Chapter 8
"Alam mo, ang kapal mong pagsalitaan ako ng ganoon!" bungad ni Bibi pagbukas na pagbukas ni Isagani ng pinto.
Kumunot ang noo nito. Pinagmasdan siya mula ulo, hanggang paa, saka umiling-iling. Lalo nang nag-init ang ulo niya. Tinampal niya ito sa dibdib.
"'Wag kang mayabang, ha! Para sabihin ko sa 'yo, kahit kailan hindi ko pinilit ang sarili ko sa lalaki. Lalong-lalo na sa 'yo! Kapal mo! Hindi ka naman pogi, ah!"
"Kaya pala kung anu-ano ang ibinigay mo sa akin?" sarkastikong sabi nito.
"Nagpasalamat lang ako! Masama ba 'yon?! Gusto ko lang makipagkaibigan! Obviously, mali ang basa mo sa ginawa ko."
"Right." Halatang hindi ito naniniwala sa kanya. "Go home. It's late. I don't have time for this."
Aktong isasara nito ang pinto nang pigilan niya iyon ng kamay. "Mag-sorry ka sa akin ngayon din. Bawiin mo ang sinabi mo, ngayon din."
"You've got be shitting me."
"Mag-sorry ka," ulit niya.
"You've got some nerve."
"Ako pa? Baka ikaw! Ang lakas ng loob mong magsabi na may gusto ako sa 'yo. Ako? Sa 'yo?" Nakakainsulto siyang tumawa, itinirik pa niya ang mga mata, saka umiling-iling. "Baka naman ikaw ang may gusto sa akin?"
Ang lakas ng tawa nito. Lalo na siyang nanggigil. Pikon na pikon siya. Binirahan na lang niya ng pagtalikod. May araw din ang lalaking ito sa kanya. At kahit cursh niya pa rin ito, na-turn off na siya rito. Ang kapal ng mukha nito talaga.
Nang makarating na sa elevator ay nilingon niya ito. Tumatawa pa rin ito. Inambaan niya ito ng suntok.
Madamdamin nitong inilapat ang kamay sa dibdib. "I am so scared."
Iwinagayway niya ang nakakuyom na kamao rito, saka pumasok sa elevator. Nagpupuyos ang kanyang kalooban. Hanggang sa makabalik siya sa unit na tinutuluyan niya ay nanggagalaiti siya sa inis. Talo na naman siya. Pero babawi siya rito.
Nakaupo lang siya sa kutson niya, impit na tumitili sa gigil. Hanggang sa mapabuntong-hininga na lamang siya. Bakit ba niya hinahayaan ang Isagani na iyon na iparamdam sa kanya ang ganoong pagkapahiya sa sarili?
Ang dapat niyang isipin ngayon ay kung paano na ang magiging lagay niya kapag naibenta na ang unit na iyon at matanggap siya sa trabaho. Magsisimula siyang maghanap ng ibang matitirahan kapag natanggap na siya.
Kapag minamalas ka nga naman! Kunsabagay ay masuwerte na rin siya, kumpara sa iba. Ang kompanyang malamang na mapasukan niya ay malaki kung magpasuweldo. Kaya niyang mangupahan. Pero sayang lang din kasi ang libre na sanang tirahan niya.
Nakaramdam siya ng kung anong lungkot bigla. Ang totoo, nitong nakaraang dalawang taon ay parati niyang nadarama iyon. Pakiramdam niya ay napag-iiwanan na siya ng panahon. Ang mga ka-batch niya ay karaniwang may mga asawa na, o kung hindi naman ay matagumpay na sa career. Siya ay parang nagsisimula pa lang, ni wala pang boyfriend.
Bago matulog ay nanalangin siyang sana ay matanggap na talaga siya sa trabaho. At bago tuluyang hilahin ng antok ay naalala niya ang nang-iinis na mukha ni Isagani. Hanggang magising kinabukasan ay nakaismid siya.
--
(Will continue uploading later. Magluluto muna akong pandesal. LOL)
Don't forget to vote, leave a comment, and share.
Like my FB page: vanessachubby
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro