Chapter 11
----------
CHAPTER 11
----------
"ANSWER your phone, Corliss! Si mama 'to! Corliss!" paulit-ulit na tunog ng aking cellphone paglabas ko ng banyo habang kinukusot ang basa kong buhok. Dali-dali kong pinuntahan ang cellphone kong nakapatong sa study table. Ginawa ni mama na kakaiba ang recording ng mga tawag niya sa cellphone ko kaya talagang maririnig ko 'to.
Sinagot ko ito at isinandal sa ilang libro ko sa mesa. Nag-loading muna ito saka kinonekta ang video call kay mama.
"'Nak, ang tagal mo namang sumagot," agad na pagmamaktol ni mama. Nakasakay siya sa sasakyang mukhang nakahinto dahil nakapirmi ang mga mata niya sa kanyang phone.
'Naligo kasi po ako,' paghingi ko ng pasensya sa kanya at pinakita pa ang tuwalya na ginagamit kong pagkusot sa buhok ko.
"Pupunta ka ba sa studio ngayon?"
'Opo. Naghahanda na ako ngayon," pagsensyales ko sa kanya.
"Mag-bi-biyahe ka ba?" Tumango ako sa kanya. Sayang pa sa petrol kung susunduin niya ako para ihatid sa studio bago siya tumulak pabalik sa pakikipagkita sa kliyente. Nagagawa ko na namang magbiyahe muling mag-isa pero kapag maraming tao sa paligid, lalo na kung may mga babae. Naiilang pa rin ako kung pulos lalaki ang magiging kasabay ko sa biyahe.
"O sige, mag-iingat ka, ah?" Tumango akong muli sa kanya.
"Baka ma-late ako mamaya. Kikitain ko yung kliyente," aniya. Ngayon nga pala 'yon.
'Mag-iingat din po kayo,' at tinapos na namin ang tawagan.
Pinatuyo ko na ang aking buhok at inayos ang suot kong itim na long-sleeves. Tinapos ko ang pag-aayos ng sarili bago kinuha ang aking bag at lumabas na ng bahay. Nang masigurado kong nakasara na ang bahay ay umalis na ako at nagpunta na sa may sakayan ng dyip.
Hindi rin naman ako nagtagal sa paghihintay ko sa sakayan dahil may dumaang dyip na pulos mga estudyante ang laman. Sumakay na ako roon sa pinakadulo at inabot ang bayad sa drayber. Nang makarating sa sunod na sakayan ay bumaba na ako. Kahit hindi ako nakapagsasalita ay nakasasakay pa rin ako sa pampublikong sakayan dahil dulo sa dulo ang sinasakyan at binababaan ko.
Walking distance na lamang naman din ang studio na nirentahan ni mama para eksklusibong naka-display roon ang ilang gawa ko na ayaw na ayaw niyang ibenta ko at ilan pang proyekto. Dalawang taon na rin naming nirerentahan 'to at masaya rin ako.
Ayaw rin kasi naming malaman ng mga kliyente namin ang address ng bahay namin para sa aming seguridad. Minsan lamang magdala si mama ng kliyente rito sa studio pero 'yon ay kapag sigurado na siya sa pagkakikilanlan ng mga 'to. Ilang I.D. din ang kanyang hinihingi upang ma-verify ang kanilang katauhan.
Matapos ang nangyari tatlong taon na ang nakalilipas, mas naging segurista si mama para sa 'kin... sa 'min. We don't want the same stunt to ever happen again.
Tumuloy na ako sa building at nando'n si Kuya Nestor. "Good morning po, ma'am," pagbati niya at ngumiti rin ako.
Kuya Nestor has been the trusted security guard here for almost a decade. Yung may-ari ng building ay asawa ng dating katrabaho ni mama sa eskwelahan. Maliit lang naman ang nirentahan naming lugar para makamura rin. Dapat within our budget pa rin in case wala akong makuhang kliyente. Mabuti na lamang talaga at tuloy-tuloy ang mga kumukuha sa akin para sa maraming projects at binigyan kami ng discount sa renta.
Nagtungo ako sa elevator at pinindot ang patungo sa ikatlong palapag. Walong palapag ang building at iba-ibang business ang narito. Kasama ko sa palapag ang building management kaya medyo kampante si mama sa kaligtasan ko rito. Sa ibabang palapag naman ay may kliyente silang abogado, at ilan ang babaeng abogado roon. Sa first floor ay may catering company samantalang may maliit na printing services sa fourth floor, photography services sa fifth, at pribado na ang ibang nasa taas.
Pagkarating ko sa third floor ay dumaan ako sa harap ng management at nakitang nasa telepono si Miss Marites na admin dito. Napaangat ang kanyang mga mata at nakita ako. Kumaway siya at kumaway rin ako pabalik. Sa tanang pananatili ko rito ay naging kaibigan ko na rin siya. Minsan ay dinadalhan din niya ako ng meryenda dahil sa tendency kong magkulong do'n.
Tumuloy na ako sa CLF Studio bago ni-lock muli ang pintuan. Pribado ang studio kaya't hindi ako nag-e-expect ng bisita. I got all the time for myself to finish work. Kung may darating man, may susi si mama at may doorbell sa labas na masisilip ko kung sino ang darating.
Kahit papaano ay nakaipon na rin kami ni mama sa pagpapatuloy ko ng pagpipinta at pagtuturo niya online. Baby steps kami sa naipupundar namin. She supports and assists me in my painting career at suportado ko siya sa patuloy na pagtuturo. Teamwork talaga kami ni mama.
Inilapag ko ang gamit ko sa mesa at pinagmasdan ang ilang painting na ayaw pakawalan ni mama dahil iyon daw talaga ang best of the best collection ko. Gusto niyang i-showcase na flexible painter ako kahit 'di nakikita ng mga tao kung sino ba talaga ang Silent Painter. Ni hindi nila alam na anak pala ng kausap nila ang lumilikha ng mga paintings na binibili nila.
Lumipat ako sa kabilang silid kung saan nakahilera ang mga blangkong canvas na iba't iba ang sukat, at cabinet ng mga gamit kong pintura, brushes, panlinis, at kung anu-ano pa. This was my little safe haven away from the world, second from my home.
I took an empty canvas and placed it on the easel. Tinali ko ang buhok ko nang mataas at inayos ang aking cellphone sa mesa. I selected the music player on shuffle play and while it was loading, I was already staring at the empty canvas.
I miss those blue eyes
How you kiss me at night
I miss the way we sleep
Gaya nang dati, hinayaan ko ang kamay ko na mag-outline habang nagpapadala sa musika. I don't have any urgent projects right now so I have spare time to paint whatever I want to. Pero sabi ni mama ay may nagkokomisyon na muli sa akin para sa isang malakihang proyekto. Mukhang higit sa lima yata ang ipagagawa nila.
Like there's no sunrise
Like the taste of your smile
I miss the way we breathe
Marahan kong idinampi ang brush sa brown at white, bago sa beige at kaunting orange. I swirled the brush on the water that has now turned chocolate. Sunod kong dinampian ng itim ang ibabaw ng kumpol ng mga kulay na nauna ko nang ipinta.
But I never told you
What I should have said
No, I never told you
I just held it in
Nakapokus lamang ang mga mata ko habang patuloy na hinahayaan ang kamay ko na isayaw ang brush sa canvas. For some, this would initially appear like random strokes, but I want to make another masterpiece out of all the irregular strokes. Dahil sa isip ko, nailalarawan ko na ang gusto kong kalabasan.
And now,
I miss everything about you
Can't believe that I still want you
And after all the things we've been through
I miss everything about you
Without you, oh
Ngunit natigilan ako nang ma-realize ko kung ano... kung sino... ang nasa isipan ko sa mga oras na 'yon. Parang huminto ang lahat nang mabigyan ng linaw kung sino ang inspirasyon ng kasalukuyan kong ipinipinta. Agad kong pinatay ang musika lalo na nang mapagtanto ko kung ano na ang aking ina-outline. I was unconsciously doing it again.
Ilang canvas pa ang maaaksaya ko? Ilang canvas pa ang papatungan ko ng pinturang puti upang magamit sa ibang proyekto?
Nagmamadali kong ibinaba ang canvas na nakatalikod sa akin at nagtungo sa may bintana na nakapatong sa aking dibdib ang isa kong kamay. Nagwawala na naman ang puso ko sa mga alaalang dumarapo sa aking isipan.
Pinagkrus ko ang aking mga braso. I was overlooking the little view of the city as I tried to calm myself down. Nalulungkot na naman ang puso ko sa naiisip.
Sa aking pagmamanman ay may nakita akong dalawang estudyante na mukhang nagbibiruan at nagsasaya—isang babae at isang lalaki. Masayang-masaya silang nagtutulakan habang naglalakad sa sidewalk. Umaangkas pa sa likod ang babae habang nagbibiro sa kasama. Halos mangiyak-ngiyak ang babae sa kung ano man ang pinag-uusapan nila. Samantalang binabantayan naman ng binata ang kanilang dinaraanan at sinisiguradong hindi sila mapupunta sa may kalsada. Their faces showed pure happiness, and genuine trust and care.
Napakuyom ang aking mga kamay na magkakrus pa rin. Nagpakawala ako ng malalim na paghinga bago hinaplos ang kwintas na matagal ko nang isinusuot. The heart necklace with two small crystals I received years ago was always wrapped around my neck.
Kumusta na kaya siya? Sana ayos lang siya. I miss him already...
Siguro naman nasa maayos siyang lagay sa New Zealand kasama ang pamilya niya. Sana.
Napabuntong-hinga akong muli at pinahid ang luhang hindi ko napansing tumulo na kanina. Umiling ako at tumalikod na sa bintana. Kailangang i-divert kong muli ang aking isipan palayo sa kanya. It already took me a long time before I could actually sleep at night, away from the horrid nightmares. But I still found myself crying to sleep whenever I miss him—which was always.
Kinuha ko ang isang painting request na next month kukuhanin sa 'kin. Ito na lang muna siguro ang tatapusin ko kahit na malayo-layo pa. Kung makukuha ni mama ang bagong kliyente, baka kulangin ako ng oras. Hindi na lang muna ako magpipinta ng kung ano ang nararamdaman ko.
Inabot ko ang aking cellphone at pumili ng classical songs para walang lyrics na magpapaalala sa akin ng kung ano mang memorya mula sa nakaraan. I want to heal, I want to be better.
Kaya nga kahit na taon na ang inabot, ngayon lamang ako opisyal na humingi ng tulong sa isang organisasyon. Kahit na noong naghihintay kami sa bagong balita tungkol sa aking sitwasyon, I was prescribed to seek for help, pero nagmatigas ako. I didn't want to accept it because they failed me. Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring kasagutan kung nasaan ang taong hinahanap nila para mabigyan ng hustisya ang ginawa niya.
Just like me, the case couldn't move forward because there was no sign of the suspect. Animo'y multo ito ng aking nakaraan na biglang naglaho sa balat ng daigdig.
Kaya ngayon, masaya si mama na kusa at bukal sa loob akong sumali sa LET ME Foundation. Ilang beses na rin niya itong binanggit sa 'kin. Noong una ay inisip kong pinipilit niya talaga akong maging bahagi dahil hindi na niya kaya pa ang nangyayari sa 'kin noon. Maybe she didn't want to be bothered with my issues anymore. But I was wrong.
My judgement was clouded with all the negative emotions I was having that time. It just kept flickering the sadness and tears inside my heart that it crumpled all the right senses in me. It messed up my thinking process. Puno lamang ng masalimuot na kaganapan noon ang aking puso't isipan.
But on the day that I went to the LET ME Foundation and processed my papers, it was the start of my desire to continue moving forward... for mama, and most especially, for myself.
Kinuha ko ang pinakamalaki kong canvas dahil iyon ang gusto ng kliyente. Halos kasing taas ko ito at may kalaparan. The client wanted a painting of an angel on the top with a hand extending to another arm reaching from the demon below. Ayon kay mama, regalo raw ito para sa unica hija ng kliyente na mag-de-debut na mahilig sa fantasy at mythology. For them to ask for this size and paying half already, they were financially capable.
I grabbed my paintbrush and stared at the tip, then to my hand. Ang tagal din bago ako naging komportable sa paghawak sa brush na walang pag-aalinlangan. Laking pasasalamat ko na kahit papaano ay talagang nalampasan ko 'yon at naibalik sa sistema ko ang pagpipinta—ang bagay na hilig at pinagkakikitaan ko rin.
Nang magsimula ako, buong atensyon ang binigay ko sa pagpipinta. Siguro ay aabutin ako ng isa hanggang dalawang linggo kung tuloy-tuloy ko itong gagawin. Mabuti na lamang at natapos ko ang tatlong painting noong nakaraang linggo.
Sa sobrang pokus ko ay hindi ko na napansing oras na upang mananghalian. Mabuti at kinatok ako ni Miss Marites at inaya akong kumain kasama niya sa opisina nila. Mahilig siyang magluto at madalas nagdadala talaga ng marami para ipatikim sa amin ni Kuya Nestor. Masasabi kong sa tagal ko na rito ay naging kaibigan ko na rin sila. Madalas nila akong binabalitaan tungkol sa pamilya nila.
Hindi rin ako nagtagal doon dahil dumating na ang kanyang boss at tapos na ang break time. Bumalik na ako sa studio at pinagpatuloy ang pagpipinta. Pagsapit ng alas quatro y media ay naisip ko nang umuwi. Dahil hindi ako masusundo ni mama, ayokong maipit sa biyahe.
Laking pasasalamat ko na naging mabilis ang biyahe ko pauwi. Pulos mga kolehiyala lamang naman ang nakasabay ko sa dyip kaya medyo relaks ako sa biyahe. Pagdating sa babaan ay tinungo ko na ang daan papunta sa bahay.
Ngunit pagliko ko sa kalsadang patungo sa aming bahay, napakusot ako ng mga mata habang nakatingin sa sasakyang umalis sa harap ng bahay namin.
Hindi ako maaaring magkamali. Kilala ko ang may-ari ng asul na sasakyan na 'yon. Hindi ko rin masasabi na pamilyar ang plate number nito dahil saulado ko ito mula pa noon. Sasakyan ni Jonas 'yon!
Anong ginagawa niya rito? At isa pa, sabi ni mama ay baka ma-late siya ng uwi pero bakit nandito na rin ang sasakyan namin?
Bakit? Bakit siya narito?
----------
Please don't forget to support the story and the whole Let Me Series!
Your feedback is much appreciated!
On behalf of areyaysii and Imcrazyyouknow... maraming salamat po sa inyong suporta! ❤
Thank you!
#LetMeSpeak
#LetMeSeries
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro