Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 7


"HYDRA bra" ang tawag sa padalang bra kay Bibi ng kanyang Tiya Guada. May tubig ang cup niyon "for extra perkiness," ayon sa kahon. Ang sabi nito, mas maganda raw ang hydra bra kaysa sa wonder bra.

Mukhang totoo naman. Kapag lumundag siya, lumulundag din ang bra. Parang totoong dede, hindi matigas, gaya ng ibang bra na may padding. Napansin niyang noong dinalhan niya ng spaghetti si Isagani ay ilang ulit niya itong nakitang nakatingin sa kanyang dibdib. Inaasahan na niya iyon.

Nag-research siya tungkol dito. Nang i-type niya sa isang search engine ang pangalan nito ay katakot-takot na impormasyon ang kanyang nakuha. Ang dami ring mga larawan doon nito. Ang dami-dami palang babaeng na-link dito. At ang one thing in common sa mga kababaihang iyon ay ang sukat ng dibdib. Mahilig ang lalaki sa mga babaeng malaki ang hinaharap.

Salamat sa hydra bra.

Crush niya si Isagani, isa iyong bagay na malinaw sa kanya. Sa tuwing nakikita niya ito, para bagang may naghahabulang daga sa kanyang dibdib. Para bang lalo na itong gumuguwapo sa bawat pagkakataon. At nauubusan na siya ng dahilan para makasilay dito.

Hindi niya maiwasang magpa-cute dito. Minsan nga ay naiinis na siya sa sarili niya dahil mukha namang walang epekto rito. Iyon nga lamang, hindi niya maawat ang sariling lumandi kapag naroon na ito.

Minsan ay parang ibig niyang mainis na gawa na ang vent niya. Wala na siyang dahilan upang puntahan itong muli sa unit nito, bagaman dalawang ulit pa siyang muling naglakas-loob magbalik doon, dala ang mga pagkaing niluto niya. Mukhang nasisiyahan naman ito dahil parating nagpapasalamat. Alam niyang hindi siya masarap magluto, pero kiber. Ang importante ay makasilay siya. Mailap kasi itong masyado. Minsan, kahit nakatambay siya sa lobby ng apartment building ay hindi niya ito nakikita.

Tulad na lamang nang araw na iyon. Kagagaling pa lamang niya sa kompanyang pinag-apply-an niya. Awa ng Diyos ay nagka-interview na rin siya. Sa linggong iyon ang final interview niya. Malaki ang hinala niyang magkakatrabaho na siya. At pagkagaling doon ay agad na niyang itinanong sa guwardiya kung nakita na nito si Isagani. Ang sabi ay hindi pa. Samakatuwid ay naroon pa ito sa unit nito. Kaya naghintay siya sa lobby. Hindi ito maaaring lumabas ng gusali na hindi dumadaan doon.

Dalawang oras na siya sa lobby, suot ang kanyang hydra bra, hindi pa rin ito bumababa. Naiinip na siya. Minsan, pakiramdam niya ay nagbalik siya sa pagka-teenager. Ganoong-ganoon din siya noong high school siya at hinihintay ang crush niyang opisyal ng CAT.

Nang maunawaan niyang malamang na sinasayang lang niya ang oras niya doon ay nagpasya siyang tumaas na lang, dismayadong-dismayado. Wala siyang silay nang araw na iyon.

Palapit na siya sa elevator nang bumukas iyon at iluwa ito. Nang magtama ang mga mata nila ay kusa siyang ngumiti.

"Hello!"

"Hi," simpleng sabi ntong naglakad na palabas. Sumunod naman siya.

"So, saan ka pupunta niyan?"

"Somewhere."

"Over the rainbow?" Tumawa siya, kahit alam niyang wala nang mas ko-corny pa sa joke niya. Wala siyang nakuhang reaksiyon mula rito, maliban sa ngiwi. Unti-unting pumugak-pugak ang tawa niya. Tinampal niya ito sa braso. "Matagal na kitang hindi nakikita, ah? Mukhang labas ka nang labas. Anong ginagawa mo?"

"Some things."

"Oh, I see. Ayaw mong sabihin, ha? Siguro, secret 'yan?" Shet! Bakit ba ang boba ko?! Ibig na niyang maglupasay. Para siyang walang utak bumuo ng usapan. Bakit ba hindi tila dinadaluyan ng dugo ang isip niya sa harap nito samantalang dati'y inaway-away pa niya ito?

"You need anything?" pormal nitong tanong bago buksan ang pinto ng sasakyan.

"W-wala naman. Hindi mo man lang ba ako kukumustahin?"

Natutop nito ang noo. "Look, Bibi, I know what's going on here. And I am flattered, really. But this is never going to work out. I'm sorry."

"A-ano ba'ng sinasabi mo diyan?" pagmamaang-maangan niya. Napahiya siya, mas magandang mag-deny siya.

"Stop the act, okay? You're disappointing me. Don't be like those women who throw themselves at me, okay?"

"I'm not."

"If so then you're doing a pretty good impression of them. You're a nice girl. Don't waste your time on me. I'm one of those assholes who make women cry. I don't have any plans to do that to you. Don't force yourself on me. Don't make excuses to see me or talk to me. It's not you, it's me. I'm not into you. You take care now." Tipid itong ngumiti, tinapik ang kanyang balikat, at sumakay na sa sasakyan na nito.

Nakamasid lamang siya hanggang mawala na iyon sa kanyang paningin, tulala. Napakadirekta nito. Harap-harapang sinabi iyon sa kanya. Parang nais niyang lumubog sa kinatatayuan.

Pero ang pagkapahiya niya ay saglit lamang namutawi sa kanyang isipan. Ang agad na pumalit ay galit. Padabog na nagtungo na siya sa kanyang unit, iritadong-iritado.

"Ubod ng yabang ng hayup na 'yun!" sambit niya sa kawalan. Hindi siya mapakali. Pakiramdam niya ay pinagtawanan nito ang bawat tangka niyang magpa-cute dito. At ano ang karapatan nitong ganoon ang ibigay na pakiramdam sa kanya?! Sino ba ito?!

Bandang alas-nuebe ay tumawag siya sa guwardiya, tinanong kung nasa apartment na si Isagani. Naging tropa na niya ito katatanong niya. At ilang ulit na rin niya itong binigyan ng pampadulas na de-lata. Iyong mga padala ng tiyahin niya. Tuwang-tuwa naman ito sa kanya. Nagbilin siya ritong agad siyang tawagan pagdating ni Isagani. Umoo naman ito.

Nang mag-ring ang telepono ay agad niya iyong sinagot. Akala niya ay ito, pero ang Tiya Guada pala niya. "Ano pong balita, Tiya?"

"Naku, eh, mag-empake ka na, Bibi, at baka hindi ka na magtatagal diyan."

"Po? Bakit naman po? Ngayon pa, eh, may third interview na ako sa Huwebes." Parang lumubog ang puso niya.

"Eh, nakausap ko iyong anak ng amo ko. Ihinahanap na pala ng buyer 'yan at may kausap na tila. Maganda na rin iyong ready ka."

"Tiya Guada naman, eh!"

"Eh, ano'ng gagawin ko? Hindi bale, padadalhan pa kita ng isa pang bra."

Ang tagal nilang nag-usap hanggang sa huli, wala siyang nagawa kundi manalanging sana ay hindi muna mabenta ang unit hangga't hindi siya nakakahanap ng malilipatan. Hindi siya maaaring mag-uwian dahil ang sabi ng nakausap niya, malamang daw na graveyard shift siya. Alas-dos ng madaling araw uwi niya.

Bad trip na bad trip siya. Noon muling nag-ring ang telepono. Inanunsiyo ng guard na bumalik na si Isagani. Nagpasya siyang harapin ito. Malas na lang nitong bad trip siya.

--

Don't forget to vote, leave a comment, and share.

Like my FB page: vanessachubby

Thanks!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro