Capítulo 17 - Elizabeth
"Magkatulad 'man kayo sa pisikal na anyo, pero magkaiba naman kayo ng puso't isip."
- Gabriel Ruiz Izquierdo
*****
Third POV
Isang malakas na sapok ang ibinigay ni Isabelle sa ginoo.
"Aray! Bakit mo iyon ginawa?" Angil ni Gabriel, "Napakabigat ng iyong kamay, ganiyan ba ang pakikitungo mo sa iyong kasintahan?"
Pinandilatan siya ng mata ni Isabelle at ngumisi. "Gusto mo, dagdagan ko pa iyan? Nakakailan kana eh! Ano pa ba ang gagawin mo matapos mo akong yakapin at halikan ang aking kamay?"
Bahagyang lumayo si Gabriel, sabay taas ng kaniyang dalawang kamay na animoy sumusuko. "Hindi ka naman mabiro, aking sinta."
Agarang lumapit si Isabelle at kinuwelyuhan niya ito. "Hindi rin ako nakikipagbiruan saiyo, Ginoong Gabriel. Kailan mo pa sasabihin sa akin, kung paano ko maibabalik sila Diego sa present time?"
"Sa-sabihin ko naman," nauutal niyang sagot, sabay bitaw sa kaniya ni Isabelle. Hindi niya akalaing may ganitong klase ng pag-uugali ang dalaga na lalo niyang ikinatuwa.
"Mukhang kawili-wili ang mangyayari sa'tin," bulong niya sa sarili.
"May sinasabi ka ba diyan?"
"Ang sabi ko sumunod ka sa akin," tugon niya at nagsimula na itong lumabas sa isang pintuan.
Tumalima naman si Isabelle, ngayon niya lang napansin ang kabuuan ng silid. Ito yung kwarto kung saan niya unang nakilala si Gabriel sa panaginip.
Mabilis ang ginawa nilang paglalakad, at halos nakatuon lamang ang paningin ni Isabelle sa likod ni Gabriel. Hindi niya inalintana pa ang itsura ng paligid, ang alam niya naglalakad sila sa mahabang pasilyo.
Mayamaya'y tumigil na sila sa harapan ng pintuan, at napaangat nang tingin si Isabelle sa kabuuhan nito. Isang napakalaking pinto na gawa sa ginto, at napapalibutan ng pamilyar na diseniyo ng bulaklak.
Itinaas ni Isabelle ang kaniyang kuwintas, "Parehas sila ng diseniyo."
"Tutunganga ka na lang ba diyan o papasok ka?" Tanong ni Gabriel habang naghihintay sa tapat ng isang malaking mesa.
Umirap lamang si Isabelle sabay pasok sa loob. Bahagya pa siyang nagulat nang kusang magsara ang pinto. Ipinagsawalang-bahala niya lamang ito, kahit papaano nasasanay na siya sa anumang misteryong bumabalot sa buhay niya ngayon.
"Nakasulat dito ang dapat mong gawin," sabi ni Gabriel, sabay turo sa isang makapal na libro.
Binuksan ito ni Isabelle, at pareho silang naubo nang kumalat sa hangin, ang makapal na alikabok. Pinagmasdan ni Gabriel ang namamanghang mukha ng dalaga, na sumusuri sa bawat letrang nakasulat doon, hanggang sa makita niya ang pagkunot nito ng noo.
"Kakaibang lenggwahe ang nakasulat dito, paano ko ito maiintindihan?" Nakangusong tanong ni Isabelle.
"Kaya nga ako nandito, para tulungan ka," masayang tugon ni Gabriel.
"Ayun naman pala, ano pa ang hinihintay mo? Isalin mo na ito sa ingles o sa tagalog," naiinip na saad ng dalaga, para sa kaniya mahalaga ang bawat segundo, minuto at oras.
Natatawang, napapailing na lamang si Gabriel sa asal ng dalaga, hanggang dito kasi nadadala nito ang pagiging sundalo. "Lagi kang nagmamadali, akin na nga ang kwintas mo."
Ibinigay naman ito kaagad ng dalaga, "Tapos?"
"Akin na ang palad mo," dagdag ng ginoo.
Nagtataka man ay sumunod pa rin siya sa sinabi nito.
Kinuha ni Gabriel ang nakasuksok niyang punyal sa kaniyang tagiliran, at walang pasabing hiniwa niya ang palad ni Isabelle. Nakaramdam ang dalaga ng bahagyang paghapdi, at agad din itong nawala nang ipinatong ng ginoo ang kuwintas sa kaniyang palad.
Nagsimulang magsalita ng kakaibang lenggwahe si Gabriel, kasabay nang pag-ilaw ng kuwintas sa palad ni Isabelle na ikinamangha niya.
Ang dugong lumabas sa palad niya ay kusang umurong, na para bang sinisipsip ng kuwintas, na nagbibigay sa kaniya ng kakaibang kiliti. Lumipas ang ilang minuto, ang sugat niya'y unti-unting naghilom, kasabay ng paglaho ng liwanag.
Napakurap ng maraming beses si Isabelle, nang makita ang palad niyang wala man lang bahid ng anumang sugat, pati ang pagbabago ng kaniyang kuwintas. Mas naging makintab ang pagiging kulay ginto nito, na may halong puti mula sa diseniyo ng bulaklak na nakaukit rito.
"White Irises," bulong ni Isabelle.
"Ang paborito mong bulaklak," saad naman ni Gabriel.
"Paano mo nalaman?"
"Lahat ng tungkol saiyo ay alam ko, bakit hindi mo na lang buksan iyan," suhestiyon niya.
Hindi na muling nagtanong pa si Isabelle. Batid naman niya na marami itong nalalaman tungkol sa kaniya, bagay na gumugulo sa isipan niya. Hanggang ngayon kasi wala pa siyang alam tungkol sa pagkatao ng ginoo, maliban sa kaniyang pangalan.
Binuksan niya ang kwintas at tumambad ang naiibang kulay ng bato. "S-sandali, bakit naging pula ito? Aqua Blue ito dati."
"Naging pula iyan dahil sa iyong dugo, Isabelle. At isa lang ang ibig sabihin 'nun, ganap ka nang tagapagmay-ari ng kuwintas," paliwanag ng ginoo.
"Kailangan pa pala ng seremonyas, para masabing ako na ang nagmamayari nito?"
"Ganoon na nga. Ito ang rason kung bakit nila hinahanap ang iyong ama. At kung sino man siya, alam niya ang kakayahan nito," sabay turo sa kuwintas.
"Ang mali nila, kahit makuha nila sa iyong ama ang kuwintas na orasan, hindi pa rin nila ito magagamit hanggat hindi nagiging isa ang kuwintas mo sa kwintas ng ama mo," dagdag pa niya.
"Kaya pala pinag-isa ito ni papa," saad ni Isabelle.
"Mas magagamit mo kasi ito kapag naging isa sila. At para magamit mo ang kakayahan 'nan, kailangan nito ang dugo mula sa anak na babae ng mga Flores," sabay tingin kay Isabelle. "At ikaw ang ikatlong babae ng salinlahi ng mga Flores."
"A-ako ba ang tinutukoy mo?" Sabay turo ni Isabelle sa sarili, at kinumpirma naman iyon ni Gabriel sa pamamagitan ng tango.
"Sa lahi ng mga Flores, bihira itong magkaroon ng anak na babae. Ito din ang dahilan kung bakit maraming nagsasabi na sinumpa ang inyong lahi, mabuti na lamang nagkaroon ng kapatid na babae ang iyong ama, at di kalaunan ay ipinanganak ka," paliwanag ni Gabriel.
"Hindi ko inaasahan na may lihim pala ang aming lahi. Ngayon sinabi mo sa akin iyan ibig sabihin ba 'nun yung unang babaeng Flores ang nagmamayari nito dati?" Tumango naman muli si Gabriel.
"Ngayon na ako na ang nagmamayari, pwede ko na bang magamit ang kakayahan nito?" Tanong ulit ni Isabelle, nagbabakasakali kasi siya na ito na ang magiging sagot niya sa problema nila Diego.
"Malaya ka nang gamitin ang kakayahan nitong maglakbay sa dalawang panahon, ngunit may limitasyon ito. Tatlong beses mo lamang siya pwedeng gamitin," babala ng ginoo.
"Ano! Ang daya naman, bakit si papa nakakailang beses na siya."
"Iba ang misyon ng iyong ama kesa saiyo. Kaya pagisipan mong mabuti ang desisyon mo, bago ito gamitin."
"Paano kung sumobra ako?"
Biglang nagseryoso ang mukha ni Gabriel at matalim siyang tinitigan. "Malaki ang kapalit nito at hindi mo nanaising malaman pa iyon."
Biglang nanigas si Isabelle sa kaniyang kinatatayuan, bagay na ipinagtaka niya. Ito ang unang beses na titigan siya ni Gabriel sa kakaibang paraan, na animo'y anumang oras ay maari siyang patayin nito. Doon pa lang batid niyang hindi ito nagbibiro.
"Paano ko ito magagamit?"
"Isipin mo ang tao o lugar na nais mong makita o puntahan," tugon ni Gabriel at bumalik na ito sa palangiti niyang mukham
Ibig sabihin pwede akong pumunta sa Canada or Korea. Hindi mas maganda siguro, kung dadalhin ako nito sa harap ni Lee Min Ho, Isip ni Isabelle.
Kinutusan naman siya ng ginoo.
"Bakit mo ginawa iyon?" Takang tanong ng dalaga, habang hinihimad ang kaniyang ulo.
"Nahihibang ka ba? Dadalhin ka lang sa lugar na napuntahan mo na o sa taong kilala mo. At isang paalala, gagamitin mo lamang ito sa importanteng bagay," mariin niyang hayag.
Napanguso naman ng wala sa oras si Isabelle, akala pa naman niya magagawa siyang dalhin sa ibang lugar o kaya makita man lang ang paborito niyang korean artist na si Lee Min Ho.
Magtatanong pa sana siya nang biglang may kumatok sa pintuan at pansamantalang nagpaalam muna sa kaniya si Gabriel.
Naiwan siyang mag-isa sa kwartong iyon, kaya inilibot niya ang kaniyang paningin sa kabuuhan ng silid. Napupuno ito ng mga antigong bagay na nagmula pa sa Medieval times.
Naroroon ang mga makakapal na mga libro, na hindi maunawaan kung anong lenggwahe ang nakasulat. May malaking globo sa pinakagitnang bahagi ng silid, na napapalibutan ng liwanag mula sa apat na lamparang nakapaligid dito.
Kapansin-pansin din ang mga iba't ibang klase ng armas na nakasabit sa pader. May espada, axes at bow na iba't ibang uri at hugis. May mga estatwa pang nakatayo sa bawat sulok na nakasuot ng armor. Pakiramdam ni Isabelle, nasa loob siya ng isang museum.
Napukaw ang atensiyon ni Isabelle sa isang makapal at kulay rosas na kurtina. At sa hindi malaman na dahilan, may kung anong naguudyok sa kaniya na buksan ito. Hinanap niya ang bagay na maaring magtanggal ng kurtinang iyon at hindi naman siya nabigo. Nakita niya ang gintong tali na nakasabit lamang sa gilid ng pader.
Maingat niya itong hinila at unti-unting bumukas ang makapal na kurtina. Humarap siya rito at nakita ang isang larawan ng babae. Nagsimulang gumapang ang kaniyang paningin sa napakagandang kasuotan nito, na karaniwang niyang nakikitang suot ng mga prinsesa sa palabas.
Matingkad ang pagka-kulay pula ng gown, na may halong kulay ginto at puti. Bagsak ang klase ng tela at sumisigaw ang pagka-elegante nito. Umakyat muli ang kaniyang paningin sa dibdib nito at nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita.
Suot ng babae na nasa larawan ang kaniyang kuwintas. Napahawak siya sa kaniyang dibdib, nang maramdaman ang pagkabog ng kaniyang puso. Naguguluhan man muli niyang iginala ang paningin paakyat sa mukha ng babae.
Bigla siyang napaatras, kasabay ng pagkahulog ng mga babasaging gamit mula sa lamesitang kaniyang nabangga. Tumama ito sa sahig at nagbigay ng matinis na tunog bago kumalat ang mga bubog sa sahig.
"I-impossible!" Halos lumuwa ang kaniyang mata sa nakita.
Hawig na hawig ni Isabelle ang babaeng nasa litratro. Pakiramdam niya, para niyang pinagmamasdan ang sariling mukha mula sa salamin. Ang kinaibahan lamang nila ay ang kulay ng kanilang mga buhok. Ang babeng nasa litrato ay may pagka-light brown ang kulay, at tulad niya mahaba at may pagka-wavy din ito.
Napahawak siya sa kaniyang ulo nang gumuhit ang matinding kirot mula sa kaniyang sentido patungo sa likod.
"Bakit kamukha ko siya?" Mas lumapit pa si Isabelle sa litrato at napansin ang nakasulat sa ibabang bahagi nito.
"Elizabeth Flores Izquierdo," bigkas niya sa pangalan ng babae.
Muling umangat ang paningin ni Isabelle sa mukha nito, "Isa kang Flores? Pero bakit may apelyido ka ni Gabriel?"
Muli na naman siyang napahawak sa kaniyang ulo, na wari'y binibiak ito. Nagsisimula na rin lumabo ang kaniyang paningin, kasabay ng pag galaw ng kaniyang paligid hanggang sa hindi na niya ito nakayanan pa.
Nasalo agad ni Gabriel ang katawan ng dalaga. "Sino siya?" Mahinang tanong ni Isabelle sa kaniya bago ito mawalan ng malay.
Napahinga ng malalim si Gabriel at tumingin sa litrato ng babae. "Hawig na hawig ninyo ang isa't isa, kung nabubuhay ka lamang aakalain nilang magkambal kayong dalawa."
"Elizabeth, alam kong ikaw ang nagdala sa kaniya rito, naiinip ka na ba? Kaya mo ba ito ginawa?" Napangiti na lamang si Gabriel sa sarili, dahil kahit ilang tanong ang ibato niya dito ay wala siyang makukuhang sagot mula sa babaeng nasa litrato.
"Espérame mi amor, estaremos juntos después de que termine la tarea que me pides." (Wait for me my love, we will be together after I finish the task you ask me to do.) Hinaplos ni Gabriel ang pisngi ni Isabelle, pilit niyang itinatatak sa kaniyang isip na si Isabelle at Elizabeth ay magkaiba sa isa't isa.
"Magkatulad man kayo sa pisikal na anyo, pero magkaiba naman kayo ng puso't isip," mapait na ngumiti si Gabriel habang pinagmamasdan ang mukha ni Isabelle.
-----
Isabelle's POV
"Señorita Isabelle."
"Señorita Isabelle!"
"Mamaya na Lusiya, inaantok pa ako," tinakluban ko ng kumot ang aking ulo.
Hinablot niya ito, "Hindi po pwede narito po si Heneral Cortez."
Napabalikwas agad ako sa higaan, "Anong sabi mo?"
"Si Heneral Cortez po narito, nais po kayong makausap," paguulit niya.
Sumagi sa isip ko ang nangyari kagabi sa Fort Santiago. Panigutadong ibabalita niya sa akin ang nangyaring pagtakas ng mga bilango. Paano ko siya haharapin ngayon, kung ako mismo ang dahilan ng kaguluhang nangyari sa kanila.
"Señorita, kailangan niyo na po magayos. Hindi po tama pinaghihintay ng matagal ang inyong bisita," paalala ni Lusiya.
Tumayo na ako at dumeretso sa loob ng banyo, "Hayaan mo siyang maghintay," tamad kong sambit.
"Pero Seño---"
"Kung naiinip na siya malaya naman siyang makakaalis," sabay sara ng pintuan ng banyo.
Napasandal ako at tinignan agad ang aking palad, wala itong bakas na kahit na anong sugat.
Pilit kong inalala ang mga huling pangyayari sa akin sa silid na iyon. Ang tangi ko lang natatandaan ay nahilo na ako at nakita ko pa si Gabriel bago ako mawalan ng malay.
Napangisi ako nang makita ang kumikinang na pulang bato sa king kuwinta. Maaasahan ka talaga Gabriel, ngayon pwede ko nang ibalik sila Diego sa present time.
"Senorita, tapos na po ba kayo?" Pangungulit ni Lusiya.
Napabuntong hininga na lang ako, kailangan ko siyang harapin ngayon para hindi niya ako paghinalaan. Lumipas ang ilang minuto ng pagligo at pagaayos, ay sinamahan na ako ni Lusiya patungo sa mini garden ni papa. Dito daw kasi naisipan ni Ginoong Edmundo dalhin si Heneral Cortez.
Ilang saglit pa nakita ko na silang dalawa. Mukhang hindi sila magkasundo base na rin sa kanilang ginagawang pagtitig sa isa't isa, hindi nga nila napansin ang pagdating ko kaya tumikhim pa ako. Sabay pa silang napalingon at tumayo.
"Buenos días, mi dama," (Goodmorning, my lady) bati ng Heneral.
"Magandang umaga, Señorita," ani ni Ginoong Edmundo.
"Goodmorning gentlemen or should I say magandang umaga sa inyo Heneral Cortez at sa inyo rin Ginoong Edmundo," bahagya akong yumuko sa kanilang harapan bago naupo.
"Hindi ko akalain na bihasa pala ang Señorita sa iba pang lenggwahe," seryoso niyang saad.
Ano ba naman ang lalaking ito napakaseryoso, wala man lang akong makita na kahit anong ekspresyon sa kaniyang mukha.
"Natutunan ko po ito sa ibang bansa," pagsisinungaling ko sabay ngiti sa kaniya.
"Nabalitaan ko nga sa iyong ama na mahilig ka daw maglakbay sa iba't ibang lugar. Kaya walang duda na marami kang nalalaman at natutunan. Ngayon lamang ako nakakita ng isang babae na maraming karanasan," makahulugan niyang saad.
"Bakit Heneral Cortez, bawal ba sa isang babae ang maglakabay ?" Sabat naman ni Ginoong Edmundo, matatalim na titig ang binabato niya sa Heneral, kulang na nga lang magespadahan sila sa aking harapan. Ano bang meron sa kanila?
"Siya po pala, ano po ang maipaglilingkod ko sainyo Heneral Cortez?" Pagiiba ko ng usapan, mamaya kasi kung ano pa ang gawin nilang dalawa.
Tumikhim muna siya bago nagsalita, "Nais kong ipaalam saiyo na nakatakas sa bilangguan ang taong bumaril sa inyo, Señorita Flores."
Sabi ko na nga ba ito ang sasabihin niya.
"Kung gano'n sino ang may gawa nito?" Inosente kong tanong, bagay na ikinatawa naman ni Ginoong Edmundo, kaya palihim ko siyang pinandilatan ng mata.
"Ano naman ang nakakatawa, Ginoong Sandoval?" Seryosong tanong ng heneral at dumeretso ng upo.
Habang ako ay takang napatingin kay Ginoong Edmundo, hindi ko akalain na isa siyang Sandoval katulad ni ninong. Bahagya akong napailing, saka ko na ito iisipin ang mahalaga ngayon ay kung paano ko mapipigilan ang nagbabadyang pagaaway ng dalawang ginoo sa aking harapan. Para silang bulkan na anumang oras ay sasabog na.
"Nakakatawang isiping nagawa kayong takasan ng mga bilanggo, ibig sabihin lamang nito ay hindi sapat ang paraan ng inyong pagbabantay sa mga kulungan. At maaring mabahala ang mga mamayanan kapag kumalat ang balitang ito, kilala ka pa naman na isang mahusay na Heneral," makahulugan saad ni Ginoong Edmundo.
Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya kaya bahagya akong lumapit sa kaniya at sinipa ang kaniyang paa, ngunit hindi niya ako pinapansin.
Ibinaling ko naman ang aking tingin sa Heneral. Namumula ang kaniyang gwapong mukha, lalo na ang nakakuyom niyang mga palad. Kaunti na lamang paniguradong sasabog na ito.
"Ginoong Edmundo!" maawtoridad kong tawag sa kaniya. Napalingon naman siya sa'kin at binigyan ko ulit siya ng makahulugang tingin.
"Heneral, paumanhin sa kaniyang inasal. Nababahala lamang si Ginoong Edmundo sa nangyari, dahil maari kaming balikan ng lalaking iyon," malumanay kong paliwanag sa kaniya.
"Nauunawaan ko, señorita," at inayos niya ang kaniyang sarili. "Maari akong magpadala ng mga guardia civil na magbabantay sa inyong tahanan, habang hindi pa ito nahuhuli."
"Hindi!" Napalakas kong sabi. "Ang ibig kong sabihin huwag na, dahil may sarili naman kaming guardia personal."
Napapalunok ako sa ginawa niyang pagtigtig, sana naman maniwala siya sa aking sinabi.
"Kung ganoon señorita, ipagbigay alam niyo lamang sa amin kaagad," at ito'y tumayo. "Paumanhin, ngunit may importante pa akong lakad na dapat puntahan."
"No hay problema, Heneral Cortez," saad ko at tumayo para ihatid siya sa labas, hinila ko rin si Ginoong Edmundo para samahan ako.
"Sa muli nating pagkikita señorita at ganoon din sa inyo Ginoong Edmundo," sumakay na siya sa kaniyang karwahe at umalis na.
Doon lamang ako nakahinga nang maluwag. At humarap sa baliw kong kasama.
"Anong rason para gawin iyon?" Naiirita kong tanong sa kaniya, ngunit nagkibit-balikat lamang siya. Napanganga ako nang iwan niya ako, at tuluyang pumasok sa loob ng bahay.
Patakbo ko naman siyang hinabol sa loob at hinila ang braso niya pabalik sa hardin. Doon ko sinabi ang lahat kay Ginoong Edmundo ang mga nangyari kagabi sa kulungan ng Fort Santiago, at sa pagtulong sa amin ng grupo ni Rafael. Para maunawaan niya na maari kaming paghinalaan, dahil sa ginawa niya sa heneral.
Nagsalubong ang aking kilay nang bigla siyang humagalpak ng tawa, "Anong nakakatawa?"
"Natutuwa ako dahil hindi ka man lang namukhaan ni Heneral Cortez. Nais kong makita ang magiging reaksiyon niya, kapag nalaman niya na ikaw lang pala ang nagpasimuno sa pagtakas kay Ginoong Valdez at sa iba pang mga bilanggo," magiliw niyang saad.
Napasapo ako sa aking ulo at napapailing na lang sa sinasabi niya. "Kapag nalaman niya iyon ikaw lang ang sisihin ko," inis kong sambit.
"Maiba nga tayo, alam mo ba na pinuno itong si Rafael ng mga tulisan?" Mahina kong bulong kay Ginoong Edmundo.
Umiling siya, "Ngayon ko lang din nalaman ang tungkol diyan kung hindi mo pa sa'kin sinabi."
"Ano kaya ang dahilan niya," tanong ko sa sarili.
"Hindi natin malalaman ang sagot, kung hindi tayo magtatanong," at binigyan niya ako ng nakakalokong ngiti. "Bakit hindi mo siya tanungin, mukhang nagkakamabutihan naman kayong dalawa."
Nagiwas ako ng tingin sa mapanuri niyang mata. "At bakit ko naman siya tatanungin tungkol diyan, hindi naman kami malapit sa isa't isa."
"Talaga? Base sa aking narinig kagabi, sinasambit mo ang ngalan ni Ginoong Rafael sa iyong panaginip."
Nanlaki ang aking mata sa narinig at lumingon sa kaniya, hindi kaya nagsleep-talk na naman ako?
"Imposible ang sinasabi mo?" Inirapan ko siya.
"Imposible? Bakit namumula ang iyong mukha?" Panunuya ni Ginoong Edmundo.
Napahawak ako sa magkabilang pisngi at medyo mainit nga ito. "Naiinitan lang siguro ako," pagdadahilan ko.
"Tsk, hindi mo ako madadaan sa ganiyan," napapailing niyang sabi.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro