Chapter 2
#LGS1Interrupted #LGS1chapter2 #LaGrilla1
AUTHOR’S NOTE: Starting from this chapter, we will encounter an interjection of Batangeño words/terms with Tagalog phrases. This is in order to maintain the integrity of the book to its setting and characters, and only intends to softly introduce the Batangeño dialect.
I am open for corrections to improve this part of the story.
***
“NAKITA ko si Leo.” Walang-buhay na isa-isang inilapag ni Imee ang mga bayong sa kawayang mesa.
At saka lang siya naabutan sa kusina ng nanay niyang nakasunod sa kaniya mula pagpasok niya sa sala. Inako ng kaniyang inang si Minerva ang paglalabas sa mga laman ng isa sa mga bayong.
“Gay’on siguro kapag malayo na ang narating ng isang tao,” pagdaramdam ni Imee habang tinutulungan ang nanay. “Nakalilimot. Daig pa ang may amnesia!”
Nangingiti ang kaniyang nanay habang nasa ginagawa ang tingin. “Paanong nakalimot?”
“Hindi man la’ang niya ako nakilala! Tinanong pa kung tagarine ako sa Hacienda Hermano!”
Hindi napigilan ng kaniyang nanay ang pagkawala ng mahinang tawa. Her long, wavy hair with white streaks kissed her smooth brown shoulders. A little bit of dark spots on her shoulders dotted here and there. Komportable ang ginang sa suot nitong berdeng bestida na natatatakan ng naglalakihang dilaw na mga bulaklak.
“E, baka marami la’ang iniisip ’yong tao,” pakonsuwelo na lang nito sa kaniya na palagi nitong ginagawa kapag may nagpapalungkot o nagpapadismaya sa kaniya. “Bakit hindi ka na la’ang nagpakilala? Baka natuwa pa ’yong tao kapag nakilala ka. Baka naalala ka pa niya kaagad kung nagpakilala ka la’ang.”
Imee snorted. “Walanjo. Huwag na! Baka kung ano pa ang malaman ko kapag nagkuwento na siya sa oras na kumustahin ko siya!”
“Ano ga ang ayaw mong malaman?” Nasa himig nito ang panunukso.
“Malamang, ’yong mga pambababae niya, ’Nay!”
Malutong ang naging tawa ng ginang. Hinarap siya nito habang hawak pa ang nakaplastik na bungkos ng malunggay. “E, bakit naman mapupunta roon ang kumustahan n’yo? Lovelife agad ni Leo ang gusto mong alamin, e!”
Pinanlakihan niya ito ng mga mata. “Stop me, ’Nay! Wala na akong gusto sa kaniya, maliwanag?”
At hindi niya napigilang mapatingin-tingin sa paligid. Kung nasa bahay ang ama niyang si Mang Baste, natatakot siyang maulinigan nito ang topic nilang magnanay. Ito lang kasi sa kanila ang walang kaide-ideya na crush niya si Leo noong bata-bata pa sila.
“Ang Itay?” tanong niya sa ina para makasigurado.
“A, kanina pa wala rine ang ama mo. Pumunta na ’yon sa niyugan para magtrabaho.”
Knowing that her secret was still safe, Imee could finally sigh in relief.
Kontentong tumango-tango siya sa ina. Ibinalik niya ang tingin sa bayong at naglabas ng dalawang malaking kalabasa.
Pero, haaay, naiirita pa rin siya sa Leo na ’yon!
***
KABABABA lang ni Leo mula sa kotse. Nasa tapat na siya ng mansiyon sa Hacienda Hermano nang matanaw na palapit na sa kaniya ang isa sa mga trabahador dito—si Mang Baste.
Si Sebastian Pascual o mas kilala bilang Mang Baste ay matagal nang trabahador sa hacienda ng mga Hermano. Kayumanggi ang balat ng matandang lalaki at maikukumpara ito sa isang malabnaw na kape. Ilan lang ang guhit sa mukha nito na dumarami lamang kapag ngumingiti ito. Nasa sisenta’y otso na ang edad nito pero itim na itim pa rin ang mga hibla ng maikli nitong buhok.
Naka-assign si Mang Baste sa niyugan. Mula sa isa sa mga tagaakyat noon sa mga puno ng niyog para kunin ang mga bunga, isa na ito sa mga matatandang nagsu-supervise sa mga trabahador mula sa pagtuturo kung paano gawin ang kanilang mga trabaho hanggang sa mga kalakaran sa hacienda. Isa si Mang Baste sa mga taong naniniguradong nasusunod ang lahat ng iyon.
“Nardo!” bati ng matanda na tinawag siya sa kaniyang palayaw, palayaw na mga taga-hacienda lang ang nakaaalam o gumagamit.
Malaki ang ngiti ng matanda sa kaniya, but Leo would always feel humbled in his presence. Oo, nakaugalian niya na igalang ang mga nakatatanda pero iba itong hiya na nararamdaman niya. It was out of gratitude because he owe Mang Baste—and some workers in this village—a lot. Dahil sa utang-na-loob na iyon ay nahihiya siyang harapin ito. Pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat sa mabuting pakikitungo ng matanda dahil hindi niya mababayaran ang utang-na-loob niya rito kahit kailan.
“Good morning, Mang Baste!” magalang niyang tango rito kasabay ng nahihiya niyang ngiti para dito.
Nakalapit na ito sa kaniya. May puting towel na nakapatong sa ulo nito na naiipit ng straw hat na brown. Mahaba ang manggas ng suot nitong puting damit bilang panangga sa matinding sikat ng araw. Malinis at tamang-tama ang yakap ng asul na jeans sa may kapayatan nitong mga binti at hita.
“Magre-report sana ako kay Sir bago pumunta sa distillery, kaya la’ang, e, natanaw ko ’tong kotse mo kaya hindi muna ako tumuloy sa mansiyon,” paliwanag nito. “Kailangan mo ga ng tulong?”
Hindi niya naman talaga kailangan ng tulong pero nakahihiya naman kung tatanggihan niya ang alok ni Mang Baste. “Sige ho. Hindi ko kasi alam kung nasa loob si Jamer. Hindi niya kasi sinasagot ang tawag ko, e. Tulungan n’yo sana akong maghanap sa kaniya.”
“Walang problema,” anito at tumango bilang paanyaya. “Tara?”
Leo returned the polite nod. They walked together into the mansion.
Inuna nilang puntahan ang kuwarto ni Jamer. Doon naman kasi madalas na nagsusunog ng oras ang kaniyang kaibigan. Pero himalang wala rito ang lalaki. Iniwan pa nitong hindi naka-lock ang pinto kaya nakumpirma nilang wala nga ito sa silid.
“Wala ho ba kayong usapan ni Jamer, Mang Baste?” usisa niya habang panaog sila sa paikot na grand stairs.
“Ay, wala naman.” Nasa nilalakaran ang tingin ni Mang Baste, nauuna ito sa kaniya ng ilang hakbang. “Maghiwalay siguro tayo. Ikaw roon sa may guest room. Ako naman sa kusina at laundry room. Magkita na la’ang tayo sa sala.”
Magandang ideya iyon. “Sige.”
At nang marating ang dulo ng hagdan, naghiwalay na sila ng landas.
Sa loob-loob ay napabuntonghininga si Leo. Ang laki kasi ng bahay kaya mahirap talagang maghagilap ng mga tao rito. Dahil dito kaya hindi talaga siya nag-ambisyon na magkaroon ng mansiyon. Ayaw niya sa malaking bahay lalo na kung dadalawa lang naman silang nakatira doon ng kaniyang katulong na si Yaya Lumeng at hired cleaners ang nagdye-general cleaning doon. Kontento na siya sa kaniyang townhouse sa Maynila na may dalawang palapag—isang maid’s quarters, isang master’s bedroom at guest room, at isang office room lamang sa Maynila.
Hindi nahanap ni Leo si Jamer sa mga guest room kaya nagmamadaling tinungo niya ang living room. Malayo pa lang siya, natanaw na niyang nakatayo roon nang mag-isa si Mang Baste. Bahagya itong nakayuko na parang may binabasa sa palad nito.
“Nakita n’yo ho si Jamer?” lapit niya sa matanda.
Napalingon ito sa kaniya. Nagulat ito pero hindi naman ganoon kalaki ang ekspresyon sa mukha nito. Hawak pa nito ang cell phone.
“A, hindi pa. Pasensiya na. May sinagot la’ang akong tawag at nagtext pa ’ko.”
Inangat nito nang kaunti ang cell phone na de-keypad para ipakita sa kaniya bago iyon ibinulsa.
“Mang Baste naman, bakit hindi kayo nag-a-update ng cell phone? Luma n’yo na ’yan, a?” maluwag niyang ngiti rito.
“Mas gamay ko are. Hindi pa madaling masira at maubusan ng battery katulad ng cell phone ng anak ko.” Humarap na ito sa direksiyon patungong kusina at laundry room. “Hindi mo yata nakita si Sir Jamer. Tara, pumarine tayo.”
Sumunod si Leo sa lalaki. Hinayaan niyang ito na lang ang magtawag nang magtawag sa kaniyang kaibigan. Nanatili namang matalas ang kaniyang paningin. Palinga-linga pa siya para isa-isahin ang kanilang mga nadadaanan.
Then, someone mushroomed from nowhere, most probably from the laundry area—Jamer.
Alanganing napangisi ang kaniyang kaibigan, ngising parang nahuli sa akto. Pumaling naman ang kaniyang nag-aalangang ngiti.
Bakit ba kasi basang-basa ito? Ang nakaaasiwa pa roon, boxers lang ang suot nito. Naglaba ba ito o nakipag-wrestling sa washing machine?
“Leo,” bulalas nito bago binalingan si Mang Baste na natural na ang kubang postura ng katawan. “Sige po, Mang Baste, ako na ang bahala kay Leo.”
“Sige po, sir.” Tumango ang matanda bago umalis.
Halata rito ang pagtataka kung bakit kakaiba ang hitsura ng amo nito. Sa gulat siguro ng matanda sa hitsura ni Jamer, nakalimutan na rin nito ang balak na mag-report sa amo bago pumunta sa distillery.
Sa sobrang bilis ng pag-alis ni Mang Baste, hindi na nakapagpasalamat sa matanda si Leo. To add to his shock, Jamer dragged him to the dining room. Doon lang niya muling naibalik ang atensiyon sa kaibigan.
Habang sinusuyod ng tingin ang kaibigan, hindi niya mapigilang matawa. Napansin din niyang nagkalat ang patak ng tubig sa wooden-finish na sahig ng dining room.
“You’re wet. Saan ka naligo? Sa kitchen?” Natatawa na siya pero nagpipigil pa siyang mapalakas ito. “Wala ka rin bang dalang tuwalya?”
Umupo sa silya sa dining table ang kaibigan. Nasa mesa pa ang pinagkainan nito.
“You came at a ve1ry impressive timing, Leo,” sarkastikong saad ni Jamer pagkatingala sa kaniya.
Mas pinili ni Leo ang tumayo nang nakaharap sa kinauupuan ni Jamer. “Oh, really, why?” ganti niya rito kaya ginawang sarkastiko rin ang tono ng pananalita habang naka-ekis ang mga braso.
“We are about to do it, Leo, but you interrupted.”
Nanlaki ang mga mata niya.
Do it?
Gawin ang alin?
Ito ba ’yong may kinalaman sa plano nila?
“K-Kayo ni Ava? Doon? The two of you are—”
“Oo.” Tumayo na si Jamer, iritable. “Damn you. Hahanap na naman tuloy ako ng magandang tiyempo.”
He could not help smiling like a victor.
Like an idiot too.
Noong una, nag-aalinlangan pa talaga si Leo na gagana ang planong ito. Pero dahil sa ibinalita ni Jamer, nakakita siya ng pag-asa.
Sa oras na magtagumpay sila, hindi lang si Ava, ang nanay nito, at ang kanilang furniture business ang nailigtas mula sa pagbagsak. He has also saved himself from Melissa’s threat that if things didn’t work out, he had to marry Ava!
Sinundan niya ang nag-iinarteng kaibigan sa living room. Nagpatuloy ang malalaking hakbang nito hanggang sa grand stairs at sa pasilyo patungo sa kuwarto nito.
“Hey, Jamer, wait up!” sunod ni Leo rito. “Bumisita talaga ako rito para makibalita.”
“You got your news now, Leo,” Jamer groaned.
“Hey, are you mad? I’m sorry kung nakaabala ako!” Natatawa pa rin si Leo habang nakasunod. “Pero, grabe, pare, akala ko talaga . . .” Napailing siya. Dalang-dala lang siya sa mga kaganapan, sa kaniyang mga nalaman. “Sabi na nga ba at ikaw ang tamang tao para sa setup na ’to, e.”
Jamer just shook his head.
***
BITBIT ni Imee ang water jug ni Mang Baste. Paano kasi, nag-aayos na silang mag-ina sa kusina ng mga pinamili nang mapansing naiwan ng kaniyang ama ang water jug nito. Tinext at tinawagan niya ang ama tungkol dito. Sinabi naman nitong saglit lang ito sa mansiyon kaya dalhin na lang ang inuminan nito sa mismong distillery. Kaya pagkatapos salansanin ang mga pinamili sa palengke ay lumakad na siya. Naiwan sa bahay ang kaniyang nanay.
Dumaan si Imee sa distillery, kaya lang, nakaalis na raw doon si Mang Baste. Hindi daw ito nagtagal doon dahil may nakalimutan daw itong itanong sa kanilang amo tungkol sa trabaho roon. Nagtaka tuloy siya kung bakit kailangang magpabalik-balik sa mansiyon ang kaniyang ama. Naisipan niyang daanan ito roon, pero naalala niya si Leo. Naisip niya tuloy na baka dahil sa presensiya ng Leo na ’yon kaya hindi nakapag-usap nang maayos ang tatay niya at si Sir Jamer. Dahil doon, minabuti na lang ni Imee na dumeretso sa niyugan.
Dumaan siya sa shortcut na may desired path sa bandang likuran ng mansiyon. Bago marating ang desired path na iyon, kailangan niyang dumaan sa harap ng mansiyon para ikutin ito at marating ang likuran nito. Napasimangot siya nang makitang nakaparada sa tapat ng mansiyon ang kotse ni Leo. Mabuti na lang at kotse lang ni Leo ang kaniyang nakita at hindi ito mismo.
Nasaktuhan niyang nasa niyugan na rin si Mang Baste nang makarating siya roon. Nang maiabot sa ama ang naiwang inuminan, dumaan si Imee pabalik sa desired path. Natural na napadaan siya kung saan abot-tanaw ang sampayan sa likod-bakod ng mansiyon ng mga Hermano.
Bumagal ang kaniyang mga hakbang nang matanaw ang bagong maid doon. Huminto si Imee sa tabi ng isang puno ng niyog. Katabi niya ang puno pero hindi nakaunat sa kaniyang direksiyon ang anino nito kaya hindi siya nalililiman nito.
Inangat ni Imee ang isang kamay para salagin ang tirik na sikat ng araw mula sa pagtama sa kaniyang mga mata. Balewala sa kaniya ang init dahil sanay na siya. The blinding sunlight made an illusion of her brown skin of being golden yellowish.
Imee eyed on the maid who wore a knee-length denim shorts and a red body-fitting shirt. Naka-ponytail ang itim, makapal, at alon-alon nitong buhok. Panay ang talon nito sa sampayan. Hirap na hirap itong abutin ang wire. Inangat na nito ang dalawang kamay at tumalon. Tumalon. At tumalon pa ito ulit. Bumuwelo pa ito ng atras bago umisa pa ng talon pero wala pa rin.
Pinanghihinaan ng loob na napatingala ang katulong sa sampayan.
“May height requirements ba noon ang maids nila?” bulalas nito sa sarili. “Ang taas naman ng sampayan na ’to!”
Napakawirdong tanong. Natawa tuloy siya.
Natunugan siya ng babae at mabilis itong lumingon sa kaniyang direksiyon. Imee just smiled at her.
“Pasensiya na.” Nakangiti pa rin siya sa katulong na ang talim kung makatitig sa kaniya. “Narinig ko kasi ’yong sinabi mo nang napadaan ako, kaya heto . . .” Her shoulders moved as she laughed in a low voice.
Namaywang ang babae. “What is so funny about it?”
Medyo masungit ang tono nito pero balewala lang kay Imee. Wala sa bokabularyo niya ang seryosohin at palakihin masyado ang mga bagay-bagay.
“Sabi mo, ‘May height requirements ba ang maids nila?’” Hinakbangan niya ang hanggang tuhod na halamanan at nilapitan ang kausap. “Iyon ang nakakatawa.” Imee offered her a handshake. “Hello, ako nga pala si Imee. Ikaw ’yong bagong katulong dito?”
Tipid siya nitong nginitian. “Yup,” tanggap nito sa kaniyang pakikipagkamay. “Ako si A—Si Ligaya.”
“Wow.” Natawa siya nang kaunti at bumitiw sa kamay nito. “Tagalog na Tagalog ang pangalan mo. Anyway, kumusta ka naman? Hindi ka kasi masyadong naglalalabas ng mansiyon, e. Ngayon la’ang tuloy kita nakita. Mabait ba sa ’yo si Sir Jamer? Metikuloso raw ’yon, e. Lahat na lang napupuna niya kaya hindi nagtatagal ang mga maid sa kaniya, e.”
‘Naku, ang haba na pala ng sinabi ko! Bakit ba kasi ang tabil ng dila ko?’ Tama nga ang nanay niya. She was too innocent for her own good. Heto siya at walang ano-anong nakipagkilala sa isang bagong salta at halos lahat ay ikuwento na niya rito. Masyado yata siyang forward, baka mailang ito.
At napayuko na nga ang kaniyang kausap.
“Oh, sorry! Masyado ba akong madaldal?”
Mabilis na umiling-iling si Ligaya. “N-No! Not at all! Uhmm . . .” Dumako ang tingin ni Ligaya sa bed sheet na nakarolyo sa isa nitong braso. “Imee, patulong naman ako sa pagsasampay. Hindi ko talaga abot.”
Napangiti siya. Saan ba nagsisimula ang isang pagkakaibigan kundi sa paghingi ng kaunting pabor?
“Sige!”
***
COME HERE
La Grilla Series #1
Copyright Registered: 2024
R-18, General Fiction, Sexy Romance, Drama
First publish on Wattpad: December 2016
Facebook Page: ANAtheCowgirl
Wattpad: ANAtheCowgirl
Twitter: anathecowgirlwp
Instagram/Threads: anathecowgirl
Email: [email protected]
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro