Chapter 23
CHAPTER 23
The Beginning of Chaos
* * * * *
Nur Ali Ibrahim
Imbis na tilaok ng manok ang bumungad sa aming umaga, sandamakmak na katok ang naging alarm namin ngayon. Nataranta ang aking mga ugat kaya mabilis akong kumilos. Dagli kong binuklat ang kumot na nakapatong sa aking katawan at bumangon dito sa aking kama. Isinuot ko ang aking tsinelas kahit 'di na ito naayos at pumunta sa sala. Naroon ang aking pamilya, si Omerah at ang kaniyang pinsan. Tila may kuryente namang dumaloy sa aking likuran na nagpatayo sa aking balahibo upang maging alerto.
"Ako na ang titingin sa labas," presenta ng aking Abi (Ama) na nakasuot pa ng puting damit at pajama.
"Sasamahan na po kita," pagsunod ko.
Tumango lamang siya na walang bakas na emosyon ang makukuha sa kaniyang mukha.
"Dumito lang kayo," pirming sabi ni Abi sa pamilya ko.
Sinimulan na namin ni Abi ang paglapit sa pinto at limang malalakas na katok ang nagmula sa pintong gawa sa kahoy.
Bawat paghakbang ng aking paa ay ganoon din ang pagtibok ng aking puso. Kinailangan kong huminga nang malalim upang mapakalma ang aking sarili.
Pero... bakit ba may kumakatok? Bakit ganoon kalakas? May kaaway ba ang pamilya ko? Paano kung mamamatay tao pala 'yong kumakatok?
Hindi ko na alam. Kung anu-ano na rin ang tumatakbo sa aking isipan. Wala akong mahagilap na sagot sa dagat ng mga tanong.
Hindi ko na rin namalayan na nasa harap na kami ng pinto dahil sa kaiisip ko ng mga bagay-bagay at karamihan doon ay negatibo. Nakadikit na ang palad ni Abi sa busol ng pinto at anumang oras ay pipihitin na niya iyon at makikita na namin kung sino nga ba ang gumising sa amin.
Gusto ko sanang pigilan ang pagpihit ni Abi roon ngunit tila binuhusan ako ng semento't 'di makagalaw. Dinadapuan ako ng takot sa aking balikat dahil baka ang taong nasa kabilang bahagi ng pinto ay may dalang baril at sunud-sunod niya iyong papuputukin hanggang sa iwan na ako ng aking kaluluwa. Pero kahit na ganoon ang iniisip ng isang bahagi ng aking utak, may parte naman sa kabila na gustong malaman kung sino iyon.
Narinig ko na lamang ang paglagitik ng pinto at ang linya ng liwanag mula sa siwang ng pintuan ay binibisita ang loob ng aming bahay.
Napaatras na lamang kami ni Abi dahil marahas na tinulak ng taong nasa labas ang pinto kaya naipikit ko ang aking mata dahil sa liwanag ng umagang galing sa labas. Ngunit nawala rin iyon nang sinara ng taong nakakulay itim na damit ang pinto.
Hingal na hingal siyang humarap sa amin at ang butil ng pawis mula sa kaniyang noo't sentido ay dumadausdos na pababa. May kapayatan din ang lalaking ito.
"Kair," unang salitang lumabas sa bibig ng lalaki. Iyon ang pangalan ng aking Abi.
"Bakit ka nandito Isma? Bakit grabe ka kumatok, kay aga-aga?"
Hapong-hapo ang lalaki at isinandal niya ang likuran sa pinto. Sa akin ding palagay, magkakilala ang aking Abi at ang lalaking ito dahil alam nila ang pangalan ng isa't isa.
"May mahalaga akong balita. May rebelyong nagaganap sa lungsod La Cota. Sinimulan na rin nila ang pag-atake kahapon."
"Ano ang pinagsasabi mo, Isma?"
"Kung gusto ninyong bumawi at matalo si Billones, kailangan nating sumali sa rebelyon," hikayat ni Isma na may determinadong mukha.
"Delikado 'yan, Isma. Baka madamay ka. Baka mapahamak ka. Wala naman tayong koneksyon o gagawin pa sa lungsod. Mas mabuting mamuhay na lang tayo ng payapa rito sa Maculay."
"Pero Kair, ang anak mo. Nakita niya at naranasanan niya ang nangyayaring pagtataboy sa mga Muslim sa La Cota. Hindi ka ba galit?"
"Galit ako sa totoo lang. Pero hindi ito ang sagot para sa ganyan."
"Kair, minsan hindi tinapay ang ibabato mo sa naghagis sa 'yo ng bato kundi kutsilyo. Huwag kang maging duwag. Ito ay hindi lang laban ng mga Muslim. Laban ito ng lahat para manumbalik ang kapayapaan sa lungsod."
"Hindi ako duwag, Isma. Hindi ko rin gusto na magkaroon ng kaguluhan sa La Cota. Pero, ang gamitin ang dahas ay hindi ko kailanman kayang gawin."
Napapikit na lamang si Isma at umiling-iling. Bakas sa kaniyang mukha ang dismaya. Bumuga na lamang siya ng hangin at inayos ang kaniyang sarili.
"O siya, mukhang hindi talaga kita mapipilit na sumali sa rebelyon para mapalaya ang La Cota sa kamay ni Billones. Pero... hinihiling ko na sana ipagdasal mo na magtagumpay ang misyon na ito." Lumapit si Isma sa aking Abi at tinapik ang balikat nito. "Wala ka man sa mismong laban, ang dasal mo, ninyo, ay kailangan din namin."
* * * * *
Natapos na ang tanghalian at tumambay muna ako sa puno sa labas. Ipinaalam din namin ni Abi sa buong pamilya kung sino ang kumatok at kung ano ang pakay niya.
Kung may rebelyon ngang nagaganap sa La cota, kailangan kong ma-contact sina Tim dahil may tsansang sasapi sila sa rebelyon. Gusto ko rin siyang makausap at kumustahin ang buong grupo ngunit hirap akong contact-in sila sa La Cota.
Nakasilong ako rito sa puno habang paikot-ikot at nag-iisip ng paraan kung paano magpadala ng mensahe sa La Cota. Kung dadalaw pa ako sa kalapit munisipalidad tulad ng La Dalampa, baka may tsansang makapagpadala ako ng mensahe mula roon dahil hindi naman siguro naka-block ang mga mensaheng mula sa La Dalamapa papasok ng La Cota. Ang kaso, aabutin pa ako ng ilang oras bago ko marating ang border ng Maculay at La Dalampa.
Napasandal na lamang ako sa matigas na katawan ng puno at dama ko ang baku-bako nitong anyo. Naipikit ko ang aking mata at pinakiramdaman ang init ng tanghali.
Habang nag-iisip, naalala ko noon ang paggamit ng isa kong kaklase upang maiba ang IP address ng mga devices namin. Ginawa namin iyon para makanood ng iilang pelikulang banned dito sa Pilipinas at ilang bagay na hindi matatagpuan dito sa bansa. Bigla na lang may lumiwanag na bumbilya sa aking sentido. Naimulat ko ang aking mga mata at balikwas na tumayo mula sa pagkakasandal sa puno.
Alam ko na ang aking gagawin.
Gumamit ako ng VPN sa aking phone at sinubukang magpadala ng kahit anong mensahe kay Tim. Naghintay ako ng ilang segundo. Nang makita kong hindi nag-message failed ang naipadala ko, tila nabuhayan ang aking dugo at may kasiyahan akong naulinigan sa aking tainga. Naitiklop ko ang aking labi sa tuwa.
Hindi na ako nag-atubili pang tawagan si Tim. Matapos ang ilang pag-ring, may sumagot sa kabilang linya.
"Nur!" bungad ni Tim at bakas ang kasiyahan at galak sa tono ng kaniyang boses.
"Tim, ano na ganap d'yan?" Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa sa itatanong ko.
Napabuntonghininga na lamang siya sa linya.
"Lockdown. Lockdown ang buong La Cota, Nur. We can't go outside the city. And rumors said na baka magkaroon pa ng curfew. Things are getting worst here."
"Pero, napakinggan mo 'yong tungkol sa rebelyon?"
"Not sure pa about do'n. But yesterday, something strange happened here, at the same time, nakakataas ng balahibo. We were attacked by some group called LACOFRA pero walang casualties. They need recruits and they are encouraging students from LCU to be part of that group. And Nur... to be honest, I kind of want to join the group."
Tama. Tama ang aking hinala. Alam kong sasali sa mga ganoong bagay si Tim dahil mula na noon, simula noong nag-volunteer siya, namulat na niya ang kaniyang mga mata sa mga iba't ibang isyu-isa na rito ang diskriminasyon para sa aming mga Muslim.
"At saka, Nur... I want you to join, too."
* * * * *
Hindi rin nagtagal ang pag-uusap namin ni Tim dahil baka ma-detect ng mga IT professionals sa La Cota na may kakaibang IP adress ang pumapasok sa syudad. Kaya't minabuti na lang namin na bilisan ang pag-uusap. Ipinaliwanag ni Tim ang buong kagananpan at ang pag-aaya sa akin na sumali sa grupong LACOFRA.
Nagdadalawang-isip ako kung sasapi ba ako sa grupo dahil baka mapatay ako ni Abi kung malaman niyang kabilang ako sa rebelyon. Pero may parte sa akin na nagsasabing gusto kong sumapi roon.
Gusto ko ring makita ang kalagayan sa border ng La Cota at Maculay dahil ipinaalam din sa akin ni Tim na halos lahat ng tao ay nais nang lumuwas dahil baka maabutan sila ng giyera sa loob kung mangyari man ang bagay na iyon. Takot ang bumalot sa buong La Cota at tila dumilim na ang kalangitan nito.
Sumakay ako ng jeep para marating ang border. Nang makarating ako roon, ang tindig at lakas ng presesya ng mga sundalo ang tila nagpalamlam sa aking kalooban. Pananangis at panaghoy ang tawag ng mga tao sa border na nais makalabas. Ilog ang naghihiwalay sa La Cota at Maculay kaya ang daming tao ang nasa tulay. Sa akin ding pagkakaalam, ang buong syudad ng La Cota ay pinalilibutan ng ilog kaya mahirap talagang makalabas sa lungsod kahit papunta ka pa sa ibang munisipalidad. Maaari naman silang lumangoy ngunit ang agos ng ilog, lawak, at lalim nito ang kanilang magiging kalaban.
"Nur!"
Nakarinig na lang ako ng tawag mula sa aking likuran kaya nilingon ko ito. Nagulantang na lang ako sa aking nakita dahil sinundan ako ni Omerah rito. Nakapulang jacket siya habang nagsasayawan naman ang puti niyang hijab sa tuwing iniihip iyon ng hangin.
Mabilis siyang naglakad papalapit sa aking puwesto nang biglang may puting van ang lumapit sa kaniya at marahas na hinablot ang buo niyang kaawan. Hindi yata napansin ng mga sundalo iyon dahil abala sila sa mga mamamayang naabutan ng lockdown. Tinakbo ko na lamang ang pwesto ni Omerah at ng van ngunit... may isang itim na van ang lumapit sa akin.
Huminto ang aking sistema nang ako ay ikinulong sa bisig ng mga tong bumukas ng pinto ng van at tinakpan ang aking bibig at ilong. Napakalakas at nakahihilo ang aking naamoy kaya't nagdilim ang aking paningin. Tila bumagsak ang buo kong katawan at hindi ko na alam kung ano pa ang sumunod na nangyari sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro