Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

l a d l a d

Lantad na naman ako sa pamilya namin.

Dahil itinuturing na normal, may pribilehiyo ng pribado ang mga heterosekswal. Kaming mga bakla? Hangga't mas gustong magtago, mas hinahatak palabas, upang mapunta sa kanila ang mayabang na kapangyarihang kontrolin kung paano kami aakto sa mundo kung saan sila ang naghahari-harian.

Ayokong gawin nila 'yon kay Santiago.

"'Yong mga ladlad lang, Amadeus," laging paalala ng mga kasamahan ko sa Ladlad, ang pangalan ng munting organisasyon namin. "Hindi natin trabahong hatakin ang mga taong kloseta ang nagsisilbing tahanan." Pero ano ba'ng dapat gawin? Hindi naman ako ang lumapit kay Santiago. Oo, hindi siya para sa akin, pero abot-kamay ko siya. Isang kasalanan na mahalina ng kagandahan kung hindi susuklian ng silip.

"Silip ka dyan? Boso 'ka mo!" kantyaw ni Ate Pauline.

Inunahan ko siyang bumaba ng motorsiklo para iwasiwas sa mukha niya ang suot kong kapa. Natatawa ang kasintahan niyang si Jasper dahil ginamit siyang panangga ng kapatid kong loka-loka. Sumilip si Ate mula sa balikat niya sabay sabing, "Sige na, mangialam ka na sa buhay ng Santiago'ng 'yon."

Sa gitna ng halo-halong hiyawan at bulungan mula sa katapat na diskuhan, unti-unting lumapit si Jasper para tapik-tapikin ang ulo ko; pagkalas, si Ate naman, idinikit ang katawan at hinawakan sa magkabilang dulo ang kapa ko para ibalot sa aming dalawa.

"Tanggap kita, Deus. Buong-buo."

Umirap lang ako.

Tumawa muna siya at humalik sa pisngi ko bago sumakay ulit sa motorsiklo. Pinanood ko lang ang pagharurot nila palayo bago tuluyang umupo sa bangketang kinatatayuan ko.

Madalas naman akong nagagawi rito ngunit sa labas lang palagi. Hindi kasi ako mahilig sa madilim na lugar. Gusto ko ring makasigurong sisipot si Santiago dahil siya ang nag-imbita. Ayokong mahirapang maghagilap sa loob lalo't hindi ako pamilyar sa hulma ng mukha niya.

Ang tanging alam ko, nobyo siya ni Mara.

'Tapos noong nakaraang buwan, nagkaroon ng problema sa bahay, kaya pansamantala akong nanuluyan kina Mara dahil naging kaibigan na rin siya ng mga miyembro ng Ladlad sa dalas naming pagpupulong doon. Ako ang naging bantay ng bahay nila habang palihim siyang nangibang bansa kasama ang tiyahin niya.

Doon nagsimula ang unang sulat galing kay Santiago na pinagtakhan ko ngunit kalauna'y binasa rin bunga ng nag-aalab na kuryosidad. Hindi ko napigilang sagutin sa katauhan ni Mara dahil mukhang wala siyang alam sa pag-alis nito.

Nagpalitan kami ng sulat sa mga nagdaang linggo. Tumindig sa nag-aatubiling ilusyon. Nagpatupok sa delikadong apoy.

Pero nandito pa rin ako. . .

"Mara?"

At nandito na rin siya.

"Deo," pagtatama ko.

Mga baga kaming panandalian ang liwanag.

"I'm kidding. I know you, Manjares." Pormal siyang manamit bilang nagpapakadalubhasa sa pagkaguro: puting polo na mahaba ang manggas at itim na slacks. "So you're a gay guy."

Tama naman.

Bukod sa kapa, halata sa dilaw kong kamiseta at pinaikling shorts.

"Ano bang akala mo?"

Natatawa siyang umiling. "Halika sa loob?"

"Dito na lang tayo," mabilis kong tanggi.

Tumayo pa rin siya't pumasok sa diskuhan. Sa tahimik na dismaya matapos ng ilang minutong paghihintay, aalis na sana ako nang lumabas siyang may dalang bote ng beer sa magkabilang kamay.

Inabot niya sa akin ang isa; pagtanggap ko ay bigla niyang inipit ang kamay ko para hilahin ako patayo.

"Ano, sasali ka ba?" usig ko.

Kumibit-balikat siya.

"Ligtas ka sa Ladlad, Santiago."

Mabagal siyang kumurap. "Bakit ba gusto mo akong isabak sa rebolusyon niyo?"

"Gusto kong palayain ka," mabilis kong sagot.

"Huh, idealistic." Lumagok siya ng beer. "You know, it's an ugly stereotype na pakiramdam niyo sa aming lahat, kinukulong ang sarili."

Inisahang tungga ko ang akin dahil tulad niya, natatakot din ako. Pero ano bang nagawa ng takot sa mga katulad namin? Walang kabuluhang pag-iral. "Kung meron man akong natutunan sa Tatay kong Kristiyano, 'yon ay kung paanong mag-isip para sa sarili kong kapakanan. Ikaw ba? Kaya mo bang gawin 'yon para sa sarili mo?"

Gumuhit ang alinlangan sa mata niya.

"May girlfriend ako—"

"Na gusto mo nang hiwalayan."

Sa likod ng kumpiyansa niya sa sarili, may kalituhan. Nirerespeto ko 'yon. Gusto ko lang maintindihan niyang maigi ang hiwagang sa lahat ng piling pagkakataon, ako ang nakabasa ng unang sulat na babawiin niya sana pagkatapos maipadala.

"We barely know each other, Manjares."

Napalunok ako sa paraan niya ng tingin.

"Unless you like me—"

"Masyado kang komplikado para gustuhin, Santiago." Mas lalo niyang nilaliman ang titig hanggang sa mapairap na ako. "Oo na, sige, kursunada lang. Wag kang ambisyoso."

Unti-unti siyang napangiti.

"Halika," mahina niyang usal.

"Dito nga—"

Hinawakan niya ako sa bewang.

Imbis sa loob, mas inilapit niya kami sa diskuhan, nasa kalsada pa rin. Ipagpatawad Mo ng VST & Company ang tumutugtog sa loob.

Ipinatong niya ang kamay sa balikat ko; naiilang, napakapit ako sa tela sa bandang tagiliran niya. Sinusundan ko ang hakbang niyang sumasabay sa giliw ng musika. Ano pa ba ang alak kung hindi gagawing rason ng kawalan ng hiya at katwiran?

"Sumali ka, Santiago. . ."

Pinisil niya ang ilong ko.

Nangulila ang balat ko sa init ng hawak niya. May tunog ng nalulukot na papel. Patapal niyang idinikit sa dibdib ko. Dahan-dahan, kinuha ko 'yon, pinilit na humugot ng hanging pupuno sa nanlalamig na pakiramdam. "Application letter mo?"

Naaaliw siyang tumawa. "Just read it."

        Kung sino ka man,

        You're not Mara. You write like her, but you're way better in beautiful imagery. Mas lalo mong pinaigting ang sarili ko. Lalaki ka man, babae, o kung sinumang nilalang na napadpad sa bahay ng girlfriend ko, katangi-tangi kang kumukulay sa aking imahinasyon.

        Pero hindi pa ako handa.

        Kahit si Mara. . .

        Magkikita tayo sa mga darating na araw, sa birthday party ng kaibigan namin. Sana sapat ka para baguhin ang isip ko.

Sa mundo ng pagpapanggap,      
O.B. Santiago      


Tinanaw ko ang sariling repleksyon sa mga mata niya.

"Hintayin mo lang ako, Manjares."

Mabilis akong tumango. Ngumiti kami sa isa't isa habang napapayapa sa indak ng katawan. Kung paghihintay ang magpapalaya sa matagal nang isinuksok sa sulok, makukuntento muna ako sa ladlad sa dilim.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro