Chapter 25
Chapter 25
Level Four: Mini Race
Part 2
***
Inanunsyo na ni Miss Idda ang gagawin namin para sa level four. At iyon ay 'maze'. Pero hindi lang iyon simpleng maze. Base na rin sa napanood namin sa screen, may mga obstacles na kakaharapin ng bawat trainees. Ang bawat trainees din ay may sari-sariling entry port pero iisa lang ang exit ng maze. Kaya hindi namin alam kung nasaan ang iba pang trainees habang nasa loob ng maze.
Pero, ang dumagundong sa aking tainga at nagpatayo sa aking balahibo ay ang posibleng patayang magaganap sa loob ng maze.
Bibigyan kami ng sari-sarili naming weapon at kung anong weapon ang napili namin sa weapon test, iyon na ang sandatang gagamitin namin. Hindi pa naman ako isandaang porsyentong sanay sa paggamit ng metal na tirador na iyon kaya hindi rin ako sigurado kung makakalabas ba ako ng buhay sa maze na iyon.
Sabi rin ni Miss Idda, nagbigay na ng notice sa aming pamilya kung ano ang magaganap sa level na ito. Ipapaalam na lang ito bukas ng umaga kung sinong mga trainees ang hindi pinayagan ng kanilang pamilya na tumuloy sa level na ito. Ibig sabihin, matatanggal na sila nang tuluyan. Malaki rin ang posibilidad na hindi pumayag sina Mama at Papa, at kung mangyari man iyon, malugod kong tatanggapin ang kanilang desisyon.
Sa huling parte ng diskusyon, simula bukas, may special uniform na kaming isusuot at iyon na rin ang aming kasuotan habang nasa maze. Bukas na rin malalaman kung ano ang itsura niyon.
Bukas, bukas ay dapat ihanda ang aking sarili sa anumang pangyayaring kakaharapin ko.
Good luck, Nadine.
***
"Gising na Nadine," paggising sa akin ni Selin. Nakatihaya lang ako kaya nang maimulat ko ang aking mata, mukha niya ang unang sumalubong sa akin. Basa na ang buhok niya kaya paniguradong katatapos niya lang maligo.
Pakurap-kurap akong dumilat habang umuungol. Pinunasan ko pa ang muta ko gamit ang daliri ko.
"7:30 na. Call time natin sa cafeteria ay 8," pag-imporma pa niya.
"Ha?" walang lakas kong tanong. Gusto ko pang matulog at magpalamon sa kamang hinihigaan ko.
"Look at the TV, Nadine."
Marahan kong minulat muli ang mga mata ko at bahagyang inangat ang ulo ko mula unan. Naglakad na rin si Selin papalayo sa akin at umupo sa gilid ng kaniyang kama.
Binasa ko naman ang nakasulat sa screen ng TV sa harap namin.
Trainees, this is our schedule for today.
8:00 AM – Breakfast
8:30 AM – Short Meeting @Conference Hall
9:00 AM – Uniform Distribution
9:30 AM – Underground Level 0
10:00 AM – Lunch Break
12:30 PM – Weapon Practice @Underground Glass Rooms
2:00 PM – MAZE
5:00 PM – Break
6:00 PM – Congratulatory Dinner
"Kung tutunganga ka pa d'yan, baka mahuli ka sa schedule. Bababa na ako at hihintayin na lang kita roon."
Tumayo na nga si Selin at nagsimulang maglakad paalis dito sa kuwarto namin. Narinig ko pa ang pag-slide ng pinto at pagsara nito senyales na wala na nga rito sa loob si Selin.
Humikab muna ako bago ko binangon ang aking sarili.
Ngayong araw na ang hatol sa akin. Ito na ang araw kung saan malalaman ko ang kakayahan ko sa isang race. Habang inihahakbang ko ang aking paa papalapit sa banyo upang makapaghugas, kilabot ang naglakbay sa aking buong katawan. Nakiliti ako sa kaba kaya huminga na lamang ako nang malalim.
Nang matapos ko ang lahat ng gawain, tumingin muna ako sa digital clock na nakadikit sa pader dito sa kuwarto namin.
7:49 AM na ang ipinapakita nito.
Bumaba na ako sa cafeteria at naabutan ko ang mga trainees na kumakain na ng kani-kanilang agahan. Dinig ko ang mga pagtama ng mga kutsara't tinidor sa kani-kanilang mga plato at ang samyo ng mga bagong lutong pagkain tulad ng pancake, itlog, mainit na tsokolate ay naghalo-halo at nag-uunahang pumasok sa aking ilong.
Hinigop ko na lamang ang samyo na iyon saka bumuga ng isang magaang hanging mula sa aking baga. Pumasok na ako nang tuluyan sa cafeteria at hinanap ng aking mata ang round table kung saan naroroon si Selin.
Maya-maya, may isang taong nagtaas ng kamay at kumaway sa akin. Nakikita ko na si Jens iyon. Kahapon, mukha siyang badtrip dahil sa pagtatanong ko ngayon parang nakasinghot ng kakaibang gamot pampasaya itong lalaking 'to.
Mapang-uyam akong naglabas ng hangin habang bahagyang nakangiti.
Himala dahil marami-raming tao ang nakaupo roon. Bukod kina Jens at Selin, nandito rin si Iman na tahimik na hinihigop ang gatas mula sa baso. Tumingin pa siya nang mabilisan sa akin at bakas pa ang gatas niya sa labi—literal na gatas sa labi. Ngumiti rin siya kaya bigla akong nakaramdam ng kakaibang init. Hay, ito ka na naman Iman sa akin.
Nandito rin ang kabal na Enz at Enza. Kumaway rin sila sa akin kaya kumaway rin ako pabalik.
"Ang dami natin ngayon ah," sabi ko nang maupo na ako rito.
"Kaunting oras na lang kasi magsisimula na ang laro. At, hindi ko naman alam kung buhay pa ba ako pagtapos ng level na ito," sagot ni Enza habang hinihiwa ang kaniyang pancake. "Kaya mas mabuti kong ilaan ko na lang ito sa pakikipag-usap sa mga taong na-meet ko habang nandito ako sa training."
"Gano'n din ang rason ko gaya sa kambal ko," ani Enz. "Hindi ka pa ba kukuha ng almusal mo?"
"Ah, oo."
"Ako na kukuha para sa 'yo," sabay na pagbigkas nina Jens at Iman kaya napasandal ako sa inuupuan ko. Tumalbog pa ang likod ko sa malambot na sandalan.
Namilog din ang aking mata at inutusan ng utak ko ang aking baga na huwag munang huminga.
Napuno ng awkwardness ang buong round table. Sumulyap pa ako kay Selin na nagtaas-baba lang ng kilay. Ang kambal naman ay ngumisi sa isa't isa.
Naipikit ko na lang ang aking mata at ikinusot ang buong mukha. Ano bang mayro'n sa dalawang 'to? Umiinit ang katawan ko kaya ang pawis sa aking noo'y unti-unti nang nagpapakita. Naikuyom ko na rin ang aking palad dahil dinalaw ako ng kakaibang hiya sa aking katawan.
"So sino talaga ang kukuha?" biglang tanong ni Selin habang may lamang pagkain ang bibig. Naidilat ko na muli ang aking mata habang nakayuko at sa kaniya ako nakatitig.
Nakapatong ang kaniyang siko sa mesa habang hawak-hawak ang isang tinidor. Ipinapaikot-ikot pa niya ang tinidor sa ere na tila may hawak siyang isang magic wand.
Walang sumagot sa panig ng dalawang lalaki. Katahimikan ang tumaklob sa amin matapos magtanong si Selin.
Mas lalo ko namang iniyuko ang aking ulo at tila may lumalamon sa aking isang kumunoy sa sahig. Ang kahihiyang dumalaw sa akin ay ang nagpapa-estatwa sa akin.
"Ang hihina ninyong dalawa," banggit pa ni Selin. "Halika na, Nadine."
Narinig ko na lang ang pagkiskis ng mga paa ng upuan ni Selin. Nang hinawakan niya ang aking pulsuhan, awtomatikong umangat ang aking puwetan. Nakatungo pa rin ako at ang buhok ko ay inilagay ko sa harap ng aking mukha dahil sa kahihiyan.
"I bet, Iman has a crush on you," bulong ni Selin habang naglalakad kami.
"Selin, kailangan ko muna ng break. Ayaw ko munang pag-usapan."
"Na-overwhelmed ka lang kasi you didn't expect na mangyayari iyon. Jens likes you. Iman maybe likes you. Pero ikaw, sino sa dalawa ang gusto mo?"
"Kakasabi ko lang Selin na stop muna d'yan."
***
Natapos ang almusal na hindi na umimik ang dalawang lalaki. Humiwalay muna kami ni Selin sa dalawang iyon nang makarating kami rito sa conference hall para sa isang short meeting.
"Akala ko ba kakausapin mo si Jens?" walang siglang tanong ni Selin nang makarating na kami sa uupuan namin dito. Dumeretso kami sa likod para alam namin kung saan uupo ang dalawa at mas safe dahil wala akong iniisip na tumitingin sa likod ko.
"Nahihiya na ako."
"Nahihiya?"
Umupo na kami at isinubsob ko ang mukha ko sa mahabang mesang kaharap ng upuan ko.
"Crush ko si Iman, Selin. He's so sweet. Palangiti rin. Kahit na kakakilala ko lang sa kaniya, parang kilala ko na siya noon pa."
"Baka nawawala mo siyang kapatid." Hindi ko naman alam kung nagbibiro itong si Selin dahil sa walang emosyong tono ng kaniyang boses.
"Ang sarap mong murahin with respect."
Napaupo na lang ako nang maayos nang marinig ko ang boses ni Miss Idda. Nasa harap na pala siya. Nakasuot siya ngayon ng putting gown na may itim na beads na nakakakalat sa tela niyon. Ang kaniyang buhok naman ay nakabagsak at 'di mahahalatang may katandaan na itong si Miss Idda.
"Trainees, excited na ba kayo?" nakangiti niyang tanong at inihayag niya ang kaniyang dalawang braso.
May mga sumagot ng oo at may sumagot din ng hindi. Kami rito ni Selin sa likod, walang salitang lumabas sa bibig namin. Pero kung ako ang tatanungin, hindi. Sunud-sunod ang bawat level at parang dapat kailangan na muna naming magpahinga.
"Halu-halo ang mga sagot. Yes, level four is challenging for you since this is the hardest part of this process. At saka, may gusto rin akong ipaalam ngayon sa inyo. Mayroon akong maganda at pangit na balitang ihahatid sa inyo. Mauna na tayo sa good news. Ready na ang maze na gaganapin mamaya at ready na rin ang mga uniforms ninyo."
Huminto muna si Miss Idda sa pagsasalita at humugot ng isang malalim na hininga dahil sa pag-angat ng kaniyang dibdib at balikat.
"Mapunta naman tayo sa bad news. Yesterday, we notified your family regarding this level that there's a possibility that you will die. Nagulat ang mga parents at guardians ninyo. May mga magulang din namang wala kaming natanggap na balita kaya in-assume na lang ng council na okay sa kanila ang ganitong klaseng proseso."
Gumilid si Miss Idda at tumalikod sa amin. Humarap siya sa screen na kulay puti lang ang nakikita namin.
"This screen will flash all the trainees who will be eliminated because their parents didn't want them to participate anymore. Malungkot ako dahil malapit na kayo sa pinapangarap ninyo pero dahil ang desisyon ng ating pamilya ay importante, iyon ang papanigan ng council."
Isa-isa na ngang nag-flash sa screen ang mga pangalang hindi na tutuloy mamaya para sa inaabangang level four.
Nagsimula na ring bumagal ang aking paghinga dahil pinapakalma ko ang aking sarili sa mga posibilidad na mangyari. Nararamdaman ko kasing nand'yan ang pangalan ko.
Anim na pangalan ang lumabas. Wala akong kilala sa mga 'yon. Tumagal na rin ng ilang minuto pero wala nang naidadagdag sa pangalan ng mga eliminated. Hindi pa rin kasi nakakapagsalita si Miss Idda kung ano ang nangyayari.
Ibinaling ko pa ang tingin ko kay Selin at nagtanong ako gamit ang mata pero nagkibit-balikat lang siya.
Matapos din ang ilang saglit, humarap na muli si Miss Idda sa amin. Seryoso ang kulay ng kaniyang mukha at wala nang ngiti tulad ng kanina.
"Iaanunsiyo ko rin na simula level one, nagkaroon na ng isyu tungkol sa isang trainee at sa mga evaluator. Hindi ito naipabatid sa inyo dahil gumagawa kami ng imbestigasyon. Ang isyu na ito ay tungkol sa isang trainee na awtomatikong magiging representative ng Taguig. Ayon sa aming imbestigasyon, binayaran ng magulang ng trainee na ito ang halos lahat ng mga evaluators dito sa training camp. At napag-alaman na rin namin kung sino ang trainee na ito."
Naibuhos ko ang atensyon ko sa mga sasabihin ni Miss Idda. Ito na nga 'yong nangyari sa akin sa level one noong in-interview ako. Ngayon pa lang malalaman ang kasagutan. At sino naman kaya iyon? Mayaman siguro ang pamilya no'n kasi nakayanan niyang bayaran ang halos lahat ng mga evaluators.
"Please, kung nandito ka man, samahan mo ako rito sa harapan," saad ni Miss Idda. "I am calling, Miss—" Miss? Babae? Sino? "—Selin Orpeza."
Naibuka ko ang aking bibig na tila lalabas na ang buong ngala-ngala ko. Pati na rin ang mga mata ko ay tila lumubo. Dahan-dahan kong ginalaw ang aking ulo papunta sa puwesto ng katabi ko—si Selin.
Wala pa ring ekspresyon ang kaniyang mukha. Unti-unti ko na ring naitututop ang aking bibig. Bakit siya? At saka, parang hindi naman siya? Maraming tumatakbo sa aking isipan. Maraming tanong ang dumadaong sa aking isipan. Pero 'di ko alam kung ano ang magiging sagot sa mga 'yon.
Selin, how?
Tumayo na siya sa kaniyang upuan at naglakad na papunta sa harapan. Ang mga trainees ay nakatitig lang din sa kaniya na para siyang nasa red carpet at isang sikat na taong dumadaan.
Bumibilis na rin ang aking paghinga dahil sa 'di kapani-paniwalang nasasaksihan.
"Mai-eliminate na rin siya sa training camp na ito," anunsiyo ni Miss Idda nang makarating na si Selin sa tabi niya.
"Noong ni-notify namin ang kaniyang magulang, nagulat na lamang ako dahil ang sabi ng kaniyang pamilya ay nagbayad daw sila ng malaking halaga kaya siguraduhing siya ang magiging representative ng Taguig. Hindi ko na rin papangalanan ang pamilya ni Selin dahil hindi rin Selin ang kaniyang totoong pangalan. Iyon lamang ang akin at hahayaan ko nang magpaliwanag ang kasamahan ninyo sa harap ninyo."
Biglang umiling si Selin.
"Hindi mo na ipapaliwanag kung ano ang panig mo?"
"I'd rather let them create their own conclusions. In the end, humans create their own truth."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro