Capítulo 19
"Wala tayong karapatan para manakit ng kapwa natin, at wala tayong karapatan para mang-angkin ng isang bagay na kailanman ay hindi mapapasaatin."
- Isabelle Louise Flores
*****
Sinundan ko ang pinagmumulan ng boses ni Lusiya, kung saan tumambad sa aking harapan ang mga nagkukumpulang kababaihan.
"Tonto!" Isang malakas na sigaw ang umalingawngaw sa buong paligid na para bang sinasadyang ipahiya ang kapwa.
Nagpumilit akong sumiksik, hanggang sa makita ko ang isang babaeng may katangkaran ang nakatalikod sa amin. Nanlaki ang mata ko ng makitang hawak nito ang tenga ni Lusiya.
"Mierda! Tignan mo ang saya ko, napakadumi na!" Hirit pa nito na mas lalong diniinan ang pagkakapingot. Halos mapahawak si Lusiya sa kanya, at panay paghingi ng tawad ang naging bukambibig.
"Ibigay mo na ito sa akin!" Pilit niyang kinukuha sa kamay ni Lusiya ang damit na pinatahi ni papa para sa'kin.
Kung hindi ako makikialam, paniguradong hindi niya titigilan si Lusiya hanggang sa pumayag ito sa kaniyang kagustuhan.
"HOY!" wika ko sa matigas na boses. Ang lahat ng taong naroroon ay napatingin sa akin, habang si Lusiya naman ay napapailing.
Nilapitan ko ang babaeng namingot sa kanya at hinablot ang isa nitong braso. "Bitawan mo na siya, nasasaktan na ang kaibigan ko sa ginagawa mo."
Hindi siya umimik. Pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa, na wari ba'y isa lamang akong maliit na insekto sa kanyang paningin. "¿quién eres tú?"
Bumuga ako ng hangin, "Binibini, siguro naman marunong kang umintindi ng wikang tagalog. Uulitin ko bitawan mo na ang kaibigan ko."
Ilang segundo pa siyang nagmatigas at nakipagsukatan ng tingin sa'kin. Napangiwi siya nang higpitan ko pa lalo ang pagkakahawak ko sa kanyang braso, hanggang sa napilitan siyang bitawan si Lusiya, pero hawak pa rin niya ang aking damit.
"Akin na 'yan." Ngumuso ako sa damit na hawak niya.
"Bakit ko ibibigay ang kasuotang ito, gayong ako na ang nagmamay-ari nito," pagmamatigas niya.
Tinaasan ko siya ng kilay, "Kailan pa naging sa'yo ang kasuotan na 'yan, ha? Mahiya ka naman sa sinasabi mo, binibini."
"May nagmamayari na po sa kasuotan na iyan Señorita Victoria, kaya hindi niyo po ito pwedeng kunin," segunda naman ni Lusiya.
Nagsimulang magbulungan ang mga kababaihang naroroon. Kaniya-kaniyang komento ang mga ito, pero ang bruha hindi natinag at patuloy sa pagmamatigas.
Pilit niyang kinukuha sa'kin ang kaniyang braso, "Wala kang karapatan para hawakan ako!"
"Karapatan?" Ngumisi ako ng nakakaloko na ikinagulat niya.
"Hindi ba dapat ako ang magsabi niyan sa'yo?
Wala kang karapatan para manakit ng kapwa natin, at wala kang karapatan para angkinin ang isang bagay na kailanman ay hindi mapapasaiyo!" Lumubog ang mga daliri ko sa braso niya na halos ikapilipit niya sa sakit.
Mula sa gilid ng aking mata kita ko ang paglapit ng kaniyang mga alipores, pero hindi ito natuloy dahil binigyan ko ito ng matatalim na titig. Muli kong ibinalik ang aking atensiyon sa babaeng ito, saka pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa. Prominenteng tao kaso basura ang ugali. Mga taong mahilig manakit ng kapwa dahil nakakataas at nabibilang sa makapangyarihang pamilya.
Hindi ko palalagpasin ang ginawa niyang pananakit kay Lusiya, at sa pag-angkin sa isang bagay na hindi naman sa kaniya. Sabihin na natin damit lamang iyon, pero si papa ang nagpagawa, at pinaghirapan itong gawin ni Señor Faustinio.
Kalaunan, ibinato na niya ang damit sa sahig. Pilit niyang inaalis sa ang aking kamay ang kaniyang braso, kaya pinagbigyan ko siya. Agad ko siyang binitawan kaya pasalampak itong napaupo sa sahig, bagay na ikinatawa ng mga kababaihang nanunuod.
Mabait ako sa mga taong mabait, pero masama ako sa mga taong masama at mahilig manakit ng kapwa.
Nilapitan ko kaagad si Lusiya, para suriin ang namumula nitong tenga. May sugat ito, kapansin-pansin din ang nanginginig nitong mga kamay habang yakap ang aking damit.
"Se-senorita, h-hindi ko po sinasadyang..." hindi na niya napigilan ang sarili na hindi umiyak habang patuloy pa rin sa paghingi ng tawad.
"Shh, tahan na wala kang kasalanan."
"P-pero baka madamay po kayo," nag-aalalang wika niya.
Ngumiti ako at saka pinunasan ang kaniyang luha, "Para namang hindi mo ako ki--"
Kita ko ang paggapang ng takot sa mukha ni Lusiya, "Señorita!"
Naramdaman ko na may humila sa aking buhok. Shit! 'Yung wig ko! Kinaladkad niya ako sa gitnang bahagi ng bulwagan, nakita ko pa kung paano napangiwi ang mga kababaihang nanunuod sa amin.
Lumapit si Lusiya para tulungan akong makaalis sa mahigpit nitong hawak, ngunit napaupo na lamang ito sa sahig.
"Ito ang nababagay saiyo pakialamera!" Sigaw niya, ramdam ko ang pag-angat ng wig ko sa ulo kaunti na lang matatanggal na ito.
Si Victoria! Peste talaga ang babaeng ito hindi ako titigilan!
Nakapa ko ang braso niya saka mariin ko itong hinawakan. Kayang-kaya ko siyang balibagin sa mga oras na ito, pero hindi ko iyon ginawa kaya kinurot ko ito ng pino.
"Aaahh!" Hiyaw niya sabay bitaw sa aking wig.
Mabilis akong lumayo habang inaayos ang aking buhok, hindi ko akalaing may ganitong klase ng babae sa panahong ito.
"Lapastangan!" Halos lumabas ang ngalangala niya sa kasisigaw, na akala mo nakawala sa mental hospital.
Biglang pumasok ang dalawang payatot na lalaki, base sa kanilang uniporme mukhang guardia personal niya ang mga 'to. Nagsalita ng espanyol si bruha at mukhang may inuutos ito sa kanila.
Sabay silang lumingon sa akin at mabilis na lumapit. Bigla nila akong hinawakan sa magkabila kong braso.
Lumapit si Victoria, matatalim na titig ang ginawad sa akin. Kung nakakamatay lang ang tingin, matagal na siguro akong pinag-lalamayan ngayon.
"Kailangan mong malaman kung saan ka nararapat." Itinaas niya ang kaniyang kanang kamay at mabilis itong lumagapak sa magkabila kong pisngi. Hindi pa siya nakuntento, paulit-ulit niya pa itong ginawa hanggang sa makaramdam na ako ng paghapdi sa aking labi at nalasahan ang sariling dugo.
"Señorita!" Mangiyak-ngiyak na tawag ni Lusiya, katulad ko sinampal din siya ni Victoria.
Napakuyom ako ng kamay. Numero unong bilin ni papa sa akin ay huwag akong gagawa ng gulo, pero sa pagkakataong ito mukhang hindi ko na naman magagawa ang aking ipinangako.
Hinigit ko ang isa kong braso sabay suntok sa mukha ng isang guardia personal. Napasinghap ang mga kababaihang nanunuod, habang ang mga kalalakihan naman ay hindi makapaniwala sa kanilang natunghayan na palabas.
Akmang susugurin ako ng isa pa, nang bigla ko itong sinipa sa kaniyang lawit. Halos lumukot ang kaniyang mukha saka napaupo sa sahig, gano'n din ang ginawa ko sa isa pa niyang kasama.
"Mga walang kwenta!" Nang-gagalaiti sa galit si Victoria saka pinaghahampas niya ang mga ito bago pinaalis.
"Wrong move bitch!" Hindi ko na napigilan ang aking sarili na sugurin siya. Napahawak ako sa maganda at maayos niyang pusod na buhok, saka ko sinimulang sambunutan siya ng todo.
Nagsigawan ang mga kababaihang naroroon, hindi alam kung ano at paano nila kami paghihiwalayin. Ito na siguro ang kauna-unahang sambunutan sa kasaysayan ng Pilipinas.
"AAAHH! BITIWAN MO AKO!" Hinawakan niya ang kamay ko para matanggal ito sa kaniyang buhok, pero mas lalo ko pa itong hinigpitan.
"Señorita!" Pilit kaming pinaghihiwalay ni Lusiya pati ang mga alipores ni Victoria, pero nabigo pa rin sila.
Mayamaya'y may humawak sa aking beywang, at walang kahirap-hirap na binuhat ako palayo kay Victoria.
"Tumigil kana, binibini," buo at maawtoridad niyang sabi.
Kahit ipikit ko pa ang aking mata, kilala ko kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Napatingala ako sa kaniya, "R-Rafael."
Tumaas ang isa niyang kilay, "Kahit kailan, lagi kitang nakikita sa magulong sitwasyon. May ginawa ka na naman bang kalokohan?" Tanong niya sa mahinang boses, sapat na para kaming dalawa lamang ang makarinig.
Tulalang napatitig ako sa kaniyang maamong mukha. Gusto ko sanang sagutin ang katanungan niya, pero ang dila ko kusang umurong.
Bahagya akong napatalon ng bigla niyang hawakan ang aking mukha saka sinuri ito.
Ang maamo niyang mukha ay unti-unting napalitan ng katanungan hanggang sa kumunot ang noo niya. Napangiwi ako nang marahan niyang hinaplos ang sugat sa aking labi.
"T-teka Rafael, maraming nakakakita baka kung ano pa ang sabihin nila." Inalis ko ang kamay niyang nakahawak sa aking mukha, anong nakain niya? Bakit ginawa niya ang bagay na iyon?
"Amigo, kumusta ang binibini?"
Pareho kaming napatingin ni Rafael sa taong ito, halos malaglag ang panga ko nang makita kung sino ang lalaking nagtanong kay Rafael.
Kung mamalasin ka nga naman!
Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi, saka mabilis na naglakad patungo sa akin. Napaatras naman si Rafael dahil sa ginawang pagtulak nito para lang makaharap ako.
"Nakita din kita," masaya niyang wika.
"Magkakilala kayo?" Magkasalubong na ang kilay ni Rafael na nakatingin sa amin.
"Hindi!"
"Si!"
Sabay naming sagot kay Rafael, na lalong ikinakunot ng noo niya.
"Ngayon ko lang siya nakita." Napatigil ako, teka bakit kailangan ko magpaliwanag kay Rafael.
"Binibini, huwag mong sabihin na kinalimutan mo na ang gina---"
Hindi na niya naituloy ang kaniyang sasabihin dahil sa pagsigaw ni Victoria. Mabibigat na hakbang ang ginawa niyang paglapit sa amin, nanlilisik ang mga matang nakatingin sa akin at halos umusok na ang namumulang ilong nito.
"Ginoong Lucas, siya na ba ang kinahuhumalingan mo ngayon?"
Sandali parang may mali yata dito.
"Siya na ba ang napupusuan mo? Kaya hindi mo na ako dinadalaw nitong mga nakalipas na araw?" Tanong niya muli sa ginoo, base sa nakikita ko mukhang nagkakaroon sila ng LQ.
Lumingon si Victoria sa akin saka ako dinuro, "Kaya pala malakas ang kaniyang loob na kalabanin ako dahil nasa kaniya na ang atensyon mo! Hindi mo ba nakita? Ako itong sinaktan!"
"Nakita ko ang lahat, Señorita Victoria. Hindi mo na kailangang magsinungaling pa," walang gana niyang saad na hindi man lang tinapunan ng tingin ang dalaga.
Bahagya itong napaurong, kita sa kaniyang mukha ang pagkabigla. Lumapit siya sa akin saka mabilis akong sinampal, kulang na lang matanggal na ang ulo ko sa aking leeg.
Hinila ako ni Rafael patungo sa kaniyang likuran, "Pauwiin mo na si Señorita Victoria, Lucas," maawtoridad nitong pahayag.
"Hindi niyo pwedeng gawin ito sa akin Ginoong Rafael," humarap siya kay Lucas. "L-Lucas, pangako hindi ko na ito ulit gagawin," pakiusap niya ngunit hindi na siya pinakinggan ng ginoo.
"Baka nakakalimutan niyo na anak ako--"
"Señorita Victoria, alam namin na anak ka ng Gobernador Heneral. Ano na lamang sasabihin ng iyong ama kapag nalaman niya ang ginawa mong kaguluhan sa tindahan ni Señor Faustinio?" Humigpit ang pagkakahawak sa aking kamay ni Rafael, halata ang pagkainis nito kay Victoria.
"Ilang beses na ba ito nangyari? Isa? Dalawa? Hindi ba't kaya ka pinadala s--"
"Sandali lamang, kaibigan." Pumagitna si Lucas sa dalawa, pilit na pinapakalma ang kaibigan.
Nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanilang tatlo, ngayon ko lang napagtanto na kilala nila ang isa't isa, higit sa lahat ang bruhang iyon ay anak pala ng Gobernador Heneral.
Napahipo ako sa aking sentido, ang Gobernador Heneral ay katumbas ng isang presidente sa kasalukuyang panahon.
Mariin akong napapikit, nalintikan na bakit ko ba kasi siya pinatulan pa? Siguradong makakarating ito kay papa, mabilis pa naman kumalat ang balita sa panahong ito.
"Umalis na tayo, Señorita Victoria," mahinahong wika ni Lucas.
"Pagsisishan mo ito Ginoong Lucas, nakatakda tayo para sa isa't isa at hindi ako papayag na mapupunta ka lamang sa isang hampas lupa!" Madiin niyang sabi saka nagmadaling umalis kasunod ng kaniyang mga alipores.
" ¿Qué está pasando aquí?" (What' going on here?)
Lahat kami ay napatingin sa taong nagsalita. Nagsimula na ring umalis ang mga kababaihang nanunuod sa amin. Hindi maipinta ang mukha ni Señor Faustinio nang makita niya ang aking hitsura, pero nang makita niya ang nangyari sa aking damit halos mawalan ito ng malay mabuti na lamang mabilis siyang inalalayan ni Ginoong Lucas.
Kasalukuyan kaming nasa loob ng isang pribadong silid kung saan dinala kami ni Señor Faustinio para hintayin si Ginoong Edmundo.
Sa kabilang banda, ginagamot naman ni Ginoong Lucas ang sugat ni Lusiya sa tenga. Hindi ko akalain na ang lalaking napagkamalan kong si Javier ay si Lucas Santibanez. Isang doktor at matalik na kaibigan ni Rafael, higit sa lahat isa mga taong nasa listahan binigay ni papa.
Kilala ko na si Rafael at ngayon naman si Lucas, may tatlo pa akong hindi nakikilala sila Marcello Buenaventura at ang magkapatid na Fontanilla. Kailangan ko nang mahanap ang tatlong ito para malaman ko ang susunod na balak ni papa.
"Ayos ka lang ba, binibini?"
Nabalik ang atensiyon ko kay Rafael, muntik ko nang makalimutan siya nga pala ang gagamot sa aking sugat, dahil ayaw niyang ipagawa ito kay Ginoong Lucas na siya namang doktor.
"Mukhang malalim ang iyong iniisip, may bumabagabag ba saiyo?"
Ayan na naman siya sa bumabagabag niyang salita. Minsan hindi ko mahulaan ang kilos niya, kanina parang naiinis siya tapos ngayon naman parang nag-aalala.
Umiling lamang ako bilang tugon sa tanong niya.
Umupo siya sa aking harapan, gamit ang hawak niyang panyo marahan niyang pinunasan ang aking sugat sa aking labi.
"Paumanhin, ngunit makakaramdam ka ng kaunting hapdi." Marahan niyang pinahid ang gamot sa aking sugat.
"Makakatulong ito sa paggaling ng iyong sugat," pinunasan din niya ang aking pisngi dahil may kaunting kalmot din ako nakuha mula kay Victoria.
Pinapanood ko lamang siya gumawa, sa kabila ng pagiging tahimik at masungit niya minsan, ay may tinatago din pala itong kabaitan at pagiging maalahanin.
"Ano ba talaga ang tunay mong pangalan? Narinig ko minsan na tinawag ka ni Ginoong Emilio na Isabelle, habang ang iyong kaibigang si Binibining Lusiya ay tinawag kang Sab? Alin sa dalawa ang totoo?"
Ngumiti ako, "Parehas lamang iyon. Isabelle ang ang pangalan ko, samantalang Sab naman ang palayaw ko minsan tinatawag nila akong Belle, depende sa nais nilang itawag sa akin. Bakit mo pala naitanong?"
"W-wala naman, kapangalan mo kasi ang binibining aking nakilala kamakailan lang."
Bigla kong naalala, siya nga pala ang boss nila Diego ngayon at Isabelle din ang sinabi kong pangalan sa kanila, bakit hindi ko naisip iyon?
Biglang bumukas ang pintuan at lahat kami ay napalingon sa lalaking pumasok.
Si Ginoong Edmundo.
"Louise!" Maawtoridad nitong tawag.
Automatiko naman akong napatayo. Maliban kay papa, siya pa lamang ang tumawag sa aking pangalawang pangalan.
Lumapit sa kaniya si Lusiya, ngunit sinabihan niya lamang ito na lumabas muna.
"Maari ko bang makausap ang aking kapatid mga ginoo?" Tanong niya na hindi man lang inaalis ang paningin sa'kin.
Kailangan ko nang ihanda ang aking sarili, paniguradong sermon ang aabutin ko sa lalaking ito.
Tahimik na lumabas ang dalawang ginoo. Sandaling nagkaroon ng katahimikan sa pagitan namin, mayamaya'y nagsalita na siya sa wikang espanyol.
Hinayaan ko lang siya mailabas ang inis at galit, kahit na hindi ko naiintindihan ang kaniyang mga sinasabi. Siguro kailangan ko nang mag-aral ng wikang espanyol para naman hindi ako ma-out of place kapag nag-uusap sila.
"Señorita Isabelle Louise Flores, nakikinig kaba?!"
Napatingin ako sa namumula niyang mukha, halos lumabas na rin ang ilang ugat sa kaniyang leeg. May naalala akong tao na ganito din kung magalit.
Nakikita ko sa kaniya si ninong, ganiyan na ganiyan kasi magalit si ninong. Kung tutuusin hawig nga ni Ginoong Edmundo si ninong eh, pero pansin ko lang bakit may mga kahawig ang mga taong malapit sa akin sa panahong ito?
"Nakikinig kaba?" Muli niyang tanong.
Tumango na lamang ako.
"Alam mo bang usap-usapan ngayon ang nangyaring kaguluhan dito? Hindi ba't kabilin bilinan ng iyong ama na lalayo ka sa kahit anong gulo?"
"Ginawa ko lamang iyon, dahil sinaktan niya si Lusiya," paliwanag ko.
"Kahit na!" Dumagundong ang boses niya sa loob ng silid.
Kumunot ang noo ko, "Ibig sabihin hahayaan ko lang ang bruhang iyon na saktan si Lusiya?"
Hindi siya umimik, pero alam ko na iyon ang nais niyang gawin ko.
"Hindi ako katulad ng ibang tao na hahayaan na lamang may umapi sa mga taong mahalaga sa akin o sa kahit sinong tao," naiinis kong sagot.
Halos mapahilamos sa mukha si Ginoong Edmundo, "Hindi mo naiintindihan ang ibig kong sabihin. Malaking gulo ang ginawa mo dahil anak siya ng-
"Kahit anak pa siya ng Gobernador Heneral, wala akong pakialam, dahil ang mali ay mali," putol ko sa kaniya.
"Tama man o mali, hindi mo pa rin dapat ginawa." Madiin ang pagkakasabi niya sa huling kataga.
"Huwag mo akong itulad sa mga taong narito, ipagsasawalang bahala na lamang ang mga naririnig at nakikitang pangaapi sa kapwa," matigas kong sagot.
"Hindi na ako magtataka kung bakit ganoon na lamang magalit ang iyong ama ng magtalo kayo ng gabing iyon," wika niya. Pinaalala na niya ang huling pagkikita namin ni papa bago ito magtungo sa Laguna.
"Masiyado kang padalos-dalos sa iyong mga kilos, hindi mo iniisip kung ano ang magiging kapalit nito," mariin niyang wika.
"Pero..."
"Tapos na ang usapang ito Señorita Isabelle, simula ngayon bawal ka munang lumabas ng ating tahanan."
"Ano! Hindi mo ito pwede gawin sa akin! Hindi na ako bata para pagba--,"
"Gusto mong lumabas? Itigil mo na ang ginagawa mong pagbabalat kayo. Humarap ka sa mga tao bilang isang Flores hindi kung anu-anong katauhan ang pinapakita mo. Kailangan mong matuto kung paano kumilos ng tama at kung paanoo kontrolin ang iyong emosyon," seryoso niyang saad.
Natulala ako sa sinabi niya.
"Hindi ako tumutol nang planuhin mong itakas sa Ginoong Valdez sa kulungan, bagkus tinulungan pa kita rito. Pero itong nabalitaang kong kaguluhan ay hindi ko palalagpasin."
Binuksan niya ang pintuan at pumasok si Lusiya na dala ang isang pares ng magarbong baro't saya, malayo sa kinasanayan kong simpleng damit.
"Magpalit kana at tayo'y uuwi na," dagdag pa niya. Iniwan niya akong tulala habang si Lusiya naman ay humihingi ng paumanhin sa nangyaring kaguluhan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro