Capítulo 15 - Pagtakas
"Ca-Capt. Fl- ores, parang awa mo na ibalik mo na ako sa amin," nanghihina niyang sambit. Bakas sa kaniyang boses ang nanunuyo nitong lalamunan.
Para akong napipi nang makita ko sa malapitan ang kaniyang kondisyon. Nanginginig ang kaniyang mga kamay na mahigpit na nakakapit sa mga rehas.
Bahagya akong napaatras at inilihis ang aking paningin, hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng awa sa taong ito.
Ibinaling ko na lang muna ang aking paningin sa kabuuan ng silid na may katamtaman ng lawak. May lamesa at tatlong upuan sa gitnang bahagi, may maliit na bintana sa magkabilang pader at tanging ang dalawang sulo sa magkabilang panig ang siyang nagbibigay liwanag sa buong paligid. Kapansin-pansin din ang madilim na bahagi kung saan patong-patong ang mga kahon, mukhang ginagawa rin ata nila itong imbakan.
"Valdez, maupo ka muna," rinig kong sambit ni Diego. Hindi ko namalayan na nabuksan na pala niya ito.
Maingat niyang inalalayan si Valdez at marahang isinandal sa pader sabay dukot sa kaniyang bulsa ang napitpit na tinapay at isang lalagyan ng inumin.
"Sandali," pagpigil ko bago lumuhod sa harapan nila para suriin ang lagay ng kaniyang kasama.
Wala siyang kahit na anong sugat o pasa man lang sa katawan ngunit, kapansin-pansin ang pagiging maluwag ng kaniyang damit. Lubog ang kaniyang mata at nangingitim ang ibabang bahagi. Nanunuyo ang kaniyang biak na mga labi at halos lubog na rin ang kaniyang magkabilang pisngi.
"Bigyan mo muna siya ng maiinom, 'yung paunti-unti lang para hindi mabigla ang kaniyang tiyan," suhestiyon ko kay Diego bago tumindig.
Mukhang pinahirapan nila siya sa pamamagitan ng sikolohikal na paraan, at kung magtatagal pa siya sa kulungang ito maari niyang ikamatay, bagay na iniiwasan kong mangyari.
Hindi ko maiwasan na hindi pagmasdan ang mukha ni Valdez. Sabi nila ito ang lalaking bumaril sa akin at nakasama naming mapadpad sa panahong ito. Pero bakit sinasabi ng isip ko na hindi ito ang lalaking bumaril sa akin.
Maarahan akong napahaplos sa aking kwintas at mariin kong ipinikit ang aking mata. Pilit kong inaalala ang mga huling pangyayari sa gubat na iyon, hanggang sa maramdaman ko na lamang ang malakas na pwersa na humigop sa aking katawan.
Napaluhod ako bigla at sinapo ang aking dibdib. Pilit kong hinahabol ang bawat hangin na lumalabas sa aking bibig, hanggang sa unti-unting naging normal ang aking paghinga. Dahan-dahan akong tumayo at nagulantang sa aking nakita.
Nasa harapan ko ngayon ang isang taong may hawak ng baril. Nakasuot nang itim na uniporme at may takip ang mukha. Sinundan ko ng tingin kung saan nakatutok ang kaniyang baril at halos mailuwa ko ang aking mata ng makilala ko kung sino ang taong iyon.
"Sa-sandali, pa-paanong? A-ako 'yan!" Gulat kong sambit sa sarili.
Mayamaya'y walang pagaalinlangang kinalabit ng taong iyon ang gatilyo at mabilis na tumama ang bala sa aking likuran, hindi pa siya nakutento at inulit pa niya itong muli, dahilan ng pagbagsak ng aking katawan sa ilog.
Nanginginig ang aking mga ngipin kasabay ng pagkuyom ng aking kamao. Siya ang dahilan kung bakit halos malagay ako sa bingit ng kamatayan.
Sinundan ko ng tingin ang taong iyon na tumalikod kasabay ng pagsigaw ni Javier sa aking likuran para sunggaban ang taong iyon, ngunit mabilis na ihinarang ni Vincent ang sarili.
Nagsisimula nang lumabo ang aking paningin, kasabay ng unti-unting pag-gapang ng puting liwanag sa bawat puno at lupang nasasakupan ng kagubatang ito.
Flores!
Flores!
Mabibilis na pagyugyog ng aking katawan na halos magpaalog ng aking utak nakakunot noo akong napatingin sa taong gumawa nito sa'kin.
"FLORES!" Sigaw sa aking mukha ni Diego, halos nadama ko pa ang paglapat ng kaniyang laway sa aking pisngi.
"Ano ba Diego! Pati laway!" Irita kong sabi at pinunasan ko ito gamit ang aking manggas.
"Ano ba kasi nangyayari saiyo? Bigla ka na lang natutulala diyan."
"Wa-wala naman," tipid kong tugon.
Napatigil kami at sabay napatingin sa pintuan. Mabibilis at mabibigat na yabag ang aming naririnig mula sa labas at sigurado dito sila patungo ngayon.
"Pu**! Nakatunog na ata sila!" Singhal ni Diego.
Nanlaki ang aking mata nang muli siyang pumasok sa loob ng selda ni Valdez at ikinandado muli ang padlock nito.
"Anong ginagawa mo?"
"Magtatago ano pa ba? At saka ano pa ang itinatayo mo diyan? Huwag mong sabihin magpapahuli ka sa kanila? Bilisan mo na!" Utos niya at nagtago na siya sa madilim na bahagi ng selda, habang tahimik naman na nakasandal sa pader si Valdez.
Wala sa oras napahilamos ako sa aking mukha. Takte! Iniwan niya ako dito! Napasinghap ako nang tumigil na sila sa tapat ng pintuan at unti-unting gumalaw ang doorknob nito.
"Shit!" Natataranta akong naghanap ng aking matataguan, hanggang sa maalala ko ang mga kahon sa likod. Mabilis akong nagtungo roon at isiniksik ang aking katawan sa masikip na sulok kasabay ang pagbukas ng pintuan.
Sumilip ako, apat na guardia civil ang nakatayo sa tapat ng selda ni Valdez. Naiiba ang kulay ng uniporme ng isang guardia civil, na may makapal na bigote at malaking tiyan. Hapit na hapit ang kanyang suot kaya para siyang buteteng tignan. Hindi ko man naiintindihan ang kanilang pinaguusapan batid ko na sinesermunan niya ang tatlong guardia.
Napatigil lamang sila nang biglang dumating ang isa pang grupo ng mga guardia civil, ngunit sa pagkakataong ito ay may kasama silang matangkad na lalaki na nangunguna sa paglalakad. Kulay navy blue ang uniporme niya at napapalamutian ito ng medalya sa kaniyang kaliwang dibdib
Agad napatindig ng maayos ang apat na guardia civil at buong galang nilang sinalubong ang lalaking ito.
"¿Qué está pasando aquí?" (What is happening here?) Malalim at buo ang kaniyang boses at halata ang pagiging strikto niya.
Sumagot yung makapal ang bigote at may malaking tiyan, katulad din kanina wikang espanyol na naman ang gamit.
Hinayaan ko muna sila magusap tutal wala rin naman akohg maintindihan. Inusog ko ng kaunti ang aking sarili palabas ng aking pinagtataguan, dahil nakakaramdam na ako ng pagsikip ng aking dibdib. Mabuti na lang hindi nakakaabot ang liwanag dito sa aking puwesto, kaya hindi nila namamalayan na tahimik ko silang pinapanood.
"Ito ba ang ipinahuli ni Don Roman Flores?" Napaangat ako ng ulo nang marinig ko ang pangalan ni papa.
"Ganoon na nga po, Heneral Cortez," magalang na tugon ni manong bigote.
Wait kung isa siyang Heneral, ibig sabihin siya ang pinuno ng hukbong sandatahan. Mukhang napasubo ata kami, bakit nandito siya wala ba siyang ibang trabaho?
Lumuhod sa tapat ni Valdez ang sinasabi nilang Heneral, "¿Quien diablos eres tú?" (Who the hell are you?)
Hindi ko makita si Valdez pero rinig ko ang pagtawa nito, hindi talaga nila ito makakausap ng maayos. Ang isang tao na kulang sa tulog, walang sapat na pagkain at maiinom ay maaring maiba ang takbo ng isip at pwede mahantong sa hallucination.
Napailing ang Heneral sa inasta ni Valdez at tumindig ito. "Kumusta naman ang anak ng don?"
"Ayon po sa balita, gumaling na po ang senorita. Bakit niyo po pala ito naitanong?"
Oo nga bakit mo kailangan malaman ang sitwasyon ko, tanong ko sa isip.
Binigyan ng makahulugang tingin ng Heneral si manong bigote kaya natikom nito ang kaniyang bibig, "Bukas na bukas agahan mo ang paghahanda ng aking karwahe," mariin niyang utos dito.
"Masusunod po Heneral, pero paano po ang bilanggong ito?"
"Napatawan na siya ng parusang kamatayan, kaya bukas ng hapon dadalhin niyo siya sa bagumbayan," malamig niyang tugon.
Nanlaki ang aking mata sa narinig, hindi pwede mangyari ito. Wala sa isip nasipa ko nang malakas ang kahon sa aking harapan.
"Sino 'yan?" Sigaw ng isang guardia civil, dahan-dahan siyang lumalapit sa aking pinagtataguan.
Halos lahat na ata ng mura naisigaw ko na sa isip ko. Kung minamalas ka naman bakit ngayon pa. Isip Isabelle! Isip! Ilang dipa na lang ang layo niya nang biglang lumabas ang tatlong naghahabulang mga daga.
"Teniente, mga daga lamang po," sabi niya sa kaniyang pinuno at bumalik sa kaniyang puwesto.
Pinagsawalang bahala nila ito at nagsimula na silang magsilabasan, maliban sa Heneral na muling tumingin sa lugar na aking pinagtataguan.
"Bakit po Heneral Cortez?"
"Wala naman," tipid niyang tugon at tuluyan nang nilisan ang silid na ito. Doon lamang ako nakahinga ng maluwag, ito na yata ang pinakamalas kong araw.
Nang makasiguro na hindi na sila babalik, agad akong tumayo at mabilis na pinuntahan sila Diego. Nabuksan na niyang muli ang padlock at inalalayan niya si Valdez na makalabas ng selda. Kailangan na namin siya itakas rito para hindi niya sapitin ang nangyari kay Salvador.
Lumuhod si Diego, para alalayan kong makasakay si Valdez sa likod niya. Ito lang kasi ang paraan para mabilis kaming makakilos.
"Ano kaya mo ba?" Tanong ko.
"Huwag mo akong alalahanin. Siya pala heto magagamit natin iyan mamaya," ibinigay niya sa akin ang dalawang stun grenade (flashbang).
"Nadala mo ito dito?"
"Oo, kasama iyan sa bag na nadala ko sa panahong ito," tugon niya habang inaayos niya si Valdez sa kaniyang likuran. "Teka, may baril kabang dala?"
"Malilimutan ko ba ang paborito kong laruan," nakangisi kong sagot, sabay labas ng isang 9mm pistol na may silencer sa aking likuran.
"Handa ka na ba?" Seryoso kong tanong na tinugunan naman niya ng isang tango.
Kasalalukuyan naming tinatahak ang daan palabas ng kulungan nang mapatigil kami bigla sa narinig naming mga boses.
Pahapyaw akong sumilip sa gilid ng pader, dalawang guardia civil na masayang nagkwekwentuhan at dahil nakatalikod sila sa amin ay maingat ko silang nilapitan.
Biglang napalingon ang isa sa akin, kaya bago ito makapalag ay binigyan ko siya ng isang malakas na suntok sa mukha, ganoon din ang ginawa ko sa kasama niya at sabay pukpok ng baril sa kanilang mga batok hanggang sa unti-unti itong nakatulog.
Lalabas na sana kami ng pintuang iyon ng biglang mag-ingay ang mga nakakulong na bilanggo.
"Tu-tulong, tulungan niyo kami," pagsusumamo ng isang matandang lalaki. Nakasuot lamang ito ng pantalon at bakas sa kaniyang katawan ang mga latay ng latigo. Napangiwi ako ng makita ko ang isa nitong mata na lumubo na dahil sa bugbog. Tinantiya ko kung ilan silang lahat dito, apat na lalaki at isang babae.
"Anong binabalak mo?" Takang tanong ni Diego habang sinusundan niya ako ng tingin.
Hindi ako umimik at kinuha ang mga susi at baril ng mga guardia civil bago binuksan ang mga selda.
"Nahihibang ka na ba? Hindi natin kaya protektahan ang mga 'yan," suway ni Diego. "Pwede natin silang balikan."
Napatingin ako sa kaniya, "Sa tingin mo ba magagawa pa natin silang balikan pagkatapos nito?"
Hindi siya nakaimik alam niya na kapag ginawa namin iyon paniguradong mahuhuli na kami at lalong maghihigpit ang mga pagbabantay dito sa Fort Santiago.
Hinarap ko ang apat na kalalakihan, "Sino ang marunong humawak ng baril?" Tumaas ng kamay ang dalawang binatilyo, kaya sa kanila ko ibinigay ang armas.
"Ako ang unang lalabas, sisiguraduhin ko na walang haharang sa atin," sabay lingon kay Diego. "Hintayin niyo ang pagsipol ko bago kayo sumunod." Tumango-tango naman sila sa sinabi ko.
"Kayo," sabay turo ko sa dalawang binatilyo, "Ang babantay sa kanilang lahat isa sainyo ang nasa unahan at isa naman ang nasa likuran. Asintahin ninyo ang kanilang mga binti at huwag niyo silang papatayin, naiintindihan niyo ba ako?"
"O-opo," sabay nilang tugon sa akin.
"Huwag kayong magalala, nandito lang kami," pinanlakihan naman ako ng mata ni Diego. Alam ko naman hindi siya sang-ayon sa balak ko pero wala rin naman siyang magagawa pa.
Katulad ng pinagplanuhan, ay sinimulan ko nang patulugin ang mga nagkalat na guardia civil sa aming daraanan at itinago ang kanilang mga katawan sa madilim na lugar. Nang makasiguro ako na ayos na ang lahat ay nagbigay na ako ng hudyat sa kanila.
Hindi naman silang nahirapan tahakin ang daan patungo sa pinagkukublihan kong puno. Nang makumpleto na, iniwan muna namin si Valdez sa kanila at tinahak namin ni Diego ang daan patungo sa main gate ng Fort Santiago.
"Limang bantay, Flores," wika ni Diego.
"Bilisan mo lang," sambit ko sa kaniya na ikinangisi niya. Patakbo namin tinungo ang mga nagbabantay na guardia civil. Gumuhit ang pagkagulat sa kanilang mga mukha sa hindi inaasahang pagatake na aming ginawa.
Mabibigat na suntok, sipa at pukpok ng baril ang kanilang natanggap na sanhi ng pagkawalang malay nilang lahat. Sumunod muli ang aming mga kasama at muling ikinarga ni Diego sa likod niya si Valdez. Tuluyan na kaming nakalabas lahat sa Fort Santiago.
Ngunit napatigil muli nang humarang sa amin ang dalawang pangkat ng mga guardia civil kasama ang kanilang Heneral nakasakay ng kabayo.
"Saan kayo pupunta?" tanong ng buteteng tiniente sabay posisyon ng mga guardia civil sa aming harapan. Hawak ng ilan ay espada samantala ang iba naman ay mga baril.
"Pagkabilang ko ng tatlo, tumakbo kayo ng mabilis palayo dito," pabulong kong saad kay Diego.
"Anong binabalak mo?" Naguguluhan niyang tanong.
"Sumunod ka na lamang," madiin kong utos kaya hindi na siya nagtanong pa.
Humakbang ako ng isa patungo sa kanilang lahat habang maingat kong ihinahanda ang flashbang sa aking kanang kamay.
"One," humakbang ako ng isa pa patungo sa kanila, halata na hindi nila naintindihan ang aking sinambit.
"Two," mas malakas na ngayon ang aking boses at muling umusad ng isa pang hakbang na ikinaatras naman nila.
Mahigpit kong hinawakan ang flash bang sa aking kanang kamay. "Three!" Sigaw ko at mabilis ko itong ibinato sa kanila kasabay nang pagtakbo nila Diego palayo sa amin.
Bahagyang lumiwanag ang paligid, mabuti na lamang naagapan kong takpan ang aking mga mata at nakahabol pa ako kay Diego. Para kaming sumali sa isang marathon event, dahil sa walang humpay na pagtakbo namin para lang makatakas sa kanilang lahat.
"Nasundan nila tayo!" Saad ng binatilyo at napalingon ako sa aming likuran. Nanlaki ang mga mata ko dahil ang Heneral na mismo ang sumusunod sa amin kasama ang kaniyang limang alipores na nakasay sa kabayo.
"Bilisan niyong tumakbo," sigaw ko at tinulungan ko na ang yung babaeng kasama namin.
Naabutan kami ng isang guardia, kaya napiltan akong barilin ito sa kaniyang kaliwang binti na ikinahulog niya sa kabayo.
Mayamaya'y isang malakas na putok ng baril ang umalingawngaw sa buong paligid kasabay nang pagbagsak ng kabayong sinasakyan ni Heneral Cortez.
May tumigil na isang kalesa sa aming harapan, binati muna ni Diego ang kutsero habang isinasakay nila si Valdez at ang iba pang takas na bilanggo.
Sasakay na sana ako ng pigilan ako ni Diego, "Sa kaniya ka na sumakay," sabay turo sa lalaking huminto sa aking harapan.
"Binibini," inilahad niya kaniyang palad sa aking harapan.
Napatingala ako sa lalaking nagmamayari ng kamay na ito. Nakasuot siya ng salakot at itim na kamiseta, natatakpan din ang kalahati nitong mukha ng pulang tela.
"Hulihin niyo ang mga tulisan!" Galit na utos ng Heneral ng makita niya ang mga taong tumulong sa amin.
Ibig sabihin sila ang mga tulisan na kumupkop kanila Diego at Salvador. Walang pagaalinlangan na kinuha ko ito at sumakay sa kaniyang kabayo. Sa harapan niya ako pinaupo kaya ramdam ko ang maiinit niyang hininga sa aking batok.
"Humawak ka nang mabuti Binibini," at pinatakbo ng mabilis ang kabayo. Nagulat ako bigla dahil kamuntikan pa akong mahulog, mabuti na lang mabilis niyang hinigit ang aking beywang at napasandal sa kaniyang matipunong dibdib.
"Paumanhin sa aking inasal," bulong niya sa'king tenga.
"A-ayos lang," nauutal kong sagot.
Hoy Isabelle! Anong nangyari saiyo? Napapikit ako ng mariin at sinapo ang aking dibdib dahil mas mabilis pa sa takbo ng kabayo ito tumibok ngayon.
Huli ko na lang namalayan na wala na kami sa loob ng intramuros dahil malalaking puno na lang ang nakikita ko ngayon, mukhang nasa loob na kami ng gubat ngayon.
Hindi ko na nakita pa ang sinasakyan nila Diego at ang iba pang tulisan na tumulong sa amin, siguro nauna na ito sa kanilang hideout.
Binagalan na rin ng lalaking ito ang pagtakbo ng kabayo at tahimik naming tinatahak ang madilim na daan ng gubat. Tanging mga kuliglig ang aming naririnig na sinasabayan ng yapak ng kabayong aming sinasakyan.
Napatingala ako sa kalangitan, wala ang buwan ngunit siksik naman ng mga bituin, lihim akong napamangha sa aking nakita.
"Salamat," mahinang sabi ng lalaki.
Nagulat ako ng maramdaman ko muli ang mainit niyang hininga sa aking leeg na nagbibigay nang kakaibang kuryente sa aking katawan.
"Paumanhin kong na---"
"A-ayos lang," putol ko sa kaniya. Ngayon lang naging malinaw sa akin kung bakit pamilyar ang boses niya.
Tahimik na sana nang bigla kaming pagbabarilin ng mga guardia civil kaya muli niyang pinatakbo ng mabilis ang kabayo.
Hindi ako makalingon para alamin kung ilan sila, kaya naisipan kong iharap ko ang aking katawan sa lalaking ito tutal hindi naman niya ako kilala, dahil katulad niya may suot din akong mask sa mukha.
"A-anong gagawin mo?" naguguluhan niyang tanong nang makita niya dahan-dahan kong pinihit ang aking katawan paharap sa kaniya. Hindi nga ako nagkakamali siya si Rafael Luis De la Fuente, pero ang nakakagulat bakit miyembro siya ng tulisan.
"Relax ka lang," saad ko at ihinanda ang aking baril.
Mabilis ko siyang niyakap na ikinagulat niya, bigla kasi siyang nanigas. "Patakbuhin mo lang ang kabayo," saad ko na ikinarelax ng kaniyang katawan.
Itinaas ko ang aking kanang kamay at itinutok ang baril sa mga sumusunod sa amin. Nang matantiya ko na ito ay sunod-sunod ko silang pinagbabaril sa ulo, ito na lang ang tanging paraan para hindi kami matunton at hindi na rin mapahamak ang mga tulisan tumulong sa amin.
Nakahinga ako ng maluwag at napasandal ang aking ulo sa kaniyang balikat, bahagyang bumagal muli sa pagtakbo ang kabayo.
"Binibi-"
"Huwag kang magalala ayos lamang ako," pagputol ko sa kaniya.
Hindi na siya umimik pa at hinayaan niya lamang ako sa ganoong posisyon. Sa totoo lang ito ang pangatlong beses na muli niya akong tinulungan sa araw na ito. Bahagya akong napangiti, mukhang magkakaroon pa ata ako ng utang na loob sa kaniya.
Inangat ko na ang aking ulo at muling nagtama ang aming mga paningin. Sa pagkakataong ito makikilala niya ang tunay na ako, bilang isang Isabelle Flores.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro