Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Capítulo 13 - Muling Pagtatagpo

Sa bawat kalsada na aming nadadaanan ay sinusulit at tinatandaan ko na. Kung sa present time, alam ko ang pasikot-sikot sa loob ng Intramuros, dahil sa mga gusaling aking nakagisnan, at naging tambayan ko rin ito noong mga panahong ako'y nagaaral pa.

Pero sa panahong ito aminado akong hindi ko ito nakilala, para tuloy akong dayuhan sa sariling kong bayan. Namamangha kasi ako sa aking mga nakikita, dahil lahat ng ito ay bago sa aking paningin.

Magmula kasi sa mga gusali na nakahilera sa bawat kalye, mga guardia civil na nagpapatrol at mamayanan na todo ang bihis at masayang naglilibot. Hindi ko maiwasan na makaramdam ng saya at kaba, na para bang ito ang tunay kong panahon.

"Binibining Isay, nandito na po tayo sa Plaza Mayor," wika ni Emilio sa amin.

Napatingin ako sa aking harapan, at bahagyang napaawang ang aking bibig.

Ang ganda...

Lumapit ako sa monumento ni King Charles IV, wala pang fountain na nakapalibot dito kaya talagang nasuri ko ito ng mabuti. Sa pagkakatanda ko, inalis ito noong 1960 at pinalitan ng monumento ng Gomburza, 'di kalaunan naibalik itong monumento ni King Charles noong 1981. Nararapat lang naman na nandito ito, dahil siya ang nagpadala ng unang batch ng bakuna para sa bulutong dito sa Pilipinas.

Inilibot ko pa ang aking paningin sa buong paligid, ginawa na nga itong isang hardin at pwede ka pang maupo at magmuni-muni. Pero napansin ko na parang under construction ata ang Manila Katedral, Palacio del Gobernador at Casas Consistoriales (Ayuntamiento de Manila).

"Emilio, ano ang nangyari dito?" tanong ko at naupo sa kaniyang tabi, habang si Lusiya naman ay nagpaalam para bumili ng aming makakain.

"Binibini, nagkaroon ng lindol noong Hunyo 3, 1863 na sumira sa tatlong mga gusali at karamihan sa lungsod. Kaya hanggang ngayon ay inaayos pa ang mga ito," sagot niya habang nakatuon parin ang atensyon sa binabasa niyang libro.

"Kung ganon nailipat na ang tirahan ng Gobernador-Heneral sa palasyo ng Malacañang," ani ko. Tumango-tango naman si Emilio sa aking sinabi.

Napapikit ako nang maramdaman ko ang malamig na simoy hangin. Tanghaling tapat na pero hindi ko ramdam ang init, kahit na medyo makapal ang aming suot. May naririnig pa akong huni ng mga ibon sa kalapit na puno at mga mahihinhin na tawa, mula sa grupo ng mga kababaihan dumaan sa aming harapan. 

"Binibini, maganda ba ang Pilipinas sa kasalukuyang panahon?" biglang tanong ni Emilo sa mahinang tono, sapat na para ako lamang ang makarinig nito.

Napamulat ako ng mga mata, at napalingon sa kaniya. Hindi na ako magtataka kung bakit alam niya na nanggaling ako sa hinaharap, dahil isa siya sa nakakita kung paano kami napadpad sa panahong ito.

"Oo naman," masaya kong wika.

Napatigil siya at binaling ang tingin sa akin, para bang hindi siya naniniwala.

"Sabi ni Ginoong Edmundo, maingay daw at mausok, nagkalat rin daw ang mga dumi sa paligid. Mukhang walang disiplina ang mga tao sa kasalukuyang panahon," deretso niyang saad.

Napangiwi ako dahil 'dun. Aminado ako na tama naman ang sinabi sa kanya ni Ginoong Edmundo, pero hindi ko inaasahan na nakarating na pala ito sa present time.

"Oo, totoo iyon," sagot ko hindi naman ako pwedeng magsinungaling sa kaniya. "Maingay at mausok dahil sa mga modernong sasakyan, hindi katulad dito na ang pangunahing transportasyon ay mga kalesa o karwahe lamang. Madumi dahil karamihan sa mga Pilipino ay walang disiplina sa sarili, basta na lamang nagtatapon ng basura kung saan-saan. Malayo sa panahong ito kung saan napapanatili pa ang kalinisan ng kapaligiran." Hindi ko rin alam kung bakit napabayaan na ng mga sumunod na henerasyon ang orihinal na ganda ng Pilipinas.

"Nabanggit rin ni Ginoong Edmundo na nasira na ang ilog Pasig," dagdag pa niya.

Tumango na lamang ako bilang pagkumpirma sa kaniyang sinabi. Speaking of ilog Pasig gusto ko ito makita, may nabasa kasi akong libro noon na napakalinis daw nito at may naliligo pa, marami rin daw na isda dito na nahuhuli.

"Ano pa ba ang sinabi saiyo ni Ginoong Edmundo?"

Napahawak siya sa kanyang baba at nagisip ng malalim. Pati tuloy ako ay napapaisip din, mamaya kasi kung ano-ano na ang pinagsasabi ng lalaking iyon kay Emilio.

"Sabi pa niya, ang mga kababaihan sa panahon mo ay nakakapagaral ng malaya kasama ang mga kalalakihan. Nakakapagtrabhao sa iba't ibang larangan, may nabanggit din siya na may babaeng naging pinuno ng bansa, totoo ba ang lahat ng iyon?"

Napangiti ako. "Oo, totoo lahat ang kaniyang sinabi."

Sa panahong ito ang mga babae ay walang karapatan na magkaroon ng posiyon sa pulitika at pagnenegosyo o kahit sa iba pang larangan. Limitado  lamang ang karapatang taglay ng kababaihan. Ito ay dahil sa sistemang legal na dinala ng mga espanyol sa bansa ay nakabatay sa kanilang batas na tinitingnan, na ang kababaihan ay mas mababa kaysa sa kalalakihan.

"Nakakatuwang isipin na pantay na ang tingin sa mga kababaihan sa inyong panahon at higit sa lahat malaya kayong gawin ang nais niyo," may lungkot sa kaniyang salitang binitawan.

Nauunawaan ko siya, dahil sa panahong ito walang kalayaan ang mga Pilipinong tulad namin. Oo, sabihin na natin may kabutihan naman naidulot ang pananakop nila.  Pero mas nakakalamang naman ang mga pasakit at pagmamalupit nila sa mga Pilipino, lalo na sa mga mahihirap.

"Bakit naisipan mong kumuha ng abogasya?" wala sa sarili kong tanong sa kaniya. Napatutop pa ako bigla ng aking bibig, bigla ko nalang kasi siya tinanong tungkol dito.

"Ikaw Binibining Isay, bakit pinili mong maging sundalo?" makahulugan niyang tanong sa akin.

Nagulat ako, bakit niya alam iyon.

"Hindi mo na kailangan sagutin ang aking tanong, batid ko naman ang iyong dahilan at adhikain. Isa pa laging naikwekwento ni Don Roman ang iyong ginagawa," sabay ngiti sa'kin pero napalitan din iyon ng lungkot.

"Tungkol naman sa tanong mo, gusto ko bigyan ng hustiya ang pagkamatay ng aking magulang at kapatid. Gusto ko maipagtanggol ang kapwa ko sa mga mapagsamantalang tao," seryoso niyang sagot na nakatitig sa akin. Kita ko sa kanyang mga mata ang determinasyon makuha ang hustisya para sa kaniyang pamilya.

"Huwag kang magalala, alam kong makukuha mo ang hustisya para sa kanila, ilang buwan na lang naman magtatapos kana, tama ba?" Tinapik-tapik ko ang kaniyang balikat, para mapagaan naman ang kaniyang pakiramdam.

"Ta-tama ka Binibini," sabay iwas ng tingin sa akin. "Sandali wala pa si Binibining Lusiya, nasaan na kaya siya?" pagiiba niya ng usapan.

"Oo nga," inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid, pero iba ang aking nakita.

May dalawang lalaki nakasuot ng itim na damit,  at tahimik na nakamasid sa amin ni Emilio. Napansin ko na sila kanina pa, ngunit ipinagsawalang bahala ko lang, pero ngayon kinutuban na ako ng hindi maganda.

Tumayo si Emilio, "Nandito na--" hindi ko na siya pinatapos pa dahil hinila ko na siya patungo kay Lusiya at mabilis ko silang inilayo sa lugar na iyon. Napansin ko rin na gumalaw na ang dalawang lalaki at sinundan na rin kami.

"B-i-nibini, a-ano po bang nangyayari?" Nalilitong tanong ni Lusiya.

"Saka na ako magpapaliwanag," tipid kong sagot at patuloy parin sa paglalakad. Napansin ko na may nangyayaring pagtatanghal sa isang kalye at doon ko naisipang makipagsiksikan sa mga tao.

Lumapit ako ng mabuti kay Emilio, "Iuwi mo na si Lusiya at doon niyo na lamang ako hintayin. Pakisabi na rin kay Ginoong Edmundo na maglagay ng Guardia Personal sa tapat ng bahay, alam na niya ang ibig sabihin 'nun," seryoso kong utos sa kaniya.


"Pe-"

"Kaya ko ang sarili ko Emilio," putol ko sa kaniya.

Nasa gitna na kami ng mga tao, at sinensyahan na silang umalis na, habang hindi pa kami nakikita.

"Magiingat ka binibini," paalala ni Emilio at Lusiya.

"Salamat," ngumiti ako para mabawasan ang pagaalala nila sa akin. Pinauna ko silang makaalis hanggang sa tuluyan na silang naglaho sa aking paningin. Ngayon ako na lamang, mas makakakilos ako ng maayos.

Maya maya'y nakita na ako 'nung isang lalaki at nagtama ang aming paningin. Bigla itong ngumiti nang nakakaloko at patakbong nagtungo sa aking kinatatayuan. Nakita ko kung paano nagulantang ang mga tao sa paligid at nagsimulang magsigawan,  dahil naglabas ito ng baril at pinaputukan ako sa harap pa ng maraming tao.

Nababaliw na ang taong ito!

Mabuti na lamang nakatakbo na ako  bago pa ako matamaan. Narinig ko na rin ang mga yabag ng kabayo sa di kalayuan at ang pagsipol ng isang Guardia Civil.

Binilisan ko pa ang pagtakbo habang hinahabol ako ng siraulong lalaki at hinahabol din siya ng mga Guardia Civil, may isa sa kanila na nakakabayo pa.

Kung minamalas ka nga naman!!!

Walang tigil sa pagtakbo ang ginawa ko hanggang sa may nakita akong eskinita at lumiko doon, ngunit mabilis din akong napahinto dahil walang daan dito. Huminga ako ng malalim, bahagya kong itinaas ang aking saya at hinawakan ko ito ng mabuti.


Tinantiya ko muna ang taas ng pader bago lumayo sa aking kinatatayuan at bumuwelo. Tumakbo ako at walang kahirap-hirap na inakyat ko ang mataas na pader. Nang marating ko ang tuktok, saka pa lamang ako nakita ng lalaki, mabilis na akong bumaba sa kabilang bahagi at nagpatuloy muli sa pagtakbo.

Napatigil na lamang ako nang mapansin kong nasa labas na pala ako ng Intramuros. At mukhang napadpad pa ako sa walang katao-taong lugar.

"Wala ka nang mapupuntahan pa Capt. Flores," sabi ng lalaki at lumabas ito sa kaniyang pinagtataguan. Dumating na rin yung siraulong lalaki na humahabol sa akin, at mukhang may kasama pa itong tatlong patpatin, na kapag humangin ng malakas ay madadala ang mga ito.

"Mga bata hulihin niyo ang babaeng iyan!" pasigaw niyang utos.

Seryoso ba siya?

Unti-unting lumalapit ngayon ang tatlong patpating lalaki, na may dalang itak sa kanilang mga kamay. Sabay pa silang ngumisi nang nakakaloko na akala mo'y masisindak ako sa kanilang ginagawa. Napapailing na lang ako sa pwedeng mangyari sa kanilang tatlo.

Nagsimulang sumugod yung pinakamatangkad na lalaki, at winasiwas nito ang itak patungo sa aking  mukha, ngunit mabilis ko itong nailagan. Muntik pa nga siyang mapasubsob sa lupa nang hindi niya ako matamaan.

"Mas mabigat pa ata ang itak niyang dala kesa sa katawan niya," sabi ko sa sarili.

Sumugod na rin ang dalawa pa niyang kasamahan, na halos hindi ako matamaan dahil sa sobra nilang bagal. Bumuwelo ako at una kong sinipa sa mukha ang isa na agad nitong ikinatumba. Napasobra pa ata ang pagsipa ko sa kaniya dahil nawalan ito ng ulirat.

"Walang hiya ka!!!" sigaw naman ng isa. Ako na ang sumugod na ikinagulat niya. Mabilis ko siyang tinuhod sa tiyan at namilipit sa sakit. Habang ang isa naman ay hinawakan ako sa aking balikat at walang kahirap-hirap ko itong hinila at binalibag sa lupa.

"Ano isa pang round?" Nakangisi kong tanong sa kanila, habang inuunat ang ang aking mga braso.

Nagmamadaling tumayo ang dalawa at kinuha ang kasama nila na nawalan ng malay at kumaripas na ng takbo.

Ngayong wala na sila, itinuon ko ang aking atensyon sa dalawang lalaki. "Ano ang kailangan ninyo sa akin" matigas kong tanong sa kanila.


"Simple lang, ibalik mo kami sa aming panahon," pormal na sagot ng isa habang nakatitig sa aking mga mata.

Tumawa yung siraulong lalaki, "Sa tingin mo ba matutulungan tayo ng babaeng iyan!" sigaw nito sa kasama, akmang susugurin niya ako, ngunit  pinigilan siya ng kasama.

"Hindi ko alam kung paano ko kayo maibabalik sa present time," sagot ko. Iyon naman talaga ang totoo, dahil wala akong idea kung paano ito gawin.

"Tsk, sinasabi ko na nga ba. Wala tayong mapapala sa babaing ito, ang mabuti pa tapusin na natin siya, kasama ang kaniyang ama," inis na sambit ng siraulong lalaki.

Napakuyom ang aking mga kamay at binigyan siya ng matalim na titig, kanina pa ako naiinis sa kaniya. "Kung papatayin niyo kami,  gawin niyo na para tuluyan na kayong mabulok sa panahong ito."

"Aba't su--" hinawakan siya sa balikat ng kasama.

"Tama siya Salvador, hindi tayo makakaalis rito kung papatayin natin sila," segunda niya.

"Huwag mong sabihi----"

"Hindi ko alam kung paano kayo makakabalik, pero pwedeng makatulong sa atin ang aking ama, bigyan niyo lang ako ng panahon para kausapin siya," putol ko sa dapat niyang sasabihin.

Hindi agad sila kumibo at nagkatinginan sa isa't isa, "Bigbigyan ka namin ng dalawang araw, kung hindi mapapahamak ang dalawa mong kasama," pagbabanta ng isang lalaki.

Pilit kong iniiwasan na mangyari itong muli ngunit masyadong mapaglaro ang tadhana. Huminga ako ng malalim, nandito na ako kaya itutuloy ko na.

"Deal!" seryoso kong sabi habang nakatitig sa kaniyang mga mata.

"Diego, hindi tama na magtiwala tayo sa babaeng iyan," pabulong na sabi ni Salvador na naririnig ko naman.

"Isa akong sundalo at may isa akong salita," sambit ko sa kanila na ikinatahimik ni Salvador.

Lumapit itong si Diego at iniabot ang kaniyang kamay, "Magkalaban man tayo, pero tulad mo may isa din akong salita."

Nakipagkamay ako sa kaniya bilang pagtanggap sa aming kasunduan. Pinagmasdan ko silang mabuti, mukhang maayos naman ang kanilang kalagayan base na rin sa kanilang mga suot. Hindi rin naman sila namayat para masabing naging palaboy sila sa daan.

"Maari ko bang malaman kung saan kayo nakatira ngayon?" curious kong tanong kay Diego.

"Sa aming pinagtratrabahuan," tipid niyang sagot.

"Bakit ba ang dami mong tanong may masama kang balak ano?" Naiiritang tanong ni Salvador sa'king mukha.

"Ma-," napatigil ako sa aking sasabihin nang biglang bumulagta sa aking harapan si Salvador. Nakita ko ang dugong namuo sa kaniyang dibdib.

Mabilis namin siyang nilapitan ni Diego, at hinila sa tagong lugar. Sinuri ko ang kanyang sugat at doon pa lang alam ko na hindi na siya magtatagal pa. Tumama ang bala mismo sa puso niya at napailing na lamang ako kay Diego na ngayo'y hawak ang kamay ng kaibigan.

Napansin ko na may iniabot si Salvador kay Diego at doon ko lang nalaman na isa rin pala itong sundalo. Tumingin sa akin si Salvador at kahit hirap na siya nagawa niyang sabihin ang salitang "Patawad" at tuluyan na siyang binawian ng buhay.

Ramdam ko ang pagtulo ng aking luha sa aking mga pisngi. Kahit na naging magkaaway kami hindi pa rin dapat nangyari ito sa kaniya. Laking gulat namin ni Diego, nang makita namin kung paano unti-unting naglaho ang katawan ni Salvador sa aming harapan hanggang sa tuluyan na itong nawala na parang bula.

Walang nakapagsalita ni isa sa amin.

"A-anong ibig sabihin nito? naguguluhan kong tanong sa sarili. "Anong nangyayari?

Nabalik lamang ang aking atensyon nang hilain  ako ni Diego palayo sa lugar na iyon, dahil nagsimula na naman magpaputok ng baril ang mga kalaban, doon ko lang din nakita na ang isa sa kanila ay ang taong pumatay kay Sam.

Biglang bumalik ang alaala ng gabing iyon at tanging nararamdaman ko ngayon ay matinding galit ang pagkamuhi.

"Flores! FLORES!" Sigaw sa akin ni Diego. "Kailangan nating umalis dito wala tayong laban sa kanila," paliwanag niya sakin.

Nakita namin ang pagdating ng isang pangkat ng mga Guardia Civil, ngunit mabilis silang pinagbabaril ng mga kalaban.

Hindi ito maganda. Tumakbo na kami ni Diego,  dahil naririnig na namin ang mga yabag ng mga kabayo. Malaking gulo ito, at palagay ko magiging usapan ito sa buong Intramuros. Hindi nagtagal, narinig na namin ang palitan ng mga putok sa pagitan ng mga Guardia Civil at ng mga armadong lalaki.

"Magkita tayo mamaya sa tapat ng aming bahay, may kailangan tayong itakas sa loob ng bilangguan," nagtataka man ay tumango ito sa akin. Pakiramdam ko kasi, may alam ang taong iyon kung sino ang nasa likod ng gulong ito at kailangan namin siyang makausap sa lalong madaling panahon.

"Alas otso,"  saad ko at tuluyan na kaming naghiwalay ng daan.

Sa bawat takbo na aking ginagawa maraming katanungan ang pumapasok sa aking isipan.
Bakit naglaho ang katawan ni Salvador? Mabubuhay pa kaya siya sa present time? Makakabalik ba siya sa doon? Mga tanong na nagdadala sa'kin ng takot at kaba.

Patuloy pa rin ako sa pagtakbo habang sinisikot ang daan, para mailigaw ang mga sumusunod sa akin. Lumiko sa isang kanto at mabilis na pumasok sa isang eskinita hanggang sa may humablot sa akin at tinakpan ang aking bibig.

Mabilis niya akong binuhat at dinala sa madilim na lugar. Nagpupumiglas ako sa hawak niya pero lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa akin at naramdaman ko ang mainit nitong hininga sa aking likuran.

"Huwag kang maingay," mahina ngunit kalmado niyang bulong sa aking tainga. Doon pa lang ay napatigil na ako, kilala ko ang boses na iyon.

Narinig namin na napadaan na ang mga lalaking sumusunod sa akin hanggang sa nilagpasan na nila ang lugar kung saan kami nagkukubli ngayon.

Napahinga ako ng malalim at mariin akong napapikit, dahil sa pangalawang pagkakataon muli niya akong iniligtas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro