Prólogo
Malalim na ang gabi, pero heto ako parang isang baliw na nagtatatakbo sa gitna ng madilim na kagubatan. Hindi alintana ang masukal na daan na aking tinatahak. Wala na akong pakialam kung nasusugatan man ang aking katawan dahil sa mga matatalim na kahoy na aking nadaraanan.
Gusto ko nang makalayo sa lugar na ito, makalayo sa mga taong inakala ko'y totoo. Ang mga taong inakala kong mapagkakatiwalaan ko ng lubos. Ngunit ang lahat ng iyon ay akala ko lang pala, dahil katulad lang din sila ng iba na mapagpanggap.
Hindi ko alam kung saan ako daldalhin ngayon ng aking mga paa. Hanggang sa hindi ko na namalayan ang isang malaking ugat ng puno sa aking harapan, napasubsob ako sa lupa na siyang nagpahapdi sa aking mukha .
Pinilit kong tumayong muli upang magpatuloy sa pagtakbo, ngunit ang aking mga paa'y tila sumusuko. Napahawak ako sa mga 'to at doon ko lamang namalayan na wala pala akong sapin sa paa, mayroon din akong nakakapang mga tinik na siyang bumaon dito.
Isa-isa ko itong tinanggal sa aking mga paa.
Umaasang sa pamamagitan ng sakit na dulot nito'y maibsan ang nararamdaman ng aking puso, ngunit maging ito'y tila namanhid na rin.
Ganito ba talaga kalaki ang epekto ng ginawa nila sa akin? Halos wala na akong maramdamang sakit?
Bahagya akong natawa sa aking sarili, para akong masisiraan ng bait. Gusto kong umiyak, gusto kong tumawa, hindi ko na maunawaan ang halo-halong emosyon na aking nadarama.
Napahawak ako sa aking dibdib, nang unti unti kong nararamdaman ang pagkirot ng aking puso.
Sumisikip ang daluyan ng hangin na siyang daanan ng aking hininga.
"Bakit kailangan mangyari ito sa akin? Ano ba ang nagawa kong kasalanan at bakit ako ang kailangan magbayad sa mga bagay na hindi ko naman ginawa? Bakit ako ang kailangan magparaya?"
Tuluyan na akong napahagulgol, dahil hindi ko na kinaya pang itago ang aking mga luha na bunsod ng sakit na aking nadarama.
"Bakit nagkaganoon? Hindi ba't ako ang nawalan? Hindi ba't ako ang tinanggalan ng karapatan? Bakit parang ako lang ang nasasaktan? Bakit ngayon pa kung kailan natutunan ko na ang umibig at maging masaya. Hindi pa ba sapat ang lahat ng aking nagawa?" Sunod sunod na tanong sa aking sarili.
Napatingala ako sa madilim na kalangitan, pilit na hinahanap ang mga nagkikislapang bituin. Umaasa ako na mabibigyan ng kasagutan ang lahat ng kasinungalingan na aking natuklasan. Mga pawang kasinungalingan lamang ang aking narinig at walang bahid ng katotohanan ang lahat ng kanilang tinuran.
Ngunit maging ang kalangitan ay pinagkaitan din ako ng kasagutan sa lahat ng aking katanungan. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata, pinagsiklop ko ang aking mga kamay at taimtim na nanalangin.
"Bihira lamang po ako humiling ng para sa aking sarili, pwede po ba na sa pagkakataong ito ibigay niyo naman po ang para sa akin. Sabihin niyo po, ano po ba ang dapat kong gawin para makasama ko sila?"
Umihip ang napakalakas na hangin na siyang nagbigay ng kakaibang lamig sa aking katawan, kasabay nito ang pagdagundong ng kagubatan dahil sa lakas ng kulog na pinakawalan ng kalangitan.
Napadilat ako ng isa-isang pumatak ang ulan sa aking pisngi, at tila'y naging isang musika sa aking pandinig ang sabay-sabay na pagbuhos nito sa mga dahon ng mga puno at halamanang nasa aking paligid.
"Simple lamang ang aking hinihiling, ang maging masaya at makasama sila. Pero bakit pati ang simpleng pangarap na ito ay ipagkakait niyo pa sa akin? Hindi ba ako karapat-dapat na maging masaya?" Tanging pagkidlat lamang ang siyang sinagot sa akin.
"Kung ganoon, bakit hinayaan niyo pa akong mabuhay? Sana hinayaan niyo na lamang akong mamatay ng gabing iyon! Sana hindi niyo hinayaan na bumalik pa ako sa panahong to!" Galit at sakit ang nangingibabaw sa akin.
Alam ko na mali na tanungin ko siya ng ganito, pero hindi ko maiwasan na magtanong kung bakit niya hinayaan mangyari ang mga ito.
"Isabelle," mahinang tawag ng aking matalik na kaibigan.
Napalingon ako sa kaniya, may hawak itong maliit na lampara, sapat na para magbigay liwanag sa aming dalawa. Tulad ko, basang basa na rin siya at tila hinahabol ang kanyang paghinga.
Napaupo na lamang ako at yumuko. Narinig kaya niya ang usapan nila ama at ni Gabriel? O, may nalalaman din siya dito? Napailing na lamang ako sa sarili. Hindi magagawang maglihim sa akin ni Javier.
Naramdaman ko ang paglapit niya sa akin saka lumuhod, mahigpit niyang hinawakan ang aking magkabilang balikat.
"Sab, please huwag ka namang ganito. Hindi ako sanay na makita kang nagkakaganiyan," malambing niyang wika.
Tila hinaplos ang aking puso ng sabihin niya sa akin iyon at muli na naman akong napahagulgol. Gamit ang aking mga kamay tinakpan ko ang aking mukha.
Hinawakan niya ito at marahang tinanggal.
"Simula pa 'man noon hanggang ngayon, nahihiya ka pa rin ipakita sa akin ang iyong mukha sa tuwing ika'y umiiyak." Marahan niyang hinaplos ang aking mukha at inangat ito upang magtama ang aming paningin sa isa't isa.
Ang kaniyang mga mata'y tila nangungusap.
"Lahat ng problema sa mundo ay may solusyon, hindi ba't iyan ang lagi mong sinasabi sa amin?"
Hindi ako makaimik. Tama siya, lagi ko nga iyong bukang bibig, pero bakit gano'n? Kapag ako na ang may problema, parang ang hirap sabihin ang mga katagang iyon sa aking sarili.
Mapait siyang ngumiti, "Narinig ko ang lahat ng kanilang napag-usapan, at tulad mo,hindi ako makakapayag sa kanilang nais."
"A-anong ibig mong sabihin?"
"Sasabihin ko na ang lahat, ngunit kailangan muna nating umuwi. Magkakasakit tayong pareho kapag nagbabad pa tayo sa ulan," wika niyang may bahid ng panenermon.
Bahagya akong napangiti sa kaniyang turan. Kahit kailan talaga hindi pa rin siya nagbabago. Nagagawa niya akong mapangiti sa kabila ng sakit na aking nararamdaman.
Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon dito.
Sumilay ang kaniyang ngiti at mabilis na tumalikod sa akin sabay tapik sa kaniyang likuran.
"Sumakay kana, alam kong hindi mo na kayang maglakad ngayon."
Katulad ng nakagawian ko, agad akong sumampa sa kaniyang likuran at niyakap siya ng mahigpit. Hinawakan na rin niya ang magkabila kong binti bago tumayo at nagsimula nang maglakad.
"Hindi ko akalaing na mas mabilis ka pa ngayon tumakbo, kulang na lang ay puwede kana sumali ng marathon. Kapag nakabalik na tayo sa ating panahon, ipaparegister ko ang pangalan mo sa marathon competition. Siguradong mananalo ka doon," masaya niyang turan.
Napangiti ako ngunit mabilis din agad iyon napalitan ng lungkot. Dahil alam naman naming dalawa kung ano ang kahihinatnan ko once na matapos ko ang aking misyon sa panahong ito.
"Gusto mo na bang umuwi sa atin?"
"Huwag muna, wala akong lakas ng loob na makaharap sila. Pakiusap, dalhin mo ako sa ibang lugar, 'yung malayo sa kanila."
Batid kong wala talaga kaming mauuwian ngayon, dahil narito kami sa Solsona. Wala rin kaming kakilala na maaari muna naming puntahan pansamantala.
"Kung gano'n, dadalhin na lamang kita doon. Kumapit ka nang mabuti dahil bibilisan ko ang paglalakad, batid ko na sa mga oras na ito'y hinahanap na tayo."
"Salamat," ang tangi kong tugon. Mas hinigpitan ko pa ang pagkakayakap sa kaniya at isiniksik ang aking mukha sa kaniyang leeg.
Ramdam ko ang mabilis na ginawang paglalakad ni Javier, at tila para akong dinuduyan nito. Bumibigat na rin ang talukap ng aking mga mata, tanda na nais ko nang matulog hanggang sa hindi ko na mapigilang ipikit ang mga ito.
●●●●●
PAALALA LAMANG SA MAGBABASA:
Ang istoryang inyo pong mababasa ay pawang gawa at kathang-isip ko lamang. Ang mga pangalan, tauhan, lugar, kaganapan, insidente at pangyayari na aking ginamit ay pawang produkto ng aking makulit na imahinasyon. Anumang pagkakahawig sa mga aktwal na tao, lugar at kaganapan ay nagkataon lamang at hindi ito sinasadya. May mga pangyayari na binase sa kung ano ang nakasulat sa kasaysayan ng ating bansang Pilipinas ngunit hindi lahat ay naganap sa totoong buhay.
Patnubay at gabay ang kailangan.
Charot! Enjoy reading!
●●●●●
Sa mga nagbabasa at magbabasa palang, humihingi na po ako ng paumanhin, kung may mababasa kayong,
WRONG SPELLING,
WRONG GRAMMAR or TYPO ERRORS.
Saka ko nalang po aayusin kapag natapos na ang kwentong ito. Bale may pagka-taglish siya, nakasulat sa dalawang point of view at hindi rin ganoon kalalim ang tagalog na aking gagamitin.
Naiiba din ito sa nakasanayan niyo ng Historical Fiction, what I'm trying to say is give it a try.
If you don't like it, you are free to go.
So iyon lamang po, I'm willing to accept any criticism pero yung dapat makakatulong sa akin bilang baguhang writer. Kasi kung puro lait lang naman ang sasabihin niyo eh, mas mabuti pang 'wag niyo na lang basahin para 'di sayang sa oras ninyo.
Bawat writers ay may sariling style ng pagsusulat kaya chill lang po kayo huwag niyo po kami i-compare sa isa't isa. Humihingi po kami ng respeto mula sa inyo. Iwasan rin po natin na magbanggit ng pangalan o libro ng ibang manunulat para iwas gulo.
Muli maraming salamat po at nawa'y ma-enjoy at may makuha po tayong aral sa bawat karakter na ating makikilala sa kwentong ito.
-KLWKAN.
📖
Do not copy, transmit or distribute without the author's permission.
PLAGIARISM IS A CRIME PUNISHED BY LAW.
Copyright 2020
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro