa kanya.
"Nahulog," sabi ko sa kanya.
Umangat ang tingin niya sa akin pero mabilis din siyang lumingon sa gilid niya para samaan ng tingin iyong iba nilang players na para bang alam na niya kung ano ang sasabihin. Nasamid tuloy sa katatawa 'yong mga kaibigan niya habang umiinom ng tubig.
"Thanks, Alia." Binanggit niya na naman ang pangalan ko bago tumayo at nilagpasan ako. Hindi man lang ako tinapunan ng tingin.
Napakibit-balikat na lang ako at naglakad papunta sa court para ligpitin ang mga bola. Wala lang, gusto ko lang makatulong. Pagkatapos ng meeting nila ay nagsi-uwian na rin sila. Sumabay naman ako kay Tito pauwi... kaso kinakausap niya si Seven habang naglalakad kami papunta sa parking.
"Naiwan ko 'yong tubigan ko! Teka lang, Alia. Seven, oo nga pala, sumabay ka na rin sa amin mag-dinner. Mauna na kayo roon sa bagong bukas na Italian restaurant sa tapat." Nagmamadali si Tito bumalik ng court.
Hala... Naiwan tuloy ako kay Seven. Tahimik siya at hindi nagsasalita. Nahiya naman akong kausapin siya dahil nga pakiramdam ko ay ayaw niya sa akin.
Ayaw ko naman ng may kaaway, lalo na kung hindi ko alam ang rason, kaya sinubukan kong makipagkaibigan sa kanya.
"Uhm... Tara?" aya ko sa kanya. Tumango siya at sabay kaming naglakad. Wala pang nagsasalita sa amin.
Ang awkward!
"I'll just take this call," biglang paalam ni Seven at lumayo saglit sa akin.
Huminto tuloy ako sa paglalakad para hintayin siya. Sumisipa-sipa lang ako ng maliliit na bato nang biglang may tumawag sa akin. Lumingon kaagad ako at nakita 'yong... lalaking 'yon!
I knew it! Timing! Parusa ba 'to?!
"Sabi na ikaw 'yan, eh. Ah, si Becca nga pala, nililigawan ko," pagpapakilala ni Grae. "You already know each other."
"Hello," mabait na sabi ko pa rin. Ano ba ang trip nitong ex ko?!
"Where's your boyfriend nga pala?" Parang alam niya na nagsisinungaling ako kung makangisi siya. "Kailan mo ipapakilala?"
"Ah... Busy siya, eh." Binigyan ko siya ng pekeng ngiti. "Pero ano... Parating na rin 'yon. Ha-ha!"
Ano ba 'to, jusko! Kailangan ko nang umalis!
Nanlaki ang mga mata ko nang makitang naglalakad na pabalik si Seven, may kausap pa rin sa phone pero mukhang nagpapaalam na siya. Sinundan siya ng tingin ni Grae hanggang sa huminto siya sa tabi ko.
"Sorry to keep you waiting. I just needed to answer the call."
Nakatitig sa kanya si Grae, mukhang gulat. Wait... Hindi!
Misunderstanding lang 'to! Hala! Hindi si Seven! Halatang na-misunderstand niya! Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag! Parang nabigyan ko ng responsibilidad si Seven!
"Is he your boyfriend?" tanong bigla ni Becca. Napa-head to toe pa siya kay Seven at napakagat sa ibabang labi.
"Wait... Ano..." Pinabalik-balik ko ang tingin kina Becca at kay Seven. Medyo nakakunot ang noo ni Seven.
"Of course not! Impossible, ano ka ba!" natatawang sabi ni Grae. "It's Alia! You know her naman."
Parang nag-init ang ulo ko. What did he mean by that?
"Bakit naman imposible, Grae?" tanong ko.
"What?" Napaawang ang labi niya.
Kung ano-ano nang pumasok sa utak ko at hindi ko na napigilan ang sariling hatakin si Seven sa braso. Napakurap siya, gulat.
"Boyfriend ko siya, bakit?! Mahal namin ang isa't isa! May problema ka ba roon, ha?!"
"What?" bulong ni Seven sa akin, naguguluhan.
________________________________________________________________________________
:)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro