Chapter 16
CHAPTER 16
Kicked Out
* * * * *
Nur Ali Ibrahim
Mabigat sa aking damdamin na isa-isa ko nang inilalagay ang mga gamit kong ito sa maleta ko. Naitupi ko na rin ang ilan sa mga damit ko kaya paglalatag na lang aking ginawa.
Kahapon, inanunsyo na ni Mayor Billones na lahat ng mga estudyante sa buong LCU na kasama sa protesta ay hindi na tatanggapin sa unibersidad at ipinag-utos niya rin na wala nang puwedeng makapasok na Muslim, gaya ko, sa buong syudad.
"So, ano na?" tanong ni Tim na nakasandal sa pader dito sa kwarto ko. Nakapamulsa siya sa kaniyang kulay pulang shorts.
Huminga na lang ako nang malalim saka ko sinara ang zipper ng maleta. Umupo ako sa malambot na kama at hinayaang ibinagsak ang aking likuran doon. Tinitigan ko ang kisame na may ngiting-lungkot na nakapinta sa aking labi.
"Hindi ko rin alam, Tim. Pero life goes on lang. Babalik na lang ako sa Maculay para tulungan ang pamilya ko."
"I am really sorry sa kung anumang nangyayari sa iyo at sa inyo." Dama ko ang lungkot sa tono ng boses ni Tim na tila tumawid papunta sa akin.
"Don't be sorry. Hindi naman ako mawawala talaga," sabi ko saka bahagyang humagikhik.
"Gago ka ba? Mawawala ka na as vice-president ng org."
"Eh, maghanap na lang kayo ng bago." Bumangon ako sa kama at inayos ang upo. Nanlaki na lang ang aking mga mata nang makitang nakatungo si Tim saka pinupunasan ang kaniyang mga mata. Nakarinig na rin ako ng sunud-sunod na pagsinghot mula sa kaniya. "Hoy!"
Inangat niya ang tingin at nakatiklop ang kaniyang labi. "I will miss you Mr. Vice President. Pasensya na, medyo naging emosyonal lang ako nang saglit."
Hindi ko alam kung tatawa ba ako o malulungkot dahil ngayon ko lang nakita si Tim na ganito.
Naubo pa siya bago magsalita muli. "Mag-isa na lang ako rito sa unit na 'to. Wala na akong kukulitin. Wala nang kakain ng mga niluluto ko. Wala na." Bumuga nang malakas na hininga si Tim saka winagwag-wagwag ang kaniyang mga kamay. "Ano ba 'to? Hindi naman talaga ako naglalabas ng emosyon."
Napangiti na lang din ako sa ikinikilos niya. Itinuring ko na rin kasi siyang kuya kaya alam kong, mahihirapan siyang makapag-adjust kung mawawala na ako rito.
Tumayo ako at nilapitan siya. Pinadapo ko ang aking palad sa kaniyang balikat at tinapik-tapik ito. "Chat tayo! Magiging in-touch pa naman ako sa inyo lagi. At saka, 'yong project natin sa Palayan, kailangan kasama pa rin ako ro'n, ha! Hindi naman ako banned doon," natatawa kong sabi.
"Ewan ko sa 'yo." Nakangiwi ang kaniyang mukha habang inalis ang aking kamay sa kaniyang balikat.
Napabuntonghininga ako kasabay ng pag-angat ng aking balikat at ngumiti.
"'Yong ngiti mo, Nur, bitin. Parang one-fourth," kutya pa niya kaya napahagikhik kaming dalawa.
"Lutuan mo na nga lang ako ng mga pagkain mong . . . maaalat!"
Nagsalubong bigla ang kaniyang dalawang kilay at nagtataka siyang tumingin sa akin. "Anong maalat ka d'yan?"
Nasapo ko ang tiyan saka naglabas ng halakhak. "Hindi mo ba alam na maalat mga niluluto mo?"
"Maalat ba?"
"Joke lang. 'To naman, pero 'yong iba, oo." Ikinawit ko na lang ang aking braso sa kaniyang leeg at lumabas na kami rito sa kwarto para pumunta na ng kusina. Nagtatawanan na kami ngayon ni Tim dahil ayaw kong maging mabigat ang paglisan ko rito sa dorm, sa LCU at sa La Cota.
* * * * *
Narito na ako sa terminal para makauwi sa Maculay. Napakarami ng tao at halos lahat ay mga Muslim dahil na rin sa utos ni Mayor Billones na ban na kami rito sa syudad.
Maingay. Magulo. May mga nag-iiyakan.
Puro na lang tunog ng busina ng bus ang pumapasok sa tainga ko. Hila-hila ko ang maleta ko at ang back pack ko para hanapin ang bus na sasakyan ko. Nakapag-reserve na ako kanina para hindi na hassle kung bibili pa ako rito ng ticket sa mismong terminal.
Modernong-moderno ang hitsura ng terminal. Maikukumpara ko ito sa isang airport dahil sa nagtatataasang pader na gawa sa salamin. Dito naman sa loob ng terminal, de-tiles ang sahig at may mga LED screens pa na nakalambitin para makita kung anong oras ang biyahe ng bawat bus.
Tiyak ngang maganda at nakahahalina ang arkitektura ng terminal na ito pero tila natabunan iyon ng lungkot dahil sa dagat ng taong nandirito.
Nang mahanap ko na ang gate ng aking bus, umupo na ako sa waiting area para abangan ang pagpapasakay rito. Pumwesto ako malapit sa napakalaking pader na gawa sa salamin kaya nasusulyapan ko ang nangyayari sa labas. Marami nga talagang Muslim ang nakatira rito sa La Cota City dahil parang walang katapusan ang pagpunta nila rito sa terminal.
Napangiti na lamang ako na may halong bigat sa kalooban at inalala ang ilang mga masasayang nangyari sa loob ng La Cota. Nakilala ko si Tim, mga org mates ko, ang Kofi Cota, mga ilang kaibigan ko tulad ni Yarsi at isa na rin sa naging masayang alaala ko ay si Care.
Alam kong malungkot siya ngayon.
Alam kong hindi niya rin ito gusto.
Pero . . . wala rin siyang magagawa dahil nakatali rin siya sa baluktot na sistema ng La Cota.
Maya-maya ay narinig ko na rin ang anunsyong magpapasakay na ang bus na sasakyan ko. Isinukbit ko muli ang aking back pack at hinila na ang maleta para pumila.
Paalam na La Cota.
Magkikita tayong muli.
Hindi ngayon pero balang-araw.
* * * * *
Mahigpit na yakap ang sinalubong sa akin ni Umi (translation: Ina/Mama) sa akin. Narito na ako sa terminal sa Maculay. Gaya ng terminal doon sa La Cota, marami ring tao ang nag-aabang sa kani-kanilang pamilya. Pero, hindi nga lang ganoon kamoderno ito. Nasa malawak lang na field ang mga bus at may hintayan lang sa may gilid.
"Kumusta na anak?" tanong ni Umi.
"Okay lang po," nakangiti kong saad at kumawala na ako sa kaniyang pagkakayakap. Narito rin ang kapatid kong si Aliya at ang Abi ko. (translation: Itay/Papa)
Nang umalis ako kanina, agad ko na rin silang t-in-ext na pauwi na ako rito sa Maculay. Hindi ko naman alam na sasalubungin nila ako rito sa terminal. Nagkausap na rin kami sa telepono kanina. Balak daw nila akong kumustahin kahapon-kung kailan nangyari ang anunsyo-pero hindi raw nila ako ma-contact. Sa tingin ko, pinatay ng La Cota ang ang pagtawid ng transmission ng telepono mula Maculay hanggang La Cota. Kaya pala hindi ma-send ang t-in-ext ko kanina, pero nang makalabas na ako ng La Cota, doon lang iyon napadala.
Habang sakay-sakay rin ng bus kanina, kinolekta na sa amin ang aming electronic wristband dahil wala na rin naman daw iyong silbi. Nakaramdam ako ng kaginhawahan dahil parang natanggal ang posas sa akin. Hindi na kami mababantayan ng mga mala-demonyong mata ni Mayor Billones.
"Kinakabahan kami sa 'yo, Kuya!" nakangusong wika ni Aliya saka niya ako niyakap. Ginulo-gulo ko naman ang kaniyang hijab.
"Akin na 'yang maleta mo," alok naman ni Abi.
"Okay lang, Abi. Kaya ko na."
"Hindi. Hindi." Ibinigay ko na rin sa kaniya ang maleta ko dahil minsan mapilit ang Abi kong ito.
Naglakad na kami papunta sa van naming luma na. Maraming gasgas at bakas ng kung anu-anong bagay sa puting pintura nito. Wala na ring salamin ang ibang pinto ng van kaya presko sa loob kapag aandar na ito. Na-miss ko rin ito.
Sumakay na kami sa loob at si Abi ang nagmaneho ng van. Puro kwentuhan ang naganap buong byahe. Tinatanong kung ano na ba ang nangyayari sa La Cota, kung naging miserable ba ang buhay ko simula noong naging alkade si Billones at syempre ang aking pag-aaral sa LCU.
Naisingit din sa byahe si Omerah-ang babaeng ipinagkasundo sa akin. Sa mga susunod na araw ay darating daw ang pamilya niya sa bahay para pag-usapan ang kasal.
Wala naman akong magawa kundi um-oo na lang. Iyon ang gusto nina Abi at Umi, e.
Bigla ring pumasok sa isip ko si Care habang pinag-uusapan namin si Omerah. Oo, alam kong may kakaibang nararamdaman ako para sa kaniya pero... ang hirap. Mahirap magdesisyon kung ang nais ng magulang ko ay dapat ko bang sundin.
Kinabukasan, bumalik ako sa pagtulong sa tindahan ng mga damit at malong ng pamilya ko rito sa mall ng Maculay. Kung ikukumpara ang Maculay sa La Cota, walang-wala ang Maculay. Walang mga nagsisitaasang gusali, abalang mga kalye, at mga bagay na makikita lamang sa isang napakayaman na syudad. Simple lang ang pamumuhay rito sa Maculay pero dahil na rin sa mayaman na kultura ng mga Filipino Muslims na nakatira rito, naging literal na makulay ang Maculay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro